Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the GNT. Switch to the GNT to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Ezekiel 12:1-14:11

Inilarawan ni Ezekiel ang Paglaya ng Israel

12 Ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,

“Anak(A) ng tao, ikaw ay naninirahan sa gitna ng isang mapaghimagsik na sambahayan na may mga mata upang makakita, ngunit hindi nakakakita; na may mga tainga upang makarinig, ngunit hindi makarinig; sapagkat sila'y isang mapaghimagsik na sambahayan.

Dahil dito, anak ng tao, maghanda ka ng dala-dalahan ng bihag. Habang maliwanag pa ang araw ay pumunta ka sa pagkabihag na nakikita nila. Ikaw ay lalakad na gaya ng bihag mula sa iyong lugar hanggang sa ibang lugar na nakikita nila. Baka sakaling kanilang maunawaan ito, bagaman sila'y isang mapaghimagsik na sambahayan.

Ilalabas mo ang iyong dala-dalahan kapag araw na nakikita nila, bilang dala-dalahan sa pagkabihag. Ikaw ay lalabas sa hapon na kanilang nakikita na gaya ng mga tao na dapat tumungo sa pagkabihag.

Bumutas ka sa pader na nakatingin sila at lumabas ka sa pamamagitan niyon.

Habang nakatingin sila ay iyong papasanin ang dala-dalahan sa iyong balikat, at dadalhing papalabas sa dilim. Tatakpan mo ang iyong mukha upang hindi mo makita ang lupa: sapagkat ginawa kitang isang tanda sa sambahayan ni Israel.”

At aking ginawa ang ayon sa iniutos sa akin. Inilabas ko ang aking dala-dalahan nang araw, na gaya ng dala-dalahan sa pagkabihag, at nang hapon ay bumutas ako sa pader sa pamamagitan ng aking kamay. Lumabas ako sa dilim, at pinasan ko sa aking balikat ang aking kagamitan habang sila'y nakatingin.

Kinaumagahan, dumating ang salita ng Panginoon sa akin, na sinasabi,

“Anak ng tao, hindi ba ang sambahayan ni Israel, ang mapaghimagsik na sambahayan, ay nagsabi sa iyo, ‘Anong ginagawa mo?’

10 Sabihin mo sa kanila, ‘Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Ang pahayag na ito ay tungkol sa pinuno ng Jerusalem at sa buong sambahayan ni Israel na nasa gitna nila.’

11 Sabihin mo, ‘Ako'y inyong tanda: kung ano ang aking ginawa, gayon ang gagawin sa kanila; sila'y patungo sa pagkabihag, sa pagkatapon.’

12 Ang pinuno na nasa gitna nila ay magpapasan ng kanyang dala-dalahan sa kanyang balikat sa dilim, at lalabas. Bubutasin nila ang pader at lalabas doon. Siya'y magtatakip ng kanyang mukha, upang hindi niya makita ang lupa.

13 At(B) ilaladlad ko ang aking lambat sa ibabaw niya, at siya'y mahuhuli sa aking bitag. Aking dadalhin siya sa Babilonia sa lupain ng mga Caldeo; gayunma'y hindi niya ito makikita, at siya'y mamamatay doon.

14 Aking pangangalatin sa bawat dako ang lahat ng nasa palibot niya, ang kanyang mga katulong, at ang lahat niyang mga pulutong. At aking huhugutin ang tabak sa likuran nila.

15 Kanilang malalaman na ako ang Panginoon, kapag sila'y aking pinangalat sa gitna ng mga bayan at mga bansa.

16 Ngunit hahayaan kong makatakas sa tabak ang ilan sa kanila, sa taggutom at sa salot, upang kanilang maipahayag ang lahat nilang kasuklamsuklam sa gitna ng mga bansa na kanilang pinaroroonan. At kanilang malalaman na ako ang Panginoon.”

Ang Tanda ng Panginginig ng Propeta

17 Bukod dito'y ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi:

18 “Anak ng tao, kainin mo ang iyong tinapay na may panginginig, at inumin mo ang iyong tubig na may pangangatal at may pagkatakot.

19 At sabihin mo sa mga mamamayan ng lupain, ‘Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos tungkol sa mga naninirahan sa Jerusalem sa lupain ng Israel: Kanilang kakainin na may pagkatakot ang kanilang tinapay, at nanlulupaypay na iinom ng kanilang tubig, sapagkat ang kanyang lupain ay mawawalan ng lahat nitong laman dahil sa karahasan ng lahat ng naninirahan doon.

20 Ang mga lunsod na tinitirhan ay mawawasak at ang lupain ay masisira; at inyong malalaman na ako ang Panginoon.’”

Ang mga Palasak na Kasabihan

21 At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,

22 “Anak ng tao, ano ang kawikaang ito na mayroon ka tungkol sa lupain ng Israel, na sinasabi, ‘Ang mga araw ay tumatagal, at ang bawat pangitain ay nawawalang kabuluhan’?

23 Kaya't sabihin mo sa kanila, ‘Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Wawakasan ko ang kawikaang ito, at hindi na gagamitin pang kawikaan sa Israel.’ Ngunit sabihin mo sa kanila, ‘Ang mga araw ay malapit na, at ang katuparan ng bawat pangitain.

24 Sapagkat hindi na magkakaroon pa ng anumang huwad na pangitain o ng di tunay na panghuhula sa loob ng sambahayan ni Israel.

25 Sapagkat ako na Panginoon ay magsasalita ng salita na aking sasalitain, at ito ay matutupad. Hindi na ito magtatagal pa, ngunit sa inyong mga araw, O mapaghimagsik na sambahayan, aking sasalitain ang salita, at aking tutuparin, sabi ng Panginoong Diyos.’”

26 Ang salita ng Panginoon ay muling dumating sa akin, na sinasabi,

27 “Anak ng tao, narito, silang nasa sambahayan ni Israel ay nagsasabi, ‘Ang pangitain na kanyang nakikita ay sa darating pang maraming mga araw, at siya'y nagsasalita ng propesiya sa mga panahong malayo.’

28 Kaya't sabihin mo sa kanila, ‘Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Hindi na magtatagal pa ang aking mga salita, kundi ang salita na aking sinasalita ay matutupad, sabi ng Panginoon.’”

Ang Pahayag Laban sa mga Bulaang Propetang Lalaki

13 At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,

“Anak ng tao, magsalita ka ng propesiya laban sa mga propeta ng Israel na nagsasalita ng propesiya, at sabihin mo sa kanila na nagsasalita ng propesiya mula sa kanilang sariling isipan: ‘Pakinggan ninyo ang salita ng Panginoon!’

Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Kahabag-habag ang mga hangal na propeta na sumusunod sa kanilang sariling espiritu, at walang nakitang anuman!

O Israel, ang iyong mga propeta ay naging parang mga asong-gubat sa mga gibang dako.

Kayo'y hindi sumampa sa mga sira, o iginawa man ninyo ng kuta ang sambahayan ni Israel, upang siya'y makatayo sa pakikipaglaban sa araw ng Panginoon.

Sila'y nagsalita ng kabulaanan at nanghula ng kasinungalingan. Kanilang sinasabi, ‘Sabi ng Panginoon;’ bagaman hindi sila sinugo ng Panginoon, gayunma'y naghihintay sila sa katuparan ng kanilang mga salita.

Hindi ba kayo nakakita ng huwad na pangitain, at hindi ba kayo nagsalita ng kasinungalingang panghuhula, tuwing inyong sasabihin, ‘Sabi ng Panginoon', bagaman hindi ko sinalita?”

Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: “Sapagkat kayo'y nagsalita ng kabulaanan at nakakita ng mga kasinungalingan, kaya't narito, ako'y laban sa inyo, sabi ng Panginoong Diyos.

At ang aking kamay ay magiging laban sa mga propeta na nakakakita ng mga huwad na pangitain at nagbigay ng sinungaling na panghuhula. Sila'y hindi mapapasama sa kapulungan ng aking bayan, o matatala man sa talaan ng sambahayan ni Israel, ni sila man ay papasok sa lupain ng Israel; at inyong malalaman na ako ang Panginoong Diyos.

10 Sapagkat(C) sa katotohanan, sapagkat kanilang iniligaw ang aking bayan, na sinasabi, ‘Kapayapaan;’ ngunit walang kapayapaan; at sapagkat, nang ang bayan ay magtatayo ng kuta, narito, tinapalan ito ng apog.

11 Sabihin mo sa kanila na nagtatapal ng apog na iyon ay babagsak. Magkakaroon ng malakas na ulan; malalaking granizo ang babagsak, at isang unos na hangin ang darating.

12 At kapag ang kuta ay bumagsak, hindi ba sasabihin sa inyo, ‘Nasaan ang tapal na inyong itinapal?’

13 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Ako'y magpaparating ng unos na hangin dahil sa aking galit; at magkakaroon ng bugso ng ulan dahil sa aking pagkagalit, at malalaking mga granizo upang wasakin iyon.

14 Ibabagsak ko at ilalagpak sa lupa ang kuta na inyong tinapalan ng apog, upang ang pundasyon niyon ay lilitaw. Kapag iyon ay bumagsak, kayo'y malilipol sa gitna niyon, at inyong malalaman na ako ang Panginoon.

15 Ganito ko gagamitin ang aking poot sa pader, at sa nagtapal ng apog; at sasabihin ko sa iyo: Ang pader ay wala na, ni ang nagtapal man;

16 ito ang mga propeta ng Israel na nagsalita ng propesiya tungkol sa Jerusalem at nakakakita ng pangitain ng kapayapaan para sa bayan, ngunit walang kapayapaan, sabi ng Panginoong Diyos.

Ang Pahayag Laban sa mga Bulaang Propetang Babae

17 “At ikaw, anak ng tao, humarap ka laban sa mga anak na babae ng iyong bayan, na nagsasalita ng propesiya mula sa kanilang sariling isipan, at magsalita ka ng propesiya laban sa kanila,

18 at iyong sabihin, ‘Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Kahabag-habag ang mga babae na nananahi ng mga bendang para sa pulsuhan, at nagsisigawa ng mga lambong na para sa ulo ng mga taong may iba't ibang sukat upang manghuli ng mga kaluluwa! Huhulihin ba ninyo ang mga kaluluwa ng aking bayan, at hahayaang buháy ang ibang mga kaluluwa para sa inyong pakinabang?

19 Inyong nilapastangan ako sa gitna ng aking bayan dahil sa ilang dakot na sebada at ilang pirasong tinapay. Inyong ipinapatay ang mga taong hindi marapat mamatay at upang hayaang mabuhay ang mga taong hindi marapat mabuhay, sa pamamagitan ng inyong mga kasinungalingan sa aking bayan na nakikinig sa mga kasinungalingan.

20 “Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Ako'y laban sa inyong mga benda na inyong ipinanghuhuli ng mga buhay, at pupunitin ko sila mula sa inyong mga kamay. Aking palalayain ang mga kaluluwa na inyong hinuli na gaya ng mga ibon.

21 Sisirain ko rin ang inyong mga lambong, at ililigtas ko ang aking bayan mula sa inyong kamay, at hindi na sila mapapasa inyong kamay bilang biktima, at inyong malalaman na ako ang Panginoon.

22 Sapagkat sa pamamagitan ng kasinungalingan ay inyong pinapanghina ang puso ng matuwid, bagaman hindi ko siya pinapanghina. Inyong pinalakas ang masama, upang huwag humiwalay sa kanyang masamang lakad upang iligtas ang kanyang buhay.

23 Kaya't hindi na kayo makakakita ng mapanligaw na pangitain o manghuhula man. Ililigtas ko ang aking bayan mula sa inyong kamay, at inyong malalaman na ako ang Panginoon.”

Ang Hatol Laban sa mga Sumasamba sa Diyus-diyosan

14 Nang magkagayo'y lumapit sa akin ang ilan sa matatanda ng Israel, at naupo sa harapan ko.

At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,

“Anak ng tao, inilagay ng mga lalaking ito ang kanilang mga diyus-diyosan sa kanilang mga puso, at inilagay ang katitisuran ng kanilang kasamaan sa kanilang harapan. Hahayaan ko bang sumangguni sila sa akin?

Kaya't magsalita ka sa kanila, at sabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Sinumang tao sa sambahayan ni Israel na may kanyang mga diyus-diyosan sa kanyang puso, at naglalagay ng katitisuran ng kanyang kasamaan sa kanyang harapan at gayunma'y lumalapit sa propeta, akong Panginoon ay sasagot sa kanya, dahil sa karamihan ng kanyang mga diyus-diyosan;

upang aking mahawakan ang mga puso ng sambahayan ni Israel, na nagsilayo sa pamamagitan ng kanilang mga diyus-diyosan.

“Kaya't sabihin mo sa sambahayan ni Israel, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Magsisi kayo, at kayo'y tumalikod sa inyong mga diyus-diyosan; at lumayo kayo sa lahat ninyong kasuklamsuklam.

Sapagkat sinuman sa sambahayan ni Israel, o sa mga dayuhan na nangingibang-bayan sa Israel, na humiwalay sa akin, at nagtataglay ng kanyang mga diyus-diyosan sa kanyang puso, at naglalagay ng kanyang kasamaan bilang katitisuran sa harapan nila, gayunma'y lumalapit sa isang propeta upang mag-usisa sa akin tungkol sa kanyang sarili, akong Panginoon ang sasagot sa kanya.

Ihaharap ko ang aking mukha laban sa taong iyon, at gagawin ko siyang isang tanda at kawikaan, at tatanggalin ko siya sa gitna ng aking bayan; at inyong malalaman na ako ang Panginoon.

At kung ang propeta ay malinlang at magsalita ng isang kataga, akong Panginoon ang luminlang sa propetang iyon, at aking iuunat ang aking kamay sa kanya, at papatayin ko siya mula sa gitna ng aking bayang Israel.

10 Kanilang papasanin ang kanilang parusa—ang parusa ng propeta ay magiging gaya ng parusa ng sumasangguni—

11 upang ang sambahayan ni Israel ay huwag nang maligaw pa sa akin, o mahawa pa man sa lahat nilang paglabag, kundi upang sila'y maging aking bayan at ako'y maging kanilang Diyos, sabi ng Panginoong Diyos.”

Mga Hebreo 7:1-17

Ang Pagkapari ni Melquizedek

Itong(A) si Melquizedek, hari ng Salem, pari ng Kataas-taasang Diyos, ang siyang sumalubong kay Abraham sa pagbabalik niya galing sa paglipol sa mga hari at siya'y kanyang binasbasan,

at sa kanya ay ibinahagi ni Abraham ang ikasampung bahagi ng lahat. Una, ang kahulugan ng kanyang pangalan ay hari ng katuwiran; ikalawa, siya rin ay hari ng Salem, na ang kahulugan ay hari ng kapayapaan.

Walang ama, walang ina, walang talaan ng angkan, ni walang pasimula ng mga araw o katapusan ng buhay, subalit ginawang katulad ng Anak ng Diyos, siya ay nananatiling pari magpakailanman.

Talagang napakadakila ang taong ito! Maging si Abraham na patriyarka ay nagbigay sa kanya ng ikasampung bahagi ng mga samsam.

At(B) ang mga anak ni Levi na tumanggap ng katungkulang pari ay mayroong utos ayon sa kautusan na maglikom ng ikasampung bahagi mula sa taong-bayan, samakatuwid ay sa kanilang mga kapatid, bagaman ang mga ito ay mga nagmula sa balakang ni Abraham.

Ngunit ang taong ito na hindi mula sa kanilang lahi ay tumanggap ng mga ikasampung bahagi mula kay Abraham, at binasbasan ang tumanggap ng mga pangako.

Hindi mapapabulaanan na ang nakabababa ay binabasbasan ng nakatataas.

At dito, ang mga taong may kamatayan ay tumatanggap ng ikasampung bahagi, subalit sa kabilang dako ay ang isa na pinatutunayang nabubuhay.

Maaaring sabihin na maging si Levi, na siyang tumatanggap ng mga ikasampung bahagi ay nagbayad ng ikasampung bahagi sa pamamagitan ni Abraham,

10 sapagkat siya'y nasa mga balakang pa ng kanyang ninuno nang siya'y salubungin ni Melquizedek.

Ang Paring Tulad ni Melquizedek

11 Ngayon, kung may kasakdalan sa pamamagitan ng pagkapari ng mga Levita, (sapagkat batay dito ay tinanggap ng bayan ang kautusan), ano pa ang karagdagang pangangailangan upang lumitaw ang isa pang pari, ayon sa pagkapari ni Melquizedek, sa halip na ayon sa pagkapari ni Aaron?

12 Sapagkat nang palitan ang pagkapari ay kailangan din namang palitan ang kautusan.

13 Sapagkat ang tinutukoy ng mga bagay na ito ay kabilang sa ibang angkan, na doon ang sinuma'y hindi naglingkod sa dambana.

14 Sapagkat maliwanag na ang ating Panginoon ay nagmula sa Juda at tungkol sa liping iyon ay walang sinabing anuman si Moises tungkol sa mga pari.

15 At ito ay lalo pang naging maliwanag nang lumitaw ang ibang pari, na kagaya ni Melquizedek,

16 na naging pari, hindi ayon sa itinatakda ng batas na ukol sa laman, kundi ayon sa kapangyarihan ng isang buhay na hindi mapupuksa.

17 Sapagkat(C) pinatotohanan,

“Ikaw ay pari magpakailanman,
    ayon sa pagkapari ni Melquizedek.”

Mga Awit 105:37-45

37 At(A) kanyang inilabas sila na may pilak at ginto;
    at walang sinuman sa kanyang mga lipi ang natisod.
38 Natuwa ang Ehipto nang sila'y magsialis;
    sapagkat ang pagkatakot nila ay dumating sa kanila.
39 Kanyang(B) inilatag ang ulap bilang panakip,
    at apoy upang magbigay liwanag sa gabi.
40 Sila'y(C) humingi, at dinalhan niya ng mga pugo,
    at binigyan niya sila ng saganang tinapay mula sa langit.
41 Kanyang(D) binuksan ang bato at dumaloy ang tubig;
    ito'y umagos sa ilang na gaya ng ilog.
42 Sapagkat naalala niya ang kanyang banal na salita,
    at si Abraham na kanyang lingkod.

43 At kanyang inilabas na may kagalakan ang kanyang bayan,
    at ang kanyang hinirang na may pag-aawitan.
44 At(E) ibinigay niya sa kanila ang mga lupain ng mga bansa;
    at inangkin nila ang paggawa ng mga tao,
45 upang kanilang ingatan ang kanyang mga tuntunin,
    at ang kanyang mga kautusan ay sundin.
Purihin ang Panginoon!

Mga Kawikaan 27:3

Ang bato ay mabigat, at ang buhangin ay matimbang;
    ngunit mas mabigat sa mga ito ang galit ng hangal.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001