Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NIV. Switch to the NIV to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Ezekiel 31-32

Inihambing ang Ehipto sa Sedro

31 Nang unang araw ng ikatlong buwan ng ikalabing-isang taon, ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,

“Anak ng tao, sabihin mo kay Faraon na hari ng Ehipto, at sa kanyang karamihan:

“Sino ang iyong kawangis sa iyong kadakilaan?
    Narito, tingnan mo, ikaw ay ihahambing ko sa sedro sa Lebanon,
na may magagandang sanga, at may mayabong na lilim,
    at napakataas,
    at ang kanyang dulo ay nasa gitna ng mayayabong na sanga.
Dinidilig siya ng tubig,
    pinalalaki siya ng kalaliman,
ang kanyang mga ilog ay umaagos
    sa palibot ng kanyang kinatataniman;
at kanyang pinaaagos ang kanyang mga tubig
    sa lahat ng punungkahoy sa kagubatan.
Kaya't ito ay naging napakataas
    at higit kaysa lahat ng punungkahoy sa gubat;
at ang kanyang mga sanga ay dumami,
    at ang kanyang mga sanga ay humaba,
    dahil sa saganang tubig nang kanyang pabugsuan.
Lahat ng ibon sa himpapawid
    ay gumawa ng kanilang mga pugad sa kanyang mga sanga;
at sa ilalim ng kanyang mga sanga
    ay nanganak ang lahat ng mga hayop sa parang;
at sa kanyang lilim ay nanirahan
    ang lahat ng malalaking bansa.
Ito ay maganda sa kanyang kadakilaan,
    sa haba ng kanyang mga sanga;
sapagkat ang kanyang ugat ay bumaba
    hanggang sa saganang tubig.
Ang(A) mga sedro sa halamanan ng Diyos ay hindi makapantay sa kanya;
    ni ang mga puno ng abeto ay hindi gaya ng kanyang mga sanga,
at ang mga puno ng kastano ay walang halaga
    kapag inihambing sa kanyang mga sanga;
walang anumang punungkahoy sa halamanan ng Diyos
    na kagaya niya sa kanyang kagandahan.
Pinaganda ko siya
    sa karamihan ng kanyang mga sanga,
kaya't lahat ng punungkahoy sa Eden,
    na nasa halamanan ng Diyos, ay nainggit sa kanya.

10 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Sapagkat ikaw ay nagpakataas at inilagay niya ang kanyang dulo sa gitna ng mayayabong na sanga, at ang kanyang puso ay nagmataas sa kanyang kataasan,

11 aking ibibigay siya sa kamay ng makapangyarihan sa mga bansa. Kanyang haharapin siya na gaya ng nararapat sa kanyang kasamaan. Aking pinalayas siya.

12 Ang mga dayuhan na siyang kakilakilabot sa mga bansa ang puputol sa kanya at siya'y iiwan. Sa ibabaw ng mga bundok at sa lahat ng mga libis ay malalaglag ang kanyang mga sanga, at ang kanyang mga sanga ay mababali sa tabi ng lahat ng mga ilog ng lupain; ang lahat ng tao sa lupa ay lalayo mula sa kanyang lilim at iiwan siya.

13 Sa ibabaw ng kanyang guho ay maninirahan ang lahat ng mga ibon sa himpapawid, at lahat ng mga hayop sa parang ay maninirahan sa ibabaw ng kanyang mga sanga.

14 Ito ay upang walang punungkahoy na nasa tabi ng mga tubig ang lumago ng napakataas, o maglagay man ng kanilang dulo sa gitna ng mayayabong na sanga, at walang puno na umiinom ng tubig ang makaabot sa kanilang kataasan, sapagkat silang lahat ay ibinigay na sa kamatayan, sa pinakamalalim na bahagi ng lupa, sa gitna ng mga taong may kamatayan, na kasama ng nagsibaba sa hukay.

15 “Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Kapag siya'y bumaba sa Sheol ay patatangisin ko ang kalaliman dahil sa kanya, at pipigilin ko ang mga ilog niya; at ang mga malalaking ilog ay titigil. Aking daramtan ng panangis ang Lebanon dahil sa kanya at ang lahat na punungkahoy sa parang ay manlulupaypay dahil sa kanya.

16 Aking yayanigin ang mga bansa sa ugong ng kanyang pagkabuwal, aking ihahagis siya sa Sheol na kasama ng nagsibaba sa hukay; at ang lahat ng punungkahoy sa Eden, ang pili at pinakamahusay ng Lebanon, lahat ng nagsisiinom ng tubig ay maaaliw sa pinakamalalim na bahagi ng lupa.

17 Sila rin nama'y magsisibaba sa Sheol na kasama niya, sa kanila na napatay ng tabak; oo, silang naninirahan sa kanyang lilim sa gitna ng mga bansa ay mamamatay.

18 Sino sa inyo ang gaya ng punungkahoy sa Eden sa kaluwalhatian at sa kadakilaan? Ibababa ka na kasama ng mga punungkahoy sa Eden sa pinakamalalim na bahagi ng lupa. Ikaw ay hihigang kasama ng mga di-tuli, na kasama nila na napatay ng tabak.

“Ito'y si Faraon at ang lahat niyang karamihan, sabi ng Panginoong Diyos.”

Inihambing sa Buwaya ang Faraon

32 Nang unang araw ng ikalabindalawang buwan ng ikalabindalawang taon, ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,

“Anak ng tao, managhoy ka dahil kay Faraong hari ng Ehipto, at sabihin mo sa kanya:

“Itinuturing mo ang iyong sarili bilang isang leon sa gitna ng mga bansa,
    gayunman, ikaw ay parang dragon sa mga dagat;
at ikaw ay lumitaw sa iyong mga ilog,
    at nilabo mo ng iyong mga paa ang tubig,
    at dinumihan mo ang kanilang mga ilog.
Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos:
    Aking ilaladlad ang aking lambat sa iyo
    na kasama ng isang pulutong ng maraming tao;
    at iaahon ka nila sa aking lambat.
At ihahagis kita sa lupa,
    ihahagis kita sa malawak na parang,
at aking padadapuin sa iyo ang lahat ng mga ibon sa himpapawid,
    at aking bubusugin sa iyo ang mga hayop ng buong lupa.
At aking ilalagay ang iyong laman sa ibabaw ng mga bundok,
    at pupunuin ko ang mga libis ng iyong mga kataasan.
Aking didiligin ang lupain ng iyong dumadaloy na dugo
    maging sa mga bundok;
    at ang mga daan ng tubig ay mapupuno dahil sa iyo.
Kapag(B) ikaw ay aking inalis, aking tatakpan ang langit,
    at padidilimin ko ang kanilang mga bituin;
aking tatakpan ng ulap ang araw,
    at ang buwan ay hindi magbibigay ng kanyang liwanag.
Lahat na maningning na liwanag sa langit
    ay aking padidilimin sa iyo,
    at tatakpan ko ng kadiliman ang iyong lupain,
sabi ng Panginoong Diyos.

“Aking guguluhin ang puso ng maraming bayan, kapag dinala kitang bihag sa gitna ng mga bansa, patungo sa mga lupain na hindi mo nalalaman.

10 Dahil sa akin, ang maraming bayan ay mamamangha sa iyo, at ang kanilang mga hari ay lubhang matatakot sa iyo, kapag ikinumpas ko ang aking tabak sa harapan nila. Sila'y manginginig bawat sandali, bawat tao dahil sa kanyang sariling buhay, sa araw ng iyong pagbagsak.

11 Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Ang tabak ng hari ng Babilonia ay darating sa iyo.

12 Sa pamamagitan ng mga tabak ng makapangyarihan ay aking pababagsakin ang iyong karamihan, silang lahat na kakilakilabot sa mga bansa.

“Kanilang pawawalan ng halaga ang kapalaluan ng Ehipto,
    at ang buong karamihan niyon ay malilipol.
13 Aking lilipulin ang lahat ng mga hayop niyon
    mula sa tabi ng maraming tubig;
at hindi sila guguluhin pa ng paa ng tao,
    ni guguluhin man sila ng mga kuko ng mga hayop.
14 Kung magkagayo'y aking palilinawin ang kanilang tubig,
    at aking paaagusin ang kanilang mga ilog na parang langis, sabi ng Panginoong Diyos.
15 Kapag aking ginawang giba ang lupain ng Ehipto,
    at kapag ang lupain ay nawalan ng kanyang laman,
kapag aking sasaktan silang lahat na nagsisitahan doon,
    kung magkagayon ay kanila ngang malalaman na ako ang Panginoon.

16 Ito ang panaghoy na kanilang itataghoy; itataghoy ito ng mga anak na babae ng mga bansa; sa Ehipto, at sa lahat ng kanyang karamihan ay itataghoy nila ito, sabi ng Panginoong Diyos.”

Ang Daigdig ng mga Patay

17 Nang ikalabinlimang araw ng unang buwan ng ikalabindalawang taon, ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,

18 “Anak ng tao, iyakan mo ang karamihan ng Ehipto, at ibaba mo ito, siya at ang mga anak na babae ng mga makapangyarihang bansa, hanggang sa pinakamalalim na bahagi ng lupa, na kasama ng mga bumaba sa hukay.

19 ‘Sinong dinadaig mo sa kagandahan?

Bumaba ka, at malagay kang kasama ng mga di-tuli.’

20 Sila'y mabubuwal sa gitna nila na napatay ng tabak, at kasama niya ang lahat niyang karamihan.

21 Ang mga makapangyarihang pinuno ay magsasalita tungkol sa kanila, na kasama ng mga tumulong sa kanila, mula sa gitna ng Sheol. ‘Sila'y nagsibaba, sila'y nakatigil, samakatuwid ay ang mga hindi tuli na napatay ng tabak.’

22 “Ang Asiria ay naroon at ang buo niyang pulutong; ang kanyang mga libingan ay nasa palibot niya, silang lahat na napatay, na nabuwal sa pamamagitan ng tabak;

23 na ang mga libingan ay nakalagay sa pinakamalalim na bahagi ng hukay, at ang kanyang pulutong ay nasa palibot ng kanyang libingan; silang lahat na napatay, na nabuwal sa pamamagitan ng tabak, na naghasik ng takot sa lupain ng buháy.

24 “Naroon ang Elam at ang buo niyang karamihan sa palibot ng kanyang libingan; silang lahat na napatay na nabuwal sa pamamagitan ng tabak, na nagsibabang hindi mga tuli sa pinakamalalim na bahagi ng lupa, na naghasik ng takot sa kanila sa lupain ng buháy, at dinala ang kanilang kahihiyan na kasama ng nagsibaba sa hukay.

25 Kanilang iginawa ang Elam[a] ng higaan sa gitna ng mga napatay na kasama ang lahat niyang karamihan, ang kanilang mga libingan ay nasa palibot niya, silang lahat na di-tuli na napatay sa pamamagitan ng tabak. Ang pagkatakot sa kanila ay ikinalat sa lupain ng buháy, at dinala nila ang kanilang kahihiyan na kasama ng mga bumaba sa hukay. Sila'y inilagay na kasama ng mga napatay.

26 “Naroon ang Meshec at Tubal, at ang lahat nilang karamihan. Ang mga libingan nila ay nasa palibot niya, silang lahat na hindi tuli, na napatay sa pamamagitan ng tabak; sapagkat sila'y naghasik ng takot sa lupain ng buháy.

27 At sila'y hindi humigang kasama ng makapangyarihang lalaki nang una na nabuwal na nagsibaba sa Sheol na dala ang kanilang mga sandatang pandigma, na ang kanilang mga tabak ay inilagay sa ilalim ng kanilang mga ulo, ngunit ang parusa para sa kanilang kasamaan ay nasa kanilang mga buto; sapagkat ang pagkatakot sa mga makapangyarihang lalaki ay nasa lupain ng buháy.

28 Ngunit ikaw ay mabubuwal sa gitna ng mga di-tuli, kasama nila na napatay sa pamamagitan ng tabak.

29 “Naroon ang Edom, ang kanyang mga hari at lahat niyang mga pinuno, na sa kanilang kapangyarihan ay nahiga na kasama ng napatay ng tabak. Sila'y humigang kasama ng mga di-tuli, at niyong nagsibaba sa hukay.

30 “Naroon ang mga pinuno sa hilaga, silang lahat, at lahat ng mga taga-Sidon, sa kabila ng lahat ng takot na ibinunga ng kanilang kapangyarihan ay nagsibabang may kahihiyan na kasama ng patay. Sila'y nahigang hindi tuli na kasama ng napatay sa pamamagitan ng tabak, at taglay ang kanilang kahihiyan na kasama ng nagsibaba sa hukay.

31 “Kapag nakita sila ni Faraon, aaliwin niya ang sarili dahil sa lahat niyang karamihan—si Faraon at ng buo niyang hukbo na napatay ng tabak, sabi ng Panginoong Diyos.

32 Bagama't naghasik ako ng takot sa kanya sa lupain ng buháy; at siya'y ihihiga sa gitna ng mga di-tuli, na kasama ng napatay ng tabak, si Faraon at ang karamihan niya, sabi ng Panginoong Diyos.”

Mga Hebreo 12:14-29

14 Pagsikapan ninyong magkaroon ng kapayapaan sa lahat at ng kabanalan na kung wala nito'y walang sinumang makakakita sa Panginoon.

15 Pakaingatan(A) ninyo na baka ang sinuma'y mahulog mula sa biyaya ng Diyos; baka may ilang ugat ng kapaitan ang sumibol at bumagabag sa inyo at mahawa nito ang marami.

16 Tiyakin(B) ninyong walang sinuman sa inyo na maging gaya ni Esau na mapakiapid, o lapastangan, na kapalit ng isang pinggang pagkain ay ipinagbili ang kanyang sariling pagkapanganay.

17 Nalalaman(C) ninyo na pagkatapos, nang nais niyang magmana ng pagpapala, siya'y itinakuwil sapagkat wala na siyang natagpuang pagkakataon upang magsisi, bagama't pinagsikapan niya iyon na may pagluha.

18 Sapagkat(D) hindi pa kayo lumapit sa bundok na nahihipo, sa apoy na nagliliyab, sa kadiliman, sa kapanglawan, at sa unos,

19 sa tunog ng trumpeta, at sa tunog ng mga salita na ang nakarinig ay nakiusap na huwag nang magsalita pa sa kanila ng anuman.

20 Sapagkat(E) hindi nila matiis ang iniuutos na, “Maging isang hayop man ang tumuntong sa bundok ay pagbababatuhin.”

21 At(F) kakilakilabot ang nakikita kaya't sinabi ni Moises, “Ako'y natatakot at nanginginig.”

22 Subalit kayo'y lumapit sa Bundok ng Zion, at sa lunsod ng Diyos na buháy, sa makalangit na Jerusalem, at sa mga di-mabilang na mga anghel, sa isang masayang pagtitipon,

23 at sa kapulungan ng mga panganay na nakatala sa langit, at sa Diyos na Hukom ng lahat, at sa mga espiritu ng mga matuwid na pinasakdal,

24 at(G) kay Jesus na tagapamagitan ng bagong tipan, at sa dugong iwinisik na nagsasalita ng lalong mabuti kaysa dugo ni Abel.

25 Pag-ingatan(H) ninyong huwag itakuwil ang nagsasalita; sapagkat kung hindi nakatakas ang mga nagtakuwil sa nagbabala sa kanila sa lupa, lalo pa tayo kung tatalikuran natin ang nagbabala buhat sa langit!

26 Sa(I) pagkakataong iyon niyanig ng kanyang tinig ang lupa. Subalit ngayo'y nangako siya na sinasabi, “Minsan pang yayanigin ko, hindi lamang ang lupa, kundi pati ang langit.”

27 Ngayon ang salitang, “Minsan pa,” ay nagpapahiwatig ng pag-aalis ng mga bagay na niyanig, gaya ng mga bagay na ginawa, upang manatili ang mga bagay na hindi nayayanig.

28 Kaya't yamang tinanggap natin ang isang kahariang hindi mayayanig, magkaroon tayo ng biyaya na sa pamamagitan nito ay makapaghahandog tayo sa Diyos ng kalugud-lugod na paglilingkod, na may paggalang at takot,

29 sapagkat(J) ang Diyos natin ay isang apoy na tumutupok.

Mga Awit 113-114

Bilang Pagpupuri sa Kabutihan ng Panginoon

113 Purihin ang Panginoon!
Purihin ninyo, O mga lingkod ng Panginoon,
    purihin ang pangalan ng Panginoon!
Purihin ang pangalan ng Panginoon
    mula sa panahong ito at magpakailanman.
Mula sa pagsikat ng araw hanggang sa paglubog nito,
    ang pangalan ng Panginoon ay dapat purihin!
Ang Panginoon ay higit na mataas sa lahat ng mga bansa,
    at ang kanyang kaluwalhatian sa itaas ng kalangitan.

Sino ang gaya ng Panginoon nating Diyos,
    na nakaupo sa itaas,
na nagpapakababang tumitingin
    sa kalangitan at sa lupa?
Ibinabangon niya ang dukha mula sa alabok,
    at itinataas ang nangangailangan mula sa bunton ng abo,
upang kasama ng mga pinuno ay paupuin sila,
    mga pinuno ng kanyang bayan ang kanilang kasama.
Ginagawa niyang manatili sa bahay ang baog na babae,
    isang masayang ina ng mga anak.
Purihin ang Panginoon!

114 Nang(A) lumabas ang Israel at sa Ehipto ay nagmula,
    ang sambahayan ni Jacob mula sa bayang may kakaibang wika,
ang Juda ay naging kanyang santuwaryo,
    ang Israel ay kanyang sakop.

Ang(B) dagat ay tumingin at tumakas,
    ang Jordan ay umatras.
Ang mga bundok ay nagsiluksong mga tupang lalaki ang kagaya,
    ang mga burol na parang mga batang tupa.
Anong karamdaman mo, O dagat, upang tumakas ka?
    O Jordan, upang umurong ka?
O mga bundok, na kayo'y nagsisiluksong mga tupang lalaki ang kagaya?
    O mga burol, na parang mga batang tupa?

Mayanig ka, O lupa, sa harapan ng Panginoon,
    sa harapan ng Diyos ni Jacob;
na(C) ginawang tipunan ng tubig ang malaking bato,
    na bukal ng tubig ang hasaang bato.

Mga Kawikaan 27:18-20

18 Ang nag-aalaga ng puno ng igos ay kakain ng bunga niyon;
    at pararangalan ang nagbabantay sa kanyang panginoon.
19 Kung paanong sa tubig ang mukha ay naaaninaw,
    gayon naaaninaw ang tao sa kanyang isipan.
20 Ang Sheol at ang Abadon ay hindi nasisiyahan kailanman;
    at ang mga mata ng tao kailanma'y hindi nasisiyahan.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001