Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the GNT. Switch to the GNT to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Ezekiel 10-11

Iniwan ng Kaluwalhatian ng Diyos ang Templo

10 Nang(A) magkagayo'y tumingin ako, at narito, sa langit na nasa ulunan ng mga kerubin ay may nagpakita na parang isang batong zafiro, na ang anyo ay parang isang trono.

Sinabi(B) niya sa lalaki na nakadamit ng telang lino, “Pumasok ka sa pagitan ng umiikot na mga gulong sa ilalim ng kerubin. Punuin mo ang iyong mga kamay ng mga bagang nagbabaga mula sa pagitan ng mga kerubin, at ikalat mo sa buong lunsod.” At umalis siya sa harapan ko.

Ang mga kerubin ay nakatayo sa dakong kanan ng bahay, nang ang lalaki ay pumasok; at pinuno ng ulap ang loob ng bulwagan.

Ang kaluwalhatian ng Panginoon ay pumailanglang mula sa kerubin hanggang sa pintuan ng bahay. Ang bahay ay napuno ng ulap, at ang bulwagan ay napuno ng ningning ng kaluwalhatian ng Panginoon.

At ang tunog ng pagaspas ng mga pakpak ng mga kerubin ay narinig hanggang sa labas ng bulwagan, na gaya ng tinig ng Diyos na Makapangyarihan sa lahat kapag siya'y nagsasalita.

Nang kanyang utusan ang lalaking nakadamit ng telang lino, “Kumuha ka ng apoy sa pagitan ng umiikot na mga gulong, sa pagitan ng mga kerubin,” siya'y pumasok at tumayo sa tabi ng isang gulong.

Iniunat ng isang kerubin ang kanyang kamay mula sa gitna ng mga kerubin sa apoy na nasa gitna ng mga kerubin, kumuha niyon, at inilagay sa mga kamay ng nakadamit ng telang lino na kumuha niyon at lumabas.

Ang kerubin ay may anyo ng kamay ng isang tao sa ilalim ng kanilang mga pakpak.

Ako'y(C) tumingin, at narito, may apat na gulong sa tabi ng mga kerubin, isa sa bawat tabi ng isang kerubin, at ang anyo ng mga gulong ay gaya ng kulay ng batong berilo.

10 Tungkol sa kanilang anyo, ang apat ay magkakawangis na para bang isang gulong na nasa loob ng isang gulong.

11 Kapag ang mga ito'y umiikot, umiikot sila sa alinman sa apat na dako na hindi nagsisipihit habang umiikot, kundi saanmang panig humarap ang gulong sa harap, sumusunod ang iba na hindi pumipihit habang umiikot.

12 Ang(D) kanilang buong katawan, at ang kanilang mga likod, at ang kanilang mga kamay, at ang kanilang mga pakpak at ang kanilang mga gulong ay punô ng mga mata sa palibot.

13 Tungkol sa mga gulong, tinawag sila sa aking pandinig, “ang umiikot na mga gulong.”

14 Bawat(E) isa'y may apat na mukha: ang unang mukha ay mukha ng kerubin, ang ikalawang mukha ay mukha ng tao, ang ikatlo ay mukha ng leon, at ang ikaapat ay mukha ng isang agila.

15 At ang mga kerubin ay pumaitaas. Ito ang mga nilalang na may buhay na aking nakita sa baybayin ng Ilog Chebar.

16 Kapag kumilos ang mga kerubin, ang mga gulong ay gumagalaw na katabi nila; at kapag itinaas ng mga kerubin ang kanilang mga pakpak upang pumaitaas mula sa lupa, ang mga gulong naman ay hindi pumihit sa tabi nila.

17 Kapag ang mga kerubin ay nakahinto, ang mga gulong ay humihinto, at kapag sila'y pumapaitaas, ang mga gulong ay pumapaitaas na kasama nila, sapagkat ang espiritu ng mga nilalang na may buhay ay nasa mga iyon.

18 At ang kaluwalhatian ng Panginoon ay lumabas mula sa pintuan ng bahay, at tumayo sa ibabaw ng mga kerubin.

19 Itinaas ng mga kerubin ang kanilang mga pakpak, at lumipad mula sa lupa sa aking paningin habang sila'y humahayong kasama ng mga gulong sa tabi nila. At sila'y tumayo sa silangang pintuan ng bahay ng Panginoon; at ang kaluwalhatian ng Diyos ng Israel ay nasa itaas nila.

20 Ito ang mga nilalang na may buhay na aking nakita sa ilalim ng Diyos ng Israel sa baybayin ng Ilog Chebar; at nalaman ko na sila'y mga kerubin.

21 Bawat isa'y may apat na mukha at apat na pakpak; at ang anyo ng mga kamay ng tao ay nasa ilalim ng kanilang mga pakpak.

22 Tungkol sa anyo ng kanilang mga mukha, ito rin ang mga mukha na aking nakita sa baybayin ng Ilog Chebar. Bawat isa'y nagpatuloy sa paglakad.

Pinatay ang Masasamang Pinuno

11 Bukod dito'y, itinaas ako ng Espiritu, at dinala ako sa silangang pintuan ng bahay ng Panginoon, na nakaharap sa dakong silangan. Sa pasukan ng pintuan ay mayroong dalawampu't limang lalaki. At nakita ko na kasama nila si Jaazanias na anak ni Azur, at si Pelatias na anak ni Benaya, na mga pinuno ng bayan.

Sinabi niya sa akin, “Anak ng tao, ito ang mga lalaki na nagbabalak ng kasamaan, at nagbibigay ng masamang payo sa lunsod na ito;

na nagsasabi, ‘Hindi pa malapit ang panahon sa pagtatayo ng mga bahay; ang lunsod na ito ang kaldero, at tayo ang karne.’

Kaya't magsalita ka ng propesiya laban sa kanila, magsalita ka ng propesiya, O anak ng tao.”

Ang Espiritu ng Panginoon ay dumating sa akin, at sinabi niya sa akin, “Sabihin mo, Ganito ang sabi ng Panginoon: Ito ang inyong iniisip, O sambahayan ni Israel; nalalaman ko ang mga bagay na pumasok sa inyong isip.

Pinarami ninyo ang inyong pinatay sa lunsod na ito, at inyong pinuno ang mga lansangan nito ng mga patay.

Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Ang inyong mga patay na ibinulagta ninyo sa gitna nito ay mga karne, at ang lunsod na ito ay siyang kaldero; ngunit kayo'y ilalabas ko sa gitna nito.

Kayo'y natakot sa tabak at aking pararatingin ang tabak sa inyo, sabi ng Panginoong Diyos.

At aking ilalabas kayo sa gitna ng lunsod, at ibibigay ko kayo sa mga kamay ng mga dayuhan, at maglalapat ako ng mga hatol sa inyo.

10 Kayo'y mamamatay sa pamamagitan ng tabak. Aking hahatulan kayo sa hangganan ng Israel; at inyong malalaman na ako ang Panginoon.

11 Ang lunsod na ito ay hindi magiging inyong kaldero, o kayo man ay magiging karne sa gitna nito. Aking hahatulan kayo sa hangganan ng Israel.

12 At inyong malalaman na ako ang Panginoon, na ang mga tuntunin ay hindi ninyo sinunod, o inyo mang isinagawa ang aking mga batas, kundi kayo'y namuhay ng ayon sa mga kaugalian ng mga bansa na nasa palibot ninyo.”

13 Nang ako'y nagsasalita ng propesiya, si Pelatias na anak ni Benaya ay namatay. Nang magkagayo'y nasubasob ako, at ako'y sumigaw nang malakas, at aking sinabi, “Ah, Panginoong Diyos! Ganap mo na bang tatapusin ang nalabi ng Israel?”

Muling Titipunin ang mga Labi ng Israel

14 At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,

15 “Anak ng tao, ang iyong mga kapatid, ang iyong sariling mga kamag-anak, ang kapwa mo mga bihag, ang buong sambahayan ni Israel, silang lahat ay ang mga pinagsabihan ng mga naninirahan sa Jerusalem, ‘Lumayo na sila nang malayo sa Panginoon; sa amin ay ibinigay ang lupaing ito bilang ari-arian.’

16 Kaya't iyong sabihin, ‘Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Bagaman sila'y aking inilayo sa gitna ng mga bansa, at bagaman ikinalat ko sila sa gitna ng mga lupain, gayunman ako'y naging santuwaryo nila sa sandaling panahon sa mga lupain na kanilang pinuntahan.’

17 Kaya't iyong sabihin, ‘Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Aking titipunin kayo mula sa mga bayan, at sa mga lupain na inyong pinangalatan, at aking ibibigay sa inyo ang lupain ng Israel.’

18 At kapag sila'y pumaroon, kanilang aalisin ang lahat na karumaldumal na mga bagay roon, at ang lahat ng kasuklamsuklam niyon.

19 Bibigyan(F) ko sila ng isang puso, at lalagyan ko sila ng bagong espiritu. Aalisin ang batong puso sa kanilang laman, at aking bibigyan sila ng pusong laman,

20 upang sila'y makasunod sa aking mga tuntunin, at maganap ang aking mga batas at magawa ang mga iyon. Sila'y magiging aking bayan at ako'y magiging kanilang Diyos.

21 Ngunit tungkol sa kanila na ang puso ay sumunod ayon sa kanilang mga karumaldumal na mga bagay, at sa kanilang mga kasuklamsuklam, aking dadalhin ang kanilang mga gawa sa ibabaw ng kanilang sariling mga ulo, sabi ng Panginoong Diyos.”

Inalis ng Panginoon ang Kanyang Kaluwalhatian sa Jerusalem

22 Pagkatapos(G) nito, itinaas ng mga kerubin ang kanilang mga pakpak at ang mga gulong na nasa tabi nila; at ang kaluwalhatian ng Diyos ng Israel ay nasa itaas ng mga iyon.

23 At ang kaluwalhatian ng Panginoon ay pumailanglang mula sa gitna ng lunsod, at huminto sa ibabaw ng bundok na nasa dakong silangan ng lunsod.

24 Itinaas ako ng Espiritu, at dinala ako sa pangitain sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos sa mga bihag na nasa Caldea. At iniwan ako ng pangitain na aking nakita.

25 At sinabi ko sa mga bihag ang lahat ng mga bagay na ipinakita sa akin ng Panginoon.

Mga Hebreo 6

Ang Panganib ng Pagtalikod

Kaya't iwan na natin ang mga unang simulain ng aral ni Cristo, at tayo'y magpatuloy sa kasakdalan, na huwag nating muling ilagay ang saligan ng pagsisisi mula sa mga patay na gawa at pananampalataya sa Diyos,

ng aral tungkol sa mga bautismo,[a] pagpapatong ng mga kamay, muling pagkabuhay ng mga patay, at ng walang hanggang paghuhukom.

At ating gagawin ito, kung ipahihintulot ng Diyos.

Sapagkat hindi mangyayari na ang mga dating naliwanagan na, at nakalasap ng kaloob ng kalangitan, at mga naging kabahagi ng Espiritu Santo,

at nakalasap ng kabutihan ng salita ng Diyos, at ng mga kapangyarihan ng panahong darating,

at pagkatapos ay tumalikod ay muling panumbalikin sa pagsisisi, yamang sa kanilang sarili ay muli nilang ipinapako sa krus ang Anak ng Diyos, at itinataas sa kahihiyan.

Sapagkat ang lupang umiinom ng ulang madalas na pumapatak sa kanya, at tinutubuan ng mga halamang angkop doon na dahil sa kanila ito ay binungkal, ay tumatanggap ng pagpapalang mula sa Diyos.

Subalit(A) kung ito'y tinutubuan ng mga tinik at dawag, ito ay walang kabuluhan at malapit nang sumpain, at ang kanyang kahihinatnan ay ang pagkasunog.

Ngunit, mga minamahal, kami ay lubos na naniniwala sa mga mabubuting bagay tungkol sa inyo, at sa mga bagay na may kinalaman sa kaligtasan, bagama't kami ay nagsasalita ng ganito.

10 Sapagkat ang Diyos ay hindi masama; hindi niya kaliligtaan ang inyong gawa at ang pag-ibig na inyong ipinakita sa kanyang pangalan, sa inyong paglilingkod sa mga banal, gaya ng ginagawa ninyo ngayon.

11 At nais namin na ang bawat isa sa inyo ay magpakita ng gayunding sigasig upang inyong malaman ang ganap na katiyakan ng pag-asa hanggang sa katapusan;

12 upang kayo'y huwag maging mga tamad, kundi mga taga-tulad kayo sa kanila na sa pamamagitan ng pananampalataya at ng pagtitiis ay nagmamana ng mga pangako.

Ang Katiyakan ng Pangako ng Diyos

13 Nang mangako ang Diyos kay Abraham, palibhasa'y walang sinumang higit na dakila na kanyang panunumpaan, siya ay nanumpa sa kanyang sarili,

14 na(B) sinasabi, “Tiyak na pagpapalain at pararamihin kita.”

15 Kaya't si Abraham,[b] nang makapaghintay na may pagtitiis, ay tumanggap ng pangako.

16 Nanunumpa ang mga tao sa harap ng higit na mataas sa kanila, at ang sumpang binitawan bilang katibayan ay nagwawakas ng bawat usapin.

17 Gayundin naman, sa pagnanais ng Diyos na maipakita sa mga tagapagmana ng pangako na hindi maaaring mabago ang kanyang pasiya, pinagtibay niya ito sa pamamagitan ng isang sumpa;

18 upang sa pamamagitan ng dalawang bagay na di-mababago, na dito'y hindi maaaring magsinungaling ang Diyos, tayong nagtungo sa kanlungan ay magkaroon ng higit na katiyakang panghawakan ang pag-asang nakalagay sa harapan natin.

19 Taglay(C) natin ito bilang isang tiyak at matibay na angkla ng kaluluwa, isang pag-asa na pumapasok sa loob ng santuwaryo, sa kabila ng tabing,

20 na(D) doo'y naunang pumasok para sa atin si Jesus, na naging pinakapunong pari magpakailanman ayon sa pagkapari ni Melquizedek.

Mga Awit 105:16-36

16 At(A) siya'y nagdala ng taggutom sa lupain;
    binali niya ang bawat tungkod ng tinapay,
17 siya'y(B) nagsugo ng isang lalaki sa unahan nila,
    si Jose na ipinagbili bilang alipin.
18 Ang(C) kanyang mga paa ay sinaktan ng mga tanikala,
    siya'y nilagyan ng kuwelyo na bakal;
19 hanggang sa ang kanyang salita ay maganap;
    siya ay sinubok ng salita ng Panginoon.
20 Ang(D) hari ay nagsugo at pinakawalan siya;
    ang pinuno ng mga bayan, at siya'y pinalaya niya,
21 kanyang(E) ginawa siyang panginoon ng kanyang tahanan,
    at pinuno ng lahat niyang ari-arian,
22 upang talian ang kanyang mga pinuno ayon sa kanyang nais,
    at turuan ng karunungan ang kanyang matatanda.

23 At(F) ang Israel ay dumating sa Ehipto;
    si Jacob ay nakipanirahan sa lupain ng Ham.
24 At(G) ginawang napakabunga ng Panginoon ang kanyang bayan,
    at ginawa silang higit na malakas kaysa kanilang mga kaaway.
25 Kanyang ibinaling ang kanilang puso upang mapoot sa kanyang bayan,
    upang makitungong may katusuhan sa kanyang mga lingkod.

26 Kanyang(H) sinugo si Moises na kanyang lingkod,
    at si Aaron na kanyang pinili.
27 Kanilang isinagawa ang kanyang kahanga-hangang gawa sa gitna nila,
    at mga kababalaghan sa lupain ng Ham.
28 Siya'y(I) nagsugo ng mga kadiliman, at nagpadilim,
    sila'y hindi naghimagsik laban sa kanyang mga salita.
29 Kanyang(J) ginawang dugo ang kanilang tubig,
    at pinatay ang kanilang mga isda.
30 Ang(K) kanilang lupain ay napuno ng mga palaka,
    maging sa mga silid-tulugan ng kanilang mga hari.
31 Siya'y(L) nagsalita, at dumating ang mga pulutong na mga langaw,
    at mga niknik sa buong bayan.
32 Binigyan(M) niya sila ng yelo bilang ulan,
    at liyab ng apoy sa kanilang lupain.
33 Pinatay niya ang kanilang mga puno ng ubas at mga puno ng igos,
    at winasak ang mga punungkahoy sa kanilang lupain.
34 Siya'y(N) nagsalita at ang mga balang ay nagsidating,
    ang mga batang balang na di kayang bilangin,
35 na kinain ang lahat ng pananim sa kanilang lupain,
    at kinain ang bunga ng kanilang lupain.
36 Pinagpapatay(O) din niya ang lahat ng panganay sa kanilang lupain,
    ang unang bunga ng lahat nilang kalakasan.

Mga Kawikaan 27:1-2

Ang Matuwid at ang Masama

27 Huwag(A) mong ipagyabang ang kinabukasan;
    sapagkat hindi mo alam kung ano ang dadalhin ng isang araw.
Purihin ka ng ibang tao at huwag ng iyong sariling bibig;
    ng dayuhan, at huwag ng iyong sariling mga labi.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001