Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the GNT. Switch to the GNT to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Ezekiel 14:12-16:41

Ang Hatol ng Diyos Laban sa Jerusalem

12 At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,

13 “Anak ng tao, kapag ang isang lupain ay nagkasala laban sa akin ng di pagtatapat, at aking iniunat ang aking kamay roon, at aking binali ang tungkod ng tinapay niyon, at nagsugo ako ng taggutom doon, at aking inalis doon ang tao at hayop;

14 bagaman ang tatlong lalaking ito, sina Noe, Daniel at Job ay naroon, ang kanila lamang ililigtas ay ang kanilang sariling mga buhay sa pamamagitan ng kanilang katuwiran, sabi ng Panginoong Diyos.

15 Kung aking paraanin ang mga mabangis na hayop sa lupain at kanilang sirain iyon, at ito'y magiba, na anupa't walang taong makaraan dahil sa mga hayop;

16 bagaman ang tatlong lalaking ito ay naroon, habang buháy ako, sabi ng Panginoong Diyos, hindi nila maililigtas ang mga anak na lalaki o babae man. Sila lamang ang maliligtas, ngunit ang lupain ay masisira.

17 O kung ako'y magpadala ng tabak sa lupaing iyon, at aking sabihin, ‘Padaanan ng tabak ang lupain,’ at aking alisin roon ang tao at hayop;

18 bagaman ang tatlong lalaking ito ay naroon, habang buháy ako, sabi ng Panginoong Diyos, hindi nila maililigtas ang mga anak na lalaki o babae man, kundi sila lamang ang maliligtas.

19 O kung ako'y magsugo ng salot sa lupaing iyon, at aking ibuhos ang aking poot roon na may dugo, upang alisin ang tao at hayop;

20 bagaman sina Noe, Daniel, at Job ay naroon, habang buháy ako, sabi ng Panginoong Diyos, hindi nila maililigtas ang mga anak na lalaki o babae man; ang kanila lamang ililigtas ay ang kanilang sariling buhay sa pamamagitan ng kanilang katuwiran.

21 “Sapagkat(A) ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Gaano pa kaya kung aking paratingin ang aking apat na nakakamatay na hatol sa Jerusalem, ang tabak, ang taggutom, ang mabangis na mga hayop, at ang salot, upang alisin roon ang tao at hayop?

22 Gayunman, narito, doo'y maiiwan ang isang nalabi na ilalabas, mga anak na lalaki at babae. Narito, sila'y lalabas sa inyo. Kapag inyong nakita ang kanilang mga pamumuhay at ang kanilang mga gawa, kayo'y maaaliw tungkol sa kasamaan na aking pinarating sa Jerusalem, tungkol sa lahat na aking pinasapit doon.

23 Kanilang aaliwin kayo, kapag nakita ninyo ang kanilang pamumuhay at ang kanilang mga gawa. At inyong malalaman na hindi ko ginawang walang kadahilanan ang lahat na aking ginawa roon, sabi ng Panginoong Diyos.”

Itinulad sa Baging na Ligaw ang Jerusalem

15 At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,

“Anak ng tao, sa ano nakakalamang ang puno ng baging sa alinmang puno ng kahoy,
    ng sanga ng puno ng baging na nasa gitna ng mga punungkahoy sa gubat?
Makakakuha ba ng kahoy doon upang gawing anuman?
    O makakakuha ba roon ang mga tao ng tulos upang mapagsabitan ng anumang kasangkapan?
Iyon ay inihahagis sa apoy bilang panggatong.
    Kapag natupok na ng apoy ang dalawang dulo niyon,
    at ang gitna niyon ay nasusunog,
    iyon ba'y mapapakinabangan pa?
Narito, nang ito'y buo pa, hindi ito ginamit sa anuman,
    gaano pa nga kaya, kapag ito'y natupok ng apoy at nasunog,
    magagamit pa ba sa anumang gawain?

Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Gaya ng puno ng baging sa gitna ng mga punungkahoy sa gubat, na aking ibinigay sa apoy bilang panggatong, gayon ko ibibigay ang mga naninirahan sa Jerusalem.

Ihaharap ko ang aking mukha laban sa kanila; at bagaman sila'y makatakas sa apoy, tutupukin pa rin sila ng apoy. Inyong malalaman na ako ang Panginoon, kapag iniharap ko ang aking mukha laban sa kanila.

At aking sisirain ang lupain, sapagkat sila'y gumawa ng kataksilan, sabi ng Panginoong Diyos.”

Ang Kawalang Katapatan

16 Ang salita ng Panginoon ay muling dumating sa akin, na sinasabi,

“Anak ng tao, ipaalam mo sa Jerusalem ang kanyang mga kasuklamsuklam.

At sabihin mo, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos sa Jerusalem: Ang iyong pinagmulan at ang iyong kapanganakan ay ang lupain ng Cananeo; ang iyong ama ay Amoreo at ang iyong ina ay Hetea.

Tungkol sa iyong kapanganakan, nang araw na ikaw ay ipanganak ay hindi pinutol ang iyong pusod, o pinaliguan ka man sa tubig upang linisin ka. Ikaw ay hindi pinahiran ng asin o nabalot man.

Walang matang nahabag sa iyo upang gawin ang alinman sa mga bagay na ito bilang pagkahabag sa iyo, kundi ikaw ay inihagis sa kaparangan sapagkat ang iyong pagkatao ay itinakuwil nang araw na ikaw ay ipanganak.

“Nang ako'y dumaan sa tabi mo, nakita kita na tigmak ng sariling dugo. Sa iyong pagkakahiga sa iyong dugo ay sinabi ko sa iyo, ‘Mabuhay ka!

At lumaki ka na parang halaman sa parang.’ Ikaw ay lumaki at tumangkad at naging ganap na babae. Ang iyong dibdib ay nahubog at ang iyong buhok ay lumago; gayunman, ikaw ay hubo at hubad.

“Nang ako'y muling dumaan sa tabi mo, at tumingin sa iyo, ikaw ay nasa panahon na upang umibig. Iniladlad ko ang aking balabal sa iyo, at tinakpan ko ang iyong kahubaran. Oo, ako'y sumumpa at nakipagtipan sa iyo, sabi ng Panginoong Diyos, at ikaw ay naging akin.

Nang magkagayo'y pinaliguan kita ng tubig at aking nilinis ang dugo na nasa iyo, at pinahiran kita ng langis.

10 Binihisan din kita ng telang may burda, at sinuotan ng sandalyas na pinong balat, at binigkisan kita ng pinong lino, at binalot kita ng magandang damit.

11 Ginayakan kita ng mga hiyas, at nilagyan ko ng mga pulseras ang iyong mga kamay, at ng isang kuwintas ang iyong leeg.

12 At nilagyan ko ng singsing ang iyong ilong, ng mga hikaw ang iyong mga tainga, at ng isang magandang korona ang iyong ulo.

13 Ikaw ay ginayakan ng ginto at pilak, samantalang ang iyong damit ay yari sa pinong lino, at magandang tela na may burda. Ikaw ay kumain ng mainam na harina, ng pulot, at ng langis. Ikaw ay lumaking napakaganda, at bagay na maging reyna.

14 Ang iyong kabantugan ay kumalat sa gitna ng mga bansa dahil sa iyong kagandahan; sapagkat naging sakdal ka sa pamamagitan ng kamahalan na aking inilagay sa iyo, sabi ng Panginoong Diyos.

15 “Ngunit ikaw ay nagtiwala sa iyong kagandahan, at naging bayarang babae[a] dahil sa iyong kabantugan, at ikinalat mo ang iyong pagpapaupa sa bawat nagdaraan.

16 Kinuha mo ang ilan sa iyong mga suot, at gumawa ka para sa iyong sarili ng matataas na dako na may sari-saring kulay, at nagpakasama ka sa kanila. Ang gayong mga bagay ay hindi pa nangyari o mangyayari pa man.

17 Kinuha mo rin ang iyong magagandang hiyas na ginto at pilak na aking ibinigay sa iyo, at gumawa ka para sa iyo ng mga larawan ng mga tao, at naging upahang babae ka sa kanila.

18 Kinuha mo ang iyong mga bihisang may burda upang takpan sila at inilagay mo ang aking langis at ang aking insenso sa harapan nila.

19 Ang aking tinapay na ibinigay ko sa iyo—pinakain kita ng piling harina, langis, at pulot—inilagay mo sa harapan nila bilang kaaya-ayang amoy, sabi ng Panginoong Diyos.

20 Bukod dito'y kinuha mo ang iyong mga anak na lalaki at babae na iyong ipinanganak sa akin, at ang mga ito ay iyong inihandog sa kanila upang lamunin. Ang iyo bang mga pagpapaupa ay isang maliit na bagay,

21 na iyong pinatay ang aking mga anak, at iyong ibinigay sila bilang handog na pinararaan sa apoy?

22 Sa lahat ng iyong mga kasuklamsuklam at mga pagiging bayarang babae ay hindi mo inalala ang mga araw ng iyong kabataan, nang ikaw ay hubo, hubad, at tigmak sa iyong dugo.

Ang Pamumuhay ng Jerusalem Bilang Bayarang Babae

23 “Pagkatapos ng iyong buong kasamaan (kahabag-habag, kahabag-habag ka! sabi ng Panginoong Diyos),

24 ikaw ay nagtayo para sa iyo ng entablado, at gumawa ka para sa iyo ng mataas na dako sa bawat liwasan.

25 Itinayo mo ang iyong mataas na dako sa bawat bukana ng daan, at ginawa mong kasuklamsuklam ang iyong kagandahan, at ibinuka mo ang iyong mga binti sa bawat nagdaraan, at pinarami mo ang iyong pagiging bayarang babae.

26 Ikaw ay naging bayarang babae rin sa mga Ehipcio na iyong mahalay na kalapit-bayan, at pinarami mo ang iyong pagiging bayarang babae upang ibunsod mo ako sa galit.

27 Kaya't iniunat ko ang aking kamay laban sa iyo, at binawasan ko ang iyong takdang bahagi, at ibinigay kita sa kasakiman ng iyong mga kaaway, na mga anak na babae ng mga Filisteo, na nahiya sa iyong kahalayan.

28 Bukod dito, ikaw ay naging bayarang babae rin sa mga taga-Asiria, sapagkat ikaw ay hindi nasisiyahan. Oo, ikaw ay naging bayarang babae rin sa kanila, at gayunma'y hindi ka nasiyahan.

29 Pinarami mo rin ang iyong pagiging bayarang babae sa lupaing kalakalan ng Caldea; gayunma'y hindi ka nasiyahan.

30 “Gaano ba ang pananabik ng iyong puso, sabi ng Panginoong Diyos, upang iyong gawin ang lahat ng bagay na ito, na gawa ng isang upahang babae;

31 na itinatayo mo ang iyong entablado sa bukana ng bawat daan, at ginawa mo ang iyong mataas na dako sa bawat lansangan. Gayunma'y hindi ka naging gaya ng isang bayarang babae sapagkat tinanggihan mo ang upa.

32 Isang asawang babae na mapakiapid na tumatanggap ng mga dayuhan sa halip na ang kanyang asawa!

33 Ang mga tao'y nagbibigay ng mga kaloob sa lahat ng bayarang babae; ngunit ikaw ay nagbibigay ng iyong mga kaloob sa lahat ng iyong mangingibig, at iyong sinusuhulan sila upang sila'y magsilapit sa iyo sa bawat dako para sa iyong mga pagiging bayarang babae.

34 Kaya't ikaw ay kakaiba sa ibang mga babae sa iyong pagpapaupa. Walang nag-udyok sa iyo upang magpaupa, at nagbigay ka ng upa, samantalang walang upa na ibinigay sa iyo, kaya't ikaw ay kakaiba.

Ang Hatol ng Diyos sa Jerusalem

35 “Kaya't, O masamang babae, pakinggan mo ang salita ng Panginoon:

36 Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos, Sapagkat ang iyong karumihan ay nalantad, at ang iyong kahubaran ay lumitaw sa mga pagpapaupa mo sa iyong mga mangingibig, at dahil sa lahat mong mga diyus-diyosan, at dahil sa dugo ng iyong mga anak na iyong ibinigay sa kanila,

37 aking titipunin ang lahat na mangingibig mo na iyong kinalugdan, lahat ng iyong inibig at lahat ng iyong kinapootan. Titipunin ko sila laban sa iyo sa bawat lugar, at aking ililitaw ang iyong kahubaran sa kanila, upang kanilang makita ang iyong buong kahubaran.

38 Aking hahatulan ka na gaya ng hatol sa mga babaing nangangalunya at nagpadanak ng dugo; at aking dadalhin sa iyo ang dugo ng kapusukan at paninibugho.

39 Ibibigay kita sa kamay ng iyong mga mangingibig at kanilang ibabagsak ang iyong entablado, at gigibain ang iyong matataas na dako. Kanilang huhubaran ka ng iyong mga suot, kukunin ang iyong magagandang hiyas, at iiwan ka nilang hubo at hubad.

40 Sila ay magdadala ng isang hukbo laban sa iyo, at babatuhin ka nila at pagpipira-pirasuhin ka ng kanilang mga tabak.

41 Susunugin nila ng apoy ang iyong mga bahay, at maglalapat ng mga hatol sa iyo sa paningin ng maraming babae. Aking patitigilin ka sa pagiging bayarang babae, at ikaw ay hindi na rin magbabayad pa sa iyong mga mangingibig.

Mga Hebreo 7:18-28

18 Sa kabilang dako, mayroong pagpapawalang-bisa sa naunang utos, sapagkat ito ay mahina at walang pakinabang

19 (sapagkat ang kautusan ay walang pinasasakdal), sa gayon ay ipinapakilala ang isang higit na mabuting pag-asa, na sa pamamagitan nito ay lumalapit tayo sa Diyos.

20 At iyon ay mayroong panunumpa. Yaong nang una ay naging pari ay nagsimula sa kanilang katungkulan na walang panunumpa,

21 ngunit(A) ang isang ito ay naging pari na may panunumpa,

“Nanumpa ang Panginoon at hindi siya magbabago ng kanyang isip,
‘Ikaw ay pari magpakailanman.’”

22 Sa gayon, si Jesus ay naging tagapanagot ng isang higit na mabuting tipan.

23 Marami sa bilang ang dating mga pari, sapagkat sila'y hinadlangan ng kamatayan upang makapagpatuloy sa panunungkulan.

24 Subalit hawak niya ang pagiging pari magpakailanman, sapagkat siya ay nagpapatuloy magpakailanman.

25 Dahil dito, siya'y may kakayahang iligtas nang lubos ang mga lumalapit sa Diyos sa pamamagitan niya, yamang lagi siyang nabubuhay upang mamagitan para sa kanila.

26 Sapagkat nararapat na tayo'y magkaroon ng gayong Pinakapunong Pari, banal, walang sala, walang dungis, hiwalay sa mga makasalanan, at ginawang lalong mataas kaysa mga langit.

27 Hindi(B) gaya ng ibang mga pinakapunong pari, hindi niya kailangang maghandog ng alay araw-araw, una para sa kanyang sariling mga kasalanan, at saka para sa mga kasalanan ng bayan; ito'y ginawa niyang minsan magpakailanman nang kanyang ihandog ang kanyang sarili.

28 Sapagkat hinihirang ng kautusan bilang mga pinakapunong pari ang mga taong may kahinaan, ngunit ang salita ng panunumpa na dumating na kasunod ng kautusan ay humirang sa Anak na ginawang sakdal magpakailanman.

Mga Awit 106:1-12

Ang Kabutihan ng Diyos sa Kanyang Bayan

106 Purihin(A) ang Panginoon!
    O magpasalamat kayo sa Panginoon, sapagkat siya'y mabuti;
    sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay nananatili magpakailanman.
Sinong makapagsasabi ng mga makapangyarihang gawa ng Panginoon,
    o makapagpapakita ng lahat niyang kapurihan?
Mapalad silang sumusunod sa katarungan,
    na sa lahat ng panahon ay gumagawa ng katuwiran.

Alalahanin mo ako, O Panginoon, kapag ikaw ay nagpakita sa iyong bayan ng paglingap,
    dalawin mo ako ng iyong pagliligtas;
upang makita ko ang kasaganaan ng iyong hinirang,
    upang ako'y magalak sa kasayahan ng iyong bansa,
    upang ako'y lumuwalhati na kasama ng iyong mana.

Kami at ang aming mga magulang ay nagkasala;
    kami ay nakagawa ng kasamaan, kami ay nagsigawa ng masama.
Hindi(B) naunawaan ng aming mga magulang
    ang iyong mga kababalaghan sa Ehipto;
hindi nila naalala ang kasaganaan ng iyong mga kagandahang-loob,
    kundi naghimagsik sa dagat, sa Dagat na Pula.
Gayunma'y iniligtas niya sila alang-alang sa kanyang pangalan,
    upang kanyang maipakilala ang kanyang malakas na kapangyarihan.
Kanyang(C) sinaway ang Dagat na Pula, at ito'y natuyo,
    pinatnubayan niya sila sa mga kalaliman na parang sa ilang.
10 Kaya't iniligtas niya sila sa kamay ng namumuhi,
    at iniligtas niya sila sa kapangyarihan ng kaaway.
11 At tinabunan ng tubig ang kanilang mga kaaway;
    walang nalabi sa kanila kahit isa man lamang.
12 Nang(D) magkagayo'y sinampalatayanan nila ang kanyang mga salita;
    inawit nila ang kanyang kapurihan.

Mga Kawikaan 27:4-6

Ang poot ay malupit, at ang galit ay nakakapunô,
    ngunit sinong makakatayo sa harap ng paninibugho?
Mas mabuti ang hayag na pagsaway,
    kaysa nakatagong pagmamahal.
Tapat ang mga sugat mula sa kaibigan,
    labis-labis ang mga halik ng kaaway.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001