Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NIV. Switch to the NIV to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Ezekiel 27-28

Awit Punebre para sa Tiro

27 Bukod dito'y ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,

“At ikaw, anak ng tao, managhoy ka para sa Tiro;

at sabihin mo sa Tiro na naninirahan sa pasukan sa dagat, ang mangangalakal ng mga bansa sa maraming pulo, ganito ang sabi ng Panginoong Diyos:

“O Tiro, sinabi mo,
    ‘Ako'y sakdal sa kagandahan.’
Ang iyong mga hangganan ay nasa kalaliman ng mga dagat;
    ginawang sakdal ang iyong kagandahan ng iyong mga tagapagtayo.

Ang lahat mong mga tabla

    ay mula sa mga puno ng abeto na mula sa Senir;
sila'y nagsikuha ng sedro mula sa Lebanon,
    upang gumawa ng palo para sa iyo.
Ginawa nilang iyong mga sagwan
    ang mga ensina sa Basan;
kanilang ginawang mga bangko
    ang mga puno ng pino mula sa mga pulo ng Chittim na balot ng garing.
Pinong telang lino na may burda mula sa Ehipto
    ang iyong layag
    na nagsisilbing iyong watawat;
kulay asul at ube mula sa mga pulo ng Elisha
    ang iyong karang.
Ang mga naninirahan sa Sidon at Arvad
    ay iyong mga tagasagwan;
ang iyong mga pantas na lalaki, O Tiro, ay nasa iyo,
    sila ang iyong mga piloto.
Ang matatanda sa Gebal at ang kanyang mga pantas na lalaki ay nasa iyo,
    na inaayos ang iyong mga dugtungan;
ang lahat ng sasakyan sa dagat at lahat ng mga tauhan nito ay nasa iyo,
    upang ipangalakal ang iyong paninda.

10 “Ang Persia, Lud, at Put ay nasa iyong hukbo bilang iyong mga mandirigma. Kanilang ibinitin ang kalasag at helmet sa iyo; binigyan ka nila ng kariktan.

11 Ang mga lalaki ng Arvad at ang iyong hukbo ay nasa ibabaw ng iyong mga pader sa palibot, at ang mga lalaki ng Gamad ay nasa iyong mga muog. Kanilang isinabit ang kanilang mga kalasag sa iyong mga kuta sa palibot; kanilang pinasakdal ang iyong kagandahan.

12 “Ang Tarsis ay nangalakal sa iyo dahil sa napakalaki mong kayamanan na iba't-ibang uri; ang pilak, bakal, lata, at tingga, ay ipinagpalit nila sa iyong mga kalakal.

13 Ang Javan, Tubal, at Meshec ay nakipagkalakalan sa iyo; kanilang ipinagpalit ang mga tao at ang mga sisidlang tanso sa iyong mga kalakal.

14 Ipinagpalit ng Bet-togarmah sa iyong mga kalakal ang kanilang mga kabayo at mga kabayong pandigma at mga mola.

15 Ang mga tao sa Dedan ay nakipangalakal sa iyo. Ang maraming pulo ay naging iyong tanging pamilihan. Kanilang dinala bilang kabayaran ang mga sungay na garing at ebano.

16 Nakipagkalakalan sa iyo ang Aram dahil sa dami ng iyong mga paninda. Sila'y nakikipagpalitan sa iyong mga kalakal ng mga esmeralda, kulay-ube, bagay na may burda, pinong telang lino, koral, at mga rubi.

17 Nakipagkalakalan sa iyo ang lupain ng Juda at Israel. Sila'y nakikipagpalitan sa iyong mga kalakal ng trigo, olibo, pulot, langis, at balsamo.

18 Nakipagkalakalan sa iyo ang Damasco dahil sa dami ng iyong mga paninda, dahil sa napakalaki mong kayamanan na iba't ibang uri; alak ng Helbon, at maputing lana.

19 Nakikipagpalitan ang Vedan at Javan sa iyong mga kalakal ng sinulid na lana; ng pundidong bakal, kasia, at ng kalamo.

20 Nakipagkalakalan sa iyo ang Dedan ng telang upuan para sa pangangabayo.

21 Ang Arabia at lahat ng prinsipe ng Kedar ay naging iyong mga mamimili ng mga kordero, mga lalaking tupa, at mga kambing. Sa mga ito'y nakipagkalakalan sila sa iyo.

22 Ang mga mangangalakal ng Seba at Raama ay nakipagkalakalan sa iyo. Kanilang ipinagpalit sa iyong mga kalakal ang pinakamabuting uri ng lahat ng pabango, at lahat ng mahahalagang bato at ginto.

23 Ang Haran, Canneh, at Eden, Ashur at ang Chilmad ay nakipagkalakalan sa iyo.

24 Ang mga ito ay nakipagkalakalan sa iyo ng mga piling pananamit, mga damit na kulay asul at may burda, at mga alpombrang may kulay na natatalian ng mga sintas at ginawang matibay. Sa mga ito'y nakipagkalakalan sila sa iyo.

25 Ang(A) mga sasakyan sa Tarsis ay naglakbay para sa iyong kalakal.

“Kaya't ikaw ay napuno at naging totoong maluwalhati
    sa kalagitnaan ng mga dagat.
26 Dinala ka ng iyong mga mananagwan
    sa malawak na dagat.
Winasak ka ng hanging silangan
    sa kalagitnaan ng dagat.
27 Ang iyong kayamanan, ang iyong mga kalakal, ang iyong paninda,
    ang iyong mga mananagwan, at ang iyong mga piloto,
ang iyong mga taga-ayos ng dugtong, at ang tagapagtinda ng iyong mga kalakal,
    at ang lahat mong mandirigma na nasa iyo,
at ang lahat ng pangkat
    na nasa gitna mo,
ay lulubog sa kalagitnaan ng dagat
    sa araw ng iyong pagkawasak.
28 Sa lakas ng sigaw ng iyong mga piloto,
    ang mga nayon ay nayayanig,
29 at pababa sa kanilang mga sasakyan
    ay dumating ang lahat ng humahawak sa sagwan.
Ang mga marino at lahat ng mga piloto ng dagat
    ay nakatayo sa pampang,
30 at tumataghoy nang malakas sa iyo
    at umiiyak na mainam.
Binuhusan nila ng alabok ang kanilang mga ulo,
    at naglubalob sa mga abo;
31 nagpakalbo sila dahil sa iyo,
    at nagbigkis ng sako,
at kanilang iniyakan ka na may kapaitan ng kaluluwa,
    at matinding pananangis.
32 Bukod dito sa kanilang pagtangis ay nananaghoy sila para sa iyo,
    at tinangisan ka:
‘Sino ang kagaya ng Tiro
    na tulad niyang tahimik sa gitna ng dagat?
33 Kapag ang iyong mga kalakal ay dumating mula sa mga dagat,
    iyong binubusog ang maraming bayan;
iyong pinayaman ang mga hari sa lupa
    ng karamihan ng iyong mga kayamanan at mga kalakal.
34 Ngayo'y nawasak ka sa karagatan,
    sa kalaliman ng mga tubig;
ang iyong kalakal at ang lahat mong mga tauhan
    ay lumubog na kasama mo.
35 Lahat ng naninirahan sa mga pulo
    ay natitigilan dahil sa iyo;
at ang kanilang mga hari ay tunay na natakot,
    sila'y nabagabag sa kaanyuan.
36 Pinagsutsutan ka ng mga mangangalakal sa gitna ng mga bayan;
    ikaw ay dumating sa isang kakilakilabot na wakas,
    at hindi ka na mabubuhay pa magpakailanman.’”

Ang Pahayag Laban sa Hari ng Tiro

28 Ang salita ng Panginoon ay dumating uli sa akin, na sinasabi,

“Anak ng tao, sabihin mo sa pinuno ng Tiro, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos:

“Sapagkat ang iyong puso ay nagmamataas,
    at iyong sinabi, ‘Ako'y diyos,
ako'y nakaupo sa upuan ng mga diyos, sa pusod ng mga dagat,’
gayunman ikaw ay tao lamang, at hindi Diyos,
    bagaman ginawa mo ang iyong puso
    na parang puso ng Diyos.
Narito, ikaw ay higit na marunong kaysa kay Daniel;
    walang lihim ang malilihim sa iyo;
sa pamamagitan ng iyong karunungan at pagkaunawa
    nagkaroon ka ng mga kayamanan para sa iyong sarili,
at nakapagtipon ka ng ginto at pilak
    sa iyong mga kabang-yaman;
sa pamamagitan ng iyong dakilang karunungan sa pangangalakal
    napalago mo ang iyong kayamanan,
    at ang iyong puso ay nagmataas dahil sa iyong kayamanan—
kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Diyos:
“Sapagkat ginawa mo ang iyong puso
    na parang puso ng Diyos,
kaya't ako'y magdadala ng mga dayuhan sa iyo,
    ang kakilakilabot sa mga bansa;
at kanilang bubunutin ang kanilang mga tabak laban sa kagandahan ng iyong karunungan,
    at kanilang durungisan ang iyong kaningningan.
Kanilang ibababa ka sa hukay;
    at ikaw ay mamamatay ng kamatayan ng pinaslang
    sa pusod ng mga dagat.
Sabihin mo pa kaya sa harapan nila na pumapatay sa iyo, ‘Ako'y Diyos!’
bagaman ikaw ay tao lamang at hindi Diyos,
    sa kamay nila na sumusugat sa iyo?
10 Ikaw ay mamamatay ng pagkamatay ng mga hindi tuli
    sa pamamagitan ng kamay ng mga dayuhan;
    sapagkat ako ang nagsalita, sabi ng Panginoong Diyos.”

Ang Panaghoy sa Hari ng Tiro

11 Bukod dito'y dumating sa akin ang salita ng Panginoon, na sinasabi,

12 “Anak ng tao, managhoy ka para sa hari ng Tiro, at sabihin mo sa kanya, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos:

“Ikaw ang tatak ng kasakdalan,
    punô ng karunungan, at sakdal sa kagandahan.
13 Ikaw ay nasa Eden na halamanan ng Diyos;
    bawat mahahalagang bato ay iyong kasuotan,
ang sardio, topacio, diamante,
    berilo, onix, jaspe,
zafiro, karbungko, at esmeralda;
    at ang ginto at ang pagkayari ng iyong pandereta
    at ng iyong mga plauta ay nasa iyo;
sa araw na ikaw ay lalangin
    inihanda ang mga ito.
14 Inilagay kita na may pinahirang kerubin na nagbabantay;
    ikaw ay nasa ibabaw ng banal na bundok ng Diyos;
    ikaw ay naglalakad sa gitna ng mga batong apoy.
15 Ikaw ay sakdal sa iyong mga landas
    mula sa araw na ikaw ay lalangin,
    hanggang sa ang kasamaan ay matagpuan sa iyo.
16 Dahil sa karamihan ng iyong kalakal
    ay napuno ka ng karahasan, at ikaw ay nagkasala;
kaya't inihagis kita bilang maruming bagay mula sa bundok ng Diyos,
    at winasak kita, O tumatakip na kerubin
    mula sa gitna ng mga batong apoy.
17 Ang iyong puso ay nagmataas dahil sa iyong kagandahan;
    iyong pinasama ang iyong karunungan dahil sa iyong kaningningan.
Inihagis kita sa lupa;
    aking inilantad ka sa harapan ng mga hari,
    upang pagsawaan ka ng kanilang mga mata.
18 Sa pamamagitan ng karamihan ng iyong mga kasamaan,
    sa kalikuan ng iyong pangangalakal,
    iyong nilapastangan ang iyong mga santuwaryo;
kaya't ako'y naglabas ng apoy sa gitna mo;
    tinupok ka niyon,
at ginawa kitang abo sa ibabaw ng lupa
    sa paningin ng lahat ng nakakita sa iyo.
19 Silang lahat na nakakakilala sa iyo sa gitna ng mga bayan,
    ay natigilan dahil sa iyo;
ikaw ay dumating sa isang kakilakilabot na wakas,
    at ikaw ay hindi na mabubuhay pa.”

Ang Pahayag Laban sa Sidon

20 At(B) ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,

21 “Anak ng tao, iharap mo ang iyong mukha sa Sidon, at magsalita ka ng propesiya laban sa kanya,

22 at iyong sabihin, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos:

‘Narito, ako'y laban sa iyo, O Sidon,
    at aking ipahahayag ang aking kaluwalhatian sa gitna mo.
At kanilang malalaman na ako ang Panginoon,
    kapag ako'y naglapat ng hatol sa kanya,
    at aking ipahayag ang aking kabanalan sa kanya.
23 Sapagkat ako'y magpapadala sa kanya ng salot
    at dugo sa kanyang mga lansangan;
at ang mga pinatay ay mabubuwal sa gitna niya,
    sa pamamagitan ng tabak na nakaumang sa kanya sa lahat ng panig,
at kanilang malalaman na ako ang Panginoon.

24 “At tungkol sa sambahayan ni Israel, hindi na magkakaroon pa ng tinik o dawag na mananakit sa kanila sa alinman sa nasa palibot nila na nakitungo sa kanila na may paglait. At kanilang malalaman na ako ang Panginoong Diyos.

Pagpapalain ang Israel

25 “Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Kapag aking tinipon ang sambahayan ni Israel mula sa mga bayan na kanilang pinangalatan, at aking ipahayag ang aking kabanalan sa kanila sa paningin ng mga bansa, sila nga'y magsisitahan sa kanilang sariling lupain na aking ibinigay sa aking lingkod na si Jacob.

26 At sila'y maninirahang tiwasay doon, at sila'y magtatayo ng mga bahay, at magtatanim ng ubasan. Sila'y maninirahang tiwasay, kapag ako'y naglapat ng mga hatol sa lahat nilang kalapit-bayan na nakitungo sa kanila na may paglait. At kanilang malalaman na ako ang Panginoon nilang Diyos.”

Mga Hebreo 11:17-31

17 Sa(A) pamamagitan ng pananampalataya, nang subukin si Abraham, ay kanyang inihandog si Isaac. Siya na tumanggap ng mga pangako ay handang maghandog ng kanyang bugtong na anak,

18 na(B) tungkol sa kanya ay sinabi, “Kay Isaac ay tatawagin ang iyong binhi.”

19 Itinuring niya na maging mula sa mga patay ay maaaring buhayin ng Diyos ang isang tao, at sa matalinghagang pananalita, siya'y muli niyang tinanggap.

20 Sa(C) pananampalataya, binasbasan ni Isaac sina Jacob at Esau tungkol sa mga bagay na mangyayari.

21 Sa(D) pananampalataya, si Jacob nang mamamatay na ay binasbasan niya ang bawat isa sa mga anak ni Jose, at sumamba sa ibabaw ng kanyang tungkod.

22 Sa(E) pananampalataya, nang malapit nang mamatay si Jose ay binanggit niya ang tungkol sa paglikas ng mga Israelita, at nagbilin tungkol sa kanyang mga buto.

Ang Pananampalataya ni Moises

23 Sa(F) pananampalataya, nang ipanganak si Moises ay itinago siya ng tatlong buwan ng kanyang mga magulang, sapagkat kanilang nakitang maganda ang bata, at hindi sila natakot sa utos ng hari.

24 Sa(G) pananampalataya, nang nasa hustong gulang na si Moises ay tumangging siya'y tawaging anak ng anak na babae ni Faraon,

25 na pinili pa ang mapasama sa kaapihan ng bayan ng Diyos, kaysa magkaroon ng pansamantalang kasiyahan ng kasalanan.

26 Kanyang itinuring na malaking kayamanan ang magdusa alang-alang kay Cristo, kaysa sa mga kayamanan ng Ehipto, sapagkat kanyang pinagtutuunan ng pansin ang gantimpala.

27 Sa pananampalataya ay iniwan niya ang Ehipto, at hindi natakot sa poot ng hari, sapagkat siya ay matiyagang nagpatuloy na tulad sa nakakakita sa kanya na hindi nakikita.

28 Sa(H) pananampalataya'y itinatag niya ang paskuwa at ang pagwiwisik ng dugo, upang huwag silang galawin ng Mamumuksa ng mga panganay.

Ang Pananampalataya ng Iba Pang Israelita

29 Sa(I) pananampalataya'y tinahak nila ang Dagat na Pula na tulad sa tuyong lupa, ngunit nang tangkaing gawin ito ng mga Ehipcio ay nalunod sila.

30 Sa(J) pananampalataya'y gumuho ang pader ng Jerico, pagkatapos na malibot sa loob ng pitong araw.

31 Sa(K) pananampalataya si Rahab, na nagbibili ng aliw, ay hindi napahamak na kasama ng mga sumuway, sapagkat payapa niyang tinanggap ang mga espiya.

Mga Awit 111

111 Purihin ninyo ang Panginoon!
Ako'y magpapasalamat sa Panginoon ng aking buong puso,
    sa kapulungan ng matuwid at sa kapisanan.
Dakila ang mga gawa ng Panginoon,
    na pinag-aralan ng lahat na nalulugod sa mga iyon.
Ang kanyang gawa ay puno ng karangalan at kamahalan,
    at ang kanyang katuwiran ay nananatili magpakailanman.
Ginawa niyang maalala ang kanyang kahanga-hangang mga gawa,
    ang Panginoon ay mahabagin at mapagbiyaya.
Siya'y naglalaan ng pagkain sa mga natatakot sa kanya,
    lagi niyang aalalahanin ang tipan niya.
Ipinaalam niya sa kanyang bayan ang kapangyarihan ng kanyang mga gawa,
    sa pagbibigay niya sa kanila ng mana ng mga bansa.
Ang mga gawa ng kanyang mga kamay ay matuwid at makatarungan;
    ang lahat niyang mga tuntunin ay mapagkakatiwalaan,
ang mga iyon ay itinatag magpakailanpaman,
    ang mga iyon ay ginagawa sa katapatan at katuwiran.
Siya'y nagsugo ng katubusan sa kanyang bayan;
    kanyang iniutos ang kanyang tipan magpakailanman.
    Banal at kagalang-galang ang kanyang pangalan.
10 Ang(A) pagkatakot sa Panginoon ay pasimula ng karunungan;
    ang lahat na nagsisigawa nito ay may mabuting kaunawaan.
    Ang kanyang kapurihan ay mananatili magpakailanman!

Mga Kawikaan 27:15-16

15 Ang patuloy na pagtulo sa araw na maulan
    at ang babaing palaaway ay magkahalintulad;
16 ang pagpigil sa babaing iyon[a] ay pagpigil sa hangin,
    o paghawak ng langis sa kanyang kanang kamay.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001