The Daily Audio Bible
Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.
Ang Ikalawang Panaginip ni Nebukadnezar
4 Si Nebukadnezar na hari, sa lahat ng bayan, mga bansa, at wika na naninirahan sa buong lupa: Nawa'y sumagana sa inyo ang kapayapaan!
2 Inaakala kong mabuting ipahayag ang mga tanda at mga kababalaghang ginawa para sa akin ng Kataas-taasang Diyos.
3 Napakadakila ng kanyang mga tanda!
at makapangyarihan ang kanyang mga kababalaghan!
Ang kanyang kaharian ay walang hanggang kaharian,
at ang kanyang kapangyarihan ay mula sa salinlahi hanggang sa salinlahi.
4 Akong si Nebukadnezar ay nagpapahinga sa aking bahay, at namumuhay nang sagana sa aking palasyo.
5 Ako'y nakakita ng isang panaginip na tumakot sa akin; habang ako'y nakahiga sa aking higaan, ang mga guni-guni at mga pangitain ay bumagabag sa akin.
6 Kaya't ipinag-utos ko na iharap sa akin ang lahat ng pantas sa Babilonia, upang kanilang ipaalam sa akin ang kahulugan ng panaginip.
7 Nang magkagayo'y dumating ang mga salamangkero, mga engkantador, mga Caldeo, at ang mga manghuhula, at isinalaysay ko sa kanila ang panaginip, ngunit hindi nila maipaalam sa akin ang kahulugan nito.
8 Ngunit sa wakas dumating sa harap ko si Daniel, na ang pangala'y Belteshasar, ayon sa pangalan ng aking diyos, at siyang kinaroroonan ng espiritu ng mga banal na diyos;[a] at isinalaysay ko sa kanya ang panaginip:
9 O Belteshasar, na puno ng mga salamangkero, sapagkat nalalaman ko na ang espiritu ng mga banal na diyos ay nasa iyo, at walang hiwagang napakahirap para sa iyo, narito ang panaginip na aking nakita, sabihin mo sa akin ang kahulugan nito.
10 Ngayon ay ganito ang mga pangitain sa aking pag-iisip habang ako'y nasa higaan: Ako'y nakatingin, at narito, may isang punungkahoy sa gitna ng lupa, at ito'y napakataas.
11 Ang punungkahoy ay lumaki, at naging matibay, at ang tuktok nito'y umabot hanggang sa langit, at ito'y natatanaw hanggang sa dulo ng buong lupa.
12 Ang mga dahon nito'y magaganda, at ang bunga nito'y marami, at doo'y may pagkain para sa lahat. Ang mga hayop sa parang ay may lilim sa ilalim nito, at ang mga ibon sa himpapawid ay nagpupugad sa mga sanga nito, at ang lahat na tao ay pinakakain mula roon.
13 “Aking nakita sa mga pangitain sa aking pag-iisip habang ako'y nakahiga sa aking higaan, at nakita ko ang isang bantay, isang banal ang bumaba mula sa langit.
14 Siya'y sumigaw nang malakas at nagsabi ng ganito, ‘Ibuwal ang punungkahoy at putulin ang kanyang mga sanga, lagasin ang mga dahon at ikalat ang kanyang mga bunga; paalisin ang mga hayop sa ilalim nito at ang mga ibon sa kanyang mga sanga.
15 Gayunma'y inyong iwan ang tuod ng kanyang mga ugat sa lupa, na gapos ng bakal at tanso sa gitna ng murang damo sa parang. Hayaan siyang mabasa ng hamog ng langit, hayaan siyang makasama ng mga hayop sa damo ng lupa.
16 Hayaang ang kanyang isipan na pusong tao ay mapalitan at puso ng hayop ang ibigay sa kanya; at hayaang ang pitong mga panahon ay lumipas sa kanya.
17 Ang hatol na ito ay sa pamamagitan ng utos ng mga bantay, ang pasiya ay sa pamamagitan ng salita ng mga banal; upang malaman ng mga may buhay na ang Kataas-taasan ay namumuno sa kaharian ng mga tao, at ibinibigay niya ito sa kaninumang kanyang naisin, at pinamumuno niya rito ang pinakamababa sa mga tao.’
18 Akong si Haring Nebukadnezar ay nakakita ng panaginip na ito. At ngayon ikaw, O Belteshasar, ipahayag mo ang kahulugan, sapagkat lahat ng pantas sa aking kaharian ay hindi makapagpahayag sa akin ng kahulugan, ngunit magagawa mo sapagkat ang espiritu ng mga banal na diyos[b] ay nasa iyo.”
Ipinaliwanag ni Daniel ang Panaginip
19 Nang magkagayon, si Daniel na tinatawag na Belteshasar ay sandaling nabagabag at ikinatakot niya ang nasa kanyang isipan. Sinabi ng hari, “Belteshasar, huwag kang mabagabag dahil sa panaginip, o sa kahulugan.” Si Belteshasar ay sumagot, “Aking panginoon, ang panaginip nawa ay para sa napopoot sa iyo, at ang kahulugan nito'y mangyari nawa sa iyong mga kaaway!
20 Ang punungkahoy na iyong nakita na tumubo at naging matibay, na ang taas ay umabot sa langit, at ito'y natatanaw sa buong lupa;
21 na ang mga daho'y magaganda, at ang bunga nito'y marami, at naging pagkain para sa lahat; na sa lilim nito ay tumitira ang mga hayop sa parang, at sa kanyang mga sanga'y dumadapo ang mga ibon sa himpapawid—
22 ikaw iyon, O hari, na naging napakalaki at matibay. Ang iyong kadakilaan ay lumaki at umaabot hanggang sa langit, at ang iyong kapangyarihan ay hanggang sa dulo ng lupa.
23 At yamang nakita ng hari ang isang bantay at isang banal na bumababa mula sa langit, at nagsasabi, ‘Ibuwal ninyo ang punungkahoy at inyong wasakin, ngunit itira ninyo ang tuod ng mga ugat nito sa lupa na gapos ng bakal at tanso, sa sariwang damo sa parang. Bayaang mabasa siya ng hamog ng langit, at makasama siya ng mga hayop sa parang, hanggang sa ang pitong panahon ay lumipas sa kanya’—
24 ito ang kahulugan, O hari, at ito ay utos ng Kataas-taasan na sumapit sa aking panginoong hari:
25 Ikaw ay palalayasin mula sa mga tao, at ang iyong tahanan ay kasama ng mga hayop sa parang. Ikaw ay pakakainin ng damo na gaya ng mga baka, at mababasa ka ng hamog ng langit. Pitong panahon ang lilipas sa iyo hanggang sa iyong malaman na ang Kataas-taasan ay namumuno sa kaharian ng mga tao, at ibinibigay ito sa sinumang maibigan niya.
26 Kung paanong iniutos na iwan ang tuod ng mga ugat ng kahoy; ang iyong kaharian ay magiging tiyak para sa iyo, mula sa panahon na iyong malaman na ang Langit ang namumuno.
27 Kaya't, O hari, tanggapin mo nawa ang aking payo: putulin mo na ang iyong mga kasalanan sa pamamagitan ng paggawa ng katuwiran, at ang iyong mga kasamaan sa pamamagitan ng pagpapakita ng kaawaan sa naaapi, upang humaba pa ang iyong kasaganaan.”
28 Lahat ng ito'y nangyari sa haring si Nebukadnezar.
29 Sa katapusan ng labindalawang buwan, siya ay lumalakad sa bubungan ng palasyo ng hari ng Babilonia.
30 Nagsalita ang hari at sinabi, “Hindi ba ito ang dakilang Babilonia na aking itinayo sa pamamagitan ng lakas ng aking kapangyarihan bilang tahanan ng hari at para sa kaluwalhatian ng aking kadakilaan?”
31 Samantalang ang mga salita ay nasa bibig pa ng hari, may isang tinig na nanggaling sa langit, “O Haring Nebukadnezar, sa iyo'y ipinahahayag: Ang kaharian ay umalis na sa iyo!
32 Ikaw ay palalayasin sa mga tao, at ang iyong tirahan ay kasama ng mga hayop sa parang. Ikaw ay pakakainin ng damo na gaya ng mga baka at pitong panahon ang daraan sa iyo, hanggang sa iyong kilalanin na ang Kataas-taasan ay namumuno sa kaharian ng mga tao, at ibinibigay niya ito sa sinumang kanyang naisin.”
33 Kaagad natupad ang salita tungkol kay Nebukadnezar. Siya'y pinalayas mula sa mga tao at kumain ng damo na gaya ng mga baka. Ang kanyang katawan ay nabasa ng hamog ng langit, hanggang sa ang kanyang buhok ay lumago na kasinghaba ng balahibo ng mga agila, at ang kanyang mga kuko ay gaya ng sa mga ibon.
Pinuri ni Nebukadnezar ang Diyos
34 At sa katapusan ng panahong iyon, akong si Nebukadnezar ay nagtaas ng aking paningin sa langit, at ang aking katinuan ay nanumbalik sa akin. Aking pinuri ang Kataas-taasan, at aking pinuri at pinarangalan siya na nabubuhay magpakailanman.
Sapagkat ang kanyang kapangyarihan ay walang hanggang kapangyarihan,
at ang kanyang kaharian ay nananatili sa sali't salinlahi.
35 Ang lahat ng naninirahan sa lupa ay ibinibilang na wala;
at kanyang ginagawa ang ayon sa kanyang kalooban sa hukbo ng langit,
at sa mga nananahan sa lupa.
Walang makakahadlang sa kanyang kamay,
o makapagsasabi sa kanya, “Anong ginagawa mo?”
36 Sa oras na iyon ay nanumbalik sa akin ang aking katinuan, at ang aking kadakilaan at kamahalan ay ibinalik sa akin para sa kaluwalhatian ng aking kaharian. Hinanap ako ng aking mga tagapayo at mga maharlikang tao; at ako'y muling inilagay sa aking kaharian, at higit pang kadakilaan ang naparagdag sa akin.
37 Ngayon akong si Nebukadnezar ay nagpupuri, at nagbubunyi, at nagpaparangal sa Hari ng langit; sapagkat ang lahat niyang gawa ay katotohanan, at ang kanyang mga pamamaraan ay makatarungan; at kaya niyang ibaba ang mga lumalakad na may kapalaluan.
Pagbati
1 Si Simon[a] Pedro, alipin at apostol ni Jesu-Cristo,
Sa mga tumanggap ng mahalagang pananampalataya na gaya ng sa amin sa pamamagitan ng katuwiran ng ating Diyos at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo:
2 Sumagana nawa sa inyo ang biyaya at kapayapaan sa pagkakilala sa Diyos at kay Jesus na Panginoon natin.
Ang Pagtawag at Pagpili ng Diyos
3 Ipinagkaloob sa atin ng kanyang banal na kapangyarihan ang lahat ng mga bagay na kailangan sa buhay at pagiging maka-Diyos, sa pamamagitan ng pagkakilala sa kanya na tumawag sa atin sa kanyang sariling kaluwalhatian at kabutihan.
4 Gayon niya ipinagkaloob sa atin ang kanyang mahahalaga at mga dakilang pangako upang sa pamamagitan ng mga ito ay makatakas kayo sa kabulukang nasa sanlibutan dahil sa masamang pagnanasa, at maging kabahagi kayo sa likas ng Diyos.
5 At dahil dito, gawin ninyo ang lahat ng inyong makakaya na tustusan ang inyong pananampalataya ng kabutihan; ang kabutihan ng kaalaman;
6 ang kaalaman ng pagpipigil; ang pagpipigil ng pagtitiis; ang pagtitiis ng pagiging maka-Diyos;
7 at ang pagiging maka-Diyos ng pagmamahal sa kapatid; at ang pagmamahal sa kapatid ng pag-ibig.
8 Sapagkat kung ang mga bagay na ito ay nasa inyo at dumarami, hindi kayo magiging mga walang saysay o mga walang bunga sa pagkakilala sa ating Panginoong Jesu-Cristo.
9 Sapagkat sinumang wala ng mga bagay na ito ay bulag at ang nasa malapit lamang ang nakikita, at nakalimutan na siya ay nilinis mula sa kanyang dating mga kasalanan.
10 Kaya, mga kapatid, lalong pagsikapan ninyo na patatagin ang pagkatawag at pagkapili sa inyo, sapagkat kung gawin ninyo ang mga bagay na ito, hindi kayo matitisod kailanman.
11 Sapagkat sa ganitong paraan ay masaganang ibibigay sa inyo ang pagpasok sa walang hanggang kaharian ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo.
12 Kaya't lagi kong hinahangad na ipaalala sa inyo ang mga bagay na ito, bagama't inyong nalalaman na, at kayo'y pinapatibay sa katotohanang dumating sa inyo.
13 Inaakala kong tama, na habang ako'y nasa toldang ito, ay gisingin ko kayo ng isang paalala,
14 yamang aking nalalaman na malapit na ang pag-aalis ng aking tolda na gaya ng ipinakita sa akin ng Panginoon nating si Jesu-Cristo.
15 At sisikapin ko rin na pagkatapos ng aking pagpanaw ay inyong maaalala ang mga bagay na ito sa anumang panahon.
Mga Saksi sa Kaluwalhatian ni Cristo
16 Sapagkat kami ay hindi sumunod sa mga kathang-isip na ginawang may katusuhan nang aming ipaalam sa inyo ang kapangyarihan at pagdating ng ating Panginoong Jesu-Cristo, kundi kami ay mga saksing nakakita ng kanyang kadakilaan.
17 Sapagkat(A) siya'y tumanggap sa Diyos Ama ng karangalan at kaluwalhatian, at dumating sa kanya ang isang tinig mula sa Marangal na Kaluwalhatian, na nagsasabi, “Ito ang minamahal kong Anak, na siya kong kinalulugdan.”
18 Kami mismo ang nakarinig ng tinig na ito na nanggaling sa langit, nang kami ay kasama niya sa banal na bundok.
19 Kaya't mayroon kaming salita ng propesiya na lalong tiyak. Mabuti ang inyong ginagawa kung ito'y inyong pagtutuunan ng pansin, gaya sa isang ilawang tumatanglaw sa isang dakong madilim, hanggang sa pagbubukang-liwayway, at ang tala sa umaga ay sumilang sa inyong mga puso.
20 Una sa lahat, dapat ninyong malaman ito, na walang propesiya ng kasulatan na nagmula sa pansariling pagpapakahulugan,
21 sapagkat walang propesiya na dumating kailanman sa pamamagitan ng kalooban ng tao kundi ang mga taong inudyukan ng Espiritu Santo ay nagsalita mula sa Diyos.[b]
MEM.
97 O, mahal na mahal ko ang iyong kautusan!
Ito'y siya kong binubulay-bulay sa buong araw.
98 Ginawa akong higit na marunong kaysa aking mga kaaway ng mga utos mo,
sapagkat ito'y laging kasama ko.
99 Ako'y may higit na pang-unawa kaysa lahat ng aking mga guro,
sapagkat aking binubulay-bulay ang iyong mga patotoo.
100 Ako'y nakakaunawa ng higit kaysa nakatatanda,
sapagkat aking iningatan ang iyong mga salita.
101 Sa lahat ng masamang lakad ay pinigil ko ang mga paa ko,
upang aking masunod ang salita mo.
102 Ako'y hindi lumihis sa mga batas mo,
sapagkat tinuruan mo ako.
103 Napakatamis ang iyong mga salita sa panlasa ko;
higit na matamis kaysa pulot sa bibig ko!
104 Sa pamamagitan ng iyong mga tuntunin ay nagkaroon ako ng kaunawaan;
kaya't kinapopootan ko ang bawat huwad na daan.
NUN.
105 Ilawan sa aking mga paa ang salita mo,
at liwanag sa landas ko.
106 Ako'y sumumpa at pinagtibay ko,
na aking tutuparin ang matutuwid na mga batas mo.
107 Ako'y lubos na nagdadalamhati,
muli mo akong buhayin, O Panginoon, ayon sa iyong salita.
108 O Panginoon, ang aking handog na pagpupuri ay tanggapin mo,
at ituro mo sa akin ang mga batas mo.
109 Patuloy kong hawak sa kamay ko ang aking buhay,
gayunma'y hindi ko kinalilimutan ang iyong kautusan.
110 Ang masama ay naghanda ng bitag para sa akin,
gayunma'y hindi ako lumihis sa iyong mga alituntunin.
111 Ang mga patotoo mo'y aking mana magpakailanman;
sa aking puso, ang mga ito'y kagalakan.
112 Ikiniling ko ang aking puso upang ganapin ang iyong mga batas,
magpakailanman, hanggang sa wakas.
17 Kung ang isang tao'y nagpapasan ng dugo ng sinuman,
hayaan siyang maging takas hanggang kamatayan;
huwag siyang tulungan ng sinuman.
18 Maliligtas ang lumalakad sa katapatan,
ngunit ang baluktot sa kanyang mga lakad ay mahuhulog sa hukay.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001