The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.
Si Hagar at si Ismael
16 Si Sarai na asawa ni Abram ay hindi nagkaanak sa kanya; at siya'y may isang alilang babae na taga-Ehipto, na ang pangalan ay Hagar.
2 Sinabi ni Sarai kay Abram, “Ako'y hinadlangan ng Panginoon na magkaanak. Sumiping[a] ka sa aking alilang babae; marahil ay magkakaanak ako sa pamamagitan niya.” At pinakinggan ni Abram ang sinabi ni Sarai.
3 Kaya't pagkaraan ng sampung taong paninirahan ni Abram sa lupain ng Canaan, kinuha ni Sarai na asawa ni Abram si Hagar na taga-Ehipto, na kanyang alila, at ibinigay kay Abram na kanyang asawa upang maging asawa niya.
4 Siya'y sumiping kay Hagar at naglihi; at nang makita ni Hagar na siya'y naglihi, tiningnan niya na may paghamak ang kanyang panginoong babae.
5 At sinabi ni Sarai kay Abram, “Mapasaiyo nawa ang kasamaang ginawa sa akin, ibinigay ko ang aking alila sa iyong kandungan; at nang kanyang makita na siya'y naglihi ay hinamak ako sa kanyang paningin. Ang Panginoon ang humatol sa akin at sa iyo.”
6 Subalit sinabi ni Abram kay Sarai, “Ang iyong alila ay nasa iyong kapangyarihan. Gawin mo sa kanya ang mabuti sa iyong paningin.” Pinagmalupitan siya ni Sarai at si Hagar ay tumakas.
7 Natagpuan siya ng anghel ng Panginoon sa tabi ng isang bukal sa ilang, sa bukal na nasa daang patungo sa Shur.
8 At sinabi niya, “Hagar, alila ni Sarai, saan ka nanggaling at saan ka pupunta?” At kanyang sinabi, “Ako'y tumatakas kay Sarai na aking panginoon.”
9 Sinabi sa kanya ng anghel ng Panginoon, “Magbalik ka sa iyong panginoon, at pasakop ka sa kanyang mga kamay.”
10 Sinabi din sa kanya ng anghel ng Panginoon, “Pararamihin kong lubos ang iyong binhi, at sila'y hindi mabibilang dahil sa karamihan.”
11 At sinabi sa kanya ng anghel ng Panginoon, “Ngayon, ikaw ay nagdadalang-tao at manganganak ng isang lalaki. Ang itatawag mo sa kanyang pangalan ay Ismael, sapagkat pinakinggan ng Panginoon ang iyong dalamhati.”
12 Siya'y magiging isang taong gaya ng mailap na asno, ang kanyang kamay laban sa lahat, at ang kamay ng lahat ay laban sa kanya; at habang nabubuhay ay kalaban ng lahat niyang mga kapatid.
13 Kaya't kanyang pinangalanan ang Panginoon na nagsalita sa kanya, “Ikaw ay Diyos na nakakakita;”[b] sapagkat sinabi niya, “Talaga bang nakita ko ang Diyos at nanatiling buháy pagkatapos na makita siya?”
14 Kaya't pinangalanan ang balong iyon na Balon ng Nabubuhay na Nakakakita sa Akin;[c] ito'y nasa pagitan ng Kadesh at Bered.
15 At(A) nanganak si Hagar ng isang lalaki kay Abram at ang itinawag ni Abram sa kanyang anak na ipinanganak ni Hagar ay Ismael.
16 Si Abram ay walumpu't anim na taon nang ipanganak ni Hagar si Ismael sa kanya.
Pagtutuli ang Tanda ng Tipan
17 Nang si Abram ay siyamnapu't siyam na taon, ang Panginoon ay nagpakita kay Abram, at sa kanya'y nagsabi, “Ako ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat! Lumakad ka sa harapan ko, at maging walang kapintasan;
2 at ako'y makikipagtipan sa iyo at ikaw ay aking labis na pararamihin.”
3 At nagpatirapa si Abram, at sinabi ng Diyos sa kanya,
4 “Para sa akin, ito ang aking pakikipagtipan sa iyo: Ikaw ang magiging ama ng maraming bansa.
5 Ang(B) pangalan mo ay hindi na tatawaging Abram,[d] kundi Abraham ang magiging pangalan mo; sapagkat ikaw ay ginawa kong ama ng maraming bansa.
6 Ikaw ay gagawin kong mayroong napakaraming anak at magmumula sa iyo ang mga bansa; at magbubuhat sa iyo ang mga hari.
7 Aking(C) itatatag ang aking tipan sa iyo at sa iyong binhi kahit sa iyong pagkamatay sa buong lahi nila, isang tipang walang hanggan, upang maging Diyos mo at ng iyong binhi.
8 At(D) ibibigay ko sa iyo at sa iyong binhi pagkamatay mo ang lupaing kung saan ka ngayon ay isang dayuhan, ang buong lupain ng Canaan bilang pag-aaring walang hanggan; at ako ang magiging Diyos nila.”
9 Sinabi ng Diyos kay Abraham, “At tungkol sa iyo, iingatan mo ang aking tipan, ikaw at ang iyong binhi pagkamatay mo sa buong lahi nila.
10 Ito(E) ang aking tipan na inyong iingatan, ang tipan natin at ng iyong binhi pagkamatay mo: Ang bawat lalaki sa inyo ay tutuliin.
11 Inyong tutuliin ang balat ng inyong maselang bahagi, at ito ang magiging tanda ng aking tipan sa inyo.
12 Sa inyong buong lahi, bawat lalaking may gulang na walong araw sa inyo ay tutuliin, maging ang aliping ipinanganak sa inyong bahay, o ang binili ng salapi sa sinumang taga-ibang lupa na hindi sa iyong lahi.
13 Ang aliping ipinanganak sa bahay at ang binili ng iyong salapi ay dapat tuliin; at ang aking tipan ay makikita sa iyong laman bilang tipang walang hanggan.
14 Ang sinumang lalaking hindi tuli, na hindi tinuli ang balat ng maselang bahagi ay ititiwalag sa kanyang bayan; sinira niya ang aking tipan.”
Ang Panganganak kay Isaac ay Ipinangako
15 At sinabi ng Diyos kay Abraham, “Tungkol kay Sarai na iyong asawa, huwag siyang tatawaging Sarai, kundi Sara[e] ang magiging pangalan niya.
16 Siya'y aking pagpapalain, at bibigyan kita ng anak sa pamamagitan niya. Siya'y aking pagpapalain, at siya'y magiging ina ng mga bansa; ang mga hari ng mga bayan ay magmumula sa kanya.”
17 Nang magkagayo'y nagpatirapa at tumawa si Abraham, at sinabi sa kanyang sarili, “Magkakaanak pa kaya ang isang tao na isandaang taong gulang na? Manganak pa kaya si Sara na siyamnapung taong gulang na?”
18 At sinabi ni Abraham sa Diyos, “Bakit hindi na lang si Ismael ang magmana ng mga ipinangako ninyo sa akin?”[f]
19 Sinabi ng Diyos, “Hindi! Ang iyong asawang si Sara ay tiyak na magkakaanak sa iyo, at tatawagin mo siya sa pangalang Isaac. Itatatag ko ang aking tipan sa kanya bilang isang walang hanggang tipan, at sa kanyang lahi pagkamatay niya.
20 Tungkol kay Ismael ay narinig kita. Pinagpala ko siya at siya'y gagawin kong mabunga at lubos kong pararamihin. Labindalawang prinsipe ang kanyang magiging anak, at siya'y gagawin kong malaking bansa.
21 Aking itatatag ang aking tipan kay Isaac na ipapanganak sa iyo ni Sara sa panahong ito sa taong darating.”
22 Pagkatapos makipag-usap sa kanya, ang Diyos ay pumaitaas na mula kay Abraham.
23 Ipinagsama ni Abraham si Ismael, na kanyang anak, at ang lahat ng ipinanganak sa kanyang bahay, at ang lahat ng binili niya ng kanyang salapi, ang lahat ng lalaki sa mga kasambahay ni Abraham, at kanyang tinuli ang balat ng maselang bahagi ng kanilang katawan nang araw ding iyon, ayon sa sinabi ng Diyos sa kanya.
24 Si Abraham ay siyamnapu't siyam na taong gulang nang tuliin ang balat ng kanyang maselang bahagi.
25 At si Ismael ay labintatlong taon nang tuliin ang balat ng kanyang maselang bahagi.
26 Nang araw ding iyon ay tinuli si Abraham at si Ismael na kanyang anak.
27 At lahat ng lalaking kasambahay niya, maging ang mga aliping ipinanganak sa bahay niya at ang mga binili ng salapi sa taga-ibang lupain ay tinuling kasama niya.
Ipinangako kay Abraham ang Isang Anak
18 Ang Panginoon ay nagpakita kay Abraham[g] sa may punong ensina ni Mamre habang siya'y nakaupo nang kainitan ang araw sa pintuan ng tolda.
2 Itinaas(F) niya ang kanyang paningin at nakita ang tatlong lalaki na nakatayo na malapit sa kanya. Nang sila'y kanyang makita, tumakbo siya upang sila'y salubungin mula sa pintuan ng tolda, at yumuko siya sa lupa.
3 At sinabi, “Panginoon ko, kung ako'y nakatagpo ng biyaya sa inyong paningin ay hinihiling ko sa inyo na huwag mong lampasan ang iyong lingkod.
4 Hayaan mong dalhan ko kayo rito ng kaunting tubig, at maghugas kayo ng inyong mga paa, at magpahinga kayo sa lilim ng kahoy.
5 Kukuha ako ng kaunting tinapay upang makapagpalakas sa inyo, at pagkatapos ay magpatuloy na kayo, yamang kayo'y pumarito sa inyong lingkod.” Kaya't sinabi nila, “Gawin mo ang ayon sa iyong sinabi.”
6 Si Abraham ay nagmadaling pumunta sa tolda ni Sara, at sinabi, “Dali! Maghanda ka ng tatlong takal ng mainam na harina, masahin mo at gawing mga tinapay.”
7 At tumakbo si Abraham sa bakahan at kumuha ng isang bata at malusog na baka, at ibinigay sa alipin na nagmamadaling inihanda ito.
8 Kinuha niya ang mantekilya, gatas, at ang bakang inihanda niya, at inihain sa harapan nila. Siya'y tumayo sa tabi nila sa lilim ng punungkahoy samantalang sila'y kumakain.
9 At sinabi nila sa kanya, “Nasaan si Sara na iyong asawa?” At sinabi niya “Naroon siya sa tolda.”
10 At(G) sinabi ng isa, “Ako ay tiyak na babalik sa iyo sa tamang panahon, at si Sara na iyong asawa ay magkakaanak ng isang lalaki.” Si Sara noon ay nakikinig sa may pintuan ng tolda na nasa likuran niya.
11 Sina Abraham at Sara ay kapwa matanda na at lipas na sa panahon. Si Sara ay hindi na dinadatnan ng tulad ng likas sa mga babae.
12 Nagtawa(H) si Sara sa kanyang sarili, na sinasabi, “Pagkatapos na ako'y tumanda at matanda na rin ang asawa ko, magkakaroon pa ba ako ng kasiyahan?”
13 At sinabi ng Panginoon kay Abraham, “Bakit tumawa si Sara, na sinasabi, ‘Tunay kayang ako'y manganganak, kahit matanda na ako?’”
14 “Mayroon(I) bang anumang bagay na napakahirap sa Panginoon? Sa takdang panahon ay babalik ako sa iyo, sa tamang panahon, at si Sara ay magkakaanak ng isang lalaki.”
15 Subalit nagkaila si Sara, na sinasabi, “Hindi ako tumawa,” sapagkat siya'y natakot. Ngunit sinabi ng Panginoon, “Hindi. Ikaw ay talagang tumawa.”
Turo tungkol sa Paglilimos
6 “Mag-ingat(A) kayo na huwag ninyong gawin ang inyong kabanalan sa harap ng mga tao upang makita nila. Sapagkat kung gayon, wala kayong gantimpala mula sa inyong Ama na nasa langit.
2 “Kaya, kapag ikaw ay naglilimos, huwag kang magpapatunog ng trumpeta sa harapan mo, gaya ng ginagawa ng mga mapagkunwari sa mga sinagoga at sa mga lansangan, upang papurihan sila ng mga tao. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, tinanggap na nila ang kanilang gantimpala.
3 Ngunit kapag ikaw ay naglilimos, huwag mong hayaang malaman ng iyong kaliwang kamay ang ginagawa ng iyong kanang kamay,
4 upang maging lihim ang iyong paglilimos; at ang iyong Ama na nakakakita ng mga lihim ay gagantimpalaan ka.
Turo tungkol sa Pananalangin(B)
5 “At(C) kapag kayo ay nananalangin, huwag kayong maging tulad sa mga mapagkunwari; sapagkat ibig nilang tumayo at manalangin sa mga sinagoga at sa mga panulukan ng mga lansangan upang makita sila ng mga tao. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, tinanggap na nila ang kanilang gantimpala.
6 Ngunit kapag ikaw ay mananalangin, pumasok ka sa iyong silid, at pagkasara mo ng iyong pinto ay manalangin ka sa iyong Ama na nasa lihim, at ang iyong Ama na nakakakita ng mga lihim ay gagantimpalaan ka.[a]
7 “At sa pananalangin ay huwag kayong gumamit ng walang kabuluhang paulit-ulit, na tulad ng ginagawa ng mga Hentil, sapagkat inaakala nilang sila ay pakikinggan dahil sa marami nilang salita.
8 Huwag nga kayong tumulad sa kanila, sapagkat alam na ng inyong Ama ang mga bagay na inyong kinakailangan, bago pa kayo humingi sa kanya.
9 Manalangin nga kayo nang ganito: Ama naming nasa langit, sambahin nawa ang pangalan mo.
10 Dumating nawa ang kaharian mo. Masunod nawa ang kalooban mo, kung paano sa langit, gayundin naman sa lupa.
11 Bigyan mo kami ngayon ng aming pagkain sa araw-araw.[b]
12 At patawarin mo kami sa aming mga utang, gaya rin namin na nagpapatawad sa mga may utang sa amin.
13 At huwag mo kaming dalhin sa tukso, kundi iligtas mo kami sa masama.[c]
14 Sapagkat(D) kung pinatatawad ninyo ang mga tao sa kanilang mga kasalanan, patatawarin din naman kayo ng inyong Ama na nasa langit.
15 Ngunit kung hindi ninyo pinatatawad ang mga tao sa kanilang mga kasalanan, hindi rin naman kayo patatawarin ng inyong Ama sa inyong mga kasalanan.
Turo tungkol sa Pag-aayuno
16 “At kapag kayo ay nag-aayuno, huwag kayong magmukhang mapanglaw, tulad ng mga mapagkunwari, sapagkat pinasasama nila ang kanilang mga mukha upang ipakita sa mga tao ang kanilang pag-aayuno. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, tinanggap na nila ang kanilang gantimpala.
17 Ngunit kapag nag-aayuno ka, lagyan mo ng langis ang iyong ulo, at maghilamos ka ng iyong mukha;
18 upang ang iyong pag-aayuno ay hindi makita ng mga tao, kundi ng iyong Ama na nasa lihim, at gagantimpalaan ka ng iyong Ama na nakakakita ng lihim na bagay.
Ang Kayamanan sa Langit(E)
19 “Huwag(F) kayong magtipon ng mga kayamanan para sa inyong sarili sa lupa, na dito ay naninira ang bukbok at ang kalawang[d] at ang mga magnanakaw ay nakakapasok at nakakapagnakaw;
20 kundi magtipon kayo para sa inyong sarili ng mga kayamanan sa langit, na doon ang bukbok at ang kalawang ay hindi makapaninira at ang mga magnanakaw ay hindi rin makakapasok ni makakapagnakaw.
21 Sapagkat kung nasaan ang iyong kayamanan, naroon din naman ang iyong puso.
Ang Ilawan ng Katawan(G)
22 “Ang mata ang ilawan ng katawan: Kung tapat ang iyong mata, ang buong katawan mo'y mapupuno ng liwanag.
23 Ngunit kung masama ang iyong mata, ang iyong buong katawan ay magiging kadiliman. Kaya't kung ang liwanag na nasa iyo ay kadiliman, anong laki ng kadiliman!
Diyos o Kayamanan(H)
24 “Walang makapaglilingkod sa dalawang panginoon, sapagkat kapopootan niya ang isa at iibigin ang ikalawa; o magiging tapat siya sa isa, at hahamakin ang ikalawa. Hindi kayo makapaglilingkod sa Diyos at sa kayamanan.[e]
Sigaion ni David na kanyang inawit sa Panginoon tungkol kay Cus na Benjaminita.
7 O Panginoon kong Diyos, nanganganlong ako sa iyo,
iligtas mo ako sa lahat ng humahabol sa akin, at iligtas mo ako,
2 baka gaya ng leon ay lurayin nila ako,
na kinakaladkad akong papalayo, at walang sumaklolo.
3 O Panginoon kong Diyos, kung ginawa ko ito,
kung may pagkakamali sa mga kamay ko,
4 kung ako'y gumanti ng kasamaan sa aking kaibigan
o nilooban ang aking kaaway na walang dahilan,
5 hayaang habulin ako ng aking kaaway at abutan ako,
at tapakan niya sa lupa ang buhay ko,
at ilagay sa alabok ang kaluwalhatian ko. (Selah)
6 Ikaw ay bumangon, O Panginoon, sa iyong galit,
itaas mo ang iyong sarili laban sa poot ng aking mga kagalit,
at gumising ka dahil sa akin; ikaw ay nagtakda ng pagsusulit.
7 Hayaang ang kapulungan ng mga tao ay pumaligid sa iyo;
at bumalik ka sa itaas sa ibabaw nito.
8 Ang Panginoon ay humahatol sa mga bayan;
hatulan mo ako, O Panginoon, ayon sa aking katuwiran,
at ayon sa taglay kong katapatan.
9 O(A) nawa'y magwakas na ang kasamaan ng masama,
ngunit itatag mo ang matuwid;
sapagkat sinusubok ng matuwid na Diyos
ang mga puso at mga pag-iisip.[a]
10 Ang Diyos ay aking kalasag,
na nagliligtas ng pusong tapat.
11 Ang Diyos ay hukom na matuwid,
at isang Diyos na araw-araw ay may galit.
12 Kung hindi magsisi ang tao, ihahasa ng Diyos ang tabak nito;
kanyang inihanda at iniumang ang kanyang palaso;
13 nakakamatay na mga sandata ang kanyang inihanda,
kanyang pinapagniningas ang kanyang mga pana.
14 Narito, siya'y nagdaramdam ng kasamaan;
at siya'y naglihi ng kasamaan, at nanganak ng kabulaanan.
15 Siya'y gumawa ng hukay at pinalalim pang kusa,
at nahulog sa butas na siya ang may gawa.
16 Bumabalik sa sarili niyang ulo ang gawa niyang masama,
at ang kanyang karahasan sa sarili niyang bumbunan ay bumababa.
17 Ibibigay ko sa Panginoon ang pasasalamat na nararapat sa kanyang katuwiran,
at ako'y aawit ng papuri sa pangalan ng Panginoon, ang Kataas-taasan.
Ang Gantimpala ng Karunungan
2 Anak ko, kung ang mga salita ko'y iyong tatanggapin,
at mga utos ko sa iyo ay iyong pagyayamanin,
2 ikiling mo sa karunungan ang iyong pandinig,
at sa pang-unawa ang puso mo'y ihilig.
3 Kung ikaw ay sumigaw upang makaalam,
at itinaas ang iyong tinig upang makaunawa,
4 kung kagaya ng pilak, ito'y iyong hahanapin,
at tulad ng nakatagong kayamanan, ito'y sasaliksikin,
5 kung magkagayo'y ang takot sa Panginoon ay iyong mauunawaan,
at ang kaalaman sa Diyos ay iyong matatagpuan.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001