Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Ezekiel 47-48

Ang Batis mula sa Templo

47 Ibinalik(A) niya ako sa pintuan ng bahay, at narito, ang tubig ay lumalabas sa ilalim ng pasukan ng bahay sa dakong silangan (sapagkat ang bahay ay nakaharap sa silangan); at ang tubig ay umaagos mula sa ilalim ng dakong kanan ng bahay, mula sa timog ng dambana.

Nang magkagayo'y inilabas niya ako sa daan ng pintuan sa hilaga at inilibot niya ako sa palibot ng pintuan sa labas sa daan ng pintuan na nakaharap sa silangan; at narito, lumalabas ang tubig sa dakong timog.

Nang ang lalaki ay lumabas sa dakong silangan na may pising panukat sa kanyang kamay, siya'y sumukat ng isang libong siko, at pinaraan niya ako sa tubig. Ang lalim ay hanggang bukung-bukong.

Muling sumukat siya ng isang libo, at dinala niya ako sa tubig, at ang lalim nito ay hanggang tuhod. Muli siyang sumukat ng isang libo, at dinala niya ako sa tubig, at ito ay hanggang sa mga balakang.

Muli siyang sumukat ng isang libo, at ito ay isang ilog na hindi ko madaanan sapagkat ang tubig ay tumaas na. Sapat ang lalim nito upang languyan, ilog na hindi madadaanan.

At sinabi niya sa akin, “Anak ng tao, nakita mo na ba ito?” Nang magkagayo'y dinala niya akong pabalik sa pampang ng ilog.

Sa aking pagbalik, narito sa pampang ng ilog ang napakaraming punungkahoy sa magkabilang panig.

At sinabi niya sa akin, “Ang tubig na ito ay umaagos sa dakong silangang lupain, at bababa sa Araba. At sila'y aagos patungo sa dagat, na ginawang paagusin sa dagat, ang tubig ng dagat ay magiging sariwa.

At mangyayari na bawat nilalang na may buhay na dumarami ay mabubuhay saanmang dako umagos ang tubig. At magkakaroon ng napakaraming isda; sapagkat ang tubig na ito ay darating doon, ang tubig ng dagat ay magiging tabang; kaya't lahat ay mabubuhay saanman dumating ang ilog.

10 Ang mga mangingisda ay tatayo sa tabi nito. Mula sa En-gedi hanggang sa En-eglaim ay magiging dakong bilaran ng mga lambat. Ang mga isda ng mga iyon ay magiging napakaraming uri, gaya ng isda ng Malaking Dagat, na napakarami.

11 Ngunit ang kanyang mga dakong maburak at mga lumbak ay hindi magiging tabang; ang mga ito ay maiiwan upang maging asinan.

12 At(B) sa mga pampang ng ilog sa isang dako at sa kabila, ay tutubo roon ang lahat ng uri ng punungkahoy bilang pagkain. Ang kanilang mga dahon ay hindi matutuyo, ni mawawalan man ng kanilang bunga, kundi magbubunga ng sariwa buwan-buwan, sapagkat ang tubig para sa kanila ay umaagos mula sa santuwaryo. Ang kanilang bunga ay magiging pagkain at ang kanilang dahon ay pampagaling.”

Ang mga Hangganan

13 Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: “Ito ang magiging hangganan na inyong pagbabahagihan ng lupain na pinakamana ayon sa labindalawang lipi ng Israel. Ang Jose ay magkakaroon ng dalawang bahagi.

14 At inyong hahatiin ito bilang mana, ang bawat isa ay katulad ng iba; sapagkat aking ipinangakong ibibigay ito sa inyong mga ninuno, at ang lupaing ito ay ibibigay sa inyo bilang inyong pamana.

15 “Ito ang magiging hangganan ng lupain: Sa dakong hilaga, mula sa Malaking Dagat, sa daang Hetlon, hanggang sa pasukan ng Zedad,

16 Hamat, Berotha, Sibrahim, na nasa pagitan ng hangganan ng Damasco at hangganan ng Hamat hanggang sa Haser-hatticon, na nasa tabi ng hangganan ng Hauran.

17 Kaya't ang hangganan ay mula sa dagat hanggang sa Hazar-enon, na nasa hilagang hangganan ng Damasco, na ang hangganan ay ang Hamat sa hilaga. Ito ang dakong hilaga.

18 “Sa dakong silangan, ang hangganan ay mula sa Hazar-enon sa pagitan ng Hauran at ng Damasco, katapat ng Jordan sa pagitan ng Gilead at lupain ng Israel; sa silangang dagat hanggang sa Tamar. Ito ang dakong silangan.

19 “Sa dakong timog ay magiging mula sa Tamar hanggang sa tubig ng Meribat-cades, sa batis ng Ehipto, hanggang sa Malaking Dagat. Ito ang timugang dako.

20 “Sa dakong kanluran, ang Malaking Dagat ang magiging hangganan sa isang lugar sa tapat ng pasukan sa Hamat. Ito ang dakong kanluran.

21 “Gayon ninyo hahatiin ang lupaing ito sa inyo ayon sa mga lipi ng Israel.

22 Inyong hahatiin sa pamamagitan ng palabunutan bilang mana sa inyo at sa mga dayuhan na naninirahang kasama ninyo at magkakaanak sa gitna ninyo. Sila'y magiging sa inyo'y gaya ng katutubong ipinanganak sa gitna ng mga anak ni Israel. Sila'y magkakaroon ng mana na kasama ninyo sa gitna ng mga lipi ng Israel.

23 Saanmang lipi manirahan ang dayuhan, doon ninyo bibigyan siya ng mana, sabi ng Panginoong Diyos.

Ang Paghahati ng Lupain

48 “Ang mga ito ang mga pangalan ng mga lipi: Mula sa dulong hilaga, sa tabi ng daan ng Hetlon hanggang sa pasukan sa Hamat, hanggang sa Hazar-enon, (na nasa hilagang hangganan ng Damasco sa ibabaw ng Hamat) at patuloy hanggang sa dakong silangan hanggang sa kanluran, ang Dan, isang bahagi.

Sa tabi ng nasasakupan ng Dan, mula sa dakong silangan hanggang sa dakong kanluran, ang Aser, isang bahagi.

Sa tabi ng nasasakupan ng Aser, mula sa dakong silangan hanggang sa dakong kanluran, ang Neftali, isang bahagi.

Sa tabi ng nasasakupan ng Neftali, mula sa dakong silangan hanggang sa dakong kanluran, ang Manases, isang bahagi.

Sa tabi ng nasasakupan ng Manases, mula sa dakong silangan hanggang sa dakong kanluran, ang Efraim, isang bahagi.

Sa tabi ng nasasakupan ng Efraim, mula sa dakong silangan hanggang sa dakong kanluran, ang Ruben, isang bahagi.

Sa tabi ng nasasakupan ng Ruben, mula sa dakong silangan hanggang sa dakong kanluran, ang Juda, isang bahagi.

Ang Bahagi ng mga Pari

“Sa tabi ng nasasakupan ng Juda, mula sa dakong silangan hanggang sa kanluran, ay ang bahagi na inyong ibubukod, dalawampu't limang libong siko ang luwang, at ang haba ay gaya ng isa sa mga bahagi ng lipi, mula sa dakong silangan hanggang sa kanluran; at ang santuwaryo ay malalagay sa gitna niyon.

Ang bahagi na inyong ibubukod sa Panginoon ay magiging dalawampu't limang libong siko ang haba, at sampung libo ang luwang.

10 Ang mga ito ang para sa banal na bahagi: ang mga pari ang magkakaroon ng bahagi na ang sukat ay dalawampu't limang libong siko sa hilagang bahagi. Sa dakong kanluran ay sampung libo ang luwang, sa dakong silangan ay sampung libo ang luwang, sa dakong timog ay dalawampu't limang libo ang haba, at ang santuwaryo ng Panginoon ay malalagay sa gitna niyon.

11 Ito'y para sa mga itinalagang pari na mga anak ni Zadok, na gumaganap ng aking bilin at hindi nagpakaligaw nang maligaw ang mga anak ni Israel, gaya ng ginawa ng mga Levita.

12 Ito'y magiging kanila bilang tanging bahagi mula sa banal na bahagi ng lupain, kabanal-banalang lugar, sa tabi ng nasasakupan ng mga Levita.

Ang Bahagi ng mga Levita

13 Sa tabi ng nasasakupan ng mga pari, ang mga Levita ay magkakaroon ng dalawampu't limang libong siko ang haba, at sampung libo ang luwang. Ang buong haba ay magiging dalawampu't limang libo, at ang luwang ay sampung libo.

14 Hindi nila ipagbibili, o ipagpapalit ang alinman doon. Hindi nila isasalin o ipagkakaloob sa iba man ang mga piling bahaging ito ng lupain, sapagkat ito'y banal sa Panginoon.

Ang Bahagi para sa Lahat

15 “Ang naiwan, limang libong siko ang luwang at dalawampu't limang libo ang haba, ay para sa karaniwang gamit para sa lunsod, upang tirahan at para sa bukas na lupain. Ang lunsod ay malalagay sa gitna niyon.

16 Ang mga ito ang magiging mga sukat niyon: sa dakong hilaga ay apat na libo at limang daang siko, sa dakong timog ay apat na libo at limang daan, sa dakong silangan ay apat na libo at limang daang siko, at sa dakong kanluran ay apat na libo at limang daan.

17 Ang lunsod ay magkakaroon ng bukas na lupain: sa dakong hilaga ay dalawandaan at limampung siko, sa dakong timog ay dalawandaan at limampu, sa dakong silangan ay dalawandaan at limampu, at sa dakong kanluran ay dalawandaan at limampu.

18 Ang nalabi sa kahabaan sa tabi ng banal na bahagi ay magiging sampung libong siko sa dakong silangan at sampung libo sa dakong kanluran; at ito'y magiging katabi ng banal na bahagi. Ang bunga niyon ay magiging pagkain para sa mga manggagawa ng lunsod.

19 At ang mga manggagawa ng lunsod mula sa lahat ng mga lipi ng Israel ang magbubungkal noon.

20 Ang buong bahagi na inyong ibubukod ay magiging dalawampu't limang libong sikong parisukat, ito ay ang banal na bahagi pati ang pag-aari ng lunsod.

Ang Bahagi ng mga Pinuno

21 “Ang nalabi sa magkabilang panig ng banal na bahagi at sa pag-aari ng lunsod ay magiging sa pinuno. Mula sa dalawampu't limang libong siko ng banal na bahagi hanggang sa silangang hangganan, at pakanluran mula sa dalawampu't limang libong siko sa kanlurang hangganan, katapat ng bahagi ng mga angkan, ay magiging para sa mga pinuno. Ang banal na bahagi at ang santuwaryo ng templo ay malalagay sa gitna niyon.

22 Ang pag-aari ng mga Levita at ng lunsod ay malalagay sa gitna ng pag-aari ng pinuno. Ang bahagi ng pinuno ay malalagay sa pagitan ng nasasakupan ng Juda at ng Benjamin.

Ang Bahagi ng Limang Lipi

23 “At tungkol sa nalabi sa mga lipi: mula sa dakong silangan hanggang sa dakong kanluran, ang Benjamin, isang bahagi.

24 Sa tabi ng nasasakupan ng Benjamin, mula sa dakong silangan hanggang sa dakong kanluran, ang Simeon, isang bahagi.

25 Sa tabi ng nasasakupan ng Simeon, mula sa dakong silangan hanggang sa dakong kanluran, ang Isacar, isang bahagi.

26 Sa tabi ng nasasakupan ng Isacar, mula sa dakong silangan hanggang sa dakong kanluran, ang Zebulon, isang bahagi.

27 Sa tabi ng nasasakupan ng Zebulon, mula sa dakong silangan hanggang sa dakong kanluran, ang Gad, isang bahagi.

28 Sa tabi ng nasasakupan ng Gad sa dakong timog, ang hangganan ay magiging mula sa Tamar hanggang sa tubig ng Meribat-cades sa batis ng Ehipto, hanggang sa Malaking Dagat.

29 Ito ang lupain na inyong paghahatian sa pamamagitan ng palabunutan sa mga lipi ng Israel bilang mana, at ang mga ito ang kanilang mga iba't ibang bahagi, sabi ng Panginoong Diyos.

Ang mga Pintuan ng Jerusalem

30 “Ang(C) mga ito ang mga labasan sa lunsod: Sa dakong hilaga ay apat na libo at limang daang siko sa sukat,

31 tatlong mga pintuan: ang pintuan ng Ruben, ang pintuan ng Juda, at ang pintuan ng Levi, ang mga pintuan ng lunsod ay magiging ayon sa mga pangalan ng mga lipi ng Israel.

32 Sa dakong silangan na apat na libo at limang daang siko ay tatlong pintuan: ang pintuan ng Jose, ang pintuan ng Benjamin, at ang pintuan ng Dan.

33 Sa dakong timog na apat na libo at limang daang siko sa sukat ay tatlong pintuan: ang pintuan ng Simeon, ang pintuan ng Isacar, at ang pintuan ng Zebulon.

34 Sa dakong kanluran na apat na libo at limang daang siko ay tatlong pintuan: ang pintuan ng Gad, ang pintuan ng Aser, at ang pintuan ng Neftali.

35 Ang sukat sa palibot ng lunsod ay labingwalong libong siko. At ang magiging pangalan ng lunsod mula sa araw na yaon ay, Ang Panginoon ay naroroon.”

1 Pedro 2:11-3:7

Mamuhay Bilang mga Lingkod ng Diyos

11 Mga minamahal, ipinapakiusap ko sa inyo bilang mga dayuhan at ipinatapon, na kayo'y umiwas sa mga pagnanasa ng laman na nakikipaglaban sa kaluluwa.

12 Maging marangal ang inyong pag-uugali sa gitna ng mga Hentil upang kung magsalita sila laban sa inyo na parang kayo'y gumagawa ng kasamaan, ay makita nila ang inyong mabubuting gawa at luwalhatiin nila ang Diyos sa araw ng pagdalaw.

13 Pasakop kayo sa bawat pamahalaan ng tao alang-alang sa Panginoon, maging sa hari, na kataas-taasan,

14 o sa mga gobernador na sinugo niya upang parusahan ang mga gumagawa ng masama at parangalan ang mga gumagawa ng mabuti.

15 Sapagkat gayon ang kalooban ng Diyos na dahil sa paggawa ng mabuti ay inyong mapatahimik ang kamangmangan ng mga taong hangal.

16 Mamuhay kayo nang tulad sa taong malalaya, ngunit huwag ninyong gamitin ang kalayaan bilang balabal ng kasamaan, kundi bilang mga alipin ng Diyos.

17 Igalang ninyo ang lahat ng mga tao. Ibigin ninyo ang kapatiran. Matakot kayo sa Diyos. Igalang ninyo ang hari.

Ang Halimbawa ng Paghihirap ni Cristo

18 Mga alipin, magpasakop kayo nang may buong paggalang sa inyong mga amo; hindi lamang sa mabubuti at mahihinahon, kundi gayundin sa mababagsik.

19 Sapagkat ito'y kapuri-puri, kung dahil sa pagkakilala sa Diyos ay nagtiis ang sinuman ng sakit habang nagdurusa nang hindi nararapat.

20 Sapagkat anong pakinabang nga, na kapag kayo'y nagkakasala at hinahampas dahil dito, ay inyong tinatanggap na may pagtitiis? Ngunit kung kayo'y gumagawa ng mabuti at kayo'y nagdurusa dahil dito at inyong tinatanggap na may pagtitiis, ito'y kalugud-lugod sa Diyos.

21 Sapagkat ukol dito kayo'y tinawag, sapagkat si Cristo man ay nagdusa alang-alang sa inyo, na kayo'y iniwanan ng halimbawa, upang sumunod kayo sa kanyang mga yapak.

22 “Siya'y(A) hindi nagkasala, at walang natagpuang pandaraya sa kanyang bibig.”

23 Nang(B) siya'y alipustain, hindi siya gumanti; nang siya'y magdusa, hindi siya nagbanta, kundi ipinagkatiwala ang kanyang sarili doon sa humahatol na may katarungan.

24 Siya(C) mismo ang nagdala ng ating mga kasalanan sa kanyang katawan sa punungkahoy, upang tayo'y mamatay sa mga kasalanan at mabuhay sa katuwiran; dahil sa kanyang mga sugat ay gumaling kayo.

25 Sapagkat kayo'y tulad sa mga tupang naliligaw, ngunit ngayon ay bumalik na kayo sa Pastol at Tagapag-alaga ng inyong mga kaluluwa.

Dalisay na Pamumuhay ng Mag-asawa

Gayundin(D) naman, kayong mga asawang babae, pasakop kayo sa inyu-inyong sariling asawa, kahit na ang ilan sa kanila ay hindi sumusunod sa salita, upang mahikayat nang walang salita sa pamamagitan ng ugali ng kani-kanilang asawang babae;

kapag nakikita nila ang dalisay at magalang ninyong pag-uugali.

Ang(E) inyong kagayakan ay huwag maging panlabas na pagpapahiyas ng buhok, at pagsusuot ng ginto, o pagbibihis ng maringal na damit.

Sa halip, ay ang panloob na pagkatao na may kagandahang walang paglipas, ng isang mahinhin at maamong espiritu na napakahalaga sa paningin ng Diyos.

Sapagkat nang unang panahon ay ganito ginayakan ng mga banal na babae na umaasa sa Diyos ang kanilang sarili, at sila'y nagpasakop sa kani-kanilang mga asawa,

tulad(F) nang pagsunod ni Sarah kay Abraham, na kanyang tinawag na panginoon. At kayo ngayon ay mga anak niya kung gumagawa kayo ng mabuti, at hindi kayo natatakot sa anumang pananakot.

Gayundin(G) naman kayong mga lalaki, maging mapagbigay kayo sa inyu-inyong mga asawa sa inyong pagsasama, na binibigyan ng karangalan ang babae bilang isang mas marupok na sisidlan, yamang sila man ay tagapagmana rin ng biyaya ng buhay, upang walang makahadlang sa inyong mga panalangin.

Mga Awit 119:49-64

ZAIN.

49 Alalahanin mo ang iyong salita sa lingkod mo,
    na doo'y pinaasa mo ako.
50 Ito'y aking kaaliwan sa aking kapighatian,
    na ang iyong pangako ang nagbibigay sa akin ng buhay.
51 Ganap akong pinagtatawanan ng mapagmataas na tao,
    gayunma'y hindi ako humihiwalay sa kautusan mo.
52 Aking inalaala ang mga batas mo nang una,
    O Panginoon, at ako'y naaaliw.
53 Maalab na galit ang humawak sa akin,
    dahil sa masasama na tumalikod sa iyong kautusan.
54 Ang iyong mga tuntunin ay naging aking mga awit
    sa bahay ng aking paglalakbay.
55 O Panginoon, aking naalala sa gabi ang iyong pangalan,
    at sinunod ko ang iyong kautusan.
56 Ito ang tinamo ko,
    sapagkat aking iningatan ang mga tuntunin mo.

CHETH.

57 Ang Panginoon ay aking bahagi;
    aking ipinangangako na tutuparin ang iyong mga salita.
58 Aking hinihiling ang iyong biyaya nang buong puso ko;
    mahabag ka sa akin ayon sa iyong pangako.
59 Inisip ko ang mga lakad ko,
    at ibinalik ko ang aking mga paa sa iyong mga patotoo.
60 Ako'y nagmamadali at hindi naaantala
    na sundin ang iyong mga utos.
61 Pinuluputan ako ng mga panali ng masama;
    hindi ko nalimutan ang iyong kautusan.
62 Sa hatinggabi ay babangon ako upang ikaw ay purihin,
    dahil sa iyong mga matuwid na tuntunin.
63 Ako'y kasama ng lahat na natatakot sa iyo,
    at ng mga tumutupad ng mga tuntunin mo.
64 O Panginoon, ang lupa ay punô ng tapat na pag-ibig mo,
    ituro mo sa akin ang mga tuntunin mo!

Mga Kawikaan 28:12-13

12 Kapag ang matuwid ay nagtatagumpay, may dakilang kaluwalhatian;
    ngunit kapag ang masama ay bumabangon, ang mga tao'y nagkukublihan.
13 Siyang nagtatakip ng kanyang mga pagsuway ay hindi sasagana,
    ngunit ang nagpapahayag at tumatalikod sa mga iyon ay magtatamo ng awa.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001