The Daily Audio Bible
Today's audio is from the GNT. Switch to the GNT to read along with the audio.
14 Namatay si Abijah at inilibing sa Lungsod ni David. At ang anak niyang si Asa ang pumalit sa kanya bilang hari. Sa panahon ng paghahari niya, nagkaroon ng kapayapaan sa Juda sa loob ng sampung taon.
Ang Paghahari ni Asa sa Juda.
2 Matuwid ang ginawa ni Asa sa paningin ng Panginoon na kanyang Dios. 3 Ipinagiba niya ang mga altar ng mga dios-diosan at ang mga sambahan sa matataas na lugar.[a] Ipinagiba rin niya ang mga alaalang bato at pinaputol ang posteng simbolo ng diosang si Ashera. 4 Inutusan niya ang mamamayan ng Juda na dumulog sa Panginoon, ang Dios ng kanilang mga ninuno, at tumupad sa kanyang mga kautusan. 5 Ipinagiba niya ang mga sambahan sa matataas na lugar at ang mga altar na pinagsusunugan ng mga insenso sa lahat ng bayan ng Juda. Kaya may kapayapaan ang kaharian ng Juda sa panahon ng paghahari ni Asa. 6 At habang mapayapa, pinalagyan niya ng mga pader ang mga lungsod ng Juda. Walang nakipaglaban sa kanya sa panahong ito, dahil binigyan siya ng Panginoon ng kapayapaan.
7 Sinabi ni Asa sa mga taga-Juda, “Patatagin natin ang mga bayan na ito sa pamamagitan ng paglalagay ng mga pader sa paligid nito na may mga tore, at ng mga pintuan at mga kandado. Angkinin natin ang lupaing ito, dahil dumulog tayo sa Panginoon na ating Dios. Binigyan niya tayo ng kapayapaan sa ating mga kalaban sa paligid.” Kaya pinalakas nila ang bayan at naging maunlad sila.
8 May 300,000 sundalo si Asa na taga-Juda, na armado ng malalaking pananggalang at mga sibat. At mayroon din siyang 280,000 sundalo na taga-Benjamin, na armado ng maliliit na pananggalang at mga pana. Silang lahat ay matatapang na sundalo.
9 Nilusob ni Zera na taga-Etiopia[b] ang Juda kasama ang maraming sundalo at 300 karwahe. At nakarating sila hanggang sa Maresha. 10 Pumwesto sina Asa sa Lambak ng Zefata malapit sa Maresha. 11 Pagkatapos, nanalangin si Asa sa Panginoon na kanyang Dios, “O Panginoon, wala na pong iba pang makakatulong sa mga taong walang kakayahan laban sa mga makapangyarihan kundi kayo lang. Tulungan nʼyo po kami, O Panginoon naming Dios, dahil umaasa po kami sa inyo, at sa inyong pangalan, pumunta kami rito laban sa napakaraming sundalong ito. O Panginoon, kayo po ang aming Dios; huwag nʼyo pong payagang manaig ang tao laban sa inyo.”
12 Kaya dinaig ng Panginoon ang mga taga-Etiopia sa harapan ni Asa at ng mga taga-Juda. Tumakas ang mga taga-Etiopia, 13 at hinabol sila ni Asa at ng kanyang mga sundalo hanggang sa Gerar. Marami sa mga ito ang namatay at hindi na makalaban pa. Dinaig sila ng Panginoon at ng kanyang mga sundalo. Maraming ari-arian ang nasamsam ng mga sundalo ng Juda. 14 Nilipol nila ang mga baryo sa paligid ng Gerar, dahil dumating sa mga ito ang nakakatakot na parusa ng Panginoon. Sinamsam nila ang mga ari-arian ng mga bayan dahil marami ang mga ari-arian nito. 15 Nilusob din nila ang mga kampo ng mga tagapagbantay ng mga hayop, at pinagkukuha ang mga tupa, mga kambing at mga kamelyo. Pagkatapos, nagsibalik sila sa Jerusalem.
Ang Mga Pagbabagong Ginawa ni Asa
15 Pinuspos ng Espiritu ng Dios si Azaria na anak ni Obed. 2 Nakipagkita siya kay Asa at sinabi, “Pakinggan nʼyo po ako Haring Asa, at lahat kayong taga-Juda at taga-Benjamin. Mananatili ang Panginoon sa inyo habang nananatili kayo sa kanya. Kung dudulog kayo sa kanya, tutulungan niya kayo. Pero kung tatalikuran nʼyo siya, tatalikuran din niya kayo. 3 Sa mahabang panahon, namuhay ang mga Israelita na walang tunay na Dios, walang paring nagtuturo sa kanila, at walang kautusan. 4 Pero sa kanilang paghihirap, dumulog sila sa Panginoon, ang Dios ng Israel, at tinulungan niya sila. 5 Nang panahong iyon, mapanganib ang maglakbay dahil nagkakagulo ang mga tao. 6 Naglalaban ang mga bansa at ang mga lungsod, dahil ginulo sila ng Dios sa pamamagitan ng ibaʼt ibang mga kahirapan. 7 Pero kayo naman, magpakatapang kayo at huwag manghina dahil ang mga gawa ninyo ay gagantimpalaan.”
8 Nang marinig ni Asa ang mensahe ni Azaria na anak ni Obed, nagpakatapang siya. Inalis niya ang kasuklam-suklam na mga dios-diosan sa buong Juda at Benjamin, at sa mga bayan na kanyang inagaw sa mababang bahagi ng Efraim. Ipinaayos niya ang altar ng Panginoon na nasa harapan ng balkonahe ng templo ng Panginoon.
9 Pagkatapos, ipinatipon niya ang lahat ng mamamayan ng Juda at Benjamin, at ang mga mamamayan mula sa Efraim, Manase, at Simeon na nakatirang kasama nila. Maraming lumipat sa Juda mula sa Israel nang makita nilang si Asa ay sinasamahan ng Panginoon na kanyang Dios.
10 Nagtipon sila sa Jerusalem noong ikatlong buwan nang ika-15 taon ng paghahari ni Asa. 11 At sa oras na iyon, naghandog sila sa Panginoon ng mga hayop na kanilang nasamsam sa labanan – 700 baka at 7,000 tupa at kambing. 12 Gumawa sila ng kasunduan na dumulog sa Panginoon, ang Dios ng kanilang mga ninuno, nang buong puso nilaʼt kaluluwa. 13 Ang sinumang hindi dumulog sa Panginoon, ang Dios ng Israel ay papatayin, bata man o matanda, lalaki man o babae. 14 Nangako sila sa Panginoon sa malakas na tinig na may pagsasaya at pagpapatunog ng mga trumpeta at mga trumpeta. 15 Nagsaya ang lahat ng taga-Juda dahil nangako sila nang buong puso. Dumulog sila sa Panginoon nang taimtim sa kanilang puso, at tinulungan niya sila. At binigyan niya sila ng kapayapaan sa kanilang mga kalaban kahit saan.
16 Inalis din ni Haring Asa ang kanyang lolang si Maaca sa pagkareyna nito dahil gumawa ito ng karumal-dumal na posteng simbolo ng diosang si Ashera. Ipinaputol ni Asa ang poste, ipinasibak ito, at ipinasunog sa Lambak ng Kidron. 17 Kahit hindi nawala ang mga sambahan sa matataas na lugar,[c] naging matapat pa rin si Asa sa Panginoon sa buong buhay niya. 18 Dinala niya sa templo ng Panginoon ang mga pilak, ginto at iba pang mga bagay na inihandog niya at ng kanyang ama sa Panginoon.
19 Hindi nagkaroon ng digmaan hanggang sa ika-35 taon ng paghahari ni Asa.
Ang Huling Taon ni Asa(A)
16 Nang ika-36 na taon ng paghahari ni Asa, nilusob ni Haring Baasha ng Israel ang Juda. At pinabakuran niya ang Rama para walang makalabas o makapasok sa teritoryo ni Haring Asa ng Juda. 2 Ipinakuha ni Asa ang mga pilak at ginto sa mga bodega ng templo ng Panginoon at ng kanyang palasyo. At ibinigay niya ito kay Haring Ben Hadad ng Aram[d] doon sa Damascus kung saan siya nakatira. 3 Ito ang mensahe ni Asa kay Ben Hadad: “Gumawa tayo ng kasunduan na magkakampihan tayo, gaya ng ginawa ng ating mga magulang. Tanggapin mo ang ipinadala ko sa iyong pilak at ginto, at hinihiling kong tigilan mo na ang pagkampi kay Haring Baasha ng Israel para pabayaan na niya ako.”
4 Pumayag si Ben Hadad sa kahilingan ni Haring Asa, at inutusan niya ang mga kumander ng kanyang mga sundalo na lusubin ang mga bayan ng Israel. Nasakop nila ang Ijon, Dan, Abel Maim, at ang lahat ng lungsod ng Naftali na ginagamit na bodega. 5 Nang marinig ito ni Baasha, ipinahinto niya ang pagpapatayo ng pader sa Rama. 6 Pagkatapos, nag-utos si Haring Asa sa lahat ng lalaki ng Juda na kunin nila ang mga bato at mga troso na ginagamit ni Baasha sa paggawa ng pader ng Rama. At ginamit ito ni Haring Asa sa paggawa ng pader ng Geba at ng Mizpa.
7 Nang panahong iyon, pumunta ang propetang si Hanani kay Haring Asa ng Juda at sinabi sa kanya, “Dahil nagtiwala ka sa hari ng Aram at hindi sa Panginoon na iyong Dios, hindi nʼyo malilipol ang mga sundalo ng hari ng Aram. 8 Naalala mo ba kung ano ang nangyari sa mga taga-Etiopia at taga-Libya, na ang mga sundalo, mga karwahe at mga mangangabayo ay napakarami? Nang panahong iyon, nagtiwala ka sa Panginoon, at kayoʼy pinagtagumpay niya sa kanila. 9 Sapagkat nakatingin ang Panginoon sa buong mundo para palakasin ang mga taong matapat sa kanya. Kamangmangan ang iyong ginawa! Kaya mula ngayon makikipaglaban ka na.”
10 Dahil dito, labis na nagalit si Asa sa propeta, kaya itoʼy kanyang pinakulong. At sa panahong ding iyon, nagsimulang pahirapan ni Asa ang iba niyang mga mamamayan.
11 Ang mga salaysay tungkol sa paghahari ni Asa mula sa simula hanggang sa katapusan ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Juda at ng Israel. 12 Nang ika-39 na taon ng paghahari ni Asa, nagtiis siya ng karamdaman sa paa. Kahit malubha na ang kanyang karamdaman, hindi siya humingi ng tulong sa Panginoon kundi sa mga manggagamot. 13 At nang ika-41 taon ng paghahari niya, namatay siya. 14 Inilibing siya sa libingan na ipinagawa niya para sa kanyang sarili sa Lungsod ni David.[e] Inilagay siya sa kabaong na may ibaʼt ibang mga pabango. At nagpaningas ng malaking apoy ang mga tao sa pagpaparangal sa kanya.
Ang Dios at ang mga Israelita
9 Ngayon, ako na mananampalataya ni Cristo ay may sasabihin sa inyo. Totoo ito at hindi ako nagsisinungaling. At pinapatunayan ng Banal na Espiritu sa aking konsensya na totoo ang sasabihin ko: 2 Labis akong nalulungkot at nababalisa 3 para sa aking mga kalahi at kababayang Judio. Kung maaari lang sana, ako na lang ang sumpain ng Dios at mahiwalay kay Cristo, maligtas lang sila. 4 Bilang mga Israelita itinuring sila ng Dios na kanyang mga anak; ipinakita niya sa kanila ang kanyang kadakilaan; gumawa ang Dios ng mga kasunduan sa kanila; ibinigay sa kanila ang Kautusan; tinuruan sila ng tunay na pagsamba; maraming ipinangako ang Dios sa kanila; 5 ang kanilang mga ninunoʼy mga pinili ng Dios; at nagmula sa kanilang lahi si Cristo nang siyaʼy maging tao – ang Dios na makapangyarihan sa lahat na dapat purihin magpakailanman! Amen.
6 Hindi ito nangangahulugan na hindi natupad ang mga pangako ng Dios dahil hindi sila sumampalataya, sapagkat hindi naman lahat ng nagmula kay Israel ay maituturing na pinili ng Dios. 7 At hindi rin naman lahat ng nagmula kay Abraham ay maituturing na mga anak ni Abraham. Sapagkat sinabi ng Dios kay Abraham, “Ang mga anak lang na magmumula kay Isaac ang mga lahi na aking ipinangako.”[a] 8 Ang ibig sabihin, hindi lahat ng anak ni Abraham ay itinuturing na anak ng Dios, kundi ang mga anak lamang na ipinanganak ayon sa ipinangako. 9 Sapagkat ganito ang ipinangako ng Dios sa kanya, “Babalik ako rito sa ganito ring panahon sa susunod na taon at magkakaroon ng anak na lalaki si Sara.”[b]
10 Hindi lang iyon, kundi nangyari rin ang ganoon sa dalawang anak ni Rebeka sa ating ninunong si Isaac, ipinakita rin ng Dios na hindi lahat ng nagmula kay Abraham ay itinuturing na mga anak niya. 11-12 Bago pa man ipanganak ang kambal, sinabi na ng Dios kay Rebeka, “Maglilingkod ang nakatatanda sa nakababatang kapatid.”[c] Sinabi ito ng Dios noong wala pa silang nagagawang mabuti o masama, para patunayan na ang pagpili niya ay batay sa sarili niyang pasya at hindi sa mabubuting gawa ng tao. 13 Gaya nga ng sinabi ng Dios sa Kasulatan,
“Minamahal ko si Jacob, pero si Esau ay hindi.”[d]
14 Baka naman sabihin ng iba na hindi makatarungan ang Dios. Aba, hindi! 15 Sapagkat sinabi niya kay Moises, “Mahahabag ako sa gusto kong kahabagan; maaawa ako sa gusto kong kaawaan.”[e] 16 Kung ganoon, ang pagpili ng Dios ay hindi batay sa kagustuhan ng tao o sa paggawa niya ng mabuti, kundi sa awa ng Dios. 17 Sapagkat ayon sa Kasulatan, sinabi ng Dios sa Faraon, “Pinayagan kitang mabuhay dahil dito: para maipakita ko ang kapangyarihan ko sa pamamagitan mo at makilala ang pangalan ko sa buong mundo.”[f] 18 Kaya nga, kinaaawaan ng Dios ang ibig niyang kaawaan, at pinatitigas niya ang ulo ng ibig niyang patigasin.
Ang Galit at Awa ng Dios
19 Maaaring may magsabi sa akin, “Kung ganoon, bakit pa niya pinapanagot ang mga tao sa kanilang mga kasalanan? At sino ang makakasalungat sa kanyang kalooban?” 20 Pero sino ka para magreklamo sa Dios ng ganyan? Tayoʼy mga nilikha lang ng Dios, kaya hindi tayo makakapagreklamo kung bakit niya tayo ginawang ganito. 21 Tulad sa isang gumagawa ng palayok, may karapatan siyang gawin ang putik ayon sa gusto niya. May karapatan siyang gumawa ng dalawang uri ng sisidlan mula sa iisang tumpok ng putik: ang isa ay pang-espesyal, at ang isa naman ay pangkaraniwan lang.
22 Ganoon din naman ang Dios. Nais niyang ipakita ang kanyang kapangyarihan at matinding galit sa mga makasalanan, pero minabuti niyang tiisin muna nang buong tiyaga ang mga taong dapat sanang lipulin na. 23 Ginawa niya ito para ipakita kung gaano siya kadakila sa mga taong kinaaawaan niya, na inihanda na niya noon pa para parangalan. 24 Itoʼy walang iba kundi tayo na mga tinawag niya, hindi lang mula sa mga Judio kundi mula rin sa mga hindi Judio.
Ang Kadakilaan ng Salita ng Dios
19 Ipinapakita ng kalangitan ang kadakilaan ng Dios,
ang gawa ng kanyang kamay.
2 Araw at gabi, ang kalangitan ay parang nagsasabi tungkol sa kanyang kapangyarihan.
3 Kahit na walang salita o tinig kang maririnig,
4 ang kanilang mensahe ay napapakinggan pa rin sa buong daigdig.
Iginawa ng Dios ang araw ng tirahan sa kalangitan.
5 Tuwing umagaʼy sumisikat ang araw,
na parang lalaking bagong kasal na lumalabas sa bahay nila nang may galak.
O katulad din ng isang manlalarong kampeon sa takbuhan, na nasasabik na tumakbo.
6 Itoʼy sumisikat sa silangan, at lumulubog sa kanluran.
At ang kanyang init, hindi mapagtataguan.
Ang Kautusan ng Panginoon
7 Ang kautusan ng Panginoon ay walang kamalian.
Itoʼy nagbibigay sa atin ng bagong kalakasan.
Ang mga turo ng Panginoon ay mapagkakatiwalaan,
at nagbibigay karunungan sa mga walang kaalaman.
8 Ang mga tuntunin ng Panginoon ay tama at sa pusoʼy nagbibigay kagalakan.
Ang mga utos ng Panginoon ay malinaw at nagbibigay liwanag sa kaisipan.
9 Ang pagkatakot sa Panginoon ay nagpapadalisay ng puso; mananatili ito magpakailanman.
Ang mga utos niya ay matuwid at makatarungan.
10 Ang mga itoʼy higit pa kaysa purong ginto,
at mas matamis pa kaysa sa pulot-pukyutan.
11 Ang inyong mga utos Panginoon, ang nagbibigay babala sa akin na inyong lingkod.
May dakilang gantimpala kapag itoʼy sinusunod.
12 Hindi namin napapansin ang aming mga kamalian.
Kaya linisin nʼyo po ako sa mga kasalanang hindi ko nalalaman.
13 Ilayo nʼyo rin ako sa kasalanang sadya kong ginagawa,
at huwag nʼyong payagan na alipinin ako nito.
Para mamuhay akong ganap at walang kapintasan,
at lubos na lalaya sa maraming kasalanan.
14 Sanaʼy maging kalugod-lugod sa inyo Panginoon ang aking iniisip at sinasabi.
Kayo ang aking Bato na kanlungan at Tagapagligtas!
20 Ang sobrang pag-inom ng alak ay nagbubunga ng panunuya at kaguluhan, kaya ang taong naglalasing ay salat sa karunungan.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®