The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.
Natagpuan sa Templo ang Aklat ng Kautusan(A)
3 Nang ika-18 taon ng paghahari ni Josia, pinapunta niya sa templo ng Panginoon ang kanyang kalihim na si Shafan, na anak ni Azalia at apo ni Meshulam at sinabi, 4 “Pumunta ka sa punong pari na si Hilkia at ipaipon mo sa kanya ang perang dinala ng mga tao sa templo ng Panginoon, na kinolekta ng mga paring nagbabantay sa pintuan ng templo. 5 Sabihin mo na ibigay niya ito sa mga taong pinagkakatiwalaang mamahala sa pagpapaayos ng templo, para ibayad sa mga manggagawa sa templo ng Panginoon – 6 ang mga karpintero at mga kantero. Ang ibang pera ay ibibili nila ng mga kahoy at mga hinating bato na kailangan sa pagpapaayos ng templo. 7 Hindi na sila kailangan pang hanapan ng listahan kung paano ginastos ang pera dahil mapagkakatiwalaan sila.”
8 Sinabi ni Hilkia na punong pari kay Shafan na kalihim, “Nakita ko ang Aklat ng Kautusan sa templo ng Panginoon.” Ibinigay ni Hilkia ang aklat kay Shafan at binasa niya ito. 9 Pagkatapos, pumunta si Shafan sa hari at sinabi, “Kinuha na po ng mga opisyal ninyo ang pera sa templo at ibinigay sa mga katiwala na itinalaga sa pagpapaayos ng templo.” 10 Sinabi pa niya sa hari, “May ibinigay na aklat sa akin ang paring si Hilkia.” At binasa niya ito sa harapan ng hari.
11 Nang marinig ng hari ang nakasulat sa Aklat ng Kautusan, pinunit niya ang kanyang damit bilang pagpapakita ng kalungkutan niya. 12 Inutusan niya sina Hilkia na pari, Ahikam na anak ni Shafan, Acbor na anak ni Micaya, Shafan na kalihim at Asaya na personal niyang lingkod. Sinabi niya, 13 “Magtanong kayo sa Panginoon para sa akin at para sa mga mamamayan ng Juda tungkol sa nakasulat sa aklat na ito. Galit na galit ang Panginoon sa atin dahil hindi sumunod ang mga ninuno natin sa nakasulat dito. Hindi natin ginagawa ang mga ipinatutupad ng aklat na ito.”
14 Kaya pumunta ang paring si Hilkia, Ahikam, Acbor, Shafan at Asaya sa babaeng propeta na si Hulda para makipag-usap. Nakatira si Hulda sa ikalawang distrito ng Jerusalem. Asawa siya ni Shalum na anak ni Tikva at apo ni Harhas. Si Shalum ang namamahala ng mga damit sa templo.
15-16 Sinabi ni Hulda sa kanila, “Sabihin ninyo sa taong nagpadala sa inyo sa akin na ito ang sinasabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel: ‘Lilipulin ko ang lugar na ito at ang mga naninirahan dito, ayon sa nasusulat sa aklat na binasa mo. 17 Ipapakita ko ang galit ko sa lugar na ito at hindi ito titigil, dahil itinakwil ako ng aking mga mamamayan at sumamba sila[a] sa ibang mga dios. Ginalit nila ako sa mga ginawa nila.’[b]
18 “Sabihin ninyo sa hari ng Juda na nagpadala sa inyo para magtanong sa Panginoon, na hindi siya dapat mabahala sa mensaheng ito, dahil ito ang sinasabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel: 19 Pinakinggan ko ang panalangin mo dahil nagsisi ka at nagpakumbaba sa harapan ko nang marinig mo ang sinabi ko na susumpain at lilipulin ko ang lugar na ito at ang mga naninirahan dito. Pinunit mo pa ang iyong damit at umiyak sa harapan ko dahil sa pagsisisi. Kaya ako, ang Panginoon, ay nagsasabi na 20 habang buhay ka pa, hindi darating ang kapahamakan na ipapadala ko sa lugar na ito. Mamamatay ka nang may kapayapaan.”
At sinabi nila sa hari ang isinagot ni Hulda.
Mga Pagbabago na Ginawa ni Josia(B)
23 Pagkatapos, ipinatawag ni Haring Josia ang lahat ng tagapamahala ng Juda at Jerusalem. 2 Pumunta siya sa templo ng Panginoon kasama ang lahat ng mamamayan ng Juda at Jerusalem, mula sa pinakatanyag hanggang sa pinakamababa. Sumama rin ang mga pari at mga propeta. Binasa sa kanila ni Josia ang lahat ng nakasulat sa Aklat ng Kasunduan ng Dios na nakita sa templo ng Panginoon. 3 Pagkatapos, tumayo si Josia sa gilid ng haligi. At gumawa siya ng kasunduan sa presensya ng Panginoon na susunod siya sa Panginoon sa pamamagitan ng pagtupad sa kanyang mga utos, katuruan, at tuntunin nang buong pusoʼt kaluluwa. Sa ganitong paraan matutupad ang mga ipinapatupad na kasunduan ng Dios na nasusulat sa aklat na ito. At nangako rin ang mga tao na tutupad sila sa kasunduan.
4 Pagkatapos, inutusan ni Haring Josia ang punong pari na si Hilkia, ang mga paring pumapangalawa sa katungkulan ni Hilkia at ang mga paring nagbabantay sa pintuan ng templo, na alisin sa templo ng Panginoon ang lahat ng kagamitan na ginagamit sa pagsamba kina Baal, Ashera, at sa lahat ng bagay na nasa langit. Ipinasunog niya ito sa labas ng Jerusalem, sa bukid ng Lambak ng Kidron, at dinala ang abo sa Betel. 5 Pinaalis niya sa tungkulin ang mga paring naglilingkod sa mga dios-diosan. Ang mga paring ito ay pinagkakatiwalaan ng mga hari ng Juda sa pagsunog ng mga insenso sa mga sambahan sa matataas na lugar[c] doon sa mga bayan ng Juda at sa paligid ng Jerusalem. Nagsunog sila ng mga insenso para kay Baal at sa mga nasa langit – sa araw, buwan at mga bituin. 6 Pinaalis din ni Haring Josia ang posteng simbolo ng diosang si Ashera sa templo ng Panginoon at dinala sa labas ng Jerusalem, sa Lambak ng Kidron, at sinunog doon. Pagkatapos, ipinadurog niya ito nang pino at isinabog ang abo sa libingan ng mga tao. 7 Ipinagiba rin niya ang mga bahay ng mga lalaki at babaeng bayaran na nasa templo ng Panginoon, kung saan nananahi ang mga babae ng mga damit na ginagamit sa pagsamba kay Ashera.[d]
8 Pinabalik ni Josia sa Jerusalem ang lahat ng pari na nakatira sa ibang mga bayan ng Juda. Dinungisan niya[e] ang mga sambahan sa matataas na lugar, mula sa Geba hanggang sa Beersheba kung saan nagsusunog ang mga pari ng mga insenso. Ipinagiba niya ang mga sambahan sa Pintuan ni Josue, ang gobernador ng Jerusalem. Ang pintuang ito ay nasa kaliwang bahagi ng pintuan ng lungsod. 9 Ang mga paring naglilingkod sa mga sambahan sa matataas na lugar ay hindi pinayagang maglingkod sa altar ng Panginoon sa Jerusalem, pero pinayagan silang kumain ng tinapay na walang pampaalsa kasama ng ibang mga pari.
10 Ipinagiba rin ni Josia ang altar ng Tofet, sa Lambak ng Ben Hinom, para walang sinumang maghahandog ng mga anak nila sa pamamagitan ng apoy para kay Molec. 11 Kinuha rin niya sa pintuan ng templo ng Panginoon ang mga kabayo[f] na inialay ng mga hari ng Juda para sa araw. Ang mga kabayong ito ay nasa bandang bakuran ng templo, malapit sa kwarto ng opisyal na si Natan Melec. Sinunog din ni Josia ang mga karwahe na inihahandog sa araw.
12 Ipinagiba niya ang mga altar na ipinatayo ng mga hari ng Juda sa bubong ng kwarto ni Ahaz, pati ang mga altar na ipinagawa ni Manase sa bakuran ng templo ng Panginoon. Ipinadurog niya ito ng pino at isinabog ang abo sa Lambak ng Kidron. 13 Dinungisan din niya ang mga sambahan sa matataas na lugar sa silangan ng Jerusalem at sa timog ng Bundok ng Kasamaan. Ang mga sambahang ito ay ipinatayo ni Haring Solomon ng Israel para kay Ashtoret, ang kasuklam-suklam na diosa mga Sidoneo, para kay Kemosh, ang kasuklam-suklam na dios-diosan ng mga Moabita, at para rin kay Molec, ang kasuklam-suklam dios-diosan ng mga Ammonita. 14 Ipinadurog ni Josia ang mga alaalang bato at pinagpuputol ang mga posteng simbolo ng diosang si Ashera. Pagkatapos, dinungisan niya ang mga lugar na iyon sa pamamagitan ng pagkalat ng mga buto ng tao. 15 Ipinagiba din ni Josia kahit ang altar sa mga sambahan sa matataas na lugar sa Betel. Ang sambahang ito ay ipinagawa ni Jeroboam na anak ni Nebat, na naging dahilan ng pagkakasala ng mga taga-Israel. Dinurog ito ni Josia ng pino at sinunog pati ang posteng simbolo ng diosang si Ashera. 16 At habang nakatitig siya sa paligid, nakita niya ang mga libingan sa gilid ng kabundukan. Ipinakuha niya ang mga buto sa mga libingan at sinunog niya roon sa altar sa Betel para dungisan ito. Nangyari ito ayon sa sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng lingkod niya na nagpropesiya tungkol sa mga bagay na ito. 17 Nagtanong si Haring Josia, “Kaninong libingan iyan?” Sumagot ang mga mamamayan ng lungsod, “Libingan po ito ng lingkod ng Dios na taga-Juda. Siya ang nagpropesiya tungkol sa mga ginawa ninyo ngayon sa altar sa Betel.” 18 Sinabi ng hari, “Pabayaan lang ninyo ang libingan niya. Huwag ninyong kunin ang mga buto niya.” Kaya hindi nila kinuha ang mga buto nito pati ang buto ng mga propeta na taga-Samaria.
19 Pagkatapos, giniba ni Josia ang mga sambahan sa matataas na lugar sa Samaria, tulad ng ginawa niya sa Betel. Ito ang mga sambahan na ipinagawa ng mga hari ng Israel na nakapagpagalit sa Panginoon. 20 Pinatay ni Josia ang lahat ng pari roon mismo sa mga altar ng mga sambahan na iyon. At sinunog niya ang buto ng mga tao sa mga altar na iyon para dungisan ito. Pagkatapos, bumalik siya sa Jerusalem.
Ipinagdiwang ni Josia ang Pista ng Paglampas ng Anghel(C)
21 Inutusan ni Josia ang lahat ng tao, “Ipagdiwang natin ang Pista ng Paglampas ng Anghel para parangalan ang Panginoon na ating Dios, ayon sa nakasulat dito sa Aklat ng Kasunduan ng Dios.” 22 Walang naging katulad ang pagdiriwang ng Pista ng Paglampas ng Anghel mula pa nang panahon ng mga pinuno na namahala sa Israel at nang panahon ng mga hari ng Israel at Juda. 23 Ipinagdiwang nila ang pista sa Jerusalem para parangalan ang Panginoon nang ika-18 taong paghahari ni Josia.
24 Pinalayas din ni Josia sa Jerusalem at sa buong Juda ang mga espiritista na nakikipag-usap sa mga kaluluwa ng patay, ang mga dios ng mga tahanan, ang iba pang mga dios-diosan at ang lahat ng kasuklam-suklam na sinasamba ng mga tao. Ginawa ito ni Josia para tuparin ang mga utos na nakasulat sa aklat na nakita ng paring si Hilkia sa templo ng Panginoon. 25 Wala pang naging hari na katulad ni Josia na sumunod sa Panginoon nang buong puso, buong kaluluwa at nang buong lakas. Tinupad niya ang lahat ng Kautusan ni Moises, at wala ni isa man ang katulad niyang manungkulan kahit ang mga sumunod sa kanya.
26 Pero kahit tinupad pa niya itong lahat, hindi pa rin nawala ang galit ng Panginoon sa Juda, dahil sa lahat ng ginawa ni Manase na nakapagpagalit sa kanya. 27 Kaya sinabi ng Panginoon, “Palalayasin ko sa aking harapan ang Juda katulad ng ginawa ko sa Israel at itatakwil ko ang Jerusalem, ang lungsod na aking pinili at ang templong ito na sinabi kong dito ako pararangalan.”
Ang Katapusan ng Paghahari ni Josia(D)
28 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Josia, at lahat ng ginawa niya ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Juda.
29 Nang naghahari pa si Josia, si Faraon Neco na hari ng Egipto ay pumunta sa Ilog ng Eufrates para tulungan ang hari ng Asiria. Umalis si Haring Josia at ang mga sundalo niya para makipaglaban kay Neco, pero pinatay siya ni Neco nang magkita sila sa Megido. 30 Isinakay ng kanyang lingkod ang bangkay niya sa karwahe at dinala pabalik sa Jerusalem at inilibing sa sarili niyang libingan. At ang anak niyang si Jehoahaz ang ipinalit na hari ng mga mamamayan ng Juda sa pamamagitan ng pagpapahid sa kanya ng langis.
Ipinagtanggol ni Pablo ang Sarili
37 Nang dalhin na si Pablo sa loob ng kampo ng mga sundalo, sinabi niya sa kumander, “May sasabihin sana ako sa iyo.” Sumagot ang kumander, “Marunong ka palang magsalita ng Griego? 38 Ang akala koʼy ikaw ang lalaking taga-Egipto na kailan lang ay nanguna sa pagrerebelde sa pamahalaan. Dinala niya sa disyerto ang 4,000 lalaking matatapang at pawang armado.” 39 Sumagot si Pablo, “Akoʼy isang Judiong taga-Tarsus na sakop ng Cilicia. Ang Tarsus ay hindi ordinaryong lungsod lang. Kung maaari, payagan ninyo akong magsalita sa mga tao.” 40 Pinayagan siya ng kumander, kaya tumayo si Pablo sa hagdanan at sumenyas sa mga tao na may sasabihin siya. Nang tumahimik na sila, nagsalita siya sa wikang Hebreo.
22 “Mga kapatid at mga magulang, pakinggan muna ninyo ang sasabihin ko bilang pagtatanggol sa aking sarili!” 2 Nang marinig ng mga tao na nagsalita siya sa wikang Hebreo, lalo silang tumahimik. At nagpatuloy si Pablo sa pagsasalita: 3 “Akoʼy isang Judiong ipinanganak sa Tarsus na sakop ng Cilicia, pero lumaki ako rito sa Jerusalem. Dito ako nag-aral at naging guro ko si Gamaliel. Sinanay akong mabuti sa Kautusan na sinunod din ng ating mga ninuno. Gaya ninyo ngayon, masigasig din akong naglilingkod sa ating Dios. 4 Inusig ko at sinikap na patayin ang mga sumusunod sa pamamaraan ni Jesus. Hinuli ko sila at ikinulong, lalaki man o babae. 5 Ang punong pari at ang lahat ng miyembro ng Korte ng mga Judio ay makapagpapatunay sa lahat ng sinasabi ko. Sila mismo ang nagbigay sa akin ng sulat para sa mga kapatid nating Judio doon sa Damascus. At sa bisa ng sulat na iyon, pumunta ako sa Damascus para hulihin ang mga sumasampalataya kay Jesus at dalhin pabalik dito sa Jerusalem para parusahan.
Ikinuwento ni Pablo Kung Paano Niya Nakilala si Jesus
6 “Tanghaling-tapat na noon at malapit na kami sa Damascus. Biglang kumislap sa aming paligid ang isang nakakasilaw na liwanag mula sa langit. 7 Napasubsob ako sa lupa at may narinig akong tinig na nagsasabi sa akin, ‘Saulo, Saulo, bakit mo ako inuusig?’ 8 Nagtanong ako, ‘Sino po kayo?’ Sumagot ang tinig, ‘Akoʼy si Jesus na taga-Nazaret, na iyong inuusig.’ 9 Nakita ng mga kasama ko ang liwanag pero hindi nila narinig[a] ang boses na nagsasalita sa akin. 10 At nagtanong pa ako, ‘Ano ang gagawin ko, Panginoon?’ At sinabi niya sa akin, ‘Tumayo ka at pumunta sa Damascus, at sasabihin sa iyo roon ang lahat ng iyong gagawin.’ 11 Nabulag ako sa tindi ng liwanag. Kaya inakay ako ng aking mga kasama papuntang Damascus.
12 “Doon sa Damascus, may isang tao na ang pangalan ay Ananias. May takot siya sa Dios at sumusunod sa Kautusan. Iginagalang siya ng mga Judiong naninirahan doon. 13 Pumunta siya sa akin at sinabi, ‘Kapatid na Saulo, makakakita ka na.’ Noon din ay gumaling ako at nakita ko si Ananias. 14 Sinabi niya sa akin, ‘Pinili ka ng Dios ng ating mga ninuno para malaman mo ang kalooban niya at para makita mo at marinig ang boses ng Matuwid na si Jesus. 15 Sapagkat ipapahayag mo sa lahat ng tao ang iyong nakita at narinig. 16 Ngayon, ano pa ang hinihintay mo? Tumayo ka na at magpabautismo, at tumawag sa Panginoon para maging malinis ka sa iyong mga kasalanan.’ ”
Mapalad ang Taong Matuwid
1 Mapalad ang taong hindi namumuhay ayon sa payo ng masasama,
o sumusunod sa mali nilang halimbawa,
at hindi nakikisama sa mgataong nangungutya.
2 Sa halip ay nagagalak siyang sumunod sa mga aral na mula sa Panginoon,
at araw-gabi ito ay kanyang pinagbubulay-bulayan.
3 Ang katulad niyaʼy isang punongkahoy na itinanim sa tabi ng sapa,
na namumunga sa takdang panahon at hindi nalalanta ang mga dahon.
Magtatagumpay siya sa anumang kanyang ginagawa.
4 Ngunit iba ang mga taong masama;
silaʼy parang ipa na tinatangay ng hangin.
5 Parurusahan sila ng Dios sa araw ng paghatol,
at ihihiwalay sa mga matuwid.
6 Sapagkat pinapatnubayan ng Panginoon ang mga matuwid,
ngunit ang buhay ng taong masama ay hahantong sa kapahamakan.
11 Ang akala ng taong mayaman ay maipagtatanggol siya ng kanyang kayamanan gaya ng mga pader na nakapalibot sa buong bayan.
12 Ang pagmamataas ng tao ang magpapahamak sa kanya, ngunit ang pagpapakumbaba ang magpaparangal sa kanya.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®