The Daily Audio Bible
Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.
Si Jose at ang Kanyang mga Kapatid
37 Nanirahan si Jacob sa lupain kung saan tumira ang kanyang ama, sa lupain ng Canaan.
2 Ito ang salaysay tungkol sa pamilya ni Jacob: Si Jose, na may labimpitong taong gulang, ay nagpapastol ng kawan kasama ng kanyang mga kapatid. Siya ay kasama ng mga anak nina Bilha at Zilpa, na mga asawa ng kanyang ama; at ibinalita ni Jose sa kanilang ama ang kasamaan nila.
3 Minahal ni Israel si Jose nang higit kaysa lahat niyang anak, sapagkat siya ang anak ng kanyang katandaan at siya'y gumawa ng isang mahabang damit na kanyang suot.[a]
4 Nakita ng kanyang mga kapatid na siya'y minahal ng kanilang ama nang higit kaysa lahat niyang mga kapatid; at siya'y kinapootan nila at hindi sila nakipag-usap nang payapa sa kanya.
5 Minsan ay nanaginip si Jose at nang isalaysay niya ito sa kanyang mga kapatid, lalo pa silang napoot sa kanya.
6 Sinabi niya sa kanila, “Pakinggan ninyo ngayon itong aking napanaginip.
7 Tayo'y nagtatali ng mga bigkis ng trigo sa bukid, nang tumayo ang aking bigkis at tumindig nang matuwid. At ang inyong mga bigkis ay pumalibot at yumuko sa aking bigkis.”
8 Sinabi sa kanya ng kanyang mga kapatid, “Maghahari ka ba sa amin o mamamahala sa amin?” At lalo pa silang napoot sa kanya dahil sa kanyang mga panaginip at mga salita.
9 Nagkaroon pa siya ng ibang panaginip at isinalaysay sa kanyang mga kapatid, at sinabi, “Ako'y nagkaroon ng isa pang panaginip: ang araw, ang buwan, at ang labing-isang bituin ay yumuko sa akin.”
10 Subalit nang kanyang isalaysay ito sa kanyang ama at mga kapatid, siya ay pinagalitan ng kanyang ama, at sinabi sa kanya, “Ano itong iyong napanaginip? Tunay bang ako, ang iyong ina, at ang iyong mga kapatid ay yuyukod sa lupa sa harap mo?”
11 At(A) ang kanyang mga kapatid ay nainggit sa kanya, subalit pinag-isipan ng kanyang ama ang bagay na iyon.
Si Jose ay Ipinagbili at Dinala sa Ehipto
12 Umalis ang kanyang mga kapatid upang pastulin ang kawan ng kanilang ama sa Shekem.
13 Sinabi ni Israel kay Jose, “Hindi ba nagpapastol ng kawan sa Shekem ang iyong mga kapatid? Halika, at isusugo kita sa kanila.” Sinabi niya sa kanya, “Narito ako.”
14 Sinabi niya sa kanya, “Humayo ka, tingnan mo kung mabuti ang kalagayan ng iyong mga kapatid at ng kawan, at balitaan mo ako.” Siya'y kanyang isinugo mula sa libis ng Hebron, at dumating siya sa Shekem.
15 Nakita siya ng isang tao na gumagala sa parang at siya'y tinanong ng taong iyon, “Anong hinahanap mo?”
16 At sinabi niya, “Hinahanap ko ang aking mga kapatid; hinihiling ko sa iyo na sabihin mo sa akin kung saan sila nagpapastol.”
17 Sinabi ng tao, “Umalis na sila dito, sapagkat narinig kong sinabi nila, ‘Tayo na sa Dotan.’” Sinundan ni Jose ang kanyang mga kapatid, at natagpuan niya sila sa Dotan.
18 Kanilang natanawan siya sa malayo, at bago siya nakalapit sa kanila ay nagsabwatan sila laban sa kanya na siya'y patayin.
19 At sinabi nila sa isa't isa, “Tingnan ninyo, dumarating ang mahilig managinip.
20 Halikayo, patayin natin siya at itapon natin sa isa sa mga balon, at ating sasabihin, ‘Nilapa siya ng isang masamang hayop;’ at tingnan natin kung anong mangyayari sa kanyang mga panaginip.”
21 Subalit nang ito ay narinig ni Ruben, kanyang iniligtas siya sa kanilang mga kamay, at sinabi, “Huwag nating patayin.”[b]
22 Sinabi ni Ruben sa kanila, “Huwag kayong magpadanak ng dugo. Ihulog ninyo siya sa balong ito na nasa ilang, subalit huwag ninyong pagbuhatan ng kamay;” upang siya'y kanyang mailigtas sa kanilang kamay at maibalik sa kanyang ama.
23 Nang dumating si Jose sa kanyang mga kapatid, siya'y kanilang hinubaran ng kanyang mahabang damit na kanyang suot.[c]
24 Kanilang sinunggaban siya at inihulog sa balon. Ang balon ay tuyo at walang lamang tubig.
25 Pagkatapos ay umupo sila upang kumain ng tinapay; at sa pagtingin nila ay nakita nila ang isang pulutong na mga Ismaelita na nanggaling sa Gilead kasama ang kanilang mga kamelyo at may dalang mga pabango, mga mabangong langis, at mga mira na kanilang dadalhin sa Ehipto.
26 At sinabi ni Juda sa kanyang mga kapatid. “Anong ating mapapakinabang kung patayin natin ang ating kapatid, at ilihim ang kanyang dugo?
27 Halikayo, atin siyang ipagbili sa mga Ismaelita, at huwag natin siyang pagbuhatan ng kamay, sapagkat siya'y ating kapatid, at ating laman.” At pinakinggan siya ng kanyang mga kapatid.
28 Dumaan(B) ang mga mangangalakal na mga Midianita; at kanilang iniahon si Jose sa balon, at siya'y ipinagbili sa mga Ismaelita sa halagang dalawampung pirasong pilak. At dinala nila si Jose sa Ehipto.
29 Nang bumalik si Ruben sa balon at makitang si Jose ay wala na sa balon, kanyang pinunit ang kanyang mga suot.
30 Siya'y nagbalik sa kanyang mga kapatid, at kanyang sinabi, “Wala ang bata; at ako, saan ako pupunta?”
31 Kaya't kanilang kinuha ang mahabang damit[d] ni Jose, at sila'y pumatay ng isang lalaking kambing, at kanilang inilubog ang mahabang damit[e] sa dugo.
32 Kanilang ipinadala ang mahabang damit na kanyang suot sa kanilang ama, at kanilang sinabi, “Ito'y aming natagpuan, kilalanin mo kung ito'y mahabang damit ng iyong anak o hindi.”
33 Nakilala niya ito kaya't kanyang sinabi, “Ito nga ang mahabang damit ng aking anak! Sinakmal siya ng isang mabangis na hayop; tiyak na siya'y nilapa.”
34 Pinunit ni Jacob ang kanyang mga suot, at nilagyan niya ng damit-sako ang kanyang mga balakang, at ipinagluksa ng maraming araw ang kanyang anak.
35 Lahat ng kanyang mga anak na lalaki at babae ay nagtangkang siya'y aliwin; subalit tumanggi siyang maaliw, at kanyang sinabi, “Lulusong akong tumatangis para sa aking anak hanggang sa Sheol.” At tinangisan siya ng kanyang ama.
36 Samantala, ipinagbili siya ng mga Midianita sa Ehipto kay Potifar, isang pinuno ni Faraon na kapitan ng bantay.
Sina Juda at Tamar
38 Nang panahong iyon, lumusong si Juda papalayo sa kanyang mga kapatid, at tumira malapit sa isang Adullamita na ang pangalan ay Hira.
2 Doon ay nakita ni Juda ang anak na babae ng isang Cananeo na tinatawag na Shua. Siya ay naging asawa niya at kanyang sinipingan.
3 Siya ay naglihi at nanganak ng lalaki; at tinawag niya ang kanyang pangalan na Er.
4 At naglihi uli, at nanganak ng lalaki; at tinawag niya ang kanyang pangalan na Onan.
5 Muling naglihi at nanganak ng lalaki; at tinawag niya ang kanyang pangalan na Shela; at si Juda ay nasa Chezib nang siya'y manganak.
6 Pinapag-asawa ni Juda si Er na kanyang panganay, at ang pangalan niyon ay Tamar.
7 Subalit si Er na panganay ni Juda ay naging masama sa paningin ng Panginoon; at siya'y pinatay ng Panginoon.
8 Kaya't sinabi ni Juda kay Onan, “Pumunta ka sa asawa ng iyong kapatid, at pakasalan mo siya, at ipagbangon mo ng lahi[f] ang iyong kapatid.”
9 Subalit yamang nalalaman ni Onan na hindi magiging kanya ang anak, tuwing sisiping siya sa asawa ng kanyang kapatid, itinatapon niya sa lupa ang kanyang binhi upang huwag niyang mabigyan ng anak ang kanyang kapatid.
10 Ang bagay na ginawa niya ay masama sa paningin ng Panginoon, kaya't siya rin ay pinatay niya.
11 Nang magkagayo'y sinabi ni Juda kay Tamar na kanyang manugang na babae, “Mabuhay kang isang balo sa bahay ng iyong ama, hanggang sa lumaki si Shela na aking anak,” sapagkat natakot siya na baka ito rin ay mamatay gaya ng kanyang mga kapatid. At humayo si Tamar at nanirahan sa bahay ng kanyang ama.
12 Sa pagdaan ng maraming araw, namatay ang anak na babae ni Shua na asawa ni Juda. Nang tapos na ang pagluluksa ni Juda, siya at ang kanyang kaibigang si Hira na Adullamita ay umahon sa Timna sa mga manggugupit ng kanyang mga tupa.
13 Nang ibalita kay Tamar na “Ang iyong biyenang lalaki ay umaahon sa Timna upang pagupitan ang kanyang mga tupa,”
14 siya'y nagpalit ng kasuotan ng balo, tinakpan ang sarili ng isang belo, nagbalatkayo at naupo sa pasukan ng Enaim na nasa daan ng Timna. Kanyang nakikita na si Shela ay malaki na ngunit hindi ibinibigay sa kanya bilang asawa.
15 Nang makita siya ni Juda ay inakalang siya'y upahang babae, sapagkat nagtakip ng kanyang mukha.
16 Lumapit siya sa kanya sa tabi ng daan, at sinabi, “Halika, sisiping ako sa iyo;” sapagkat siya'y hindi niya nakilalang kanyang manugang. Sinabi niya, “Anong ibibigay mo sa akin upang ikaw ay makasiping sa akin?”
17 Kanyang sinabi, “Padadalhan kita ng isang anak ng kambing na mula sa kawan.” At kanyang sinabi, “Bibigyan mo ba ako ng sangla hanggang sa maipadala mo ito?”
18 Sinabi niya, “Anong sangla ang ibibigay ko sa iyo?” Sumagot siya, “Ang iyong singsing, ang iyong pamigkis, at ang tungkod na nasa iyong kamay.” Kaya't ang mga iyon ay ibinigay sa kanya, at siya'y sumiping sa kanya, at siya'y naglihi sa pamamagitan niya.
19 Pagkatapos siya'y bumangon, umalis at pagkahubad ng kanyang belo, ay isinuot ang mga kasuotan ng kanyang pagiging balo.
20 Nang ipadala ni Juda ang anak ng kambing sa pamamagitan ng kanyang kaibigang Adullamita, upang tanggapin ang sangla mula sa kamay ng babae, siya ay hindi niya natagpuan.
21 Kaya't tinanong niya ang mga tao sa lugar na iyon, “Saan naroon ang upahang babae na nasa tabi ng daan sa Enaim?” At kanilang sinabi, “Walang upahang babae rito.”
22 Kaya't nagbalik siya kay Juda, at sinabi, “Hindi ko siya natagpuan; at sinabi rin ng mga tao sa lugar na iyon, ‘Walang upahang babae rito.’”
23 Sinabi ni Juda, “Pabayaan mong ariin niya ang mga iyon, baka tayo'y pagtawanan. Tingnan mo, ipinadala ko itong anak ng kambing at hindi mo siya natagpuan.”
Mga Anak ni Juda kay Tamar
24 Pagkaraan ng halos tatlong buwan, ibinalita kay Juda na sinasabi, “Ang iyong manugang na si Tamar ay nagpaupa, at siya'y buntis sa pagpapaupa.” Sinabi ni Juda, “Ilabas siya upang sunugin.”
25 Nang siya'y inilabas, nagpasabi siya sa kanyang biyenan, “Nagdalang-tao ako sa lalaking nagmamay-ari ng mga ito.” At sinabi pa niya, “Nakikiusap ako sa inyo, inyong kilalanin kung kanino ang mga ito, ang singsing, ang pamigkis, at ang tungkod.”
26 Ang mga iyon ay kinilala ni Juda, at sinabi, “Siya'y higit na matuwid kaysa akin; yamang hindi ko ibinigay sa kanya si Shela na aking anak.” Hindi na siya muling sumiping sa kanya.
27 Nang dumating ang panahon ng kanyang panganganak, kambal ang nasa kanyang tiyan.
28 Sa kanyang panganganak, inilabas ng isa ang kanyang kamay at hinawakan ito ng hilot at tinalian sa kamay ng isang pulang sinulid, na sinasabi, “Ito ang unang lumabas.”
29 Ngunit nang iurong niya ang kanyang kamay, ang kanyang kapatid ang lumabas. At kanyang sinabi, “Paano ka nakagawa ng butas para sa iyong sarili?” Kaya't tinawag ang pangalan niyang Perez.[g]
30 Pagkatapos ay lumabas ang kanyang kapatid na may pulang sinulid sa kamay; at tinawag na Zera[h] ang kanyang pangalan.
Paglapastangan sa Espiritu Santo(A)
22 Pagkatapos ay dinala kay Jesus[a] ang isang bulag at pipi na inaalihan ng demonyo, at kanyang pinagaling ito kaya't ang dating pipi ay nakapagsalita at nakakita.
23 At ang lahat ng tao ay namangha at nagsabi, “Ito na kaya ang Anak ni David?”
24 Ngunit(B) nang marinig ito ng mga Fariseo ay sinabi nila, “Ang taong ito'y nagpapalayas ng mga demonyo sa pamamagitan lamang ni Beelzebul na pinuno ng mga demonyo.”
25 Ngunit nalalaman niya ang mga iniisip nila, at sinabi niya sa kanila, “Ang bawat kahariang nahahati laban sa kanyang sarili ay mawawasak; at ang bawat lunsod o bahay na nahahati laban sa kanyang sarili ay hindi makakatayo.
26 Kung pinalalayas ni Satanas si Satanas, siya ay nahahati laban sa kanyang sarili; paano ngang makakatayo ang kanyang kaharian?
27 At kung sa pamamagitan ni Beelzebul ay nagpapalayas ako ng mga demonyo, sa pamamagitan nino sila pinalalayas ng inyong mga anak? Kaya't sila ang magiging mga hukom ninyo.
28 Ngunit kung sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos ay nagpapalayas ako ng mga demonyo, dumating na nga sa inyo ang kaharian ng Diyos.
29 O paano bang makakapasok ang sinuman sa bahay ng malakas na tao at nakawin ang mga ari-arian nito, kung hindi muna gagapusin ang malakas na tao? At saka pa lamang niya mapagnanakawan ang bahay nito.
30 Ang(C) hindi panig sa akin ay laban sa akin, at ang hindi ko kasamang nagtitipon ay nagkakalat.
31 Kaya't sinasabi ko sa inyo, ang bawat kasalanan at paglapastangan ay ipatatawad sa mga tao; ngunit ang paglapastangan laban sa Espiritu ay hindi ipatatawad.
32 At(D) ang sinumang magsabi ng isang salita laban sa Anak ng Tao ay patatawarin; ngunit ang sinumang magsalita laban sa Espiritu Santo ay hindi patatawarin maging sa panahong ito o sa darating.
Sa Bunga Nakikilala(E)
33 “O(F) gawin ninyong mabuti ang puno at mabuti ang bunga nito o gawin ninyong masama ang puno at masama ang bunga nito; sapagkat ang puno ay nakikilala sa pamamagitan ng kanyang bunga.
34 Kayong(G) lahi ng mga ulupong! Paano kayo makapagsasalita ng mabubuting bagay gayong kayo ay masasama? Sapagkat sa kasaganaan ng puso ay nagsasalita ang bibig.
35 Ang mabuting tao ay naglalabas ng mabubuting bagay mula sa kanyang mabuting kayamanan, at ang masamang tao ay naglalabas ng masasamang bagay mula sa kanyang masamang kayamanan.
36 Subalit sinasabi ko sa inyo, na sa araw ng paghuhukom ay pananagutan ng mga tao ang bawat salita na binigkas na walang ingat.
37 Sapagkat sa pamamagitan ng iyong mga salita ay pawawalang-sala ka at sa pamamagitan ng iyong salita ay mahahatulan ka.”
Hinanapan si Jesus ng Tanda(H)
38 Pagkatapos,(I) ilan sa mga eskriba at mga Fariseo ang nagwika sa kanya, “Guro, ibig naming makakita ng isang tanda mula sa iyo.”
39 Ngunit(J) sumagot siya sa kanila, “Humahanap ng tanda ang isang masama at mapangalunyang lahi; ngunit walang tanda na ibibigay sa kanya, liban sa tanda ng propeta Jonas.
40 Sapagkat(K) kung paanong si Jonas ay nasa tiyan ng isang dambuhala sa dagat[b] sa loob ng tatlong araw at tatlong gabi, gayundin naman ang Anak ng Tao ay tatlong araw at tatlong gabing mapapasailalim ng lupa.
41 Ang(L) mga tao ng Ninive ay tatayo sa paghuhukom na kasama ng lahing ito at hahatulan nila ito, sapagkat nagsisi sila sa pangangaral ni Jonas; at masdan ninyo, may isang higit na dakila kaysa kay Jonas ang narito.
42 Ang(M) reyna ng timog ay tatayo sa paghuhukom na kasama ng lahing ito, at hahatulan niya ito, sapagkat nanggaling siya sa mga dulo ng daigdig upang makinig sa karunungan ni Solomon; at masdan ninyo, may isang higit na dakila kaysa kay Solomon ang narito.
Ang Pagbabalik ng Maruming Espiritu(N)
43 “Kaya't nang makalabas mula sa isang tao ang maruming espiritu, nagpagala-gala ito sa mga dakong walang tubig na humahanap ng mapapagpahingahan, ngunit wala siyang matagpuan.
44 Kaya't sinasabi niya, ‘Babalik ako sa aking bahay na pinanggalingan.’ Pagdating niya ay natagpuan niya iyong walang laman, nawalisan at naiayos na.
45 Pagkatapos ay umalis siya, at nagsasama pa ng pitong espiritu na higit na masasama kaysa kanya, at sila'y pumapasok at naninirahan doon; at ang huling kalagayan ng taong iyon ay naging masahol pa kaysa una. Gayundin ang mangyayari sa masamang lahing ito.”
Miktam ni David.
16 Ingatan mo ako, O Diyos, sapagkat sa iyo ako nanganganlong.
2 Sinasabi ko sa Panginoon, “Ikaw ay aking Panginoon;
ako'y walang kabutihan kung hiwalay ako sa iyo.”
3 Tungkol sa mga banal na nasa lupa, sila ang mararangal,
sa kanila ako lubos na natutuwa.
4 Yaong mga pumili ng ibang diyos ay nagpaparami ng kanilang mga kalungkutan;
ang kanilang inuming handog na dugo ay hindi ko ibubuhos,
ni babanggitin man sa aking mga labi ang kanilang mga pangalan.
5 Ang Panginoon ang aking piling bahagi at aking saro;
ang aking kapalaran ay hawak mo.
6 Ang pisi ay nahulog para sa akin sa magagandang dako;
oo, ako'y may mabuting mana.
7 Aking pupurihin ang Panginoon na nagbibigay sa akin ng payo;
maging sa gabi ay tinuturuan ako ng aking puso.
8 Lagi kong pinananatili ang Panginoon sa aking harapan;
hindi ako matitinag, sapagkat siya ay nasa aking kanan.
9 Kaya't ang aking puso ay masaya, at nagagalak ang aking kaluluwa;
ang akin namang katawan ay tatahang payapa.
10 Sapagkat(A) ang aking kaluluwa sa Sheol ay hindi mo iiwan,
ni hahayaan mong makita ng iyong banal ang Hukay.
11 Iyong(B) ipinakita sa akin ang landas ng buhay:
sa iyong harapan ay may kapuspusan ng kagalakan;
sa iyong kanang kamay ay mga kasayahan magpakailanman.
27 Huwag mong ipagkait ang mabuti sa kinauukulan,[a]
kapag ito'y nasa kapangyarihang gawin ng iyong kamay.
28 Huwag mong sabihin sa iyong kapwa, “Humayo ka, at bumalik na lamang,
at bukas ako magbibigay,” gayong mayroon ka naman.
29 Huwag kang magbalak ng masama laban sa iyong kapwa,
na naninirahan sa tabi mo nang may pagtitiwala.
30 Huwag kang makipagtalo sa kanino man nang walang dahilan,
kung hindi naman siya gumawa sa iyo ng kasamaan.
31 Huwag kang mainggit sa taong marahas,
at huwag mong piliin ang anuman sa kanyang mga landas;
32 sapagkat sa Panginoon ang suwail ay kasuklamsuklam,
ngunit ang matuwid ay kanyang pinagtitiwalaan.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001