Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the GNT. Switch to the GNT to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
2 Cronica 11-13

Binalaan ni Shemaya si Rehoboam(A)

11 Pagdating ni Rehoboam sa Jerusalem, tinipon niya ang mahuhusay na sundalo ng mga lahi nina Juda at Benjamin. Nakapagtipon siya ng 180,000 sundalo na makikipaglaban sa mga mamamayan ng Israel at para bawiin ang kaharian niya. Pero sinabi ng Panginoon kay Shemaya na kanyang lingkod, “Sabihin mo kay Haring Rehoboam ng Juda, na anak ni Solomon, at sa lahat ng Israelita sa Juda at Benjamin na ito ang sinasabi ko: ‘Huwag kayong makipaglaban sa inyong kadugo. Umuwi kayo, dahil kalooban ko ang lahat ng ito.’ ” Sumunod sila sa Panginoon at hindi nila nilusob si Jeroboam.

Nagpaiwan si Rehoboam sa Jerusalem at pinalakas niya ang mga bayan na ito para maprotektahan ang Juda: Betlehem, Etam, Tekoa, Bet Zur, Soco, Adulam, Gat, Maresha, Zif, Adoraim, Lakish, Azeka, 10 Zora, Ayalon at Hebron. Ito ang mga napapaderang lungsod sa Juda at Benjamin. 11 Pinatatag niya ang mga tanggulan nito at pinalagyan ito ng mga kumander. Silaʼy binigyan niya ng mga pagkain, langis ng olibo, at katas ng ubas. 12 Pinalagyan niya ang mga lungsod ng mga pananggalang at mga sibat bilang dagdag na pampatibay. Kaya ang Juda at ang Benjamin ay naging sakop niya.

13 Pero ang mga pari at mga Levita na nakatira kasama ng ibang lahi ng Israel ay kumampi kay Rehoboam. 14 Ang mga Levitang ito ay iniwan ang kanilang bahay at lupa, at lumipat sa Juda at Jerusalem dahil itinakwil sila ni Jeroboam at ng mga anak nito bilang mga pari ng Panginoon. 15 Nagtalaga si Jeroboam ng sarili niyang mga pari sa mga sambahan sa matataas na lugar,[a] kung saan sumasamba sila sa kanilang mga dios-diosan na kambing at baka na gawa ni Jeroboam. 16 Ang mga Israelita sa ibang lahi ng Israel na gustong dumulog sa Panginoon, ang Dios ng Israel ay sumunod sa mga Levita sa Jerusalem, para makapaghandog sila ng mga handog sa Panginoon, ang Dios ng kanilang mga ninuno. 17 Pinatibay nila ang kaharian ng Juda, at sa loob ng tatlong taon, sinuportahan nila si Rehoboam na anak ni Solomon. Sumunod sila sa Panginoon gaya ng kanilang ginawa noong naghari sina David at Solomon.

Ang Pamilya ni Rehoboam

18 Pinakasalan ni Rehoboam si Mahalat, na anak ni Jerimot na anak ni David, at Abihail na anak ni Eliab at apo ni Jesse. 19 Si Rehoboam at si Mahalat ay may tatlong anak na lalaki na sina Jeush, Shemaria at Zaham. 20 Pinakasalan din ni Rehoboam si Maaca na anak ni Absalom. Ang kanilang mga anak na lalaki ay sina Abijah, Atai, Ziza at Shelomit. 21 Mas mahal ni Rehoboam si Maaca kaysa sa iba niyang mga asawa. May 18 asawa si Rehoboam at may 60 pa siyang mga asawang alipin. At ang mga anak niya ay 28 lalaki at anim na babae. 22 Ang anak niya kay Maaca na si Abijah ang pinili niyang maging pinuno ng mga anak niyang prinsipe, na nangangahulugang si Abijah ang papalit sa kanya bilang hari. 23 Maingat na binigyan ni Rehoboam ng katungkulan ang iba pa niyang mga anak, at inilagay niya sila sa napapaderang lungsod ng Juda at Benjamin. Binigyan niya sila ng kanilang mga pangangailangan at mga asawa.

Nilusob ni Shisak ang Jerusalem(B)

12 Nang matatag na ang paghahari ni Rehoboam at makapangyarihan na siya, itinakwil niya at ng buong Israel ang kautusan ng Panginoon. Dahil hindi sila matapat sa Panginoon, nilusob ni Haring Shisak ng Egipto, ang Jerusalem noong ikalimang taon ng paghahari ni Rehoboam. Kasama ni Shisak ang 1,200 karwahe, 60,000 mangangabayo at napakaraming sundalo, na ang iba sa kanilaʼy galing pa sa Libya, Sukot at Etiopia. Sinakop ni Shisak ang napapaderang lungsod ng Juda at lumusob hanggang sa Jerusalem.

Pagkatapos, pumunta si Propeta Shemaya kay Rehoboam at sa mga pinuno ng Juda na tumakas sa Jerusalem dahil sa takot kay Shisak. Sinabi ni Shemaya sa kanila, “Ito ang sinasabi ng Panginoon: Itinakwil nʼyo ako, kaya ngayon, pababayaan ko kayo kay Shisak.”

Nagpakumbaba ang hari at ang mga pinuno ng Israel. Sinabi nila, “Matuwid ang Panginoon!”

Nang makita ng Panginoon na silaʼy nagpakumbaba, sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ni Shemaya, “Dahil nagpakumbaba sila, hindi ko sila lilipulin at hindi magtatagal ay palalayain ko sila. Pero ipapasakop ko sila sa kanya para matutuhan nila na mas mabuti ang maglingkod sa akin kaysa sa paglingkuran ang mga makalupang hari.”

Nang nilusob ni Haring Shisak ng Egipto ang Jerusalem, ipinakuha niya ang mga kayamanan sa templo ng Panginoon at sa palasyo. Kinuha niya ang lahat, pati ang lahat ng pananggalang na ginto na ipinagawa ni Solomon. 10 Kaya nagpagawa si Haring Rehoboam ng mga pananggalang na tanso na kapalit ng mga ito, at ipinamahala niya ito sa mga opisyal ng mga guwardya ng pintuan ng palasyo. 11 At kapag pupunta ang hari sa templo ng Panginoon, sasama sa kanya ang mga tagapagbantay na nagdadala ng mga pananggalang na ito, at pagkatapos, ibabalik din nila ito sa kanilang kwarto.

12 Dahil nagpakumbaba si Rehoboam, nawala ang galit ng Panginoon sa kanya, at hindi siya nalipol nang lubos. May natira pang kabutihan sa Juda.

13 Lalong tumatag ang pamamahala ni Haring Rehoboam at nagpatuloy siya sa paghahari roon sa Jerusalem. Siyaʼy 41 taong gulang nang maging hari, at naghari siya ng 17 taon sa Jerusalem, ang lungsod na pinili ng Panginoon sa lahat ng lahi ng Israel, kung saan pararangalan siya. Ang ina ni Rehoboam ay si Naama na isang Ammonita. 14 Pero gumawa ng kasamaan si Rehoboam dahil hindi siya naghangad na hanapin ang Panginoon.

15 Ang salaysay tungkol sa paghahari ni Rehoboam mula sa umpisa hanggang sa katapusan ay nakasulat sa Aklat ni Propeta Shemaya at Aklat ni Propeta Iddo, na talaan ng mga salinlahi. Nagpatuloy ang paglalaban nina Rehoboam at Jeroboam. 16 Nang mamatay si Rehoboam, inilibing siya sa Lungsod ni David. At ang anak niyang si Abijah ang pumalit sa kanya bilang hari.

Ang Paghahari ni Abijah sa Juda(C)

13 Naging hari ng Juda si Abijah noong ika-18 taon ng paghahari ni Jeroboam sa Israel. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya sa loob ng tatlong taon. Ang ina niya ay si Maaca[b] na anak ni Uriel na taga-Gibea.

Naglaban sina Abijah at Jeroboam. Lumusob si Abijah kasama ang 400,000 matatapang na tao, at naghanda si Jeroboam ng 800,000 matatapang na tao sa pakikipaglaban. Pagdating nila Abijah sa mababang bahagi ng Efraim, tumayo si Abijah sa Bundok ng Zemaraim, at sumigaw kay Jeroboam at sa mga taga-Israel, “Makinig kayo sa akin. Hindi nʼyo ba alam na ang Panginoon, ang Dios ng Israel ay gumawa ng walang hanggang kasunduan kay David na siya at ang kanyang mga angkan ang maghahari sa Israel magpakailanman? Pero ikaw Jeroboam na anak ni Nebat ay nagrebelde sa iyong amo na si Solomon na anak ni David. Sumama sa iyo ang mga walang kwentang tao, at kumakalaban sa anak ni Solomon na si Rehoboam noong bata pa ito, at wala pang karanasan at kakayahang lumaban sa inyo. At ngayon gusto nʼyong kalabanin ang kaharian ng Panginoon na pinamamahalaan ng angkan ni David. Nagmamayabang kayo na marami ang mga sundalo ninyo at dala nʼyo ang mga gintong baka na ipinagawa ni Jeroboam bilang mga dios ninyo. Pinalayas nʼyo ang mga pari ng Panginoon, na angkan ni Aaron at ang mga Levita, at pumili kayo ng sarili nʼyong mga pari gaya ng ginagawa ng ibang mga bansa. Sinuman sa inyo na may toro at pitong lalaking tupa ay maaari ng italaga bilang pari ng inyong huwad na mga dios.

10 “Pero kami, ang Panginoon ang aming Dios, at hindi namin siya itinakwil. Ang mga pari namin na naglilingkod sa Panginoon ay mga angkan ni Aaron, at tinutulungan sila ng mga Levita. 11 Tuwing umaga at gabi, naghahandog sila sa Panginoon ng mga handog na sinusunog at insenso. Naglalagay sila ng tinapay sa mesa na itinuturing na malinis. At tuwing gabi, sinisindihan nila ang mga ilaw na nasa gintong mga patungan. Tinutupad namin ang mga utos ng Panginoon naming Dios. Pero kayo, itinakwil nʼyo siya. 12 Ang Dios ay kasama namin; siya ang pinuno namin. Patutunugin ng kanyang mga pari ang mga trumpeta nila sa pangunguna sa amin sa pakikipaglaban sa inyo. Mga mamamayan ng Israel, huwag kayong sumalungat laban sa Panginoon, ang Dios ng inyong mga ninuno, dahil hindi kayo magtatagumpay.”

13 Habang nagsasalita si Abijah, lihim na nagsugo si Jeroboam ng mga sundalo sa likod ng mga taga-Juda para tambangan sila. 14 Nang makita ng mga taga-Juda na nilulusob sila sa likuran at sa harapan, humingi sila ng tulong sa Panginoon. Pinatunog agad ng mga pari ang mga trumpeta, at 15 sumigaw nang malakas ang mga taga-Juda sa paglusob. Sa kanilang pagsigaw, tinalo ng Dios si Jeroboam at ang mga sundalo ng Israel. Hinabol sila ni Abijah at ng mga sundalo ng Juda. 16 Tumakas sila at ibinigay sila ng Dios sa mga taga-Juda. 17 Marami ang napatay ni Abijah at ng mga tauhan niya – 500,000 matatapang na taga-Israel. 18 Kaya natalo ng mga taga-Juda ang mga taga-Israel, dahil nagtiwala sila sa Panginoon, ang Dios ng kanilang mga ninuno.

19 Hinabol ni Abijah si Jeroboam at inagaw niya rito ang mga bayan ng Betel, Jeshana at Efron, at ang mga baryo sa paligid nito. 20 Hindi na mabawi ni Jeroboam ang kanyang kapangyarihan nang panahon ni Abijah, at pinarusahan siya ng Panginoon at siyaʼy namatay. 21 Samantala, lalo pang naging makapangyarihan si Abijah. May 14 siyang asawa at 22 anak na lalaki at 16 na anak na babae. 22 Ang iba pang mga salaysay tungkol sa paghahari ni Abijah, ang kanyang mga sinabi at mga ginawa ay nakasulat sa Aklat ni Propeta Iddo.

Roma 8:26-39

26 Tinutulungan tayo ng Banal na Espiritu sa kahinaan natin. Hindi natin alam kung ano ang dapat nating ipanalangin, kaya ang Espiritu na rin ang namamagitan sa Dios para sa atin sa pamamagitan ng mga daing na hindi natin kayang sabihin. 27 At ang anumang nais sabihin ng Banal na Espiritu ay alam ng Dios na siyang sumisiyasat sa puso ng mga tao. Sapagkat namamagitan ang Banal na Espiritu para sa mga mananampalataya,[a] kung ano ang ayon sa kalooban ng Dios.

28 Alam natin na sa lahat ng bagay, gumagawa ang Dios para sa ikabubuti ng mga umiibig sa kanya, na kanyang tinawag ayon sa kanyang layunin. 29 Sapagkat alam na ng Dios noon pa man kung sinu-sino ang kanyang magiging mga anak. At silaʼy itinalaga niyang matulad sa kanyang Anak na si Jesus para siya ang maging panganay sa maraming magkakapatid. 30 Kaya nga, ang mga taong pinili ng Dios noong una pa ay tinawag niya para maging kanyang mga anak, at ang mga tinawag niya ay itinuring niyang matuwid, at ang itinuring niyang matuwid ay binigyan niya ng karangalan.

Ang Pag-ibig ng Dios

31 Ngayon, kung iisipin natin ang mga bagay na ito, masasabi nating panig sa atin ang Dios, at dahil dito, walang magtatagumpay laban sa atin. 32 Kung ang sarili niyang Anak ay hindi niya ipinagkait sa halip ay ibinigay para sa atin, tiyak na ibibigay din niya sa atin ang lahat ng bagay. 33 Sino ang maaaring mag-akusa sa mga pinili ng Dios? Ang Dios na mismo ang nagturing sa atin na matuwid. 34 Wala ring makakahatol sa atin ng kaparusahan, dahil si Cristo Jesus na mismo ang hinatulang mamatay para sa atin. At hindi lang iyan, muli siyang binuhay at nasa kanang kamay na ngayon ng Dios at namamagitan para sa atin. 35 Walang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ni Cristo, kahit dumanas pa tayo ng mga pagsubok, paghihirap, pag-uusig, gutom, kawalan,[b] panganib, o maging kamatayan. 36 Gaya nga ng sinasabi sa Kasulatan,

    “Alang-alang sa iyo, palaging nasa panganib ang aming buhay. Para kaming mga tupang kakatayin.”[c]

37 Pero kahit ganito ang kalagayan natin, kayang-kaya nating pagtagumpayan ito sa tulong ni Cristo na nagmamahal sa atin. 38-39 Sapagkat natitiyak ko na walang makakapaghiwalay sa atin sa pag-ibig ng Dios na ipinakita sa atin sa pamamagitan ni Cristo Jesus na ating Panginoon. Maging kamatayan o buhay, mga anghel o anumang makapangyarihang espiritu, ang kasalukuyang panahon o ang hinaharap, ang mga kapangyarihan, ang mga nasa itaas o mga nasa ibaba, o kahit ano pang mga bagay sa buong mundo ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Dios.

Salmo 18:37-50

37 Hinabol ko ang aking mga kalaban at inabutan ko sila,
    at hindi ako tumigil hanggang sa naubos ko sila.
38 Hinampas ko sila hanggang sa magsibagsak,
    at hindi na makabangon sa aking paanan.
39 Binigyan nʼyo ako ng lakas sa pakikipaglaban,
    kaya natalo ko ang aking mga kalaban.
40 Dahil sa inyo, umatras ang aking mga kaaway na may galit sa akin,
    at silaʼy pinatay ko.
41 Humingi sila ng tulong, ngunit walang sinumang tumulong.
    Tumawag din sila sa inyo Panginoon, ngunit kayoʼy hindi tumugon.
42 Dinurog ko sila hanggang sa naging alikabok na lang na inililipad ng hangin,
    at tinatapak-tapakan na parang putik sa kalsada.
43 Akoʼy iniligtas nʼyo sa mga rebelde,
    at ginawa nʼyo akong pinuno ng maraming bansa.
    Kahit akoʼy hindi nila kilala, pinaglingkuran nila ako.
44 Yumuyukod sila sa aking harapan.
    Naririnig pa lang nila ang tungkol sa akin, sumusunod agad sila sa utos ko.
45 Nawawalan sila ng lakas ng loob,
    kaya lumalabas sila sa kanilang pinagtataguan na nanginginig sa takot.
46 Buhay kayo, Panginoon!
    Karapat-dapat kayong purihin at dakilain,
    O Dios na aking batong kanlungan at Tagapagligtas!
47 Pinaghigantihan nʼyo ang aking mga kaaway,
    at ipinasailalim mo ang mga bansa sa aking kapangyarihan.
48 Inililigtas nʼyo ako sa mararahas kong kalaban,
    at pinagtagumpay nʼyo ako sa kanila.
49 Kaya pararangalan ko kayo sa mga bansa.
    O Panginoon, aawitan ko kayo ng mga papuri.
50 Sa hinirang nʼyong hari ay nagbigay kayo ng maraming tagumpay.
    Ang inyong pagmamahal ay ipinadama nʼyo kay David at sa kanyang lahi magpakailanman.

Kawikaan 19:27-29

27 Anak, kung hindi ka makikinig sa mga pangaral para maituwid ang iyong pag-uugali, tinatanggihan mo ang mga turo na nagbibigay ng karunungan.
28 Ang sinungaling na saksi ay pinapawalang-kabuluhan ang katarungan, at ang bibig ng masama ay nalulugod sa pagpapahayag ng kasamaan.
29 Sa mga mapanuya ay may hatol na nakalaan, at hagupit naman ang nakahanda para sa mga hangal.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®