Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NET. Switch to the NET to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Genesis 46-47

Si Jacob at ang Kanyang Angkan ay Pumunta sa Ehipto

46 Kaya't si Israel, dala ang lahat niyang pag-aari ay naglakbay at dumating sa Beer-seba, at doon ay nag-alay ng mga handog sa Diyos ng kanyang amang si Isaac.

Ang Diyos ay nagsalita kay Israel sa mga pangitain sa gabi, at sinabi, “Jacob, Jacob.” Sumagot siya, “Narito ako.”

Kanyang sinabi, “Ako ang Diyos, ang Diyos ng iyong ama; huwag kang matakot na pumunta sa Ehipto sapagkat doo'y gagawin kitang isang dakilang bansa.

Ako'y pupuntang kasama mo sa Ehipto, at muli rin kitang ibabalik; at isasara ng kamay ni Jose ang iyong mga mata.”

Kaya't naglakbay si Jacob mula sa Beer-seba at dinala ng mga anak ni Israel si Jacob na kanilang ama, ang kanilang mga anak, at ang kanilang mga asawa, sa mga karwahe na ipinadala ng Faraon kay Jacob.

Kanilang(A) dinala rin ang kanilang mga hayop, ang mga pag-aari na kanilang natamo sa lupain ng Canaan, at dumating sa Ehipto si Jacob at ang lahat ng inapong kasama niya.

Ang kanyang mga anak na lalaki at babae, at ang mga anak na lalaki at babae ng kanyang mga anak na kasama niya, at ang kanyang buong binhi ay dinala niya sa Ehipto.

Ito ang mga pangalan ng mga Israelita, si Jacob at ang kanyang mga inapo na dumating sa Ehipto: si Ruben na anak na panganay ni Jacob.

Ang mga anak ni Ruben: sina Hanoc, Fallu, Hesron, at Carmi.

10 Ang mga anak ni Simeon: sina Jemuel, Jamin, Ohad, Jakin, Zohar, at si Shaul na anak ng isang babaing taga-Canaan.

11 Ang mga anak ni Levi: sina Gershon, Kohat, at si Merari.

12 Ang mga anak ni Juda: sina Er, Onan, Shela, Perez, at si Zera; ngunit sina Er at Onan ay namatay sa lupain ng Canaan. At ang mga anak ni Perez ay sina Hesron at Hamul.

13 Ang mga anak ni Isacar: sina Tola, Pua, Job, at si Simron.

14 Ang mga anak ni Zebulon: sina Sered, Elon, at si Jalel

15 (ito ang mga anak ni Lea, na kanyang ipinanganak kay Jacob sa Padan-aram, kabilang dito ang kanyang anak na babaing si Dina. Ang lahat ng kanyang mga anak na lalaki at babae ay tatlumpu't tatlo).

16 Ang mga anak ni Gad: sina Zifion, Hagui, Suni, Ezbon, Eri, Arodi, at si Areli.

17 Ang mga anak ni Aser: sina Imna, Isva, Isui, Beriah, at Sera na kanilang kapatid na babae; at ang mga anak ni Beriah: sina Eber at Malkiel.

18 (ito ang mga anak ni Zilpa na siyang ibinigay ni Laban kay Lea na kanyang anak na babae, at ang mga ito ay kanyang ipinanganak kay Jacob, labing-anim na katao).

19 Ang mga anak ni Raquel na asawa ni Jacob: sina Jose at Benjamin.

20 At(B) kay Jose ay ipinanganak sa lupain ng Ehipto sina Manases at Efraim, na ipinanganak sa kanya ni Asenat, na anak ni Potifera na pari sa On.

21 At ang mga anak ni Benjamin: sina Bela, Beker, Asbel, Gera, Naaman, Ehi, Ros, Muppim, Hupim, at si Ard

22 (ito ang mga anak ni Raquel na ipinanganak kay Jacob: sa kabuuan ay labing-apat na katao).

23 Ang mga anak ni Dan: si Husim.

24 Ang mga anak ni Neftali: sina Jahzeel, Guni, Jeser, at si Shilem

25 (ito ang mga anak ni Bilha, na siyang ibinigay ni Laban kay Raquel na kanyang anak, at ang mga ito ang ipinanganak niya kay Jacob: sa kabuuan ay pitong katao).

26 Lahat ng taong sumama kay Jacob sa Ehipto, na kanyang sariling mga anak, bukod pa ang mga asawa ng mga anak ni Jacob, sa kabuuan ay animnapu't anim na katao.

27 Ang(C) mga anak ni Jose na ipinanganak sa kanya sa Ehipto ay dalawa; ang lahat ng tao sa sambahayan ni Jacob na pumunta sa Ehipto ay pitumpu.

28 At isinugo ni Israel si Juda kay Jose upang ituro ang daan patungo sa Goshen; at sila'y dumating sa lupain ng Goshen.

29 Inihanda ni Jose ang kanyang karwahe at umahon upang salubungin si Israel na kanyang ama sa Goshen. Siya'y humarap sa kanya, yumakap sa kanya, at umiyak nang matagal sa kanyang leeg.

30 Sinabi ni Israel kay Jose, “Ngayo'y hayaan na akong mamatay pagkatapos na makita kong[a] ikaw ay buháy pa.”

31 Sinabi ni Jose sa kanyang mga kapatid at sa sambahayan ng kanyang ama, “Ako'y aahon at sasabihin ko sa Faraon, ‘Ang aking mga kapatid, at ang sambahayan ng aking ama na nasa lupain ng Canaan ay pumarito sa akin;

32 ang mga lalaki ay mga pastol ng kawan sapagkat sila'y naging tagapag-alaga ng hayop, at kanilang dinala ang kanilang mga kawan, mga bakahan, at ang lahat nilang ari-arian.’

33 At kapag tinawag kayo ng Faraon, at sasabihin, ‘Ano ang inyong hanapbuhay?’

34 ay inyong sasabihin, ‘Ang iyong mga lingkod ay naging tagapag-alaga ng hayop mula sa aming pagkabata hanggang sa ngayon, kami at ang aming mga ninuno,’ upang kayo'y patirahin sa lupain ng Goshen, sapagkat bawat pastol ay kasuklamsuklam sa mga Ehipcio.”

Iniharap si Jacob sa Faraon

47 Kaya't pumunta si Jose sa Faraon at sinabi, “Ang aking ama, ang aking mga kapatid, ang kanilang mga kawan, mga bakahan, at ang lahat nilang pag-aari, ay dumating na mula sa lupain ng Canaan. Sila ngayon ay nasa lupain ng Goshen.”

Kumuha siya ng limang kalalakihan mula sa kanyang mga kapatid at kanyang iniharap sila sa Faraon.

Sinabi ng Faraon sa kanyang mga kapatid, “Ano ang inyong hanapbuhay?” At kanilang sinabi sa Faraon, “Ang iyong mga lingkod ay mga pastol, gaya ng aming mga ninuno.”

Kanilang sinabi sa Faraon, “Pumarito kami upang manirahan bilang dayuhan sa lupain. Walang pastulan para sa mga kawan na pag-aari ng iyong mga lingkod sapagkat ang taggutom ay matindi sa lupain ng Canaan. Ngayon ay pahintulutan mo na ang iyong mga lingkod ay manirahan sa lupain ng Goshen.”

Pagkatapos ay sinabi ng Faraon kay Jose, “Ang iyong ama at ang iyong mga kapatid ay pumarito sa iyo.

Ang lupain ng Ehipto ay nasa harapan mo; patirahin mo ang iyong ama at ang iyong mga kapatid sa pinakamabuti sa lupain, patirahin mo sila sa lupain ng Goshen at kung may alam ka sa kanilang may kakayahan, gawin mo silang mga tagapamahala ng aking mga hayop.”

Kaya't isinama ni Jose si Jacob na kanyang ama at pinatayo niya sa harapan ng Faraon, at binasbasan ni Jacob ang Faraon.

Sinabi ng Faraon kay Jacob, “Gaanong karami na ang mga araw ng mga taon ng iyong buhay?”

Sinabi ni Jacob sa Faraon, “Ang mga taon ng aking paninirahan sa lupa ay isandaan at tatlumpung taon; kakaunti at masasama ang naging mga taon ng aking buhay. Hindi iyon maihahambing sa mga taon ng buhay ng aking mga ninuno sa panahon ng kanilang mahabang pamumuhay.”

10 At binasbasan ni Jacob ang Faraon at umalis sa harapan ng Faraon.

11 Pinatira ni Jose ang kanyang ama at ang kanyang mga kapatid, at sila'y binigyan ng lugar sa lupain ng Ehipto, sa pinakamabuti sa lupain, sa lupain ng Rameses, gaya ng iniutos ng Faraon.

12 Binigyan ni Jose ng pagkain ang kanyang ama, ang kanyang mga kapatid, at ang buong sambahayan ng kanyang ama, ayon sa bilang ng kanilang mga anak.

Ang Taggutom at ang Bunga Noon

13 Noon ay walang pagkain sa buong lupain sapagkat matindi ang taggutom, at ang lupain ng Ehipto at ang lupain ng Canaan ay nanghina dahil sa taggutom.

14 Kaya't tinipon ni Jose ang lahat ng salapi na natagpuan sa lupain ng Ehipto at Canaan, kapalit ng trigong kanilang binibili at ipinasok ni Jose ang salapi sa bahay ng Faraon.

15 Nang ang salapi ay maubos nang lahat sa lupain ng Ehipto at Canaan, pumunta kay Jose ang lahat ng mga Ehipcio, at nagsabi, “Bigyan mo kami ng pagkain, bakit kami mamamatay sa iyong harapan? Sapagkat ang aming salapi ay naubos na.”

16 Sinabi ni Jose, “Ibigay ninyo ang inyong mga hayop; at bibigyan ko kayo kapalit ng inyong mga hayop, kung naubos na ang salapi.”

17 Kaya't dinala nila ang kanilang mga hayop kay Jose, at binigyan sila ni Jose ng pagkain kapalit ng mga kabayo, mga kawan, mga bakahan, at mga asno. Nang taong iyon, sila'y kanyang binigyan ng pagkain kapalit ng lahat nilang mga hayop.

18 Nang matapos ang taong iyon ay muli silang pumunta sa kanya nang ikalawang taon. Sinabi nila sa kanya, “Hindi namin maililihim sa aming panginoon na ang pilak at mga kawan ng hayop ay naubos na at ang mga kawan ng hayop ay sa aking panginoon na. Wala nang naiiwan sa paningin ng aking panginoon kundi ang aming katawan at ang aming mga lupain.

19 Dapat ba kaming mamatay sa inyong harapan, kami at ang aming lupain? Bilhin mo kami at ang aming mga lupain kapalit ng pagkain, at kami at ang aming lupain ay magiging mga alipin sa Faraon. Bigyan mo kami ng binhi, upang kami ay mabuhay at huwag mamatay, upang ang lupain ay huwag maging walang laman.”

20 Kaya't binili ni Jose ang buong lupain ng Ehipto para sa Faraon. Ipinagbili ng bawat isa sa mga Ehipcio ang kanyang bukid, sapagkat matindi para sa kanila ang taggutom. Kaya't ang lupain ay naging sa Faraon.

21 At tungkol sa mga tao, kanyang ginawa silang mga alipin mula sa isang dulo ng hangganan ng Ehipto hanggang sa kabilang dulo.

22 Tanging ang lupa lamang ng mga pari ang hindi niya binili, sapagkat ang Faraon ay nagtakda ng bahagi para sa mga pari at karaniwang kumakain sila mula sa bahagi na ibinibigay sa kanila ng Faraon. Dahil dito, hindi nila ipinagbili ang kanilang lupa.

23 Nang magkagayo'y sinabi ni Jose sa bayan, “Ngayo'y binili ko kayo sa araw na ito at ang inyong mga lupa para sa Faraon. Narito ang binhi para sa inyo; hasikan ninyo ang lupa.

24 Sa panahon ng inyong pag-aani ay ibibigay ninyo ang ikalimang bahagi sa Faraon, at ang apat na bahagi ay para sa inyo, para sa binhi sa bukid at bilang pagkain ninyo, ng inyong mga kasambahay, at ng inyong mga anak.”

25 Kanilang sinabi, “Iniligtas mo ang aming buhay; kung gugustuhin ng aking panginoon, kami ay magiging mga alipin ng Faraon.”

26 Kaya't ginawang kautusan ni Jose sa lupain ng Ehipto hanggang sa araw na ito na ang ikalimang bahagi ay para kay Faraon. Tanging ang lupa ng mga pari ang hindi naging kay Faraon.

Huling Pakiusap ni Jacob

27 Kaya't si Israel ay nanirahan sa lupain ng Ehipto, sa lupain ng Goshen; at sila'y nagkaroon ng mga pag-aari roon, at sumagana at naging napakarami.

28 Si Jacob ay nanirahan sa lupain ng Ehipto ng labimpitong taon; kaya't ang mga araw ni Jacob, ang mga taon ng kanyang buhay, ay isandaan at apatnapu't pitong taon.

29 Nang(D) ang araw ng kamatayan ni Israel ay malapit na, tinawag niya ang kanyang anak na si Jose, at sinabi sa kanya, “Kung ako ngayon ay makakatagpo ng biyaya sa iyong paningin, hinihiling ko na ilagay mo ang iyong kamay sa ilalim ng aking hita, at mangako kang maging tapat at tunay sa akin. Huwag mo akong ililibing sa Ehipto.

30 Kapag ako'y humimlay na kasama ng aking mga ninuno, ilabas mo ako mula sa Ehipto, at ilibing mo ako sa kanilang libingan.” At sinabi ni Jose, “Aking gagawin ang ayon sa iyong sinabi.”

31 Kanyang sinabi, “Sumumpa ka sa akin;” at sumumpa siya sa kanya. At yumuko si Israel sa ulunan ng kanyang higaan.

Mateo 15:1-28

Mga Minanang Turo(A)

15 Pagkatapos ay lumapit kay Jesus ang mga Fariseo at ang mga eskriba na nanggaling sa Jerusalem, at sinabi nila,

“Bakit lumalabag ang iyong mga alagad sa tradisyon ng matatanda? Hindi sila naghuhugas ng kanilang mga kamay bago sila kumain ng tinapay.”

Sumagot siya sa kanila at sinabi, “Bakit lumalabag naman kayo sa utos ng Diyos dahil sa inyong tradisyon?

Sapagkat(B) sinabi ng Diyos, ‘Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina;’ at ‘Ang magsalita ng masama sa ama o sa ina, ay dapat mamatay.’

Ngunit sinasabi ninyo na sinumang magsabi sa kanyang ama o sa kanyang ina, ‘Anumang pakikinabangin mo mula sa akin ay ipinagkaloob ko na sa Diyos.’ Ang taong iyon ay hindi na kailangang gumalang pa sa kanyang ama.

Kaya, pinawalang-saysay ninyo ang salita[a] ng Diyos dahil sa inyong tradisyon.

Kayong mga mapagkunwari, tama ang ipinahayag ni Isaias tungkol sa inyo nang sabihin niya,

‘Iginagalang(C) ako ng bayang ito sa kanilang mga labi,
    ngunit ang kanilang puso ay malayo sa akin.
At walang kabuluhan ang pagsamba nila sa akin,
    na itinuturo nila bilang mga aral ang mga alituntunin ng mga tao.’”

Ang Nagpaparumi sa Tao(D)

10 Pinalapit ni Jesus[b] sa kanya ang mga tao at sinabi sa kanila, “Pakinggan ninyo ito at unawain.

11 Hindi ang pumapasok sa bibig ang nagpaparumi sa tao, kundi ang lumalabas sa bibig ang nagpaparumi.”

12 Pagkatapos ay dumating ang mga alagad at sinabi sa kanya, “Alam mo bang nasaktan ang mga Fariseo nang marinig nila ang pananalitang ito?”

13 Ngunit sumagot siya at sinabi, “Ang bawat halamang hindi itinanim ng aking Ama na nasa langit ay bubunutin.

14 Hayaan(E) ninyo sila; sila'y mga bulag na taga-akay.[c] At kung ang bulag ay umakay sa bulag, kapwa sila mahuhulog sa hukay.”

15 Sumagot naman si Pedro at sinabi sa kanya, “Ipaliwanag mo sa amin ang talinghaga.”

16 At sinabi niya, “Pati ba naman kayo'y wala pa ring pang-unawa?

17 Hindi pa ba ninyo nalalaman na ang anumang pumapasok sa bibig ay tumutuloy sa tiyan, at inilalabas sa daanan ng dumi?

18 Ngunit(F) ang mga bagay na lumalabas sa bibig ay nagmumula sa puso at siyang nagpaparumi sa tao.

19 Sapagkat nagmumula sa puso ang masasamang pag-iisip, pagpatay, pangangalunya, pakikiapid, pagnanakaw, pagsaksi sa kasinungalingan, at paglapastangan.

20 Ito ang mga bagay na nagpaparumi sa tao; ngunit ang kumain nang hindi naghuhugas ng mga kamay ay hindi nagpaparumi sa tao.”

Ang Pananalig ng Babaing Cananea(G)

21 Umalis doon si Jesus at pumunta sa nasasakupan ng Tiro at Sidon.

22 May isang babaing Cananea na mula sa lupaing iyon ang lumabas at nagsimulang sumigaw, “Mahabag ka sa akin, O Panginoon, Anak ni David; ang anak kong babae ay pinahihirapan ng isang demonyo.”

23 Ngunit hindi siya sumagot sa kanya kahit isang salita. Lumapit ang kanyang mga alagad at nakiusap sa kanya, na nagsasabi, “Paalisin mo siya, sapagkat nagsisisigaw siya at sumusunod sa hulihan natin.”

24 Ngunit sumagot siya at sinabi, “Ako'y hindi sinugo maliban sa mga nawawalang tupa ng sambahayan ni Israel.”

25 Ngunit lumapit siya at lumuhod sa kanya, na nagsasabi, “Panginoon, tulungan mo ako.”

26 Siya'y sumagot at sinabi, “Hindi mabuti na kunin ang tinapay ng mga anak at itapon ito sa mga aso.”

27 Ngunit sinabi niya, “Oo, Panginoon. Subalit maging ang mga aso ay kumakain ng mga mumo na nalalaglag mula sa hapag ng kanilang mga panginoon.”

28 Nang magkagayo'y sumagot si Jesus at sinabi sa kanya, “O babae, napakalaki ng iyong pananampalataya! Mangyayari sa iyo ang sinasabi mo.” At gumaling ang kanyang anak sa oras ding iyon.

Mga Awit 19

Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.

19 Nagpapahayag ng kaluwalhatian ng Diyos ang kalangitan,
    at ang mga gawa ng kanyang kamay ay inihahayag ng kalawakan.
Sa araw-araw ay nagsasalita,
    at gabi-gabi ay nagpapahayag ng kaalaman.
Walang pananalita o mga salita man;
    ang kanilang tinig ay hindi narinig.
Ngunit(A) lumalaganap sa buong lupa ang kanilang tinig,
    at ang kanilang mga salita ay hanggang sa dulo ng daigdig.

Sa kanila ay naglagay siya ng tolda para sa araw,
na dumarating na gaya ng kasintahang lalaki na papalabas sa kanyang silid,
    at nagagalak gaya ng malakas na tao na tumatakbo sa takbuhan.
Ang kanyang pagsikat ay mula sa dulo ng mga langit,
    at sa mga dulo niyon ay ang kanyang pagligid,
    at walang bagay na nakukubli sa kanyang init.

Ang Kautusan ng Diyos

Ang kautusan ng Panginoon ay sakdal,

    na nagpapanauli ng kaluluwa;
ang patotoo ng Panginoon ay tiyak,
    na nagpapatalino sa kulang sa kaalaman.
Ang mga tuntunin ng Panginoon ay matuwid,
    na nagpapagalak sa puso;
ang utos ng Panginoon ay dalisay,
    na nagpapaliwanag ng mga mata.
Ang pagkatakot sa Panginoon ay malinis,
    na nananatili magpakailanman:
ang mga kahatulan ng Panginoon ay totoo
    at lubos na makatuwiran.
10 Higit na dapat silang naisin kaysa ginto,
    lalong higit kaysa maraming dalisay na ginto;
higit ding matamis kaysa pulot
    at sa pulot-pukyutang tumutulo.

11 Bukod dito'y binalaan ang iyong lingkod sa pamamagitan nila;
sa pagsunod sa mga iyon ay may dakilang gantimpala.
12 Sinong makakaalam ng kanyang mga kamalian?
    Patawarin mo ako sa mga pagkakamaling di nalalaman.
13 Ilayo mo rin ang iyong lingkod sa mga mapangahas na pagkakasala.
    Huwag mong hayaang ang mga iyon ay magkaroon ng kapangyarihan sa akin!
Kung gayo'y magiging matuwid ako,
    at magiging walang sala sa malaking paglabag.
14 Nawa'y ang mga salita ng bibig ko, at ang pagbubulay-bulay ng aking puso
    ay maging katanggap-tanggap sa paningin mo,
    O Panginoon, ang aking malaking bato at manunubos ko.

Mga Kawikaan 4:14-19

14 Huwag kang pumasok sa landas ng masama,
    at huwag kang lumakad sa daan ng taong masasama.
15 Iwasan mo iyon, huwag mong daanan;
    talikuran mo, at iyong lampasan.
16 Sapagkat hindi sila nakakatulog, malibang sila'y nakagawa ng kasamaan;
    at nananakawan sila ng tulog, malibang may isang taong kanilang mapabuwal.
17 Sapagkat sila'y kumakain ng tinapay ng kasamaan,
    at umiinom ng alak ng karahasan.
18 Ngunit ang landas ng matuwid ay parang liwanag ng bukang-liwayway,
    na sumisikat ng higit at mas maliwanag hanggang maging ganap na araw.
19 Ang daan ng masama ay parang malalim na kadiliman;
    hindi nila nalalaman kung ano ang kanilang kinakatisuran.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001