The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NRSVUE. Switch to the NRSVUE to read along with the audio.
22 Pagkatapos, sinabi ni David, “Dito sa lugar na ito itatayo ang templo ng Panginoong Dios at ang altar para sa mga handog na sinusunog ng Israel.”
Ang Paghahanda para sa Pagpapatayo ng Templo
2 Nag-utos si David na tipunin ang mga dayuhang naninirahan sa Israel. Pumili siya sa kanila ng mga tagatabas ng bato para sa templo ng Dios. 3 Nagbigay si David ng napakaraming bakal para gawing mga pako at bisagra para sa mga pintuan, at maraming tanso na hindi na matimbang sa sobrang bigat. 4 Naghanda rin siya ng napakaraming kahoy na sedro na dinala sa kanya ng mga Sidoneo at Tyreo. 5 Sinabi ni David, “Bata pa ang anak kong si Solomon at wala pa siyang karanasan. Kailangang ang templo ng Panginoon na itatayo ay napakaganda at magiging tanyag sa buong mundo. Kaya paghahandaan ko ito ngayon pa lang.” Kaya lubusan ang paghahandang ginawa ni David bago siya mamatay.
6 Pagkatapos, ipinatawag ni David ang anak niyang si Solomon at inutusang ipatayo ang templo para sa Panginoon, ang Dios ng Israel. 7 Sinabi ni David kay Solomon, “Anak, gusto ko sanang magpatayo ng templo para sa karangalan ng pangalan ng Panginoon na aking Dios. 8 Pero ito ang sinabi niya sa akin: ‘Sa dami ng labanang napagdaanan mo, maraming tao ang napatay mo, kaya hindi kita papayagang magpatayo ng templo para sa karangalan ng aking pangalan. 9 Ngunit bibigyan kita ng anak na lalaki na maghahari nang may kapayapaan dahil hindi siya gagambalain ng lahat ng kanyang kalaban sa paligid. Ang magiging pangalan niya ay Solomon,[a] at bibigyan ko ng kapayapaan ang Israel sa kanyang paghahari. 10 Siya ang magpapatayo ng templo para sa karangalan ng aking pangalan. Ituturing ko siyang anak at akoʼy magiging kanyang ama. Maghahari ang mga angkan niya sa Israel magpakailanman.’
11 “Kaya anak, gabayan ka sana ng Panginoon at magtagumpay ka sa pagpapatayo mo ng templo ng Panginoon na iyong Dios, ayon sa sinabi niya na gawin mo. 12 Bigyan ka sana ng Panginoon na iyong Dios ng karunungan at pang-unawa para matupad mo ang kautusan niya sa panahon na pamamahalain ka niya sa buong Israel. 13 At kung matupad mo nang mabuti ang mga utos at mga tuntunin na ibinigay niya sa Israel sa pamamagitan ni Moises, magiging matagumpay ka. Kaya magpakatatag ka at magpakatapang. Huwag kang matakot o kayaʼy manlupaypay. 14 Pinaghirapan kong mabuti ang paghahanda ng mga materyales para sa pagpapatayo ng templo ng Panginoon – 3,500 toneladang ginto, 35,500 toneladang pilak, at maraming tanso at mga bakal na hindi na matimbang sa sobrang bigat. Naghanda rin ako ng mga kahoy at mga bato, pero kailangan mo pa rin itong dagdagan. 15 Marami kang manggagawa: mga tagatabas ng bato, mga mason, mga karpintero at mga taong may kakayahan sa anumang gawaing 16 ginto, pilak, tanso at bakal. Ngayon, simulan mo na ang pagpapagawa, at gabayan ka sana ng Panginoon.”
17 Pagkatapos, inutusan ni David ang lahat ng pinuno ng Israel para tulungan ang anak niyang si Solomon. 18 Sinabi niya sa kanila, “Kasama nʼyo ang Panginoon na inyong Dios at binigyan niya kayo ng kapayapaan sa mga kalaban ninyo sa paligid. Sapagkat ipinagkatiwala niya sa akin ang lahat ng naninirahan sa lupaing ito, at ngayon ay sa Panginoon na at tayong mga mamamayan niya ang may sakop sa mga ito. 19 Kaya ngayon, italaga ninyo ang inyong sarili sa Panginoon na inyong Dios, nang buong pusoʼt kaluluwa. Simulan na ninyo ang pagtatayo ng templo ng Panginoon na inyong Dios para mailagay na ang Kahon ng Kasunduan at ang mga banal na kagamitan ng Dios sa templong ito na itatayo para sa karangalan ng pangalan ng Panginoon.”
Ang Gawain ng mga Levita
23 Nang matandang-matanda na si David, ginawa niyang hari ng Israel ang anak niyang si Solomon. 2 Ipinatipon niya ang lahat ng pinuno ng Israel, pati ang mga pari at mga Levita. 3 Binilang ang mga Levita na nasa edad 30 pataas, at ang bilang nilaʼy 38,000. 4 Sinabi ni David, “Ang 24,000 sa kanila ay mamamahala ng mga gawain sa templo ng Panginoon, ang 6,000 ay maglilingkod bilang mga opisyal at mga hukom, 5 ang 4,000 ay maglilingkod bilang mga guwardya ng mga pintuan ng templo, at ang 4,000 ay magpupuri sa Panginoon sa pamamagitan ng mga instrumentong ipinagawa ko para sa gawaing ito.” 6 Hinati ni David sa tatlong grupo ang mga Levita, ayon sa mga pamilya ng mga anak ni Levi na sina Gershon, Kohat at Merari.
Ang mga Angkan ni Gershon
7 Ang mga anak ni Gershon ay sina Ladan[b] at Shimei. 8 Tatlo ang anak ni Ladan: si Jehiel, ang pinakapinuno ng kanilang pamilya,[c] si Zetam at si Joel. 9 Sila ang mga pinuno ng mga pamilya ni Ladan.
Si Shimei ay may tatlo ring anak na lalaki na sina Shelomot, Haziel at Haran. 10-11 Nagkaroon pa ng apat na anak na lalaki si Shimei: ang pinakapinuno ng kanilang pamilya ay si Jahat, ang pangalawa ay si Zina,[d] at sumunod sina Jeush at Beria. Kakaunti lang ang mga anak ni Jeush at Beria, kaya binilang sila na isang pamilya lang.
Ang mga Angkan ni Kohat
12 Si Kohat ay may apat na anak na lalaki na sina Amram, Izar, Hebron at Uziel. 13 Ang mga anak na lalaki ni Amram ay sina Aaron at Moises. Ibinukod si Aaron at ang kanyang mga angkan para sa pagtatalaga ng mga pinakabanal na bagay, sa pag-aalay ng mga handog sa Panginoon, sa paglilingkod sa kanya at sa pagbabasbas sa pamamagitan ng pangalan ng Panginoon. Ito ang magiging tungkulin nila magpakailanman. 14 Ang mga anak na lalaki ni Moises na lingkod ng Dios ay kabilang sa mga Levita. 15 Ang mga anak niyang lalaki ay sina Gershom at Eliezer. 16 Ang isa sa mga anak na lalaki ni Gershom ay si Shebuel na pinakapinuno ng kanilang pamilya. 17 Si Eliezer ay may kaisa-isang anak na lalaki, si Rehabia na pinakapinuno rin ng kanilang pamilya. Marami ang mga angkan ni Rehabia.
18 Ang isa sa mga anak na lalaki ni Izar ay si Shelomit na pinakapinuno ng kanilang pamilya.
19 Ang mga anak na lalaki ni Hebron ay sina Jeria na pinakapinuno ng kanilang pamilya, si Amaria ang ikalawa, si Jahaziel ang ikatlo, at si Jekameam ang ikaapat.
20 Ang mga anak na lalaki ni Uziel ay sina Micas na pinakapinuno ng kanilang pamilya, at Ishia ang pangalawa.
Ang mga Angkan ni Merari
21 Ang mga anak na lalaki ni Merari ay sina Mahli at Mushi. Ang mga anak na lalaki ni Mahli ay sina Eleazar at Kish. 22 Namatay si Eleazar na walang anak na lalaki kundi puro babae. Silaʼy napangasawa ng kanilang mga pinsan na mga anak ni Kish.
23 Si Mushi ay may tatlong anak na lalaki na sina Mahli, Eder at Jeremot.
24 Sila ang lahi ni Levi ayon sa mga pinuno ng kanilang mga pamilya. Nakatala ang kani-kanilang mga pangalan. Ang bawat isa sa kanila ay dapat nasa edad na 20 pataas para makapaglingkod sa templo ng Panginoon. 25-26 Sinabi ni David, “Binigyan tayo ng Panginoon, ang Dios ng Israel, ng kapayapaan at maninirahan siya sa Jerusalem magpakailanman. Hindi na kailangang dalhin ng mga Levita ang Tolda at ang mga kagamitan nito.”
27 Ayon sa huling utos ni David, ang lahat ng Levita na nasa edad 20 pataas ay itinala para maglingkod. 28 Ang tungkulin ng mga Levita ay ang pagtulong sa mga pari, na mga angkan ni Aaron sa paglilingkod sa templo ng Panginoon. Sila ang mangangalaga ng bakuran ng templo at ng mga kwarto sa gilid nito. Sila rin ang tutulong sa mga seremonya ng paglilinis at ng iba pang gawain sa templo ng Dios. 29 Sila rin ang pinagkatiwalaan sa banal na tinapay na inilalagay sa mesa, sa harina para sa mga handog ng pagpaparangal sa Panginoon, sa tinapay na walang pampaalsa, at sa iba pang niluluto at minamasa. Sila rin ang pinagkatiwalaan sa pagtitimbang at sa pagtatakal ng lahat ng handog. 30 Tungkulin din nila ang tumayo tuwing umaga at gabi sa templo para magpasalamat at magpuri sa Panginoon. 31 Tutulong din sila sa pag-aalay ng mga handog na sinusunog sa Panginoon tuwing Araw ng Pamamahinga, tuwing Pista ng Pagsisimula ng Buwan,[e] at sa iba pang mga pista. May mga sinusunod silang tuntunin kung ilang mga Levita ang gagawa ng gawaing ito at kung paano nila ito gagawin.
32 Kaya ginawa ng mga Levita ang tungkulin nilang alagaan ang Toldang Tipanan at ang Banal na Lugar, at sa pagtulong sa mga kamag-anak nilang pari na mula sa angkan ni Aaron sa paglilingkod sa templo ng Panginoon.
Ang Lahat ng Tao ay Makasalanan
9 Ano ngayon ang masasabi natin? Na tayo bang mga Judio ay talagang nakakalamang sa mga hindi Judio? Hindi! Sapagkat ipinaliwanag ko na, na ang lahat ng tao ay makasalanan, Judio man o hindi. 10 Gaya nga ng sinasabi sa Kasulatan,
“Walang matuwid sa paningin ng Dios, wala kahit isa.
11 Walang nakakaunawa tungkol sa Dios, walang nagsisikap na makilala siya.
12 Ang lahat ay tumalikod sa Dios at naging walang kabuluhan.
Walang gumagawa ng mabuti, wala kahit isa.”[a]
13 “Ang kanilang pananalitaʼy[b] hindi masikmura tulad ng bukas na libingan.
Ang kanilang sinasabiʼy[c] puro pandaraya.[d]
Ang mga salita[e] nilaʼy parang kamandag ng ahas.[f]
14 Ang lumalabas sa kanilang bibig ay panay pagmumura at masasakit na salita.[g]
15 Sa kaunting dahilan lang pumapatay agad sila ng tao.
16 Kapahamakan at hinagpis ang dala nila kahit saan.
17 Hindi nila alam ang mamuhay nang mapayapa,[h]
18 at wala silang takot sa Dios.”[i]
19 Ngayon, alam natin na ang lahat ng sinasabi ng Kautusan ay para sa ating mga Judio na namumuhay sa ilalim ng Kautusan, para walang maidahilan ang sinuman na hindi siya dapat parusahan. Ang lahat ng tao sa mundo ay mananagot sa Dios. 20 Sapagkat walang sinuman ang ituturing ng Dios na matuwid sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan. Sa halip, ipinapakita ng Kautusan sa tao na makasalanan siya.
21 Pero ngayon, inihayag na kung paano itinuturing ng Dios na matuwid ang tao. Itoʼy hindi sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan. Ang Kautusan na mismo at ang mga propeta ang nagpapatotoo rito. 22 Ang taoʼy itinuturing ng Dios na matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Cristo. At walang pinapaboran ang Dios. Kaya ang sinumang sumasampalataya kay Jesu-Cristo ay itinuturing niyang matuwid. 23 Sapagkat ang lahat ay nagkasala at hindi naging karapat-dapat sa paningin ng Dios. 24 Ngunit dahil sa biyaya ng Dios sa atin, itinuring niya tayong matuwid sa pamamagitan ni Cristo Jesus na siyang tumubos sa atin. Itoʼy regalo ng Dios. 25 Isinugo si Cristo Jesus sa mundo para ialay ang kanyang buhay, nang sa ganoon mawala ang galit ng Dios sa atin, at sa pamamagitan ng kanyang dugo ay mapatawad ang ating mga kasalanan kung sasampalataya tayo sa kanya. Ginawa iyon ng Dios para ipakita na matuwid siya. Noong unaʼy nagtimpi siya at pinalampas ang mga kasalanang ginawa ng mga tao, kahit na dapat sanaʼy pinarusahan na sila. 26 Isinugo niya si Cristo para ipakita sa kasalukuyang panahon na matuwid siya. Dahil sa ginawa ng Dios, pinatunayan niyang matuwid siya maging sa pagturing niyang matuwid sa mga makasalanang sumasampalataya kay Jesus. 27 Kaya wala tayong maipagmamalaki, dahil ang pagturing sa atin na matuwid ay hindi sa pamamagitan ng ating pagsunod sa Kautusan, kundi sa ating pananampalataya kay Jesus. 28 Sapagkat naniniwala tayo na itinuturing ng Dios na matuwid ang tao sa pamamagitan ng kanyang pananampalataya kay Cristo at hindi sa pagsunod sa Kautusan. 29 Ang Dios ay hindi lamang Dios ng mga Judio, kundi Dios din ng mga hindi Judio, dahil siyaʼy Dios ng lahat. 30 Iisa lamang ang Dios para sa mga Judio at hindi Judio, at ituturing silang matuwid ng Dios dahil sa kanilang pananampalataya kay Cristo. 31 Nangangahulugan bang binabalewala namin ang Kautusan sa pamamagitan ng pananampalataya? Hindi! Sa halip, lalo pa nga naming tinutupad ang layunin ng Kautusan.
Panalangin para Tulungan ng Dios
12 Panginoon, tulungan nʼyo po kami,
dahil wala nang makadios,
at wala na ring may paninindigan.
2 Nagsisinungaling sila sa kanilang kapwa.
Nambobola sila para makapandaya ng iba.
3 Panginoon, patigilin nʼyo na sana ang mga mayayabang at mambobola.
4 Sinasabi nila,
“Sa pamamagitan ng aming pananalita ay magtatagumpay kami.
Sasabihin namin ang gusto naming sabihin,
at walang sinumang makakapigil sa amin.”
5 Sinabi ng Panginoon,
“Kikilos ako! Nakikita ko ang kaapihan ng mga dukha,
at naririnig ko ang iyakan ng mga naghihirap.
Kayaʼt ibibigay ko sa kanila ang pinapangarap nilang kaligtasan.”
6 Ang pangako ng Panginoon ay purong katotohanan,
gaya ng purong pilak na pitong ulit na nasubukan sa nagliliyab na pugon.
7 Panginoon, nalalaman namin na kami ay inyong iingatan,
at ilalayo sa masamang henerasyong ito magpakailanman.
8 Pinalibutan nila kami,
at pinupuri pa ng lahat ang kanilang kasuklam-suklam na gawain.
13 Ang anak na hangal ay nagdudulot ng kapahamakan sa kanyang ama. Ang bungangerang asawa ay nakakainis tulad ng tulo sa bubungan.
14 Bahay at kayamanan sa magulang ay namamana, ngunit ang Panginoon lang ang nagbibigay ng matalinong asawa.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®