Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
1 Cronica 9-10

Nailista ang lahat ng Israelita sa talaan ng mga lahi sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel. Ang mga mamamayan ng Juda ay binihag sa Babilonia dahil hindi sila naging tapat sa Panginoon. Ang unang nakabalik sa kanilang mga bayan sa sariling lupain ay ang mga ordinaryong Israelita, mga pari, mga Levita, at mga utusan sa templo.[a]

Ito ang mga lahi nina Juda, Benjamin, Efraim at Manase na nakabalik at tumira sa Jerusalem:

Si Utai na anak ni Amihud (si Amihud ay anak ni Omri; si Omri ay anak ni Imri; si Imri ay anak ni Bani na mula sa angkan ni Perez na anak ni Juda).

Sa mga Shilonita: si Asaya (ang panganay) at ang mga anak niya.

Sa mga Zerahita: ang pamilya ni Jeuel.

Silang lahat ay 690 mula sa lahi ni Juda.

Sa lahi ni Benjamin: si Salu na anak ni Meshulam (si Meshulam ay anak ni Hodavia; si Hodavia ay anak ni Hasenua), si Ibneya na anak ni Jeroham, si Elah na anak ni Uzi (si Uzi ay anak ni Micri), at si Meshulam na anak ni Shefatia (si Shefatia ay anak ni Reuel; si Reuel ay anak ni Ibnia).

Silang lahat ang pinuno ng kanilang mga pamilya. Mula sa lahi ni Benjamin, ang lahat ng nakabalik na lalaki ay 956 ayon sa talaan ng kanilang mga lahi.

10 Sa mga pari: si Jedaya, si Jehoyarib, si Jakin, 11 si Azaria na pinakamataas na opisyal sa templo ng Dios (anak siya ni Hilkia; si Hilkia ay anak ni Meshulam; si Meshulam ay anak ni Zadok; si Zadok ay anak ni Merayot; si Merayot ay anak ni Ahitub), 12 si Adaya na anak ni Jeroham (si Jeroham ay anak ni Pashur; si Pashur ay anak ni Malkia), at si Maasai na anak ni Adiel (si Adiel ay anak ni Jazera; si Jezera ay anak ni Meshulam; si Meshulam ay anak ni Meshilemit; si Meshilemit ay anak ni Imer).

13 Ang mga pari na nakabalik ay 1,760 lahat. Mahuhusay silang pinuno ng kanilang mga pamilya. Sila ang mga pinagkatiwalaan sa paglilingkod sa templo ng Dios.

14 Sa mga Levita: si Shemaya na anak ni Hashub (si Hashub ay anak ni Azrikam; si Azrikam ay anak ni Hashabia na mula sa angkan ni Merari), 15 si Bakbakar, si Heres, si Galal, si Matania na anak ni Mica (si Mica ay anak ni Zicri; si Zicri ay anak ni Asaf), 16 si Obadias na anak ni Shemaya (si Shemaya ay anak ni Galal; si Galal ay anak ni Jedutun), at si Berekia na anak ni Asa at apo ni Elkana, na tumira sa baryo ng mga Netofatno.

17 Ang mga guwardya ng pintuan: sina Shalum, Akub, Talmon, Ahiman, at ang kanilang mga kamag-anak.

Si Shalum ang pinuno nila.

18 Hanggang ngayon, sila pa rin ang guwardya ng Pintuan ng Hari sa bandang silangan ng lungsod. Sila noon ang mga guwardya ng pintuang papasok sa kampo ng mga Levita.

19 Si Shalum ay anak ni Kore at apo ni Ebiasaf,[b] na mula sa pamilya ni Kora. Si Shalum at ang kanyang mga kamag-anak na mula sa angkan ni Kora ang pinagkatiwalaan sa pagbabantay ng pintuan ng Tolda katulad ng kanilang mga ninuno na pinagkatiwalaan sa pagbabantay ng pintuan ng bahay[c] ng Panginoon.

20 Si Finehas na anak ni Eleazar ang namamahala noon sa mga guwardya ng pintuan, at sinamahan siya ng Panginoon.

21 Si Zacarias na anak ni Meshelemia ay guwardya rin ng pintuan ng Toldang Tipanan.

22 Ang mga guwardya ng pintuan ay 212 lahat, at itinala sila ayon sa talaan ng mga angkan nila sa kanilang bayan. Ang nagbigay ng tungkulin sa kanilang mga ninuno bilang mga guwardya ng pintuan (dahil maaasahan sila) ay sina David at Propeta Samuel. 23 Sila at ang kanilang mga angkan ang pinagkakatiwalaang magbantay sa mga pintuan ng bahay ng Panginoon – na tinatawag ding Tolda. 24 Nagbabantay sila sa apat na sulok: sa silangan, kanluran, hilaga at timog. 25 Kung minsan ang mga kamag-anak nilang nakatira sa mga bayan ang pumapalit sa kanila na magbantay sa loob ng pitong araw. 26 Pero ang apat na pinuno ng mga guwardya ng pintuan, na mula sa mga Levita, ang siyang responsable sa mga kwarto at mga bodega ng templo. 27 Nagpupuyat sila sa pagbabantay sa paligid ng templo dahil kailangan nila itong bantayan at sila ang tagabukas ng pinto tuwing umaga.

28 Ang iba sa kanilaʼy pinagkatiwalaan sa pag-aasikaso ng mga gamit sa pagsamba. Binibilang nila ito bago at pagkatapos gamitin. 29 Ang ibaʼy pinagkatiwalaan sa pag-aasikaso ng iba pang mga gamit sa templo gaya ng harina, katas ng ubas, langis, insenso at mga pampalasa. 30 Ngunit katungkulan ng mga pari ang pagtitimpla ng mga pampalasa. 31 Si Matitia na Levita, at panganay na anak ni Shalum na mula sa angkan ni Kora, ang pinagkatiwalaan sa pagluluto ng tinapay para ihandog. 32 Ang ibang angkan ni Kohat ang pinagkatiwalaan sa paghahanda at paglalagay ng mga tinapay sa mesa tuwing Araw ng Pamamahinga. 33 Ang mga musikero sa templo na mga pinuno rin ng mga pamilyang Levita ay doon na rin tumira sa mga silid sa templo. At wala na silang iba pang gawain, dahil ginagawa nila ito araw at gabi. 34 Silang lahat ang pinuno ng mga pamilyang Levita, nailista sila sa talaan ng kanilang lahi. Tumira sila sa Jerusalem.

Ang Angkan ni Saul(A)

35 Si Jeyel na ama ni Gibeon ay tumira sa Gibeon. Ang pangalan ng asawa niya ay Maaca. 36 Ang mga anak niyang lalaki mula sa panganay hanggang sa pinakabata ay sina Abdon, Zur, Kish, Baal, Ner, Nadab, 37 Gedor, Ahio, Zacarias at Miklot 38 (na ama ni Shimeam). Tumira sila malapit sa mga kamag-anak nila sa Jerusalem. 39 Si Ner ang ama ni Kish, si Kish ang ama ni Saul, at si Saul ang ama nina Jonatan, Malki Shua, Abinadab at Eshbaal. 40 Ang anak ni Jonatan ay si Merib Baal[d] na ama ni Micas. 41 Ang mga anak na lalaki ni Micas ay sina Piton, Melec, Tarea at Ahaz.[e] 42 Si Ahaz ang ama ni Jada,[f] at si Jada ang ama nina Alemet, Azmavet at Zimri. Si Zimri ang ama ni Moza, 43 at si Moza ang ama ni Binea. Ang anak ni Binea ay si Refaya, ang anak ni Refaya ay si Eleasa, at ang anak ni Eleasa ay si Azel. 44 Si Azel ay may anim na anak na sina: Azrikam, Bokeru, Ishmael, Shearia, Obadias at Hanan.

Pinatay ni Saul ang Sarili(B)

10 Nakipaglaban ang mga Filisteo sa mga Israelita sa Bundok ng Gilboa. Maraming namatay sa mga Israelita, at ang iba sa kanilaʼy nagsitakas. Hinabol ng mga Filisteo si Saul at ang mga anak niyang lalaki, at pinatay nila ang mga anak niyang sina Jonatan, Abinadab at Malki Shua. Matindi ang labanan nina Saul at ng mga Filisteo. Tinamaan siya ng pana at malubhang nasugatan. Sinabi ni Saul sa tagapagdala ng kanyang armas, “Bunutin mo ang iyong espada at patayin ako, dahil kung hindi, silang mga hindi nakakakilala sa Dios[g] ang papatay sa akin, at pagtatawanan pa nila ako.” Pero natakot ang tagapagdala niya ng armas na patayin siya, kaya kinuha ni Saul ang sarili niyang espada, at sinaksak ang sarili.

Nang makita ng tagapagdala ng armas na patay na si Saul, sinaksak din niya ang kanyang sarili at namatay siya. Kaya namatay si Saul, ang tatlo niyang anak na lalaki, at ang lahat ng pamilya niya.

Nang panahong iyon, may mga Israelitang nakatira sa lambak ng Jezreel. Nang makita nilang nagsitakas ang mga sundalo ng Israel at patay na si Saul pati ang mga anak niya, iniwan nila ang mga bayan nila at nagsitakas din. Kaya pinasok ng mga Filisteo ang mga bayan at tinirhan nila ang mga ito.

Kinabukasan, nang pumunta ang mga Filisteo sa Bundok ng Gilboa para kunin ang mahahalagang bagay sa mga namatay na sundalo, nakita nila ang bangkay ni Saul at ng kanyang mga anak. Kinuha nila ang mga armas ni Saul at pinutol ang ulo nito. Pagkatapos, nagsugo sila ng mga mensahero sa buong lupain ng Filisteo para ibalita sa kanilang mga dios-diosan at mga kababayan na patay na si Saul. 10 Inilagay nila ang armas ni Saul sa templo ng kanilang mga dios, at isinabit ang ulo niya sa templo ng dios nilang si Dagon.

11 Nabalitaan ng mga taga-Jabes Gilead ang lahat ng ginawa ng mga Filisteo kay Saul. 12 Kaya lumakad ang lahat ng kanilang matatapang na tao at kinuha ang bangkay ni Saul at ng kanyang mga anak, at dinala nila ito sa Jabes. Pagkatapos, inilibing nila ang mga bangkay sa ilalim ng malaking punongkahoy sa Jabes, at nag-ayuno sila ng pitong araw.

13 Namatay si Saul dahil hindi siya naging tapat sa Panginoon. Hindi niya tinupad ang utos ng Panginoon, at dumulog pa siya sa mga espiritista 14 sa halip na humingi siya ng payo sa Panginoon. Kaya pinatay siya ng Panginoon at ibinigay ang kaharian kay David na anak ni Jesse.

Gawa 27:21-44

21 Ilang araw nang hindi kumakain ang mga tao, kaya sinabi ni Pablo sa kanila, “Mga kaibigan, kung nakinig lang kayo sa akin na hindi tayo dapat umalis sa Crete, hindi sana nangyari sa atin ang mga kahirapan at mga kapinsalaang ito. 22 Pero ngayon, hinihiling ko sa inyo na lakasan ninyo ang inyong loob dahil walang mamamatay sa atin. Ang barko lang ang masisira. 23 Sapagkat kagabi, nagpakita sa akin ang isang anghel. Ipinadala siya ng Dios na nagmamay-ari sa akin at aking pinaglilingkuran. 24 Sinabi niya, ‘Pablo, huwag kang matakot. Dapat kang humarap sa Emperador sa Roma. At sa awa ng Dios, ang lahat mong kasama rito sa barko ay maliligtas dahil sa iyo.’ 25 Kaya mga kaibigan, huwag na kayong matakot, dahil nananalig ako sa Dios na matutupad ang kanyang sinabi sa akin. 26 Pero ipapadpad tayo sa isang isla.”

27 Ika-14 na ng gabi nang tinangay kami ng bagyo sa Dagat ng Mediteraneo. At nang mga hatinggabi na, tinantiya ng mga tripulante na malapit na kami sa tabi ng dagat. 28 Kaya sinukat nila ang lalim ng dagat at nalaman nilang mga 20 dipa ang lalim. Maya-mayaʼy sinukat nilang muli ang lalim, at mga 15 dipa na lang. 29 At dahil sa takot na bumangga kami sa mga batuhan, naghulog sila ng apat na angkla sa hulihan ng barko. At nanalangin sila na mag-umaga na sana. 30 Gusto sana ng mga tripulante na lisanin na ang barko. Kaya ibinaba nila sa dagat ang maliit na bangka at kunwariʼy maghuhulog lang sila ng mga angkla sa unahan ng barko. 31 Pero sinabi ni Pablo sa kapitan at sa mga sundalo, “Kung aalis ang mga tripulante sa barko hindi kayo makakaligtas.” 32 Kaya pinutol ng mga sundalo ang mga lubid ng bangka at pinabayaan itong maanod.

33 Nang madaling-araw na, pinilit silang lahat ni Pablo na kumain. Sinabi niya, “Dalawang linggo na kayong naghihintay na lumipas ang bagyo, at hindi pa kayo kumakain. 34 Kaya kumain na kayo upang lumakas kayo, dahil walang mamamatay sa inyo kahit isa.” 35 Pagkatapos magsalita ni Pablo, kumuha siya ng tinapay, at sa harapan ng lahat ay nagpasalamat siya sa Dios. Pinira-piraso niya ang tinapay at kumain. 36 Lumakas ang kanilang loob at kumain silang lahat. 37 (276 kaming lahat na sakay ng barko.) 38 Nang makakain na ang lahat at busog na, itinapon nila sa dagat ang kanilang mga dalang trigo para gumaan ang barko.

Ang Pagkasira ng Barko

39 Nang mag-umaga na, hindi alam ng mga tripulante kung saang isla kami napadpad, pero may nakita silang isang look na may dalampasigan, kaya nagkasundo sila na doon nila isadsad ang barko. 40 Kaya pinutol nila ang mga lubid na nakatali sa angkla. Kinalag din nila ang mga tali ng timon. At itinaas nila ang layag sa unahan para tangayin ng hangin ang barko papuntang dalampasigan. 41 Pero sumayad ang barko sa mababaw na parte ng tubig. Bumaon ang unahan nito at hindi na makaalis. Ang hulihan naman ay nawasak dahil sa salpok ng malalakas na alon.

42 Papatayin na sana ng mga sundalo ang lahat ng bilanggo para walang makalangoy papuntang dalampasigan at makatakas. 43 Pero pinigilan sila ng kanilang kapitan dahil gusto niyang maligtas si Pablo. Nag-utos siya na lumukso muna ang lahat ng marunong lumangoy, at mauna na sa dalampasigan. 44 Pagkatapos, pinasunod niya ang iba na nakakapit sa tabla at sa mga parte ng barko na lumulutang. Ganoon ang aming ginawa, at lahat kami ay ligtas na nakarating sa dalampasigan.

Salmo 8

Ang Kadakilaan ng Dios ay Makikita sa Buong Sanlibutan

O Panginoon, aming Panginoon, ang kadakilaan ng inyong pangalan ay makikita sa buong mundo,
    at ipinakita nʼyo ang inyong kaluwalhatian hanggang sa kalangitan.
Kahit mga bata at sanggol ay nagpupuri sa inyo,
    kaya napapahiya at tumatahimik ang inyong mga kaaway.

Kapag tumitingala ako sa langit na inyong nilikha,
    at aking pinagmamasdan ang buwan at mga bituin sa kanilang kinalalagyan,
akoʼy nagtatanong, ano ba ang tao upang inyong alalahanin?
    Sino nga ba siya upang inyong kalingain?
Ginawa nʼyo kaming mababa ng kaunti sa mga anghel.
    Ngunit pinarangalan nʼyo kami na parang mga hari.
Ipinamahala nʼyo sa amin ang inyong mga nilalang,
    at ipinasailalim sa amin ang lahat ng bagay:
mga tupa, mga baka at lahat ng mga mababangis na hayop,
ang mga ibon sa himpapawid, mga isda sa dagat at lahat ng naroroon.
O Panginoon, aming Panginoon, ang kadakilaan ng inyong pangalan ay makikita sa buong mundo.

Kawikaan 18:23-24

23 Nakikiusap ang dukha, ngunit ang mayaman ay masakit magsalita.
24 May mga pagkakaibigang hindi nagtatagal, ngunit may pagkakaibigan din na higit pa sa magkapatid ang pagsasamahan.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®