The Daily Audio Bible
Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.
17 At umalis si Isaac doon at nagkampo sa libis ng Gerar at nanirahan doon.
18 Muling hinukay ni Isaac ang mga balon ng tubig na kanilang hinukay nang mga araw ni Abraham na kanyang ama; sapagkat pinagtatabunan iyon ng mga Filisteo pagkamatay ni Abraham. Pinangalanan niya ang mga iyon ayon sa mga pangalang itinawag sa kanila ng kanyang ama.
19 Humukay sa libis ang mga alipin ni Isaac at nakatagpo roon ng isang balon ng tubig na bumubukal.
20 Nakipagtalo ang mga pastol ng Gerar sa mga pastol ni Isaac, na sinasabi, “Ang tubig ay amin.” Kanyang tinawag ang pangalan ng balon na Esec[a] sapagkat sila'y nakipagtalo sa kanya.
21 Kaya't sila'y humukay ng ibang balon at muli nilang pinagtalunan, at ito ay tinawag niya sa pangalang Sitnah.[b]
22 Umalis siya roon at humukay ng ibang balon at hindi nila pinagtalunan at ito ay kanyang tinawag sa pangalang Rehobot,[c] at kanyang sinabi, “Sapagkat ngayo'y binigyan tayo ng Panginoon ng kaluwagan at tayo ay magiging mabunga sa lupain.”
23 Mula roon ay umahon siya sa Beer-seba.
24 At nagpakita sa kanya ang Panginoon nang gabi ring iyon at sinabi, “Ako ang Diyos ng iyong amang si Abraham. Huwag kang matakot sapagkat sasamahan kita, at ikaw ay aking pagpapalain, at aking pararamihin ang iyong binhi alang-alang kay Abraham na aking lingkod.”
25 Doon ay nagtayo si Isaac ng isang dambana at tumawag sa pangalan ng Panginoon. Itinayo niya roon ang kanyang tolda at humukay doon ng balon ang mga alipin ni Isaac.
Ang Sumpaan nina Isaac at Abimelec
26 Pagkatapos(A) noo'y pumunta si Abimelec sa kanya mula sa Gerar, kasama si Ahuzath na kanyang tagapayo, at si Ficol na kapitan ng kanyang hukbo.
27 Sinabi sa kanila ni Isaac, “Bakit kayo pumarito sa akin, yamang kayo'y napopoot sa akin at pinalayas ninyo ako?”
28 At sinabi nila, “Malinaw naming nakita na ang Panginoon ay naging kasama mo; kaya't sinasabi namin, ‘Magkaroon tayo ng sumpaan, kami ay makikipagtipan sa iyo,’
29 na hindi ka gagawa sa amin ng masama, gaya rin na hindi ka namin ginalaw, at wala kaming ginawa sa iyong di mabuti, at pinaalis ka naming payapa. Ikaw ngayon ang pinagpala ng Panginoon.”
30 Kaya siya'y nagpahanda ng maraming pagkain para sa kanila, at sila'y kumain at uminom.
31 Kinaumagahan, maaga silang gumising at sila'y nagsumpaan. Sila'y pinalakad na ni Isaac sa kanilang patutunguhan at iniwan nilang payapa si Isaac.
32 Nang araw ding iyon, dumating ang mga alipin ni Isaac at siya'y binalitaan tungkol sa hinukay nilang balon, at sinabi sa kanya, “Nakatagpo kami ng tubig.”
33 Tinawag niya itong Seba[d] kaya't ang pangalan ng bayang iyon ay Beer-seba[e] hanggang ngayon.
Mga Naging Asawa ni Esau
34 Nang si Esau ay apatnapung taong gulang, siya ay nag-asawa kay Judith na anak ni Beeri na Heteo, at kay Basemat na anak ni Elon na Heteo.
35 At ginawa nilang mapait ang buhay para kina Isaac at Rebecca.
Binasbasan ni Isaac si Jacob
27 Nang matanda na si Isaac, malabo na ang kanyang mga mata at anupa't hindi na makakita. Tinawag niya si Esau na kanyang panganay at sinabi sa kanya, “Anak ko.” At kanyang sinabi, “Narito ako.”
2 At sinabi niya, “Masdan mo, ako'y matanda na at hindi ko nalalaman ang araw ng aking kamatayan.
3 Hinihiling ko na kunin mo ngayon ang iyong mga sandata, ang iyong lalagyan ng pana, at ang iyong busog. Pumunta ka sa parang at ihuli mo ako ng usa.[f]
4 Ipaghanda mo ako ng masarap na pagkain gaya ng aking ibig, at dalhin mo rito sa akin at ako'y makakain, upang ikaw ay mabasbasan ko bago ako mamatay.”
5 Naririnig ni Rebecca ang pagsasalita ni Isaac kay Esau na kanyang anak. Kaya't nang pumunta si Esau sa parang upang manghuli ng usa at magdala nito,
6 ay sinabi ni Rebecca kay Jacob na kanyang anak, “Narinig ko ang iyong ama na nagsasabi kay Esau na iyong kapatid,
7 ‘Dalhan mo ako ng usa, at ipaghanda mo ako ng masarap na pagkain upang ako'y makakain, at ikaw ay aking basbasan sa harap ng Panginoon bago ako mamatay.’
8 Kaya ngayon, anak ko, sundin mo ang aking sinabi, ayon sa iniutos ko sa iyo.
9 Pumaroon ka ngayon sa kawan, at dalhin mo sa akin ang dalawang magandang batang kambing at gagawin kong masarap na pagkain para sa iyong ama, ayon sa kanyang ibig.
10 Dadalhin mo ito sa iyong ama at hayaan mong kumain upang ikaw ay kanyang basbasan bago siya mamatay.”
11 Subalit sinabi ni Jacob kay Rebecca na kanyang ina, “Si Esau na aking kapatid ay taong mabalahibo at ako'y taong makinis.
12 Baka hipuin ako ng aking ama, at ako ay magiging mandaraya sa kanyang paningin; at ang aking matatanggap ay sumpa at hindi pagpapala.”
13 Sinabi sa kanya ng kanyang ina, “Mapasaakin na ang sumpa sa iyo, anak ko. Sundin mo lamang ang aking sinabi. Umalis ka na at dalhin ang mga iyon sa akin.”
14 Kaya't siya'y umalis at kinuha ang mga ito at dinala sa kanyang ina. Gumawa ang kanyang ina ng masarap na pagkaing gusto ng kanyang ama.
15 Kinuha ni Rebecca ang pinakamagandang damit ng kanyang panganay na anak na si Esau na nasa kanya sa bahay at isinuot kay Jacob na kanyang bunsong anak.
16 At ang mga balat ng mga batang kambing ay ibinalot sa kanyang mga kamay, at sa makinis na bahagi ng kanyang leeg.
Tinanggap ni Jacob ang Pagpapala ni Isaac
17 Ibinigay niya ang masarap na pagkain at ang tinapay na kanyang inihanda kay Jacob na kanyang anak.
18 At siya'y lumapit sa kanyang ama at sinabi, “Ama ko;” at sinabi niya, “Narito ako; sino ka, anak ko?”
19 Sinabi ni Jacob sa kanyang ama, “Ako'y si Esau na iyong panganay; ginawa ko ang ayon sa sinabi mo sa akin. Bumangon ka ngayon, umupo at kumain ka ng aking usa upang ako'y mabasbasan mo.”
20 At sinabi ni Isaac sa kanyang anak, “Ano't napakadali mong nakakuha, anak ko?” At sinabi niya, “Sapagkat ang Panginoon mong Diyos ang nagbigay sa akin ng tagumpay.”
21 Sinabi ni Isaac kay Jacob, “Anak ko, lumapit ka rito at hahawakan kita, kung ikaw nga ang aking anak na si Esau o hindi.”
22 Lumapit si Jacob kay Isaac na kanyang ama at hinawakan siya at sinabi, “Ang tinig ay tinig ni Jacob, ngunit ang mga kamay ay mga kamay ni Esau.”
23 Hindi niya nakilala si Jacob[g] sapagkat ang kanyang kamay ay kagaya ng mabalahibong mga kamay ng kanyang kapatid na si Esau. Kaya't siya'y binasbasan ni Isaac.[h]
24 At sinabi niya, “Ikaw nga ba ang aking anak na si Esau?” At sinabi ni Jacob,[i] “Ako nga.”
25 Sinabi niya, “Dalhin mo na sa akin upang makakain ako ng usa[j] ng aking anak, upang mabasbasan ka.” Inilapit niya ito sa kanya at kumain siya, at siya'y dinalhan niya ng alak, at siya'y uminom.
26 Sinabi sa kanya ni Isaac na kanyang ama, “Anak ko, lumapit ka ngayon at humalik ka sa akin.”
27 At(B) siya'y lumapit at humalik siya sa kanya at naamoy ng ama ang amoy ng kanyang mga suot. Siya'y binasbasan, at sinabi,
“Ang amoy ng aking anak
ay gaya ng amoy ng isang parang na pinagpala ng Panginoon.
28 Nawa'y bigyan ka ng Diyos ng hamog ng langit,
at ng taba ng lupa,
at ng saganang trigo at alak.
29 Ang(C) mga bayan nawa ay maglingkod sa iyo,
at ang mga bansa ay magsiyukod sa iyo.
Maging panginoon ka nawa ng iyong mga kapatid,
at magsiyukod sa iyo ang mga anak ng iyong ina.
Sumpain nawa ang mga sumusumpa sa iyo,
at maging mapapalad ang mga magpapala sa iyo.”
Humingi si Esau ng Basbas mula kay Isaac
30 Katatapos pa lamang basbasan ni Isaac si Jacob, at bahagya pa lamang nakakaalis si Jacob sa harap ni Isaac na kanyang ama, ay dumating si Esau na kanyang kapatid na galing sa kanyang pangangaso.
31 Naghanda rin siya ng masarap na pagkain at dinala niya sa kanyang ama. Sinabi niya sa kanyang ama, “Bangon na, ama ko, at kumain ka ng usa ng iyong anak upang mabasbasan mo ako.”
32 Sinabi ni Isaac na kanyang ama sa kanya, “Sino ka?” At kanyang sinabi, “Ako ang iyong anak, ang iyong panganay na si Esau.”
33 At nanginig nang husto si Isaac, at sinabi, “Sino nga iyong kumuha ng usa at dinala sa akin, at ako'y kumain noon bago ka dumating, at siya'y aking binasbasan? Kaya't siya'y magiging mapalad!”
34 Nang marinig ni Esau ang mga salita ng kanyang ama ay sumigaw siya nang malakas at umiyak na may kapaitan at sinabi sa kanyang ama, “Basbasan mo rin ako, aking ama.”
35 Ngunit sinabi niya, “Pumarito ang iyong kapatid sa pamamagitan ng pandaraya, at kinuha ang basbas sa iyo.”
36 At(D) kanyang sinabi, “Hindi ba't tumpak na ang pangalan niya ay Jacob? Dalawang ulit niya akong inagawan. Kinuha niya ang aking pagkapanganay at ngayo'y kinuha ang basbas sa akin.” At kanyang sinabi, “Wala ka bang inilaang basbas para sa akin?”
37 Sumagot si Isaac kay Esau. “Ginawa ko na siya bilang panginoon mo, at ibinigay ko sa kanya ang lahat niyang mga kapatid bilang mga lingkod, at binigyan ko siya ng trigo at alak. Ano ngayon ang magagawa ko para sa iyo, anak ko?”
38 Sinabi(E) ni Esau sa kanyang ama, “Wala ka na bang basbas maliban sa isa, ama ko? Basbasan mo rin ako, ama ko.” At sumigaw si Esau at umiyak.
39 Sumagot(F) si Isaac na kanyang ama,
“Tingnan mo, papalayo sa taba ng lupa ang iyong tahanan,
at papalayo sa hamog ng langit sa itaas;
40 mabubuhay(G) ka sa pamamagitan ng iyong tabak
at maglilingkod ka sa iyong kapatid,
at kapag ikaw ay lumaban,
babaliin mo ang kanyang pamatok na nasa iyong leeg.”
Pinapunta si Jacob sa Padan-aram
41 Kaya't kinapootan ni Esau si Jacob dahil sa basbas na ibinigay sa kanya ng kanyang ama. At sinabi ni Esau sa sarili, “Malapit na ang mga araw ng pagluluksa sa aking ama; pagkatapos ay papatayin ko si Jacob na aking kapatid.”
42 Ngunit ang mga salita ni Esau na kanyang panganay ay naibalita kay Rebecca. Kaya't siya'y nagsugo at ipinatawag si Jacob na kanyang bunso at sinabi sa kanya, “Inaaliw ng iyong kapatid na si Esau ang kanyang sarili sa pagpaplanong ikaw ay patayin.
43 Ngayon, anak ko, sundin mo ang aking tinig; bumangon ka at tumakas ka patungo sa aking kapatid na si Laban na nasa Haran.
44 Tumigil ka sa kanya nang ilang araw hanggang sa mapawi ang galit ng iyong kapatid,
45 hanggang sa mapawi ang galit sa iyo ng iyong kapatid at malimutan niya ang ginawa mo sa kanya. Pagkatapos ay magsusugo ako at ipasusundo kita mula roon. Bakit kailangang kapwa kayo mawala sa akin sa isang araw?”
46 At sinabi ni Rebecca kay Isaac, “Ako'y yamot na sa aking buhay, dahil sa mga anak na babae ni Het. Kung si Jacob ay mag-aasawa mula sa mga anak ni Het na gaya ng mga ito mula sa mga anak ng lupain, ano pa ang kabuluhan ng buhay sa akin?”
Pinagaling ni Jesus ang Isang Lumpo(A)
9 Pagkatapos sumakay sa isang bangka, tumawid si Jesus[a] at dumating sa kanyang sariling bayan.
2 Dinala nila sa kanya ang isang lumpo na nakaratay sa isang higaan. Nang makita ni Jesus ang kanilang pananampalataya, sinabi niya sa lumpo, “Anak, lakasan mo ang iyong loob, pinatatawad na ang iyong mga kasalanan.”
3 Ang ilan sa mga eskriba ay nagsabi, “Nilalapastangan ng taong ito ang Diyos.”
4 Ngunit palibhasa'y alam ni Jesus ang kanilang mga iniisip ay sinabi niya, “Bakit nag-iisip kayo sa inyong mga puso ng masama?
5 Sapagkat alin ba ang mas madali, ang sabihing, ‘Pinatatawad na ang iyong mga kasalanan?’ o sabihing, ‘Tumindig ka at lumakad?’
6 Ngunit upang malaman ninyo na sa lupa ay may awtoridad ang Anak ng Tao na magpatawad ng mga kasalanan,” kaya't sinabi niya sa lumpo, “Tumindig ka, buhatin mo ang iyong higaan, at umuwi ka sa bahay mo.”
7 Tumindig siya at umuwi sa kanyang bahay.
8 Nang makita ito ng maraming tao, sila ay natakot at niluwalhati nila ang Diyos, na nagbigay ng gayong awtoridad sa mga tao.
Ang Pagtawag kay Mateo(B)
9 Habang si Jesus ay naglalakad mula roon, nakita niya ang isang tao na tinatawag na Mateo na nakaupo sa tanggapan ng buwis. Sinabi niya sa kanya, “Sumunod ka sa akin.” At siya ay tumayo at sumunod sa kanya.
10 Habang(C) nakaupo[b] siya sa may hapag-kainan sa bahay, dumating ang maraming maniningil ng buwis at mga makasalanan at umupong kasalo ni Jesus at ng kanyang mga alagad.
11 Nang makita ito ng mga Fariseo, sinabi nila sa kanyang mga alagad, “Bakit nakikisalo ang inyong guro sa mga maniningil ng buwis at mga makasalanan?”
12 Ngunit nang marinig niya ito ay sinabi niya, “Ang mga walang sakit ay hindi nangangailangan ng manggagamot, kundi ang mga may sakit.
13 Kaya,(D) humayo kayo at pag-aralan ninyo kung ano ang kahulugan nito: ‘Habag ang ibig ko, at hindi handog.’ Sapagkat hindi ako pumarito upang tawagin ang mga matuwid, kundi ang mga makasalanan.”
Tinanong si Jesus tungkol sa Pag-aayuno(E)
14 Pagkatapos ay lumapit sa kanya ang mga alagad ni Juan na nagsasabi, “Bakit kami at ang mga Fariseo ay nag-aayuno[c] ngunit ang mga alagad mo ay hindi nag-aayuno?”
15 At sinabi sa kanila ni Jesus, “Maaari bang magluksa ang mga panauhin sa kasalan samantalang kasama pa nila ang lalaking ikakasal? Ngunit darating ang mga araw na ang lalaking ikakasal ay kukunin sa kanila, at saka sila mag-aayuno.
16 Sinuman ay hindi nagtatagpi ng bagong tela sa lumang damit; sapagkat binabatak ng tagpi ang damit at lumalala ang punit.
17 Hindi rin inilalagay ang bagong alak sa mga lumang sisidlang balat; sapagkat kung gayon, puputok ang mga balat, at matatapon ang alak, at masisira ang mga balat; ngunit inilalagay ang bagong alak sa mga bagong balat, at pareho silang tumatagal.
16 Ang Panginoon ay hari magpakailanpaman,
mula sa kanyang lupain ang mga bansa ay mapaparam.
17 O Panginoon, iyong maririnig ang nasa ng maamo;
iyong palalakasin ang kanilang puso, iyong papakinggan ng iyong pandinig
18 upang ipagtanggol ang mga naaapi at ulila,
upang hindi na makapanakot pa ang taong mula sa lupa.
9 Parangalan mo ang Panginoon mula sa iyong kayamanan,
at ng mga unang bunga ng lahat mong ani;
10 sa gayo'y mapupuno nang sagana ang iyong imbakan,
at aapawan ng bagong alak ang iyong mga sisidlan.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001