Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Ezekiel 35-36

Ang Parusa ng Diyos sa Edom

35 Bukod(A) dito'y ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,

“Anak ng tao, humarap ka sa bundok ng Seir, at magsalita ka ng propesiya laban doon.

Sabihin mo roon, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Ako'y laban sa iyo, O bundok ng Seir, at aking iuunat ang aking kamay laban sa iyo, at gagawin kitang sira at wasak.

Aking gigibain ang iyong mga bayan, at ikaw ay magiging wasak; at iyong malalaman na ako ang Panginoon.

Sapagkat ikaw ay nag-iingat ng isang matagal nang pakikipag-away, at ibinigay mo ang mga anak ni Israel sa kapangyarihan ng tabak sa kapanahunan ng kanilang kapahamakan, sa kapanahunan ng kanilang huling kaparusahan.

Kaya't kung paanong ako'y nabubuhay, sabi ng Panginoong Diyos, aking ihahanda ka sa dugo, at hahabulin ka ng dugo. Sapagkat ikaw ay nagkasala sa dugo, kaya't hahabulin ka ng dugo.

Ang bundok ng Seir ay gagawin kong wasak at sira; at aking aalisin sa kanya ang lahat ng dumarating at umaalis.

At aking pupunuin ang iyong mga bundok ng mga napatay. Sa iyong mga burol at sa iyong mga libis at sa lahat mong mga bangin ay mabubuwal sila na napatay ng tabak.

Ikaw ay gagawin kong palagiang kasiraan, at ang iyong mga lunsod ay hindi tatahanan; at inyong malalaman na ako ang Panginoon.

10 “Sapagkat iyong sinabi, ‘Ang dalawang bansang ito, at ang dalawang lupaing ito ay magiging akin, at aming aariin;’ bagaman kinaroroonan ng Panginoon.

11 Kaya't kung paanong buháy ako, sabi ng Panginoong Diyos, papakitunguhan kita ayon sa galit at sa inggit na iyong ipinakita dahil sa iyong pagkapoot laban sa kanila. At ako'y magpapakilala sa gitna nila kapag aking hahatulan ka.

12 Iyong malalaman na akong Panginoon ay nakarinig ng lahat mong panlalait na iyong sinabi laban sa mga bundok ng Israel, na sinasabi, ‘Sinira ang mga iyon, ibinigay sa atin bilang pagkain.’

13 At kayo'y nagmalaki laban sa akin sa pamamagitan ng inyong bibig, at inyong pinarami ang inyong mga salita laban sa akin; aking narinig iyon.

14 Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Habang ang buong lupa ay nagagalak, aking wawasakin ka.

15 Kung paanong ikaw ay nagalak sa mana ng sambahayan ni Israel, sapagkat nawasak iyon, gayon ang gagawin ko sa iyo; ikaw ay mawawasak, O bundok ng Seir, at buong Edom, lahat ng ito. At kanilang malalaman na ako ang Panginoon.

Pagpapalain ang Israel

36 “At ikaw, anak ng tao, magsalita ka ng propesiya sa mga bundok ng Israel, at sabihin mo, Kayong mga bundok ng Israel, pakinggan ninyo ang salita ng Panginoon.

Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Sapagkat sinabi ng kaaway sa inyo, ‘Aha!’ at, ‘Ang sinaunang matataas na dako ay naging aming pag-aari;’

kaya't magsalita ka ng propesiya, at iyong sabihin, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Sapagkat winasak nila kayo, at dinurog kayo sa lahat ng panig, anupa't kayo'y naging pag-aari ng nalabi sa mga bansa, at kayo'y naging tampulan ng tsismis at paninirang-puri ng taong-bayan;

kaya't kayong mga bundok ng Israel, inyong pakinggan ang salita ng Panginoong Diyos: Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos sa mga bundok at mga burol, sa mga bangin at mga libis, sa mga sirang dako at sa mga bayang iniwan, na naging biktima at panunuya sa nalabi sa mga bansang nasa palibot.

Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Nagsasalita ako sa aking paninibugho laban sa nalabi sa mga bansa, at laban sa buong Edom na nagbigay ng aking lupain sa kanilang sarili bilang pag-aari na may buong pusong kagalakan, upang kanilang angkinin at samsamin.

Kaya't magsalita ka ng propesiya tungkol sa lupain ng Israel, at sabihin mo sa mga bundok, sa mga burol, sa mga bangin at sa mga libis, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Ako'y nagsalita sa poot ng aking paninibugho, sapagkat inyong dinanas ang kahihiyan ng mga bansa.

Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Aking isinumpa na ang mga bansa na nasa palibot ninyo ay daranas ng kahihiyan.

“Ngunit kayo, O mga bundok ng Israel, inyong isusupling ang inyong mga sanga, at magbubunga sa aking bayang Israel; sapagkat sila'y malapit nang umuwi.

Sapagkat narito, ako'y para sa inyo, at ako'y babalik sa inyo, at kayo'y bubungkalin at hahasikan;

10 at ako'y magpaparami ng mga tao sa inyo, ang buong sambahayan ni Israel, lahat ng mga ito. Ang mga lunsod ay tatahanan, at ang mga sirang dako ay muling itatayo.

11 Ako'y magpaparami sa inyo ng tao at hayop, at sila'y darami at magkakaanak. Kayo'y hahayaan kong panirahan ayon sa inyong dating kalagayan, at gagawan ko kayo ng mabuti kaysa noong una. At inyong malalaman na ako ang Panginoon.

12 Oo, aking palalakarin sa inyo ang mga tao, maging ang aking bayang Israel; at kanilang aariin ka, at ikaw ay magiging kanilang mana, at hindi ka na mawawalan ng mga anak.

13 Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Sapagkat kanilang sinasabi sa iyo, ‘Lumalamon ka ng mga tao, at inaalisan mo ng mga anak ang iyong bansa;’

14 kaya't hindi ka na lalamon pa ng mga tao o aalisan ng mga anak ang iyong bansa, sabi ng Panginoong Diyos.

15 Hindi ko na iparirinig sa iyo ang pag-alipusta ng mga bansa. Hindi mo na papasanin ang kahihiyan ng mga bansa, at hindi ka magiging dahilan ng pagkatisod ng iyong bansa, sabi ng Panginoong Diyos.”

Ang Bagong Kalagayan ng Israel

16 Ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,

17 “Anak ng tao, noong naninirahan ang sambahayan ni Israel sa kanilang sariling lupain, kanilang dinungisan ito ng kanilang lakad at mga gawa. Ang kanilang kilos sa harapan ko ay naging parang karumihan ng babae sa kanyang kapanahunan.

18 Kaya't aking ibinuhos ang aking poot sa kanila dahil sa dugo na kanilang pinadanak sa lupain, at dahil sa paglapastangan nila dito sa pamamagitan ng kanilang mga diyus-diyosan.

19 Aking ikinalat sila sa mga bansa, at sila'y nagkawatak-watak sa mga lupain; ayon sa kanilang lakad at ayon sa kanilang mga kilos ay hinatulan ko sila.

20 Ngunit nang sila'y dumating sa mga bansa, saanman sila dumating, kanilang nilapastangan ang aking banal na pangalan sa pagsasabi ng mga tao tungkol sa kanila, ‘Ang mga ito ang bayan ng Panginoon ngunit kailangan nilang lumabas sa kanyang lupain.’

21 Ngunit isinaalang-alang ko ang aking banal na pangalan, na nilapastangan ng sambahayan ni Israel sa mga bansa na kanilang pinuntahan.

22 Kaya't sabihin mo sa sambahayan ni Israel, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Hindi ito alang-alang sa inyo, O sambahayan ni Israel, na malapit na akong kumilos, kundi alang-alang sa aking banal na pangalan na inyong nilapastangan sa mga bansa na inyong pinuntahan.

23 Aking pawawalang-sala ang aking dakilang pangalan na nilapastangan sa mga bansa, na inyong nilapastangan sa gitna nila. Malalaman ng mga bansa na ako ang Panginoon, sabi ng Panginoong Diyos, kapag sa pamamagitan ninyo ay pinawalang-sala ang aking kabanalan sa harap ng kanilang mga mata.

24 Sapagkat aking kukunin kayo sa mga bansa, at titipunin ko kayo mula sa lahat ng lupain, at dadalhin ko kayo sa inyong sariling lupain.

25 Ako'y magwiwisik ng malinis na tubig sa inyo; kayo'y magiging malinis sa lahat ninyong karumihan, at lilinisin ko kayo sa lahat ninyong mga diyus-diyosan.

26 Bibigyan(B) ko kayo ng bagong puso, at lalagyan ko kayo ng bagong espiritu sa loob ninyo. Aking aalisin ang batong puso sa inyong laman, at aking bibigyan kayo ng pusong laman.

27 Aking ilalagay ang aking Espiritu sa loob ninyo, at palalakarin ko kayo nang ayon sa aking mga tuntunin, at magiging maingat kayo sa pagsunod sa aking mga batas.

28 Kayo'y maninirahan sa lupaing ibinigay ko sa inyong mga ninuno. Kayo'y magiging aking bayan at ako'y magiging inyong Diyos.

29 Lilinisin ko kayo sa lahat ninyong karumihan. Aking patutubuin ang trigo at aking pararamihin, at hindi na ako magpaparating ng taggutom sa inyo.

30 Aking pararamihin ang bunga ng punungkahoy at ang ani sa bukid, upang hindi na kayo muling magdanas ng kahihiyan ng taggutom sa mga bansa.

31 Kung magkagayo'y inyong maaalala ang inyong masasamang lakad, at ang inyong mga gawa na hindi mabuti. Kayo'y masusuklam sa inyong sarili dahil sa inyong mga kasamaan at mga karumaldumal na gawa.

32 Hindi alang-alang sa inyo na ako'y kikilos, sabi ng Panginoong Diyos; alamin ninyo iyon. Kayo'y mahiya at malito dahil sa inyong mga lakad, O sambahayan ni Israel.

33 “Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Sa araw na aking linisin kayo sa lahat ninyong kasalanan, aking patitirahan ang mga bayan, at ang mga gibang dako ay muling matatayo.

34 Ang lupain na naging sira ay mabubungkal, sa halip na sira sa paningin ng lahat nang nagdaraan.

35 At kanilang sasabihin, ‘Ang lupaing ito na naging sira ay naging gaya ng halamanan ng Eden; at ang sira, giba at wasak na mga bayan ay tinatahanan na ngayon at may pader.’

36 Kung magkagayo'y malalaman ng mga bansa na nalabi sa palibot ninyo na akong Panginoon ay nagtayo ng mga guhong dako, at tinamnan ko ang dakong sira; akong Panginoon ang nagsalita, at aking gagawin.

37 Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Bukod pa dito'y hahayaan ko ang sambahayan ni Israel na humiling sa akin upang gawin ito sa kanila: paramihin ang kanilang mga tao na parang kawan.

38 Tulad ng kawan para sa paghahandog, tulad ng kawan ng Jerusalem sa kanilang mga takdang kapistahan, gayon mapupuno ang mga gibang bayan ng mga kawan ng mga tao. At kanilang malalaman na ako ang Panginoon.”

Santiago 1:1-18

Pagbati

Si(A) Santiago, na alipin ng Diyos at ng Panginoong Jesu-Cristo, ay bumabati sa labindalawang lipi na nasa Pangangalat.

Pananampalataya at Karunungan

Mga kapatid ko, ituring ninyong buong kagalakan kapag kayo'y nahaharap sa sari-saring pagsubok,

yamang inyong nalalaman na ang pagsubok sa inyong pananampalataya ay nagbubunga ng pagtitiis.

At inyong hayaan na malubos ng pagtitiis ang gawa nito, upang kayo'y maging sakdal at ganap, na walang anumang kakulangan.

Ngunit kung ang sinuman sa inyo ay nagkukulang ng karunungan, humingi siya sa Diyos na nagbibigay nang sagana sa lahat at hindi nanunumbat, at iyon ay ibibigay sa kanya.

Ngunit humingi siyang may pananampalataya na walang pag-aalinlangan, sapagkat ang nag-aalinlangan ay katulad ng alon sa dagat na hinihipan at ipinapadpad ng hangin.

Sapagkat ang taong iyon ay hindi dapat mag-akala na siya'y tatanggap ng anumang bagay mula sa Panginoon.

Siya ay isang taong nagdadalawang isip, di-matatag sa lahat ng kanyang mga lakad.

Kahirapan at Kayamanan

Ngunit ang kapatid na hamak ay hayaang magmalaki sa kanyang pagkakataas,

10 at(B) ang mayaman sa kanyang pagkaaba, sapagkat siya'y lilipas na gaya ng bulaklak sa parang.

11 Sapagkat ang araw ay sumisikat na may nakakapasong init at tinutuyo ang damo at nilalagas ang bulaklak nito, at nawawala ang kagandahan nito. Gayundin ang taong mayaman ay malalanta sa gitna ng kanyang abalang pamumuhay.

Tukso at Pagsubok

12 Mapalad ang taong nagtitiis ng pagsubok, sapagkat kapag siya ay subok na, siya'y tatanggap ng putong ng buhay, na ipinangako ng Panginoon[a] sa mga nagmamahal sa kanya.

13 Huwag sabihin ng sinuman kapag siya'y tinutukso, “Ako'y tinutukso ng Diyos,” sapagkat ang Diyos ay hindi natutukso ng masasama, at hindi rin siya nanunukso sa sinuman.

14 Ngunit ang bawat tao ay natutukso ng sarili niyang pagnanasa, kapag siya ay nahila at naakit nito;

15 at kapag ang pagnanasang iyon ay naipaglihi, ito ay nanganganak ng kasalanan, at ang kasalanan kapag malaki na ay nagbubunga ng kamatayan.

16 Huwag kayong padaya, mga minamahal kong kapatid.

17 Ang bawat mabuting kaloob at ang bawat sakdal na kaloob ay pawang buhat sa itaas, na nanggagaling sa Ama ng mga ilaw, na sa kanya ay walang pag-iiba, o anino man ng pagbabago.

18 Alinsunod sa kanyang sariling kalooban, tayo ay ipinanganak niya sa pamamagitan ng salita ng katotohanan, upang tayo'y maging isang uri ng mga unang bunga sa kanyang mga nilalang.

Mga Awit 116

116 Minamahal ko ang Panginoon, sapagkat kanyang dininig
    ang aking tinig at aking mga hiling.
Sapagkat ikiniling niya ang kanyang pandinig sa akin,
    kaya't ako'y tatawag sa kanya habang ako'y nabubuhay.
Ang bitag ng kamatayan ay pumalibot sa akin,
    ang mga hapdi ng Sheol ay nagsihawak sa akin:
    ako'y nagdanas ng pagkabahala at pagkadalamhati.
Nang magkagayo'y sa pangalan ng Panginoon ay tumawag ako:
    “O Panginoon, isinasamo ko sa iyo, iligtas mo ang buhay ko!”

Mapagbiyaya at matuwid ang Panginoon,
    oo, ang Diyos namin ay maawain.
Iniingatan ng Panginoon ang mga taong karaniwan;
    ako'y naibaba at iniligtas niya ako.
Bumalik ka sa iyong kapahingahan, O kaluluwa ko;
    sapagkat pinakitunguhan ka na may kasaganaan ng Panginoon.
Sapagkat iniligtas mo ang aking kaluluwa sa kamatayan,
    ang mga mata ko sa mga luha,
    ang mga paa ko sa pagkatisod;
Ako'y lalakad sa harapan ng Panginoon
    sa lupain ng mga buháy.
10 Ako'y(A) naniwala nang aking sinabi,
    “Lubhang nahihirapan ako;”
11 sinabi ko sa aking pangingilabot,
    “Lahat ng tao ay sinungaling.”

12 Ano ang aking isusukli sa Panginoon
    sa lahat niyang kabutihan sa akin?
13 Aking itataas ang saro ng kaligtasan,
    at tatawag sa pangalan ng Panginoon,
14 tutuparin ko ang aking mga panata sa Panginoon,
    sa harapan ng lahat ng kanyang bayan.
15 Mahalaga sa paningin ng Panginoon
    ang kamatayan ng kanyang mga banal.
16 O Panginoon, ako'y iyong lingkod;
    ako'y iyong lingkod, anak ng iyong lingkod na babae;
    iyong kinalag ang aking mga gapos.
17 Ako'y mag-aalay sa iyo ng handog ng pasasalamat,
    at tatawag sa pangalan ng Panginoon.
18 Tutuparin ko ang aking mga panata sa Panginoon,
    sa harapan ng lahat ng kanyang bayan;
19 sa mga bulwagan ng bahay ng Panginoon,
    sa gitna mo, O Jerusalem.
Purihin ang Panginoon!

Mga Kawikaan 27:23-27

23 Alamin mong mabuti ang kalagayan ng iyong mga kawan,
    at tingnan mong mabuti ang iyong mga hayupan;
24 sapagkat ang mga yaman ay hindi nagtatagal magpakailanman;
    at ang korona ba'y nananatili sa lahat ng salinlahi?
25 Kapag ang damo ay nawala na, at ang sariwang damo ay lumitaw,
    at ang mga halaman sa mga bundok ay pinipisan,
26 ang mga kordero ang magbibigay ng iyong damit,
    at ang mga kambing ay siyang halaga ng bukid;
27 magkakaroon ng sapat na gatas ng kambing bilang iyong pagkain,
    sa pagkain ng iyong sambahayan,
    at pagkain sa iyong mga alilang kababaihan.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001