The Daily Audio Bible
Today's audio is from the GNT. Switch to the GNT to read along with the audio.
Kamatayan sa Nagkasala
18 Ang salita ng Panginoon ay dumating uli sa akin, na sinasabi,
2 “Anong(A) ibig ninyong sabihin sa pag-uulit ng kawikaang ito tungkol sa lupain ng Israel, ‘Kinain ng mga magulang ang maaasim na ubas, at ang mga ngipin ng mga anak ay nangingilo?’
3 Habang buháy ako, sabi ng Panginoong Diyos, hindi na ninyo gagamitin pa ang kawikaang ito sa Israel.
4 Lahat ng buhay ay akin; ang buhay ng ama at ng anak ay akin; ang kaluluwa na nagkakasala ay mamamatay.
5 “Kung ang isang tao ay matuwid, at gumagawa ng ayon sa batas at matuwid,
6 at siya'y hindi kumakain sa mga bundok, o itinataas man ang kanyang mga mata sa mga diyus-diyosan ng sambahayan ni Israel, o dinudungisan ang asawa ng kanyang kapwa, o lumapit man sa isang babae sa panahon ng kanyang karumihan,
7 hindi nang-aapi sa kanino man, kundi isinasauli sa nangutang ang kanyang sangla, hindi nagnanakaw, ibinibigay ang kanyang tinapay sa gutom, at tinatakpan ng kasuotan ang hubad;
8 hindi nagpapahiram na may patubo, o kumukuha man ng anumang pakinabang, na iniurong ang kanyang kamay sa kasamaan, naglalapat ng tunay na katarungan sa pagitan ng dalawang magkalaban,
9 na(B) lumalakad ng ayon sa aking mga tuntunin, at maingat sa pagsunod sa aking mga batas; siya'y matuwid, siya'y tiyak na mabubuhay, sabi ng Panginoong Diyos.
10 “Kung siya'y magkaanak ng isang lalaking magnanakaw, nagpapadanak ng dugo, at gumagawa ng alinman sa mga ganitong bagay,
11 at hindi gumagawa ng alinman sa mga katungkulang iyon, kundi kumakain sa mga bundok, at dinudungisan ang asawa ng kanyang kapwa,
12 inaapi ang dukha at nangangailangan, nagnanakaw, hindi nagsasauli ng sangla, at itinataas ang kanyang mga mata sa mga diyus-diyosan, gumagawa ng kasuklamsuklam,
13 nagpapahiram na may patubo, at tumatanggap ng pakinabang; mabubuhay ba siya? Siya'y hindi mabubuhay. Kanyang ginawa ang lahat ng kasuklamsuklam na ito. Siya'y tiyak na mamamatay; ang kanyang dugo ay sasakanya.
14 “Ngunit kung ang taong ito'y magkaanak ng isang lalaki na nakikita ang lahat ng kasalanan na ginawa ng kanyang ama, at natatakot, at hindi gumagawa ng gayon;
15 na hindi kumakain sa mga bundok, o itinataas man ang kanyang mga mata sa mga diyus-diyosan ng sambahayan ni Israel, hindi dinudungisan ang asawa ng kanyang kapwa,
16 o ginagawan ng masama ang sinuman, hindi tumatanggap ng anumang sangla, at hindi nagnanakaw, kundi nagbibigay ng kanyang tinapay sa gutom, at binabalutan ng damit ang hubad;
17 na iniuurong ang kanyang kamay sa kasamaan, hindi tumatanggap ng patubo o ng pakinabang man, ginagawa ang aking mga batas, at lumalakad sa aking mga tuntunin; hindi siya mamamatay ng dahil sa kasamaan ng kanyang ama, siya'y tiyak na mabubuhay.
18 Tungkol sa kanyang ama, sapagkat siya'y gumawa ng pangingikil, ninakawan ang kanyang kapatid, at gumawa ng hindi mabuti sa gitna ng kanyang bayan, siya'y mamamatay sa kanyang kasamaan.
19 “Gayunma'y sinasabi ninyo, ‘Bakit hindi magdurusa ang anak dahil sa kasamaan ng ama?’ Kapag ginawa ng anak ang ayon sa batas at matuwid, at naging maingat sa pagtupad sa lahat ng aking tuntunin, siya'y tiyak na mabubuhay.
20 Ang(C) taong nagkasala ay mamamatay. Ang anak ay hindi magdurusa dahil sa kasamaan ng ama, ni ang ama ay magdurusa dahil sa kasamaan ng anak. Ang katuwiran ng matuwid ay sasakanya, at ang kasamaan ng masama ay sasakanya.
Matuwid ang Tuntunin ng Diyos
21 “Ngunit kung ang masamang tao ay lumayo sa lahat niyang kasalanan na kanyang nagawa, at ingatan ang lahat ng aking mga tuntunin, at gumawa ng ayon sa batas at matuwid, siya'y tiyak na mabubuhay, siya'y hindi mamamatay.
22 Alinman sa kanyang mga paglabag na nagawa niya ay di na aalalahanin pa laban sa kanya; sapagkat sa matuwid na gawa na kanyang ginawa ay mabubuhay siya.
23 Mayroon ba akong anumang kasiyahan sa kamatayan ng masama? sabi ng Panginoong Diyos; at hindi ba mabuti na siya'y humiwalay sa kanyang lakad at mabuhay?
24 Ngunit kapag ang matuwid ay humiwalay sa kanyang pagiging matuwid at gumawa ng kasamaan, at gumagawa ng gayunding kasuklamsuklam na bagay na ginagawa ng masamang tao, mabubuhay ba siya? Walang aalalahanin sa mga matuwid na gawa na kanyang ginawa; dahil sa kataksilan na kanyang ipinagkasala, at sa kasalanan na kanyang ginawa, siya ay mamamatay.
25 “Gayunma'y inyong sinasabi, ‘Ang daan ng Panginoon ay hindi matuwid.’ Pakinggan mo ngayon, O sambahayan ni Israel: Ang akin bang daan ay hindi matuwid? Hindi ba ang iyong mga lakad ang di matuwid?
26 Kapag ang taong matuwid ay lumayo sa kanyang pagiging matuwid at gumawa ng kasamaan, siya ay mamamatay dahil doon. Dahil sa kasamaan na kanyang nagawa ay mamamatay siya.
27 Muli, kapag ang taong masama ay humihiwalay sa kanyang kasamaan na kanyang nagawa at ginawa kung ano ang tumpak at matuwid, kanyang ililigtas ang kanyang buhay.
28 Sapagkat kanyang isinaalang-alang at lumayo sa lahat niyang pagsuway na kanyang nagawa, siya'y tiyak na mabubuhay, siya'y hindi mamamatay.
29 Gayunma'y sinasabi ng sambahayan ni Israel, ‘Ang daan ng Panginoon ay hindi matuwid.’ O sambahayan ni Israel, ang akin bang mga daan ay hindi matuwid? Hindi ba ang iyong mga lakad ang di matuwid?
30 “Kaya't hahatulan ko kayo, O sambahayan ni Israel, bawat isa'y ayon sa kanyang mga lakad, sabi ng Panginoong Diyos. Kayo'y magsisi, at lumayo kayo sa lahat ninyong pagsuway; sa gayo'y ang kasamaan ay hindi magiging inyong kapahamakan.
31 Inyong iwaksi ang lahat ninyong pagsuway na inyong ginawa laban sa akin, at kayo'y magbagong puso at magbagong diwa! Bakit kayo mamamatay, O sambahayan ni Israel?
32 Sapagkat wala akong kaluguran sa kamatayan ng sinuman, sabi ng Panginoong Diyos. Kaya't magsipagbalik-loob kayo, at mabuhay.”
Pamimighati para sa mga Pinuno ng Israel
19 At ikaw, tumaghoy ka para sa mga pinuno ng Israel,
2 at iyong sabihin:
Parang isang babaing leon ang iyong ina!
Siya'y humiga sa gitna ng mga leon,
na inaalagaan ang kanyang mga anak.
3 Pinalaki niya ang isa sa kanyang mga anak;
siya'y naging isang batang leon,
at natuto siyang manghuli;
siya'y nanlapa ng mga tao.
4 Ang mga bansa ay nagpatunog ng babala laban sa kanya;
siya'y dinala sa kanilang hukay;
at dinala nila siyang nakakawit
sa lupain ng Ehipto.
5 Nang makita niya na siya'y naghintay,
at ang kanyang pag-asa ay nawala,
kumuha siya ng isa pa sa kanyang mga anak,
at ginawa siyang batang leon.
6 Siya'y nagpagala-galang kasama ng mga leon;
siya'y naging batang leon,
at siya'y natutong manghuli, at nanlapa ng mga tao.
7 At giniba niya ang kanilang mga tanggulan,
at sinira ang kanilang mga lunsod;
at ang lupain ay natakot, at ang lahat na naroon,
sa ugong ng kanyang ungal.
8 Nang magkagayo'y naglagay ang mga bansa
ng mga bitag laban sa kanya sa bawat dako;
inilatag nila ang kanilang lambat laban sa kanya;
dinala siya sa kanilang hukay.
9 Inilagay nila siya sa isang kulungan na may kawit,
at dinala nila siya sa hari ng Babilonia;
at dinala nila siya sa pamamagitan ng lambat,
upang ang kanyang tinig ay huwag nang marinig
sa mga bundok ng Israel.
10 Ang iyong ina ay parang ubas sa iyong ubasan
na itinanim sa tabi ng tubig,
siya'y mabunga at punô ng mga sanga,
dahil sa maraming tubig.
11 Ang kanyang pinakamatibay na sanga
ay naging setro ng namumuno;
ito ay tumaas na tunay
sa makapal na sanga;
ito'y namasdan sa kataasan
sa karamihan ng kanilang mga sanga.
12 Ngunit ang puno ng ubas ay binunot dahil sa poot,
inihagis sa lupa;
tinuyo ito ng hanging mula sa silangan;
at inalis ang bunga nito,
ang kanyang matitibay na sanga ay nabali,
at tinupok ng apoy.
13 Ngayo'y inilipat ito ng taniman sa ilang,
sa isang tuyo at uhaw na lupain.
14 At lumabas ang apoy sa mga sanga nito,
at tinupok ang kanyang mga sanga at bunga,
kaya't doo'y walang naiwang matibay na sanga,
walang setro para sa isang pinuno.
Ito ay panaghoy, at naging panaghoy.
Ang Panlupa at ang Panlangit na mga Santuwaryo
9 Ngayon, maging ang unang tipan ay nagkaroon ng mga alituntunin sa pagsamba at ng isang panlupang santuwaryo.
2 Sapagkat(A) inihanda ang unang tabernakulo na kinaroroonan ng ilawan, dulang, at ng mga tinapay na handog; ito ay tinatawag na Dakong Banal.
3 Sa(B) likod ng ikalawang tabing ay ang tabernakulo na tinatawag na Dakong Kabanal-banalan.
4 Dito(C) ay nakatayo ang isang gintong dambana ng insenso at ang kaban ng tipan na ang paligid ay nababalutan ng ginto, na siyang kinaroroonan ng sisidlang-ginto na kinalalagyan ng manna at ng tungkod ni Aaron na namulaklak, at ang mga tapyas na bato ng tipan.
5 Sa(D) ibabaw nito ay ang mga kerubin ng kaluwalhatian na lumililim sa trono ng awa. Ang mga bagay na ito ay hindi namin masasabi ngayon ng isa-isa.
6 Pagkatapos(E) magawa ang ganitong pagkahanda, ang mga pari ay patuloy na pumapasok sa unang tabernakulo upang gawin ang kanilang katungkulan sa paglilingkod;
7 subalit(F) sa ikalawa ay nag-iisang pumapasok ang pinakapunong pari, minsan sa isang taon, na may dalang dugo bilang handog niya para sa kanyang sarili at sa mga kasalanang nagawa nang di sinasadya ng taong-bayan.
8 Sa pamamagitan nito, itinuturo ng Espiritu Santo na hindi pa naihahayag ang daan patungo sa santuwaryo, habang nakatayo pa ang unang tabernakulo.
9 Iyon ay isang sagisag[a] ng panahong kasalukuyan, na sa panahong yaon ang mga kaloob at ang mga alay na inihahandog ay hindi makapagpapasakdal sa budhi ng sumasamba,
10 kundi tungkol lamang sa mga pagkain at mga inumin at iba't ibang paghuhugas, na mga alituntunin tungkol sa katawan na ipinatutupad hanggang sa ang panahon ay dumating upang maisaayos ang mga bagay.
32 Kanilang(A) ginalit siya sa tubig ng Meriba,
at ito'y naging masama kay Moises dahil sa kanila;
33 sapagkat sila'y mapanghimagsik laban sa kanyang diwa,
at siya'y nagsalitang padalus-dalos sa kanyang mga labi.
34 Ang(B) mga bayan ay hindi nila nilipol,
gaya ng iniutos sa kanila ng Panginoon;
35 kundi nakihalo sila sa mga bansa,
at natuto ng kanilang mga gawa.
36 Sila'y naglingkod sa mga diyus-diyosan nila,
na naging bitag sa kanila.
37 Kanilang(C) inialay ang kanilang mga anak na lalaki
at ang mga anak na babae sa mga demonyo,
38 nagbuhos(D) sila ng walang salang dugo,
ang dugo ng kanilang mga anak na lalaki at mga anak na babae,
na kanilang inialay sa diyus-diyosan ng Canaan;
at ang lupain sa dugo ay nadumihan.
39 Gayon sila naging karumaldumal sa pamamagitan ng kanilang mga gawa,
at naging upahang babae sa kanilang mga gawa.
40 Kaya't(E) nag-alab ang galit ng Panginoon laban sa kanyang bayan,
at ang kanyang pamana ay kanyang kinasuklaman,
41 sa kamay ng mga bansa ay ibinigay niya sila,
kaya't pinamunuan sila ng mga napopoot sa kanila.
42 Pinagmalupitan sila ng kanilang mga kalaban,
at sila'y ipinaalipin sa ilalim ng kanilang kapangyarihan.
43 Iniligtas niya sila nang maraming ulit,
ngunit sa kanilang mga payo sila'y mapanghimagsik,
at sila'y ibinaba dahil sa kanilang kasamaan.
44 Gayunma'y pinahalagahan niya ang kanilang pagtitiis,
nang kanyang marinig ang kanilang pagdaing.
45 Kanyang naalala alang-alang sa kanila ang kanyang tipan,
at siya'y nagsisi ayon sa kasaganaan ng kanyang tapat na pagmamahal.
46 Ginawa niyang sila'y kaawaan
sa harap ng lahat ng bumihag sa kanila.
47 O(F) Panginoon naming Diyos, kami ay iligtas mo,
at mula sa mga bansa kami ay tipunin mo,
upang kami'y makapagpasalamat sa iyong banal na pangalan,
at lumuwalhati sa iyong kapurihan.
48 Purihin ang Panginoon, ang Diyos ng Israel,
mula sa walang hanggan hanggang sa walang hanggan!
At sabihin ng buong bayan, “Amen.”
Purihin ang Panginoon!
10 Ang iyong kaibigan at ang kaibigan ng iyong ama, ay huwag mong pabayaan;
at huwag kang pumaroon sa bahay ng iyong kapatid sa araw ng iyong kasawian.
Mas mabuti pa ang malapit na kapitbahay,
kaysa isang kapatid na malayo naman.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001