Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the GNT. Switch to the GNT to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
2 Cronica 1-3

Humingi si Solomon ng Karunungan(A)

Naging matatag ang paghahari ni Solomon na anak ni David sa kaharian niya dahil kasama niya ang Panginoon na kanyang Dios, at siyaʼy ginawa niyang makapangyarihan. Nakipag-usap si Solomon sa lahat ng mga Israelita – sa mga kumander ng mga libu-libo at daan-daang mga sundalo, sa mga hukom, sa lahat ng pinuno ng Israel, at sa mga pinuno ng mga pamilya. Pagkatapos, umalis si Solomon at ang lahat ng tao papuntang sambahan sa matataas na lugar[a] sa Gibeon, dahil naroon ang Toldang Tipanan ng Dios. Ang toldang ito ay ang ipinagawa ni Moises na lingkod ng Panginoon sa disyerto. Nang panahong iyon, nailipat na ni David ang Kahon ng Kasunduan ng Dios mula sa Kiriat Jearim papunta sa toldang inihanda niya para rito, doon sa Jerusalem. Ngunit ang tansong altar na ginawa ni Bezalel na anak ni Uri at apo ni Hur ay naroon pa sa Gibeon sa harap ng Tolda ng Panginoon. Kaya doon nagtipon si Solomon at ang lahat ng tao para magtanong sa Panginoon. Pagkatapos, umakyat si Solomon sa tansong altar sa presensya ng Panginoon sa Toldang Tipanan, at naghandog siya ng 1,000 handog na sinusunog.

Nang gabing iyon, nagpakita ang Dios kay Solomon at sinabi sa kanya, “Humingi ka ng kahit ano at ibibigay ko ito sa iyo” Sumagot si Solomon, “Pinakitaan nʼyo po ng malaking kabutihan ang ama kong si David. At ngayon, ipinalit nʼyo ako sa kanya bilang hari. Kaya ngayon, Panginoong Dios, tuparin nʼyo po ang pangako nʼyo sa aking amang si David, dahil ginawa nʼyo po akong hari ng mga taong kasindami ng buhangin. 10 Bigyan nʼyo po ako ng karunungan at kaalaman para mapamahalaan ko ang mga taong ito. Dahil sino po ba ang may kakayahang mamahala sa mga mamamayan ninyo na napakarami?”

11 Sinabi ng Dios kay Solomon, “Dahil humingi ka ng karunungan at kaalaman sa pamamahala ng aking mga mamamayan na kung saan ginawa kitang hari at hindi ka humingi ng kayamanan, o karangalan, o kamatayan ng iyong mga kalaban, o mahabang buhay, 12 ibibigay ko sa iyo ang iyong hinihingi. At hindi lang iyan, bibigyan din kita ng mga kayamanan at karangalan na hindi pa nakamtan ng sinumang hari noon at sa darating na panahon.”

13 Pagkatapos, umalis si Solomon sa Toldang Tipanan doon sa sambahan sa matataas na lugar na nasa Gibeon, at bumalik sa Jerusalem. At naghari siya sa Israel.

Ang mga Kayamanan ni Solomon(B)

14 Nakapagtipon si Solomon ng 1,400 karwahe at 12,000 kabayo.[b] Inilagay niya ang iba nito sa mga lungsod na taguan ng kanyang mga karwahe, at ang ibaʼy doon sa Jerusalem. 15 Nang panahong siya ang hari, ang pilak at ginto sa Jerusalem ay parang ordinaryong mga bato lang, at ang kahoy na sedro ay kasindami ng ordinaryong mga kahoy na sikomoro sa mga kaburulan sa kanluran.[c] 16 Ang mga kabayo ni Solomon ay nagmula pa sa Egipto[d] at sa Cilicia.[e] Binili ito sa Cilicia ng kanyang mga tagabili sa tamang halaga. 17 Nang panahong iyon, ang halaga ng karwahe na mula sa Egipto ay 600 pirasong pilak at ang kabayo ay 150 pirasong pilak. Ipinagbili rin nila ito sa lahat ng hari ng mga Heteo at mga Arameo.[f]

Ang Paghahanda sa Pagpapatayo ng Templo(C)

Nag-utos si Solomon na magpatayo ng templo, para sa karangalan ng pangalan ng Panginoon, at ng palasyo para sa kanyang sarili. Nagpatawag siya ng 70,000 tagahakot, 80,000 tagatabas ng mga bato sa mababang bahagi ng bundok, at 3,600 kapatas.

Nagpadala si Solomon ng ganitong mensahe kay Haring Hiram[g] ng Tyre: “Padalhan mo ako ng mga kahoy na sedro gaya ng ipinadala mo sa aking amang si David nang nagpatayo siya ng palasyo niya. Magpapatayo ako ng templo para sa karangalan ng pangalan ng Panginoon na aking Dios. Magiging banal ang lugar na ito na pinagsusunugan ng mabangong insenso, hinahandugan ng banal na tinapay, pinag-aalayan ng mga handog na sinusunog tuwing umaga at gabi at sa Araw ng Pamamahinga, sa Pista ng Pagsisimula ng Buwan[h] at sa iba pang mga pista sa pagpaparangal sa Panginoon na aming Dios. Ang tuntuning itoʼy dapat tuparin ng mga Israelita magpakailanman.

“Napakalaki ng templo na itatayo ko, dahil makapangyarihan ang aming Dios kaysa sa ibang mga dios. Ngunit sino nga ba ang makakagawang magpatayo ng templo para sa kanya? Sapagkat kahit ang pinakamataas na kalangitan, hindi magkakasya para sa kanya. Kaya sino ba ako na magpapatayo ng templo para sa kanya? Ang maitatayo ko lang ay ang lugar na pinagsusunugan ng mga handog sa kanyang presensya. Kaya ngayon, padalhan mo ako ng taong mahusay gumawa sa mga ginto, pilak, tansoʼt bakal, at mahusay gumawa ng telang kulay ube, pula at asul, at mahuhusay na mang-uukit. Gagawa siya kasama ng aking mahuhusay na manggagawang taga-Juda at taga-Jerusalem, na pinili ng aking amang si David. Padalhan mo rin ako ng mga kahoy na sedro, sipres at algum mula sa Lebanon, dahil alam kong mahusay ang mga tauhan mo sa pagputol ng kahoy. Tutulong ang mga tauhan ko sa mga tauhan mo sa paghahanda ng maraming kahoy, dahil malaki at maganda ang templo na itatayo ko. 10 Babayaran ko ang iyong mga tagaputol ng kahoy ng 100,000 sako ng trigo, 100,000 sako ng sebada, 110,000 galon ng katas ng ubas at 110,000 galon ng langis ng olibo.”

11 Ito ang sulat na isinagot ni Haring Hiram ng Tyre kay Solomon:

“Dahil iniibig ng Panginoon ang kanyang mga bayan, ginawa ka niyang hari nila. 12 Purihin ang Panginoon, ang Dios ng Israel na gumawa ng langit at lupa! Binigyan niya si haring David ng matalinong anak na puno ng kaalaman at pang-unawa, na magtatayo ng templo para sa Panginoon at nang palasyo para sa kanyang sarili.

13 “Ipapadala ko sa iyo si Huram Abi na isang mahuhusay na manggagawa. 14 Ang kanyang ina ay mula sa Dan at ang kanyang amaʼy mula sa Tyre. Dalubhasa siya sa paggawa sa ginto, pilak, tanso, bakal, bato at kahoy, at sa paggawa ng telang kulay ube,[i] pula at asul, at pinong telang linen. Dalubhasa siya sa kahit anong uri ng pag-ukit, at makakagawa siya ng anumang uri ng disenyo na ipapagawa mo sa kanya. Gagawa siya kasama ng iyong manggagawa at ng mga manggagawa na pinili ng kagalang-galang[j] na si David, na iyong ama.

15 “Ngayon, kagalang-galang na Solomon, ipadala mo sa amin ang trigo, sebada, alak at langis ng olibo na iyong ipinangako, 16 at puputulin namin ang maraming kahoy na kailangan mo. Pagkatapos, idudugtong namin na parang balsa at palulutangin sa dagat papunta sa Jopa. At kayo na ang magdadala nito sa Jerusalem.”

17 Sinensus ni Solomon ang lahat ng dayuhan gaya ng ginawa ni David na kanyang ama, at ang bilang ay 153,600. 18 Ginawa niya ang 70,000 sa kanila na tagahakot, 80,000 tagatabas ng bato sa mababang bahagi ng bundok, at ang 3,600 kapatas na mamamahala sa mga manggagawa.

Nagpatayo si Solomon ng Templo sa Jerusalem

At sinimulan na ni Solomon ang pagpapatayo ng templo ng Panginoon sa Jerusalem doon sa Bundok ng Moria, kung saan nagpakita ang Panginoon sa ama niyang si David. Doon niya ito ipinatayo sa giikan ni Arauna na Jebuseo, ang lugar na inihanda ni David. Sinimulan niya itong ipatayo noong ikalawang araw ng ikalawang buwan, nang ikaapat na taon ng paghahari niya.

Ang pundasyon ng templo ng Dios ay may taas na 90 talampakan at lapad na 30 talampakan. Ang balkonahe sa harapan ng templo ay 30 talampakan ang lapad, gaya ng lapad ng templo, at ang taas ay 30 talampakan din. Pinabalutan ni Solomon ang loob nito ng purong ginto.

Pinadingdingan niya ang bulwagan ng templo ng kahoy na sipres at pinabalutan ng purong ginto, at pinalamutian ng mga disenyo na palma at mga kadena. Nilagyan din niya ang templo ng mga palamuti na mamahaling bato at ginto na galing pa sa Parvaim. Pinabalutan niya ng ginto ang mga biga, hamba ng pintuan, mga dingding at mga pintuan. At pinaukitan niya ng kerubin ang mga dingding.

Ang Pinakabanal na Lugar ay may lapad na 30 talampakan at may haba na 30 talampakan din, na gaya ng lapad ng templo. Ang loob nitoʼy binalutan ng mga 21 toneladang ginto. Ang mga pako ay ginto na may timbang na kalahating kilo. Ang mga dingding sa itaas na bahagi ay binalutan din ng ginto.

10 Nagpagawa si Solomon sa loob ng Pinakabanal na Lugar ng dalawang kerubin at pinabalutan ito ng ginto. 11-13 Ang bawat kerubin ay may dalawang pakpak, at ang bawat pakpak ay may habang pitoʼt kalahating talampakan. Kaya ang kabuuang haba ng nakalukob na mga pakpak ng dalawang kerubin ay 30 talampakan. Ang kabilang dulo ng kanilang pakpak ay nagpapang-abot, at ang kabilang pakpak nito ay nakadikit sa dingding. 14 Ang kurtina na nakatakip sa Pinakabanal na Lugar ay gawa mula sa pinong telang linen na asul, kulay ube at pula, na may burdang kerubin.

Ang Dalawang Haligi(D)

15 Gumawa rin si Solomon ng dalawang haligi sa harapan ng templo na ang taas ng bawat isa ay 52 talampakan. Ang bawat haligi ay may hugis-ulo na ang taas ay pitoʼt kalahating talampakan. 16 Ang bawat hugis-ulo ng haligi ay nilagyan ng mga kadena na may nakasabit na mga palamuting ang korte ay parang prutas na pomegranata. Ang mga palamuting ito ay 100 piraso. 17 Ipinatayo niya ang mga haligi sa harapan ng templo. Ang isaʼy sa gawing timog at ang isaʼy sa gawing hilaga. Ang haligi sa gawing timog ay tinawag niyang Jakin at ang haligi sa gawing hilaga ay tinawag niyang Boaz.

Roma 6

Ang Bagong Buhay kay Cristo

Ano ngayon ang masasabi natin? Magpapatuloy ba tayo sa kasalanan para lalong madagdagan ang biyaya ng Dios sa atin? Aba, hindi maaari! Hindi maaari na magpatuloy pa tayo sa pagkakasala dahil ang kasalanan ay wala ng kapangyarihan sa atin. Hindi ba ninyo alam na noong binautismuhan tayo kay Jesu-Cristo, nangangahulugan ito na kasama tayo sa kanyang kamatayan? Kaya noong binautismuhan tayo, namatay tayo at inilibing na kasama niya. Kung paanong binuhay muli si Cristo sa pamamagitan ng dakilang kapangyarihan ng Ama, tayo rin ay mamuhay sa bagong buhay.

At kung nakasama tayo sa kanyang kamatayan, tiyak na mabubuhay tayong muli[a] tulad ng muli niyang pagkabuhay. Alam natin na ang dati nating pagkatao ay ipinako na sa krus kasama ni Cristo para mamatay, kaya hindi na tayo dapat alipinin pa ng kasalanan. Sapagkat ang taong patay na ay malaya na sa kasalanan. At kung namatay tayong kasama ni Cristo, naniniwala tayong mabubuhay din tayong kasama niya. Sapagkat alam nating si Cristoʼy muling nabuhay at hindi na muling mamamatay. Wala nang kapangyarihan sa kanya ang kamatayan. 10 Minsan lang siyang namatay para sa kasalanan ng mga tao; at nabubuhay siya ngayon para sa Dios. 11 At dahil nakay Cristo Jesus na kayo, ituring ninyo ang inyong mga sarili na patay na sa kasalanan at nabubuhay na para sa Dios. 12 Huwag na ninyong paghariin ang kasalanan sa inyong katawang may kamatayan, para hindi na ninyo sundin ang masasamang hilig nito. 13 Huwag na ninyong gamitin ang alin mang bahagi ng inyong katawan sa paggawa ng kasalanan. Sa halip, ialay ninyo ang inyong sarili sa Dios bilang mga taong binigyan ng bagong buhay. Ilaan ninyo sa Dios ang inyong katawan sa paggawa ng kabutihan. 14 Sapagkat hindi na dapat maghari pa sa inyo ang kasalanan, dahil wala na kayo sa ilalim ng Kautusan kundi sa ilalim na ng biyaya ng Dios.

Mga Alipin ng Katuwiran

15 Ngayon, dahil wala na tayo sa ilalim ng Kautusan kundi sa biyaya na ng Dios, nangangahulugan bang magpapatuloy pa rin tayo sa paggawa ng kasalanan? Aba, hindi! 16 Hindi nʼyo ba alam na alipin tayo ng anumang sinusunod natin? Kaya kung sinusunod natin ang kasalanan, alipin tayo ng kasalanan at ang dulot nitoʼy kamatayan. Pero kung sumusunod tayo sa Dios, mga alipin tayo ng Dios at ang dulot nitoʼy katuwiran. 17 Noong una, alipin kayo ng kasalanan. Pero salamat sa Dios dahil ngayon, buong puso ninyong sinusunod ang mga aral na itinuro sa inyo. 18 Pinalaya na kayo sa kasalanan at ngayoʼy mga alipin na kayo ng katuwiran.

19 Ginagamit ko bilang halimbawa ang tungkol sa mga alipin para madali ninyong maunawaan ang ibig kong sabihin. Noong unaʼy nagpaalipin kayo sa karumihan at kasamaan, at naging masama nga kayo. Ngayon namaʼy magpaalipin kayo sa kabutihan para maging banal kayo. 20 Noong alipin pa kayo ng kasalanan, wala kayong pakialam sa matuwid na pamumuhay. 21 Ano nga ba ang napala ninyo sa dati ninyong pamumuhay na ikinakahiya na ninyo ngayon? Ang dulot ng mga iyon ay kamatayan. 22 Pero pinalaya na kayo sa kasalanan at alipin na kayo ng Dios. At ang dulot nitoʼy kabanalan at buhay na walang hanggan. 23 Sapagkat ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan, ngunit ang kaloob ng Dios ay buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Cristo Jesus na ating Panginoon.

Salmo 16

Panalangin ng Pagtitiwala sa Dios

16 O Dios, ingatan nʼyo po ako,
    dahil sa inyo ako nanganganlong.
Kayo ang aking Panginoon.
    Lahat ng kabutihang nakamtan ko ay mula sa inyo.
Tungkol sa inyong mga taong banal na nasa lupain ng Israel,
    lubos ko silang kinalulugdan.
Ngunit ang mga sumusunod sa mga dios-diosan ay lalong mahihirapan.
    Hindi ako sasama sa paghahandog nila ng dugo sa kanilang mga dios-diosan,
    at ayaw kong banggitin man lang ang pangalan ng mga ito.

Panginoon, kayo ang lahat sa aking buhay.
    Lahat ng pangangailangan koʼy inyong ibinibigay.
    Kinabukasan koʼy nasa inyong mga kamay.
Ang mga biyayang kaloob nʼyo sa akin ay parang malawak na taniman, kahanga-hangang tunay.
    Tunay na napakaganda ng kaloob na ibinigay nʼyo sa akin.
Pupurihin ko kayo, Panginoon, na sa akin ay nagpapayo.
    At kahit sa gabiʼy pinaaalalahanan ako ng aking budhi.
Panginoon palagi ko kayong iniisip,
    at dahil kayo ay lagi kong kasama, hindi ako matitinag.
Kayaʼt nagagalak ang puso ko,
    at akoʼy panatag, dahil alam kong ligtas ako.
10 Sapagkat hindi nʼyo pababayaan na ang aking kaluluwa ay mapunta sa lugar ng mga patay;
    hindi nʼyo hahayaang mabulok sa libingan ang matapat nʼyong lingkod.
11 Itinuro nʼyo sa akin ang landas patungo sa buhay na puno ng kasiyahan,
    at sa piling nʼyo, aking matatagpuan ang ligayang walang hanggan.

Kawikaan 19:20-21

20 Dinggin mo at sundin ang mga payo at pagtutuwid sa iyong pag-uugali, at sa bandang huli ay magiging marunong ka.
21 Marami tayong mga pinaplano, ngunit ang kalooban pa rin ng Panginoon ang masusunod.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®