The Daily Audio Bible
Today's audio is from the GNT. Switch to the GNT to read along with the audio.
42 Sa gayo'y aking bibigyang kasiyahan ang aking matinding galit sa iyo, at ako'y hindi na maninibugho sa iyo; ako'y matatahimik at hindi na magagalit pa.
43 Sapagkat hindi mo naalala ang mga araw ng iyong kabataan, kundi ako'y pinapag-iinit mo sa lahat ng mga bagay na ito. Narito, kaya't akin namang ibabalik ang iyong mga gawa sa iyong ulo, sabi ng Panginoong Diyos: “Hindi ba gumawa ka ng kahalayan bukod sa lahat ng iyong mga kasuklamsuklam?
Kung Ano ang Puno ay Siyang Bunga
44 Narito, bawat gumagamit ng mga kawikaan ay gagamit ng kawikaang ito tungkol sa iyo, ‘Kung ano ang ina, gayon ang anak na babae.’
45 Ikaw ang anak na babae ng iyong ina, na namuhi sa kanyang asawa at sa kanyang mga anak. Ikaw ang kapatid ng iyong mga kapatid, na namuhi sa kanilang mga asawa at sa kanilang mga anak. Ang iyong ina ay isang Hetea, at ang iyong ama ay isang Amoreo.
46 Ang iyong nakatatandang kapatid na babae ay ang Samaria na naninirahang kasama ng kanyang mga anak na babae sa dakong hilaga mo; at ang iyong nakababatang kapatid na babae na naninirahan sa iyong timog ay ang Sodoma na kasama ang kanyang mga anak na babae.
47 Gayunma'y hindi ka nasiyahang lumakad sa kanilang mga lakad, o gumawa man ng ayon sa kanilang kasuklamsuklam. Sa loob lamang ng napakaigsing panahon ay higit kang naging masama kaysa kanila sa lahat ng iyong mga lakad.
48 Habang buháy ako, sabi ng Panginoong Diyos, ang Sodoma na iyong kapatid na babae at ang kanyang mga anak ay hindi gumawa ng gaya ng ginawa mo at ng iyong mga anak na babae.
49 Narito, ito ang kasamaan ng iyong kapatid na babae na Sodoma; siya at ang kanyang mga anak na babae ay may kapalaluan, labis na pagkain, at masaganang kaluwagan, ngunit hindi tinulungan ang dukha at nangangailangan.
50 Sila'y palalo at gumawa ng kasuklamsuklam na bagay sa harapan ko; kaya't aking inalis sila nang makita ko iyon.
51 Ang Samaria ay hindi nakagawa ng kalahati ng iyong mga kasalanan. Nakagawa ka ng higit na mga kasuklamsuklam kaysa kanila, at pinalabas mong higit na matuwid ang iyong mga kapatid na babae sa pamamagitan ng lahat ng mga kasuklamsuklam na iyong ginawa.
52 Pasanin mo rin ang iyong kahihiyan, sapagkat nagbigay ka ng mabuting paghatol sa iyong mga kapatid na babae; dahil sa iyong mga kasalanan na iyong nagawa na higit na kasuklamsuklam kaysa kanila, sila'y higit na matuwid kaysa iyo. Kaya't mahiya ka rin, at pasanin mo ang iyong kahihiyan, sapagkat pinalabas mong matuwid ang iyong mga kapatid na babae.
Ibabalik sa Dati ang Sodoma at ang Samaria
53 “Gayunman, ibabalik ko ang kanilang pagkabihag, ang pagkabihag ng Sodoma at ng kanyang mga anak na babae, at ang pagkabihag ng Samaria at ng kanyang mga anak na babae, at ibabalik ko ang sarili mong pagkabihag sa gitna nila,
54 upang pasanin mo ang iyong sariling kahihiyan, at ikaw ay mapahiya dahil sa lahat ng iyong ginawa sa pagiging kaaliwan sa kanila.
55 Tungkol sa iyong mga kapatid na babae, ang Sodoma at ang kanyang mga anak na babae ay babalik sa kanilang dating kalagayan. Ang Samaria at ang kanyang mga anak na babae ay babalik sa kanilang dating kalagayan, at ikaw at ang iyong mga anak na babae ay babalik sa inyong dating kalagayan.
56 Hindi ba ang iyong kapatid na babae na Sodoma ay isang kasabihan sa iyong bibig sa araw ng iyong kapalaluan,
57 bago lumitaw ang iyong kasamaan? Ngayo'y naging gaya ka niya na naging tampulan ng pagkutya para sa mga anak na babae ng Siria, at sa lahat ng nasa palibot niya, na mga anak na babae ng mga Filisteo na siyang kumukutya sa iyo sa palibot.
58 Pasan mo ang parusa ng iyong kahalayan at ang iyong mga kasuklamsuklam, sabi ng Panginoon.
Ang Walang Hanggang Tipan
59 “Oo, ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Akin namang gagawin sa iyo ang gaya ng iyong ginawa, na iyong hinamak ang sumpa sa pagsira ng tipan.
60 Gayunma'y alalahanin ko ang aking tipan sa iyo nang mga araw ng iyong kabataan, at aking itatatag sa iyo ang isang walang hanggang tipan.
61 Kung magkagayo'y alalahanin mo ang iyong mga lakad, at mapapahiya ka kapag dinala ko ang iyong mga kapatid na babae, ang iyong nakatatanda at nakababatang kapatid, at aking ibibigay sila sa iyo bilang mga anak na babae, ngunit hindi dahil sa pakikipagtipan sa iyo.
62 Aking itatatag ang aking tipan sa iyo, at iyong malalaman na ako ang Panginoon;
63 upang iyong maalala, at mapahiya ka, at kailan pa man ay hindi mo na ibuka ang iyong bibig dahil sa iyong kahihiyan, kapag aking pinatawad ka sa lahat ng iyong ginawa, sabi ng Panginoong Diyos.”
Ang Talinghaga ng Agila at ng Baging
17 Ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,
2 “Anak ng tao, magbugtong ka, at magsalita ka ng talinghaga sa sambahayan ni Israel;
3 at iyong sabihin, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Isang malaking agila na may malalaki at mahahabang pakpak na punô ng mga balahibo, na may sari-saring kulay ang dumating sa Lebanon, at kinuha ang dulo ng sedro.
4 Kanyang binali ang pinakamataas na sariwang mga sanga niyon, at dinala sa isang lupaing kalakalan; inilagay niya sa isang lunsod ng mga mangangalakal.
5 Pagkatapos ay kinuha niya ang binhi ng lupain, at itinanim sa isang matabang lupa; itinanim niya sa tabi ng maraming tubig; kanyang itinanim na parang puno ng kahoy na sauce.
6 Ito ay tumubo at naging mayabong na puno ng baging na mababa, na ang mga sanga ay patungo sa dako niya, at ang mga ugat niyo'y nanatili sa kinaroroonan niya; at ito'y naging isang puno ng baging, at nagsanga, at nagkadahon.
7 Ngunit may iba pang malaking agila na may malaking pakpak at maraming balahibo, at ipinihit ng puno ng baging na ito ang mga ugat nito sa kanya, at isinupling ang kanyang mga sanga sa dako niya upang kanyang diligin ito. Mula sa pitak na kanyang kinatataniman
8 inilipat niya ito sa isang mabuting lupa sa tabi ng maraming tubig, upang makapagsanga, at makapagbunga, upang maging mabuting puno ng baging.
9 Sabihin mo, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Lalago ba iyon? Hindi ba niya bubunutin ang mga ugat niyon, at puputulin ang mga sanga niyon, upang ang lahat ng sariwang umuusbong na mga dahon niyon ay matuyo? Hindi kailangan ang malakas na bisig o maraming tao na ito'y mabubunot sa mga ugat.
10 Narito, nang ito'y ilipat ng taniman, lalago ba ito? Hindi ba ganap na matutuyo kapag nahipan siya ng hanging silangan—at matutuyo sa mga pitak na tinubuan niya?”
Ang Kahulugan ng Talinghaga
11 Bukod dito'y ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,
12 “Sabihin(A) mo ngayon sa mapaghimagsik na sambahayan: Hindi ba ninyo nalalaman ang kahulugan ng mga bagay na ito? Sabihin mo sa kanila: Narito, ang hari ng Babilonia ay dumating sa Jerusalem, at kinuha ang kanyang hari at mga pinuno at kanyang dinala sila sa Babilonia.
13 Siya'y kumuha ng isang anak ng hari at nakipagtipan siya sa kanya, at kanyang isinailalim siya sa panunumpa. (Dinala niya ang mga pinuno ng lupain,
14 upang ang kaharian ay mapangumbaba at hindi makapagmataas, at sa pag-iingat ng kanyang tipan ay makatayo ito.)
15 Ngunit siya'y naghimagsik laban sa kanya sa pagpapadala ng kanyang mga sugo sa Ehipto, upang mabigyan nila siya ng mga kabayo at malaking hukbo. Magtatagumpay ba siya? Makakatakas ba ang taong gumagawa ng gayong mga bagay? Masisira ba niya ang tipan at makakatakas pa?
16 Habang buháy ako, sabi ng Panginoong Diyos, tunay na sa dakong tinatahanan ng hari kung saan siya ginawang hari, na ang sumpa ay hinamak niya at sinira niya ang pakikipagtipan sa kanya, siya nga'y mamamatay sa Babilonia.
17 Hindi siya tutulungan sa pakikidigma ni Faraon at ng kanyang makapangyarihang hukbo, kapag itinindig ang mga bunton at itinayo ang mga pader na panlusob, upang pumatay ng maraming tao.
18 Sapagkat kanyang hinamak ang sumpa at sinira ang tipan, narito, sapagkat ibinigay niya ang kanyang kamay, at gayunma'y ginawa ang lahat ng bagay na ito, siya'y hindi makakatakas.
19 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Habang buháy ako, walang pagsalang ang aking panunumpa na kanyang hinamak, at ang aking tipan na kanyang sinira ay aking sisingilin sa kanyang ulo.
20 Aking ikakalat ang aking bitag sa kanya, at siya'y mahuhuli sa aking silo; dadalhin ko siya sa Babilonia at siya'y aking hahatulan doon dahil sa kataksilan na kanyang ginawa laban sa akin.
21 At ang lahat ng mga piling lalaki[a] mula sa kanyang pangkat ay mamamatay sa pamamagitan ng tabak, at ang nalabi ay mangangalat sa bawat dako; at inyong malalaman na akong Panginoon ang nagsalita.”
22 Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: “Ako mismo ay kukuha ng suwi mula sa dulo ng mataas na sedro at aking itatanim. Sa pinakamataas ng kanyang sariwang sanga ay puputol ako ng supling, at aking itatanim sa isang mataas at matayog na bundok.
23 Sa kaitaasan ng bundok ng Israel ay aking itatanim iyon, upang ito'y magsanga at magbunga, at maging mainam na sedro, at sa lilim niyon ay tatahan ang lahat ng uri ng hayop, at sa lilim ng mga sanga niyon ay magpupugad ang lahat ng uri ng ibon.
24 At malalaman ng lahat ng punungkahoy sa parang na akong Panginoon ang nagbaba sa mataas na punungkahoy, nagtaas sa mababang punungkahoy, tumuyo sa sariwang punungkahoy, at nagpanariwa sa tuyong punungkahoy: Akong Panginoon ang nagsalita at gagawa niyon.”
Ang Tagapamagitan ng Mas Mabuting Tipan
8 Ngayon,(A) ang pangunahing bagay na aming sinasabi ay ito: Mayroon tayong gayong Pinakapunong Pari na nakaupo sa kanan ng trono ng Kamahalan sa kalangitan,
2 isang ministro sa santuwaryo at sa tunay na tabernakulo na itinayo ng Panginoon, hindi ng tao.
3 Sapagkat itinalaga ang bawat pinakapunong pari upang maghandog ng mga kaloob at ng mga alay. Kaya't kailangan din namang siya'y magkaroon ng kanyang ihahandog.
4 Kaya't kung siya'y nasa lupa, hindi siya maaaring maging pari, sapagkat mayroon nang mga paring naghandog ng mga kaloob ayon sa kautusan.
5 Sila'y(B) naglilingkod sa anyo at anino ng makalangit na santuwaryo; sapagkat si Moises ay binalaan ng Diyos nang malapit na niyang itayo ang tabernakulo, “Tiyakin mo na iyong gagawin ang lahat ng mga bagay ayon sa huwarang ipinakita sa iyo sa bundok.”
6 Subalit ngayo'y nagtamo si Cristo[a] ng ministeryong higit na marangal, yamang siya'y tagapamagitan sa isang higit na mabuting tipan na pinagtibay sa higit na mabubuting pangako.
7 Sapagkat kung ang unang tipang iyon ay walang kapintasan, hindi na sana kailangang humanap pa ng pangalawa.
8 Sapagkat(C) nang makakita ang Diyos[b] ng kapintasan sa kanila, ay sinabi niya,
“Ang mga araw ay tiyak na darating, sabi ng Panginoon,
na ako'y gagawa ng isang bagong tipan sa sambahayan ni Israel
at sa sambahayan ni Juda,
9 hindi ayon sa tipang aking ginawa sa kanilang mga ninuno,
nang araw na hawakan ko sila sa kamay, upang sila'y ihatid papalabas sa lupain ng Ehipto,
sapagkat sila'y hindi nagpatuloy sa aking tipan,
kaya't ako'y hindi nagmalasakit sa kanila, sabi ng Panginoon.
10 Ito ang tipang aking gagawin sa sambahayan ni Israel
pagkatapos ng mga araw na iyon, sabi ng Panginoon:
ilalagay ko ang aking mga kautusan sa kanilang pag-iisip,
at isusulat ko ang mga iyon sa kanilang mga puso,
at ako'y magiging Diyos nila,
at sila'y magiging bayan ko.
11 At hindi magtuturo ang bawat isa sa kanila sa kanyang kababayan,
o magsasabi ang bawat isa sa kanyang kapatid, ‘Kilalanin mo ang Panginoon,’
sapagkat ako'y makikilala nilang lahat,
mula sa pinakahamak hanggang sa pinakadakila sa kanila.
12 Sapagkat ako'y magiging mahabagin sa kanilang mga kasamaan,
at ang kanilang mga kasalanan ay hindi ko na aalalahanin pa.”
13 Sa pagsasalita tungkol sa “bagong tipan,” ginawa niyang lipas na ang una. At ang ginawang lipas na at tumatanda ay malapit nang maglaho.
13 Ngunit agad nilang nalimutan ang kanyang mga gawa;
hindi nila hinintay ang kanyang payo.
14 Kundi(A) sila'y nagkaroon ng walang pakundangang pananabik nang sila'y nasa ilang,
at tinukso nila ang Diyos sa ilang.
15 Ibinigay niya sa kanila ang kanilang hiniling,
ngunit nagpadala ng nakapanghihinang karamdaman sa gitna nila.
16 Nang(B) ang mga tao sa kampo ay nanibugho kina Moises
at Aaron, na banal ng Panginoon,
17 ang lupa ay bumuka, at si Datan ay nilamon,
at tinabunan ang kay Abiram na pulutong.
18 Nagkaroon din ng sunog sa kanilang pulutong;
sinunog ng apoy ang masasama.
19 Sila'y(C) gumawa sa Horeb ng guya,
at sumamba sa larawang hinulma.
20 Ganito nila ipinagpalit ang kaluwalhatian
sa wangis ng baka na kumakain ng damo.
21 Nalimutan nila ang Diyos, ang kanilang Tagapagligtas,
na gumawa ng mga dakilang bagay sa Ehipto,
22 kahanga-hangang mga gawa sa lupain ng Ham,
at kakilakilabot na mga bagay sa Dagat na Pula.
23 Kaya't sinabi niya na kanyang lilipulin sila—
kung si Moises na kanyang hirang
ay hindi humarap sa kanya sa bitak,
upang pawiin ang kanyang poot na puksain sila.
24 Kanilang(D) hinamak ang lupaing maganda,
yamang wala silang pananampalataya sa pangako niya.
25 Sila'y nagmaktol sa mga tolda nila,
at ang tinig ng Panginoon ay hindi nila sinunod.
26 Kaya't itinaas niya ang kanyang kamay,
na sa ilang sila'y kanyang ibubuwal,
27 at(E) ang kanilang binhi sa mga bansa ay itatapon,
at ikakalat sila sa mga lupain.
28 At(F) iniugnay nila ang kanilang sarili sa Baal-peor,
at kumain ng mga handog na inialay sa mga patay;
29 kanilang ginalit ang Panginoon sa pamamagitan ng mga gawa nila,
at isang salot ang lumitaw sa gitna nila.
30 Nang magkagayo'y tumayo si Finehas at namagitan,
at ang salot ay napigilan.
31 At iyon ay itinuring sa kanya bilang katuwiran,
mula sa salinlahi hanggang sa salinlahi magpakailanman.
7 Ang taong busog ay nasusuya sa pulot-pukyutan;
ngunit sa taong gutom ang bawat mapait ay katamisan.
8 Tulad ng ibong naliligaw mula sa kanyang pugad,
gayon ang taong naliligaw mula sa kanyang bahay.
9 Ang langis at pabango sa puso'y nagpapasaya,
gayon katamis ang payo ng isang tao sa kaibigan niya.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001