Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Daniel 1:1-2:23

Ang Kasaysayan ni Daniel at ng Kanyang Tatlong Kaibigan

Nang(A) ikatlong taon ng paghahari ni Jehoiakim na hari ng Juda, dumating sa Jerusalem si Nebukadnezar na hari ng Babilonia at kinubkob iyon.

At(B) ibinigay ng Panginoon si Jehoiakim na hari ng Juda sa kanyang kamay, kabilang ang ilan sa mga kagamitan sa bahay ng Diyos. Ang mga ito ay dinala niya sa lupain ng Shinar sa bahay ng kanyang diyos, at inilagay niya ang mga kagamitan sa kabang-yaman ng kanyang diyos.

At inutusan ng hari si Aspenaz, na pinuno ng kanyang mga eunuko, na dalhin ang ilan sa mga Israelita na mula sa lahi ng hari at sa mga maharlika,

mga kabataang walang kapintasan, makikisig at bihasa sa lahat ng sangay ng karunungan, may taglay na kaalaman at pang-unawa, at may kakayahang maglingkod sa palasyo ng hari. Ituturo sa kanila ang panitikan at wika ng mga Caldeo.

Ang hari ay nagtakda sa kanila sa araw-araw ng bahagi mula sa pagkain na kinakain at alak na iniinom ng hari. Sila'y tuturuan sa loob ng tatlong taon upang sa katapusan ng panahong iyon ay mailagay sila sa bulwagan ng hari.

Kabilang sa mga ito ay sina Daniel, Hananias, Mishael, at Azarias mula sa lipi ni Juda.

Binigyan sila ng pinuno ng mga eunuko ng ibang pangalan: si Daniel ay tinawag na Belteshasar, si Hananias ay tinawag na Shadrac, si Mishael ay tinawag na Meshac, at si Azarias ay tinawag na Abednego.

Ngunit ipinasiya ni Daniel na hindi niya durungisan ang sarili sa pamamagitan ng bahagi ng pagkaing mula sa hari o ng alak man na kanyang iniinom. Kaya't kanyang hiniling sa pinuno ng mga eunuko na pahintulutan siyang huwag dungisan ang kanyang sarili.

At pinahintulutan ng Diyos na si Daniel ay tumanggap ng lingap at habag mula sa pinuno ng mga eunuko.

10 Sinabi ng pinuno ng mga eunuko kay Daniel, “Ako'y natatakot na baka makita ng aking panginoong hari na nagtakda ng inyong pagkain at inumin, na kayo ay nasa mas masamang kalagayan kaysa mga kabataan na inyong kasinggulang. Kaya't ilalagay ninyo sa panganib ang aking ulo sa hari.”

11 Nang magkagayo'y sinabi ni Daniel sa katiwala na hinirang ng pinuno ng mga eunuko upang mamuno kina Daniel, Hananias, Mishael, at Azarias:

12 “Subukin mo po sana ang iyong mga lingkod sa loob ng sampung araw. Bigyan mo kami ng mga gulay na makakain at tubig na maiinom.

13 Pagkatapos ay ihambing mo ang aming anyo sa anyo ng mga kabataang nagsisikain ng pagkain ng hari; at ayon sa iyong makikita ay gawin mo sa iyong mga lingkod.”

14 Kaya't sumang-ayon siya sa mungkahing ito, at sinubok sila sa loob ng sampung araw.

15 Sa katapusan ng sampung araw ay nakitang higit na mabuti ang kanilang anyo at higit na mataba kaysa lahat ng mga kabataang nagsikain ng pagkain ng hari.

16 Kaya't inalis ng katiwala ang kanilang bahaging pagkain at alak na mula sa hari, at binigyan sila ng mga gulay.

17 Tungkol sa apat na mga binatang ito, pinagkalooban sila ng Diyos ng kaalaman at katalinuhan sa lahat ng turo at karunungan. Si Daniel ay mayroong pagkaunawa sa lahat ng pangitain at mga panaginip.

18 Sa katapusan ng mga araw na itinakda ng hari sa paghaharap sa kanila, ipinasok sila ng pinuno ng mga eunuko sa harap ni Nebukadnezar.

19 At ang hari ay nakipag-usap sa kanila, at sa kanilang lahat ay walang natagpuang gaya nina Daniel, Hananias, Mishael, at Azarias. Kaya't sila'y inilagay sa bulwagan ng hari.

20 At sa bawat bagay tungkol sa karunungan at pang-unawa na inusisa ng hari sa kanila, kanyang natuklasan na sila'y sampung ulit na mas mahusay kaysa sa lahat ng salamangkero at mga engkantador na nasa kanyang buong kaharian.

21 At si Daniel ay namalagi roon hanggang sa unang taon ng haring si Ciro.

Ang Panaginip ni Haring Nebukadnezar

Sa ikalawang taon ng paghahari ni Nebukadnezar, si Nebukadnezar ay nagkaroon ng mga panaginip. Ang kanyang espiritu ay nabagabag, at hindi na siya makatulog.

Nang magkagayo'y ipinag-utos ng hari na tawagin ang mga salamangkero, mga engkantador, mga manghuhula, at ang mga Caldeo, upang sabihin sa hari ang kanyang mga panaginip. Kaya sila'y dumating at humarap sa hari.

At sinabi ng hari sa kanila, “Ako'y nanaginip at ang aking espiritu ay nabagabag sa pagnanais na maunawaan ang panaginip.”

Nang magkagayo'y sinabi ng mga Caldeo sa hari sa wikang Aramaico,[a] “O hari, mabuhay ka magpakailanman. Sabihin mo sa iyong mga lingkod ang panaginip, at aming ipapaliwanag ang kahulugan.”

Sinagot ng hari ang mga Caldeo, “Tiyak ang salita mula sa akin: kapag hindi ninyo naipaalam sa akin ang panaginip at ang kahulugan nito, kayo'y pagpuputul-putulin, at ang inyong mga bahay ay gagawing bunton ng dumi.

Ngunit kung inyong ipapaalam ang panaginip at ang kahulugan nito, kayo'y tatanggap sa akin ng mga kaloob, mga gantimpala at dakilang karangalan. Kaya't ipaalam ninyo sa akin ang panaginip at ang kahulugan nito.”

Sila'y sumagot sa ikalawang pagkakataon, at nagsabi, “Sabihin ng hari sa kanyang mga lingkod ang panaginip, at aming ipapaliwanag ang kahulugan.”

Ang hari ay sumagot, “Nakakatiyak ako na sinisikap ninyong magkaroon pa ng dagdag na panahon, sapagkat inyong nalalaman na ang aking salita ay tiyak,

na kung hindi ninyo ipaalam sa akin ang panaginip, may iisang kautusan lamang para sa inyo. Sapagkat kayo'y nagkasundong magsalita ng kasinungalingan at masasamang salita sa harapan ko hanggang sa ang panahon ay magbago. Kaya't sabihin ninyo sa akin ang panaginip, at malalaman ko kung inyong maipapaliwanag sa akin ang kahulugan nito.”

10 Ang mga Caldeo ay sumagot sa hari, at nagsabi, “Walang tao sa lupa na makapagbibigay ng hinihingi ng hari; sapagkat walang gayong kadakilang hari at makapangyarihang hari ang nagtanong ng ganyang bagay sa kaninumang salamangkero, engkantador, o Caldeo.

11 At ang bagay na hinihingi ng hari ay napakahirap at walang makakapagpakita nito sa hari, maliban sa mga diyos, na ang tahanan ay hindi kasama ng mga tao.”

12 Dahil sa bagay na ito ang hari ay nagalit at naging mabagsik at iniutos na patayin ang lahat ng pantas ng Babilonia.

13 Kaya't ang utos ay kumalat na ang mga pantas ay papatayin; at hinanap nila si Daniel at ang kanyang mga kasama upang patayin sila.

Ipinakita ng Diyos kay Daniel ang Kahulugan ng Panaginip

14 Nang magkagayo'y maingat at mahinahong sumagot si Daniel kay Arioc na punong-kawal ng bantay ng hari, na lumabas upang patayin ang mga pantas ng Babilonia.

15 Sinabi niya kay Arioc na punong-kawal ng hari, “Bakit madalian ang utos ng hari?” Ipinaliwanag ni Arioc ang pangyayari kay Daniel.

16 Kaya't si Daniel ay pumasok at humiling sa hari na bigyan siya ng panahon, upang kanyang maipaalam sa hari ang kahulugan.

17 Pumasok si Daniel sa kanyang bahay at ipinaalam ang pangyayari kina Hananias, Mishael, at Azarias na kanyang mga kaibigan.

18 Kanyang sinabihan sila na humingi ng awa sa Diyos ng kalangitan tungkol sa hiwagang ito, upang si Daniel at ang kanyang mga kaibigan ay huwag mamatay na kasama ng ibang mga pantas ng Babilonia.

19 At ang hiwaga ay inihayag kay Daniel sa isang pangitain sa gabi. Nang magkagayo'y pinuri ni Daniel ang Diyos sa langit.

20 Sinabi ni Daniel:

“Purihin ang pangalan ng Diyos magpakailanman,
    sapagkat sa kanya ang karunungan at kapangyarihan.
21 Siya ang nagbabago ng mga panahon at mga kapanahunan;
    siya'y nag-aalis ng mga hari, at naglalagay ng mga hari;
siya'y nagbibigay ng karunungan sa marunong
    at ng kaalaman sa may pang-unawa;
22 siya ang naghahayag ng malalalim at mahihiwagang bagay;
    kanyang nalalaman kung ano ang nasa kadiliman,
    at ang liwanag ay naninirahan sa kanya.
23 Sa iyo, O Diyos ng aking mga ninuno,
    ako'y nagpapasalamat at nagpupuri,
sapagkat binigyan mo ako ng karunungan at kapangyarihan,
    at ipinaalam mo sa akin ang aming hinihiling sa iyo;
    sapagkat iyong ipinaalam sa amin ang nangyari sa hari.”

1 Pedro 3:8-4:6

Pagdurusa Dahil sa Paggawa ng Mabuti

Katapus-tapusan, magkaisa kayong lahat sa pag-iisip, maging madamayin, mapagmahal sa mga kapatid, mababait at may mapagpakumbabang pag-iisip.

Huwag ninyong gantihan ng masama ang masama, o ng pag-alipusta ang pag-alipusta, kundi ng pagpapala; sapagkat ukol dito kayo'y tinawag, upang kayo'y magmana ng pagpapala.

10 Sapagkat,(A)

“Ang nagmamahal sa buhay,
    at nais makakita ng mabubuting araw,
ay magpigil ng kanyang dila sa masama,
    at ang kanyang mga labi ay huwag magsalita ng daya,
11 lumayo siya sa masama at gumawa ng kabutihan;
    hanapin niya ang kapayapaan, at ito'y lakaran.
12 Sapagkat ang mga mata ng Panginoon ay nasa mga matuwid,
    at ang kanyang mga tainga ay bukas sa kanilang mga panalangin.
Ngunit ang mukha ng Panginoon ay laban sa mga gumagawa ng masama.”

13 At sino ang gagawa ng masama sa inyo kung kayo'y masigasig sa paggawa ng mabuti?

14 Subalit(B) magdusa man kayo ng dahil sa katuwiran ay mapapalad kayo. Huwag kayong matakot sa kanilang pananakot, ni mabahala,

15 kundi(C) sa inyong mga puso ay pakabanalin ninyo si Cristo bilang Panginoon. Lagi kayong maging handa na ipagtanggol sa bawat taong humihingi sa inyo ng katuwiran ang tungkol sa pag-asang nasa inyo,

16 ngunit gawin ito nang may kaamuan at paggalang.[a] Ingatan ninyong malinis ang budhi, upang kapag kayo ay inalipusta, ang mga nagsasalita ng laban sa inyong mabuting paraan ng pamumuhay kay Cristo ay mapahiya.

17 Sapagkat mas mabuting magdusa dahil sa paggawa ng mabuti kung iyon ay kalooban ng Diyos, kaysa magdusa dahil sa paggawa ng masama.

18 Sapagkat si Cristo man ay minsang nagdusa[b] dahil sa mga kasalanan, ang isang matuwid dahil sa mga di-matuwid, upang kayo[c] ay madala niya sa Diyos. Siya ay pinatay sa laman, ngunit binuhay sa espiritu;

19 sa gayundin, siya ay pumunta at nangaral sa mga espiritung nasa bilangguan,

20 na(D) noon ay mga suwail, nang ang Diyos ay matiyagang naghintay noong mga araw ni Noe, habang ginagawa ang daong, na noon ay kakaunti, samakatuwid ay walong kaluluwa, ang naligtas sa pamamagitan ng tubig.

21 At ang bautismo, na siyang kalarawan nito, ang nagliligtas sa inyo ngayon, hindi sa pag-aalis ng karumihan ng laman, kundi bilang paghiling sa Diyos ng isang malinis na budhi, sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Jesu-Cristo,

22 na umakyat sa langit at nasa kanan ng Diyos, na ipinasakop sa kanya ang mga anghel, ang mga kapamahalaan at ang mga kapangyarihan.

Mga Binagong Buhay

Kung paanong si Cristo ay nagdusa sa laman ay sandatahan din naman ninyo ang inyong sarili ng gayong pag-iisip, sapagkat ang nagdusa sa laman ay tapos na sa kasalanan,

upang hindi na kayo mamuhay sa laman sa inyong nalalabing panahon sa masasamang pagnanasa ng mga tao, kundi sa kalooban ng Diyos.

Sapat na ang nakaraang panahon sa paggawa ninyo ng mga gustong gawin ng mga Hentil, na namumuhay sa kahalayan, masasamang pita, paglalasing, kalayawan, pag-iinuman, at sa kasuklamsuklam na pagsamba sa mga diyus-diyosan.

Sila ay nagtataka na kayo ay hindi na nakikisama sa gayong labis na kaguluhan, kaya't kayo'y nilalait nila.

Ngunit sila'y magbibigay-sulit sa kanya na handang humatol sa mga buháy at sa mga patay.

Sapagkat ito ang dahilan kung bakit ang ebanghelyo ay ipinangaral maging sa mga patay, upang bagaman sila'y nahatulan sa laman na gaya ng mga tao, ay mabubuhay sila sa espiritu tulad ng Diyos.

Mga Awit 119:65-80

TETH.

65 Ginawan mo ng mabuti ang iyong lingkod,
    O Panginoon, ayon sa iyong salita.
66 Turuan mo ako ng mabuting pagpapasiya at kaalaman;
    sapagkat ako'y sumampalataya sa iyong kautusan.
67 Bago ako nagdalamhati ay naligaw ako;
    ngunit ngayo'y tinutupad ko ang salita mo.
68 Ikaw ay mabuti, at gumagawa ng mabuti;
    ituro mo sa akin ang iyong mga tuntunin.
69 Ang mayabang ay kumatha ng kabulaanan laban sa akin,
    ngunit aking tutuparin ang iyong mga tuntunin ng buong puso ko.
70 Ang puso nila ay matabang gaya ng sebo;
    ngunit ako'y natutuwa sa kautusan mo.
71 Mabuti sa akin na pinapagpakumbaba ako;
    upang aking matutunan ang mga tuntunin mo.
72 Ang kautusan ng iyong bibig ay higit na mabuti sa akin
    kaysa libu-libong pirasong ginto at pilak.

JOD.

73 Ako'y ginawa at inanyuan ng iyong mga kamay;
    bigyan mo ako ng pang-unawa, upang ang iyong mga utos ay aking matutunan.
74 Silang natatakot sa iyo ay makikita ako at matutuwa;
    sapagkat ako'y umasa sa iyong salita.
75 O Panginoon, nalalaman ko, na matuwid ang mga pasiya mo,
    at sa katapatan ay pinangumbaba mo ako.
76 Ang iyo nawang tapat na pag-ibig ay maging kaaliwan sa akin,
    ayon sa pangako mo sa iyong lingkod.
77 Dumating nawa sa akin ang iyong habag upang ako'y mabuhay,
    sapagkat ang kautusan mo'y aking katuwaan.
78 Mahiya ang masama,
    sapagkat pinabagsak nila ako na may katusuhan,
    para sa akin, ako'y magbubulay-bulay sa iyong mga kautusan.
79 Bumalik nawa sa akin ang natatakot sa iyo,
    at silang nakakakilala ng iyong mga patotoo.
80 Ang aking puso sa iyong mga tuntunin ay maging sakdal nawa,
    upang huwag akong mapahiya.

Mga Kawikaan 28:14

14 Mapalad ang tao na sa Panginoon ay natatakot tuwina,
    ngunit siyang nagmamatigas ng kanyang puso ay mahuhulog sa sakuna.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001