The Daily Audio Bible
Today's audio is from the GNT. Switch to the GNT to read along with the audio.
Ang Kagamitan ng Templo(A)
4 Nagpagawa rin si Solomon ng tansong altar na 30 talampakan ang haba, 30 talampakan ang lapad at 15 talampakan ang taas. 2 Nagpagawa rin siya ng malaking lalagyan ng tubig na parang kawa, na tinatawag na Dagat. Ang lalim nito ay pitoʼt kalahating talampakan, ang luwang ay 15 talampakan, at ang sukat sa paligid ay 45 talampakan. 3 Napapalibutan ito ng dalawang hanay ng palamuting hugis toro sa ilalim ng bibig nito. Ang mga palamuti ay kasama na nang gawin ito. 4 Nakapatong ang sisidlan sa likod ng 12 tansong toro na magkakatalikod. Ang tatlong toro ay nakaharap sa gawing hilaga, ang tatlo ay sa kanluran, ang tatlo ay sa timog, at ang tatlo ay sa gawing silangan. 5 Ang kapal ng sisidlan ay mga tatlong pulgada, at ang ilalim nito ay parang bibig ng tasa na nakakurba palabas katulad ng namumukadkad na bulaklak ng liryo. At maaari itong malagyan ng 17,500 galong tubig. 6 Nagpagawa rin siya ng sampung planggana para paghugasan ng mga kagamitan sa mga handog na sinusunog. Inilagay ang lima sa gawing timog at ang lima ay sa gawing hilaga. Pero ang tubig sa lalagyan na tinatawag na Dagat ay ginagamit ng mga pari na panghugas. 7 Nagpagawa rin siya ng sampung lalagyan ng ilaw na ginto ayon sa plano, at inilagay sa templo, lima sa gawing hilaga at lima sa gawing timog. 8 Nagpagawa siya ng 10 mesa at inilagay sa templo, lima sa gawing timog at lima sa gawing hilaga. Nagpagawa rin siya ng 100 gintong mangkok na ginagamit sa pangwisik.
9 Nagpagawa rin siya ng bakuran ng mga pari at maluwang na bakuran sa labas. Pinagawan niya ng mga pintuan ang mga daanan papasok sa bakuran ng templo at pinabalutan niya ng tanso. 10 Inilagay niya ang sisidlan ng tubig na tinatawag na Dagat sa gawing timog-silangan ng templo. 11 Nagpagawa rin siya ng mga palayok, mga pala, at mga mangkok na ginagamit sa pangwisik.
Natapos ni Huram ang lahat ng ipinagawa sa kanya ni Solomon para sa templo ng Dios. Ito ang kanyang mga ginawa:
12 ang dalawang haligi;
ang dalawang parang mangkok na ulo ng mga haligi;
ang dalawang magkadugtong na mga kadenang palamuti sa ulo ng mga haligi;
13 ang 400 palamuti na ang hugis ay parang prutas na pomegranata (nakakabit ang dalawang hilera nito sa bawat magkadugtong na mga kadenang nakapaikot sa ulo ng mga haligi);
14 ang mga kariton at mga planggana;
15 ang lalagyan ng tubig na tinatawag na Dagat at ang 12 tansong toro sa ilalim nito;
16 ang mga palayok, mga pala, malalaking tinidor para sa karne, at ang iba pang kagamitan.
Ang lahat ng bagay na ipinagawa ni Haring Solomon kay Huram na para sa templo ng Panginoon ay gawa lahat sa pinakintab na tanso. 17 Ipinagawa ang mga ito ni Haring Solomon sa pamamagitan ng hulmahan na nasa kapatagan ng Jordan, sa pagitan ng Sucot at Zaretan. 18 Napakaraming tanso na ginamit ni Solomon kaya hindi na kayang alamin ang eksaktong timbang nito.
19 Nagpagawa rin si Solomon ng mga kagamitang ito para sa templo ng Dios:
ang gintong altar,
ang mga gintong mesa na pinaglalagyan ng tinapay na inihahandog sa presensya ng Dios,
20 ang mga patungan ng ilaw na purong ginto at ang mga lampara nito na pinapailaw sa harapan ng Pinakabanal na Lugar ayon sa tuntunin tungkol dito,
21 ang palamuting bulaklak, ang mga ilawan at ang mga pang-ipit, na puro ginto lahat;
22 ang mga panggupit ng mitsa ng ilaw, mga mangkok na ginagamit sa pangwisik, mga sandok at mga sisidlan ng insenso na puro ginto rin lahat;
ang mga pintuan ng templo at ang mga pintuan papasok sa Pinakabanal na Lugar, na nababalutan ng ginto.
5 Nang matapos na ni Solomon ang lahat ng gawain para sa templo ng Panginoon, dinala niya sa bodega ng templo ang lahat ng bagay na itinalaga ng ama niyang si David pati na ang ginto, pilak at iba pang kagamitan.
Dinala sa Templo ang Kahon ng Kasunduan(B)
2 Ipinatawag ni Haring Solomon sa Jerusalem ang mga tagapamahala ng Israel at ang lahat ng pinuno ng mga lahi at ng mga pamilya sa Israel, para kunin ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon mula sa Zion, ang Lungsod ni David. 3 Pumunta silang lahat kay Haring Solomon noong panahon ng Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol, nang ikapitong buwan.
4-5 Nang magkatipon na ang lahat ng tagapamahala ng Israel, kinuha ng mga pari at ng mga Levita ang Kahon, ang Toldang Tipanan at ang mga banal na gamit nito. Dinala nilang lahat ito sa templo. 6 Naghandog si Haring Solomon at ang buong mamamayan ng Israel sa harapan ng Kahon ng Kasunduan. Napakaraming tupa at baka ang kanilang inihandog, hindi ito mabilang dahil sa dami.
7 Pagkatapos, dinala ng mga pari ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon sa lugar nito roon sa pinakaloob ng templo, sa Pinakabanal na Lugar, sa ilalim ng mga pakpak ng mga kerubin. 8 Nakalukob ang pakpak ng mga kerubin kaya natatakpan ang Kahon at ang mga hawakang pasanan nito. 9 Itong mga hawakang pasanan ay mahaba, ang dulo nito ay kita sa Banal na Lugar, sa harapan ng pinakaloob ng templo, pero hindi ito makita sa labas ng Banal na Lugar. At naroon pa ito hanggang ngayon. 10 Walang ibang laman ang Kahon maliban sa dalawang malalapad na bato na inilagay ni Moises noong nandoon siya sa Horeb, kung saan gumawa ng kasunduan ang Panginoon sa mga Israelita pagkatapos nilang lumabas sa Egipto.
11 Pagkatapos, lumabas ang mga pari sa Banal na Lugar. Ang lahat ng pari na naroon ay nagpakalinis, oras man ng kanilang paglilingkod o hindi. 12 Ang mga musikerong Levita na sina Asaf, Heman, Jedutun at ang kanilang mga anak at mga kamag-anak ay tumayo sa bandang silangan ng altar. Nakasuot sila ng pinong linen at tumutugtog ng pompyang, alpa at lira. Sinasamahan sila ng 120 pari na nagpapatunog ng trumpeta. 13 Ang mga mang-aawit ay nagpuri at nagpasalamat sa Panginoon na tinutugtugan ng mga trumpeta, pompyang at iba pang mga instrumento. Ito ang kanilang inaawit:
“Ang Panginoon ay mabuti; ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.”
Pagkatapos, may ulap na bumalot sa templo ng Panginoon. 14 Hindi na makaganap ang mga pari ng kanilang gawain sa templo dahil sa ulap, dahil binalot ng makapangyarihang presensya ng Panginoon ang kanyang templo.
6 At nanalangin si Solomon, “Sinabi nʼyo po Panginoon na maninirahan kayo sa makapal na ulap. 2 Nagpatayo po ako ng kahanga-hangang na templo para sa inyo, na matatahanan nʼyo magpakailanman.”
Ang Mensahe ni Solomon sa mga Mamamayan ng Israel(C)
3 At humarap si Haring Solomon sa buong kapulungan ng Israel na nakatayo roon at silaʼy binasbasan. 4 Sinabi niya, “Purihin ang Panginoon, ang Dios ng Israel. Tinupad niya ang kanyang pangako sa aking ama na si David. Sapagkat sinabi niya, 5 ‘Mula nang araw na inilabas ko ang mga mamamayan kong Israelita sa Egipto, hindi ako pumili ng lungsod sa kahit anong lahi ng Israel para pagtayuan ng templo sa pagpaparangal sa akin, at hindi rin ako pumili ng haring mamamahala sa mga mamamayan kong Israelita. 6 Ngunit ngayon, pinili ko ang Jerusalem para doon pararangalan ang aking pangalan, at pinili ko si David para mamahala sa mga mamamayan kong Israelita.’
7 “Nasa puso ng aking amang si David na magtayo ng templo sa pagpaparangal sa Panginoon, ang Dios ng Israel. 8 Pero sinabi sa kanya ng Panginoon, ‘Mabuti na naghahangad kang magpatayo ng templo para sa karangalan ng aking pangalan. 9 Ngunit hindi ikaw ang magtatayo nito kundi ang sarili mong anak. Siya ang magtatayo ng templo para sa karangalan ng aking pangalan.’
10 “Tinupad ng Panginoon ang kanyang pangako. Ako ang pumalit sa aking amang si David bilang hari ng Israel, ayon sa pangako ng Panginoon. At ipinatayo ko ang templo para parangalan ang Panginoon, ang Dios ng Israel. 11 Nagpagawa ako ng lugar doon sa templo para sa Kahon kung saan nakalagay ang Kasunduan ng Panginoon na kanyang ginawa sa mamamayan ng Israel.”
Malaya na Tayo sa Kautusan
7 Mga kapatid, alam naman ninyo ang tungkol sa batas. Kaya nauunawaan ninyo na ang taoʼy nasasakop lamang ng batas habang nabubuhay siya. 2 Halimbawa, ayon sa batas, ang isang babaeng may asawa ay nakatali sa kanyang asawa habang nabubuhay ito. Pero kung namatay na ang kanyang asawa, malaya na siya sa batas tungkol sa mga mag-asawa. 3 Kaya kung makikisama siya sa ibang lalaki habang buhay pa ang kanyang asawa, nagkakasala siya ng pangangalunya. Pero kung patay na ang kanyang asawa, malaya na siya sa batas tungkol sa mga mag-asawa. At kung mag-asawa man siyang muli, hindi siya nagkakasala ng pangangalunya.
4 Ganyan din ang nangyari sa inyo, mga kapatid. Malaya na kayo sa Kautusan sa pamamagitan ng pagkamatay ni Cristo. Muli siyang nabuhay at kayoʼy pinag-isa sa kanya para maging kapaki-pakinabang sa paglilingkod sa Dios. 5 Noong namumuhay pa tayo sa dati nating pagkatao, ang masamang pagnanasa ang naghahari sa ating katawan, at pinukaw pa ng Kautusan, kaya gumawa tayo ng mga bagay na nakapagdudulot ng kamatayan. 6 Pero ngayon ay malaya na tayo sa Kautusan, dahil namatay na tayo sa Kautusang ito na dating umalipin sa atin. Ang ating paglilingkod ngayon sa Dios ay hindi na ayon sa dating buhay na dulot ng Kautusan kundi sa bagong buhay na dulot ng Banal na Espiritu.
Ang Kautusan at ang Kasalanan
7 Ang ibig ko bang sabihin ay masama ang Kautusan? Aba, hindi! Sapagkat kung walang Kautusan hindi ko malalaman kung ano ang kasalanan. Halimbawa, kung hindi sinabi ng Kautusang, “Huwag kang maging sakim,”[a] hindi ko sana nalaman na masama pala ang pagiging sakim. 8 Ngunit ginamit ng kasalanan ang kautusang ito para pukawin sa akin ang lahat ng uri ng kasakiman. Sapagkat kung walang Kautusan, walang kapangyarihan ang kasalanan. 9 Noong una, nabuhay ako nang walang Kautusan. Pero nang malaman ko ang Kautusan, nalaman kong ako palaʼy makasalanan at nahatulan na ng kamatayan. 10 Kaya ang Kautusan na dapat sanaʼy magbibigay ng buhay ang siya pang nagdulot sa akin ng kamatayan. 11 Sapagkat ginamit ng kasalanan ang Kautusan para dayain ako, at dahil dito nahatulan ako ng kamatayan dahil hindi ko masunod ang Kautusan. 12 Pero sa kabila nito, banal pa rin ang Kautusan; ang bawat utos nito ay banal, matuwid at mabuti. 13 Nangangahulugan ba na ang mabuting bagay pa ang siyang nagdulot sa akin ng kamatayan? Aba, hindi! Ang kasalanan ang siyang nagdulot nito. Ginamit ng kasalanan ang Kautusan, na isang mabuting bagay, para akoʼy mahatulan ng kamatayan. At dahil dito, nalaman ko kung gaano talaga kasama ang kasalanan.
Ang Dalangin ng Taong Matuwid
17 O Panginoon, pakinggan nʼyo ang taimtim kong dalangin.
Dinggin nʼyo po ang hiling kong katarungan.
2 Alam nʼyo kung sino ang gumagawa ng matuwid,
kaya sabihin nʼyo na wala akong kasalanan.
3 Siniyasat nʼyo ang puso ko, at kahit sa gabiʼy sinusubukan nʼyo ako,
ngunit wala kayong nakitang anumang kasalanan sa akin.
Napagpasyahan ko na hindi ako magsasalita ng masama
4 gaya ng ginagawa ng iba.
Dahil sa inyong mga salita,
iniiwasan ko ang paggawa ng masama at kalupitan.
5 Palagi kong sinusunod ang inyong kagustuhan,
at hindi ako bumabaling sa kaliwa o sa kanan man.
6 O Dios sa inyo akoʼy dumadalangin,
dahil alam kong akoʼy inyong diringgin.
Pakinggan nʼyo po ang aking mga hiling.
7 Ipakita nʼyo ang inyong pag-ibig sa pamamagitan ng inyong kahanga-hangang gawa.
Alam ko, sa inyong kapangyarihan, inyong inililigtas ang mga taong nanganganlong sa inyo mula sa kanilang mga kaaway.
8 Ingatan nʼyo ako katulad ng pag-iingat ng tao sa kanyang mga mata,
at kalingain nʼyo gaya ng pagtatakip ng inahing manok sa kanyang mga sisiw sa ilalim ng kanyang mga pakpak.
9 Ipagtanggol nʼyo po ako sa aking mga kaaway
na nakapaligid sa akin at pinagtatangkaan ang aking buhay.
10 Silaʼy mayayabang sa kanilang pagsasalita at mga walang awa.
11 Akoʼy hinanap nila at ngayoʼy kanilang napapaligiran.
Naghihintay na lamang sila ng pagkakataong itumba ako.
12 Para silang mga leon na kumukubli at nag-aabang,
at nakahandang sumakmal ng mga biktima.
13 Sige na po Panginoon, labanan nʼyo na at talunin sila.
At iligtas nʼyo ako sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.
14 Iligtas nʼyo ako sa mga makamundong tao na ang gusto lamang ay ang mga bagay ng sanlibutan.
Kaming mga minamahal nʼyo ay biyayaan nʼyo ng kasaganaan,
pati ang aming mga anak, hanggang sa aming kaapu-apuhan.
15 Dahil akoʼy matuwid, makikita ko kayo.
At sapat na sa akin ang makita ka sa aking paggising.
22 Ang gusto natin sa isang tao ay matapat.[a] Mas mabuti pang maging mahirap kaysa maging sinungaling.
23 Ang pagkatakot sa Panginoon ay magdudulot ng mahabang buhay, kasapatan, at kaligtasan sa kapahamakan.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®