The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NET. Switch to the NET to read along with the audio.
Si Jose at ang Asawa ni Potifar
39 Noon ay dinala si Jose sa Ehipto, at binili siya ni Potifar sa mga Ismaelita na nagdala sa kanya roon. Si Potifar ay pinuno ni Faraon, na kapitan ng bantay at isang taga-Ehipto.
2 Ang(A) Panginoon ay naging kasama ni Jose, at siya'y naging lalaking maunlad. Siya'y nasa bahay ng kanyang among taga-Ehipto.
3 Nakita ng kanyang amo na ang Panginoon ay kasama niya, at ang lahat ng ginagawa ni Jose ay umuunlad sa kanyang kamay.
4 Kaya't nakatagpo si Jose ng biyaya sa paningin niya at ginawa niyang kanyang katulong.[a] Ipinamahala niya kay Jose ang bahay niya at ang lahat niyang pag-aari ay inilagay sa kanyang pangangasiwa.
5 Mula nang panahon na si Jose ay pamahalain sa kanyang bahay at sa lahat ng kanyang pag-aari, pinagpala ng Panginoon ang bahay ng taga-Ehipto. Ang pagpapala ng Panginoon ay dumating sa lahat ng kanyang pag-aari, sa bahay at sa parang.
6 Kaya't ipinamahala niya ang lahat niyang pag-aari sa kamay ni Jose, at hindi siya nakikialam sa anumang bagay maliban sa tinapay na kanyang kinakain. Si Jose ay matipuno at makisig na lalaki.
7 Pagkatapos ng mga bagay na ito, tinitigan si Jose ng asawa ng kanyang panginoon at sinabi, “Sipingan mo ako.”
8 Subalit siya'y tumanggi at sinabi niya sa asawa ng kanyang panginoon, “Tingnan mo, ang aking panginoon ay hindi nakikialam sa akin tungkol sa anumang bagay na nasa bahay, at lahat ng kanyang pag-aari ay ipinamahala sa aking kamay.
9 Walang sinumang dakila kaysa akin sa bahay na ito; walang anumang bagay ang ipinagkait sa akin, maliban sa iyo, sapagkat ikaw ay kanyang asawa. Paano ngang magagawa ko itong malaking kasamaan at kasalanan laban sa Diyos?”
10 Kahit nakikiusap siya kay Jose araw-araw, ay hindi siya pumayag na siya'y sumiping o makisama sa kanya.
11 Subalit isang araw, nang siya'y pumasok sa bahay upang gawin ang kanyang gawain at walang sinumang tao sa bahay,
12 siya'y pinigilan niya sa pamamagitan ng kanyang suot, na sinasabi, “Sipingan mo ako!” Subalit naiwan ni Jose[b] ang kanyang suot sa kamay niya, at siya'y tumakas papalabas ng bahay.
13 Nang makita niyang naiwan ang kanyang suot sa kamay niya at tumakas sa labas ng bahay,
14 siya'y tumawag ng mga tao sa kanyang bahay, at sinabi sa kanila, “Tingnan ninyo, ang aking asawa[c] ay nagdala sa atin ng isang Hebreo upang tayo'y tuyain. Pinasok niya ako upang ako'y sipingan, at ako'y nagsisigaw nang malakas.
15 Nang marinig niyang ako'y nagtaas ng tinig at nagsisigaw, naiwan niya ang kanyang suot sa aking tabi at tumakas, at lumabas ng bahay.”
16 Pagkatapos ay iningatan niya ang kasuotan ni Jose[d] hanggang sa pagdating ng kanyang amo sa kanyang bahay.
17 Sinabi niya sa kanya ang mga salita ring ito, na sinasabi, “Pinasok ako ng aliping Hebreo na iyong dinala sa atin, upang tuyain ako.
18 Nang nagtaas ako ng aking tinig at ako'y nagsisigaw, kanyang naiwan ang suot niya sa aking tabi at tumakas na papalabas.”
19 Nang marinig ng kanyang amo ang mga sinabi ng kanyang asawa, na sinasabi, “Ganito ang ginawa sa akin ng iyong alipin;” ay nag-alab ang kanyang galit.
Si Jose ay Ibinilanggo
20 Kinuha si Jose ng kanyang panginoon at inilagay sa bilangguan, sa lugar na pinagkukulungan ng mga bilanggo ng hari.
21 Subalit(B) kasama ni Jose ang Panginoon at nagpakita sa kanya ng tapat na pag-ibig, at pinagkalooban siya ng biyaya sa paningin ng bantay sa bilangguan.
22 Ipinamahala ng bantay sa bilangguan sa pangangalaga ni Jose ang lahat na mga bilanggo na nasa bilangguan; at anumang ginagawa nila roon ay siya ang gumagawa.
23 Hindi pinakialaman ng bantay sa bilangguan ang anumang bagay na nasa pamamahala ni Jose sapagkat ang Panginoon ay kasama niya. Anumang kanyang ginagawa ay pinagpapala ng Panginoon.
Ipinaliwanag ni Jose ang Panaginip ng mga Bilanggo
40 Pagkatapos ng mga bagay na ito, ang katiwala ng kopa ng hari at ang kanyang panadero ay nagkasala laban sa kanilang panginoon na hari ng Ehipto.
2 Nagalit ang Faraon laban sa kanyang dalawang tagapamahala, sa puno ng mga katiwala ng kopa at sa puno ng mga panadero.
3 Sila'y ibinilanggo sa bahay ng kapitan ng bantay, sa bilangguang kinapipiitan ni Jose.
4 Si Jose ay inatasan ng kapitan ng bantay na mamahala sa kanila at sila'y kanyang pinaglingkuran. Sila'y nasa bilangguan nang maraming mga araw.
5 Isang gabi, ang katiwala ng kopa at ang panadero ng hari sa Ehipto na nasa bilangguan ay kapwa nanaginip, at ang bawat panaginip ay may kanya-kanyang kahulugan.
6 Kinaumagahan, dumating si Jose sa kanila. Siya'y tumingin sa kanila at nakita niyang sila'y balisa.
7 Kaya't tinanong niya ang mga tagapamahala ng Faraon na mga kasama niya sa bilangguan sa bahay ng kanyang panginoon, “Bakit balisa kayo ngayon?”
8 Kanilang sinabi sa kanya, “Kami ay nanaginip at walang sinumang makapagpaliwanag.” Sinabi sa kanila ni Jose, “Hindi ba mula sa Diyos ang mga paliwanag? Sabihin ninyo sa akin.”
9 Kaya't isinalaysay ng puno ng mga katiwala ng kopa ang kanyang panaginip kay Jose at sinabi sa kanya, “Sa aking panaginip ay may isang puno ng ubas sa aking harapan.
10 Sa puno ng ubas ay may tatlong sanga. Sa pagsipot ng dahon nito, ito ay namulaklak at ang mga buwig niyon ay naging mga ubas na hinog.
11 Ang kopa ng Faraon ay nasa aking kamay; at kinuha ko ang mga ubas at aking piniga ang mga ito sa kopa ng Faraon, at ibinigay ko ang kopa sa kamay ng Faraon.”
12 At sinabi ni Jose sa kanya, “Ito ang kahulugan niyon: ang tatlong sanga ay tatlong araw.
13 Sa loob ng tatlong araw ay itataas ng Faraon ang iyong ulo, at ibabalik ka sa iyong katungkulan, at ibibigay mo ang kopa ni Faraon sa kanyang kamay, gaya ng karaniwang dati mong ginagawa nang ikaw ay kanyang katiwala.
14 Subalit alalahanin mo ako kapag ikaw ay napabuti na, at hinihiling ko sa iyo na gumawa ka ng mabuti sa akin, at banggitin mo ako sa Faraon, at ako'y ilabas mo sa bahay na ito.
15 Ako'y tunay na ninakaw sa lupain ng mga Hebreo, at dito naman ay wala akong ginagawang anuman upang ako'y ilagay nila sa bilangguan.”
16 Nang makita ng puno ng mga panadero na ang kahulugan ay mabuti ay sinabi niya kay Jose, “Ako'y nanaginip din, at may tatlong kaing ng maputing tinapay ang nasa ibabaw ng aking ulo.
17 Sa ibabaw ng kaing ay naroon ang lahat ng uri ng pagkain para sa Faraon. Subalit ito ay kinakain ng mga ibon mula sa kaing na nasa ibabaw ng aking ulo.”
18 Si Jose ay sumagot, “Ito ang kahulugan niyon: ang tatlong kaing ay tatlong araw.
19 Sa loob ng tatlong araw ay itataas ng Faraon ang iyong ulo, at ibibitin ka sa isang punungkahoy, at kakainin ng mga ibon ang iyong laman.”
20 Nang ikatlong araw, na siyang kapanganakan ng Faraon, gumawa siya ng isang handaan para sa lahat ng kanyang mga lingkod. Ipinatawag niya[e] ang puno ng mga katiwala ng kopa, at ang puno ng mga panadero.
21 At ibinalik niya ang puno ng mga katiwala ng kopa sa kanyang pagiging katiwala ng kopa, at ibinigay niya ang kopa sa kamay ng Faraon.
22 Subalit ang puno ng mga panadero ay ibinitin niya, gaya ng ipinakahulugan sa kanila ni Jose.
23 Gayunma'y hindi na naalala si Jose ng puno ng mga katiwala ng kopa, kundi nakalimutan siya.
Ipinaliwanag ni Jose ang Panaginip ng Hari
41 Sa katapusan ng dalawang taon, ang Faraon ay nanaginip na siya'y nakatayo sa tabi ng Nilo.
2 May umahon sa ilog na pitong bakang magaganda ang anyo at matataba at ang mga ito ay kumain ng damo.
3 Pagkatapos nito, sa likuran ng mga ito ay may pito pang ibang mga baka na umahon sa ilog na mga pangit ang anyo at payat; at sila ay nagsihinto sa tabi ng mga unang baka sa pampang ng ilog.
4 Ang pitong bakang magaganda ang anyo at matataba ay kinain ng mga bakang pangit ang anyo at payat. At nagising ang Faraon.
5 Siya'y natulog at nanaginip sa ikalawang pagkakataon; mula sa iisang tangkay ay umusbong ang pitong uhay na mabibintog at malulusog.
6 Pagkatapos nito, pitong uhay na payat at tinuyo ng hanging silangan ang tumubong kasunod ng mga iyon.
7 Nilamon ng mga uhay na payat ang pitong uhay na mabibintog at malulusog. Nagising ang Faraon, at iyon ay isang panaginip.
8 Kinaumagahan,(C) ang kanyang diwa ay nabagabag at siya'y nagpasugo at ipinatawag ang lahat ng salamangkero at mga pantas sa Ehipto. Isinalaysay ng Faraon sa kanila ang kanyang panaginip, subalit walang makapagpaliwanag sa Faraon.
9 Nang magkagayon ay nagsalita sa Faraon ang puno ng mga katiwala ng kopa na sinasabi, “Naaalala ko sa araw na ito ang aking pagkakasala.
10 Nang ang Faraon ay nagalit sa kanyang mga lingkod, ibinilanggo niya ako sa bahay ng kapitan ng bantay, ako at ang puno ng mga panadero.
11 Isang gabi, kami ay nanaginip, siya at ako. Kami ay nagkaroon ng kanya-kanyang panaginip na may kanya-kanyang kahulugan.
12 Doon ay kasama namin ang isang binata, isang Hebreo, na alipin ng kapitan ng bantay. Nang sabihin namin sa kanya ay ipinaliwanag niya sa amin ang aming panaginip; ipinaliwanag niya ang kahulugan ayon sa panaginip ng bawat isa sa amin.
13 At nangyari nga sa amin ang ayon sa kanyang ipinaliwanag sa amin; ako'y ibinalik sa aking katungkulan, at ang panadero ay ipinabitay.”
14 Kaya't nagpasugo ang Faraon at ipinatawag si Jose, at madali siyang inilabas sa bilangguan. At nang siya'y makapag-ahit at makapagpalit ng damit ay pumunta sa Faraon.
15 At sinabi ng Faraon kay Jose, “Ako'y nanaginip at walang makapagpaliwanag nito. Nabalitaan ko na pagkarinig mo ng isang panaginip ay naipapaliwanag mo.”
16 Sumagot si Jose sa Faraon, na sinasabi, “Hindi ako, ang Diyos ang sasagot sa kapayapaan ng Faraon.”
Ang Ina at mga Kapatid ni Jesus(A)
46 Samantalang nagsasalita pa si Jesus[a] sa maraming tao, ang kanyang ina at mga kapatid na lalaki ay nakatayo sa labas at ibig nilang makausap siya.
47 [May nagsabi sa kanya, “Narito, ang iyong ina at mga kapatid ay nakatayo sa labas, at ibig ka nilang makausap.”][b]
48 Ngunit sumagot siya at sinabi sa nagsabi sa kanya, “Sino ang aking ina at sinu-sino ang aking mga kapatid?”
49 Itinuro niya ang kamay niya sa kanyang mga alagad, at sinabi, “Narito ang aking ina at ang aking mga kapatid!
50 Sapagkat sinumang gumagawa ng kalooban ng aking Ama na nasa langit, ay siyang aking mga kapatid na lalaki at babae, at ina.”
Ang Talinghaga tungkol sa Manghahasik(B)
13 Nang araw ding iyon ay lumabas si Jesus sa bahay at umupo sa tabi ng dagat.
2 Nagtipun-tipon(C) sa palibot niya ang napakaraming tao, kaya't sumakay siya sa isang bangka at umupo roon samantalang ang lahat ng tao ay nakatayo sa baybayin.
3 At nagsalita siya sa kanila ng maraming bagay sa pamamagitan ng mga talinghaga, na sinasabi: “Makinig kayo! Isang manghahasik ang humayo upang maghasik.
4 Habang siya'y naghahasik, may mga binhing nahulog sa tabing daan; at dumating ang mga ibon at kinain nila ang mga ito.
5 Ang iba nama'y nahulog sa batuhan na doo'y kakaunti lamang ang lupa; at kaagad silang sumibol yamang hindi malalim ang lupa.
6 Kaya't pagsikat ng araw, ang mga iyon ay natuyo at dahil sa walang ugat ang mga iyon ay tuluyang nalanta.
7 Ang iba ay nahulog sa mga tinikan. Lumaki ang mga tinik at sinakal ang mga iyon.
8 Ang iba ay nahulog sa mabuting lupa, at namunga. Ang iba ay tig-iisang daan, ang iba ay animnapu, ang iba ay tatlumpu.
9 Ang mga may pandinig ay makinig.”
Ang Layunin ng mga Talinghaga(D)
10 Lumapit ang mga alagad, at sinabi nila sa kanya, “Bakit ka nagsasalita sa kanila sa pamamagitan ng mga talinghaga?”
11 Sumagot siya at sinabi sa kanila, “Sapagkat sa inyo ipinagkaloob na malaman ang mga hiwaga ng kaharian ng langit, ngunit hindi ipinagkaloob sa kanila.
12 Sapagkat(E) sinumang mayroon ay lalong bibigyan, at magkakaroon siya ng kasaganaan; ngunit sinumang wala, pati ang nasa kanya ay kukunin.
13 Dahil dito ay nagsasalita ako sa kanila sa pamamagitan ng mga talinghaga, sapagkat sa kanilang pagtingin ay hindi sila nakakakita, at sa kanilang pakikinig ay hindi sila nakakarinig, at hindi sila nakakaunawa.
14 Natutupad(F) nga sa kanila ang propesiya ni Isaias, na nagsasabi:
‘Sa pakikinig kayo'y makakarinig, ngunit kailanma'y hindi makakaunawa,
at sa pagtingin kayo'y titingin, ngunit kailanma'y hindi makakabatid.
15 Sapagkat naging manhid na ang puso ng bayang ito,
at mahirap nang makarinig ang kanilang mga tainga,
at ipinikit nila ang kanilang mga mata;
baka ang kanilang mga mata'y makakita,
at makarinig ang kanilang mga tainga,
at makaunawa ang puso nila,
at manumbalik sa akin, at sila'y aking pagalingin.’
16 Ngunit(G) mapapalad ang inyong mga mata, sapagkat ang mga ito'y nakakakita; at ang inyong mga tainga, sapagkat ang mga ito'y nakakarinig.
17 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, maraming propeta at mga taong matuwid ang naghangad na makita ang inyong nakikita, ngunit hindi nila nakita; at marinig ang inyong naririnig, ngunit hindi nila ito narinig.
Paliwanag sa Talinghaga tungkol sa Manghahasik(H)
18 “Pakinggan ninyo ang talinghaga ng manghahasik.
19 Kung ang sinuman ay nakikinig ng salita ng kaharian, at hindi niya ito inuunawa, darating ang masama at aagawin ang naihasik sa kanyang puso. Ito ang naihasik sa tabing daan.
20 Ang napahasik sa mga batuhan ay iyong nakikinig ng salita, at agad niyang tinatanggap ito na may kagalakan.
21 Gayunma'y hindi siya nagkaugat kundi sandali lamang tumatagal; at kapag dumating ang kapighatian o pag-uusig dahil sa salita ay kaagad siyang natitisod.
22 Ang napahasik sa mga tinikan ay iyong nakikinig ng salita; ngunit ang kabalisahan ng sanlibutan at ang daya ng mga kayamanan ay sumasakal sa salita at iyon ay nagiging walang bunga.
23 Ang napahasik naman sa mabuting lupa, ay iyong nakikinig ng salita at inuunawa ito, na siyang talagang namumunga. Ang isa ay isandaan, ang iba ay animnapu, at ang iba ay tatlumpu.”
Panalangin ni David.
17 O Panginoon, pakinggan mo ang matuwid na usapin, pansinin mo ang aking daing!
Mula sa mga labing walang pandaraya, dinggin mo ang aking panalangin.
2 Mula sa iyo ay manggaling ang aking kahatulan,
makita nawa ng iyong mga mata ang katuwiran!
3 Sinubok mo ang aking puso, dinalaw mo ako sa gabi,
nilitis mo ako at wala kang natagpuan,
ako'y nagpasiya na ang aking bibig ay hindi susuway.
4 Tungkol sa mga gawa ng mga tao, sa pamamagitan ng salita ng mga labi mo,
ang mga daan ng karahasan ay naiwasan ko.
5 Ang aking mga hakbang ay nanatili sa iyong mga landas,
ang aking mga paa ay hindi nadulas.
6 Ako'y tumatawag sa iyo, O Diyos, sapagkat ikaw ay sasagot sa akin,
ang iyong pandinig ay ikiling sa akin, ang aking mga salita ay pakinggan mo rin.
7 Ipakita mong kagila-gilalas ang tapat mong pagmamahal,
O tagapagligtas ng mga naghahanap ng kanlungan
mula sa kanilang mga kaaway sa iyong kanang kamay.
8 Gaya ng itim ng mata, ako ay ingatan mo,
sa lilim ng iyong mga pakpak, ako ay ikubli mo,
9 mula sa masama na nananamsam sa akin,
sa nakakamatay kong mga kaaway na pumapalibot sa akin.
10 Isinara nila ang kanilang mga puso sa kahabagan,
sa kanilang bibig ay nagsalita sila na may kapalaluan.
11 Kinubkob nga nila kami sa aming mga hakbang;
itinititig nila ang kanilang mga mata upang sa lupa kami ay ibuwal.
12 Sila'y parang leong sabik na manluray,
parang batang leon na sa mga tagong dako ay nag-aabang.
13 O Panginoon, bumangon ka, harapin mo sila, ibagsak mo sila!
Iligtas mo sa masama ang buhay ko sa pamamagitan ng tabak mo,
14 mula sa mga tao, sa pamamagitan ng iyong kamay, O Panginoon ko,
mula sa mga tao na ang bahagi sa buhay ay sa sanlibutang ito.
At ang tiyan nila'y pinupuno mo ng iyong kayamanan,
sila'y nasisiyahan na kasama ng mga anak,
at iniiwan nila ang kanilang kayamanan sa kanilang mga sanggol.
15 Tungkol sa akin, aking mamasdan ang iyong mukha sa katuwiran;
kapag ako'y gumising, aking mamamasdan ang iyong anyo at masisiyahan.
33 Ang sumpa ng Panginoon ay nasa bahay ng masama;
ngunit ang tahanan ng matuwid ay kanyang pinagpapala.
34 Sa(A) mga nanunuya siya ay mapanuya,
ngunit sa mapagkumbaba ay nagbibigay siya ng biyaya.
35 Ang pantas ay magmamana ng kaluwalhatian,
ngunit kahihiyan ang magiging ganti sa mga hangal.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001