Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NET. Switch to the NET to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Genesis 44-45

Ang Nawawalang Kopa

44 Iniutos niya sa katiwala ng kanyang bahay, “Punuin mo ng mga pagkain ang mga sako ng mga lalaking ito, hangga't madadala nila, at ilagay ang salapi ng bawat isa sa ibabaw ng kanyang sako.

Ilagay mo ang aking kopang pilak sa ibabaw ng sako ng bunso, at ang kanyang salapi para sa trigo.” Ginawa niya ang ayon sa sinabi ni Jose.

Nang nagliliwanag na ang umaga, isinugo na ang mga lalaki, kasama ang kanilang mga asno.

Nang sila'y makalabas na sa bayan, at hindi pa sila nakakalayo, sinabi ni Jose sa katiwala ng kanyang bahay, “Bumangon ka, habulin mo ang mga lalaki, at kapag sila'y inabutan mo, ay sabihin mo sa kanila, ‘Bakit ginantihan ninyo ng kasamaan ang kabutihan? Bakit ninyo ninakaw ang aking kopang pilak?[a]

Hindi ba ito ang kopang iniinuman ng aking panginoon, at sa pamamagitan nito siya ay nanghuhula? Kayo'y gumawa ng masama sa paggawa ng ganyan.’”

Nang kanyang abutan sila, kanyang sinabi sa kanila ang mga salitang ito.

Kanilang sinabi sa kanya, “Bakit sinabi ng aking panginoon ang mga salitang ito? Malayong gagawa ang iyong mga lingkod ng ganyang bagay.

Tingnan mo, ang salapi na aming natagpuan sa ibabaw ng aming mga sako ay aming isinauli sa iyo mula sa lupain ng Canaan. Paano naming mananakaw ang pilak at ginto sa bahay ng iyong panginoon?

Maging kanino man ito matagpuan sa iyong mga lingkod, siya ay mamatay, at pati kami ay magiging alipin ng aming panginoon.”

10 Kanyang sinabi, “Mangyari ayon sa inyong mga salita; maging kanino man ito matagpuan ay magiging aking alipin; at kayo'y pawawalang-sala.”

11 Nang magkagayo'y nagmadali sila, ibinaba ng bawat isa ang kanyang sako sa lupa, at binuksan ng bawat isa ang kanyang sako.

12 Kanyang sinaliksik, simula sa panganay hanggang sa bunso, at natagpuan ang kopa sa sako ni Benjamin.

13 Kaya't kanilang pinunit ang kanilang mga suot, at kinargahan ng bawat isa ang kanyang asno, at bumalik sa bayan.

14 Nang si Juda at ang kanyang mga kapatid ay dumating sa bahay ni Jose, siya'y nandoon pa, at sila'y nagpatirapa sa lupa sa harapan niya.

15 Sinabi ni Jose sa kanila, “Ano itong ginawa ninyo? Hindi ba ninyo nalalaman na ang isang taong gaya ko ay makapanghuhula?”

16 Sinabi ni Juda, “Anong aming sasabihin sa aming panginoon? Anong aming sasalitain? O paanong kami ay makakapangatuwiran? Natagpuan ng Diyos ang kasamaan ng iyong mga lingkod. Narito, kami ay mga alipin ng aming panginoon, kami pati na ang kinatagpuan ng kopa.”

17 At kanyang sinabi, “Malayo nawa sa akin ang gumawa nito; ang taong kinatagpuan ng kopa ay siyang magiging aking alipin, at kayo ay umuwing may kapayapaan sa inyong ama.”

Nakiusap si Juda para kay Benjamin

18 Nang magkagayo'y lumapit si Juda sa kanya, at sinabi, “O panginoon ko, pahintulutan mo ang iyong lingkod na magsalita sa pandinig ng aking panginoon, at huwag nawang magningas ang iyong galit laban sa iyong lingkod, sapagkat ikaw ay kagaya ng Faraon.

19 Tinanong ng aking panginoon ang kanyang mga lingkod, na sinasabi, ‘Kayo ba'y mayroong ama o kapatid?’

20 At aming sinabi sa aking panginoon, ‘Kami ay may ama, isang matanda, at isang anak sa kanyang katandaan, at ang kanyang kapatid ay patay na, at siya lamang ang naiwan ng kanyang ina, at minamahal siya ng kanyang ama.’

21 Sinabi mo sa iyong mga lingkod, ‘Dalhin ninyo siya sa akin, upang makita ko siya.’

22 Aming sinabi sa aking panginoon, ‘Hindi maiiwan ng bata ang kanyang ama, at kung iiwan niya ang kanyang ama, ang kanyang ama ay mamamatay.’

23 At sinabi mo sa iyong mga lingkod, ‘Kapag ang bunso ninyong kapatid ay hindi bumabang kasama ninyo, hindi na ninyo ako makikitang muli.’

24 Nang kami'y bumalik sa iyong lingkod na aking ama, aming sinabi sa kanya ang mga salita ng aking panginoon.

25 Nang sinabi ng aming ama, ‘Pumaroon kayong muli; bumili kayo ng kaunting pagkain para sa atin,’

26 ay aming sinabi, ‘Hindi kami makakababa. Kung ang aming bunsong kapatid ay kasama namin, ay bababa kami. Sapagkat hindi namin makikita ang mukha ng lalaking iyon, malibang ang aming bunsong kapatid ay kasama namin.’

27 Sinabi ng iyong lingkod na aming ama sa amin, ‘Nalalaman ninyo na ang aking asawa ay nagkaanak sa akin ng dalawang lalaki;

28 ang isa'y umalis sa akin, at aking sinabi, tiyak na siya'y nilapa; at hindi ko na siya nakita mula noon.

29 Kung inyong kukunin pa ang isang ito sa akin, at may mangyaring sakuna sa kanya, ay inyong ibababa ang aking uban sa Sheol na may kapanglawan.’

30 Kaya't ngayon, kung ako'y dumating sa iyong lingkod na aking ama, at ang bata ay hindi namin kasama, yamang ang kanyang buhay ay nakatali sa buhay ng batang iyan;

31 kapag kanyang nakitang ang bata ay di kasama, siya ay mamamatay at ibababa ng inyong mga lingkod ang mga uban ng iyong lingkod na aming ama sa Sheol na may kapanglawan.

32 Sapagkat ang iyong lingkod ang siyang naging panagot sa bata sa aking ama, na nagsasabi, ‘Kapag hindi ko siya dinala sa iyo, papasanin ko ang sisi ng aking ama magpakailanman.’

33 Kaya't ngayon, hinihiling ko na ipahintulot mo na ang iyong lingkod ang maiwan bilang isang alipin sa aking panginoon sa halip na ang bata at iyong ipahintulot na ang bata ay umahong kasama ng kanyang mga kapatid.

34 Sapagkat paano ako makakapunta sa aking ama kung ang bata'y hindi kasama? Takot akong makita ang kasamaang darating sa aking ama.”

Nagpakilala si Jose sa Kanyang mga Kapatid

45 Kaya't(A) hindi nakapagpigil si Jose sa harapan ng mga nakatayo sa tabi niya, at siya ay sumigaw, “Paalisin ninyo ang lahat ng tao sa aking harapan.” Kaya't walang taong nakatayo sa harapan niya nang si Jose ay magpakilala sa kanyang mga kapatid.

Siya'y umiyak nang malakas, at ito ay narinig ng mga Ehipcio at ng sambahayan ng Faraon.

Sinabi ni Jose sa kanyang mga kapatid, “Ako'y si Jose. Buháy pa ba ang aking ama?” Ang kanyang mga kapatid ay hindi makasagot sa kanya, sapagkat sila'y nanginig sa kanyang harapan.

Kaya't sinabi ni Jose sa kanyang mga kapatid, “Lumapit kayo sa akin.” At sila'y lumapit, at kanyang sinabi, “Ako'y si Jose na inyong kapatid, na inyong ipinagbili upang dalhin sa Ehipto.

Ngayon huwag kayong magdalamhati o magalit sa inyong mga sarili sapagkat ako'y ipinagbili ninyo rito; sapagkat sinugo ako ng Diyos na una sa inyo upang magligtas ng buhay.

Sapagkat ang taggutom ay dalawang taon na sa lupain; at limang taon pang hindi magkakaroon ng pagbubukid o pag-aani man.

Sinugo ako ng Diyos na una sa inyo upang magpanatili para sa inyo ng mga matitira sa daigdig at upang panatilihing buháy para sa inyo ang maraming nakaligtas.

Kaya't hindi kayo ang nagsugo sa akin dito, kundi ang Diyos, at ginawa niya ako bilang ama kay Faraon, at bilang panginoon sa kanyang buong bahay, at tagapamahala ng buong lupain ng Ehipto.

Magmadali(B) kayo at pumunta kayo sa aking ama, at sabihin ninyo sa kanya, ‘Ganito ang sabi ng iyong anak na si Jose: Ginawa ako ng Diyos na panginoon sa buong Ehipto, pumarito ka sa akin, huwag kang magtagal.

10 Ikaw ay maninirahan sa lupain ng Goshen, at malalapit ka sa akin, ikaw at ang iyong mga anak, ang mga anak ng iyong mga anak, ang iyong mga kawan, mga bakahan, at ang iyong buong pag-aari.

11 At doo'y tutustusan kita, sapagkat may limang taong taggutom pa; baka ikaw, at ang iyong sambahayan, at ang lahat ng iyo ay maging dukha.’

12 Nakikita ng inyong mga mata at ng mga mata ng aking kapatid na si Benjamin, na ang bibig ko mismo ang nagsasalita sa inyo.

13 Inyong sabihin sa aking ama kung paanong ako'y iginagalang sa Ehipto, at ang lahat ng inyong nakita. Magmadali kayo at dalhin ninyo rito ang aking ama.”

14 Siya'y humilig sa leeg ng kanyang kapatid na si Benjamin, at umiyak; at si Benjamin ay umiyak sa kanyang leeg.

15 Kanyang hinagkan ang lahat niyang mga kapatid, at umiyak sa kanila; at pagkatapos ay nakipag-usap sa kanya ang kanyang mga kapatid.

16 Nang ang ulat ay naibalita sa sambahayan ng Faraon, “Dumating na ang mga kapatid ni Jose,” ito ay minabuti ni Faraon at ng kanyang mga lingkod.

17 Sinabi ng Faraon kay Jose, “Sabihin mo sa iyong mga kapatid, ‘Gawin ninyo ito: Kargahan ninyo ang inyong mga hayop, humayo kayo at umuwi sa lupain ng Canaan.

18 Kunin ninyo ang inyong ama at ang inyong mga sambahayan, at pumarito kayo sa akin. Ibibigay ko sa inyo ang pinakamabuti sa lupain ng Ehipto, at inyong tamasahin ang katabaan ng lupain.’

19 Ngayo'y inuutusan ka, ‘Gawin mo ito: kumuha kayo ng mga karwahe sa lupain ng Ehipto para sa inyong mga anak, at sa inyong mga asawa, at kunin ninyo ang inyong ama at kayo'y pumarito.

20 Huwag na ninyong alalahanin pa ang inyong pag-aari, sapagkat ang pinakamabuti ng buong lupain ng Ehipto ay sa inyo.’”

21 Ganoon nga ang ginawa ng mga anak ni Israel, at ayon sa sinabi ng Faraon ay binigyan sila ni Jose ng mga karwahe, at ng mababaon sa daan.

22 Sa kanilang lahat ay nagbigay siya ng mga pampalit na bihisan; ngunit kay Benjamin ay nagbigay siya ng tatlong daang pirasong pilak, at limang pampalit na bihisan.

23 Sa kanyang ama ay nagpadala siya ng ganito: sampung asnong may pasang mabuting mga bagay mula sa Ehipto, at sampung babaing asno na may pasang trigo, tinapay, at pagkain ng kanyang ama sa daan.

24 Kaya't kanyang pinahayo ang kanyang mga kapatid, at sila'y umalis at kanyang sinabi sa kanila, “Huwag kayong mag-aaway sa daan.”

25 Sila'y umahon mula sa Ehipto, at dumating sa lupain ng Canaan, kay Jacob na kanilang ama.

26 Kanilang sinabi sa kanya, “Si Jose ay buháy pa! Sa katunaya'y siya ang pinuno sa buong lupain ng Ehipto.” Siya ay nabigla; hindi siya makapaniwala sa kanila.

27 Subalit nang kanilang sabihin sa kanya ang lahat ng mga salita na sinabi ni Jose sa kanila, at nang kanyang makita ang mga karwahe na ipinadala ni Jose upang dalhin siya, ay nanauli ang diwa ni Jacob na kanilang ama.

28 At sinabi ni Israel, “Sapat na! Si Jose na aking anak ay buháy pa. Dapat akong pumunta at makita siya bago ako mamatay.”

Mateo 14:13-36

Ang Pagpapakain sa Limang Libo(A)

13 Nang marinig ito ni Jesus, umalis siya roon na sakay ng isang bangka tungo sa isang ilang na lugar na wala siyang kasama. Nang mabalitaan ito ng maraming tao, naglakad silang sumunod sa kanya mula sa mga bayan.

14 Pagdating niya sa pampang, nakita niya ang napakaraming tao. Nahabag siya sa kanila at pinagaling niya ang mga maysakit sa kanila.

15 Nang nagtatakipsilim na, lumapit sa kanya ang mga alagad niya, na nagsasabi, “Ilang na lugar ito, at lumipas na ang maghapon. Papuntahin mo na ang mga tao sa mga nayon upang makabili sila ng kanilang makakain.”

16 Ngunit sinabi ni Jesus sa kanila, “Hindi na kailangang umalis pa sila; bigyan ninyo sila ng makakain.”

17 At sinabi nila sa kanya, “Mayroon lamang tayong limang tinapay at dalawang isda.”

18 Sinabi niya, “Dalhin ninyo rito sa akin.”

19 Ipinag-utos niya sa maraming tao na umupo sa damuhan. Pagkakuha niya sa limang tinapay at dalawang isda, tumingala siya sa langit, binasbasan niya ang mga ito, pinagputul-putol at ibinigay ang mga tinapay sa mga alagad, at ibinigay naman ng mga alagad sa maraming tao.

20 Kumain silang lahat at nabusog. Kinuha nila ang mga lumabis na pinagputul-putol na tinapay, at napuno ang labindalawang kaing.

21 At ang mga kumain ay may limang libong lalaki, bukod pa sa mga babae at sa mga bata.

Lumakad si Jesus sa Ibabaw ng Tubig(B)

22 Pagkatapos ay pinasakay niya kaagad ang kanyang mga alagad sa bangka at pinauna niya sa kabilang ibayo, habang pinapauwi niya ang maraming tao.

23 Pagkatapos niyang pauwiin ang maraming tao ay umakyat siyang mag-isa sa bundok upang manalangin. Pagsapit ng gabi, siya'y naroong nag-iisa.

24 Ngunit ang bangka ng mga sandaling iyon ay malayong-malayo na sa dalampasigan[a] na hinahampas ng mga alon, sapagkat pasalungat sa kanila ang hangin.

25 Nang madaling-araw na[b] ay lumapit siya sa kanila na lumalakad sa ibabaw ng dagat.

26 At nang makita ng mga alagad na siya ay lumalakad sa ibabaw ng dagat, nasindak sila, na nagsasabi, ‘Multo!’ Nagsigawan sila sa takot.

27 Ngunit nagsalita kaagad sa kanila si Jesus, na nagsasabi, “Lakasan ninyo ang inyong loob; ako ito. Huwag kayong matakot.”

28 Sumagot sa kanya si Pedro at nagsabi, “Panginoon, kung ikaw iyan, ipag-utos mo sa akin na lumapit sa iyo sa ibabaw ng tubig.”

29 Sinabi niya, “Halika.” Kaya't bumaba si Pedro sa bangka at lumakad sa ibabaw ng tubig patungo kay Jesus.

30 Ngunit nang mapansin niya ang hangin,[c] natakot siya, at nang siya'y papalubog na ay sumigaw siya, “Panginoon, iligtas mo ako!”

31 Inabot kaagad ni Jesus ang kamay niya at hinawakan siya, na sinasabi sa kanya, “O ikaw na maliit ang pananampalataya, bakit ka nag-alinlangan?”

32 Nang makasakay na sila sa bangka, ay huminto na ang hangin.

33 Sinamba siya ng mga nasa bangka, na nagsasabi, “Tunay na ikaw ang Anak ng Diyos.”

Pinagaling ni Jesus ang mga Maysakit sa Genesaret(C)

34 Nang makatawid na sila, dumating sila sa lupain ng Genesaret.

35 Nang makilala siya ng mga tao sa pook na iyon ay nagpakalat sila ng balita sa buong lupain at dinala sa kanya ang lahat ng mga maysakit.

36 Nakiusap sila sa kanya na mahipo man lamang nila ang laylayan ng kanyang damit; at ang lahat ng humipo nito ay gumaling.

Mga Awit 18:37-50

37 Hinabol ko ang aking mga kaaway, at inabutan ko sila,
    at hindi bumalik hanggang sa malipol sila.
38 Ganap ko silang sinaktan kaya't sila'y hindi makatayo;
    sila'y nalugmok sa ilalim ng aking mga paa.
39 Sapagkat binigkisan ako ng lakas para sa pakikipaglaban;
    pinalubog mo sa ilalim ko ang sa akin ay sumalakay.
40 Pinatatalikod mo sa akin ang mga kaaway ko,
    at yaong napopoot sa akin ay winasak ko.
41 Sila'y humingi ng tulong, ngunit walang magligtas,
    sila'y dumaing sa Panginoon, subalit sila'y hindi niya tinugon.
42 Dinurog ko silang gaya ng alabok sa harap ng hangin;
    inihagis ko sila na gaya ng putik sa mga lansangan.

43 Sa mga pakikipagtalo sa taong-bayan ako ay iniligtas mo;
    at sa mga bansa'y ginawa mo akong puno,
    ang naglingkod sa akin ay mga di ko kilalang mga tao.
44 Pagkarinig nila sa akin ay sinunod nila ako;
    ang mga dayuhan sa akin ay nagsisisuko.
45 Nanlulupaypay ang mga dayuhan,
    sila'y nagsisilabas na nanginginig mula sa dakong kanilang pinagtataguan.

46 Buháy ang Panginoon; at purihin ang aking malaking bato;
    at dakilain ang Diyos na kaligtasan ko.
47 Ang Diyos na nagbigay sa akin ng paghihiganti
    at nagpapasuko ng mga tao sa ilalim ko,
48 inililigtas niya ako sa mga kaaway ko.
    Oo, sa mga naghihimagsik laban sa akin ay itinaas mo ako,
    inililigtas mo ako sa mararahas na tao.
49 Dahil(A) dito'y magpapasalamat ako sa iyo, O Panginoon, sa gitna ng mga bansa,
    at aawit ako ng mga pagpupuri sa pangalan mo.
50 Mga dakilang tagumpay ang sa kanyang hari'y ibinibigay
    at nagpapakita ng tapat na pag-ibig sa kanyang pinahiran ng langis,
    kay David at sa kanyang binhi magpakailanman.

Mga Kawikaan 4:11-13

11 Itinuro ko sa iyo ang daan ng karunungan;
    pinatnubayan kita sa mga landas ng katuwiran.
12 Kapag ikaw ay lumakad, hindi magigipit ang iyong mga hakbang;
    at kung ikaw ay tumakbo, hindi ka mabubuwal.
13 Hawakan mong mabuti ang turo; huwag mong bitawan;
    siya'y iyong ingatan, sapagkat siya'y iyong buhay.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001