Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NIV. Switch to the NIV to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
2 Cronica 29

Ang Paghahari ni Hezekia sa Juda(A)

29 Si Hezekia ay 25 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng 29 na taon. Ang ina niya ay si Abijah na anak ni Zacarias. Matuwid ang ginawa ni Hezekia sa paningin ng Panginoon, katulad ng ginawa ng ninuno niyang si David Sa unang buwan nang unang taon ng paghahari niya, pinabuksan niyang muli ang mga pintuan ng templo ng Panginoon at ipinaayos ito. Ipinatawag niya ang mga pari at ang mga Levita, at pinatipon sa loob ng bakuran sa bandang silangan ng templo. Sinabi niya sa kanila, “Pakinggan nʼyo ako, kayong mga Levita! Linisin ninyo ang inyong mga sarili[a] ngayon, at linisin din ninyo ang templo ng Panginoon, ang Dios ng inyong mga ninuno. Kunin nʼyo sa templo ang lahat ng bagay na itinuturing na marumi. Hindi naging tapat ang ating mga ninuno. Masama ang ginawa nila sa paningin ng Panginoon na ating Dios at siyaʼy kanilang itinakwil. Pinabayaan nila ang kanyang templo at siyaʼy kanila ngang tinalikuran. Isinara nila ang mga pintuan sa balkonahe ng templo at pinatay ang mga ilaw. Hindi sila nagsunog ng insenso o nag-alay ng mga handog na sinusunog sa templo para sa Dios ng Israel. Kaya nagalit ang Panginoon sa Juda at sa Jerusalem. At dahil sa kanyang parusa sa atin, pinandirihan, kinutya at minaliit tayo ng mga tao gaya ng inyong nakikita ngayon. Namatay ang mga ninuno natin sa labanan, at binihag ang ating mga asawaʼt anak. 10 Pero ngayon, desidido akong gumawa ng kasunduan sa Panginoon, ang Dios ng Israel, para mawala ang matindi niyang galit sa atin. 11 Kaya mga minamahal,[b] huwag na kayong magpabaya. Kayo ang pinili ng Panginoon para tumayo sa kanyang presensya, at para maglingkod at maghandog.”[c]

12 Kaya nagsimula sa paggawa ang mga Levita:

Sa pamilya ni Kohat: sina Mahat na anak ni Amasai at Joel na anak ni Azaria.

Sa pamilya ni Merari: sina Kish na anak ni Abdi at Azaria na anak ni Jehalelel.

Sa pamilya ni Gershon: sina Joa na anak ni Zima at Eden na anak ni Joa.

13 Sa angkan ni Elizafan: sina Shimri at Jeyel.

Sa angkan ni Asaf: sina Zacarias at Matania.

14 Sa angkan ni Heman: sina Jehiel at Shimei.

Sa angkan ni Jedutun: sina Shemaya at Uziel.

15 Tinipon nila ang kanilang mga kadugong Levita at nilinis nila ang kanilang sarili. Nilinis din nila ang templo ng Panginoon ayon sa iniutos ng hari. Sinunod nila ang sinabi ng Panginoon. 16 Pumasok ang mga pari sa templo para linisin ito. Inilagay nila sa bakuran ng templo ang lahat na kanilang nakita na kagamitan na itinuturing na marumi. At dinala ito ng mga Levita sa Lambak ng Kidron.

17 Sinimulan nilang linisin ang templo sa unang araw ng unang buwan, at nang ikawalong araw, umabot sila sa balkonahe ng templo. Ipinagpatuloy nila ang paglilinis sa loob pa ng walong araw, at natapos nila ang paglilinis nang ika-16 na araw ng buwan na iyon. 18 Pagkatapos, pumunta sila kay Haring Hezekia at sinabi, “Mahal na Hari, nalinis na po namin ang buong templo ng Panginoon pati ang altar na pinagsusunugan ng mga handog na sinusunog at ang lahat po ng kagamitan nito, at ang mesa na pinaglalagyan po ng tinapay na inihahandog at ang lahat ng kagamitan nito. 19 Naibalik na rin po namin ang lahat ng kagamitan na tinanggal ni Haring Ahaz nang mga panahong hindi siya naging matapat sa Dios. Nilinis na po namin ang mga ito at handa ng gamitin. Naroon na po ang mga ito ngayon sa harapan ng altar ng Panginoon.”

20 Kinabukasan, maaga paʼy tinipon na ni Haring Hezekia ang mga opisyal ng lungsod at pumunta sila sa templo ng Panginoon. 21 Nagdala sila ng pitong toro, pitong lalaking tupa, pitong batang tupa, at pitong lalaking kambing bilang handog sa paglilinis para sa kanilang kaharian, sa templo at sa mga mamamayan ng Juda. Inutusan ni Haring Hezekia ang mga pari na mula sa angkan ni Aaron para ihandog ang mga iyon sa altar ng Panginoon. 22 Kaya kinatay ng mga pari ang mga toro at iwinisik ang dugo nito sa altar. Ganoon din ang ginawa sa mga lalaking tupa at sa mga batang tupa. 23 Ang mga kambing na handog sa paglilinis ay dinala nila sa hari at sa mga tao, at kanilang ipinatong ang kanilang mga kamay sa mga kambing. 24 Pagkatapos, kinatay ng mga pari ang mga kambing at ibinuhos ang dugo nito sa altar bilang handog para sa paglilinis ng kasalanan ng lahat ng mga Israelita. Sapagkat nag-utos ang hari na mag-alay ng mga handog na sinusunog at mga handog sa paglilinis para sa lahat ng Israelita.

25 Pagkatapos, nagtalaga si Hezekia ng mga Levita sa templo ng Panginoon na may mga pompyang, alpa at mga lira. Itoʼy ayon sa utos ng Panginoon kay Haring David sa pamamagitan ni Gad na propeta ni David at kay Propeta Natan. 26 Pumwesto ang mga Levita na may mga instrumento ni Haring David, at ang mga pari na may mga trumpeta.

27 At nag-utos si Hezekia na ihandog sa altar ang mga handog na sinusunog. Habang naghahandog, umaawit ng mga papuri sa Panginoon ang mga tao, na tinutugtugan ng mga trumpeta at iba pang mga instrumento ni Haring David ng Israel. 28 Ang buong kapulungan ay lumuhod sa pagsamba sa Panginoon habang umaawit ang mga mang-aawit at nagpapatugtog ang mga tagatrumpeta hanggang sa maialay ang lahat ng handog na sinusunog. 29 Pagkatapos ng paghahandog, lumuhod si Haring Hezekia at ang lahat ng kasama niya, at sumamba sa Panginoon. 30 Nag-utos si Haring Hezekia at ang kanyang mga opisyal sa mga Levita para purihin ang Panginoon sa pamamagitan ng mga awit na ginawa ni Haring David at ni Asaf na propeta. Kaya umawit sila ng mga awit ng pagpupuri na may kagalakan habang nakayuko sila sa pagsamba sa Dios.

31 Pagkatapos, sinabi ni Hezekia, “Ngayong naihandog nʼyo na ang inyong sarili sa Panginoon, magdala kayo ng mga handog, kasama ang mga handog ng pasasalamat sa templo ng Panginoon.” Kaya nagdala ang mga tao ng mga handog na ito sa templo ng Panginoon, at ang iba ay kusang-loob na nag-alay ng mga handog na sinusunog. 32 Ang bilang ng mga handog na sinusunog na dinala ng mga tao ay 70 toro, 100 lalaking tupa at 200 batang tupa. 33 Nagdala rin sila ng iba pang mga handog na 600 toro at 3,000 tupa at kambing. 34 Pero kakaunti lang ang mga pari na nagkakatay ng mga hayop na ito. Kaya tumulong sa kanila ang mga kamag-anak nilang Levita hanggang matapos ang gawaing iyon at hanggang sa dumami na ang mga pari na naglinis ng kanilang sarili. Sapagkat mas matapat pa ang mga Levita sa paglilinis ng kanilang sarili kaysa sa mga pari. 35 Napakaraming handog na sinusunog, pati mga taba ng mga hayop na inihandog para sa mabuting relasyon, at mga handog na inuming inialay kasama ng mga handog na sinusunog. Sa ganitong paraan, muling naibalik ang mga gawain sa templo ng Panginoon. 36 Labis ang kagalakan ni Hezekia at ng mga tao sa tulong na ginawa ng Dios, dahil ditoʼy nagawa nila ang lahat ng ito nang mabilis.

Roma 14

Huwag Humatol sa Kapatid

14 Tanggapin ninyo ang kapatid na mahina ang pananampalataya at huwag makipagtalo sa kanyang mga paniniwala. Halimbawa, may kapatid na naniniwala na lahat ng pagkain ay maaaring kainin. Mayroon namang mahina ang pananampalataya at para sa kanya, gulay lamang ang dapat kainin. Hindi dapat hamakin ng taong kumakain ng kahit ano ang tao na ang kinakain ay gulay lamang. At huwag hatulan ng tao na ang kinakain ay gulay lamang ang taong kumakain ng kahit ano. Sapagkat pareho silang tinatanggap ng Dios, at sa Dios lang din sila mananagot. Kaya, sino ka para humatol sa utusan ng iba? Ang Amo[a] lang niya ang makapagsasabi kung mabuti o masama ang ginagawa niya. At talagang magagawa niya ang tama, dahil ang Panginoon ang tutulong sa kanya.

May mga taong naniniwala na mas mahalaga ang isang araw kaysa sa ibang mga araw. May tao namang pare-pareho lang para sa kanya ang lahat ng araw. Ang bawat tao ang bahalang magpasya para sa kanyang sarili tungkol sa bagay na iyan. Ang taong may pinapahalagahang araw ay gumagawa nito para sa Panginoon. At ang tao namang kumakain ng kahit anong pagkain ay gumagawa rin nito para sa Panginoon, dahil pinapasalamatan niya ang Dios para sa kanyang pagkain. Ang hindi naman kumakain ng ilang klase ng pagkain ay gumagawa nito para sa Panginoon at nagpapasalamat din siya sa Dios. Wala ni isa man sa atin ang nabubuhay o namamatay para sa sarili lamang. Kung tayoʼy nabubuhay, nabubuhay tayo para sa Panginoon, at kung tayoʼy mamamatay, mamamatay tayo para sa Panginoon. Kaya mabuhay man tayo o mamatay, tayoʼy sa Panginoon. Ito ang dahilan kung bakit namatay at muling nabuhay si Cristo, para maging Panginoon siya ng mga buhay at mga patay. 10 Kaya huwag ninyong hahatulan o hahamakin ang inyong kapatid kay Cristo. Sapagkat tayong lahat ay haharap sa Dios, at siya ang hahatol kung ang ginawa natin ay mabuti o masama. 11 Sapagkat sinasabi sa Kasulatan, “Ako, ang Panginoon na buhay ay sumusumpa na darating ang araw na luluhod ang lahat ng tao sa akin at kikilalanin akong Dios.”[b] 12 Kaya lahat tayoʼy mananagot sa Dios sa lahat ng ating mga ginawa.

13 Kaya nga huwag na tayong maghatulan. Sa halip, iwasan na nating gumawa ng mga bagay na magiging dahilan ng pagkakasala ng ating kapatid. 14 Dahil nakipag-isa na ako sa Panginoong Jesus, alam ko na wala talagang bawal na pagkain. Pero kung inaakala ng isang tao na bawal ang isang pagkain, dapat huwag niyang kainin. 15 Kung nasasaktan ang iyong kapatid dahil sa kinakain mo, hindi na naaayon sa pag-ibig ang ginagawa mo. Huwag mong ipapahamak ang kapatid mo kay Cristo dahil lang sa pagkain, dahil namatay din si Cristo para sa kanya. 16 Huwag mong gawin ang anumang bagay na itinuturing ng iba na masama kahit na para sa iyo ito ay mabuti. 17 Sapagkat ang kaharian ng Dios ay hindi tungkol sa pagkain o inumin, kundi tungkol sa matuwid na pamumuhay, magandang relasyon sa isaʼt isa, at kagalakan na mula sa Banal na Espiritu. 18 Ang naglilingkod kay Cristo sa ganitong paraan ay kalugod-lugod sa Dios at iginagalang ng kapwa.

19 Kaya pagsikapan nating gawin lagi ang mga bagay na magbibigay ng kapayapaan at makakapagpatibay sa isaʼt isa. 20 Huwag mong sirain ang pananampalataya ng isang iniligtas ng Dios nang dahil lang sa pagkain. Lahat ng pagkain ay maaaring kainin, pero ang pagkain nito ay masama kapag naging dahilan ito ng pagkakasala ng iba. 21 Mas mabuti pang huwag nang kumain ng karne o uminom ng alak o gawin ang isang bagay kung iyon ang magiging dahilan ng pagkakasala ng iyong kapatid. 22 Kaya anuman ang iyong paniniwala sa mga bagay na ito, ikaw na lang at ang Dios ang dapat makaalam. Mapalad ang taong hindi inuusig ng kanyang konsensya dahil sa paggawa ng mga bagay na alam niyang tama. 23 Pero ang sinumang kumakain nang may pag-aalinlangan ay nagkakasala[c] dahil hindi na ito ayon sa kanyang paniniwala. Sapagkat kasalanan ang anumang bagay na ginagawa natin na hindi ayon sa ating paniniwala.

Salmo 24

Ang Dios ang Dakilang Hari

24 Ang buong mundo at ang lahat ng naririto ay pag-aari ng Panginoon.
Itinayo niya ang pundasyon ng mundo sa kailaliman ng dagat.
Sino ang karapat-dapat umakyat sa bundok ng Panginoon?
    At sino ang maaaring tumungtong sa kanyang banal na templo?
Makatutungtong ang may matuwid na pamumuhay at malinis na puso,
    ang hindi sumasamba sa mga dios-diosan,
    at ang hindi sumusumpa ng kasinungalingan.
Pagpapalain siya at ipapawalang-sala ng Panginoon, ang Dios na kanyang Tagapagligtas.
Iyan ang mga taong makakalapit at sasamba sa Dios ni Jacob.

Buksan ninyo nang maluwang ang mga lumang pintuan ng templo
    upang makapasok ang Haring makapangyarihan!
Sino ang Haring makapangyarihan?
    Siya ang Panginoong malakas at matatag sa pakikipaglaban.
Buksan ninyo nang maluwang ang mga lumang pintuan ng templo
    upang makapasok ang Haring makapangyarihan!
10 Sino ang Haring makapangyarihan?
    Siya ang Panginoon na pinuno ng hukbo ng kalangitan.
    Tunay nga siyang Haring makapangyarihan!

Kawikaan 20:12

12 Ang taingang nakakarinig at matang nakakakita ay ang Panginoon ang siyang gumawa.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®