The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.
Ang Pagbagsak ng Gog
39 “At ikaw, anak ng tao, magsalita ka ng propesiya laban kay Gog, at iyong sabihin, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Narito, ako'y laban sa iyo, O Gog, pangunahing pinuno ng Rosh, Meshec at Tubal:
2 Aking paiikutin at itataboy kita, at paaahunin kita mula sa mga pinakadulong bahagi ng hilaga; at aking dadalhin ka sa mga bundok ng Israel.
3 Pagkatapos ay sisirain ko ang busog sa iyong kaliwang kamay, at aking ihuhulog ang iyong pana mula sa iyong kanang kamay.
4 Ikaw ay mabubuwal sa mga bundok ng Israel, ikaw at ang lahat mong mga pulutong, at ang mga bayan na kasama mo. Ibibigay kita sa mga ibong mandaragit na iba't ibang uri, at sa mga hayop sa parang upang lamunin ka.
5 Ikaw ay mabubuwal sa kaparangan; sapagkat aking sinalita, sabi ng Panginoong Diyos.
6 Ako'y magpapasapit ng apoy sa Magog, at sa mga naninirahang tiwasay sa mga pulo; at kanilang malalaman na ako ang Panginoon.
7 “Ang aking banal na pangalan ay ipapakilala ko sa gitna ng aking bayang Israel; at hindi ko papahintulutang lapastanganin pa ang aking banal na pangalan, at malalaman ng mga bansa na ako ang Panginoon, ang Banal sa Israel.
8 Narito, dumarating at mangyayari, sabi ng Panginoong Diyos. Ito ang araw na aking sinalita.
9 “Silang naninirahan sa mga bayan ng Israel ay hahayo, at susunugin ang mga sandata, ang mga kalasag, mga pananggalang, mga busog at mga palaso, mga tungkod, at ang mga sibat. Susunugin nila ito nang pitong taon.
10 Kaya't sila'y hindi na kukuha pa ng kahoy sa parang, o puputol man ng anuman sa mga gubat, sapagkat sila'y gagawa ng kanilang mga apoy mula sa mga sandata. Kanilang sasamsaman ang nanamsam sa kanila, at nanakawan ang nagnakaw sa kanila, sabi ng Panginoong Diyos.
Ang Libingan ng Gog
11 “Sa araw na iyon, ako'y magbibigay kay Gog ng dakong libingan sa Israel, ang libis ng mga manlalakbay na nasa silangan ng dagat. Hahadlangan nito ang manlalakbay, sapagkat doon ililibing si Gog at ang lahat niyang mga karamihan; at kanilang tatawagin itong Libis ng Hamon-gog.
12 Pitong buwan silang ililibing ng sambahayan ni Israel upang linisin ang lupain.
13 Sila'y ililibing ng buong bayan ng lupain at magiging sa kanila'y karangalan, sa araw na ipakita ko ang aking kaluwalhatian, sabi ng Panginoong Diyos.
14 Sila'y magbubukod ng mga lalaking palaging daraan sa lupain at maglilibing ng nalalabi sa ibabaw ng lupain, upang linisin ito. Pagkatapos ng pitong buwan ay gagawa sila ng pagsisiyasat.
15 Kapag ang mga ito ay dumaan sa lupain at ang sinuman ay nakakita ng buto ng tao, lalagyan niya ng tanda roon hanggang sa mailibing ng mga manlilibing sa Libis ng Hamon-gog.
16 At Hamonah ang magiging pangalan ng lunsod. Ganito nila lilinisin ang lupain.
17 “Tungkol(A) sa iyo, anak ng tao, ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Magsalita ka sa sari-saring ibon at sa lahat ng hayop sa parang, ‘Magtipun-tipon kayo at pumarito; magtipon kayo sa lahat ng dako sa kapistahan ng paghahandog na aking inihahanda para sa inyo, sa malaking kapistahan ng paghahandog sa ibabaw ng mga bundok ng Israel, at kayo'y kakain ng laman at iinom ng dugo.
18 Kayo'y kakain ng laman ng makapangyarihan, at iinom ng dugo ng mga pinuno ng lupa, ng mga lalaking tupa, ng mga batang tupa, ng mga kambing, at ng mga toro, na pawang patabain sa Basan.
19 Kayo'y kakain ng taba hanggang sa kayo'y mabusog, at iinom ng dugo hanggang sa kayo'y malasing sa kapistahan ng paghahandog na aking inihahanda para sa inyo.
20 At kayo'y mabubusog sa aking hapag ng mga kabayo at mga mangangabayo, ng magigiting na lalaki, at ng lahat ng uri ng mandirigma,’ sabi ng Panginoong Diyos.
Ibinalik sa Dati ang Israel
21 “Ipapakita ko ang aking kaluwalhatian sa mga bansa; at makikita ng lahat ng bansa ang aking kahatulan na aking inilapat, at ang aking kamay na ipinatong ko sa kanila.
22 Malalaman ng sambahayan ni Israel na ako ang Panginoon na kanilang Diyos, mula sa araw na iyon hanggang sa haharapin.
23 At malalaman ng mga bansa na ang sambahayan ni Israel ay pumasok sa pagkabihag dahil sa kanilang kasamaan, sapagkat sila'y nagtaksil laban sa akin at ikinubli ko ang aking mukha sa kanila. Sa gayo'y ibinigay ko sila sa kamay ng kanilang mga kaaway, at silang lahat ay nabuwal sa pamamagitan ng tabak.
24 Hinarap ko sila ayon sa kanilang karumihan at mga pagsuway; at ikinubli ko ang aking mukha sa kanila.
Ang Israel ay Muling Itatayo
25 “Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Ngayo'y aking ibabalik ang kapalaran ng Jacob at maaawa ako sa buong sambahayan ni Israel; at ako'y magiging mapanibughuin dahil sa aking banal na pangalan.
26 Malilimutan nila ang kanilang kahihiyan, at ang lahat ng kataksilan na kanilang ginawa laban sa akin, kapag sila'y naninirahang tiwasay sa kanilang lupain, at walang tatakot sa kanila;
27 kapag sila'y aking ibinalik mula sa mga bayan, at tipunin sila mula sa mga lupain ng kanilang mga kaaway, at sa pamamagitan nila ay ipakita ang aking kabanalan sa paningin ng maraming bansa.
28 At kanilang malalaman na ako ang Panginoon nilang Diyos sapagkat dinala ko sila sa pagkabihag sa gitna ng mga bansa, at saka tinipon sila sa kanilang sariling lupain. Hindi ako mag-iiwan ng sinuman sa kanila sa gitna ng mga bansa;
29 at hindi ko na ikukubli pa ang aking mukha sa kanila kapag ibinuhos ko ang aking Espiritu sa sambahayan ni Israel, sabi ng Panginoong Diyos.”
Pangitain tungkol sa Bahay
40 Nang ikadalawampu't limang taon ng aming pagkabihag, nang pasimula ng taon, nang ikasampung araw ng buwan, nang ikalabing-apat na taon pagkatapos na ang bayan ay masakop, nang araw na iyon, ang kamay ng Panginoon ay sumaakin.
2 Sa(B) mga pangitaing mula sa Diyos ay dinala niya ako sa lupain ng Israel, at pinaupo ako sa isang napakataas na bundok, na kinaroroonan ng parang isang lunsod sa timog.
3 Nang kanyang(C) madala ako roon, mayroong isang lalaki na ang anyo ay nagliliwanag na parang tanso, na may pising lino at isang panukat na tambo sa kanyang kamay at siya'y nakatayo sa pintuang-daan.
4 At sinabi ng lalaki sa akin, “Anak ng tao, tingnan mo ng iyong mga mata, pakinggan mo ng iyong mga pandinig, at ilagak mo ang iyong isipan sa lahat ng aking ipapakita sa iyo; sapagkat ikaw ay dinala rito upang aking maipakita ito sa iyo. Ipahayag mo ang lahat ng iyong nakita sa sambahayan ni Israel.”
Ang Tarangkahan sa Gawing Silangan
5 At(D) narito, may pader sa palibot sa dakong labas ng lugar ng bahay, at ang haba ng panukat na tambo sa kamay ng tao ay anim na siko, na tig-isang siko at isang dangkal ang luwang ng bawat isa. Kaya't kanyang sinukat ang kapal ng pader, isang tambo; at ang taas, isang tambo.
6 Pumasok siya sa pintuang-daan na nakaharap sa silangan, sa mga baytang niyon at kanyang sinukat ang pasukan ng pintuan, isang tambo ang luwang; ang kabilang pasukan ay isang tambo ang luwang.
7 Ang mga silid ng bantay ay isang tambo ang haba, at isang tambo ang luwang; at ang pagitan ng mga silid ng bantay ay limang siko; at ang pasukan ng pintuan sa tabi ng patyo ng pintuan sa pinakadulo ng daanan ay isang tambo.
8 Kanya rin namang sinukat ang bulwagan sa pintuang-daan, walong siko.
9 At ang mga haligi niyon, dalawang siko; at ang bulwagan sa pintuang-daan ay nasa pinakadulo ng daanan.
10 Mayroong tatlong silid ng bantay sa magkabilang dako ng pintuan sa silangan; ang tatlo ay iisang sukat; at ang mga haligi sa magkabilang panig ay iisang sukat.
11 Kanyang sinukat ang luwang ng pasukan ng pintuang-daan, sampung siko; at ang haba ng pintuang-daan, labintatlong siko.
12 May harang sa harapan ng mga silid ng bantay, isang siko sa magkabilang panig. Ang mga silid ng bantay ay anim na siko sa magkabilang panig.
13 At kanyang sinukat ang pintuang-daan mula sa likuran ng isang silid ng bantay hanggang sa likuran ng kabila, may luwang na dalawampu't limang siko, mula sa pintuan hanggang sa isa pang pintuan.
14 Sinukat din niya ang bulwagan, dalawampung siko; at sa paligid ng bulwagan ng pintuang-daan ay ang patyo.
15 Mula sa harapan ng pintuan sa pasukan hanggang sa dulo ng pinakaloob na bulwagan ng pintuan ay limampung siko.
16 May mga bintana sa palibot ang mga pintuang-daan na papaliit sa mga pintuan sa gilid. Ang bulwagan ay mayroon ding mga bintana sa palibot at sa mga haligi ay may puno ng palma.
Ang Bulwagan sa Labas
17 Nang magkagayo'y dinala niya ako sa labas ng bulwagan, at narito, may mga silid at may batong daanan sa palibot ng bulwagan; tatlumpung silid ang nakaharap sa nalalatagan ng bato.
18 At ang nalalatagan ng bato ay hanggang sa gilid ng mga pintuan, ayon sa haba ng mga pintuan; ito ang mas mababang nalalatagan ng bato.
19 Nang magkagayo'y kanyang sinukat ang pagitan mula sa harapan ng mas mababang pintuan hanggang sa harapan ng pinakaloob na bulwagan sa labas, isandaang siko, kahit sa silangan o kahit sa kanluran.
Ang Tarangkahan sa Gawing Hilaga
20 At siya'y umuna sa akin patungo sa hilaga, at may pintuang nakaharap sa hilaga na kabilang sa panlabas na bulwagan. Sinukat niya ang haba at luwang niyon.
21 Ang mga silid niyon sa gilid ay tatlo sa bawat panig, at ang mga haligi at mga patyo ay ayon sa sukat ng unang pintuan. Ang haba niyon ay limampung siko, at ang luwang ay dalawampu't limang siko.
22 Ang mga bintana at bulwagan niyon, at ang mga puno ng palma niyon ay ayon sa sukat ng pintuang-daan na nakaharap sa silangan. Pitong baytang ang paakyat doon at ang bulwagan niyon ay nasa loob.
23 At sa tapat ng pintuan sa gawing hilaga, gaya ng sa silangan, ay may pintuan sa pinakaloob na bulwagan. Kanya itong sinukat mula sa pintuan hanggang sa pintuan, isandaang siko.
Ang Tarangkahan sa Gawing Timog
24 Dinala niya ako patungo sa timog, at may isang pintuan sa timog; at kanyang sinukat ang mga haligi niyon at ang bulwagan niyon. Ang sukat ng mga iyon ay gaya rin ng iba.
25 May mga bintana sa palibot nito at sa bulwagan, gaya ng mga bintana ng iba. Ang haba nito ay limampung siko, at ang luwang ay dalawampu't limang siko.
26 At may pitong baytang paakyat doon, at ang bulwagan niyon ay nasa loob, at may mga puno ng palma sa mga haligi niyon, isa sa bawat panig.
27 May pintuan sa looban sa dakong timog; at kanyang sinukat mula sa pintuan hanggang sa pintuan sa dakong timog, isandaang siko.
18 Subalit may magsasabi, “Ikaw ay mayroong pananampalataya, at ako'y mayroong mga gawa.” Ipakita mo sa akin ang iyong pananampalatayang walang mga gawa, at ipapakita ko sa pamamagitan ng aking mga gawa ang aking pananampalataya.
19 Sumasampalataya ka na ang Diyos ay iisa; mabuti ang iyong ginagawa. Ang mga demonyo man ay sumasampalataya at nanginginig pa.
20 Subalit nais mo bang malaman, O taong hangal, na ang pananampalataya na walang mga gawa ay baog?
21 Hindi(A) ba ang ating amang si Abraham ay inaring-ganap sa pamamagitan ng mga gawa, nang kanyang inihandog si Isaac na kanyang anak sa ibabaw ng dambana?
22 Nakikita mo na ang pananampalataya ay gumagawang kalakip ng kanyang mga gawa, at ang pananampalataya ay naging ganap sa pamamagitan ng mga gawa.
23 Kaya't(B) natupad ang kasulatan na nagsasabi, “Si Abraham ay sumampalataya sa Diyos, at iyo'y ibinilang sa kanya na katuwiran,” at siya'y tinawag na kaibigan ng Diyos.
24 Nakikita ninyo na ang tao'y inaaring-ganap sa pamamagitan ng mga gawa at hindi sa pamamagitan ng pananampalataya lamang.
25 Gayundin,(C) hindi ba't si Rahab na masamang babae[a] ay inaring-ganap sa pamamagitan ng mga gawa, nang tanggapin niya ang mga sugo at pinalabas sila sa ibang daan?
26 Sapagkat kung paanong ang katawan na walang espiritu ay patay, gayundin naman ang pananampalataya na walang mga gawa ay patay.
Ang Dila
3 Mga kapatid ko, huwag maging guro ang marami sa inyo, yamang nalalaman nating hahatulan tayo ng mas mahigpit.
2 Sapagkat tayong lahat ay natitisod sa maraming bagay. Kung ang sinuman ay hindi natitisod sa pananalita, ito ay isang taong sakdal, may kakayahang pigilan ang buong katawan.
3 Kung tayo nga'y naglalagay ng mga preno sa bibig ng mga kabayo upang sumunod sila sa atin, ibinabaling natin ang kanilang buong katawan.
4 Tingnan ninyo ang mga barko: bagama't napakalalaki at itinutulak ng malalakas na hangin, gayunma'y napapabaling sa pamamagitan ng isang napakaliit na timon saanman naisin ng piloto.
5 Gayundin naman, ang dila ay isang maliit na bahagi ngunit nagyayabang ng malalaking bagay. Tingnan ninyo kung paanong sinusunog ng maliit na apoy ang malalaking gubat!
6 At ang dila'y isang apoy. Ang dila na kasama ng ating mga sangkap ay isang sanlibutan ng kasamaan. Dinudungisan nito ang buong katawan, at sinusunog ang pag-inog ng kalikasan, at ito mismo ay sinusunog ng impiyerno.[b]
7 Sapagkat ang bawat uri ng mga hayop at mga ibon, ng mga hayop na gumagapang at mga nilalang sa dagat ay mapapaamo at napapaamo na ng tao,
8 subalit ang dila ay hindi napapaamo ng tao, isang hindi napipigilang kasamaang punô ng lasong nakamamatay.
9 Sa(D) pamamagitan nito ay pinupuri natin ang Panginoon at Ama, at sa pamamagitan nito ay nilalait natin ang mga taong ginawa ayon sa larawan ng Diyos.
10 Mula sa iisang bibig ay lumalabas ang pagpupuri at panlalait. Mga kapatid ko, hindi dapat maging ganito.
11 Ang isang bukal ba ay binubukalan ng matamis at mapait?
12 Mga kapatid ko, maaari ba na ang puno ng igos ay magbunga ng olibo, o ng mga igos ang puno ng ubas? Hindi rin maaaring daluyan ng tabang ang maalat na tubig.
Dalawang Uri ng Karunungan
13 Sino ang marunong at maunawain sa inyo? Ipakita niya sa pamamagitan ng mabuting pamumuhay ang kanyang mga gawa sa kaamuan ng karunungan.
14 Ngunit kung kayo'y mayroong mapapait na paninibugho at pagiging makasarili sa inyong puso, huwag kayong magmalaki at huwag kayong magsinungaling laban sa katotohanan.
15 Hindi ito ang karunungang bumababa mula sa itaas, kundi makalupa, makalaman, may sa demonyo.
16 Sapagkat kung saan mayroong paninibugho at pagiging makasarili, doon ay mayroong kaguluhan at bawat gawang masama.
17 Ngunit ang karunungang buhat sa itaas, una'y malinis, saka mapagpayapa, banayad, mapagbigay, puspos ng kaawaan at ng mabubuting bunga, walang pagtatangi, walang pagkukunwari.
18 At ang bunga ng katuwiran ay itinatanim sa kapayapaan ng mga gumagawa ng kapayapaan.
Panalangin ng Pasasalamat dahil sa Tagumpay
118 O(A) magpasalamat kayo sa Panginoon, sapagkat siya'y mabuti;
ang kanyang tapat na pag-ibig ay nananatili magpakailanman.
2 Sabihin ngayon ng Israel,
“Ang kanyang tapat na pag-ibig ay nananatili magpakailanman.”
3 Sabihin ngayon ng sambahayan ni Aaron,
“Ang kanyang tapat na pag-ibig ay nananatili magpakailanman.”
4 Sabihin ngayon ng mga natatakot sa Panginoon,
“Ang kanyang tapat na pag-ibig ay nananatili magpakailanman.”
5 Tumawag ako sa Panginoon mula sa aking pagkabalisa,
sinagot ako ng Panginoon, at inilagay ako sa maluwag na dako.
6 Ang(B) Panginoon ay para sa akin, hindi ako matatakot.
Anong magagawa ng tao sa akin?
7 Ang Panginoon ay kakampi ko, kasama ng mga tumutulong sa akin,
ako'y titinging may pagtatagumpay sa mga napopoot sa akin.
8 Higit na mabuti ang manganlong sa Panginoon
kaysa magtiwala sa tao.
9 Higit na mabuti ang manganlong sa Panginoon
kaysa magtiwala sa mga pinuno.
10 Pinalibutan ako ng lahat ng mga bansa;
sa pangalan ng Panginoon, tiyak na pupuksain ko sila.
11 Pinalibutan nila ako, oo, pinalibutan nila ako,
sa pangalan ng Panginoon, sila ay tiyak na pupuksain ko.
12 Pinalibutan nila akong gaya ng mga pukyutan,
sila'y nasunog na parang apoy ng mga dawagan;
sa pangalan ng Panginoon sila'y tiyak na pupuksain ko.
13 Itinulak mo ako nang malakas, anupa't ako'y malapit nang mabuwal,
ngunit tinulungan ako ng Panginoon.
14 Ang(C) Panginoon ay aking awit at kalakasan,
at siya'y naging aking kaligtasan.
15 Ang tunog ng masayang sigawan at kaligtasan ay nasa mga tolda ng matuwid:
“Ang kanang kamay ng Panginoon ay gumagawang may katapangan,
16 ang kanang kamay ng Panginoon ay parangalan,
ang kanang kamay ng Panginoon ay gumagawang may katapangan!”
17 Hindi ako mamamatay, kundi mabubuhay,
at ang mga gawa ng Panginoon ay isasalaysay.
18 Pinarusahan akong mabuti ng Panginoon;
ngunit hindi niya ako ibinigay sa kamatayan.
2 Kapag ang lupain ay naghihimagsik,
marami ang kanyang mga pinuno;
ngunit kapag ang pinuno ay may unawa at kaalaman,
magpapatuloy ang katatagan nito.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001