The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.
Sina Abraham at Abimelec
20 At mula roon ay naglakbay si Abraham sa lupain ng timog, at nanirahan sa pagitan ng Kadesh at Shur. Samantalang naninirahan bilang isang dayuhan sa Gerar,
2 sinabi(A) ni Abraham tungkol kay Sara na kanyang asawa, “Siya'y aking kapatid;” at si Abimelec na hari sa Gerar ay nagpasugo at kinuha si Sara.
3 Subalit pumunta ang Diyos kay Abimelec sa panaginip sa gabi at sinabi sa kanya, “Ikaw ay malapit nang mamatay dahil sa ang babaing kinuha mo'y asawa ng isang lalaki.”
4 Ngunit si Abimelec ay hindi pa nakakasiping sa kanya. At sinabi niya, “Panginoon, papatayin mo ba pati ang isang bayang walang sala?
5 Hindi ba siya rin ang nagsabi sa akin, ‘Siya'y aking kapatid.’ at si Sara man ay nagsabi, ‘Siya'y aking kapatid?’ Sa katapatan ng aking puso at kawalang-sala ng aking mga kamay ay ginawa ko ito.”
6 Sinabi sa kanya ng Diyos sa panaginip, “Oo, nalalaman ko na sa katapatan ng iyong puso ay ginawa mo ito, at hinadlangan din naman kita na magkasala ng laban sa akin kaya't hindi ko ipinahintulot na galawin mo siya.
7 Ngayon nga'y isauli mo ang asawa ng lalaking ito; sapagkat siya'y isang propeta, at ikaw ay ipapanalangin niya at mabubuhay ka. Ngunit kapag hindi mo siya isinauli, tandaan mong tiyak na mamamatay ka, ikaw at ang lahat ng iyo.”
8 Kinaumagahan, si Abimelec ay bumangon nang maaga at tinawag ang lahat niyang mga lingkod. Sinabi niya sa kanila ang lahat ng bagay na ito, at ang mga tao'y takot na takot.
9 Tinawag ni Abimelec si Abraham, at sa kanya'y sinabi, “Anong ginawa mo sa amin at paano ako nagkasala laban sa iyo, upang dalhan mo ako at ang aking kaharian ng isang malaking kasalanan? Ginawa mo sa akin ang mga gawang di nararapat gawin.”
10 At sinabi ni Abimelec kay Abraham, “Ano ba ang iniisip mo at ginawa mo ang bagay na ito?”
11 Sumagot si Abraham, “Sapagkat inisip ko na tunay na walang pagkatakot sa Diyos sa lugar na ito at papatayin nila ako dahil sa aking asawa.
12 At saka, talagang siya'y kapatid ko, anak ng aking ama, subalit hindi anak ng aking ina; at siya'y naging asawa ko.
13 Nang paalisin ako ng Diyos sa bahay ng aking ama ay sinabi ko sa kanya, ‘Ito ang kabutihan na maipapakita mo sa akin: sa lahat ng lugar na ating pupuntahan ay sabihin mo tungkol sa akin, Siya'y aking kapatid.’”
14 Si Abimelec ay kumuha ng mga tupa at baka, mga aliping lalaki at babae, at ibinigay ang mga ito kay Abraham, at isinauli sa kanya si Sara na kanyang asawa.
15 At sinabi ni Abimelec, “Ang lupain ko ay nasa harapan mo; manirahan ka kung saan mo gusto.”
16 Sinabi niya kay Sara, “Tingnan mo, nagbigay ako ng isang libong pirasong pilak sa iyong kapatid. Ito'y magpapawalang-sala sa iyo sa paningin ng lahat ng kasama mo; ikaw ay ganap na napawalang-sala.”
17 At nanalangin si Abraham sa Diyos; at pinagaling ng Diyos si Abimelec, ang kanyang asawa, at ang kanyang mga aliping babae, na anupa't nagkaanak sila.
18 Sapagkat sinarhan ng Panginoon ang lahat ng bahay-bata sa sambahayan ni Abimelec, dahil kay Sara na asawa ni Abraham.
Ipinanganak si Isaac
21 Dinalaw ng Panginoon si Sara ayon sa sinabi niya, at ginawa ng Panginoon kay Sara ang ayon sa kanyang pangako.
2 Si(B) Sara ay naglihi at nagkaanak ng isang lalaki kay Abraham sa kanyang katandaan, sa takdang panahong sinabi ng Diyos sa kanya.
3 Tinawag ni Abraham na Isaac ang anak na ipinanganak sa kanya ni Sara.
4 At(C) tinuli ni Abraham ang anak niyang si Isaac pagkaraan ng walong araw gaya ng iniutos ng Diyos sa kanya.
5 Si Abraham ay isandaang taong gulang nang ipanganak si Isaac na kanyang anak.
6 Sinabi ni Sara, “Pinatawa ako ng Diyos, sinumang makarinig ay makikitawa sa akin.”
7 At sinabi niya, “Sino ang magsasabi kay Abraham na si Sara ay magpapasuso ng mga anak? Ngunit ako'y nagkaanak pa sa kanya ng isang lalaki sa kanyang katandaan.”
Pinalayas sina Hagar at Ismael
8 Lumaki ang sanggol, at inawat sa pagsuso; at nagdaos ng malaking handaan si Abraham nang araw na ihiwalay sa pagsuso si Isaac.
9 Subalit nakita ni Sara ang anak ni Hagar na taga-Ehipto, na ipinanganak kay Abraham, na nakikipaglaro sa anak niyang si Isaac.
10 Kaya't(D) sinabi niya kay Abraham, “Palayasin mo ang aliping ito at ang kanyang anak, sapagkat hindi magmamana ang anak ng aliping ito na kahati ng aking anak na si Isaac.”
11 Ang bagay na ito ay naging lubhang mabigat sa kalooban ni Abraham dahil sa kanyang anak.
12 Sinabi(E) ng Diyos kay Abraham, “Huwag kang magdamdam ng dahil sa bata at dahil sa iyong aliping babae. Makinig ka sa lahat ng sasabihin sa iyo ni Sara sapagkat sa pamamagitan ni Isaac papangalanan ang iyong binhi.
13 Ang anak ng alipin ay gagawin ko ring isang bansa, sapagkat siya'y iyong binhi.”
14 Kinaumagahan, maagang bumangon si Abraham at kumuha ng tinapay at lalagyan ng tubig na yari sa balat at ibinigay kay Hagar. Ipinatong ang mga ito sa kanyang balikat at ang bata at siya ay pinaalis. Siya'y umalis at nagpagala-gala sa ilang ng Beer-seba.
15 Nang maubos ang tubig sa lalagyang-balat, kanyang inilapag ang bata sa ilalim ng isa sa mabababang puno.
16 At siya'y umalis at umupo sa tapat ng bata na ang layo ay may isang banat ng pana at sinabi niya, “Ayaw kong makita ang kamatayan ng bata.” At pag-upo niya sa tapat ng bata,[a] siya'y nagsisigaw at umiiyak.
17 Narinig ng Diyos ang tinig ng bata; at mula sa langit ay tinawag ng anghel ng Diyos si Hagar at sinabi sa kanya, “Napaano ka, Hagar? Huwag kang matakot; sapagkat narinig ng Diyos ang tinig ng bata sa kanyang kinalalagyan.
18 Tumindig ka, itayo mo ang bata at alalayan mo siya ng iyong kamay sapagkat siya'y gagawin kong isang malaking bansa.”
19 Binuksan ng Diyos ang kanyang mga mata at siya'y nakakita ng isang balon ng tubig. Pumunta siya roon at pinuno ng tubig ang lalagyang-balat at pinainom ang bata.
20 Ang Diyos ay kasama ng bata at siya'y lumaki, at nanirahan sa ilang at naging sanay sa paggamit ng pana.
21 Tumira siya sa ilang ng Paran at ikinuha siya ng kanyang ina ng asawa sa lupain ng Ehipto.
Ang Pagtatalo nina Abraham at Abimelec
22 Nang(F) panahong iyon, si Abimelec at si Ficol na kapitan ng kanyang hukbo ay nagsalita kay Abraham, “Sumasaiyo ang Diyos sa lahat mong ginagawa.
23 Ngayon nga'y isumpa mo rito sa akin alang-alang sa Diyos, na di ka magsisinungaling sa akin, sa aking anak, at sa aking tagapagmana. Ayon sa kagandahang-loob na ipinakita ko sa iyo ay gayon ang gagawin mo sa akin, at sa lupaing iyong tinitirhan.”
24 At sinabi ni Abraham, “Sumusumpa ako.”
25 Nang sumbatan ni Abraham si Abimelec dahil sa isang balon ng tubig na sinamsam sa kanya ng mga tauhan ni Abimelec,
26 ay sinabi ni Abimelec, “Hindi ko alam kung sinong gumawa ng bagay na ito. Hindi mo naman sinabi sa akin, at hindi ko naman nabalitaan kundi ngayon.”
27 Kaya't kumuha si Abraham ng mga tupa at baka at ibinigay kay Abimelec; at silang dalawa ay gumawa ng isang tipan.
28 Nagbukod si Abraham ng pitong babaing kordero sa kawan.
29 At sinabi ni Abimelec kay Abraham, “Ano itong pitong babaing kordero na iyong ibinukod?”
30 Sinabi niya, “Itong pitong babaing kordero ay iyong kukunin sa akin upang ikaw ay maging saksi ko na hinukay ko ang balong ito.”
31 Kaya't tinawag niya ang lugar na iyon bilang Beer-seba; sapagkat doon sila kapwa sumumpa.
32 Pagkatapos nilang gumawa ng isang tipan sa Beer-seba, tumindig si Abimelec at si Ficol na kapitan ng kanyang hukbo at bumalik sa lupain ng mga Filisteo.
33 Nagtanim si Abraham ng isang punungkahoy ng tamarisko sa Beer-seba, at doon ay tinawag niya ang pangalan ng Panginoon, ang Walang Hanggang Diyos.
34 At si Abraham ay tumira ng maraming araw bilang isang dayuhan sa lupain ng mga Filisteo.
Iniutos ng Diyos na Ihandog ni Abraham si Isaac
22 Pagkatapos(G) ng mga bagay na ito, sinubok ng Diyos si Abraham, at sinabi sa kanya, “Abraham,” at sinabi niya, “Narito ako.”
2 At(H) kanyang sinabi, “Kunin mo ngayon ang iyong anak, ang iyong kaisa-isang anak na si Isaac, na iyong minamahal at pumunta ka sa lupain ng Moria. Ialay mo siya bilang handog na susunugin sa itaas ng isa sa mga bundok na aking sasabihin sa iyo.”
3 Si Abraham ay maagang bumangon at inihanda ang kanyang asno. Isinama niya ang dalawa sa kanyang mga batang tauhan at si Isaac na kanyang anak. Nagsibak siya ng kahoy para sa handog na susunugin; at siya'y naghanda at pumunta sa lugar na sinabi sa kanya ng Diyos.
4 Nang ikatlong araw ay tumingin si Abraham at kanyang natanaw ang lugar na iyon sa malayo.
5 Sinabi ni Abraham sa kanyang mga batang tauhan, “Maghintay kayo rito at ng asno, at ako at ang bata ay pupunta roon upang kami ay sumamba. Babalikan namin kayo.”
6 At kinuha ni Abraham ang kahoy ng handog na susunugin, at ipinasan kay Isaac na kanyang anak. Dinala niya sa kanyang kamay ang apoy at ang patalim at sila'y umalis na magkasama.
7 Nagsalita si Isaac kay Abraham na kanyang ama, “Ama ko.” At kanyang sinabi, “Narito ako, anak.” Sinabi niya, “Narito ang apoy at ang kahoy, ngunit nasaan ang korderong handog na susunugin?”
8 Kaya't sinabi ni Abraham, “Anak ko, ang Diyos ang magkakaloob ng korderong handog na susunugin.” At sila'y umalis na magkasama.
9 At(I) sila'y dumating sa lugar na sinabi sa kanya ng Diyos. Nagtayo roon si Abraham ng isang dambana, inayos ang kahoy, at tinalian si Isaac na kanyang anak at inilagay sa ibabaw ng kahoy na nasa ibabaw ng dambana.
10 Iniunat ni Abraham ang kanyang kamay at hinawakan ang patalim upang patayin ang kanyang anak.
11 Ngunit tinawag siya ng anghel ng Panginoon mula sa langit, at sinabi, “Abraham, Abraham.” At kanyang sinabi, “Narito ako.”
12 At sa kanya'y sinabi, “Huwag mong sasaktan ang bata, o gawan man siya ng anuman, sapagkat ngayon ay nalalaman ko na ikaw ay may takot sa Diyos, at hindi mo ipinagkait sa akin ang iyong anak, ang iyong kaisa-isang anak.”
13 Kaya't tumingin si Abraham, at nakita niya ang isang tupang lalaki sa likuran niya na ang mga sungay ay sumabit sa mga tinik. Lumapit si Abraham at kinuha ang tupa, at siyang inialay na handog na susunugin kapalit ng kanyang anak.
14 Kaya't tinawag ni Abraham ang lugar na iyon Yahweh-yireh.[b] Kaya't sinasabi hanggang sa araw na ito: “Sa bundok ng Panginoon ito ay ipagkakaloob.”
15 Mula sa langit ay muling tinawag ng anghel ng Panginoon si Abraham.
16 At(J) sinabi niya, “Sumumpa ako sa aking sarili,” wika ng Panginoon, “sapagkat ginawa mo ito at hindi mo ipinagkait sa akin ang iyong anak, ang iyong kaisa-isang anak;
17 tunay(K) na pagpapalain kita, at pararamihin ko ang iyong binhi, na gaya ng mga bituin sa langit at mga buhangin sa baybayin ng dagat; at makakamit ng iyong binhi ang pintuang-bayan ng kanyang mga kaaway.
18 At(L) sa pamamagitan ng iyong binhi ay pagpapalain ang lahat ng bansa sa lupa, sapagkat sinunod mo ang aking tinig.”
19 Kaya't bumalik si Abraham sa kanyang mga batang tauhan, at sila'y tumayo at sama-samang nagtungo sa Beer-seba; at nanirahan si Abraham sa Beer-seba.
Ang Lahi ni Nahor
20 Pagkatapos ng mga bagay na ito, ibinalita kay Abraham, “Si Milca ay nagkaroon din ng mga anak kay Nahor na iyong kapatid.
21 Si Uz ang kanyang panganay, si Buz na kanyang kapatid, at si Kemuel na ama ni Aram;
22 Si Chesed, Hazo, Pildas, Jidlaf, at si Betuel.”
23 Si Betuel ang naging ama ni Rebecca. Ang walong ito ay naging anak ni Milca kay Nahor na kapatid ni Abraham.
24 Gayundin, ipinanganak ng kanyang asawang-lingkod na si Reuma sina Teba, Gaham, Taas, at Maaca.
Sa Bunga Makikilala(A)
15 “Mag-ingat kayo sa mga bulaang propeta, na lumalapit sa inyo na may damit tupa, ngunit sa loob ay mga ganid na asong-gubat.
16 Makikilala ninyo sila sa kanilang mga bunga. Nakakapitas ba ng mga ubas sa mga tinikan, o ng mga igos sa mga dawagan?
17 Gayundin naman, ang bawat mabuting puno ay mabuti ang bunga, ngunit ang masamang puno ay masama ang bunga.
18 Hindi maaaring mamunga ng masama ang mabuting puno at mamunga ng mabuti ang masamang puno.
19 Bawat(B) puno na hindi mabuti ang bunga ay pinuputol, at itinatapon sa apoy.
20 Kaya't(C) makikilala ninyo sila sa kanilang mga bunga.
Hindi Ko Kayo Nakilala Kailanman(D)
21 “Hindi lahat ng nagsasabi sa akin ‘Panginoon, Panginoon,’ ay papasok sa kaharian ng langit, kundi ang gumaganap ng kalooban ng aking Ama na nasa langit.
22 Sa araw na iyon ay marami ang magsasabi sa akin, ‘Panginoon, Panginoon, hindi ba nagpropesiya kami sa iyong pangalan, at nagpalayas ng mga demonyo sa iyong pangalan, at sa iyong pangalan ay gumawa kami ng maraming gawang makapangyarihan?’
23 At(E) kung magkagayon ay ipahahayag ko sa kanila, ‘Hindi ko kayo kilala kailanman; lumayo kayo sa akin, kayong mga gumagawa ng kasamaan!’
Ang Matalino at ang Hangal na Nagtayo ng Bahay(F)
24 “Kaya't ang bawat nakikinig sa mga salita kong ito at ginaganap ang mga ito ay matutulad sa isang matalinong tao na nagtayo ng kanyang bahay sa ibabaw ng bato.
25 Bumagsak ang ulan, at dumating ang baha. Humihip ang mga hangin at hinampas ang bahay na iyon, ngunit hindi iyon bumagsak, sapagkat itinayo sa ibabaw ng bato.
26 Ang bawat nakikinig sa mga salita kong ito at hindi ginaganap ang mga ito ay matutulad sa isang taong hangal na nagtayo ng kanyang bahay sa buhanginan.
27 Bumagsak ang ulan, at dumating ang baha. Humihip ang mga hangin at hinampas ang bahay na iyon, at iyon ay bumagsak; napakalakas nga ng kanyang pagbagsak.”
28 At(G) nang matapos na ni Jesus ang mga salitang ito, namangha ang napakaraming tao sa kanyang aral;
29 sapagkat nagturo siya sa kanila na tulad sa may awtoridad at hindi gaya ng kanilang mga eskriba.
Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Muth-labben. Awit ni David.
9 Ako'y magpapasalamat sa Panginoon ng buong puso ko;
aking sasabihin sa lahat ang kahanga-hangang mga gawa mo.
2 Ako'y magagalak at magsasaya sa iyo.
O Kataas-taasan, ako'y aawit ng pagpuri sa pangalan mo.
3 Nang magsibalik ang mga kaaway ko,
sila'y natisod at nalipol sa harapan mo.
4 Sapagkat iyong pinanatili ang matuwid na usapin ko,
ikaw ay naggagawad ng matuwid na hatol habang nakaupo sa trono.
5 Iyong sinaway ang mga bansa, nilipol mo ang masama,
pinawi mo ang kanilang pangalan magpakailanman.
6 Ang kaaway ay naglaho sa walang hanggang pagkawasak;
ang kanilang mga lunsod ay binunot mo,
ang tanging alaala nila ay naglaho.
7 Ngunit nakaupong hari magpakailanman ang Panginoon,
itinatag niya ang kanyang trono para sa paghatol;
8 at hinahatulan niyang may katarungan ang sanlibutan,
at ang mga tao'y pantay-pantay niyang hinahatulan.
9 Ang muog para sa naaapi ay ang Panginoon,
isang muog sa magugulong panahon.
10 At silang nakakakilala ng iyong pangalan ay magtitiwala sa iyo;
sapagkat ikaw, O Panginoon, ay hindi nagpabaya sa mga naghahanap sa iyo.
11 Magsiawit kayo ng mga pagpuri sa Panginoon, sa mga nagsisitahan sa Zion!
Ipahayag ninyo sa mga bansa ang kanyang mga gawa!
12 Sapagkat siya na naghihiganti ng dugo ay inaalala sila;
hindi niya kinalilimutan ang daing ng nagdurusa.
16 Sa masamang babae ikaw ay maliligtas,
mula sa mapakiapid at sa mga salita niyang binibigkas,
17 na nagpapabaya sa kasamahan ng kanyang kabataan,
at ang tipan ng kanyang Diyos ay kanyang kinalilimutan;
18 sapagkat ang kanyang bahay ay lumulubog sa kamatayan,
at ang kanyang mga landas tungo sa mga kadiliman;
19 walang naparoroon sa kanya na nakakabalik muli,
ni ang mga landas ng buhay ay kanilang nababawi.
20 Kaya't ang lakad ng mabubuting tao ang iyong lakaran,
at ang mga landas ng matuwid ang iyong pakaingatan.
21 Sapagkat ang matuwid sa lupain ay mamamalagi,
at ang walang sala doon ay mananatili.
22 Ngunit ang masama ay tatanggalin sa lupain,
at ang mga taksil doon ay bubunutin.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001