Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
2 Hari 23:31-25:30

Ang Paghahari ni Jehoahaz sa Juda(A)

31 Si Jehoahaz ay 23 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng tatlong buwan. Ang ina niya ay si Hamutal na taga-Libna at anak ni Jeremias. 32 Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon katulad ng ginawa ng mga ninuno niya. 33 Ibinilanggo siya ni Faraon Neco sa Ribla na sakop ng lupain ng Hamat, para hindi siya maghari sa Jerusalem. Pinagbayad ni Neco ang Juda ng 3,500 kilong pilak at 35 kilong ginto bilang buwis. 34 Si Eliakim na isa pang anak ni Josia ang ipinalit na hari ni Neco. Pinalitan ni Neco ang pangalan ni Eliakim na Jehoyakim. Si Jehoahaz naman ay dinala ni Neco sa Egipto at doon ito namatay. 35 Pinagbayad ng buwis ni Haring Jehoyakim ang mga taga-Juda ayon sa kayamanan nila, para ipambayad sa buwis na hinihingi ni Faraon Neco.

Ang Paghahari ni Jehoyakim sa Juda(B)

36 Si Jehoyakim ay 25 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng 11 taon. Ang ina niya ay si Zebida na taga-Ruma at anak ni Pedaya. 37 Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon katulad ng ginawa ng mga ninuno niya.

24 Nang panahon ng paghahari ni Jehoyakim, nilusob ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia ang Juda at sa loob ng tatlong taon napasailalim sa kanyang pamamahala si Jehoyakim. Pero sa huli nagrebelde siya kay Nebucadnezar. Ipinadala ng Panginoon ang mga taga-Babilonia,[a] taga-Aram, taga-Moab at taga-Ammon para lusubin ang Juda, ayon sa sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng mga lingkod niyang propeta. Nangyari ito sa Juda ayon sa iniutos ng Panginoon, para mapalayas niya ang mga ito sa harapan niya, dahil sa mga kasalanang ginawa ni Manase. Ang pagpatay niya sa mga inosenteng tao at ang pagdanak ng dugo nito sa Jerusalem ay hindi mapapatawad ng Panginoon.

Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Jehoyakim, at lahat ng ginawa niya ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Juda. Nang mamatay si Jehoyakim, ang anak niyang si Jehoyakin ang pumalit sa kanya bilang hari.

Hindi na muling lumusob ang hari ng Egipto, dahil sinakop ng hari ng Babilonia ang lahat ng teritoryo nito, mula sa Lambak ng Egipto hanggang sa Ilog ng Eufrates.

Ang Paghahari ni Jehoyakin sa Juda(C)

Si Jehoyakin ay 18 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng tatlong buwan. Ang ina niya ay si Nehusta na taga-Jerusalem at anak ni Elnatan. Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon katulad ng ginawa ng ama niyang si Jehoyakim.

10 Nang panahon ng paghahari niya, ang mga opisyal ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia ay lumusob sa Jerusalem at pinalibutan ito. 11 Pumunta si Nebucadnezar sa Jerusalem habang pinalilibutan ng kanyang mga tauhan ang buong lungsod. 12 At sumuko sa kanya si Haring Jehoyakin kasama ang kanyang ina, mga lingkod, mga tanyag na tao at mga opisyal.

Nang ikawalong taon ng paghahari ni Nebucadnezar sa Babilonia, binihag niya si Jehoyakin. 13 Ayon sa sinabi noon ng Panginoon, kinuha ni Nebucadnezar ang lahat ng kayamanan sa templo ng Panginoon at sa palasyo, at ang lahat ng gintong kagamitan na ipinagawa ni Haring Solomon ng Israel para sa templo ng Panginoon. 14 At binihag niya ang 10,000 naninirahan sa Jerusalem, kasama ang lahat ng opisyal, pinakamahuhusay na sundalo, lahat ng mahuhusay na manggagawa at mga panday. Ang pinakamahihirap na tao lang ang natira.

15 Binihag ni Nebucadnezar si Jehoyakin sa Babilonia, pati ang kanyang ina, mga asawa, mga opisyal at ang mga tanyag na tao sa Juda. 16 Binihag din ni Nebucadnezar ang 7,000 pinakamatatapang na sundalo, 1,000 mahuhusay na manggagawa at mga panday na mga sundalo rin. 17 Ang ipinalit niya bilang hari ay si Matania na tiyuhin ni Jehoyakin. At pinalitan niya ang pangalan ni Matania na Zedekia.

Ang Paghahari ni Zedekia sa Juda(D)

18 Si Zedekia ay 21 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng 11 taon. Ang ina niya ay si Hamutal na taga-Libna at anak ni Jeremias. 19 Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon katulad ng ginawa ni Jehoyakim. 20 Sa galit ng Panginoon, pinalayas niya sa harapan niya ang mga taga-Jerusalem at taga-Juda.

Ang Pagkawasak ng Jerusalem(E)

Nagrebelde si Zedekia sa hari ng Babilonia.

25 Nang ikasampung araw ng ikasampung buwan, nang ikasiyam na taon ng paghahari ni Zedekia, lumusob si Haring Nebucadnezar ng Babilonia at ang buong sundalo niya sa Jerusalem. Nagkampo sila sa labas ng lungsod at nagtambak ng mga lupa sa gilid ng pader nito para makasampa sila. Pinalibutan nila ang lungsod hanggang ika-11 taon ng paghahari ni Zedekia.

Noong ikasiyam na araw ng ikaapat na buwan ng taon ding iyon, matindi na ang taggutom sa lungsod at wala nang makain ang mga tao. Winasak na ng mga taga-Babilonia ang isang bahagi ng pader ng lungsod, kaya naisip ni Zedekia na tumakas kasama ang kanyang buong hukbo. Pero dahil sa napalibutan na sila ng mga taga-Babilonia, naghintay sila hanggang sa gumabi. Doon sila dumaan sa pintuan na nasa pagitan ng dalawang pader malapit sa halamanan ng hari. Tumakas sila patungo sa Lambak ng Jordan,[b] pero hinabol sila ng mga sundalo ng Babilonia at inabutan sila sa kapatagan ng Jerico. Humiwalay kay Zedekia ang lahat ng sundalo niya, at siyaʼy nahuli. Dinala siya sa hari ng Babilonia sa Ribla, at doon siya hinatulan. Pinatay sa harapan niya ang mga anak niyang lalaki. Dinukit ang mga mata niya, at nakakadena siyang dinala sa Babilonia.

Giniba ang Templo(F)

Nang ikapitong araw ng ikalimang buwan, nang ika-19 na taon ng paghahari ni Nebucadnezar sa Babilonia, pumunta sa Jerusalem si Nebuzaradan na kumander ng mga guwardya ng hari ng Babilonia. Sinunog niya ang templo ng Panginoon, ang palasyo, ang lahat ng bahay sa Jerusalem at ang lahat ng mahahalagang gusali. 10 Sa pamamahala niya, giniba ng mga sundalo ng Babilonia ang mga pader na nakapalibot sa Jerusalem. 11 At dinala niyang bihag ang mga natitirang tao sa lungsod, pati ang mga taong kumampi sa hari ng Babilonia. 12 Pero itinira niya ang iba sa pinakamahihirap na tao para mag-alaga sa mga ubasan at bukirin.

13 Sinira ng mga taga-Babilonia ang mga kagamitan sa templo ng Panginoon: ang mga haliging tanso, mga karitong ginagamit sa pag-iigib, at ang malaking lalagyan ng tubig na tanso na tinatawag nilang Dagat. At dinala nila ang mga tanso sa Babilonia. 14 Kinuha rin nila ang mga kawali, mga pala, mga panggupit ng mitsa ng ilaw, mga mangkok at ang iba pang tanso na ginagamit sa templo. 15 Kinuha rin ni Nebuzaradan ang mga lalagyan ng baga, mga mangkok at ang iba pang mga gamit na ginto at pilak. 16 Hindi matimbang ang mga tanso na mula sa dalawang haligi, sa malaking lalagyan ng tubig na tinatawag na Dagat, at sa mga kariton na ginagamit sa pag-iigib ng tubig. Ito ang mga bagay na ipinagawa noon ni Solomon para sa templo ng Panginoon. 17 Ang bawat haligi ay may taas na 27 talampakan. Ang dalawang tanso na ulo ng bawat haligi ay may taas na apat at kalahating talampakan. Pinaikutan ito ng mga kadenang dugtong-dugtong at napapalibutan ng dekorasyong tanso, na hugis prutas na pomegranata.

18 Binihag din ni Nebuzaradan ang punong pari na si Seraya, si Zefanias na sumunod sa posisyon ni Seraya at ang tatlong guwardya ng pintuan ng templo. 19 Ito pa ang mga nakita niya at dinalang bihag mula sa lungsod: ang opisyal ng mga sundalo ng Juda, ang limang tagapamahala ng hari, ang kumander na kumukuha at nagsasanay ng mga taong magiging sundalo at ang 60 pang mamamayan doon. 20 Dinala silang lahat ni Nebuzaradan sa hari ng Babilonia na nasa Ribla, 21 na sakop ng Hamat. At doon sila pinatay ng hari. Kaya ang mga mamamayan ng Juda ay binihag at dinala papalayo sa lupain nila.

Si Gedalia na Gobernador ng Juda(G)

22 Pinili ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia si Gedalia na anak ni Ahikam at apo ni Shafan bilang gobernador ng mga naiwang tao sa Juda. 23 Nang marinig ito ng mga opisyal ng Juda at ng mga tauhan nila, pumunta sila kay Gedalia sa Mizpa. Sila ay sina Ishmael na anak ni Netania, Johanan na anak ni Karea, Seraya na anak ni Tanhumet na taga-Netofa, Jaazania na taga-Maaca, at ang kanilang mga tauhan. 24 Nanumpa si Gedalia sa kanila at sa mga tauhan nila, “Huwag kayong matakot sa mga opisyal ng Babilonia. Manirahan lang kayo rito at paglingkuran ninyo ang hari ng Babilonia at walang mangyayari sa inyo.”

25 Pero, nang ikapitong buwan nang taon na iyon, si Ishmael na anak ni Netania at apo ni Elishama, na miyembro ng sambahayan ng hari ay pumunta sa Mizpa. Kasama ang sampung tao, pinatay nila si Gedalia at ang mga kasama nitong taga-Juda at taga-Babilonia. 26 Dahil dito, lahat ng tao sa Juda mula sa pinakatanyag hanggang sa pinakamababa, pati ang mga opisyal ng mga sundalo ay tumakas papuntang Egipto dahil natakot sila sa maaaring gawin sa kanila ng mga taga-Babilonia.

Pinakawalan si Jehoyakin(H)

27 Noong ika-37 taon ng pagkabihag ni Haring Jehoyakin ng Juda, naging hari ng Babilonia si Evil Merodac. Pinalaya niya si Jehoyakin nang ika-27 araw ng ika-12 buwan ng taong ding iyon. 28 Mabait siya kay Jehoyakin at pinarangalan niya ito higit sa ibang mga hari na binihag din sa Babilonia. 29 Kaya hindi na nagsuot si Jehoyakin ng damit na para sa mga bilanggo, at mula noon ay kumakain na siya kasama ng hari. 30 Araw-araw siyang binibigyan ng hari ng mga pangangailangan niya habang siyaʼy nabubuhay.

Gawa 22:17-23:10

Inutusan si Pablo na Mangaral sa mga Hindi Judio

17 “Pagkatapos, bumalik ako sa Jerusalem. At habang nananalangin ako sa templo, nagkaroon ako ng pangitain. 18 Nakita ko si Jesus na nagsasabi sa akin, ‘Bilisan mo! Umalis ka agad sa Jerusalem, dahil hindi tatanggapin ng mga taga-rito ang patotoo mo tungkol sa akin.’ 19 Sinabi ko sa kanya, ‘Ngunit bakit hindi sila maniniwala, Panginoon, samantalang alam nila na inikot ko noon ang mga sambahan ng mga Judio para hulihin at gulpihin ang mga taong sumasampalataya sa iyo? 20 At nang patayin si Esteban na iyong saksi, naroon ako at sumasang-ayon sa pagpatay sa kanya, at ako pa nga ang nagbabantay ng mga damit ng mga pumapatay sa kanya.’ 21 Pero sinabi ng Panginoon sa akin, ‘Umalis ka sa Jerusalem, dahil ipapadala kita sa malayong lugar para ipangaral mo ang Magandang Balita sa mga hindi Judio!’ ”

22 Pagkasabi nito ni Pablo, ayaw na siyang pakinggan ng mga tao. Sumigaw sila, “Patayin ang taong iyan! Hindi siya dapat mabuhay dito sa mundo!” 23 Patuloy ang kanilang pagsigaw, habang ibinabalibag nila ang kanilang mga damit at inihahagis ang alikabok paitaas.

24 Kaya iniutos ng kumander sa kanyang mga sundalo na dalhin si Pablo sa loob ng kampo at hagupitin para ipagtapat niya ang kanyang nagawang kasalanan. Gusto niyang malaman kung bakit ganoon na lamang ang sigawan ng mga tao laban sa kanya. 25 Nang iginagapos na nila si Pablo para hagupitin, sinabi niya sa kapitan na nakatayo roon, “Naaayon ba sa batas na hagupitin ninyo ang isang Romano kahit hindi pa napatunayang may kasalanan siya?” 26 Nang marinig ito ng kapitan, pumunta siya sa kumander at sinabi, “Ano itong ipinapagawa mo? Romano pala ang taong iyon!” 27 Kaya pumunta ang kumander kay Pablo at nagtanong, “Romano ka ba?” “Opo,” sagot ni Pablo. 28 Sinabi ng kumander, “Ako rin ay naging Romano sa pamamagitan ng pagbayad ng malaking halaga.” Sumagot si Pablo, “Pero akoʼy isinilang na isang Romano!” 29 Umurong agad ang mga sundalo na mag-iimbestiga sana sa kanya. Natakot din ang kumander dahil ipinagapos niya si Pablo, gayong isa pala siyang Romano.

Dinala si Pablo sa Korte ng mga Judio

30 Gusto talagang malaman ng kumander kung bakit inaakusahan ng mga Judio si Pablo. Kaya kinabukasan, ipinatawag niya ang mga namamahalang pari at ang lahat ng miyembro ng Korte ng mga Judio. Pagkatapos, ipinatanggal niya ang kadena ni Pablo at iniharap siya sa kanila.

23 Tinitigang mabuti ni Pablo ang mga miyembro ng Korte at sinabi, “Mga kapatid, kung tungkol sa aking pamumuhay, malinis ang aking konsensya sa Dios hanggang ngayon.” Pagkasabi nito ni Pablo, inutusan ng punong pari na si Ananias ang mga nakatayong malapit kay Pablo na sampalin siya sa bibig. Sinabi ni Pablo sa kanya, “Sampalin ka rin ng Dios, ikaw na pakitang-tao! Nakaupo ka riyan para hatulan ako ayon sa Kautusan, pero nilabag mo rin ang Kautusan nang iniutos mo na sampalin ako!” Sinabi ng mga taong nakatayo malapit kay Pablo, “Iniinsulto mo ang punong pari ng Dios!” Sumagot si Pablo, “Mga kapatid, hindi ko alam na siya pala ang punong pari, dahil sinasabi sa Kasulatan na huwag tayong magsalita ng masama laban sa namumuno sa atin.”

Nang makita ni Pablo na may mga Saduceo at mga Pariseo roon, sinabi niya nang malakas sa mga miyembro ng Korte, “Mga kapatid, akoʼy isang Pariseo, at ang aking ama at mga ninuno ay Pariseo rin. Inaakusahan ako ngayon dahil umaasa akong muling mabubuhay ang mga patay.”

Nang masabi niya ito, nagkagulo ang mga Pariseo at mga Saduceo at nagkahati-hati ang mga miyembro ng Korte. Nangyari iyon dahil ayon sa mga Saduceo walang muling pagkabuhay. Hindi rin sila naniniwala na may mga anghel o may mga espiritu. Pero ang lahat ng ito ay pinaniniwalaan ng mga Pariseo. Kaya ang nangyari, lumakas ang kanilang sigawan. Tumayo ang ilang mga tagapagturo ng Kautusan na mga Pariseo at mariin nilang sinabi, “Wala kaming makitang kasalanan sa taong ito. Baka may espiritu o kayaʼy anghel na nakipag-usap sa kanya!”

10 Lalong uminit ang kanilang pagtatalo, hanggang sa natakot ang kumander na baka pagtulung-tulungan ng mga tao si Pablo. Kaya nag-utos siya sa kanyang mga sundalo na bumaba at kunin si Pablo sa mga tao at dalhin sa kampo.

Salmo 2

Ang Haring Hinirang ng Panginoon

Bakit nagsipagtipon ang mga bansa sa pagpaplano ng masama?
    Bakit sila nagpaplano ng wala namang patutunguhan?
Ang mga hari at mga pinuno sa mundo ay nagsama-sama,
    at nagsipaghanda sa pakikipaglaban sa Panginoon,
    at sa hari na kanyang hinirang.
Sinabi nila,
    “Huwag tayong pasakop o sumunod man sa kanilang pamamahala!”
Ngunit siyang nakaupo sa kanyang trono sa langit ay natatawa lang, at kumukutya sa kanila.
Sa galit ng Dios, silaʼy binigyang babala,
    at sa tindi ng kanyang poot silaʼy natatakot.
Sinabi niya,
    “Iniluklok ko na ang hinirang kong hari sa kanyang trono sa Zion,[a] sa banal kong bundok.”
Sinabi ng hari na hinirang ng Dios,
    “Sasabihin ko ang sinabi sa akin ng Panginoon: ‘Ikaw ang Anak ko,
    at ngayon, ipapahayag ko na ako ang iyong Ama.[b]
Hilingin mo sa akin ang mga bansa sa buong mundo,
    at ibibigay ko ito sa iyo bilang mana mo.
Pamumunuan mo sila,
    at walang sasalungat sa iyong pamamahala.
    Silaʼy magiging parang palayok na iyong dudurugin.’ ”

10 Kaya kayong mga hari at pinuno sa buong mundo,
    unawain ninyo ang mga salitang ito at pakinggan ang mga babala laban sa inyo.
11 Paglingkuran ninyo ang Panginoon nang may takot,
    at magalak kayo sa kanya.
12 Magpasakop kayo sa hari na kanyang hinirang,
    kung hindi ay baka magalit siya at kayoʼy ipahamak niya.
    Mapalad ang mga nanganganlong sa Panginoon.

Kawikaan 18:13

13 Hangal at kahiya-hiya ang taong sumasagot sa usapan ng hindi muna nakikinig.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®