The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.
Nakiusap si Abraham para sa Sodoma
16 Tumindig mula roon ang mga lalaki at tumingin sa dakong Sodoma; at sinamahan sila ni Abraham upang ihatid sila sa daan.
17 At sinabi ng Panginoon, “Ililihim ko ba kay Abraham ang aking gagawin;
18 yamang si Abraham ay magiging isang dakila at makapangyarihang bansa, at ang lahat ng bansa sa lupa ay pagpapalain sa pamamagitan niya?
19 Hindi, sapagkat siya'y aking pinili upang kanyang tagubilinan ang kanyang mga anak at sambahayan pagkamatay niya, na maingatan ang daan ng Panginoon sa pamamagitan ng paggawa ng kabanalan at kahatulan; upang maibigay ng Panginoon kay Abraham ang ipinangako niya sa kanya.”
20 Sinabi ng Panginoon, “Ang sigaw laban sa Sodoma at Gomorra ay malakas, at sapagkat ang kasalanan nila ay napakalubha,
21 at bababa ako ngayon at titingnan ko kung ginawa nga nila ang ayon sa sigaw na dumating sa akin; at kung hindi ay aking malalaman.”
22 At ang mga lalaki ay lumayo mula roon at nagtungo sa Sodoma samantalang si Abraham ay nanatiling nakatayo sa harapan ng Panginoon.
Ang Pamamagitan ni Abraham
23 Lumapit si Abraham at nagsabi, “Ang mga banal ba ay iyong lilipuling kasama ng mga masama?
24 Halimbawang may limampung banal sa loob ng bayan; lilipulin mo ba at di mo patatawarin ang lugar na iyon alang-alang sa limampung banal na nasa loob noon?
25 Malayong gagawa ka ng ganito, na ang banal ay iyong pataying kasama ng masama, anupa't ang banal ay makatulad sa masama! Malayong mangyari iyan! Di ba gagawa ng matuwid ang Hukom ng buong mundo?”
26 At sinabi ng Panginoon, “Kung makatagpo ako sa Sodoma ng limampung banal sa loob ng bayan, patatawarin ko ang buong lugar na iyon alang-alang sa kanila.”
27 Sumagot si Abraham, at nagsabi, “Mangangahas akong magsalita sa Panginoon, akong alabok at abo lamang.
28 Kung sakaling magkukulang ng lima sa limampung banal, lilipulin mo ba ang buong bayan dahil sa limang kulang?” At sinabi niya, “Hindi ko lilipulin kung makatagpo ako roon ng apatnapu't lima.”
29 At siya'y muling nagsalita sa kanya, at nagsabi, “Halimbawang may matatagpuang apatnapu.” At sinabi niya, “Hindi ko gagawin alang-alang sa apatnapu.”
30 Pagkatapos ay sinabi niya, “O huwag sanang magalit ang Panginoon, at ako'y magsasalita. Kung sakaling may matatagpuan doong tatlumpu.” At sinabi niya, “Hindi ko gagawin kung makakatagpo ako roon ng tatlumpu.”
31 At kanyang sinabi, “Ako'y mangangahas magsalita sa Panginoon. Kung sakaling may matatagpuan doong dalawampu.” At sinabi niya, “Hindi ko lilipulin alang-alang sa dalawampu.”
32 Pagkatapos ay sinabi niya, “O huwag magalit ang Panginoon at magsasalita na lamang akong minsan; kung sakaling may matatagpuan doong sampu.” At sinabi niya, “Hindi ko lilipulin alang-alang sa sampu.”
33 At umalis ang Panginoon pagkatapos na makipag-usap kay Abraham at si Abraham ay nagbalik sa kanyang lugar.
Ang Pagiging Makasalanan ng Sodoma
19 Dumating ang dalawang anghel sa Sodoma nang nagtatakipsilim na. Si Lot ay nakaupo sa pintuang-bayan ng Sodoma. Sila'y nakita ni Lot at tumindig upang salubungin sila; at iniyukod ang kanyang mukha sa lupa.
2 At sinabi, “Ngayon mga panginoon ko, hinihiling ko sa inyo na kayo'y bumalik at tumuloy sa bahay ng inyong lingkod, at magpalipas ng gabi, at maghugas ng inyong mga paa, at sa madaling araw ay magsibangon kayo at magpatuloy ng inyong paglakad.” Kanilang sinabi, “Hindi, sa lansangan kami magpapalipas ng buong magdamag.”
3 Ngunit kanyang pinilit nang husto kaya't sila'y nagsipasok sa kanyang bahay. Sila'y kanyang ipinaghanda, ipinagluto ng mga tinapay na walang pampaalsa, at sila ay kumain.
4 Subalit bago sila nagsihiga, ang mga lalaki ng lunsod, ang mga lalaki sa Sodoma, maging mga bata at matanda, lahat ng mga tao hanggang sa pinakahuling tao, ay pumalibot sa bahay.
5 Kanilang(A) tinawagan si Lot at sinabi, “Saan naroon ang mga lalaking dumating sa iyo nang gabing ito? Ilabas mo sila sa amin upang makilala namin sila.”
6 Lumabas si Lot sa pintuan upang humarap sa kanila, at isinara ang pinto sa likuran niya.
7 At sinabi niya, “Mga kapatid ko, nakikiusap ako na huwag kayong gumawa ng ganyang kasamaan.
8 Narito, may dalawa akong anak na babae na hindi pa nasipingan ng lalaki. Sila'y aking ilalabas sa inyo, at gawin ninyo sa kanila ang ayon sa inyong nais, huwag lamang ninyong gawan ng anuman ang mga lalaking ito, sapagkat sila'y nasa ilalim ng aking bubungan.”
9 At sinabi nila, “Manatili ka diyan!” At sinabi pa nila, “Ang taong ito'y naparito bilang dayuhan, at ibig niyang maging hukom! Ngayon, gagawan ka namin ng higit na masama kaysa kanila.” At kanilang ipinagtulakan ang lalaking si Lot, at nagsilapit upang sirain ang pintuan.
10 Subalit iniunat ng mga lalaki ang kanilang kamay at binatak si Lot sa loob ng bahay at kanilang sinarhan ang pintuan.
11 At(B) binulag nila ang mga taong nasa pintuan ng bahay, maging maliit o malaki, anupa't hindi nila makita ang pintuan.
Umalis si Lot sa Sodoma
12 At sinabi ng mga lalaki kay Lot, “Mayroon ka pa ba ritong kasama? Paalisin mo sa lugar na ito ang iyong mga manugang na lalaki at mga anak na lalaki at babae, o sinuman sa mga kasamahan mo sa lunsod.
13 Sapagkat malapit na naming lipulin ang lugar na ito dahil sa napakalakas na ng sigaw laban sa bayang ito sa harap ng Panginoon; at kami ay sinugo ng Panginoon upang ito ay aming lipulin.”
14 Kaya't si Lot ay lumabas at kinausap ang kanyang mga manugang na noon ay mapapangasawa ng kanyang mga anak na babae, at sinabi, “Tumindig kayo, magsialis kayo sa lugar na ito; sapagkat gugunawin ng Panginoon ang bayan.” Subalit ang akala ng kanyang mga manugang ay nagbibiro siya.
15 Kinaumagahan, pinapagmadali ng mga anghel si Lot, na sinasabi, “Bumangon ka, isama mo ang iyong asawa at ang iyong dalawang anak na babae na narito, baka pati ikaw ay madamay sa parusa sa bayan.”
16 Subalit(C) siya'y nagtagal. Kaya't dahil sa habag sa kanya ng Panginoon, hinawakan ng mga lalaki ang kanyang kamay at ang kamay ng kanyang asawa, at ang kamay ng kanyang dalawang anak na babae; at siya'y inilabas nila at iniwan sa labas ng bayan.
17 Nang sila'y mailabas na nila, ay sinabi nila, “Tumakas ka alang-alang sa iyong buhay. Huwag kang lumingon o huminto man sa buong libis; tumakas ka hanggang sa bundok, sapagkat kung hindi, ikaw ay mamamatay.”
18 At sinabi sa kanila ni Lot, “Huwag, mga panginoon ko!
19 Ang lingkod mo ay nakatagpo ng biyaya sa iyong paningin, at nagpakita ka sa akin ng malaking awa sa pagliligtas ng aking buhay. Subalit hindi ko kayang tumakas sa bundok, baka ako'y abutan ng kapahamakan, at ako'y mamatay.
20 Tingnan mo, ang kasunod na lunsod ay malapit lamang upang matakasan at iyon ay maliit. Pahintulutan mo akong tumakas roon. Hindi ba iyon ay maliit lamang at ang aking buhay ay maliligtas?”
21 At sinabi niya sa kanya, “O sige, pinapayagan din kita sa bagay na ito at hindi ko na gugunawin ang lunsod na iyong binanggit.
22 Magmadali ka, tumakas ka roon; sapagkat wala akong magagawa hanggang sa dumating ka roon.” Kaya't ang pangalang itinawag sa bayang iyon ay Zoar.[a]
Ang Pagkawasak ng Sodoma at Gomorra
23 Ang araw ay sumikat na sa lupa nang dumating si Lot sa Zoar.
24 At(D) buhat sa langit ay nagpaulan ang Panginoon sa Sodoma at Gomorra ng asupre at apoy.
25 Ginunaw niya ang mga lunsod na iyon, at ang buong libis at ang lahat ng nakatira sa mga lunsod at ang tumutubo sa lupa.
26 Subalit(E) ang asawa ni Lot ay lumingon sa likuran niya, at siya ay naging haliging asin.
27 Kinaumagahan, si Abraham ay maagang nagtungo sa dakong kinatayuan niya sa harap ng Panginoon.
28 Siya'y tumingin sa dakong Sodoma at Gomorra, at sa buong lupain ng libis. At kanyang nakita na ang usok ng lupain ay tumataas na parang usok ng isang hurno.
29 At nangyari, nang gunawin ng Diyos ang mga lunsod ng libis, naalala ng Diyos si Abraham, at inilabas si Lot nang gunawin ang mga lunsod na tinirahan niya.[b]
Ang Pinagmulan ng mga Moabita at Ammonita
30 Umahon si Lot papalabas sa Zoar at tumira sa bundok kasama ang kanyang dalawang anak na babae sapagkat siya'y takot na tumira sa Zoar. Siya'y tumira sa isang yungib kasama ang kanyang dalawang anak na babae.
31 At sinabi ng panganay sa bunso, “Ang ating ama ay matanda na at walang lalaki sa lupa na sumiping sa atin, ayon sa kaugalian ng buong lupa.
32 Halika, painumin natin ng alak ang ating ama, at tayo'y sumiping sa kanya upang mapanatili natin ang binhi ng ating ama.”
33 At pinainom nila ng alak ang kanilang ama nang gabing iyon at pumasok ang panganay at sumiping sa kanyang ama. Hindi nalaman ng ama nang siya'y mahiga ni nang siya'y bumangon.
34 Kinabukasan, sinabi ng panganay sa bunso, “Tingnan mo, ako'y sumiping kagabi sa aking ama. Painumin din natin siya ng alak sa gabing ito. Pumasok ka at sumiping sa kanya upang mapanatili natin ang binhi ng ating ama.”
35 At pinainom din nila ng alak ang kanilang ama nang gabing iyon. Tumindig ang bunso at sumiping sa ama. Hindi nalaman ng ama nang siya'y mahiga ni nang siya'y bumangon.
36 Sa ganito'y kapwa nagdalang-tao ang mga anak ni Lot sa pamamagitan ng kanilang ama.
37 Nanganak ang panganay ng isang lalaki, at tinawag sa pangalang Moab na siyang ama ng mga Moabita hanggang sa araw na ito.
38 At ang bunso ay nanganak din ng isang lalaki, at tinawag sa pangalang Benammi na siyang ama ng mga anak ni Ammon hanggang sa araw na ito.
Tungkol sa Pagkabalisa(A)
25 “Kaya nga sinasabi ko sa inyo, huwag kayong mabalisa sa inyong buhay, kung ano ang inyong kakainin, o kung ano ang inyong iinumin; kahit sa inyong katawan, kung ano ang inyong isusuot. Hindi ba higit ang buhay kaysa pagkain, at ang katawan kaysa damit?
26 Tingnan ninyo ang mga ibon sa himpapawid: hindi sila naghahasik, o gumagapas, o nag-iimbak man sa mga kamalig, ngunit pinapakain sila ng inyong Ama na nasa langit. Hindi ba higit na mahalaga kayo kaysa kanila?
27 Sino sa inyo na dahil sa pagkabalisa ay mapapahaba ang kanyang buhay?[a]
28 At bakit kayo nababalisa tungkol sa pananamit? Pansinin ninyo ang mga liryo sa parang, kung paano silang lumalaki; hindi sila gumagawa o humahabi man.
29 Gayunma'y(B) sinasabi ko sa inyo, kahit si Solomon sa buong kaluwalhatian niya ay hindi nakapagdamit nang tulad sa isa sa mga ito.
30 At kung gayon binibihisan ng Diyos ang damo sa parang, na ngayon ay buháy, at sa kinabukasan ay itinatapon sa kalan, hindi ba lalo niya kayong bibihisan, O kayong maliliit ang pananampalataya?
31 Kaya huwag kayong mabalisa, na magsasabing, ‘Ano ang aming kakainin?’ o, ‘Ano ang aming iinumin?’ o, ‘Ano ang aming isusuot?’
32 Sapagkat hinahanap ng mga Hentil ang lahat ng mga bagay na ito; at batid ng inyong Ama sa langit na kailangan ninyo ang lahat ng mga bagay na ito.
33 Ngunit hanapin muna ninyo ang kanyang kaharian[b] at ang kanyang katuwiran, at ang lahat ng mga bagay na ito ay pawang idaragdag sa inyo.
34 “Kaya't huwag ninyong alalahanin ang bukas, sapagkat ang bukas ang mag-aalala sa kanyang sarili. Sapat na para ngayon ang kabalisahan sa araw na ito.
Ang Paghatol sa Kapwa(C)
7 “Huwag humatol upang hindi kayo mahatulan.
2 Sapagkat(D) sa hatol na inyong ihahatol ay hahatulan kayo; at sa panukat na inyong isusukat, ay susukatin kayo.
3 Bakit mo nakikita ang puwing na nasa mata ng iyong kapatid, ngunit hindi mo pinapansin ang troso na nasa iyong sariling mata?
4 O paano mong nasasabi sa iyong kapatid, ‘Hayaan mong alisin ko ang puwing sa iyong mata,’ samantalang mayroong troso sa iyong sariling mata?
5 Ikaw na mapagkunwari, alisin mo muna ang troso sa iyong sariling mata at nang magkagayon, makakakita ka nang malinaw upang maalis mo ang puwing sa mata ng iyong kapatid.
6 “Huwag ninyong ibigay sa mga aso ang mga banal na bagay; at huwag kayong magtapon ng inyong mga perlas sa harap ng mga baboy; baka yurakan nila ang mga ito ng kanilang mga paa, at pagbalingan kayo at lapain.
Humingi, Humanap, Tumuktok(E)
7 “Humingi kayo, at kayo ay bibigyan; humanap kayo, at kayo ay makakatagpo, tumuktok kayo, at kayo'y pagbubuksan.
8 Sapagkat ang bawat humihingi ay tumatanggap; at ang humahanap ay nakakatagpo; at ang tumutuktok ay pinagbubuksan.
9 Mayroon bang tao sa inyo, na kung humingi ng tinapay sa kanya ang kanyang anak ay bato ang ibibigay?
10 O kung humingi siya ng isda ay bibigyan niya ito ng ahas?
11 Kung kayo nga na masasama ay marunong magbigay ng mabubuting kaloob sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Ama na nasa langit ang magbigay ng mabubuting bagay sa mga humihingi sa kanya?
Ang Ginintuang Aral
12 “Kaya,(F) anumang bagay na ibig ninyong gawin sa inyo ng mga tao, gayon ang gawin ninyo sa kanila; sapagkat ito ang kautusan at ang mga propeta.
Ang Makipot na Pintuan(G)
13 “Pumasok kayo sa makipot na pintuan, sapagkat maluwang ang pintuan at malapad ang daang patungo sa kapahamakan, at marami ang pumapasok doon.
14 Sapagkat makipot ang pintuan at masikip ang daang patungo sa buhay, at kakaunti ang nakakatagpo niyon.
Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Gittith. Awit ni David.
8 O Panginoon, aming Panginoon,
sa buong lupa ay napakadakila ng iyong pangalan!
Sa itaas ng mga langit ay inaawit ang iyong kaluwalhatian
2 mula(A) sa bibig ng mga sanggol at mga musmos,
ikaw ay nagtatag ng tanggulan dahil sa mga kalaban mo,
upang patahimikin ang kaaway at ang maghihiganti sa iyo.
3 Kapag pinagmamasdan ko ang iyong kalangitan, ang gawa ng iyong mga daliri,
ang buwan at ang mga bituin na iyong inilagay;
4 ano(B) ang tao upang siya'y iyong alalahanin,
at ang anak ng tao upang siya'y iyong kalingain?
5 Gayunma'y ginawa mo siyang mababa lamang nang kaunti kaysa Diyos,
at pinutungan mo siya ng kaluwalhatian at karangalan.
6 Binigyan(C) mo siya ng kapamahalaan sa mga gawa ng iyong mga kamay;
sa ilalim ng kanyang mga paa ay inilagay mo ang lahat ng mga bagay,
7 lahat ng tupa at baka,
gayundin ang mga hayop sa parang,
8 ang mga ibon sa himpapawid, at ang mga isda sa dagat,
anumang nagdaraan sa mga daanan ng dagat.
9 O Panginoon, aming Panginoon,
sa buong lupa ay napakadakila ang iyong pangalan!
6 Sapagkat ang Panginoon ay nagbibigay ng karunungan,
sa kanyang bibig nagmumula ang kaalaman at kaunawaan.
7 Pinaglalaanan niya ang matuwid ng magaling na karunungan,
siya'y kalasag sa mga lumalakad na may katapatan,
8 upang mabantayan niya ang mga landas ng katarungan,
at maingatan ang daan ng kanyang mga banal.
9 Kung magkagayo'y mauunawaan mo ang katuwiran,
ang katarungan at ang katapatan, bawat mabuting daan.
10 Sapagkat papasok sa iyong puso ang karunungan,
at magiging kaaya-aya sa iyong kaluluwa ang kaalaman.
11 Ang mabuting pagpapasiya ang magbabantay sa iyo,
ang pagkaunawa ang mag-iingat sa iyo.
12 Ililigtas ka nito sa daan ng kasamaan,
mula sa mga taong nagsasalita ng masasamang bagay;
13 na nagpapabaya sa mga landas ng katuwiran,
upang lumakad sa mga daan ng kadiliman;
14 na nagagalak sa paggawa ng kasamaan,
at sa mga kalikuan ng kasamaan ay nasisiyahan;
15 na mga lihis sa kanilang mga lakad,
at mga suwail sa kanilang mga landas.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001