Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Genesis 13:5-15:21

Si Lot na sumama kay Abram ay mayroon ding mga tupa, baka, at mga tolda.

Hindi makayanan ng lupain na sila'y manirahang magkasama sapagkat napakarami ng kanilang pag-aari.

Paghiwalay kay Lot

At nagkaroon ng pagtatalo ang mga pastol ng hayop ni Abram at ang mga pastol ng hayop ni Lot. Ang Cananeo at ang Perezeo ay naninirahan noon sa lupain.

Sinabi ni Abram kay Lot, “Huwag na tayong magkaroon ng pagtatalo, maging ang ating mga pastol, sapagkat tayo'y magkapatid.

Di ba nasa harapan mo ang buong lupain? Humiwalay ka sa akin. Kapag kinuha mo ang nasa kaliwa, ako ay pupunta sa kanan; o kapag kinuha mo ang nasa kanan, ako ay pupunta sa kaliwa.”

10 Inilibot(A) ni Lot ang kanyang paningin, at natanaw niya ang buong libis ng Jordan na pawang natutubigang mabuti gaya ng halamanan ng Panginoon, gaya ng lupain ng Ehipto, sa gawi ng Zoar; ito ay bago winasak ng Panginoon ang Sodoma at Gomorra.

11 Kaya't pinili ni Lot para sa kanya ang buong libis ng Jordan; at si Lot ay naglakbay sa silangan at sila'y kapwa naghiwalay.

12 Nanirahan si Abram sa lupain ng Canaan, at si Lot ay nanirahan sa mga bayan ng libis, at inilipat ang kanyang tolda hanggang sa Sodoma.

13 Ang mga tao nga sa Sodoma ay napakasama at makasalanan sa harap ng Panginoon.

Nagtungo si Abram sa Hebron

14 Sinabi ng Panginoon kay Abram pagkatapos na humiwalay si Lot sa kanya, “Itaas mo ngayon ang iyong paningin, at tumanaw ka mula sa dakong iyong kinalalagyan, sa dakong hilaga, timog, silangan, at sa kanluran;

15 sapagkat(B) ang buong lupaing natatanaw mo ay ibibigay ko sa iyo, at sa iyong binhi magpakailanman.

16 Gagawin kong parang alabok ng lupa ang iyong binhi, at kung mabibilang ng sinuman ang alabok ng lupa, ang iyong binhi ay mabibilang din.

17 Tumindig ka! Lakarin mo ang lupain, ang kanyang haba at luwang sapagkat ibibigay ko ito sa iyo.”

18 At inilipat ni Abram ang kanyang tolda, at humayo at nanirahan sa gitna ng mga punong ensina ni Mamre na nasa Hebron, at siya'y nagtayo roon ng dambana sa Panginoon.

Iniligtas ni Abram si Lot

14 Nang mga araw ni Amrafel, hari ng Shinar, ni Arioc na hari ng Elasar, ni Kedorlaomer na hari ng Elam, at ni Tidal na hari ng mga Goiim,

ang mga ito ay nakipagdigma laban kay Bera na hari ng Sodoma, kay Birsha na hari ng Gomorra, kay Shinab na hari ng Adma, kay Shemeber na hari ng Zeboyin, at ng hari sa Bela na si Zoar.

Silang lahat ay nagsama-sama sa libis ng Siddim na siyang Dagat na Patay.

Labindalawang taon silang naglingkod kay Kedorlaomer, at sa ikalabintatlong taon ay naghimagsik.

Sa ikalabing-apat na taon ay dumating si Kedorlaomer at ang mga haring kasama niya, at nilupig ang mga Refaim sa Astarot-carnaim, ang mga Zuzita sa Ham, ang mga Emita sa Save-Kiryataim,

at ang mga Horeo sa kanilang kabundukan ng Seir hanggang Elparan na nasa tabi ng ilang.

Pagkatapos, sila'y bumalik at tumungo sa Enmispat (na siyang Kadesh), at kanilang nilupig ang buong lupain ng mga Amalekita at pati ng mga Amoreo na nakatira sa Hazazon-tamar.

At lumabas ang mga hari ng Sodoma, Gomorra, Adma, Zeboyin, Bela na si Zoar; at sila'y sumama sa pakikidigma sa libis ng Siddim

laban kay Kedorlaomer na hari ng Elam, kay Tidal na hari ng mga Goiim, kay Amrafel na hari ng Shinar, at kay Arioc na hari ng Elasar; apat na hari laban sa lima.

10 Ang libis ng Siddim ay punô ng hukay ng betun, at nang tumakas ang mga hari ng Sodoma at ng Gomorra, ang ilan ay nahulog doon, at ang natira ay tumakas sa kabundukan.

11 At kanilang sinamsam ang lahat ng pag-aari at pagkain ng Sodoma at Gomorra, at saka umalis.

12 Dinala nila si Lot na anak ng kapatid ni Abram, na nakatira sa Sodoma, at ang kanyang mga pag-aari at sila'y umalis.

13 At dumating ang isang nakatakas at ibinalita kay Abram na Hebreo na naninirahan sa mga puno ng ensina ni Mamre na Amoreo, kapatid nina Escol at Aner. Ang mga ito ay mga kakampi ni Abram.

14 Nang marinig ni Abram na nabihag ang kanyang kamag-anak, pinangunahan niya ang kanyang tatlong daan at labingwalong mga sanay na tauhan na ipinanganak sa kanyang bahay, at kanilang hinabol sila hanggang sa Dan.

15 Kinagabihan, sila'y nagpangkat-pangkat laban sa kaaway, siya at ang kanyang mga alipin, at sila'y kanilang ginapi at hinabol sila hanggang sa Hoba na nasa hilaga ng Damasco.

16 At iniuwi niya ang lahat ng pag-aari, gayundin si Lot na kanyang kamag-anak at ang kanyang mga pag-aari, at ang mga kababaihan at ang taong-bayan.

Binasbasan ni Melquizedek si Abram

17 Siya'y sinalubong ng hari ng Sodoma pagkatapos na siya'y bumalik mula sa pagkatalo ni Kedorlaomer, at sa mga haring kasama niya sa libis ng Shave (na siyang libis ng hari).

18 At(C) si Melquizedek, hari ng Salem na pari ng Kataas-taasang Diyos,[a] ay naglabas ng tinapay at alak.

19 Siya'y kanyang binasbasan na sinabi, “Pagpalain si Abram ng Kataas-taasang Diyos, na lumikha ng langit at ng lupa;

20 at purihin ang Kataas-taasang Diyos, na nagbigay ng iyong mga kaaway sa iyong kamay.” At binigyan siya ni Abram ng ikasampung bahagi ng lahat.

21 Sinabi ng hari ng Sodoma kay Abram, “Ibigay mo sa akin ang mga tao at kunin mo ang mga ari-arian para sa iyong sarili.”

22 Sinabi ni Abram sa hari ng Sodoma, “Ako'y sumumpa sa Panginoong Diyos na Kataas-taasan, na lumikha ng langit at ng lupa,

23 na hindi ako kukuha kahit isang sinulid, o isang panali ng sandalyas, o ng anumang para sa iyo, baka iyong sabihin, ‘Pinayaman ko si Abram.’

24 Wala akong kukunin, maliban sa kinain ng mga kabataang lalaki at ang bahagi ng mga lalaking sumama sa akin—sina Aner, Escol, at Mamre. Ibigay mo sa kanila ang kanilang bahagi.”

Ang Tipan ng Diyos kay Abram

15 Pagkatapos ng mga bagay na ito, dumating ang salita ng Panginoon kay Abram sa isang pangitain, “Huwag kang matakot, Abram; ako ang iyong kalasag, ang iyong gantimpala ay magiging napakadakila.”

Ngunit sinabi ni Abram, “O Panginoong Diyos, anong ibibigay mo sa akin, yamang ako'y patuloy na walang anak at ang tagapagmana ng aking bahay ay si Eliezer ng Damasco?”

At sinabi ni Abram, “Hindi mo ako binigyan ng anak at isang alipin na ipinanganak sa aking bahay ang magiging tagapagmana ko.”

Ngunit ang salita ng Panginoon ay dumating sa kanya, “Hindi ang taong ito ang magiging tagapagmana mo; ang iyong sariling anak ang magiging tagapagmana mo.”

Siya'y(D) dinala niya sa labas at sinabi, “Tumingala ka ngayon sa langit, at iyong bilangin ang mga bituin, kung mabibilang mo.” At sinabi sa kanya, “Magiging ganyan ang iyong binhi.”

Sumampalataya(E) siya sa Panginoon; at ito'y ibinilang na katuwiran sa kanya.

At sinabi niya sa kanya, “Ako ang Panginoon na nagpaalis sa iyo sa Ur ng mga Caldeo, upang ibigay sa iyo ang lupaing ito para angkinin.”

Sinabi niya, “O Panginoong Diyos, paano ko malalaman na mamanahin ko iyon?”

At sinabi sa kanya, “Magdala ka rito ng isang dumalagang bakang tatlong taon ang gulang, isang babaing kambing na tatlong taon ang gulang, isang lalaking tupang tatlong taon ang gulang, isang inakay na batu-bato, at isang inakay na kalapati.”

10 Dinala niya ang lahat ng ito sa kanya at hinati niya sa gitna, at kanyang inihanay na magkakatapat ang isa't isa subalit hindi niya hinati ang mga ibon.

11 Nang bumaba ang mga ibong mandaragit sa mga bangkay, ang mga iyon ay binugaw ni Abram.

12 Nang(F) lulubog na ang araw, nakatulog si Abram nang mahimbing; isang makapal at nakakatakot na kadiliman ang dumating sa kanya.

13 Sinabi(G) ng Panginoon kay Abram, “Tunay na dapat mong malaman na ang iyong binhi ay magiging taga-ibang bayan sa lupaing hindi kanila, at sila'y magiging mga alipin doon, at sila'y pahihirapan sa loob ng apatnaraang taon;

14 ngunit(H) ang bansang kanilang paglilingkuran ay aking hahatulan; at pagkatapos ay aalis sila na may malaking ari-arian.

15 Subalit ikaw ay payapang tutungo sa iyong mga ninuno, at ikaw ay malilibing sa panahong lubos na ang iyong katandaan.

16 Sa ikaapat na salin ng iyong binhi, muli silang babalik rito sapagkat hindi pa nalulubos ang kasamaan ng mga Amoreo.”

17 Nang lumubog na ang araw at madilim na, isang hurnong umuusok at ang isang tanglaw na nagniningas ang dumaan sa gitna ng mga hinating hayop.

18 Nang(I) araw na iyon, ang Panginoon ay nakipagtipan kay Abram, na sinasabi, “Ibinigay ko ang lupaing ito sa iyong binhi, mula sa ilog ng Ehipto hanggang sa malaking ilog, ang Ilog Eufrates,

19 ang lupain ng mga Kineo, Kenizeo, at ng mga Cadmoneo,

20 ng mga Heteo, Perezeo, at Refaim,

21 at ng mga Amoreo, Cananeo, Gergeseo, at ng mga Jebuseo.”

Mateo 5:27-48

Turo tungkol sa Pangangalunya

27 “Narinig(A) ninyo na sinabi, ‘Huwag kang mangangalunya.’

28 Ngunit sinasabi ko sa inyo, na ang bawat tumitingin sa isang babae na may pagnanasa ay nagkasala na sa kanya ng pangangalunya sa kanyang puso.

29 Kung(B) ang kanan mong mata ang sanhi ng iyong pagkakasala, dukitin mo ito at itapon, sapagkat mabuti pang mawalan ka ng isa sa mga bahagi ng iyong katawan kaysa ang buong katawan mo ay mapatapon sa impiyerno.

30 At(C) kung ang kanan mong kamay ang sanhi ng iyong pagkakasala, putulin mo ito at itapon, sapagkat mabuti pang mawalan ka ng isa sa mga bahagi ng iyong katawan kaysa ang buong katawan mo ay mapunta sa impiyerno.

Turo tungkol sa Paghihiwalay ng Mag-asawa(D)

31 “Sinabi(E) rin naman, ‘Sinumang makipaghiwalay sa kanyang asawang babae, dapat niyang bigyan ito ng kasulatan ng paghihiwalay.’

32 Ngunit(F) sinasabi ko sa inyo, na ang bawat nakikipaghiwalay sa kanyang asawang babae maliban sa pakikiapid, ay nagtutulak sa kanya sa pakikiapid; at ang sinumang mag-asawa sa babaing hiniwalayan ay nagkakasala ng pangangalunya.

Turo tungkol sa Panunumpa

33 “Narinig(G) din ninyo na sinabi sa mga tao noong unang panahon, ‘Huwag mong sisirain ang iyong panata kundi tutuparin mo ang iyong mga ipinanata sa Panginoon.’

34 Ngunit(H) sinasabi ko sa inyo, huwag ninyong ipanumpa ang anuman, maging ang langit, sapagkat iyon ang trono ng Diyos;

35 kahit(I) ang lupa, sapagkat ito ang tuntungan ng kanyang mga paa; kahit ang Jerusalem, sapagkat iyon ang lunsod ng dakilang Hari.

36 Huwag mong ipanumpa maging ang iyong ulo, sapagkat hindi mo magagawang puti o itim ang isang buhok.

37 Ngunit ang inyong pananalita ay maging oo kung oo; Hindi kung hindi; anumang higit pa rito ay buhat sa masama.

Turo tungkol sa Paghihiganti(J)

38 “Narinig(K) ninyo na sinabi, ‘Mata sa mata, at ngipin sa ngipin.’

39 Ngunit sinasabi ko sa inyo, ‘Huwag ninyong labanan ang masamang tao.’ At kung ikaw ay sampalin ng sinuman sa kanang pisngi, iharap mo rin sa kanya ang kabila.

40 Kung ipagsakdal ka ng sinuman, at kunin ang iyong baro, ibigay mo rin sa kanya ang iyong balabal.

41 Kung may sinumang pumilit sa iyo na lumakad ka ng isang milya, lumakad ka ng dalawang milya na kasama niya.

42 Bigyan mo ang humihingi sa iyo, at huwag mong pagkaitan ang ibig humiram mula sa iyo.

Ibigin ang Kaaway(L)

43 “Narinig ninyo na sinabi, ‘Ibigin mo ang iyong kapwa, at kapootan mo ang iyong kaaway.’

44 Ngunit sinasabi ko sa inyo, Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway, at idalangin ninyo ang umuusig sa inyo,

45 upang kayo'y maging mga anak ng inyong Ama na nasa langit, sapagkat pinasisikat niya ang kanyang araw sa masasama at sa mabubuti, at nagpapaulan sa mga matuwid at sa mga di-matuwid.

46 Sapagkat kung umiibig kayo sa mga umiibig lamang sa inyo, anong gantimpala mayroon kayo? Hindi ba gayundin ang ginagawa maging ng mga maniningil ng buwis?

47 At kung mga kapatid lamang ninyo ang inyong binabati, anong ginagawa ninyo na higit kaysa iba? Hindi ba't kahit ang mga Hentil ay gayundin ang ginagawa?

48 Kaya't kayo(M) nga'y maging sakdal, gaya ng inyong Ama sa langit na sakdal.

Mga Awit 6

Sa Punong Mang-aawit: sa Saliw ng Instrumentong may Kuwerdas; ayon sa Sheminith. Awit ni David.

O(A) Panginoon, huwag mo akong sawayin sa iyong kagalitan,
    ni sa iyong pagkapoot, ako ay parusahan man.
Maawa ka sa akin, O Panginoon; sapagkat ako'y nanghihina;
    O Panginoon, pagalingin mo ako; sapagkat nanginginig ang aking mga buto.
Ang aking kaluluwa ay nababagabag ding mainam.
    Ngunit ikaw, O Panginoon, hanggang kailan?

Bumalik ka, O Panginoon, iligtas mo ang aking buhay;
    iligtas mo ako alang-alang sa iyong tapat na pagmamahal.
Sapagkat sa kamatayan ay hindi ka naaalala;
    sa Sheol naman ay sinong sa iyo ay magpupuri pa?

Sa aking pagdaing ako ay napapagod na,
    bawat gabi ay pinalalangoy ko ang aking higaan,
    dinidilig ko ang aking higaan ng aking mga pagluha.
Ang aking mga mata dahil sa dalamhati ay namumugto,
    ito'y tumatanda dahil sa lahat ng mga kaaway ko.

Lumayo(B) kayo sa akin, kayong lahat na gumagawa ng kasamaan,
    sapagkat ang tinig ng aking pagtangis ay kanyang pinakinggan.
Narinig ng Panginoon ang aking pagdaing;
    tinatanggap ng Panginoon ang aking panalangin.
10 Lahat ng kaaway ko'y mapapahiya at mababagabag na mainam;
    sila'y babalik, at kaagad na mapapahiya.

Mga Kawikaan 1:29-33

29 Sapagkat kinamuhian nila ang kaalaman,
    at hindi pinili ang takot sa Panginoon.
30 Ayaw nila sa aking payo;
    hinamak nila ang lahat kong pagsaway.
31 Kaya't kakainin nila ang bunga ng kanilang sariling lakad,
    at mabubusog sa kanilang sariling mga pakana.
32 Sapagkat ang pagkaligaw ang pumapatay sa walang alam,
    at ang pagsasawalang-bahala ang sumisira sa hangal.
33 Ngunit ang nakikinig sa akin ay tatahang tiwasay,
    at papanatag na walang takot sa kasamaan.”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001