Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
1 Cronica 11:1-12:18

Naging Hari si David sa Israel(A)

11 Pumunta ang lahat ng Israelita kay David sa Hebron at sinabi, “Mga kamag-anak mo kami. Mula pa noon, kahit nang si Saul pa ang aming hari, ikaw na ang namumuno sa mga Israelita sa pakikipaglaban. At sinabi sa iyo ng Panginoon na iyong Dios, ‘Aalagaan mo ang mga mamamayan kong Israelita, tulad ng isang pastol ng mga tupa. Ikaw ang mamumuno sa kanila.’ ” Kaya roon sa Hebron, gumawa si David ng kasunduan sa mga tagapamahala ng Israel sa harap ng Panginoon, at pinahiran nila ng langis ang ulo ni David bilang pagkilala na siya na ang hari ng Israel, ayon sa ipinangako ng Panginoon sa pamamagitan ni Samuel.

Isang araw, pumunta si David at lahat ng mga Israelita sa Jerusalem (na dating Jebus) para lusubin ito. Ang mga Jebuseo na nakatira roon ay nagsabi kay David, “Hindi kayo makakapasok dito.” Pero naagaw nina David ang matatag na kuta ng Zion,[a] na sa bandang huliʼy tinawag na Lungsod ni David.

Sinabi ni David, “Ang sinumang manguna sa paglusob sa mga Jebuseo ang magiging kumander ng mga sundalo.” Si Joab na anak ni Zeruya ang nanguna sa paglusob kaya siya ang naging kumander.

Pagkatapos maagaw ni David ang matatag na kutang iyon, doon na siya tumira. At tinawag niya itong Lungsod ni David. Pinadagdagan niya ang mga pader sa paligid mula sa mababang parte ng lungsod. Si Joab ang namamahala sa pag-aayos ng ibang bahagi ng lungsod. Naging makapangyarihan si David, dahil tinutulungan siya ng Panginoong Makapangyarihan.

Ang Matatapang na Tauhan ni David(B)

10 Ito ang mga pinuno ng matatapang na tauhan ni David. Sila at ang lahat ng Israelita ay sumuporta sa paghahari ni David ayon sa ipinangako ng Panginoon tungkol sa Israel. 11 Si Jashobeam na Hacmoneo, ang nangunguna sa tatlo[b] na matatapang na tauhan ni David. Sa isang labanan lang, nakapatay siya ng 300 tao sa pamamagitan ng sibat niya.

12 Ang sumunod sa kanya ay si Eleazar na anak ni Dodai[c] na mula sa angkan ni Ahoa. Isa rin siya sa tatlo na matatapang na tauhan ni David. 13-14 Isa siya sa mga sumama kay David nang nakipaglaban sila sa mga Filisteo sa Pas Damim. Doon sila naglaban sa taniman ng sebada. Tumakas ang mga Israelita pero sina Eleazar at David ay nanatili sa gitna ng taniman, at pinatay nila ang mga Filisteo. Pinagtagumpay sila ng Panginoon.

15 Isang araw, pumunta kay David ang tatlo niyang tauhan doon sa kweba ng Adulam. Ang tatlong ito ay kabilang sa 30 matatapang na mga tauhan ni David. Nagkakampo noon ang mga Filisteo sa Lambak ng Refaim, 16 at naagaw nila ang Betlehem. Habang naroon si David sa isang matatag na kublihan, 17 nauhaw siya. Sinabi niya, “Mabuti sana kung may kukuha sa akin ng tubig na maiinom doon sa balon malapit sa pintuang bayan ng Betlehem.” 18 Kaya palihim na pumasok ang tatlong matatapang na iyon sa kampo ng mga Filisteo, malapit sa pintuang bayan ng Betlehem. Kumuha sila ng tubig sa balon at dinala ito kay David. Pero hindi ito ininom ni David, sa halip ibinuhos niya ito bilang handog sa Panginoon. 19 Sinabi niya, “O Dios ko, hindi ko po ito maiinom dahil kasinghalaga ito ng dugo ng mga taong nagtaya ng kanilang buhay sa pagkuha nito.” Kaya hindi ito ininom ni David.

Iyon nga ang mga ginawa ng tatlong matatapang na tauhan ni David.

20 Si Abishai na kapatid ni Joab ang pinuno ng 30[d] matatapang na tauhan ni David. Nakapatay siya ng 300 Filisteo sa pamamagitan ng sibat niya. Kaya naging tanyag siya gaya ng tatlong matatapang na tauhan, 21 pero hindi siya kabilang sa kanila. At dahil siya ang pinakatanyag sa 30[e] niyang kasama, siya ang naging kumander nila.

22 May isa pang matapang na tao na ang pangalan ay Benaya. Taga-Kabzeel siya, at ang ama niya ay si Jehoyada. Marami siyang kabayanihang ginawa, kabilang na rito ang pagpatay sa dalawang pinakamahuhusay na sundalo ng Moab. Minsan, kahit umuulan ng yelo, bumaba siya sa pinagtataguan ng leon at pinatay ito. 23 Bukod dito, pinatay niya ang isang Egipciong may taas na pitoʼt kalahating talampakan. Ang armas ng Egipcio ay sibat na mabigat at makapal,[f] pero ang armas niyaʼy isang pamalo lang. Inagaw niya ang sibat sa Egipcio at ito rin ang ipinampatay niya rito. 24 Ito ang mga ginawa ni Benaya na anak ni Jehoyada. Naging tanyag din siya gaya ng tatlong matatapang na tao, 25 pero hindi siya kabilang sa kanila. At dahil siya ang pinakatanyag sa kanyang 30 kasama, ginawa siyang pinuno ni David ng kanyang mga personal na tagapagbantay.

26 Ito ang matatapang na kawal:

si Asahel na kapatid ni Joab,

si Elhanan na anak ni Dodo na taga-Betlehem,

27 si Shamot na taga-Haror,[g]

si Helez na taga-Pelon,

28 si Ira na anak ni Ikkes na taga-Tekoa,

si Abiezer na taga-Anatot,

29 si Sibecai na taga-Husha,

si Ilai[h] na taga-Ahoa,

30 si Maharai na taga-Netofa,

si Heled[i] na anak ni Baana na taga-Netofa,

31 si Itai na anak ni Ribai na taga-Gibea, na sakop ng Benjamin,

si Benaya na taga-Piraton,

32 si Hurai[j] na nakatira malapit sa mga ilog ng Gaas,

si Abiel[k] na taga-Arba,

33 si Azmavet na taga-Baharum,[l]

si Eliaba na taga-Shaalbon,

34 ang mga anak ni Hashem[m] na taga-Gizon,

si Jonatan na anak ni Shagee[n] na taga-Harar,

35 si Ahiam na anak ni Sacar[o] na taga-Harar,

si Elifal na anak ni Ur,

36 si Hefer na taga-Mekerat,

si Ahia na taga-Pelon,

37 si Hezro na taga-Carmel,

si Naarai[p] na anak ni Ezbai,

38 si Joel na kapatid ni Natan,

si Mibhar na anak ni Hagri,

39 si Zelek na taga-Ammon,

si Naharai na taga-Berot, na tagapagdala ng armas ni Joab na anak ni Zeruya,

40 sina Ira at Gareb na mga taga-Jatir,[q]

41 si Uria na Heteo,

si Zabad na anak ni Alai,

42 si Adina na anak ni Shiza na isang pinuno sa lahi ni Reuben kasama ng kanyang 30 tauhan,

43 si Hanan na anak ni Maaca,

si Joshafat na taga-Mitna,

44 si Uzia na taga-Ashterot,

sina Shama at Jeyel na mga anak ni Hotam na taga-Aroer,

45 si Jediael na anak ni Shimri, at ang kapatid niyang si Joha na taga-Tiz,

46 si Eliel, na taga-Mahav,

sina Jeribai at Josavia na mga anak ni Elnaam,

si Itma na taga-Moab,

47 sina Eliel, Obed, at Jaasiel na taga-Mezoba.

Ang mga Tao na Sumama kay David at ang Kanyang mga Sundalo

12 Ito ang mga tao na pumunta kay David doon sa Ziklag nang siyaʼy nagtatago kay Saul na anak ni Kish. Kasama sila sa mga tumulong kay David sa labanan. Armado sila ng mga pana at mahuhusay silang pumana at manirador, kanan o kaliwang kamay man. Mga kamag-anak sila ni Saul mula sa lahi ni Benjamin. Pinamumunuan sila nina Ahiezer at Joash na mga anak ni Shemaa na taga-Gibea. Ito ang mga pangalan nila:

sina Jeziel at Pelet na mga anak ni Azmavet,

sina Beraca at Jehu na mga taga-Anatot,

si Ishmaya na taga-Gibeon, na isa sa mga tanyag na sundalo at isa rin sa matatapang na pinuno ng 30 matatapang na tao,

sina Jeremias, Jahaziel, Johanan, at Jozabad na taga-Gedera,

sina Eluzai, Jerimot, Bealia, Shemaria, at Shefatia na taga-Haruf,

sina Elkana, Ishia, Azarel, Joezer, at Jashobeam na mga angkan ni Kora,

sina Joela at Zebadia na mga anak ni Jeroham na taga-Gedor.

May mga tao ring mula sa lahi ni Gad ang sumama kay David doon sa matatag na kuta na pinagtataguan niya sa ilang. Matatapang silang sundalo at mahuhusay gumamit ng mga pananggalang at sibat. Kasintapang sila ng mga leon, at kasimbilis ng usa sa kabundukan:

si Ezer ang pinuno nila,

si Obadias ang pangalawa,

si Eliab ang pangatlo,

10 si Mishmana ang pang-apat,

si Jeremias ang panglima,

11 si Atai ang pang-anim,

si Eliel ang pampito,

12 si Johanan ang pangwalo,

si Elzabad ang pangsiyam,

13 si Jeremias ang pangsampu,

at si Macbanai ang pang-11.

14 Sila ang lahi ni Gad na mga kumander ng mga sundalo. Ang pinakamahina sa kanila ay makakapamahala ng 100 sundalo, at ang pinakamalakas ay makakapamahala ng 1,000 sundalo. 15 Tinawid nila ang Ilog ng Jordan nang unang buwan ng taon, ang panahong umaapaw ang tubig nito, at itinaboy nila ang lahat ng nakatira sa mga lambak ng silangan at kanluran ng ilog.

16 May mga tao ring nagmula sa mga lahi nina Benjamin at Juda na pumunta kay David doon sa pinagkukutaan niya. 17 Lumabas si David para salubungin sila at sinabi, “Kung pumunta kayo rito para tumulong sa akin bilang kaibigan, tinatanggap ko kayo na sumama sa amin. Pero kung pumunta kayo rito para ibigay ako sa aking mga kalaban kahit wala akong kasalanan, sanaʼy makita ito ng Dios ng ating mga ninuno at parusahan niya kayo.”

18 Pagkatapos, pinuspos ng Espiritu si Amasai na kalaunan ay naging pinuno ng 30 matatapang na sundalo, at sinabi niya,

“Kami po ay sa inyo, O David na anak ni Jesse! Magtagumpay sana kayo at ang mga tumutulong sa inyo, dahil ang Dios ninyo ang tumutulong sa inyo.”

Kaya tinanggap sila ni David at ginawang opisyal ng mga sundalo niya.

Gawa 28

Sa Malta

28 Nang makaahon na kami at ligtas na sa panganib, nalaman namin na ang islang iyon ay tinatawag na Malta. Napakabait sa amin ng mga taga-roon at mabuti ang kanilang pagtanggap sa aming lahat. Nagsiga sila para makapagpainit kami, dahil umuulan at maginaw. Nanguha si Pablo ng isang bigkis ng kahoy na panggatong. Pero nang mailagay na niya ang mga kahoy sa apoy, biglang lumabas ang makamandag na ahas dahil sa init ng apoy, at tinuklaw ang kanyang kamay. Pagkakita ng mga taga-roon sa ahas na nakabitin sa kamay ni Pablo, sinabi nila, “Tiyak na kriminal ang taong ito. Nakaligtas siya sa dagat pero ayaw pumayag ng dios ng katarungan na mabuhay pa siya.” Pero ipinagpag lang ni Pablo ang ahas doon sa apoy at hindi siya napano. Hinihintay ng mga tao na mamaga ang kamay ni Pablo o kayaʼy matumba siya at mamatay. Pero matapos nilang maghintay nang matagal, walang nangyari kay Pablo. Kaya nagbago ang kanilang iniisip. Sinabi nila, “Isa siyang dios!”

Ang pangalan ng pinuno ng lugar na iyon ay si Publius. Ang kanyang lupa ay malapit lang sa lugar kung saan kami umahon. Mabuti ang kanyang pagtanggap sa amin, at doon kami tumuloy sa kanila sa loob ng tatlong araw. Nagkataon noon na ang ama ni Publius ay may sakit. May lagnat siya at disintirya. Kaya pumasok si Pablo sa kanyang silid at nanalangin. Ipinatong niya ang kanyang kamay sa may sakit at gumaling ito. Dahil sa pangyayaring iyon, ang lahat ng may sakit sa isla ay pumunta sa amin at pinagaling din sila. 10 Marami silang ibinigay sa amin na regalo. At nang paalis na kami, binigyan pa nila kami[a] ng mga kakailanganin namin sa paglalakbay.

Mula Malta Papuntang Roma

11 Matapos ang tatlong buwan na pananatili namin sa isla ng Malta, sumakay kami sa isang barkong nagpalipas doon ng tag-unos. Ang barkong itoʼy galing sa Alexandria, at nakalarawan sa unahan nito ang kambal na dios. 12 Mula sa Malta, pumunta kami sa Syracuse at tatlong araw kami roon. 13 Mula roon, bumiyahe kami hanggang sa nakarating kami sa Regium. Kinabukasan, umihip ang habagat, at sa loob ng dalawang araw ay nakarating kami sa Puteoli. 14 Doon may nakita kaming mga kapatid sa Panginoon. Hiniling nila sa amin na manatili roon ng isang linggo. Pagkatapos, dumiretso kami sa Roma. 15 Nang marinig ng mga kapatid sa Roma na dumating kami, sinalubong nila kami sa Pamilihan ng Apius[b] at sa Tres Tabernas. Nang makita ni Pablo ang mga kapatid, nagpasalamat siya sa Dios at lumakas ang kanyang loob.

Sa Roma

16 Pagdating namin sa Roma, pinahintulutan si Pablo na tumira kahit saan niya gusto, pero may isang sundalong magbabantay sa kanya.

17 Pagkalipas ng tatlong araw, ipinatawag ni Pablo ang mga pinuno ng mga Judio sa Roma. Nang nagkakatipon na sila, sinabi niya, “Mga kapatid, kahit na wala akong nagawang kasalanan laban sa ating bayan o sa mga kaugaliang mula sa ating mga ninuno, dinakip nila ako sa Jerusalem at inakusahan sa gobyerno ng Roma. 18 Nilitis ako ng mga Romanong opisyal, at nang malaman nila na wala akong nagawang masama para hatulan ng kamatayan, palalayain na sana nila ako. 19 Pero tinutulan ng mga Judio, kaya napilitan akong lumapit sa Emperador, kahit wala akong paratang laban sa aking mga kababayan. 20 Ito ang dahilan kung bakit hiniling kong makita kayo, para makapagsalita ako sa inyo, dahil nakakadena ako ngayon dahil naniniwala ako sa inaasahan ng mga Judio.”

21 Sinagot nila si Pablo, “Wala kaming natanggap na sulat mula sa Judea tungkol sa iyo. Ang mga kapwa natin Judio na dumating dito galing sa Jerusalem ay wala ring ibinalita o sinabi laban sa iyo. 22 Pero gusto rin naming marinig kung ano ang iyong sasabihin, dahil alam namin na kahit saang lugar, minamasama ng mga tao ang sekta mong iyan.”

23 Kaya nagtakda sila ng araw para magtipong muli. Pagdating ng araw na iyon, lalong dumami ang pumunta sa bahay na tinutuluyan ni Pablo. Pinatunayan niya sa kanila ang tungkol sa paghahari ng Dios, at ipinaliwanag niya ang tungkol kay Jesus sa pamamagitan ng mga Kautusan ni Moises at ng mga isinulat ng mga propeta para sumampalataya sila sa kanya. 24 Ang iba ay naniwala sa kanyang sinabi, pero ang iba naman ay hindi. 25 At dahil sa hindi sila magkasundo, nagsiuwian sila. Pero bago sila umalis, sinabi ni Pablo sa kanila, “Tama ang sinabi ng Banal na Espiritu sa ating mga ninuno sa pamamagitan ni Propeta Isaias. 26 Sapagkat sinabi niya,

    ‘Puntahan mo ang mga taong ito at sabihin mo sa kanila na kahit makinig sila, hindi sila makakaunawa,
    at kahit tumingin sila, hindi sila makakakita,
27 dahil matigas ang puso ng mga taong ito.
    Tinakpan nila ang kanilang mga tainga at ipinikit nila ang kanilang mga mata.
    Dahil baka makakita sila at makarinig,
    at maunawaan nila kung ano ang tama, at magbalik-loob sila sa akin, at pagalingin ko sila.’ ”[c]

28 Sinabi pa ni Pablo, “Gusto ko ring sabihin sa inyo na ang salita ng Dios tungkol sa kaligtasan ay ibinalita na sa mga hindi Judio, at sila ay talagang nakikinig.” [29 Pagkasabi nito ni Pablo, nag-uwian ang mga Judio na mainit na nagtatalo.]

30 Sa loob ng dalawang taon, nanatili si Pablo sa bahay na kanyang inuupahan. At tinanggap niya ang lahat ng dumadalaw sa kanya. 31 Tinuruan niya sila tungkol sa paghahari ng Dios at tungkol sa Panginoong Jesu-Cristo. Hindi siya natakot sa kanyang pagtuturo at wala namang pumigil sa kanya.

Salmo 9:1-12

Ang Makatarungang Paghatol ng Dios

Panginoon, buong puso kitang pasasalamatan.
    Ikukuwento ko ang lahat ng inyong ginawang kahanga-hanga.
Magpapakasaya ako dahil sa inyo, Kataas-taasang Dios.
    Aawit ako ng mga papuri para sa inyo.
Kapag nagpapakita kayo sa aking mga kaaway, natatakot sila:
    tumatakas sila, nadadapa, at sa inyong harapan silaʼy namamatay.
Nakaupo kayo sa inyong trono bilang matuwid na hukom.
    Noong hinatulan nʼyo ako, napatunayan nʼyong wala akong kasalanan.
Hinatulan nʼyo at nilipol ang mga bansang masasama,
    kaya hindi na sila maaalala magpakailanman.
Tuluyan nang nawala ang aking mga kaaway;
    sila ay lubusang nawasak.
    Giniba nʼyo rin ang kanilang mga bayan,
    at silaʼy lubusan nang makakalimutan.
Ngunit kayo, Panginoon ay maghahari magpakailanman.
    At handa na ang inyong trono para sa paghatol.
Hinahatulan nʼyo nang matuwid ang mga tao sa bawat bansa,
    at wala kayong kinikilingan.
Panginoon, kayo ang kanlungan ng mga inaapi,
    at kublihan sa panahon ng kahirapan.
10 Sa inyo nagtitiwala ang nakakakilala sa inyo,
    dahil hindi nʼyo itinatakwil ang mga lumalapit sa inyo.

11 Magsiawit kayo ng papuri sa Panginoon na hari ng Jerusalem!
    Ihayag ninyo sa mga bansa ang kanyang mga ginawa!
12 Hindi niya nakakalimutan ang panawagan ng mga pinahihirapan;
    pinaghihigantihan niya ang mga nagpapahirap sa kanila.

Kawikaan 19:1-3

19 Mas mabuti pa ang mahirap na namumuhay nang matuwid kaysa sa hangal na sinungaling.
Maging masigasig ka man ngunit walang nalalaman, wala rin itong kabuluhan. Kapag ikaw naman ay pabigla-bigla madali kang magkakasala.
Kamangmangan ng tao ang nagpapahamak sa kanyang sarili, at pagkatapos sa Panginoon ibinabaling ang sisi.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®