Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NIV. Switch to the NIV to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Ezekiel 29-30

Ang Pahayag Laban sa Ehipto

29 Nang(A) ikalabindalawang araw ng ikasampung buwan ng ikasampung taon, ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,

“Anak ng tao, iharap mo ang iyong mukha laban kay Faraon na hari ng Ehipto, at magsalita ka ng propesiya laban sa kanya, at laban sa buong Ehipto.

Magsalita ka, at iyong sabihin, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos:

“Narito, ako'y laban sa iyo,
    Faraong hari ng Ehipto,
ang malaking dragon na nakahiga sa
    gitna ng kanyang mga ilog,
na nagsasabi, ‘Ang Nilo ko ay aking sarili,
    at ako ang gumawa nito!’
Maglalagay ako ng mga pangbingwit sa iyong mga panga,
    at aking padidikitin ang isda ng iyong mga ilog sa iyong mga kaliskis;
at iaahon kita mula sa gitna ng iyong mga ilog,
    na kasama ng lahat ng isda ng iyong mga ilog
    na dumidikit sa iyong mga kaliskis.
At ikaw ay aking itatapon sa ilang,
    ikaw at ang lahat ng isda sa iyong mga ilog;
ikaw ay mabubuwal sa parang;
    at hindi titipunin, at ililibing.
Ibinigay kita bilang pagkain sa mga hayop sa lupa,
    at sa mga ibon sa himpapawid.

“At(B) malalaman ng lahat ng naninirahan sa Ehipto na ako ang Panginoon. Sapagkat sila'y naging tukod na tambo sa sambahayan ni Israel;

nang kanilang hawakan ka sa iyong kamay, iyong binali at winasak ang kanilang mga balikat. Nang sila'y sumandal sa iyo, iyong binalian at pinanginig ang lahat nilang mga balakang.

Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Narito, dadalhan kita ng tabak, at aking ihihiwalay sa iyo ang tao at hayop.

Ang lupain ng Ehipto ay magiging giba at sira; at kanilang malalaman na ako ang Panginoon. “Sapagkat iyong[a] sinabi, ‘Ang Nilo ay akin, at ako ang gumawa nito;’

10 kaya't narito, ako'y laban sa iyo at sa iyong mga sapa, at aking lubos na gigibain at sisirain ang lupain ng Ehipto, mula sa Migdol hanggang Syene, hanggang sa hangganan ng Etiopia.

11 Walang paa ng tao na daraan doon, o paa man ng hayop na daraan doon. Ito'y hindi tatahanan sa loob ng apatnapung taon.

12 Aking gagawing wasak ang lupain ng Ehipto sa gitna ng mga lupaing wasak; at ang kanyang mga lunsod sa gitna ng mga bansang giba ay magiging sira sa loob ng apatnapung taon. Aking pangangalatin ang mga Ehipcio sa gitna ng mga bansa, at aking pagwawatak-watakin sila sa mga lupain.

13 “Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Sa katapusan ng apatnapung taon ay aking titipunin ang mga Ehipcio mula sa mga bayan na kanilang pinangalatan;

14 at aking ibabalik uli ang kapalaran ng Ehipto, at aking ibabalik sila sa lupain ng Patros, sa lupain na kanilang pinagmulan; at sila doo'y magiging isang mababang kaharian.

15 Siya'y magiging pinakamababa sa mga kaharian; at hindi na muling matataas pa nang higit kaysa mga bansa. At gagawin ko silang napakaliit na anupa't hindi na sila mamumuno sa mga bansa.

16 At ito ay hindi na muling aasahan pa ng sambahayan ni Israel, na nagpapaalala ng kanilang kasamaan, nang sila'y humingi sa kanila ng tulong. At kanilang malalaman na ako ang Panginoong Diyos.”

Masasakop ang Ehipto

17 Nang unang araw ng unang buwan ng ikadalawampu't pitong taon, ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,

18 “Anak ng tao, pinapagtrabaho nang mabigat ni Nebukadnezar na hari ng Babilonia ang kanyang kawal laban sa Tiro. Bawat ulo ay kinalbo, at lahat ng balikat ay napaltos; gayunma'y wala siyang nakuhang anuman o ang kanyang hukbo man mula sa Tiro upang ipambayad sa paglilingkod na kanyang ipinaglingkod laban doon.

19 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Narito, aking ibibigay ang lupain ng Ehipto kay Nebukadnezar na hari ng Babilonia, at dadalhin niya ang kanyang kayamanan. Kanyang sasamsaman ito at iyon ang magiging upa para sa kanyang hukbo.

20 Ibinigay ko sa kanya ang lupain ng Ehipto bilang ganti sa kanya dahil sa kanyang ipinaglingkod, sapagkat sila'y gumawa para sa akin, sabi ng Panginoong Diyos.

21 “Sa araw na iyon, aking palilitawin ang isang sungay upang umusli sa sambahayan ni Israel, at aking bubuksan ang iyong mga labi sa gitna nila. Kanilang malalaman na ako ang Panginoon.”

Ang Magiging Wakas ng Ehipto

30 Ang salita ng Panginoon ay dumating uli sa akin, na sinasabi,

“Anak ng tao, magpahayag ka ng propesiya at iyong sabihin, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos:

“Managhoy kayo, ‘Kahabag-habag ang araw na iyon!’
    Sapagkat ang araw ay malapit na,
    ang araw ng Panginoon ay malapit na;
magiging araw iyon ng mga ulap,
    panahon ng kapahamakan para sa mga bansa.
Ang isang tabak ay darating sa Ehipto,
    at ang kahirapan ay darating sa Etiopia,
kapag ang mga patay ay nabubuwal sa Ehipto;
    at dinadala nila ang kanyang kayamanan,
    at ang kanyang mga pundasyon ay winawasak.

Ang Etiopia, Put, Lud, buong Arabia, Libya, at ang mga anak ng lupain na magkakasundo, ay mabubuwal na kasama nila sa pamamagitan ng tabak.

“Ganito ang sabi ng Panginoon:

Ang mga tumutulong sa Ehipto ay mabubuwal,
    at ang kanyang palalong kapangyarihan ay bababa;
mula sa Migdol hanggang sa Syene
    mabubuwal sila roon sa pamamagitan ng tabak,
sabi ng Panginoong Diyos.
At sila'y mawawasak sa gitna ng mga lupaing wasak;
    at ang kanyang mga lunsod ay malalagay sa gitna ng mga lunsod na giba.
At kanilang malalaman na ako ang Panginoon,
    kapag ako'y nagpaningas ng apoy sa Ehipto,
    at ang lahat ng kanyang mga katulong ay nalipol.

“Sa araw na iyon ay lalabas ang mabibilis na mga sugo mula sa harapan ko upang takutin ang hindi naghihinalang mga taga-Etiopia; at magkakaroon ng kahirapan sa kanila sa araw ng kapahamakan ng Ehipto; sapagkat narito, ito'y dumarating!

10 “Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos:

Akin namang wawakasan ang karamihan ng Ehipto,
    sa pamamagitan ni Nebukadnezar na hari ng Babilonia.
11 Siya at ang kanyang bayang kasama niya, na kakilakilabot sa mga bansa,
    ay ipapasok upang gibain ang lupain;
at kanilang bubunutin ang kanilang mga tabak laban sa Ehipto,
    at pupunuin ng mga patay ang lupain.
12 At aking tutuyuin ang Nilo,
    at aking ipagbibili ang lupain sa kamay ng masasamang tao;
at aking sisirain ang lupain at lahat ng naroon,
    sa pamamagitan ng kamay ng mga dayuhan;
akong Panginoon ang nagsalita.

13 “Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos:

Aking wawasakin ang mga diyus-diyosan,
    at aking wawakasan ang mga larawan sa Memfis;
at hindi na magkakaroon pa ng pinuno sa lupain ng Ehipto;
    at ako'y maglalagay ng takot sa lupain ng Ehipto.
14 Aking sisirain ang Patros,
    at ako'y magsusunog sa Zoan,
    at maglalapat ako ng mga hatol sa Tebes.
15 Aking ibubuhos ang aking poot sa Sin,
    na tanggulan ng Ehipto,
    at aking ititiwalag ang karamihan ng Tebes.
16 At ako'y magpapaningas ng apoy sa Ehipto;
    ang Sin ay malalagay sa malaking kadalamhatian;
at ang Tebes ay mabubutas,
    at ang Memfis ay magkakaroon ng mga kahirapan sa araw-araw.
17 Ang mga binata ng On at Pi-beseth ay mabubuwal sa pamamagitan ng tabak;
    at ang mga babae ay tutungo sa pagkabihag.
18 Sa Tafnes nama'y magdidilim ang araw,
    kapag aking binasag doon ang mga pamatok ng Ehipto,
at ang kanyang palalong kapangyarihan ay magwawakas;
    tatakpan siya ng ulap,
    at ang kanyang mga anak na babae ay tutungo sa pagkabihag.
19 Ganito ko ilalapat ang mga kahatulan sa Ehipto.
    Kanilang malalaman na ako ang Panginoon.”

20 Nang ikapitong araw ng unang buwan ng ikalabing-isang taon, ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,

21 “Anak ng tao, aking binali ang bisig ni Faraon na hari ng Ehipto; at narito, hindi ito natalian, upang pagalingin ito, ni binalot ng tapal, upang ito ay maging malakas para humawak ng tabak.

22 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Ako'y laban kay Faraon na hari ng Ehipto, at aking babaliin ang kanyang mga bisig, ang malakas na bisig at ang nabali; at aking pababagsakin ang tabak mula sa kanyang kamay.

23 Aking pangangalatin ang mga Ehipcio sa gitna ng mga bansa, at pagwawatak-watakin ko sila sa mga lupain.

24 Aking palalakasin ang mga bisig ng hari ng Babilonia, at ilalagay ko ang aking tabak sa kanyang kamay; ngunit aking babaliin ang mga bisig ni Faraon, at siya'y dadaing sa harap niya tulad ng taong nasugatan nang malubha.

25 Aking palalakasin ang mga bisig ng hari ng Babilonia, ngunit ang mga bisig ni Faraon ay babagsak, at kanilang malalaman na ako ang Panginoon. Kapag aking inilagay ang aking tabak sa kamay ng hari ng Babilonia, kanyang iuunat ito sa lupain ng Ehipto.

26 At aking pangangalatin ang mga Ehipcio sa gitna ng mga bansa at pagwawatak-watakin sila sa mga lupain. Kanilang malalaman na ako ang Panginoon.”

Mga Hebreo 11:32-12:13

32 At(A) ano pa ang dapat kong sabihin? Sapagkat kukulangin ako ng panahon kung isasalaysay ko pa ang tungkol kina Gideon, Barak, Samson, Jefta, David, Samuel, at sa mga propeta;

33 na(B) ang mga ito, sa pamamagitan ng pananampalataya'y lumupig ng mga kaharian, naglapat ng katarungan, nagtamo ng mga pangako, nagpatikom ng mga bibig ng mga leon,

34 pumatay(C) ng bisa ng apoy, tumakas sa mga talim ng tabak, lumakas mula sa kahinaan, naging makapangyarihan sa digmaan, nagpaurong ng mga hukbong dayuhan.

35 Tinanggap(D) ng mga babae ang kanilang mga patay sa pamamagitan ng pagkabuhay na muli. Ang iba'y pinahirapan at tumangging tumanggap ng paglaya upang makamit nila ang higit na mabuting pagkabuhay na muli.

36 Ang(E) iba'y nagtiis ng pagkalibak at paghagupit, at maging ng mga tanikala at pagkabilanggo.

37 Sila'y(F) pinagbabato hanggang mamatay, nilagari, pinagpapatay sa tabak, sila'y naglibot na may suot na balat ng mga tupa at kambing, mga naghihirap, pinag-uusig, inaapi

38 (na sa mga iyon ay hindi karapat-dapat ang sanlibutan). Sila'y nagpalabuy-laboy sa mga ilang, sa mga kabundukan, sa mga yungib, at sa mga lungga sa lupa.

39 At ang lahat ng mga ito, bagaman pinuri dahil sa kanilang pananampalataya, ay hindi nila tinanggap ang ipinangako,

40 yamang naghanda ang Diyos ng lalong mabuting bagay para sa atin, upang huwag silang gawing sakdal na hiwalay sa atin.

Ang Halimbawa ni Jesus

12 Kaya't yamang napapalibutan tayo ng gayong kakapal na bilang ng mga saksi, itabi natin ang bawat pabigat at ang pagkakasalang madaling bumibitag sa atin, at tumakbo tayong may pagtitiis sa takbuhing inilagay sa harapan natin.

Pagmasdan natin si Jesus na siyang nagtatag at nagpasakdal ng ating pananampalataya, na dahil sa kagalakang inilagay sa kanyang harapan ay tiniis niya ang krus, hindi inalintana ang kahihiyan, at siya'y umupo sa kanan ng trono ng Diyos.

Isaalang-alang ninyo siya na nagtiis ng gayong pagsalungat ng mga makasalanan laban sa kanyang sarili, upang kayo'y huwag manghina o manlupaypay.

Sa inyong pakikipaglaban sa kasalanan, hindi pa kayo humantong sa pagdanak ng inyong dugo.

At(G) nakalimutan na ninyo ang pangaral na sinasabi niya sa inyo bilang mga anak,

“Anak ko, huwag mong ipagwalang-bahala ang disiplina ng Panginoon;
    huwag kang manlupaypay kung ikaw ay sinasaway niya;
sapagkat dinidisiplina ng Panginoon ang kanyang minamahal,
    at pinarurusahan ang bawat itinuturing na anak.”

Magtiis kayo alang-alang sa disiplina. Kayo ay pinapakitunguhan ng Diyos bilang mga anak, sapagkat ano ngang anak ang hindi dinidisiplina ng ama?

Ngunit kung kayo ay hindi dinidisiplina, na siyang naranasan ng lahat, kung gayon kayo'y mga anak sa labas, at hindi mga tunay na anak.

Bukod dito, tayo'y nagkaroon ng mga ama sa laman upang tayo'y disiplinahin, at sila'y ating iginagalang. Hindi ba dapat na tayo'y lalong pasakop sa Ama ng mga espiritu upang tayo'y mabuhay?

10 Sapagkat tayo'y kanilang dinidisiplina nang maikling panahon ayon sa kanilang minamabuti, ngunit dinidisiplina niya tayo alang-alang sa ikabubuti natin, upang tayo'y makabahagi sa kanyang kabanalan.

11 Subalit ang lahat ng disiplina sa kasalukuyan ay tila hindi kanais-nais kundi masakit, subalit sa hinaharap ay magdudulot ng mapayapang bunga ng katuwiran sa mga nasanay sa pamamagitan nito.

Mga Tagubilin at mga Babala

12 Kaya't(H) itaas ninyo ang mga kamay na nanghihina at muling palakasin ang mga tuhod na nanlulupaypay,

13 at(I) gumawa kayo ng matuwid na landas para sa inyong mga paa, upang huwag malinsad ang pilay, kundi bagkus ay gumaling.

Mga Awit 112

Ang Kaligayahan ng Isang Mabuting Tao

112 Purihin ang Panginoon!
    Mapalad ang tao na natatakot sa Panginoon,
    na lubos na nagagalak sa kanyang mga utos!
Ang kanyang mga binhi ay magiging makapangyarihan sa lupa;
    ang salinlahi ng matuwid ay magiging mapalad.
Nasa kanyang bahay ang mga kayamanan at kariwasaan;
    at ang kanyang katuwiran ay nananatili magpakailanman.
Ang liwanag ay bumabangon sa kadiliman para sa matuwid,
    ang Panginoon ay mapagbiyaya at mahabagin at matuwid.
Ito ay mabuti sa taong mapagbigay at nagpapahiram,
    pananatilihin niya ang kanyang layunin sa katarungan.
Sapagkat siya'y hindi makikilos magpakailanman;
    ang matuwid ay maaalala magpakailanman.
Siya'y hindi matatakot sa masasamang balita;
    ang kanyang puso ay matatag, na sa Panginoon ay nagtitiwala.
Ang kanyang puso ay matatag, hindi siya matatakot,
    hanggang ang nais niya sa kanyang mga kaaway ay makita niya.
Siya'y(A) nagpamudmod, siya ay nagbigay sa dukha;
    ang kanyang katuwiran ay nananatili magpakailanman;
    ang kanyang sungay ay mataas sa karangalan.
10 Makikita ito ng masama at magagalit;
    pagngangalitin niya ang kanyang mga ngipin at matutunaw
    ang nasa ng masama ay mapapahamak.

Mga Kawikaan 27:17

17 Ang bakal ay nagpapatalas sa bakal;
    at ang tao ang nagpapatalas sa isa pang tao.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001