The Daily Audio Bible
Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.
Pinapunta ni Isaac si Jacob kay Laban
28 At tinawag ni Isaac si Jacob, at siya'y binasbasan, pinagbilinan, at sinabi sa kanya, “Huwag kang mag-aasawa sa mga anak ng Canaan.
2 Tumindig ka at pumunta sa Padan-aram, sa bahay ni Betuel na ama ng iyong ina. Mag-asawa ka roon mula sa mga anak ni Laban na kapatid na lalaki ng iyong ina.
3 At nawa'y pagpalain ka ng Diyos na Makapangyarihan sa lahat, at ikaw ay pasaganain at paramihin, upang ikaw ay maging isang malaking bansa.
4 Nawa'y(A) ibigay niya sa iyo ang pagpapala ni Abraham, sa iyo at sa lahat ng iyong binhi; upang ariin mo ang lupaing iyong pinaglakbayan na ibinigay ng Diyos kay Abraham.”
5 At pinahayo ni Isaac si Jacob at pumunta siya sa Padan-aram, kay Laban na anak ni Betuel na Arameo, na kapatid ni Rebecca, na ina nina Jacob at Esau.
Muling Nag-asawa si Esau
6 Nakita ni Esau na binasbasan ni Isaac si Jacob, at siya'y pinapunta sa Padan-aram upang doon mag-asawa; at nang siya'y basbasan ay ipinagbilin sa kanya, “Huwag kang mag-aasawa sa mga anak na babae ng Canaan,”
7 at sinunod ni Jacob ang kanyang ama at ina at pumunta sa Padan-aram.
8 Kaya't nang makita ni Esau na hindi nakakalugod ang mga anak ng Canaan kay Isaac na kanyang ama;
9 pumunta si Esau kay Ismael at kinuhang asawa si Mahalat na kapatid na babae ni Nebayot at anak ni Ismael na anak ni Abraham, bukod pa sa mga asawang mayroon na siya.
Ang Panaginip ni Jacob sa Bethel
10 Umalis si Jacob sa Beer-seba at pumunta sa Haran.
11 Dumating siya sa isang lugar at nagpalipas ng magdamag doon sapagkat lumubog na ang araw. Kumuha siya ng isa sa mga bato sa lugar na iyon at inilagay sa kanyang ulunan, at nahiga roon upang matulog.
12 Siya(B) ay nanaginip na may isang hagdan na nakalagay sa lupa, na ang dulo ay umaabot sa langit, at ang mga anghel ng Diyos ay nagmamanhik-manaog doon.
13 At(C) ang Panginoon ay tumayo sa tabi niya at nagsabi, “Ako ang Panginoon, ang Diyos ni Abraham na iyong ama, at ang Diyos ni Isaac. Ang lupang kinahihigaan mo ay ibibigay ko sa iyo at sa iyong binhi.
14 Ang(D) iyong binhi ay magiging parang alabok sa lupa, at ikaw ay kakalat sa kanluran, silangan, hilaga, at sa timog at ang lahat ng angkan sa lupa ay pagpapalain sa pamamagitan mo at ng iyong binhi.
15 Alamin mo na ako'y kasama mo at iingatan kita saan ka man pumunta, at ibabalik kita sa lupaing ito sapagkat hindi kita iiwan hanggang hindi ko nagagawa ang ipinangako ko sa iyo.”
16 Nagising si Jacob sa kanyang panaginip at sinabi, “Tunay na ang Panginoon ay nasa lugar na ito at hindi ko iyon nalalaman.”
17 Siya'y natakot, at kanyang sinabi, “Kakilakilabot ang lugar na ito! Ito'y walang iba kundi ang bahay ng Diyos, at ito ang pintuan ng langit.”
18 Kinaumagahan, si Jacob ay maagang bumangon at kinuha ang batong kanyang inilagay sa ulunan niya, at kanyang itinayo bilang bantayog at kanyang binuhusan ng langis.
19 Ang ipinangalan niya sa lugar na iyon ay Bethel,[a] subalit ang dating pangalan ng lunsod ay Luz.
20 Si Jacob ay nagpanata na sinasabi, “Kung makakasama ko ang Diyos at ako'y iingatan sa daang ito na aking nilalakaran, at ako'y bibigyan niya ng tinapay na makakain, at damit na maisuot,
21 at ako'y makabalik na payapa sa bahay ng aking ama, kung gayon ang Panginoon ang magiging aking Diyos.
22 Ang batong ito na aking itinayo bilang bantayog ay magiging bahay ng Diyos; at sa lahat ng ibibigay mo sa akin ay ibibigay ko ang ikasampung bahagi sa iyo.”
Dumating si Jacob sa Tahanan ni Laban
29 Nang magkagayo'y nagpatuloy si Jacob sa kanyang paglalakbay, at nagtungo sa lupain ng mga tao sa silangan.
2 Siya'y tumingin at nakakita ng isang balon sa parang. May tatlong kawan ng mga tupa na nagpapahinga sa tabi roon, sapagkat sa balong iyon pinaiinom ang mga kawan. Ang batong nasa ibabaw ng labi ng balon ay napakalaki,
3 at kapag nagkakatipon doon ang lahat ng kawan, iginugulong ng mga pastol ang batong nasa ibabaw ng labi ng balon, at pinaiinom ang mga tupa, at muling inilalagay ang bato sa kanyang lugar sa ibabaw ng balon.
4 Sinabi sa kanila ni Jacob, “Mga kapatid ko, taga-saan kayo?” At kanilang sinabi, “Taga-Haran kami.”
5 Sinabi niya sa kanila, “Kilala ba ninyo si Laban na anak ni Nahor?” At kanilang sinabi, “Kilala namin siya.”
6 Sinabi niya sa kanila, “Siya ba'y mabuti ang kalagayan?” At kanilang sinabi, “Oo; at narito ang kanyang anak na si Raquel na dumarating kasama ang mga tupa!”
7 Sinabi niya, “Tingnan ninyo, maaga pa, hindi pa oras upang tipunin ang mga hayop; painumin ninyo ang mga tupa, at inyo silang pastulin.”
8 Subalit sinabi nila, “Hindi namin magagawa hangga't hindi natitipong lahat ang kawan, at maigulong ang bato mula sa labi ng balon; at saka lamang namin paiinumin ang mga tupa.”
9 Samantalang nakikipag-usap pa siya sa kanila, dumating si Raquel kasama ang mga tupa ng kanyang ama; sapagkat siya ang nag-aalaga ng mga iyon.
10 Nang makita ni Jacob si Raquel na anak ni Laban, na kapatid ng kanyang ina, at ang mga tupa ni Laban, lumapit si Jacob at iginulong ang bato mula sa labi ng balon at pinainom ang kawan ni Laban.
11 Hinagkan ni Jacob si Raquel at umiyak nang malakas.
12 Sinabi ni Jacob kay Raquel na siya'y kamag-anak ni Laban na kanyang ama, at anak siya ni Rebecca. Kaya't tumakbo si Raquel[b] at sinabi sa kanyang ama.
Tinanggap Siya ni Laban
13 Nang marinig ni Laban ang balita ni Jacob na anak ng kanyang kapatid, tumakbo siya upang salubungin si Jacob at ito ay kanyang niyakap, hinagkan, at dinala sa kanyang bahay. Isinalaysay ni Jacob kay Laban ang lahat ng mga bagay na ito at
14 sinabi sa kanya ni Laban, “Talagang ikaw ay aking buto at aking laman.” At siya'y tumigil doong kasama niya ng isang buwan.
Naglingkod si Jacob para kina Raquel at Lea
15 At sinabi ni Laban kay Jacob, “Hindi ba't ikaw ay aking kamag-anak? Dapat ka bang maglingkod sa akin nang walang upa? Sabihin mo sa akin, ano ang magiging upa mo?”
16 May dalawang anak na babae si Laban; ang pangalan ng panganay ay Lea, at ang bunso ay si Raquel.
17 Ang mga mata ni Lea ay mapupungay;[c] at si Raquel ay magandang kumilos at kahali-halina.
18 Mahal ni Jacob si Raquel; kaya't kanyang sinabi, “Paglilingkuran kita ng pitong taon dahil kay Raquel na iyong anak na bunso.”
19 Sinabi ni Laban, “Mas mabuti na ibigay ko siya sa iyo kaysa ibigay ko siya sa iba; tumira ka sa akin.”
20 At naglingkod si Jacob ng pitong taon dahil kay Raquel, na sa kanya'y naging parang ilang araw dahil sa pag-ibig niya sa kanya.
Naging Asawa ni Jacob si Lea at si Raquel
21 Sinabi ni Jacob kay Laban, “Ibigay mo sa akin ang aking asawa sapagkat naganap na ang aking mga araw at hayaan mong ako'y sumiping sa kanya.”
22 Tinipong lahat ni Laban ang mga tao roon at siya'y gumawa ng isang handaan.
23 Kinagabihan, kanyang kinuha si Lea na kanyang anak at dinala kay Jacob na sumiping naman sa kanya.
24 Ibinigay ni Laban kay Lea ang kanyang alilang babae na si Zilpa upang kanyang maging alila.
25 Kinaumagahan, si Lea pala iyon! At kanyang sinabi kay Laban, “Ano itong ginawa mo sa akin? Hindi ba pinaglingkuran kita dahil kay Raquel? Bakit mo ako dinaya?”
26 Sinabi ni Laban, “Hindi ganyan ang kaugalian dito sa aming lupain, na ibinibigay ang bunso bago ang panganay.
27 Tapusin mo ang linggong ito, at ibibigay rin namin sa iyo ang isa, bilang kapalit sa paglilingkod na gagawin mo sa akin na pitong taon pa.”
28 Ganoon ang ginawa ni Jacob, at tinapos niya ang linggo niya, at ibinigay ni Laban sa kanya si Raquel na kanyang anak upang maging asawa niya.
29 Sa kanyang anak na si Raquel ay ibinigay ni Laban bilang alilang babae ang kanyang alilang si Bilha.
30 Kaya't sumiping din si Jacob kay Raquel, at inibig si Raquel nang higit kaysa kay Lea; at naglingkod siya kay Laban ng pitong taon pa.
Mga Naging Anak ni Jacob
31 Nang makita ng Panginoon na si Lea ay kinapootan, binuksan niya ang kanyang bahay-bata; subalit si Raquel ay baog.
32 Naglihi si Lea at nanganak ng isang lalaki, at tinawag niyang Ruben;[d] sapagkat kanyang sinabi, “Sapagkat tiningnan ng Panginoon ang aking kapighatian; kaya't ngayo'y mamahalin ako ng aking asawa.”
33 Muli siyang naglihi at nanganak ng isang lalaki at sinabi, “Sapagkat narinig ng Panginoon na ako'y kinapopootan, ibinigay rin niya sa akin ito”; at tinawag niyang Simeon.[e]
34 Muli siyang naglihi at nanganak ng isang lalaki, at nagsabi, “Ngayo'y makakasama ko na ang aking asawa, sapagkat nagkaanak ako sa kanya ng tatlong lalaki”; kaya't ang kanyang pangalan ay Levi.[f]
35 At muli siyang naglihi at nanganak ng isang lalaki, at nagsabi, “Ngayo'y pupurihin ko ang Panginoon.” Kaya't tinawag niyang Juda;[g] at hindi na siya nanganak.
Muling Binuhay ang Anak ng Pinuno at Pinagaling ang Isang Babae(A)
18 Samantalang sinasabi niya sa kanila ang mga bagay na ito, may dumating na isang pinuno at lumuhod sa harapan niya at nagsabi, “Kamamatay pa lamang ng aking anak na babae, ngunit puntahan mo siya at ipatong mo ang iyong kamay sa kanya, at mabubuhay siya.”
19 Tumayo si Jesus at sumunod sa kanya, kasama ang kanyang mga alagad.
20 Samantala, may isang babaing labindalawang taon nang dinudugo ang lumapit sa likuran niya at hinipo nito ang laylayan ng kanyang damit;
21 sapagkat sinabi niya sa kanyang sarili, “Kung mahihipo ko lamang ang kanyang damit ay gagaling ako.”
22 Nang lumingon si Jesus at nakita siya ay sinabi niya, “Anak, lakasan mo ang iyong loob; pinagaling ka ng iyong pananampalataya.” Gumaling nga ang babae sa oras ding iyon.
23 Nang dumating na si Jesus sa bahay ng pinuno, at makita niya ang mga manunugtog ng plauta at ang maraming tao na nagkakagulo,
24 ay sinabi niya, “Umalis na kayo, sapagkat hindi patay ang batang babae kundi natutulog lamang.” At siya ay pinagtawanan nila.
25 Ngunit nang mapalabas na ang maraming tao, pumasok siya at hinawakan ang kamay ng batang babae at ito ay bumangon.
26 At kumalat ang balitang ito sa buong lupaing iyon.
Nakakita ang Dalawang Bulag
27 Nang papaalis na si Jesus mula roon, sinundan siya ng dalawang lalaking bulag na sumisigaw ng malakas, “Mahabag ka sa amin, Anak ni David.”
28 Nang makapasok na siya sa bahay, lumapit sa kanya ang mga lalaking bulag; at sinabi sa kanila ni Jesus, “Sumasampalataya ba kayo na magagawa ko ito?” Sinabi nila sa kanya, “Opo, Panginoon.”
29 Kaya't hinipo niya ang kanilang mga mata, na sinasabi, “Mangyari sa inyo ang ayon sa inyong pananampalataya.”
30 At nabuksan ang kanilang mga mata. Mahigpit silang pinagbilinan ni Jesus, “Ingatan ninyo na walang makakaalam nito.”
31 Ngunit sila ay umalis, at ikinalat ang balita tungkol sa kanya sa buong lupaing iyon.
Nakapagsalita ang Isang Pipi
32 Nang makaalis na sila, dinala sa kanya ang isang lalaking pipi na inaalihan ng demonyo.
33 Nang mapalabas na ang demonyo, nagsalita ang dating pipi. Namangha ang maraming tao at nagsabi, “Wala pang nakitang tulad nito sa Israel.”
34 Ngunit(B) sinabi ng mga Fariseo, “Nagpapalayas siya ng mga demonyo sa pamamagitan ng pinuno ng mga demonyo.”[a]
Nahabag si Jesus sa mga Tao
35 Nilibot(C) ni Jesus ang lahat ng mga lunsod at mga nayon, na nagtuturo sa mga sinagoga nila at ipinangangaral ang magandang balita ng kaharian, at pinapagaling ang bawat sakit at bawat karamdaman.
36 Nang(D) makita niya ang napakaraming tao, nahabag siya sa kanila, sapagkat sila ay nangangamba at nanlulupaypay na gaya ng mga tupa na walang pastol.
37 Kaya't(E) sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Tunay na napakarami ng aanihin, ngunit kakaunti ang manggagawa;
38 idalangin ninyo sa Panginoon ng anihin, na magpadala ng mga manggagawa sa kanyang aanihin.”
Sa Punong Mang-aawit. Mula kay David.
11 Sa Panginoon ay nanganganlong ako; paanong sa akin ay nasasabi mo,
“Tumakas ka na gaya ng ibon sa mga bundok;
2 sapagkat binalantok ng masama ang pana,
iniakma na nila ang kanilang palaso sa bagting,
upang ipana sa kadiliman
sa may matuwid na puso,
3 kung ang mga saligan ay masira,
matuwid ba'y may magagawa?”
4 Ang Panginoon ay nasa kanyang banal na templo,
ang trono ng Panginoon ay nasa langit;
ang kanyang mga mata ay nagmamasid,
ang mga talukap ng kanyang mata ay sumusubok
sa mga anak ng mga tao.
5 Sinusubok ng Panginoon ang matuwid at ang masama,
at kinapopootan ng kanyang kaluluwa ang nagmamahal sa karahasan.
6 Sa masama ay magpapaulan siya ng mga baga ng apoy; apoy at asupre
at hanging nakakapaso ang magiging bahagi ng kanilang saro.
7 Sapagkat ang Panginoon ay matuwid;
minamahal niya ang mga gawang matuwid;
ang kanyang mukha ay mamamasdan ng matuwid.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001