Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the EHV. Switch to the EHV to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Exodo 5:22-7:25

22 Si Moises ay bumalik sa Panginoon at nagsabi, “ Panginoon, bakit mo ginawan ng masama ang bayang ito? Bakit mo pa ako isinugo?

23 Mula nang ako'y pumaroon kay Faraon upang magsalita sa iyong pangalan ay kanyang ginawan ng kasamaan ang bayang ito at hindi mo man lamang iniligtas ang iyong bayan.”

Inulit ng Diyos ang Kanyang Pangako

Subalit sinabi ng Panginoon kay Moises, “Ngayo'y makikita mo kung ano ang gagawin ko kay Faraon, sapagkat sa pamamagitan ng makapangyarihang kamay ay kanyang paaalisin sila, at sa pamamagitan ng isang makapangyarihang kamay ay kanyang palalayasin sila sa kanyang lupain.”

Sinabi(A) ng Diyos kay Moises, “Ako ang Panginoon.

Ako'y nagpakita kay Abraham, kay Isaac, at kay Jacob bilang Diyos na Makapangyarihan sa lahat;[a] ngunit hindi ako nagpakilala sa kanila sa pamamagitan ng aking pangalang ‘Ang Panginoon’.[b]

Akin ding itinatag ang aking tipan sa kanila na ibibigay ko sa kanila ang lupain ng Canaan, ang lupain na kung saan sila'y nakipanirahan.

Bukod dito'y aking narinig ang daing ng mga anak ni Israel na inaalipin ng mga Ehipcio at aking naalala ang aking tipan.

Kaya't sabihin mo sa mga anak ni Israel, ‘Ako ang Panginoon at aking ilalabas kayo sa ilalim ng mga pasanin ng mga Ehipcio, at aking hahanguin kayo sa pagkaalipin sa kanila, at aking tutubusin kayo na may nakaunat na kamay at may mga dakilang kahatulan.

Kayo'y aking aariing aking bayan at ako'y magiging Diyos ninyo at inyong malalaman na ako'y Panginoon ninyong Diyos na nagpalaya sa inyo sa pagpapahirap ng mga Ehipcio.

Dadalhin ko kayo sa lupain na aking ipinangakong ibibigay kina Abraham, Isaac, at Jacob; at aking ibibigay ito sa inyo bilang pamana. Ako ang Panginoon.’”

Gayon ang sinabi ni Moises sa mga anak ni Israel; subalit hindi sila nakinig kay Moises dahil sa panlulupaypay at sa malupit na pagkaalipin.

10 Ang Panginoon ay nagsalita kay Moises,

11 “Pumasok ka, sabihin mo kay Faraon na hari ng Ehipto na kanyang pahintulutang umalis sa lupain niya ang mga anak ni Israel.”

12 Ngunit si Moises ay nagsalita sa Panginoon, “Ang mga anak ni Israel ay hindi nakinig sa akin; paano ngang makikinig si Faraon sa akin, ako na isang di-mahusay na tagapagsalita?”[c]

13 Subalit ang Panginoon ay nagsalita kay Moises at kay Aaron, at pinagbilinan sila tungkol sa mga anak ni Israel, at kay Faraon na hari ng Ehipto, upang ilabas ang mga anak ni Israel sa lupain ng Ehipto.

14 Ito ang mga puno sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno: ang mga anak ni Ruben na panganay ni Israel: si Hanoc, si Fallu, si Hesron, at si Carmi. Ito ang mga angkan ni Ruben.

15 Ang mga anak ni Simeon: si Jemuel, si Jamin, si Ohad, si Jakin, si Zohar, at si Shaul na anak sa isang babaing taga-Canaan; ito ang mga angkan ni Simeon.

16 Ito(B) ang mga pangalan ng mga anak ni Levi ayon sa kanilang salinlahi: si Gershon, si Kohat, at si Merari, at ang mga naging taon ng buhay ni Levi ay isang daan at tatlumpu't pitong taon.

17 Ang mga anak ni Gershon: sina Libni at Shimei, ayon sa kani-kanilang angkan.

18 Ang mga anak ni Kohat: sina Amram, Izar, Hebron, at Uziel, ang mga naging taon ng buhay ni Kohat ay isang daan at tatlumpu't tatlong taon.

19 Ang mga anak ni Merari: sina Mahli at Musi. Ito ang mga sambahayan ng mga Levita ayon sa kanilang salinlahi.

20 Naging asawa ni Amram si Jokebed na kapatid na babae ng kanyang ama, at ipinanganak nito sa kanya si Aaron at si Moises, at ang mga naging taon ng buhay ni Amram ay isang daan at tatlumpu't pitong taon.

21 Ang mga anak ni Izar: si Kora, si Nefeg, at si Zicri.

22 Ang mga anak ni Uziel: sina Misael, Elzafan, at Sitri.

23 Naging asawa ni Aaron si Eliseba, na anak ni Aminadab, na kapatid na babae ni Naashon; at ipinanganak nito sa kanya sina Nadab, Abihu, Eleazar, at Itamar.

24 Ang mga anak ni Kora: sina Asir, Elkana, at Abiasaf; ito ang mga angkan ng mga Korahita.

25 Si Eleazar na anak ni Aaron ay nakapag-asawa sa isa sa mga anak ni Putiel; at ipinanganak nito si Finehas. Ito ang mga ulo sa mga sambahayan ng mga ama ng mga Levita ayon sa kanilang mga angkan.

26 Ang mga ito'y ang Aaron at Moises na siyang pinagbilinan ng Panginoon: “Ilabas ninyo ang mga anak ni Israel sa lupain ng Ehipto ayon sa kanilang mga hukbo.”

27 Sila ang mga nagsalita kay Faraon na hari ng Ehipto, upang ilabas ang mga anak ni Israel sa Ehipto, ang Moises at ang Aaron na ito.

28 At nang araw na magsalita ang Panginoon kay Moises sa lupain ng Ehipto,

29 nagsalita ang Panginoon kay Moises, “Ako ang Panginoon; sabihin mo kay Faraon na hari ng Ehipto ang lahat ng aking sinasabi sa iyo.”

30 Ngunit sinabi ni Moises sa Panginoon, “Yamang ako'y di-mahusay magsalita,[d] bakit makikinig si Faraon sa akin?”

Ang Pagkasugo nina Moises at Aaron

Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Tingnan mo, ginawa kita bilang Diyos kay Faraon, at si Aaron na iyong kapatid ay magiging iyong propeta.

Iyong sasabihin ang lahat ng aking iniuutos sa iyo; at sasabihin kay Faraon ni Aaron na iyong kapatid upang pahintulutan ang mga anak ni Israel na lumabas sa kanyang lupain.

Subalit(C) aking papatigasin ang puso ni Faraon at aking pararamihin ang aking mga tanda at mga kababalaghan sa lupain ng Ehipto.

Ngunit si Faraon ay hindi makikinig sa inyo at aking ipapatong sa Ehipto ang aking kamay at ilalabas ko ang aking mga hukbo, ang aking bayan, na mga anak ni Israel, sa lupang Ehipto sa pamamagitan ng mga dakilang gawa ng paghatol.

Malalaman ng mga Ehipcio na ako ang Panginoon, kapag iniunat ko sa Ehipto ang aking kamay, at inilabas ko ang mga anak ni Israel mula sa kanila.”

Gayon ang ginawa ni Moises at ni Aaron; kung ano ang iniutos ng Panginoon sa kanila ay gayon ang ginawa nila.

Si Moises noon ay walumpung taong gulang at si Aaron ay walumpu't tatlong taong gulang nang sila'y makipag-usap kay Faraon.

Tanda ng Tungkod ni Aaron

Nagsalita ang Panginoon kina Moises at Aaron,

“Kapag sinabi ni Faraon sa inyo, ‘Patunayan ninyo ang inyong mga sarili sa pamamagitan ng kababalaghan;’ at iyo ngang sasabihin kay Aaron, ‘Kunin mo ang iyong tungkod at ihagis mo sa harap ni Faraon, upang ito'y maging isang ahas.’”

10 Kaya't sina Moises at Aaron ay pumunta kay Faraon at kanilang ginawa ang ayon sa iniutos ng Panginoon. Inihagis ni Aaron ang kanyang tungkod sa harap ni Faraon at ng kanyang mga lingkod at ito'y naging ahas.

11 Nang magkagayo'y ipinatawag naman ni Faraon ang mga pantas at ang mga manggagaway, at ang mga salamangkero sa Ehipto ay gumawa ng gayundin ayon sa kanilang mga lihim na kaalaman.

12 Inihagis ng bawat isa ang kanya-kanyang tungkod at naging mga ahas. Ngunit nilamon ng tungkod ni Aaron ang mga tungkod nila.

13 Ang puso ni Faraon ay nagmatigas pa rin, at hindi niya pinakinggan sila gaya ng sinabi ng Panginoon.

Pinagmatigas ni Faraon ang Kanyang Puso

14 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Ang puso ni Faraon ay nagmamatigas, ayaw niyang paalisin ang bayan.

15 Pumunta ka kay Faraon kinaumagahan habang siya'y patungo sa tubig. Tumayo ka sa tabi ng ilog upang harapin siya, at ang tungkod na naging ahas ay hawakan mo.

16 Sasabihin mo sa kanya, ‘Sinugo ako sa iyo ng Panginoon, ang Diyos ng mga Hebreo, na sinasabi, “Payagan mong umalis ang aking bayan, upang sila'y makasamba sa akin sa ilang.” Ngunit hanggang ngayon hindi mo pa tinutupad.’

17 Kaya't(D) ganito ang sabi ng Panginoon, “Sa pamamagitan nito ay makikilala mo na ako ang Panginoon.” Tingnan mo, aking hahampasin ng tungkod na nasa aking kamay ang tubig na nasa ilog at ito'y magiging dugo.

18 Ang mga isda na nasa ilog ay mamamatay, ang ilog ay babaho, at ang mga Ehipcio ay mandidiring uminom ng tubig sa Nilo.’”

19 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Sabihin mo kay Aaron, ‘Kunin mo ang iyong tungkod at iunat mo ang iyong kamay sa tubig sa Ehipto, sa kanilang mga ilog, sa kanilang mga bambang, at sa kanilang mga lawa at sa lahat nilang tipunan ng tubig, upang maging dugo ang mga ito; at magkakaroon ng dugo sa buong lupain ng Ehipto, maging sa mga sisidlang kahoy at maging sa mga sisidlang bato.’”

Ang Tubig ay Naging Dugo

20 Gayon ang ginawa nina Moises at Aaron, gaya ng iniutos ng Panginoon. Kanyang itinaas ang tungkod at hinampas ang tubig na nasa ilog, sa paningin ni Faraon at ng kanyang mga lingkod, at ang lahat ng tubig na nasa ilog ay naging dugo.

21 Ang mga isda sa ilog ay namatay at ang ilog ay bumaho at ang mga Ehipcio ay hindi makainom ng tubig sa ilog; at nagkaroon ng dugo sa buong lupain ng Ehipto.

22 Subalit ang mga salamangkero sa Ehipto ay gumawa ng gayundin sa pamamagitan ng kanilang mga lihim na kaalaman. Ang puso ni Faraon ay nagmatigas, at ayaw niyang pakinggan sila, gaya ng sinabi ng Panginoon.

23 Si Faraon ay tumalikod at umuwi sa kanyang bahay, na hindi man lamang niya inilagay ito sa kanyang puso.

24 Lahat ng mga Ehipcio ay humukay sa palibot ng ilog upang makakuha ng tubig na maiinom, sapagkat hindi nila mainom ang tubig sa ilog.

25 Pitong araw ang lumipas pagkatapos na hampasin ng Panginoon ang ilog.

Mateo 18:21-19:12

21 Pagkatapos(A) ay lumapit si Pedro at sinabi sa kanya, “Panginoon, makailang ulit magkakasala ang aking kapatid laban sa akin at siya'y aking patatawarin? Hanggang sa makapito ba?”

22 Sinabi(B) ni Jesus sa kanya, “Hindi ko sinasabi sa iyo, hanggang sa makapito, kundi, hanggang sa makapitumpung pito.[a]

Ang Talinghaga ng Lingkod na Hindi Nagpatawad

23 “Kaya't ang kaharian ng langit ay maihahambing sa isang hari, na nagnais na makipag-ayos sa kanyang mga alipin tungkol sa kanilang mga utang.

24 Nang pasimulan na niya ang pagkukuwenta, iniharap sa kanya ang isang nagkakautang sa kanya ng sampung libong talento.[b]

25 Palibhasa'y wala siyang maibayad, ipinag-utos ng panginoon niya na siya'y ipagbili, pati ang kanyang asawa at mga anak, at ang lahat ng kanyang ari-arian upang sila'y makabayad.

26 Dahil dito'y nanikluhod ang alipin, na nagsasabi, ‘Panginoon, pagpasensyahan mo ako, at babayaran kong lahat sa iyo.’

27 Dahil sa habag ng panginoon sa aliping iyon, siya ay pinalaya at pinatawad sa kanyang utang.

28 Ngunit ang alipin ding iyon, sa kanyang paglabas, ay natagpuan ang isa sa mga kapwa niya alipin na nagkautang sa kanya ng isandaang denario. Sinunggaban niya ito, sinakal, at sinabihan, ‘Bayaran mo ang utang mo.’

29 Kaya't nanikluhod ang kanyang kapwa alipin at nakiusap sa kanya, na nagsasabi, ‘Pagpasensyahan mo ako, at babayaran kita.’

30 Ngunit ayaw niya. Siya'y umalis at ipinabilanggo ang kapwa alipin[c] hanggang sa mabayaran nito ang utang.

31 Nang makita ng mga kapwa alipin ang nangyari, sila ay labis na nabahala. Umalis sila at isinumbong sa kanilang panginoon ang lahat ng nangyari.

32 Kaya't ipinatawag siya ng kanyang panginoon, at sinabi sa kanya, ‘Ikaw na masamang alipin! Ipinatawad ko sa iyo ang lahat ng utang na iyon, sapagkat nakiusap ka sa akin.

33 Hindi ba dapat kang nahabag sa iyong kapwa alipin, kung paanong nahabag ako sa iyo?’

34 At sa galit ng kanyang panginoon, ibinigay siya sa mga tagapagparusa hanggang sa magbayad siya sa lahat ng kanyang utang.

35 Gayundin naman ang gagawin sa bawat isa sa inyo ng aking Ama na nasa langit kung hindi ninyo taos-pusong patatawarin ang inyong kapatid.”

Ang Turo ni Jesus tungkol sa Diborsyo(C)

19 Nang matapos ni Jesus ang mga pananalitang ito, umalis siya sa Galilea at nagtungo sa mga nasasakupan ng Judea sa dakong ibayo ng Jordan.

Sumunod sa kanya ang napakaraming tao at sila'y pinagaling niya roon.

Lumapit sa kanya ang mga Fariseo at upang siya'y masubok ay kanilang itinanong, “Sang-ayon ba sa batas na hiwalayan ng isang tao ang kanyang asawa sa anumang kadahilanan?”

Ngunit(D) siya'y sumagot at sinabi, “Hindi ba ninyo nabasa na ang lumikha sa kanila buhat sa pasimula ay nilikha silang lalaki at babae,

at(E) kanyang sinabi, ‘Dahil dito, iiwan ng lalaki ang kanyang ama at ina at makikisama sa kanyang asawa, at ang dalawa ay magiging isang laman?’

Kaya, hindi na sila dalawa, kundi isang laman. Ang pinagsama nga ng Diyos, ay huwag papaghiwalayin ng tao.”

Sinabi(F) nila sa kanya, ‘Kung gayon, bakit ipinag-utos ni Moises sa amin na magbigay ng kasulatan ng paghihiwalay at hiwalayan ang babae?’

Sinabi niya sa kanila, “Dahil sa katigasan ng inyong puso ay ipinahintulot sa inyo ni Moises na inyong hiwalayan ang inyong mga asawang babae; ngunit buhat sa pasimula ay hindi gayon.

At(G) sinasabi ko sa inyo: sinumang ihiwalay ang kanyang asawang babae, maliban sa pakikiapid ang dahilan, at mag-asawa ng iba, ay nagkakasala ng pangangalunya.[d] At ang mag-asawa sa babaing inihiwalay ay nagkakasala ng pangangalunya.”

10 Sinabi ng mga alagad sa kanya, “Kung gayon ang kalagayan ng lalaki sa kanyang asawa, mas mabuti pang huwag mag-asawa.”

11 Ngunit sinabi niya sa kanila, “Hindi matatanggap ng lahat ang pananalitang ito, kundi iyon lamang pinagkalooban nito.

12 Sapagkat may mga eunuko,[e] na ipinanganak na gayon mula sa sinapupunan ng kanilang mga ina; at may mga eunuko na ginawang eunuko ng mga tao; at may mga eunuko na ginawang eunuko ang kanilang mga sarili alang-alang sa kaharian ng langit. Ang makakatanggap nito, ay hayaang tumanggap.”

Mga Awit 23

Awit ni David.

23 Ang Panginoon ay aking pastol; hindi ako magkukulang;
    pinahihiga(A) niya ako sa luntiang pastulan,
inaakay niya ako sa tabi ng mga tubig na pahingahan.
    Pinanunumbalik niya ang aking kaluluwa.
Inaakay niya ako sa mga landas ng katuwiran
    alang-alang sa kanyang pangalan.

Bagaman ako'y lumakad sa libis ng lilim ng kamatayan,
    wala akong katatakutang kasamaan;
sapagkat ikaw ay kasama ko,
    ang iyong pamalo at ang iyong tungkod,
    inaaliw ako ng mga ito.

Ipinaghahanda mo ako ng hapag
    sa harapan ng aking mga kaaway;
iyong binuhusan ng langis ang aking ulo,
    umaapaw ang aking saro.
Tiyak na ang kabutihan at kaawaan ay susunod sa akin
    sa lahat ng mga araw ng aking buhay;
at ako'y maninirahan sa bahay ng Panginoon
    magpakailanman.[a]

Mga Kawikaan 5:22-23

22 Ang masama'y nabibitag sa sarili niyang kasamaan,
    at siya'y nahuhuli sa mga tali ng kanyang kasalanan.
23 Siya'y mamamatay sa kakulangan ng disiplina,
    at dahil sa kanyang kahangalan ay naliligaw siya.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001