The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NET. Switch to the NET to read along with the audio.
18 Nang ikatlong araw, sinabi ni Jose sa kanila, “Gawin ninyo ito at kayo'y mabubuhay; sapagkat may takot ako sa Diyos.
19 Kung kayo'y mga taong tapat, maiwan ang isa sa inyong magkakapatid kung saan kayo nakabilanggo; at ang iba ay humayo upang magdala ng trigo dahil sa taggutom sa inyong mga sambahayan.
20 Dalhin ninyo sa akin ang inyong kapatid na bunso; sa ganito'y mapapatotohanan ang inyong mga salita, at hindi kayo mamamatay.” At kanilang ginawa ang gayon.
21 Sinabi nila sa isa't isa, “Talagang tayo ay nagkasala dahil sa ating kapatid, sapagkat nakita natin ang kanyang pighati nang siya'y makiusap sa atin, ngunit hindi natin siya pinakinggan. Dahil dito'y dumating sa atin ang pighating ito.”
22 Si(A) Ruben ay sumagot sa kanila, “Hindi ba sinabi ko sa inyo, huwag kayong magkasala laban sa bata; at ayaw kayong makinig? Kaya ngayon ay dumating ang pagtutuos para sa kanyang dugo.”
23 Hindi nila nalalaman na naiintindihan sila ni Jose, yamang siya ay nakipag-usap sa kanila sa pamamagitan ng isang tagapagsalin.
24 Kaya't siya'y lumayo sa kanila at umiyak; at siya'y bumalik at nakipag-usap sa kanila. Kinuha niya sa kanila si Simeon, at siya'y tinalian sa harapan ng kanilang mga paningin.
25 Ipinag-utos ni Jose na punuin ng trigo ang kanilang mga sisidlan at ibalik ang salapi ng bawat isa sa kanya-kanyang sako at sila'y bigyan ng mababaon sa daan. At ito ay ginawa para sa kanila.
26 Pagkatapos ay kanilang ipinapasan ang trigo sa kanilang mga asno at umalis mula roon.
27 Sa pagbubukas ng isa sa kanyang sako upang bigyan ng pagkain ang kanyang asno sa tuluyan, nakita niya ang kanyang salapi, at nakita niya na ito ay nasa ibabaw ng kanyang sako.
28 Sinabi niya sa kanyang mga kapatid, “Ang salapi ko ay isinauli at tingnan din ninyo ang aking sako.” Sila'y nanlupaypay at bawat isa ay takot na nagsasabi sa kanyang kapatid, “Ano itong ginawa ng Diyos sa atin?”
29 Nang sila'y dumating kay Jacob na kanilang ama sa lupain ng Canaan, isinalaysay nila sa kanya ang lahat ng nangyari sa kanila, na sinasabi;
30 “Ang lalaking pinuno sa lupaing iyon ay marahas na kinausap kami at itinuring kaming mga espiya sa lupain.
31 Ngunit aming sinabi sa kanya, ‘Kami ay mga tapat, hindi kami mga espiya.
32 Kami ay labindalawang magkakapatid, mga anak ng aming ama; ang isa'y wala na, at ang bunso ay nasa aming ama ngayon sa lupain ng Canaan.’
33 Sinabi sa amin ng lalaking iyon na pinuno ng lupain, ‘Sa pamamagitan nito ay makikilala ko kung kayo'y mga tapat. Iwan ninyo sa akin ang isa sa inyong mga kapatid; umalis kayo at magdala ng butil para sa taggutom sa inyong mga sambahayan.
34 Dalhin ninyo rito sa akin ang inyong bunsong kapatid upang aking malaman na kayo'y hindi mga espiya, kundi kayo'y mga tapat. Saka ko isasauli sa inyo ang inyong kapatid at kayo'y makakapangalakal sa lupain.’”
Nakita ang Salapi sa Kanilang Sisidlan
35 Nang inaalisan nila ng laman ang kanilang mga sako, sa sako ng bawat isa ay nakalagay ang kanya-kanyang bungkos ng salapi. Nang makita nila at ng kanilang ama ang kanilang mga bungkos ng salapi, sila ay natakot.
36 Sinabi sa kanila ng kanilang amang si Jacob, “Pinangulila ninyo ako; si Jose ay wala na, at si Simeon ay wala na, at kukunin pa ninyo si Benjamin. Lahat ng ito ay nangyari sa akin!”
37 Nagsalita si Ruben sa kanyang ama, “Maaari mong ipapatay ang aking dalawang anak kung hindi ko siya maibabalik sa iyo. Ibigay mo siya sa akin at siya'y ibabalik ko sa iyo.”
38 Sinabi niya, “Hindi aalis ang aking anak na kasama ninyo sapagkat ang kanyang kapatid ay patay na, at siya na lamang ang natitira. Kung mangyari sa kanya ang anumang kapahamakan sa paglalakbay na inyong gagawin, ay pabababain nga ninyo ang aking mga uban na may kapanglawan sa Sheol.”
Bumabang Muli ang mga Kapatid ni Jose na Kasama si Benjamin
43 Noon ay matindi ang taggutom sa lupain.
2 Nang maubos na nilang kainin ang trigo na kanilang dinala mula sa Ehipto, sinabi sa kanila ng kanilang ama, “Bumalik kayo, bumili kayo ng kaunting pagkain para sa atin.”
3 Subalit sinabi ni Juda sa kanya, “Ang lalaking iyon ay mahigpit na nagbabala sa amin, na sinasabi, ‘Hindi ninyo makikita ang aking mukha malibang kasama ninyo ang inyong kapatid.’
4 Kung pasasamahin mo sa amin ang aming kapatid, bababa kami at ibibili ka namin ng pagkain.
5 Subalit kapag hindi mo siya pinasama ay hindi kami bababa; sapagkat sinabi sa amin ng lalaki, ‘Hindi ninyo ako makikita malibang kasama ninyo ang inyong kapatid.’”
6 Sinabi naman ni Israel, “Bakit ninyo ako ginawan ng ganitong kasamaan, na inyong sinabi sa lalaki na mayroon pa kayong ibang kapatid?”
7 Sila'y sumagot, “Ang lalaki ay masusing nagtanong tungkol sa amin at sa ating pamilya, na sinasabi, ‘Buháy pa ba ang inyong ama? May kapatid pa ba kayo?’ Sumagot kami sa kanyang mga tanong. Paano namin malalaman na kanyang sasabihin, ‘Dalhin ninyo rito ang inyong kapatid?’”
8 Sinabi ni Juda kay Israel na kanyang ama. “Pasamahin mo sa akin ang bata at hayaan mong kami ay makaalis na upang tayo'y mabuhay at huwag mamatay—kami, ikaw, at ang aming mga anak.
9 Ako mismo ang mananagot para sa kanya. Maaari mo akong panagutin para sa kanya. Kapag hindi ko siya naibalik sa iyo at naiharap sa iyo, ako ang magpapasan ng sisi magpakailanman.
10 Sapagkat kung hindi sana tayo naantala, dalawang ulit na sana kaming nakabalik.”
11 Sinabi naman sa kanila ng kanilang amang si Israel, “Kung talagang gayon, gawin ninyo ito: magdala kayo sa inyong sisidlan ng mga piling bunga ng lupain, at dalhan ninyo ng handog ang lalaki ng kaunting mabangong langis at kaunting pulot, pabango, mira, mga pili at almendras.
12 Magdala rin kayo ng dobleng dami ng salapi; dalhin ninyong pabalik ang salaping isinauli nila sa ibabaw ng inyong mga sako. Marahil iyon ay hindi napansin.
13 Dalhin din ninyo ang inyong kapatid, at muli kayong maglakbay pabalik sa lalaking iyon.
14 Pagkalooban nawa kayo ng Diyos na Makapangyarihan sa lahat ng awa sa harapan ng lalaking iyon upang ibalik sa inyo ang inyong isa pang kapatid at si Benjamin. At ako, kung ako'y mangulila, ako'y mangungulila.”
15 Kaya't dinala ng mga lalaki ang handog at ang dobleng dami ng salapi at si Benjamin. Sila'y pumunta sa Ehipto, at humarap kay Jose.
16 Nang makita ni Jose si Benjamin na kasama nila, ay sinabi niya sa katiwala ng kanyang bahay, “Dalhin mo ang mga lalaking iyan sa bahay, magpatay ka ng hayop, at ihanda mo; sapagkat ang mga lalaking iyan ay manananghaliang kasalo ko.”
17 Dinala ng katiwala ang mga lalaking iyon sa bahay ni Jose.
18 Ang mga lalaki ay natakot sapagkat sila'y dinala sa bahay ni Jose, at sinabi nila, “Dinala tayo rito dahil sa salaping isinauli sa ating mga sako noon, upang magkaroon siya ng pagkakataong dakpin tayo, at tayo'y kunin bilang mga alipin, pati ang ating mga asno.”
19 Kaya't sila'y lumapit sa katiwala ng bahay ni Jose at kinausap nila sa pintuan ng bahay.
20 Sinabi nila, “O panginoon ko, talagang kami ay bumaba noong una upang bumili ng pagkain.
21 Nang dumating kami sa tuluyan, binuksan namin ang aming mga sako, at naroon ang salapi ng bawat isa na nasa ibabaw ng kanya-kanyang sako, ang salapi namin sa tunay nitong timbang; kaya't ito ay muli naming dinala.
22 Nagdala rin kami ng karagdagang salapi upang ibili ng pagkain. Hindi namin nalalaman kung sino ang naglagay ng aming salapi sa aming mga sako.”
23 Siya'y sumagot, “Huwag kayong mag-alala o matakot man. Ang Diyos ninyo at ang Diyos ng inyong ama ang nagbigay sa inyo ng kayamanang nasa inyong mga sako; tinanggap ko ang inyong salapi.” Pagkatapos ay dinala niya si Simeon sa kanila.
24 Nang dalhin ng katiwala[a] ang mga lalaki sa bahay ni Jose, at sila'y mabigyan ng tubig, at makapaghugas ng kanilang mga paa, at mabigyan ng pagkain ang kanilang mga asno,
25 ay inihanda nila ang regalo sa pagdating ni Jose sa tanghali, sapagkat kanilang narinig na doon sila magsisikain.
26 Nang dumating si Jose sa bahay, dinala nila sa kanya ang regalo na dinala nila sa loob ng bahay at sila'y nagpatirapa sa harapan niya.
27 Kanyang tinanong sila tungkol sa kanilang kalagayan, at sinabi, “Mayroon bang kapayapaan ang inyong ama, ang matanda na inyong sinabi? Buháy pa ba siya?”
28 Kanilang sinabi, “Mayroong kapayapaan sa iyong lingkod, sa aming ama, siya ay buháy pa.” Sila'y nagsiyuko at nagpatirapa.
29 Tumingin siya at nakita niya ang kanyang kapatid na si Benjamin, ang anak ng kanyang ina, at kanyang sinabi, “Ito ba ang inyong bunsong kapatid na inyong sinabi sa akin?” Kanyang sinabi, “Pagpalain ka nawa ng Diyos, anak ko.”
30 Pagkatapos ay nagmadaling lumabas si Jose sapagkat nanaig ang kanyang pagmamahal sa kanyang kapatid. Humanap siya ng lugar na maiiyakan, pumasok sa loob ng silid, at umiyak doon.
31 Pagkatapos ay naghilamos siya, lumabas, nagpigil sa sarili, at nagsabi, “Maghain kayo ng pagkain.”[b]
32 Kanilang hinainan siya nang bukod, at sila naman ay bukod din, at ang mga Ehipcio na kumakaing kasama niya ay bukod, sapagkat ang mga Ehipcio ay hindi kumakaing kasalo ng mga Hebreo; sapagkat ito ay kasuklamsuklam sa mga Ehipcio.
33 Sila'y umupo sa harapan niya, ang panganay ayon sa kanyang pagkapanganay, at ang bunso ayon sa kanyang pagkabunso. At ang mga lalaki ay nagtinginan sa isa't isa na may pagkamangha.
34 Mula sa hapag ni Jose ay dinalhan sila ng mga pagkain, subalit ang pagkain ni Benjamin ay limang ulit na mas marami kaysa alinman sa kanila. Kaya't sila'y nag-inuman at nagkatuwaang kasama niya.
Ang Lambat
47 “Gayundin naman, ang kaharian ng langit ay tulad sa isang lambat na inihagis sa dagat at nakahuli ng iba't ibang uri ng isda.
48 Nang ito ay mapuno, hinila nila ito sa pampang. Umupo sila at tinipon sa mga sisidlan ang mabubuti, ngunit itinapon ang masasama.
49 Gayon ang mangyayari sa katapusan ng sanlibutan. Lalabas ang mga anghel at kanilang ihihiwalay ang masasama sa matutuwid,
50 at itatapon sila sa pugon ng apoy. Doon ay magkakaroon ng pagtangis at pagngangalit ng mga ngipin.
Kayamanang Bago at Luma
51 “Naunawaan ba ninyo ang lahat ng mga bagay na ito?” Sinabi nila sa kanya, “Oo.”
52 At sinabi niya sa kanila, “Kaya't ang bawat eskriba na sinanay para sa kaharian ng langit ay tulad sa isang puno ng sambahayan na naglalabas mula sa kanyang kayamanan ng mga bagay na bago at luma.”
Hindi Tinanggap si Jesus sa Nazaret(A)
53 Nang matapos na ni Jesus ang mga talinghagang ito, iniwan niya ang pook na iyon.
54 Dumating siya sa sarili niyang bayan at kanyang tinuruan sila sa kanilang sinagoga, anupa't sila'y namangha, at nagsabi, “Saan kumuha ang taong ito ng ganitong karunungan at ng ganitong mga gawang makapangyarihan?”
55 Hindi ba ito ang anak ng karpintero? Hindi ba ang kanyang ina ay tinatawag na Maria? At ang kanyang mga kapatid ay sina Santiago, Jose, Simon, at Judas?
56 Hindi ba't kasama natin ang lahat ng kanyang mga kapatid na babae? Saan kinuha ng taong ito ang lahat ng mga bagay na ito?”
57 At(B) natisod sila sa kanya. Ngunit sinabi sa kanila ni Jesus, “Ang isang propeta ay di nawawalan ng karangalan, maliban sa kanyang sariling bayan at sambahayan.”
58 At hindi siya gumawa roon ng maraming gawang makapangyarihan dahil sa kawalan nila ng pananampalataya.
Ang Pagkamatay ni Juan na Tagapagbautismo(C)
14 Nang panahong iyon ay narinig ng tetrarkang[a] si Herodes ang balita tungkol kay Jesus.
2 At sinabi niya sa kanyang mga lingkod, “Ito ay si Juan na Tagapagbautismo na muling binuhay[b] sa mga patay; kaya't nagagawa niya ang mga kababalaghang ito.”
3 Sapagkat(D) dinakip ni Herodes si Juan, iginapos niya ito at inilagay sa bilangguan dahil kay Herodias, na asawa ng kanyang kapatid na si Felipe.[c]
4 Sapagkat(E) sinabi ni Juan sa kanya, “Hindi ipinahihintulot sa iyo na angkinin mo siya.”
5 Bagama't ibig niyang ipapatay si Juan, natakot siya sa mga tao sapagkat kanilang itinuturing si Juan[d] na isang propeta.
6 Ngunit nang dumating ang pagdiriwang ng kaarawan ni Herodes, sumayaw sa gitna nila ang anak na babae ni Herodias, at ito ay ikinatuwa ni Herodes.
7 Kaya't siya'y nangako na may sumpa na kanyang ibibigay ang anumang hilingin nito.
8 Sa udyok ng kanyang ina ay sinabi niya, “Ibigay mo sa akin dito sa isang pinggan ang ulo ni Juan na Tagapagbautismo!”
9 Nalungkot ang hari, ngunit dahil sa kanyang mga sumpa at sa mga panauhin, ipinag-utos niyang ibigay iyon.
10 Nagsugo siya at pinapugutan niya ng ulo si Juan sa bilangguan.
11 Dinala na nasa isang pinggan ang kanyang ulo at ibinigay sa dalaga, at dinala naman nito sa kanyang ina.
12 Dumating ang mga alagad ni Juan,[e] kinuha ang bangkay at inilibing ito. Pagkatapos, sila'y umalis at ibinalita kay Jesus.
16 Siya'y nakaabot mula sa itaas, kinuha niya ako;
mula sa maraming tubig ay sinagip niya ako.
17 Iniligtas niya ako sa aking malakas na kaaway,
at sa mga napopoot sa akin,
sapagkat sila'y napakalakas para sa akin.
18 Sila'y nagsidating sa akin sa araw ng aking kasakunaan,
ngunit ang Panginoon ang aking gabay.
19 Inilabas niya ako sa maluwag na dako;
iniligtas niya ako, sapagkat sa akin siya'y nalulugod.
20 Ginantimpalaan ako ng Panginoon ayon sa aking katuwiran;
ayon sa kalinisan ng aking mga kamay ako'y kanyang ginantihan.
21 Sapagkat ang mga daan ng Panginoon ay aking iningatan,
at sa aking Diyos ay hindi humiwalay na may kasamaan.
22 Sapagkat lahat niyang mga batas ay nasa harapan ko,
at ang kanyang mga tuntunin sa akin ay hindi ko inilayo.
23 Ako'y walang dungis sa harapan niya,
at iningatan ko ang aking sarili mula sa pagkakasala.
24 Kaya't ginantimpalaan ako ng Panginoon ayon sa aking katuwiran,
ayon sa kalinisan ng aking mga kamay sa kanyang harapan.
25 Sa tapat ay ipinakita mo ang iyong sarili bilang tapat;
sa mga walang dungis ay ipinakita mo ang sarili bilang walang dungis.
26 Sa dalisay ay ipinakita mo ang sarili bilang dalisay;
at sa liko ay ipinakita mo ang sarili bilang masama.
27 Sapagkat iyong ililigtas ang mapagpakumbabang bayan,
ngunit ang mga mapagmataas na mata ay ibababa mo naman.
28 Oo, iyong papagniningasin ang aking ilawan;
pinaliliwanag ng Panginoon kong Diyos ang aking kadiliman.
29 Oo, sa pamamagitan mo ang isang hukbo ay madudurog ko,
at sa pamamagitan ng aking Diyos ang pader ay aking malulukso.
30 Tungkol sa Diyos—sakdal ang lakad niya;
ang salita ng Panginoon ay subok na;
siya'y kalasag ng lahat na nanganganlong sa kanya.
31 Sapagkat sino ang Diyos, kundi ang Panginoon?
At sino ang malaking bato, maliban sa ating Diyos?
32 Ang Diyos na nagbibigkis sa akin ng kalakasan,
at ginagawang ligtas ang aking daan.
33 Kanyang(A) ginagawa ang aking mga paa na gaya ng sa mga usa,
at sa mataas na dako ako'y matatag na inilalagay niya.
34 Sinasanay niya ang aking mga kamay para sa pakikidigma,
anupa't kayang baluktutin ng aking mga kamay ang panang tanso.
35 Ang kalasag ng iyong pagliligtas sa akin ay ibinigay mo,
at ng iyong kanang kamay ay inalalayan ako,
at pinadakila ako ng kahinahunan mo.
36 Maluwag na lugar ay binibigyan mo ako, para sa aking mga hakbang sa ilalim ko,
at hindi nadulas ang mga paa ko.
7 Ang pasimula ng karunungan ay ito: Kunin mo ang karunungan,
sa lahat mong kukunin ay kunin mo ang unawa.
8 Pahalagahan mo siya, at itataas ka niya;
pararangalan ka niya kapag niyakap mo siya.
9 Isang kaaya-ayang putong sa ulo mo'y kanyang ilalagay,
isang magandang korona sa iyo'y kanyang ibibigay.”
10 Makinig ka, anak ko, at tanggapin mo ang aking mga sinasabi,
at ang mga taon ng iyong buhay ay magiging marami.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001