Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Daniel 2:24-3:30

24 Kaya't pinuntahan ni Daniel si Arioc na siyang hinirang ng hari upang patayin ang mga pantas ng Babilonia at sinabi sa kanya ang ganito, “Huwag mong patayin ang mga pantas ng Babilonia; dalhin mo ako sa harapan ng hari, at aking ipapaalam sa hari ang kahulugan.”

Ipinaliwanag ni Daniel ang Panaginip ng Hari

25 Nang magkagayo'y nagmamadaling dinala ni Arioc si Daniel sa harapan ng hari, at sinabi ang ganito sa kanya, “Ako'y nakatagpo sa mga bihag mula sa Juda ng isang lalaking makapagsasabi ng kahulugan sa hari.”

26 Sinabi ng hari kay Daniel na ang pangalan ay Belteshasar, “Kaya mo bang ipaalam sa akin ang panaginip na aking nakita, at ang kahulugan nito?”

27 Si Daniel ay sumagot sa hari, “Walang pantas, mga engkantador, o mga salamangkero man ang makapagpapakita sa hari ng hiwaga na hiningi ng hari.

28 Ngunit may isang Diyos sa langit na naghahayag ng mga hiwaga, at kanyang ipinaalam sa Haring Nebukadnezar kung ano ang mangyayari sa mga huling araw. Ang iyong panaginip at pangitain habang ikaw ay nakahiga sa higaan ay ang mga ito:

29 Tungkol sa iyo, O hari, habang ikaw ay nasa iyong higaan ay bumaling ang iyong mga pag-iisip kung ano ang mangyayari sa hinaharap; at siya na naghahayag ng mga hiwaga ay ipinaalam sa iyo kung ano ang mangyayari.

30 Ngunit tungkol sa akin, ang hiwagang ito ay hindi ipinahayag sa akin dahil sa anumang higit na karunungan mayroon ako kaysa sinumang may buhay, kundi upang ang kahulugan ay maipaalam sa hari, at upang iyong maunawaan ang mga nilalaman ng iyong isipan.

31 “Ikaw ay nakamasid, O hari, at nakakita ka ng isang malaking rebulto. Ang rebultong ito, makapangyarihan at lubhang makinang, ay tumayo sa harapan mo, at ang anyo nito'y kakilakilabot.

32 Ang ulo ng rebultong ito ay dalisay na ginto; ang dibdib at mga bisig nito ay pilak, ang tiyan at mga hita nito ay tanso.

33 Ang mga binti nito ay bakal, ang mga paa nito ay may bahaging bakal at may bahaging luwad.

34 Patuloy kang tumitingin hanggang sa may natibag na isang bato, hindi sa pamamagitan ng mga kamay, at ito'y tumama sa rebulto sa mga paa nitong bakal at luwad, at dinurog ang mga ito.

35 Nang magkagayon, ang bakal, ang luwad, ang tanso, ang pilak, at ang ginto ay nagkadurug-durog, at naging parang dayami sa mga giikan sa tag-araw. At ang mga ito ay tinangay ng hangin anupa't hindi matagpuan ang anumang bakas ng mga iyon. Ngunit ang bato na tumama sa rebulto ay naging malaking bundok at pinuno ang buong lupa.

Ibinigay ang Kahulugan ng Panaginip ng Hari

36 “Ito ang panaginip; ngayo'y aming sasabihin sa hari ang kahulugan nito.

37 Ikaw, O hari, ay hari ng mga hari, na binigyan ng Diyos sa langit ng kaharian, kapangyarihan, kalakasan, at ng kaluwalhatian;

38 at saanman naninirahan ang mga anak ng mga tao, o ang mga hayop sa parang, o ang mga ibon sa himpapawid ay ibinigay niya ang mga ito sa iyong kamay, at pinamuno ka sa kanilang lahat. Ikaw ang ulong ginto.

39 Pagkatapos mo ay babangon ang ibang kaharian na mas mababa kaysa iyo; at mayroon pang ikatlong kahariang tanso na mamumuno sa buong lupa.

40 At magkakaroon ng ikaapat na kaharian, kasintibay ng bakal, sapagkat ang bakal ay nakakadurog at nakakawasak ng lahat ng bagay; at gaya ng bakal na nakakadurog, kanyang dudurugin at babasagin ang lahat ng ito.

41 Kung paanong iyong nakita na ang mga paa at mga daliri ay may bahaging luwad ng magpapalayok at may bahaging bakal, ito ay magiging kahariang hati; ngunit ang pagiging matigas ng bakal ay tataglayin nito, yamang iyong nakita na ang bakal ay nakahalo sa luwad.

42 Kung paanong ang mga daliri ng paa ay bakal ang isang bahagi at ang isang bahagi ay luwad, ang kaharian ay may bahaging matibay at may bahaging marupok.

43 Kung paanong iyong nakita na ang bakal ay nahahaluan ng luwad, pagsasamahin nila ang kanilang mga sarili sa binhi ng mga tao, ngunit hindi sila magkakahalo, kung paanong ang bakal ay hindi humahalo sa luwad.

44 At sa mga araw ng mga haring iyon ang Diyos sa langit ay magtatatag ng isang kaharian na hindi magigiba kailanman, o ang kapangyarihan man nito'y iiwan sa ibang bayan. Dudurugin nito at wawakasan ang lahat ng mga kahariang iyon, at ito'y mananatili magpakailanman.

45 Kung paanong iyong nakita na ang isang bato ay natibag mula sa bundok, hindi sa pamamagitan ng kamay at dinurog ang mga bakal, ang tanso, ang luwad, ang pilak, at ang ginto, ipinaalam ng dakilang Diyos sa hari kung ano ang mangyayari sa hinaharap. Ang panaginip ay totoo at ang kahulugan nito'y mapagkakatiwalaan.”

Si Daniel ay Ginantimpalaan ng Hari

46 Nang magkagayo'y nagpatirapa si Haring Nebukadnezar at nagbigay-galang kay Daniel, at nag-utos na sila'y maghandog ng alay at ng insenso sa kanya.

47 Sumagot ang hari kay Daniel at nagsabi, “Tunay na ang inyong Diyos ay Diyos ng mga diyos, at Panginoon ng mga hari, at tagapaghayag ng mga hiwaga, yamang naipahayag mo ang hiwagang ito.”

48 Nang magkagayo'y binigyan ng hari si Daniel ng mataas na karangalan at ng maraming malalaking kaloob, at kanyang ginawa siyang tagapamahala sa buong lalawigan ng Babilonia at punong-tagapamahala ng lahat ng pantas sa Babilonia.

49 At si Daniel ay humiling sa hari, at kanyang hinirang sina Shadrac, Meshac, at Abednego, upang mamahala sa mga gawain sa lalawigan ng Babilonia; ngunit si Daniel ay namalagi sa bulwagan[a] ng hari.

Ang Rebultong Ginto

Ang haring si Nebukadnezar ay gumawa ng isang rebultong ginto na ang taas ay siyamnapung talampakan,[b] at ang lapad ay siyam na talampakan.[c] Itinayo niya ito sa kapatagan ng Dura, sa lalawigan ng Babilonia.

At nagsugo si Haring Nebukadnezar upang tipunin ang mga tagapangasiwa ng lalawigan,[d] mga kinatawan, mga gobernador, mga ingat-yaman, mga tagapayo, mga hukom, at ang lahat ng mga pinuno ng mga lalawigan upang pumunta sa pagtatalaga ng rebultong itinayo ng haring si Nebukadnezar.

At nagtipon ang mga tagapangasiwa ng lalawigan, mga kinatawan, mga gobernador, mga hukom, ang mga ingat-yaman, mga tagapayo, mga pinuno at lahat ng pinuno ng mga lalawigan sa pagtatalaga ng rebultong itinayo ng haring si Nebukadnezar. Sila'y tumayo sa harapan ng rebultong itinayo ni Nebukadnezar.

At malakas na ipinahayag ng tagapagbalita, “Sa inyo'y ipinag-uutos, O mga bayan, mga bansa, at mga wika,

na kapag inyong narinig ang tunog ng tambuli, plauta, alpa, sambuko, salterio, tambol at ng iba pang mga panugtog, kayo'y magpapatirapa at sasamba sa rebultong ginto na ipinatayo ng haring si Nebukadnezar.

Sinumang hindi magpatirapa at sumamba ay kaagad na ihahagis sa gitna ng hurno ng nagniningas na apoy.”

Kaya't sa oras na iyon, nang marinig ng lahat ng mga bayan ang tunog ng tambuli, plauta, alpa, sambuko, salterio, at ng iba pang mga panugtog, ang lahat ng bayan, mga bansa, at mga wika, ay nagpatirapa at nagsisamba sa rebultong ginto na itinayo ng haring si Nebukadnezar.

Ang Tatlong Kaibigan ni Daniel ay Pinagbintangan ng Pagsuway

Kaya't nang panahong iyon ay nagsilapit ang ilang Caldeo, at nagbigay ng mga paratang laban sa mga Judio.

Sila'y sumagot at sinabi sa haring si Nebukadnezar, “O hari, mabuhay ka magpakailanman!

10 Ikaw, O hari, ay gumawa ng utos na bawat taong makarinig sa tunog ng tambuli, plauta, alpa, sambuko, salterio, tambol, at ng iba pang mga panugtog, ay magpapatirapa at sasamba sa rebultong ginto.

11 At sinumang hindi magpatirapa at sumamba ay ihahagis sa gitna ng hurno ng nagniningas na apoy.

12 May ilang mga Judio na iyong itinalaga sa pamamahala sa lalawigan ng Babilonia na sina Shadrac, Meshac, at Abednego. O hari, ang mga lalaking ito ay hindi nakinig sa iyo. Sila'y hindi naglilingkod sa iyong mga diyos, ni nagsisisamba man sa rebultong ginto na iyong itinayo.”

13 Kaya't sa poot at galit ay ipinag-utos ni Nebukadnezar na dalhin sa kanya sina Shadrac, Meshac, at Abednego. Dinala nga nila ang mga lalaking ito sa harapan ng hari.

14 Sumagot si Nebukadnezar at sinabi sa kanila, “O Shadrac, Meshac, at Abednego, totoo ba na kayo'y hindi naglilingkod sa aking diyos, ni nagsisisamba man sa rebultong ginto na aking itinayo?

15 Mabuti kung kayo'y handa ngayon na magpatirapa at sumamba sa rebultong ginawa ko sa sandaling inyong marinig ang tunog ng tambuli, plauta, alpa, sambuko, salterio, tambol, at ng iba pang mga panugtog. Ngunit kapag kayo'y hindi sasamba, kayo'y kaagad na ihahagis sa gitna ng hurno ng nagniningas na apoy; at sinong diyos ang magliligtas sa inyo sa aking mga kamay?”

16 Sina Shadrac, Meshac, at Abednego ay sumagot sa hari, “O Nebukadnezar, hindi namin kailangang sagutin ka sa bagay na ito.

17 Kung mangyayari na ang aming Diyos na pinaglilingkuran namin ay makapagliligtas sa amin sa hurno ng nagniningas na apoy; ay hayaang iligtas niya kami sa iyong kamay, O hari.

18 Ngunit kung sakali mang hindi, dapat mong malaman, O hari, na hindi kami maglilingkod sa iyong mga diyos, ni sasamba man sa rebultong ginto na iyong ipinatayo.”

Ang Tatlong Kaibigan ni Daniel ay Nahatulang Mamatay

19 Kaya't napuno ng galit si Nebukadnezar, at ang anyo ng kanyang mukha ay nagbago laban kina Shadrac, Meshac, at Abednego. Siya'y nagsalita at iniutos na painitin ang hurno ng pitong ulit na higit kaysa dating init nito.

20 Kanyang inutusan ang ilang magigiting na mandirigma mula sa kanyang hukbo na gapusin sina Shadrac, Meshac, at Abednego, at sila'y ihagis sa hurno ng nagniningas na apoy.

21 Ang mga lalaking ito'y tinalian na may mga suot, may tunika, at may balabal, at may ibang mga kasuotan, at sila'y inihagis sa gitna ng hurno ng nagniningas na apoy.

22 Sapagkat ang utos ng hari ay pang-madalian at ang hurno ay lubhang pinainit, pinatay ng liyab ng apoy ang mga lalaking bumuhat kina Shadrac, Meshac, at Abednego.

23 Ngunit ang tatlong lalaking ito, sina Shadrac, Meshac, at Abednego, ay bumagsak na nakagapos sa gitna ng hurno ng nagniningas na apoy.

24 Kaya't ang haring si Nebukadnezar ay nagtaka at nagmamadaling tumindig. Sinabi niya sa kanyang mga tagapayo, “Di ba tatlong nakagapos na lalaki ang ating inihagis sa apoy?” Sila'y sumagot sa hari, “Totoo, O hari.”

25 Siya'y sumagot, “Tingnan ninyo, ang nakikita ko'y apat na lalaki na hindi nakagapos na naglalakad sa gitna ng apoy at sila'y walang paso at ang anyo ng ikaapat ay gaya ng isang anak ng mga diyos.”

26 Nang magkagayo'y lumapit si Nebukadnezar sa pintuan ng hurno ng nagniningas na apoy at sinabi, “Shadrac, Meshac, at Abednego, mga lingkod ng Kataas-taasang Diyos, lumabas kayo at pumarito kayo!” Kaya't sina Shadrac, Meshac, at Abednego ay lumabas mula sa kalagitnaan ng apoy.

27 At ang mga tagapangasiwa ng lalawigan, mga kinatawan, mga gobernador, at ang mga tagapayo ng hari ay nagtipun-tipon at nakita na ang apoy ay hindi nagkaroon ng anumang kapangyarihan sa katawan ng mga lalaking ito. Ang mga buhok ng kanilang mga ulo ay hindi nadarang, ni nasunog man ang kanila mga suot, ni nag-amoy apoy man sila.

Nagbago ang Isip ng Hari

28 Nagsalita si Nebukadnezar at sinabi, “Purihin ang Diyos nina Shadrac, Meshac, at Abednego, na nagsugo ng kanyang anghel at nagligtas sa kanyang mga lingkod na nagtiwala sa kanya. Kanilang sinuway ang utos ng hari, at isinuko ang kanilang mga katawan kaysa maglingkod o sumamba sa sinumang diyos maliban sa kanilang sariling Diyos.

29 Kaya't ako'y nag-uutos na ang bawat bayan, bansa, at wika, na magsalita ng anumang masama laban sa Diyos nina Shadrac, Meshac, at Abednego, ay pagpuputul-putulin, at ang kanilang mga bahay ay gagawing bunton ng basura, sapagkat walang ibang diyos na makapagliligtas sa ganitong paraan.”

30 Nang magkagayo'y, itinaas ng hari sa katungkulan sina Shadrac, Meshac, at Abednego sa lalawigan ng Babilonia.

1 Pedro 4:7-5:14

Mga Katiwala ng mga Kaloob ng Diyos

Ngunit ang wakas ng lahat ng mga bagay ay malapit na,[a] kaya kayo'y magpakatino at magpigil sa sarili alang-alang sa inyong mga panalangin.

Higit(A) sa lahat, magkaroon kayo ng maningas na pag-ibig sa isa't isa, sapagkat ang pag-ibig ay nagtatakip ng maraming kasalanan.

Maging mapagpatulóy kayo sa isa't isa nang walang bulung-bulungan.

10 Kung paanong ang bawat isa ay tumanggap ng kaloob, ipaglingkod ito sa isa't isa bilang mabubuting katiwala ng masaganang biyaya ng Diyos.

11 Sinumang nagsasalita ay gawin iyon nang tulad sa nagsasalita ng mga aral ng Diyos; sinumang naglilingkod ay tulad sa naglilingkod mula sa kalakasang ibinibigay ng Diyos, upang ang Diyos ay maluwalhati sa lahat ng mga bagay sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. Sa kanya ang kaluwalhatian at ang kapangyarihan magpakailanman. Amen.

Pagdurusa Bilang Cristiano

12 Mga minamahal, huwag kayong magtaka tungkol sa mahigpit na pagsubok na dumarating sa inyo upang kayo'y subukin, na waring may isang kataka-takang bagay na nangyayari sa inyo.

13 Kundi kayo'y magalak, yamang kayo'y nakikibahagi sa mga pagdurusa ni Cristo, upang kayo man ay matuwa at sumigaw sa galak kapag ang kaluwalhatian niya ay nahayag.

14 Kung kayo'y inaalipusta dahil sa pangalan ni Cristo ay mapapalad kayo; sapagkat ang espiritu ng kaluwalhatian at ang Espiritu ng Diyos ay naninirahan sa inyo.

15 Ngunit huwag magdusa ang sinuman sa inyo bilang isang mamamatay-tao, o magnanakaw, o gumagawa ng masama, o bilang isang mapanghimasok.

16 Ngunit kung ang isang tao ay nagdurusa bilang Cristiano, huwag niyang ikahiya ito, kundi luwalhatiin niya ang Diyos sa pangalang ito.

17 Sapagkat ito'y panahon upang simulan ang paghuhukom sa sambahayan ng Diyos; at kung magsimula sa atin, ano kaya ang wakas ng mga hindi sumusunod sa ebanghelyo ng Diyos?

18 At(B) kung ang matuwid ay bahagya nang makaligtas, ano kaya ang mangyayari sa masasama at makasalanan?

19 Kaya't ang mga nagdurusa ayon sa kalooban ng Diyos ay ipagkatiwala ang kanilang mga kaluluwa sa tapat na lumikha sa paggawa ng mabuti.

Pangangalaga sa Kawan ng Diyos

Ngayon, bilang kapwa matanda at isang saksi sa mga pagdurusa ni Cristo, at bilang kabahagi sa kaluwalhatiang ihahayag, ipinapakiusap ko sa mga matatanda sa inyo,

na(C) pangalagaan ninyo ang kawan ng Diyos na nasa inyong pangangasiwa, na maglingkod bilang tagapangasiwa, hindi sapilitan kundi bukal sa loob, ayon sa kalooban ng Diyos,[b] ni hindi dahil sa mahalay na pakinabang, kundi may sigasig.

Huwag kayong maging panginoon ng mga pinangangasiwaan ninyo, kundi kayo'y maging mga halimbawa sa kawan.

At sa pagpapakita ng punong Pastol, tatanggapin ninyo ang hindi kumukupas na putong ng kaluwalhatian.

Gayundin(D) naman, kayong mga kabataan, pasakop kayo sa matatanda. At kayong lahat ay magsuot ng kapakumbabaan sa inyong pakikitungo sa isa't isa, sapagkat “Ang Diyos ay sumasalungat sa mga palalo, ngunit nagbibigay ng biyaya sa mga mapagpakumbaba.”

Kaya't(E) kayo'y magpakumbaba sa ilalim ng makapangyarihang kamay ng Diyos, upang kayo'y kanyang itaas sa takdang panahon.

Ilagak ninyo sa kanya ang lahat ng inyong kabalisahan, sapagkat siya'y nagmamalasakit sa inyo.

Magpakatino kayo, magbantay kayo. Ang diyablo na inyong kaaway ay tulad ng leong gumagala at umuungal, na humahanap ng kanyang malalapa.

Siya'y labanan ninyo, maging matatag sa inyong pananampalataya, yamang inyong nalalaman na ang mga gayong hirap ay nararanasan ng inyong mga kapatid sa buong sanlibutan.

10 At pagkatapos na kayo'y magdusa nang sandaling panahon, ang Diyos ng buong biyaya na sa inyo'y tumawag tungo sa kanyang walang hanggang kaluwalhatian kay Cristo, ay siya ring magpapanumbalik, magpapatibay, at magpapalakas sa inyo.

11 Sumakanya nawa ang kapangyarihan magpakailanman. Amen.

Pangwakas na Pagbati

12 Sa(F) pamamagitan ni Silvano, na itinuturing kong tapat nating kapatid, ay sinulatan ko kayo nang maikli upang pasiglahin kayo at magpatotoo na ito ang tunay na biyaya ng Diyos. Manindigan kayo rito.

13 Binabati(G) kayo ng babaing nasa Babilonia, na kasama ninyong hinirang, at ni Marcos na aking anak.

14 Magbatian kayo ng halik ng pag-ibig.

Kapayapaan nawa ang sumainyong lahat na na kay Cristo.[c]

Mga Awit 119:81-96

CAPH.

81 Nanghihina ang aking kaluluwa para sa pagliligtas mo;
    sa iyong salita ay umaasa ako.
82 Nanlalabo ang aking mga mata sa paghihintay sa iyong pangako;
    aking itinatanong, “Kailan mo ako aaliwin?”
83 Sapagkat ako'y naging parang balat na lalagyan ng alak na nasa usok;
    hindi ko kinalilimutan ang iyong mga tuntunin.
84 Gaano karami ang mga araw ng iyong lingkod?
    Kailan mo hahatulan ang mga umuusig sa akin?
85 Ang mapagmataas ay gumawa ng hukay na patibong para sa akin,
    mga taong hindi sang-ayon sa iyong tuntunin.
86 Tiyak ang lahat ng mga utos mo;
    kanilang inuusig ako ng kasinungalingan, tulungan mo ako.
87 Halos sa ibabaw ng lupa ako ay kanilang winakasan,
    ngunit ang mga tuntunin mo ay hindi ko tinalikuran.
88 Muli mo akong buhayin ayon sa iyong tapat na pag-ibig,
    upang aking maingatan ang mga patotoo ng iyong bibig.

LAMED.

89 Magpakailanman, O Panginoon,
    ang iyong salita ay natatag sa langit.
90 Nananatili sa lahat ng salinlahi ang iyong katapatan;
    iyong itinatag ang lupa, at ito'y nananatiling matibay.
91 Sila'y nananatili sa araw na ito ayon sa itinakda mo,
    sapagkat lahat ng bagay ay mga lingkod mo.
92 Kung ang kautusan mo'y hindi ko naging katuwaan,
    namatay na sana ako sa aking kalungkutan.
93 Hindi ko kailanman kalilimutan ang mga tuntunin mo;
    sapagkat sa pamamagitan ng mga iyon ay binigyan mo ako ng buhay.
94 Ako'y iyo, iligtas mo ako,
    sapagkat aking hinanap ang mga tuntunin mo,
95 Ang masama'y nag-aabang upang patayin ako,
    ngunit aking kinikilala ang iyong mga patotoo.
96 Aking nakita ang hangganan ng lahat ng kasakdalan;
    ngunit ang utos mo'y totoong malawak.

Mga Kawikaan 28:15-16

15 Tulad ng umuungal na leon at ng osong sumasalakay,
    gayon ang masamang pinuno sa maralitang bayan.
16 Ang pinunong kulang sa pang-unawa ay isang malupit na manlulupig,
    ngunit siyang namumuhi sa kasakiman, kanyang mga araw ay lalawig.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001