Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the GNT. Switch to the GNT to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Ezekiel 7-9

Dumating na ang Wakas

Bukod dito'y, ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi:

“O anak ng tao, ganito ang sabi ng Panginoong Diyos sa lupain ng Israel: Wakas na! Ang wakas ay dumating na sa apat na sulok ng lupain.

Ngayon ang wakas ay sumasaiyo, at aking pararatingin ang aking galit sa iyo, at hahatulan kita ayon sa iyong mga lakad; at dadalhin ko sa iyo ang lahat ng iyong kasuklamsuklam.

Hindi ka patatawarin ng aking mata, o kahahabagan man kita, kundi aking parurusahan ka dahil sa iyong mga ginagawa, habang ang iyong mga kasuklamsuklam ay nasa iyong kalagitnaan. At iyong malalaman na ako ang Panginoon.

“Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Kapahamakan, tanging kapahamakan: Narito, ito'y dumarating.

Ang wakas ay dumating na, ang wakas ay dumating na; ito'y gumigising laban sa iyo. Narito, ito'y dumarating.

Ang iyong kapahamakan ay dumating na sa iyo, O naninirahan sa lupain. Ang panahon ay dumating na, ang araw ay malapit na, araw ng pagkakagulo, at hindi ng kagalakang may sigawan sa ibabaw ng mga bundok.

Malapit ko na ngayong ibuhos sa iyo ang aking poot, at aking uubusin ang aking galit laban sa iyo, at hahatulan kita ayon sa iyong mga lakad, at dadalhin ko sa iyo ang lahat ng iyong kasuklamsuklam.

Ang aking mata ay hindi magpapatawad, o mahahabag man ako. Parurusahan kita ayon sa iyong mga lakad; samantalang ang iyong mga kasuklamsuklam ay nasa kalagitnaan mo. At inyong malalaman na ako ang Panginoon na nananakit.

10 “Narito ang araw! Narito, dumarating ito. Ang iyong kapahamakan ay dumating na, ang tungkod[a] ay namulaklak, ang kapalaluan ay sumibol.

11 Ang karahasan ay tumubo na naging pamalo ng kasamaan. Walang malalabi sa kanila, wala kahit sa mga tao, ni kayamanan man, at hindi magkakaroon ng karangalan sa kanila.

12 Ang panahon ay dumating na, ang araw ay nalalapit. Huwag magalak ang mamimili, o tumangis man ang nagtitinda, sapagkat ang poot ay nasa lahat nilang karamihan.

13 Gayon nga hindi na babalikan ng nagtitinda ang kanyang ipinagbili, habang sila'y buháy pa. Sapagkat ang pangitain ay nasa lahat nilang karamihan. Hindi iyon babalik; at dahil sa kanyang kasamaan, walang makapagpapanatili ng kanyang buhay.

14 “Hinipan na nila ang trumpeta at naihanda na ang lahat. Ngunit walang pumaroon sa labanan sapagkat ang aking poot ay laban sa lahat nilang karamihan.

15 Ang tabak ay nasa labas, ang salot at ang taggutom ay nasa loob. Siyang nasa parang ay namatay sa tabak; at siyang nasa lunsod ay nilamon ng taggutom at salot.

16 At kung makatakas ang sinumang nakaligtas, sila'y mapupunta sa mga bundok, na parang mga kalapati sa mga libis. Silang lahat ay tumatangis, bawat isa dahil sa kanyang kasamaan.

17 Lahat ng mga kamay ay manghihina, at lahat ng mga tuhod ay manlalata gaya ng tubig.

18 Sila'y nagbigkis ng damit-sako at sinakluban sila ng pagkatakot. Ang pagkahiya ay nasa lahat ng mukha, at ang pagkakalbo sa lahat nilang ulo.

19 Kanilang inihahagis ang kanilang pilak sa mga lansangan, at ang kanilang ginto ay magiging parang isang maruming bagay. Ang kanilang pilak at ginto ay hindi makapagliligtas sa kanila sa araw ng poot ng Panginoon. Hindi nila mapapawi ang kanilang pagkagutom o mabubusog man ang kanilang mga tiyan, sapagkat iyon ay katitisuran ng kanilang kasamaan.

20 Ang kanilang magandang panggayak ay ginamit nila sa kahambugan, at ang mga ito'y ginawa nilang mga larawang kasuklamsuklam at karumaldumal na mga bagay. Kaya't gagawin ko ito na maruming bagay para sa kanila.

21 At aking ibibigay ito sa mga kamay ng mga dayuhan bilang biktima, at sa masasama sa lupa bilang samsam; at kanilang lalapastanganin ito.

22 Tatalikuran ko sila, at kanilang lalapastanganin ang aking lihim na dako. Ang mga magnanakaw ay magsisipasok doon at lalapastanganin.

23 Gumawa ka ng tanikala! “Sapagkat ang lupain ay punô ng madudugong krimen, at ang lunsod ay punô ng karahasan.

24 Kaya't aking dadalhin ang pinakamasasama sa mga bansa upang angkinin ang kanilang mga bahay. Aking wawakasan ang kanilang palalong kalakasan, at ang kanilang mga dakong banal ay lalapastanganin.

25 Kapag dumating ang kapighatian, sila'y maghahanap ng kapayapaan, ngunit hindi magkakaroon.

26 Sunud-sunod na darating ang kapahamakan at bulung-bulungan. Maghahanap sila ng pangitain mula sa propeta; ngunit ang kautusa'y nawawala mula sa pari, at ang payo mula sa matatanda.

27 Ang hari ay tatangis, at ang pinuno ay madadamitan ng pagkatakot, at ang mga kamay ng mga tao ng lupain ay manginginig.[b] Aking gagawin sa kanila ang ayon sa kanilang lakad, at ayon sa kanilang kahatulan ay hahatulan ko sila. At kanilang malalaman na ako ang Panginoon.”

Ang Pangitain tungkol sa Kasuklamsuklam na Gawain ng Jerusalem

Nang ikalimang araw ng ikaanim na buwan ng ikaanim na taon, samantalang ako'y nakaupo sa aking bahay, kasama ang matatanda ng Juda na nakaupo sa harapan ko, ang kamay ng Panginoong Diyos ay dumating sa akin doon.

Tumingin(A) ako, at narito, may isang anyo na parang tao.[c] Mula sa anyong parang kanyang mga balakang at pababa ay apoy; at mula sa kanyang mga balakang at paitaas ay parang anyo ng kakinangan, na parang tansong kumikinang.

Kanyang inilabas ang anyo ng isang kamay, at hinawakan ako sa buhok ng aking ulo. Itinaas ako ng Espiritu sa pagitan ng lupa at ng langit, at dinala ako sa mga pangitain na mula sa Diyos sa Jerusalem, sa pasukan ng pintuan ng bulwagan sa loob na nakaharap sa dakong hilaga, na kinaroroonan ng upuan ng larawan ng panibugho, na nagbubunsod sa paninibugho.

At(B) narito, ang kaluwalhatian ng Diyos ng Israel ay naroon, gaya ng anyo na aking nakita sa kapatagan.

Pagkatapos ay sinabi niya sa akin, “Anak ng tao, itingin mo ang iyong mga mata sa dakong hilaga.” Sa gayo'y tumingin ako sa dakong hilaga, at naroon sa dakong hilaga ng pintuan ng dambana, sa pasukan, itong larawan ng panibugho.

Sinabi niya sa akin, “Anak ng tao, nakikita mo ba ang kanilang ginagawa? Ang malaking kasuklamsuklam na ginagawa dito ng sambahayan ni Israel, upang ako'y palayasin sa aking santuwaryo? Ngunit makakakita ka pa nang higit na malalaking kasuklamsuklam.”

Dinala niya ako sa pintuan ng bulwagan; at nang ako'y tumingin, narito, may isang butas sa pader.

Sinabi niya sa akin, “Anak ng tao, humukay ka sa pader;” at nang ako'y humukay sa pader, at narito, isang pintuan.

Sinabi niya sa akin, “Ikaw ay pumasok, at tingnan mo ang masasamang kasuklamsuklam na kanilang ginagawa rito.”

10 Sa gayo'y pumasok ako at tumingin. Doon ay nakaukit sa pader sa palibot, ang bawat anyo ng umuusad na mga bagay, kasuklamsuklam na mga hayop, at lahat ng mga diyus-diyosan ng sambahayan ni Israel.

11 Nakatayo sa harapan nila ang pitumpung lalaki na matatanda ng sambahayan ni Israel; at sa gitna nila ay nakatayo si Jaazanias na anak ni Safan. Bawat isa ay may kanyang sunugan ng insenso sa kanyang kamay, at ang amoy ng usok ng insenso ay pumailanglang.

12 Nang magkagayo'y sinabi niya sa akin, “Anak ng tao, nakikita mo ba kung anong ginagawa sa dilim ng matatanda ng sambahayan ni Israel, bawat isa'y sa kanyang silid ng mga larawan? Sapagkat kanilang sinasabi, ‘Hindi tayo nakikita ng Panginoon; pinabayaan na ng Panginoon ang lupa.’”

13 Sinabi rin niya sa akin, “Makakakita ka pa ng ibang mas malalaking kasuklamsuklam na kanilang ginagawa.”

14 Nang magkagayo'y dinala niya ako sa pasukan ng pintuan ng bahay ng Panginoon na nasa dakong hilaga, at narito, doo'y nakaupo ang mga babae na iniiyakan si Tammuz.

15 Sinabi niya sa akin, “Nakita mo na ba ito, O anak ng tao? Makakakita ka pa ng lalong malalaking kasuklamsuklam kaysa mga ito.”

16 At dinala niya ako sa loob ng bulwagan sa bahay ng Panginoon; at narito, sa pintuan ng templo ng Panginoon, sa pagitan ng malaking pintuan at dambana ay may dalawampu't limang lalaki na nakatalikod sa dako ng templo ng Panginoon, at nakaharap ang kanilang mukha sa dakong silangan; at kanilang sinasamba ang araw sa dakong silangan.

17 Sinabi niya sa akin, “Nakita mo na ba ito, O anak ng tao? Napakaliit bang bagay para sa sambahayan ni Juda na sila'y gumawa ng mga kasuklamsuklam na kanilang ginagawa dito, na kanilang pinupuno ng karahasan ang lupa, at ibinubunsod pa nila ako sa higit na pagkagalit? Tingnan mo, kanilang inilalagay ang sanga sa kanilang ilong.

18 Kaya't ako'y tunay na makikitungo na may poot; ang aking mata ay hindi magpapatawad, o mahahabag man ako. Bagaman sila'y manangis sa aking pandinig ng malakas na tinig, hindi ko sila papakinggan.”

Ang Pagpatay sa Masasama

Nang magkagayo'y sumigaw siya sa aking pandinig nang malakas na tinig, na nagsasabi, “Lumapit kayo, kayo na mga tagapagparusa sa lunsod, na bawat isa'y may kanyang pamatay na sandata sa kanyang kamay.”

Narito, anim na lalaki ang dumating mula sa dako ng pintuan sa itaas, na nakaharap sa hilaga. Bawat isa'y may kanyang sandatang pamatay sa kanyang kamay, at kasama nila ang isang lalaki na nakadamit ng telang lino, na may lalagyan ng panulat sa kanyang balakang. At sila'y pumasok at tumayo sa tabi ng tansong dambana.

Ang kaluwalhatian ng Diyos ng Israel ay pumailanglang mula sa kerubin, na kinapapatungan hanggang sa pintuan ng bahay. At kanyang tinawag ang lalaking nakadamit ng telang lino, na may lalagyan ng panulat sa kanyang balakang.

At(C) sinabi ng Panginoon sa kanya, “Pumasok ka sa lunsod, sa loob ng Jerusalem, at lagyan mo ng mga tanda ang mga noo ng mga taong nagbubuntong-hininga at dumadaing dahil sa lahat na kasuklamsuklam na nagawa roon.”

Sa iba ay sinabi niya sa aking pandinig, “Dumaan kayo sa lunsod na kasunod niya, at manakit kayo; huwag magpatawad ang inyong mata, at huwag kayong magpakita ng habag.

Patayin ninyo agad ang matatanda, ang mga binata, mga dalaga, mga bata at ang mga babae; ngunit huwag ninyong gagalawin ang sinumang may tanda. At magsimula kayo sa aking santuwaryo.” Nang magkagayo'y kanilang pinasimulan sa matatandang lalaki na nasa harap ng bahay.

Sinabi niya sa kanila, “Lapastanganin ninyo ang bahay, at punuin ninyo ng patay ang mga bulwagan. Magsilabas kayo.” At sila'y nagsilabas at pumatay sa lunsod.

Habang sila'y pumapatay, at ako'y naiwan, ako'y nasubasob at sumigaw, at aking sinabi, “O Panginoong Diyos! Iyo bang lilipulin ang lahat ng nalabi sa Israel, sa pagbubuhos mo ng iyong poot sa Jerusalem?”

Sinabi niya sa akin, “Ang kasalanan ng sambahayan ng Israel at ng Juda ay totoong malaki, at ang lupain ay punô ng dugo, at ang lunsod ay punô ng kasuwailan; sapagkat kanilang sinasabi, ‘Pinabayaan ng Panginoon ang lupa, at hindi nakikita ng Panginoon!’

10 Tungkol naman sa akin, ang aking mata ay hindi magpapatawad o mahahabag man, kundi aking gagantihin ang kanilang mga gawa sa ibabaw ng kanilang mga ulo.”

11 At ang lalaking nakadamit ng telang lino, at may lalagyan ng panulat sa kanyang balakang ay nagpasabi, “Nagawa ko na ang ayon sa iniutos mo sa akin.”

Mga Hebreo 5

Bawat pinakapunong pari na pinili mula sa mga tao ay pinangasiwa sa mga bagay na may kaugnayan sa Diyos, para sa kanilang kapakanan, upang siya'y makapaghandog ng mga kaloob at ng mga alay para sa mga kasalanan.

Siya ay marunong makitungo na may kaamuan sa mga mangmang at naliligaw, yamang siya man ay napapaligiran ng kahinaan.

Dahil(A) dito, kailangang siya'y maghandog para sa kanyang sariling mga kasalanan, at gayundin para sa taong-bayan.

At(B) sinuman ay hindi kumukuha ng karangalang ito para sa kanyang sarili, kundi siya ay tinatawag ng Diyos, na gaya ni Aaron.

Maging(C) si Cristo man ay hindi lumuwalhati sa kanyang sarili upang maging pinakapunong pari, kundi itinalaga ng nagsabi sa kanya,

“Ikaw ay aking Anak,
    ako ngayon ay naging Ama mo.”

Gaya(D) rin naman ng sinasabi niya sa ibang dako,

“Ikaw ay pari magpakailanman,
    ayon sa pagkapari ni Melquizedek.”

Sa(E) mga araw ng kanyang buhay dito sa mundo,[a] si Jesus[b] ay naghandog ng mga panalangin at mga pakiusap na may malakas na pagtangis at pagluha sa may kapangyarihang magligtas sa kanya mula sa kamatayan, at siya'y pinakinggan dahil sa kanyang magalang na pagpapasakop.

Bagama't siya'y isang Anak, siya'y natuto ng pagsunod sa pamamagitan ng mga bagay na kanyang tiniis,

at nang maging sakdal, siya ang naging pinagmulan ng walang hanggang kaligtasan ng lahat ng mga sumusunod sa kanya;

10 yamang itinalaga ng Diyos bilang pinakapunong pari ayon sa pagkapari ni Melquizedek.

Babala Laban sa Pagtalikod

11 Tungkol sa kanya'y marami kaming masasabi, at mahirap ipaliwanag, palibhasa'y naging mapurol na kayo sa pakikinig.

12 Sapagkat(F) bagaman sa panahong ito'y dapat na kayo'y mga guro na, kailangang muling may magturo sa inyo ng mga unang simulain ng aral ng Diyos. Kayo'y nangangailangan ng gatas, at hindi ng pagkaing matigas.

13 Sapagkat bawat tumatanggap ng gatas ay walang alam sa salita ng katuwiran palibhasa'y isa siyang sanggol.

14 Ngunit ang pagkaing matigas ay para sa mga nasa hustong gulang, na dahil sa pagsasagawa ay nasanay ang kanilang mga pandama na makilala ang pagkakaiba ng mabuti at masama.

Mga Awit 105:1-15

Ang Diyos at ang Kanyang Bayan(A)

105 O magpasalamat kayo sa Panginoon, kayo'y magsitawag sa kanyang pangalan;
    ipabatid ninyo ang kanyang mga gawa sa mga bayan!
Umawit kayo sa kanya, umawit kayo sa kanya ng mga papuri;
    sabihin ninyo ang lahat niyang kahanga-hangang mga gawa!
Lumuwalhati kayo sa kanyang banal na pangalan;
    magagalak ang puso nila na nagsisihanap sa Panginoon.
Hanapin ninyo ang Panginoon at ang kanyang kalakasan;
    patuloy ninyong hanapin ang kanyang mukha!
Alalahanin ninyo ang mga kahanga-hangang gawa na kanyang ginawa;
    ang kanyang mga kababalaghan at ang mga kahatulan ng kanyang bibig,
O kayong binhi ni Abraham na lingkod niya,
    mga anak ni Jacob, na mga pinili niya!

Siya ang Panginoon nating Diyos;
    ang kanyang mga kahatulan ay nasa buong lupa.
Kanyang inaalala ang kanyang tipan magpakailanman,
    ang salita na kanyang iniutos sa libong salinlahi,
ang(B) tipan na kanyang ginawa kay Abraham,
    ang kanyang sinumpaang pangako kay Isaac,
10 na(C) kanyang pinagtibay kay Jacob bilang isang tuntunin,
    sa Israel bilang isang walang hanggang tipan,
11 na sinasabi, “Sa iyo'y ibibigay ko ang lupain ng Canaan,
    bilang iyong bahaging pinakamana.”
12 Nang sila'y iilan lamang sa bilang;
    at totoong kakaunti, at doon ay mga dayuhan;
13 na gumagala mula sa isang bansa tungo sa isang bansa,
    mula sa isang kaharian hanggang sa ibang bayan.
14 Hindi(D) niya pinahintulutan ang sinuman na sila ay pagmalupitan;
    sinaway niya ang mga hari alang-alang sa kanilang sarili:
15 “Huwag ninyong galawin ang aking mga pinahiran;
    ang aking mga propeta ay huwag ninyong sasaktan.”

Mga Kawikaan 26:28

28 Ang sinungaling na dila ay namumuhi sa kanyang mga sinaktan,
    at ang bibig ng di-tapat magpuri ay gumagawa ng kasiraan.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001