The Daily Audio Bible
Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.
18 May 44,760 sundalo sa mga lahi nina Reuben, Gad, at sa kalahating lahi ni Manase. Sinanay sila para sa labanan at mahusay silang gumamit ng mga pananggalang, espada at pana. 19 Nakipaglaban sila sa mga Hagreo, Jetureo, Nafiseo, at Nodabeo. 20 Humingi sila ng tulong sa Dios nang nakipaglaban sila, at dahil nagtiwala sila sa kanya, tinugon ng Dios ang panalangin nila. Kaya pinagtagumpay sila ng Dios sa mga Hagreo at sa mga kakampi nito. 21 Pinagkukuha nila ang hayop ng mga Hagreo: 50,000 kamelyo, 250,000 tupa at 2,000 asno. Binihag din nila ang 100,000 tao, 22 at marami silang napatay dahil tinulungan sila ng Dios sa pakikipaglaban. Tinirhan nila ang mga lugar na ito hanggang sa mabihag sila ng ibang bansa.
Ang Kalahating Lahi ni Manase
23 Ang kalahating angkan ni Manase ay napakarami. Tumira sila sa mga lupain mula sa Bashan papunta sa Baal Hermon, Senir, at Bundok ng Hermon. At napakarami nila. 24 Ito ang mga pinuno ng kanilang mga pamilya: sina Efer, Ishi, Eliel Azriel, Jeremias, Hodavia at Jadiel. Matatapang silang mandirigma at tanyag na mga pinuno ng mga pamilya nila. 25 Pero hindi sila naging tapat sa Dios ng kanilang mga ninuno, sa halip sumamba sila sa mga dios ng mga taong nilipol ng Dios sa lupaing iyon. 26 Ito ang dahilan kung bakit niloob ng Dios ng Israel na lusubin sila ni Pul na hari ng Asiria (na siya ring si Tiglat Pileser). Binihag ni Pul ang mga lahi ni Reuben at Gad, pati na ang kalahating lahi ni Manase at dinala sa Hala, Habor, Hara, at sa Ilog ng Gozan, kung saan doon sila naninirahan hanggang ngayon.
Ang Lahi ni Levi na mga Pari
6 Ito ang mga anak na lalaki ni Levi: sina Gershon,[a] Kohat at Merari. 2 Ang mga anak na lalaki ni Kohat ay sina Amram, Izar, Hebron at Uziel. 3 Ang mga anak ni Amram ay sina Aaron, Moises at Miriam. Ang mga anak na lalaki ni Aaron ay sina Nadab, Abihu, Eleazar at Itamar. 4 Si Eleazar ay ama ni Finehas, si Finehas ay ama ni Abishua, 5 at si Abishua ay ama ni Buki. Si Buki ay ama ni Uzi, 6 si Uzi ay ama ni Zerahia at si Zerahia ay ama ni Merayot. 7 Si Merayot ay ama ni Amaria, si Amaria ay ama ni Ahitub, 8 si Ahitub ay ama ni Zadok. Si Zadok ay ama ni Ahimaaz, 9 si Ahimaaz ay ama ni Azaria, at si Azaria ay ama ni Johanan. 10 Si Johanan ay ama ni Azaria na siyang punong pari nang ipinatayo ni Solomon ang templo sa Jerusalem. 11 Si Azaria ay ama ni Amaria, si Amaria ay ama ni Ahitub, 12 at si Ahitub ay ama ni Zadok. Si Zadok ay ama ni Shalum, 13 si Shalum ay ama ni Hilkia at si Hilkia ay ama ni Azaria. 14 Si Azaria ay ama ni Seraya at si Seraya ay ama ni Jehozadak. 15 Si Jehozadak ay kasama sa mga bihag nang ipabihag ng Panginoon ang mga mamamayan ng Jerusalem at Juda kay Nebucadnezar.
Ang Iba pang Lahi ni Levi
16 Ang mga anak na lalaki ni Levi ay sina Gershon, Kohat at Merari. 17 Ang mga anak na lalaki ni Gershon ay sina Libni at Shimei. 18 Ang mga anak na lalaki ni Kohat ay sina Amram, Izar, Hebron at Uziel. 19 Ang mga anak na lalaki ni Merari ay sina Mahli at Mushi.
Ito ang mga pamilya ng mga Levita na itinala ayon sa kanilang mga ninuno:
20 Sa mga angkan ni Gershon: sina Libni, Jehat, Zima, 21 Joa, Iddo, Zera at Jeaterai.
22 Sa mga angkan ni Kohat: sina Aminadab, Kora, Asir, 23 Elkana, Ebiasaf,[b] Asir, 24 Tahat, Uriel, Uzia at Shaul. 25 Sa mga angkan ni Elkana: sina Amasai, Ahimot, 26 Elkana, Zofai, Nahat, 27 Eliab, Jeroham, Elkana at Samuel.[c] 28 Ang mga anak na lalaki ni Samuel ay si Joel,[d] ang panganay, at ang ikalawa ay si Abijah.
29 Sa mga angkan ni Merari: sina Mahli, Libni, Shimei, Uza, 30 Shimea, Haggia at Asaya.
Ang mga Musikero sa Templo
31 May mga taong itinalaga ni David sa pag-awit at pagtugtog sa bahay ng Panginoon matapos malipat doon ang Kahon ng Kasunduan. 32 Naglingkod sila sa pamamagitan ng pag-awit doon sa Toldang Sambahan na tinatawag ding Toldang Tipanan hanggang sa panahon na naipatayo ni Solomon ang templo ng Panginoon sa Jerusalem. Ginawa nila ang kanilang gawain ayon sa mga tuntunin na ipinatupad sa kanila. 33 Ito ang mga naglilingkod na kasama ang kanilang mga anak:
Si Heman na isang musikero na mula sa angkan ni Kohat. (Si Heman ay anak ni Joel. Si Joel ay anak ni Samuel. Si Samuel ay anak ni Elkana. 34 Si Elkana ay anak ni Jeroham. Si Jeroham ay anak ni Eliel. Si Eliel ay anak ni Toa. 35 Si Toa ay anak ni Zuf. Si Zuf ay anak ni Elkana. Si Elkana ay anak ni Mahat. Si Mahat ay anak ni Amasai. 36 Si Amasai ay anak ni Elkana. Si Elkana ay anak ni Joel. Si Joel ay anak ni Azaria. Si Azaria ay anak ni Zefanias. 37 Si Zefanias ay anak ni Tahat. Si Tahat ay anak ni Asir. Si Asir ay anak ni Ebiasaf. Si Ebiasaf ay anak ni Kora. 38 Si Kora ay anak ni Izar. Si Izar ay anak ni Kohat. Si Kohat ay anak ni Levi. Si Levi ay anak ni Israel.)
39 Si Asaf na mula sa angkan ni Gershon. Siya ang unang tagapamahala ni Heman. (Si Asaf ay anak ni Berekia. Si Berekia ay anak ni Shimea. 40 Si Shimea ay anak ni Micael. Si Micael ay anak ni Baaseya. Si Baaseya ay anak ni Malkia. 41 Si Malkia ay anak ni Etni. Si Etni ay anak ni Zera. Si Zera ay anak ni Adaya. 42 Si Adaya ay anak ni Etan. Si Etan ay anak ni Zima. Si Zima ay anak ni Shimei. 43 Si Shimei ay anak ni Jahat. Si Jahat ay anak ni Gershon. Si Gershon ay anak ni Levi.)
44 Si Etan na mula sa angkan ni Merari. Siya ang pangalawang tagapamahala ni Heman. (Si Etan ay anak ni Kishi. Si Kishi ay anak ni Abdi. Si Abdi ay anak ni Maluc. 45 Si Maluc ay anak ni Hashabia. Si Hashabia ay anak ni Amazia. Si Amazia ay anak ni Hilkia. 46 Si Hilkia ay anak ni Amzi. Si Amzi ay anak ni Bani. Si Bani ay anak ni Shemer. 47 Si Shemer ay anak ni Mahli. Si Mahli ay anak ni Mushi. Si Mushi ay anak ni Merari. At si Merari ay anak ni Levi.)
48 Ang mga kapwa nila Levita ay binigyan ng ibang gawain sa Toldang Sambahan, ang bahay ng Dios. 49 Pero si Aaron at ang kanyang angkan ang naghahandog sa altar na pinag-aalayan ng mga handog na sinusunog at sa altar na pinagsusunugan ng insenso. At sila rin ang gumagawa ng iba pang mga gawain na may kinalaman sa ginagawa sa Pinakabanal na Lugar. Naghahandog sila para sa kapatawaran ng kasalanan ng Israel. Ginagawa nila ito ayon sa lahat ng iniutos ni Moises na lingkod ng Dios. 50 Ito ang mga angkan ni Aaron: sina Eleazar, Finehas, Abishua, 51 Buki, Uzi, Zerahia, 52 Merayot, Amaria, Ahitub, 53 Zadok, at Ahimaaz.
Ang mga Lupain ng Lahi ni Levi
54 Ito ang mga lupain na ibinigay sa angkan ni Aaron na mula sa angkan ni Kohat. Sila ang unang binigyan ng lupain sa pamamagitan ng palabunutan. 55 Kabilang sa mga lupaing ito ay ang Hebron na nasa Juda at ang mga pastulan sa paligid nito. 56 Pero ang mga bukirin at ang mga baryo sa paligid ng Hebron ay ibinigay kay Caleb na anak ni Jefune. 57 Kaya ibinigay sa angkan ni Aaron ang mga sumusunod na lupain kabilang ang mga pastulan nito: Hebron (ang lungsod na tanggulan), Libna, Jatir, Estemoa, 58 Hilen,[e] Debir, 59 Ashan,[f] Juta,[g] at Bet Shemesh. 60 At mula sa lupain ng lahi ni Benjamin ay ibinigay sa kanila ang Gibeon,[h] Geba, Alemet at Anatot, pati na ang mga pastulan nito. Ang bayan na ibinigay sa angkang ito ni Kohat ay 13 lahat. 61 Ang natirang mga angkan ni Kohat ay binigyan ng sampung bayan sa pamamagitan ng palabunutan mula sa lupain ng kalahating lahi ni Manase.
62 Ang mga angkan ni Gershon ayon sa bawat pamilya ay binigyan ng 13 bayan mula sa mga lahi nina Isacar, Asher, Naftali, at mula sa kalahating lahi ni Manase sa Bashan.
63 Ang angkan ni Merari, ayon sa bawat pamilya ay binigyan ng 12 bayan mula sa lahi nina Reuben, Gad at Zebulun.
64 Kaya ibinigay ng mga Israelita sa mga Levita ang mga bayang ito at ang mga pastulan nito. 65 Ibinigay din sa lahi ni Levi ang mga nabanggit na bayan na mula sa lahi nina Juda, Simeon at Benjamin. 66 Ang ibang mga pamilya ni Kohat ay binigyan ng mga bayan mula sa lahi ni Efraim. 67 Ibinigay sa kanila ang Shekem (na siyang lungsod na tanggulan sa kaburulan ng Efraim), ang Gezer, 68 Jokmeam, Bet Horon, 69 Ayalon at Gat Rimon, pati na ang mga pastulan nito. 70 Ang iba pang angkan ni Kohat ay binigyan ng mga kapwa nila Israelita ng mga bayan mula sa kalahating lahi ni Manase. Ang ibinigay sa kanila ay ang Aner at Bileam pati ang mga pastulan nito.
71 Ang angkan ni Gershon ay binigyan ng mga sumusunod na bayan:
Mula sa kalahating lahi ni Manase: Golan sa Bashan at ang Ashtarot, pati ang mga pastulan nito.
72 Mula sa lahi ni Isacar: Kedesh, Daberat, 73 Ramot at Anem, pati ang mga pastulan nito.
74 Mula sa lahi ni Asher: Mashal, Abdon, 75 Hukok at Rehob, pati ang mga pastulan nito.
76 Mula sa lahi ni Naftali: Kedesh sa Galilea, Hammon at Kiriataim, pati ang mga pastulan nito.
77 Ang mga natirang angkan ni Merari ay binigyan ng mga sumusunod na lupain:
Mula sa lahi ni Zebulun: Jokneam, Karta,[i] Rimono at Tabor, pati ang mga pastulan nito.
78 Mula sa lahi ni Reuben na nasa kabilang Ilog ng Jordan sa silangan ng Jerico: Bezer sa may disyerto, Jaza,[j] 79 Kedemot at Mefaat, pati ang mga pastulan nito.
80 At mula sa lahi ni Gad: Ramot sa Gilead, Mahanaim, 81 Heshbon at Jazer, pati ang mga pastulan nito.
Ipinagtanggol ni Pablo ang Kanyang Sarili sa Harapan ni Agripa
26 Pagkatapos, sinabi ni Agripa kay Pablo, “Sige, pinapahintulutan kang magsalita para maipagtanggol mo ang iyong sarili.” Kaya sumenyas si Pablo na magsasalita na siya. Sinabi niya,
2 “Haring Agripa, mapalad po ako dahil binigyan ninyo ako ng pagkakataong tumayo sa inyong harapan para maipagtanggol ang aking sarili sa lahat ng akusasyon ng mga Judio laban sa akin. 3 Lalo naʼt alam na alam ninyo ang lahat ng kaugalian at mga pinagtatalunan ng mga Judio. Kaya hinihiling ko na kung maaari ay pakinggan nʼyo ang sasabihin ko.
4 “Alam ng mga Judio kung ano ang aking pamumuhay sa bayan ko at sa Jerusalem, mula nang bata pa ako. 5 Kung magsasabi lamang sila ng totoo, sila na rin ang makapagpapatunay na miyembro ako ng mga Pariseo mula pa noong una. Ang mga Pariseo ang siyang pinakamahigpit na sekta sa relihiyon ng mga Judio. 6 At narito ako ngayon sa korte na nililitis dahil umaasa akong tutuparin ng Dios ang kanyang pangako sa aming mga ninuno. 7 Ang aming 12 lahi ay umaasa na matutupad ang pangakong ito. Kaya araw at gabi naming sinasamba ang Dios. At dahil sa aking pananampalataya sa mga bagay na ito, Haring Agripa, inaakusahan po ako ng mga Judio. 8 At kayong mga Judio, bakit hindi kayo makapaniwala na kaya ng Dios na bumuhay ng mga patay?
9 “Noong una, napag-isipan ko mismo na dapat kong gawin ang aking makakaya para kalabanin si Jesus na taga-Nazaret. 10 Ganito ang aking ginawa noon sa Jerusalem. Sa pamamagitan ng kapangyarihang ibinigay sa akin ng mga namamahalang pari, maraming pinabanal[a] ng Dios ang ipinabilanggo ko. At nang hatulan sila ng kamatayan, sumang-ayon ako. 11 Maraming beses na inikot ko ang mga sambahan ng mga Judio para hanapin sila at parusahan, para piliting magsalita laban kay Jesus. Sa tindi ng galit ko sa kanila, nakarating ako sa malalayong lungsod sa pag-uusig sa kanila.”
Ikinuwento ni Pablo kung Paano Niya Nakilala ang Panginoon(A)
12 “Iyan ang dahilan kung bakit ako pumunta sa Damascus na may dalang sulat mula sa mga namamahalang pari. Ang sulat na iyon ang nagbigay sa akin ng kapangyarihan at pahintulot sa gagawin ko roon. 13 Tanghaling-tapat po noon, Haring Agripa, at habang naglalakbay ako, biglang kumislap sa paligid namin ng mga kasama ko ang nakakasilaw na liwanag mula sa langit, na mas nakakasilaw pa kaysa sa araw. 14 Napasubsob kaming lahat sa lupa, at may narinig akong tinig na nagsasalita sa akin sa wikang Hebreo: ‘Saulo, Saulo! Bakit mo ako inuusig? Pinaparusahan mo lang ang iyong sarili. Para kang sumisipa sa matulis na kahoy.’ 15 Nagtanong ako, ‘Sino po kayo?’ Sumagot ang Panginoon, ‘Ako si Jesus na inuusig mo. 16 Bumangon ka at tumayo. Nagpakita ako sa iyo dahil pinili kita na maging lingkod ko. Ipahayag mo sa iba ang tungkol sa pagpapakita ko sa iyo ngayon, at tungkol sa mga bagay na ipapakita ko pa sa iyo. 17 Ililigtas kita sa mga Judio at sa mga hindi Judio. Ipapadala kita sa kanila 18 para imulat ang kanilang mata at dalhin sila mula sa kadiliman papunta sa liwanag, at mula sa kapangyarihan ni Satanas papunta sa Dios. At sa pamamagitan ng kanilang pananampalataya sa akin, patatawarin sila sa kanilang mga kasalanan, at mapapabilang na sila sa mga taong itinuring ng Dios na sa kanya.’
Isinalaysay ni Pablo ang Kanyang Gawain
19 “Kaya Haring Agripa, sinunod ko po ang pangitain na ipinakita sa akin mula sa langit. 20 Ang una kong ginawa ay nangaral ako sa Damascus at pagkatapos ay sa Jerusalem. Mula sa Jerusalem inikot ko ang buong Judea, at pinuntahan ko rin ang mga hindi Judio. Pinangaralan ko sila na dapat silang magsisi sa kanilang kasalanan at lumapit sa Dios, at ipakita nila sa pamamagitan ng kanilang mga gawa na silaʼy totoong nagsisisi. 21 Iyan po ang dahilan kung bakit hinuli ako ng mga Judio roon sa templo at tinangkang patayin. 22 Pero tinulungan ako ng Dios hanggang sa araw na ito. Kaya narito ako ngayon para sabihin sa lahat, sa mga kilalang tao o hindi, ang sinabi noon ng mga propeta at ni Moises na mangyayari: 23 na ang Cristo ay dapat magdusa at mamatay, at unang mabubuhay mula sa kamatayan upang magbigay ng liwanag sa mga Judio at sa mga hindi Judio.”
24 Habang nagsasalita pa si Pablo, sumigaw si Festus, “Pablo, naloloko ka na yata! Sinira na nang labis mong karunungan ang ulo mo!” 25 Sumagot si Pablo, “Kagalang-galang na Festus, hindi po ako naloloko. Totoo ang mga sinasabi ko at matino ang pag-iisip ko. 26 Ang mga bagay na ito ay alam ni Haring Agripa. Kaya hindi ako natatakot magsalita sa kanya. Nasisiguro kong alam niya talaga ang mga bagay na ito, dahil ang mga itoʼy hindi nangyari sa lihim lang. 27 Haring Agripa, naniniwala po ba kayo sa mga sinasabi ng mga propeta? Alam kong naniniwala kayo.” 28 Sumagot si Agripa, “Baka ang akala moʼy madali mo akong mahihikayat na maging Cristiano.” 29 Sumagot si Pablo, “Ang kahilingan ko sa Dios, mangyari man ito agad o hindi ay hindi lang po kayo kundi ang lahat ding nakikinig sa akin ngayon ay maging Cristiano tulad ko, maliban sa aking pagiging bilanggo.”
30 Pagkatapos, tumayo ang hari, ang gobernador, si Bernice, at ang lahat ng mga kasama nilang nakaupo roon. 31 Nang lumabas sila, sinabi nila sa isaʼt isa, “Wala namang ginawang anuman ang taong iyon para hatulan ng kamatayan o ibilanggo.” 32 Sinabi ni Agripa kay Festus, “Kung hindi lang niya inilapit sa Emperador ang kaso niya, maaari na sana siyang palayain.”
Panalangin para Tulungan ng Dios
6 O Panginoon, huwag nʼyo akong parusahan kahit na kayo ay nagagalit sa akin.
2 Maawa po kayo sa akin at akoʼy pagalingin,
dahil akoʼy nanghihina na.
3 O Panginoon, akoʼy labis na nababagabag.
Kailan nʼyo po ako pagagalingin?
4 Dinggin nʼyo ako Panginoon at akoʼy palayain.
Iligtas nʼyo ako sa kamatayan alang-alang sa pag-ibig nʼyo sa akin.
5 Dahil kung akoʼy patay na ay hindi na kita maaalala,
sa lugar ng mga patay ay hindi na rin ako makakapagpuri pa.
6 Akoʼy pagod na sa sobrang pagdaing.
Gabi-gabiʼy basa ng luha ang aking unan, dahil sa labis na pag-iyak.
7 Ang aking mga mataʼy namumugto na sa kaiiyak,
dahil sa ginagawa ng lahat kong mga kaaway.
8 Lumayo kayo sa akin, kayong gumagawa ng kasamaan,
dahil narinig ng Panginoon ang aking pag-iyak.
9 Narinig niya ang paghingi ko ng tulong,
at sasagutin niya ang aking dalangin.
10 Mapapahiya at matatakot ang lahat ng aking kaaway,
kaya bigla silang tatakas dahil sa sobrang kahihiyan.
20 Aanihin mo ang bunga ng iyong mga sinasabi.
21 Ang salita ng tao ay makapagliligtas ng buhay o kaya ay makamamatay. Kaya mag-ingat sa pagsasalita sapagkat aanihin mo ang mga bunga nito.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®