The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.
Ang Patyo sa Loob: Ang Tarangkahan sa Timog
28 Dinala niya ako sa pinakaloob na bulwagan sa tabi ng pintuan sa timog, at kanyang sinukat ang pintuan sa timog; ang sukat nito ay gaya ng iba.
29 Ang mga silid ng bantay, ang mga haligi at ang bulwagan ay kasukat ng iba. May mga bintana sa palibot niyon at sa bulwagan. Ang haba nito ay may limampung siko at dalawampu't limang siko ang luwang.
30 May mga bulwagan sa palibot, na dalawampu't limang siko ang haba at limang siko ang luwang.
31 Ang mga bulwagan niyon ay nakaharap sa panlabas na patyo at may mga puno ng palma sa mga haligi niyon, at ang hagdan nito ay may walong baytang.
Ang Patyo sa Loob: Ang Tarangkahan sa Silangan
32 Dinala niya ako sa panloob na patyo sa dakong silangan, at sinukat niya ang pintuan—iyon ay kagaya ng sukat ng iba.
33 Ang mga silid ng bantay, ang mga haligi niyon, at ang mga bulwagan niyon ay kagaya ng sukat ng iba; at may mga bintana sa palibot at sa mga bulwagan niyon. Limampung siko ang haba at dalawampu't limang siko ang luwang niyon.
34 Ang mga bulwagan ay nakaharap sa panlabas na patyo at may mga puno ng palma sa mga haligi niyon, isa sa bawat panig. Ang hagdan nito ay may walong baytang.
Ang Patyo sa Loob: Ang Tarangkahan sa Hilaga
35 At dinala niya ako sa pintuang-daan sa hilaga, at sinukat niya iyon. Ang sukat nito ay gaya rin ng sa iba.
36 Ang mga silid ng bantay nito, ang mga haligi niyon at mga bulwagan niyon ay may sukat na gaya rin ng iba at may mga bintana sa palibot. Ang haba nito ay limampung siko at ang luwang ay dalawampu't limang siko.
37 Ang mga bulwagan niyon ay nakaharap sa panlabas na patyo at may mga puno ng palma sa mga haligi niyon, isa sa bawat panig. Ang hagdan nito ay may walong baytang.
Ang mga Gusali sa Tabi ng Tarangkahan sa Hilaga
38 May isang silid na ang pintuan ay nasa bulwagan ng pintuan, na doon huhugasan ang handog na sinusunog.
39 Sa bulwagan ng pintuan ay may dalawang mesa sa magkabilang panig, na doon kakatayin ang handog na sinusunog at ang handog pangkasalanan at ang handog para sa budhing nagkasala.
40 Sa labas ng bulwagan sa pasukan ng pintuan sa dakong hilaga ay may dalawang mesa; at sa kabilang dako ng bulwagan ng pintuan ay may dalawang mesa.
41 Apat na mesa ang nasa magkabilang dako sa tabi ng pintuan; o walong mesa ang kanilang pinagkakatayan ng mga handog.
42 Mayroon ding apat na mesa na batong tinabas para sa handog na sinusunog, na isang siko at kalahati ang haba, at isang siko at kalahati ang luwang, at isang siko ang taas; na kanilang pinaglagyan ng mga kasangkapan na kanilang ginagamit sa pagkatay sa handog na sinusunog at sa mga alay.
43 Ang mga kawit na isang lapad ng kamay ang haba ang nakakabit sa loob sa palibot. At sa ibabaw ng mga mesa ay ilalagay ang laman ng handog.
44 Dinala niya ako mula sa labas patungo sa panloob na patyo. May dalawang silid sa panloob na patyo. Ang isa ay nasa tabi ng pintuang nakaharap sa timog at ang isa ay sa tabi ng pintuan sa silangan na nakaharap sa hilaga.
45 Kanyang sinabi sa akin, Ang silid na ito na nakaharap sa timog ay sa mga pari na namamahala sa templo,
46 ang silid na nakaharap sa hilaga ay para sa mga pari na namamahala sa dambana. Ang mga ito ay mga anak ni Zadok, na sa mga anak ni Levi ay sila lamang ang makakalapit sa Panginoon upang maglingkod sa kanya.
47 Sinukat niya ang bulwagan; ito'y isandaang siko ang haba, at isandaang siko ang luwang, parisukat; at ang dambana ay nasa harapan ng templo.
Ang Bulwagan sa Loob at ang Bahay
48 Nang magkagayo'y dinala niya ako sa bulwagan ng bahay at sinukat niya ang haligi ng bulwagan. Ito'y limang siko sa magkabilang panig. Ang luwang ng pintuan ay labing-apat na siko. Ang tagilirang pader ng pintuan ay tatlong siko sa magkabilang panig.
49 Ang haba ng bulwagan ay dalawampung siko, at ang luwang ay labing-isang siko, at ang hagdanan ay paakyat dito. Mayroon ding mga tukod sa tabi ng mga haligi sa magkabilang panig.
Ang Sukat ng Templo
41 At dinala niya ako sa templo at sinukat ang mga haligi. Anim na siko ang luwang ng haligi sa magkabilang panig.
2 Ang luwang ng pasukan ay sampung siko; at ang mga pader sa tagiliran ng pasukan ay limang siko sa magkabilang panig. Sinukat niya ang haba ng templo at iyon ay apatnapung siko, at ang luwang nito ay dalawampung siko.
3 Nang magkagayo'y pumasok siya sa loob, at sinukat ang mga haligi sa pasukan, na ito'y dalawang siko. Ang pasukan ay anim na siko at ang luwang ng pasukan ay pitong siko.
4 At sinukat niya ang haba ng silid, dalawampung siko at ang luwang ay dalawampung siko sa harapan ng templo. At sinabi niya sa akin, “Ito ang dakong kabanal-banalan.”
Ang mga Silid na Nakadikit sa Pader
5 Nang magkagayo'y sinukat niya ang pader ng bahay, anim na siko ang kapal; at ang luwang ng bawat tagilirang silid, apat na siko, sa palibot ng templo.
6 At ang mga tagilirang silid ay tatlong palapag, patung-patong at tatlumpu sa bawat palapag. Mayroong mga suhay sa palibot ng pader ng bahay upang magsilbing haligi para sa mga tagilirang-silid, upang ang mga ito ay hindi pabigat sa pader ng bahay.
7 At ang mga tagilirang silid ay papaluwang habang paitaas nang paitaas kagaya ng paglaki ng mga suhay sa bawat palapag sa palibot ng templo. Sapagkat ang paligid ng bahay ay pataas nang pataas, kaya't ang daan mula sa pinakamababang palapag hanggang sa pinakamataas na palapag sa pamamagitan ng gitnang palapag.
8 Nakita ko rin na ang bahay ay may nakatayong plataporma sa palibot. Ang mga pundasyon ng mga tagilirang silid ay mayroong sukat na isang buong tambo na anim na siko ang haba.
9 Ang kapal ng panlabas na pader ng mga tagilirang silid ay limang siko, at ang bahaging bukas ng plataporma ay limang siko. Sa pagitan ng plataporma ng bahay
10 at ng mga silid ng patyo ay dalawampung siko sa palibot ng bahay sa bawat panig.
11 Ang mga pintuan ng mga tagilirang silid ay bukas sa bahagi ng plataporma na iniwang nakabukas—isang pintuan sa hilaga at isang pintuan sa timog. Ang luwang ng naiwang bukas ay limang siko sa palibot.
Ang Gusali sa Gawing Kanluran
12 Ang gusaling nakaharap sa bakuran ng bahay sa bahaging kanluran ay pitumpung siko ang luwang; at ang pader ng gusali ay limang siko ang kapal sa palibot, at ang haba niyon ay siyamnapung siko.
Ang Kabuuang Sukat ng Bahay
13 Pagkatapos ay sinukat niya ang bahay, isandaang siko ang haba; ang bakuran, ang bahay at ang pader niyon, isandaang siko ang haba;
14 gayundin ang luwang ng silangang harapan ng bahay at ang bakuran, isandaang siko.
Ang Bahay
15 At sinukat niya ang haba ng gusali sa harapan ng bakuran na nasa likuran niyon, at ang mga galeria niyon sa magkabilang dako, isandaang siko; at ang looban ng templo at ang mga bulwagan ng looban.
16 Ang mga pasukan at ang mga nasasarang bintana at ang mga galeria sa palibot sa tatlong palapag, ang katapat na pasukan ay napapaligiran ng tabla sa palibot, mula sa sahig hanggang sa mga bintana (natatakpan ang mga bintana),
17 sa pagitan ng itaas ng pintuan, hanggang sa pinakaloob ng bahay, at sa labas. At sa lahat ng pader sa palibot sa loob at sa labas ay sinukat.
18 Ito ay niyari ng may nakaukit na mga kerubin at mga puno ng palma, isang puno ng palma sa pagitan ng mga kerubin. Bawat kerubin ay may dalawang mukha:
19 ang mukha ng isang tao na nakaharap sa puno ng palma sa isang panig, at mukha ng batang leon na nakaharap sa puno ng palma sa kabilang panig. Ang mga ito ay nakaukit sa palibot ng buong bahay.
20 Mula sa sahig hanggang sa itaas ng pintuan ay may nakaukit na mga kerubin at mga puno ng palma, gayon din sa pader ng templo.
Ang Dambanang Kahoy
21 Ang mga haligi ng pintuan ng patyo ay parisukat; at sa harapan ng banal na dako ang anyo ng isang haligi ay kagaya ng iba.
22 Ang dambana ay kahoy, tatlong siko ang taas, at ang haba ay dalawang siko, at dalawang siko ang luwang. Ang mga sulok niyon, ang patungan at mga tagiliran ay kahoy. Sinabi niya sa akin, “Ito ang mesa na nasa harapan ng Panginoon.”
Ang mga Pinto
23 Ang bulwagan at ang banal na dako ay may tigdalawang pintuan.
24 Ang mga pintuan ay may tigdadalawang pinto, dalawang tiklop na pinto para sa bawat pintuan.
25 Sa mga pintuan ng patyo ay nakaukit ang mga kerubin at mga puno ng palma, gaya ng nakaukit sa mga pader; at may pasukan na kahoy sa harapan ng bulwagan sa labas.
26 May panloob na bintana at mga puno ng palma sa magkabilang panig, sa tagilirang pader ng bulwagan; ganito ang mga tagilirang silid ng bahay at mga pasukan.
Pakikipagkaibigan sa Sanlibutan
4 Saan nagmumula ang mga digmaan at saan nagmumula ang mga pag-aaway sa inyo? Hindi ba mula sa inyong mga kalayawan na nakikipaglaban sa inyong mga sangkap?
2 Kayo'y naghahangad, at kayo'y wala; kayo'y pumapatay at kayo'y nag-iimbot at kayo'y hindi nagkakamit. Kayo'y nag-aaway at nagdidigmaan. Kayo'y wala, sapagkat hindi kayo humihingi.
3 Kayo'y humihingi, at hindi tumatanggap, sapagkat humihingi kayo sa masamang dahilan, upang gugulin ninyo ito sa inyong mga kalayawan.
4 Mga(A) mangangalunya! Hindi ba ninyo nalalaman na ang pakikipagkaibigan sa sanlibutan ay pakikipag-away sa Diyos? Kaya't sinumang nagnanais na maging kaibigan ng sanlibutan ay nagiging kaaway ng Diyos.
5 O iniisip ba ninyo na walang kabuluhan ang sinasabi ng kasulatan na, “Ang espiritu na pinatira niya sa atin ay nagnanasa na may paninibugho?”
6 Ngunit siya'y nagbibigay ng higit pang biyaya. Kaya't sinasabi, “Ang Diyos ay sumasalungat sa mga mapagmataas, subalit nagbibigay ng biyaya sa mga mapagpakumbaba.”
7 Kaya't pasakop kayo sa Diyos, labanan ninyo ang diyablo, at siya ay lalayo sa inyo.
8 Lumapit kayo sa Diyos, at siya'y lalapit sa inyo. Maglinis kayo ng inyong mga kamay, mga makasalanan, at pabanalin ninyo ang inyong mga puso, kayong mga may dalawang pag-iisip.
9 Kayo'y managhoy, magluksa, at umiyak. Palitan ninyo ang inyong pagtawa ng pagluluksa, at ang inyong kagalakan ng kalungkutan.
10 Magpakumbaba kayo sa harapan ng Panginoon, at kanyang itataas kayo.
Babala Laban sa Paghatol
11 Mga kapatid, huwag kayong magsalita ng masama laban sa isa't isa. Ang nagsasalita laban sa kapatid, o humahatol sa kanyang kapatid ay nagsasalita ng masama laban sa kautusan, at humahatol sa kautusan. Ngunit kung ikaw ay humahatol sa kautusan, hindi ka na tagatupad ng kautusan, kundi isang hukom.
12 Iisa ang tagapagbigay ng kautusan at hukom, siya na may kapangyarihang magligtas at pumuksa. Kaya, sino ka na humahatol sa iyong kapwa?
Babala Laban sa Kapalaluan
13 Halikayo(B) ngayon, kayong nagsasabi, “Ngayon o bukas ay pupunta kami sa ganito o sa ganoong bayan, at kami ay mangangalakal doon ng isang taon at kikita.”
14 Gayunman ay hindi ninyo nalalaman kung ano ang magaganap bukas. Ano ba ang inyong buhay? Kayo nga'y isang singaw na sa sandaling panahon ay lumilitaw, at pagkatapos ay naglalaho.
15 Sa halip ay dapat ninyong sabihin, “Kung loloobin ng Panginoon kami ay mabubuhay at gagawin namin ito o iyon.”
16 Subalit ngayon ay nagmamalaki kayo sa inyong mga kayabangan. Ang lahat ng gayong pagmamalaki ay masama.
17 Kaya't ang sinumang nakakaalam ng paggawa ng mabuti ngunit hindi ito ginagawa, ito ay kasalanan sa kanya.
19 Buksan ninyo sa akin ang mga pintuan ng katuwiran;
upang ako'y makapasok doon
at makapagpasalamat sa Panginoon.
20 Ito ang pintuan ng Panginoon;
ang matuwid ay papasok doon.
21 Ako'y magpapasalamat sa iyo sapagkat sinagot mo ako
at ikaw ay naging kaligtasan ko.
22 Ang(A) (B) batong itinakuwil ng mga nagtayo,
ay naging panulok na bato.
23 Ito ang gawa ng Panginoon;
ito ay kagila-gilalas sa ating mga mata.
24 Ito ang araw na ang Panginoon ang gumawa,
tayo'y magalak at matuwa.
25 O(C) Panginoon, ipinapakiusap namin sa iyo, ikaw ay magligtas!
O Panginoon, ipinapakiusap namin sa iyo, magsugo ka ng kaginhawahan.
26 Mapalad(D) siya na dumarating sa pangalan ng Panginoon!
Pinupuri ka namin mula sa bahay ng Panginoon.
27 Ang Panginoon ay Diyos, at binigyan niya kami ng liwanag!
Talian ninyo ang hain ng mga panali,
sa mga sungay ng dambana.
28 Ikaw ay aking Diyos, at ako'y magpapasalamat sa iyo;
ikaw ay aking Diyos, ikaw ay pupurihin ko.
29 O magpasalamat kayo sa Panginoon, sapagkat siya'y mabuti,
sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay nananatili magpakailanman!
3 Ang dukha na umaapi sa dukha,
ay bugso ng ulan na walang pagkaing iniiwan.
4 Silang nagpapabaya sa kautusan ay nagpupuri sa masama;
ngunit ang nag-iingat ng kautusan ay nakipaglaban sa kanila.
5 Ang masasamang tao ay hindi nakakaunawa ng katarungan,
ngunit silang nagsisihanap sa Panginoon ay nakakaunawa nito nang lubusan.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001