The Daily Audio Bible
Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.
Ang Handaan ni Belshasar
5 Ang haring si Belshasar ay nagdaos ng malaking handaan sa isang libo niyang mga maharlika, at uminom siya ng alak sa harapan ng isang libo.
2 Nang matikman ni Haring Belshasar ang alak, ipinag-utos niya na dalhin doon ang mga sisidlang ginto at pilak na kinuha ni Nebukadnezar na kanyang ama sa templo na nasa Jerusalem, upang mainuman ng hari, ng kanyang mga maharlika, ng kanyang mga asawa, at ng kanyang mga asawang-lingkod.
3 Kaya't dinala nila ang mga sisidlang ginto at pilak na inilabas sa templo, na bahay ng Diyos na nasa Jerusalem. Ang mga ito ay ininuman ng hari, ng kanyang mga maharlika, ng kanyang mga asawa, at ng kanyang mga asawang-lingkod.
4 Sila'y nag-inuman ng alak, at nagpuri sa mga diyos na ginto, pilak, tanso, bakal, kahoy, at bato.
5 Nang oras ding iyon ay may lumitaw na mga daliri ng kamay ng tao at sumulat sa palitada ng pader ng palasyo ng hari, sa tapat ng ilawan at nakita ng hari ang bahagi ng kamay nang ito ay sumusulat.
6 Nang magkagayo'y namutla ang mukha ng hari, at binagabag siya ng kanyang mga pag-iisip. Ang pagkakasugpong ng kanyang mga balakang ay halos nakalag, at ang kanyang mga tuhod ay nagka-umpugan.
7 Ang hari ay sumigaw nang malakas upang papasukin ang mga engkantador, mga Caldeo, at mga manghuhula. Ang hari ay nagsalita sa mga pantas ng Babilonia, “Sinumang makakabasa ng sulat na ito, at makapagpaliwanag sa akin ng kahulugan nito ay susuotan ng kulay ube, magkakaroon ng kuwintas na ginto sa palibot ng kanyang leeg, at magiging ikatlong pinuno sa kaharian.”
8 Nang magkagayo'y pumasok ang lahat ng pantas ng hari, ngunit hindi nila mabasa ang sulat, o maipaliwanag man sa hari ang kahulugan nito.
9 Kaya't lubhang nabagabag si Haring Belshasar, at ang kanyang kulay ay nabago, at ang kanyang mga maharlika ay nalito.
10 Ang reyna, dahil sa mga salita ng hari at ng kanyang mga maharlika, ay pumasok sa bulwagang pinagdarausan ng kasayahan. Nagsalita ang reyna at sinabi, “O hari, mabuhay ka magpakailanman! Huwag kang bagabagin ng iyong mga pag-iisip, o mamutla man ang iyong mukha.
11 May isang lalaki sa iyong kaharian na may espiritu ng mga banal na diyos. Sa mga araw ng iyong ama, natagpuan sa kanya ang liwanag, pagkaunawa, at karunungan, na gaya ng karunungan ng mga diyos. Ginawa siya ni Haring Nebukadnezar, na iyong ama, bilang puno ng mga salamangkero, mga engkantador, mga Caldeo, at ng mga manghuhula,
12 palibhasa'y isang di-pangkaraniwang espiritu, kaalaman, at pagkaunawa na makapagpaliwanag ng mga panaginip at mga bugtong, at paglutas ng mga suliranin ang natagpuan sa Daniel na iyon, na pinangalanan ng hari na Belteshasar. Ipatawag si Daniel, at kanyang ihahayag ang kahulugan.”
Ipinaliwanag ni Daniel ang Nakasulat
13 Nang magkagayo'y dinala si Daniel sa harapan ng hari. Sinabi ng hari kay Daniel, “Ikaw ba si Daniel na isa sa mga bihag mula sa Juda, na kinuha sa Juda ng aking amang hari?
14 Nabalitaan ko na ang espiritu ng mga banal na diyos ay nasa iyo, at ang liwanag at pagkaunawa at di-pangkaraniwang karunungan ay natagpuan sa iyo.
15 Ang mga pantas at mga engkantador ay dinala sa harapan ko upang kanilang basahin ang sulat na ito, at ipaalam sa akin ang kahulugan nito, ngunit hindi nila maipaliwanag ang kahulugan nito.
16 Ngunit nabalitaan ko na ikaw ay nakapagbibigay ng mga kahulugan at nakakalutas ng mga suliranin. Kung iyo ngang mababasa ang nakasulat, at maipaalam sa akin ang kahulugan, ikaw ay daramtan ng kulay ube. Magkakaroon ka ng kuwintas na ginto sa palibot ng iyong leeg, at ikaw ay magiging ikatlong puno sa kaharian.”
17 Nang magkagayo'y sumagot si Daniel sa harapan ng hari, “Iyo na ang iyong mga kaloob, o ibigay mo ang iyong mga gantimpala sa iba! Gayunma'y aking babasahin sa hari ang nakasulat at ipapaalam ko sa kanya ang kahulugan.
18 O hari, ang Kataas-taasang Diyos ay nagbigay kay Nebukadnezar na iyong ama ng kaharian, kadakilaan, kaluwalhatian, at kamahalan.
19 Dahil sa kadakilaang ibinigay niya sa kanya, nanginig at natakot sa harapan niya ang lahat ng mga bayan, mga bansa, at wika. Ang ibig niyang patayin ay kanyang pinapatay, at ang ibig niyang buhayin ay kanyang hinahayaang mabuhay. Ang ibig niyang itaas ay kanyang itinataas, at ang ibig niyang ibaba ay kanyang ibinababa.
20 Ngunit nang ang kanyang puso ay magpakataas, at ang kanyang espiritu ay magmatigas at siya'y nag-asal na may kapalaluan, siya'y pinatalsik sa kanyang trono ng pagkahari, at ang kanyang kaluwalhatian ay inalis sa kanya.
21 Siya'y pinalayas mula sa mga anak ng mga tao, at ang kanyang puso ay naging gaya ng sa hayop, at ang kanyang tahanan ay kasama ng maiilap na mga asno. Siya'y pinakain ng damo na gaya ng mga baka, at ang kanyang katawan ay nabasa ng hamog ng langit; hanggang sa kanyang kilalanin na ang Kataas-taasang Diyos ay naghahari sa kaharian ng mga tao, at iniluluklok niya roon ang sinumang kanyang maibigan.
22 Ngunit ikaw na kanyang anak, O Belshasar, ay hindi mo pinapagkumbaba ang iyong puso, bagaman iyong nalalaman ang lahat ng ito!
23 Itinaas mo ang iyong sarili laban sa Panginoon ng langit! Kanilang dinala ang mga sisidlan ng kanyang bahay sa harapan mo, at ikaw, at ang iyong mga maharlika, ang iyong mga asawa at ang iyong mga asawang-lingkod, ay uminom ng alak mula sa mga iyon. Pinuri mo ang mga diyos na pilak, ginto, tanso, bakal, kahoy at bato, na hindi nakakakita, nakakarinig, o nakakaalam man. Ngunit ang Diyos na may hawak sa iyong paghinga, at sa kanya ang lahat mong mga lakad, ay hindi mo niluwalhati.
24 Kaya't mula sa kanyang harapan ay sinugo niya ang kamay, at ang sulat na ito'y iniukit.
25 At ito ang sulat na iniukit: MENE, MENE, TEKEL, UPHARSIN.
26 Ito ang kahulugan ng bagay: MENE; binilang na ng Diyos ang mga araw ng iyong kaharian, at ito ay winakasan.
27 TEKEL; ikaw ay tinimbang sa timbangan at natuklasang kulang.
28 PERES;[a] ang iyong kaharian ay hinati at ibinigay sa mga taga-Media at taga-Persia.”
29 Nang magkagayo'y nag-utos si Belshasar, at dinamitan nila si Daniel ng kulay ube, at kuwintas na ginto ang inilagay sa palibot ng leeg niya. Gumawa siya ng pahayag tungkol sa kanya, na siya'y dapat maging ikatlong pinuno sa kaharian.
30 Nang gabing iyon ay napatay si Belshasar na hari ng mga Caldeo.
31 At tinanggap ni Dario na taga-Media ang kaharian, siya noo'y halos animnapu't dalawang taong gulang.
Mga Bulaang Propeta
2 Ngunit may lumitaw ding mga bulaang propeta sa gitna ng sambayanan, kung paanong sa inyo'y magkakaroon ng mga bulaang guro, na palihim na magpapasok ng mga nakapipinsalang turo. Itatakuwil nila pati ang Panginoon na bumili sa kanila, na nagdadala sa kanilang sarili ng mabilis na pagkapuksa.
2 At maraming susunod sa kanilang mga gawang mahahalay, na dahil sa kanila ay lalaitin ang daan ng katotohanan.
3 At sa kanilang kasakiman ay pagsasamantalahan nila kayo sa pamamagitan ng mga pakunwaring salita. Ang hatol sa kanila mula nang una ay hindi maaantala at ang kanilang kapahamakan ay hindi natutulog.
4 Sapagkat kung hindi pinatawad ng Diyos ang mga anghel nang magkasala sila, kundi sila'y ibinulid sa impiyerno,[a] at nilagyan ng mga tanikala[b] ng kadiliman, upang ingatan hanggang sa paghuhukom;
5 at(A) kung paanong ang matandang daigdig ay hindi niya pinatawad, bagaman iniligtas si Noe na tagapangaral ng katuwiran, kasama ng pitong iba pa, noong ang daigdig ng masasamang tao ay dinalhan ng baha;
6 kung(B) paanong pinarusahan niya ng pagkalipol ang mga lunsod ng Sodoma at Gomorra na ginawa niyang abo, upang maging halimbawa sa mga mamumuhay sa kasamaan,
7 at(C) kung paanong iniligtas niya ang matuwid na si Lot, na lubhang nabagabag sa mahahalay na pamumuhay ng masasama
8 (sapagkat ang matuwid na taong ito na nabuhay na kasama nila araw-araw, ay lubhang nabagabag ang matuwid na kaluluwa dahil sa kanilang masasamang gawa na kanyang nakita at narinig),
9 kung gayon ang Panginoon ay marunong magligtas ng mga banal mula sa pagsubok at maglaan ng mga di-matuwid sa ilalim ng kaparusahan hanggang sa araw ng paghuhukom;
10 lalung-lalo na sa mga nagpapasasa sa kanilang laman sa pagnanasa, at hinahamak ang maykapangyarihan. Sila'y pangahas, matitigas ang ulo, at hindi natatakot na alipustain ang mga maluwalhati,
11 samantalang ang mga anghel, bagama't lalong dakila ang lakas at kapangyarihan, ay hindi nagdadala ng paghatol na may pag-aalipusta laban sa kanila sa harapan ng Panginoon.
12 Subalit ang mga taong ito, ay gaya ng mga hayop na walang bait, na ipinanganak na talagang mga hayop upang hulihin at patayin. Kanilang inaalipusta ang mga bagay na hindi nila nauunawaan at kapag ang mga nilalang na ito ay nilipol, sila ay lilipulin din,
13 na pagdurusahan ang parusa sa paggawa ng masama. Itinuturing nilang isang kaligayahan ang magpakalayaw kung araw. Sila ay mga bahid at dungis, na nagpapakalayaw sa kanilang mga daya, habang sila'y nakikisalo sa inyong mga handaan.
14 May mga mata silang punô ng pangangalunya, at hindi mapuknat sa pagkakasala, na kanilang inaakit ang mahihinang kaluluwa. May mga puso silang sanay sa kasakiman. Mga anak na isinumpa!
15 Iniwan(D) nila ang daang matuwid at naligaw sila, palibhasa'y sumunod sa daan ni Balaam na anak ni Beor,[c] na umibig sa kabayaran ng kalikuan.
16 Ngunit siya'y sinaway sa kanyang sariling pagsuway; isang asnong hindi makapagsalita ang nagsalita sa tinig ng tao at pinigil ang kabaliwan ng propeta.
17 Ang mga ito'y mga bukal na walang tubig, mga ulap na tinatangay ng unos. Sa kanila'y inilaan ang pusikit na kadiliman.
18 Sapagkat sila'y nagsasalita ng mga kayabangang walang kabuluhan, at nang-aakit sila sa pagnanasa ng laman sa pamamagitan ng kahalayan sa mga nakatakas mula sa mga namumuhay sa kamalian.
19 Sila'y pinapangakuan nila ng kalayaan, gayong sila mismo'y mga alipin ng kabulukan; sapagkat sinuman ay inaalipin ng anumang lumupig sa kanila.
20 Sapagkat kung pagkatapos na sila'y makatakas sa mga karumihan ng sanlibutan sa pamamagitan ng pagkakilala sa Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo, ay muli silang napasabit sa mga ito at nadaig, ang huling kalagayan nila ay mas masama kaysa nang una.
21 Sapagkat mas mabuti pa sa kanila ang hindi nakaalam ng daan ng katuwiran, kaysa, pagkatapos na malaman ito ay tumalikod sa banal na utos na ibinigay sa kanila.
22 Nangyari(E) sa kanila ang ayon sa tunay na kawikaan, “Nagbabalik muli ang aso sa kanyang sariling suka,” at, “Ang babaing baboy na nahugasan na, sa paglulublob sa putik.”
SAMECH.
113 Kinasusuklaman ko ang mga taong may salawahang kaisipan,
ngunit iniibig ko ang iyong kautusan.
114 Ikaw ang aking kalasag at dakong kublihan;
ang iyong salita ang aking inaasahan.
115 Lumayo kayo sa akin, kayong mga gumagawa ng kasamaan;
upang ang mga utos ng aking Diyos ay aking maingatan.
116 Alalayan mo ako ayon sa iyong pangako upang mabuhay ako,
at huwag mo akong hiyain sa pag-asa ko!
117 Alalayan mo ako, upang ako'y maging ligtas,
at laging magkaroon ako ng pagpapahalaga sa iyong mga batas.
118 Iyong tinatanggihan silang lahat na naliligaw sa iyong mga kautusan;
sapagkat ang kanilang katusuhan ay walang kabuluhan.
119 Inalis mo ang lahat ng masama sa lupa gaya ng basura,
kaya't iniibig ko ang iyong mga patotoo.
120 Ang laman ko'y nanginginig dahil sa takot sa iyo;
at ako'y takot sa mga hatol mo.
AIN.
121 Aking ginawa ang tama at makatuwiran;
sa mga umaapi sa akin ay huwag mo akong iwan.
122 Maging panagot ka sa ikabubuti ng iyong lingkod,
huwag mong hayaang apihin ako ng mayabang.
123 Nanlalabo ang aking mga mata sa paghihintay sa pagliligtas mo,
at sa iyong matuwid na pangako.
124 Pakitunguhan mo ang iyong lingkod ng ayon sa iyong tapat na pag-ibig,
at ituro mo sa akin ang iyong mga alituntunin.
125 Ako'y lingkod mo; bigyan mo ako ng kaunawaan,
upang ang mga patotoo mo ay aking malaman!
126 Panahon na upang kumilos ang Panginoon,
sapagkat ang kautusan mo ay nilabag.
127 Kaya't aking iniibig ang mga utos mo
nang higit kaysa ginto, higit kaysa dalisay na ginto.
128 Kaya't aking pinapahalagahan na matuwid ang lahat mong mga tuntunin tungkol sa lahat ng mga bagay;
kinasusuklaman ko ang bawat huwad na daan.
19 Siyang nagbubungkal ng kanyang lupain ay magkakaroon ng saganang tinapay;
ngunit siyang sumusunod sa mga walang kabuluhang gawa ay maghihirap nang lubusan.
20 Ang taong tapat ay sasagana sa pagpapala;
ngunit siyang nagmamadali sa pagyaman ay tiyak na parurusahan.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001