Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NRSVUE. Switch to the NRSVUE to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
1 Cronica 26:12-27:34

12 Iginrupo ang mga guwardya ng mga pintuan ng templo ayon sa pinuno ng kanilang pamilya, at may mga tungkulin sila sa paglilingkod sa templo ng Panginoon, katulad ng kasama nilang mga Levita. 13 Nagpalabunutan sila kung aling pinto ang babantayan ng mga pamilya nila, bata man o matanda. 14 Ang pintuan sa gawing silangan ang nabunot ni Shelemia,[a] at ang pintuan sa gawing hilaga ang nabunot ng anak niyang mahusay magpayo na si Zacarias 15 Ang pintuan sa gawing timog ang nabunot ni Obed Edom, at sa mga anak niyang lalaki ipinagkatiwala ang mga bodega. 16 Ang pintuan sa gawing kanluran at ang pintuan paakyat sa templo[b] ang nabunot ni Shupim at Hosa.

Bawat isa sa kanilaʼy may takdang oras ng pagbabantay: 17 Sa gawing silangan, anim na guwardya ang nagbabantay araw-araw, sa gawing hilaga ay apat, sa gawing timog ay apat din, at sa bawat bodega ay tig-dadalawa. 18 Sa gawing kanluran, apat ang nagbabantay, sa daanan paakyat sa templo ay apat din, at sa bakuran ng templo ay dalawa.

19 Iyon ang mga grupo ng mga guwardya ng mga pintuan ng templo na angkan nina Kora at Merari.

Ang mga Ingat-yaman at ang Iba pang mga Opisyal

20 Ang ibang mga Levita[c] na pinamumunuan ni Ahia ang katiwala sa mga bodega ng templo ng Dios, kabilang na ang mga bodega ng mga inihandog sa Dios.

21 Si Ladan ay mula sa angkan ni Gershon at ama ni Jehieli. Ang ilan sa mga miyembro ng kanyang pamilya ay mga pinuno rin ng kanyang mga angkan. 22 Ang mga anak ni Jehieli na sina Zetam at Joel ang katiwala ng mga bodega ng templo ng Panginoon.

23 Ito ang mga pinuno mula sa angkan ni Amram, Izar, Hebron at Uziel:

Mula sa angkan ni Amram: 24 si Shebuel,[d] na mula rin sa angkan ni Gershom, na anak ni Moises, ang punong opisyal sa mga bodega ng templo. 25 Ang mga kamag-anak niya sa angkan ni Eliezer ay sina Rehabia, Jeshaya, Joram, Zicri at Shelomit.[e] 26 Si Shelomit at ang kanyang mga kamag-anak ang katiwala sa mga bodega ng mga handog na inialay ni Haring David, ng mga pinuno ng mga pamilya, ng mga kumander ng libu-libo at ng daan-daang sundalo, at ng iba pang mga pinuno. 27 Inihandog nila ang ibang nasamsam nila sa labanan para gamitin sa templo ng Panginoon. 28 Si Shelomit din at ang kanyang mga kamag-anak ang nangalaga sa lahat ng mga inihandog ni Samuel na propeta, ni Saul na anak ni Kish, ni Abner na anak ni Ner, at ni Joab na anak ni Zeruya. Ang iba pang mga inihandog ay ipinamahala din nila.

29 Mula sa mga angkan ni Izar: si Kenania at ang mga anak niyang lalaki, na siyang nangangasiwa at mga hukom sa buong Israel. Hindi sila naglilingkod sa loob ng templo.

30 Mula sa angkan ni Hebron: si Hashabia at ang 1,700 kamag-anak niya na may mga kakayahan. Pinagkatiwalaan sila na mamahala ng mga lupain sa gawing kanluran ng Ilog ng Jordan. Sila ang nangangasiwa ng mga gawain ng Panginoon at ng hari sa lugar na iyon. 31 Si Jeria ang pinuno ng angkan ni Hebron ayon sa talaan ng kanilang mga pamilya. Nang ika-40 taon ng paghahari ni David, siniyasat ang mga talaan, at natuklasan na may angkan si Hebron sa Jazer na sakop ng Gilead, at may mga kakayahan sila. 32 Si Jeria ay may 2,700 kamag-anak na may mga kakayahan at mga pinuno ng mga pamilya. Sila ang pinamahala ni Haring David sa lahi ni Reuben, Gad at sa kalahating lahi ni Manase. Sila ang nangangasiwa sa lahat ng gawain ng Dios at ng hari sa mga lugar na iyon.

Ang mga Opisyal ng mga Sundalo

27 Ito ang listahan ng mga pinuno, mga kumander, at mga opisyal ng mga Israelita na naglilingkod sa hari bilang tagapangasiwa sa grupo ng mga sundalong naglilingkod ng isang buwan sa bawat taon. Ang bawat grupo ay may 24,000 sundalo.

Si Jashobeam na anak ni Zabdiel ang kumander ng mga sundalo sa unang buwan. May 24,000 sundalo sa grupo niya. Mula siya sa angkan ni Perez at pinuno ng lahat ng opisyal ng mga sundalo tuwing unang buwan.

Si Dodai na mula sa angkan ni Ahoa ang kumander ng mga sundalo sa ikalawang buwan. May 24,000 siyang sundalo. Si Miklot ang pinakamataas na opisyal sa grupo niya.

Si Benaya na anak ng paring si Jehoyada, ang kumander ng mga sundalo sa ikatlong buwan. May 24,000 siyang sundalo sa kanyang grupo. Siya ang Benaya na matapang na pinuno ng 30 matatapang na tauhan ni David. Ang anak niyang si Amizabad ang pinakamataas na opisyal sa grupo niya.

Si Asahel na kapatid ni Joab ang kumander ng sundalo sa ikaapat na buwan. Ang anak niyang si Zebadia ang pumalit sa kanya. May 24,000 sundalo sa grupo niya.

Si Shamut[f] na mula sa angkan ni Izra ang kumander sa ikalimang buwan. May 24,000 sundalo sa grupo niya.

Si Ira na anak ni Ikkes na mula sa Tekoa ang kumander ng mga sundalo sa ikaanim na buwan. May 24,000 sundalo sa grupo niya.

10 Si Helez na taga-Pelon na lahi ni Efraim ang kumander ng mga sundalo sa ikapitong buwan. May 24,000 sundalo sa grupo niya.

11 Si Sibecai na taga-Husha na mula sa angkan ni Zera ang kumander ng mga sundalo sa ikawalong buwan. May 24,000 sundalo sa grupo niya.

12 Si Abiezer na taga-Anatot na mula sa lahi ni Benjamin ang kumander sa ikasiyam na buwan. May 24,000 sundalo sa grupo niya.

13 Si Maharai na taga-Netofa na mula sa angkan ni Zera ang kumander ng mga sundalo sa ikasampung buwan. May 24,000 sundalo sa grupo niya.

14 Si Benaya na taga-Piraton na mula sa lahi ni Efraim ang kumander ng mga sundalo sa ika-11 buwan. May 24,000 sundalo sa grupo niya.

15 Si Heldai[g] na taga-Netofa na mula sa angkan ni Otniel ang kumander ng mga sundalo sa ika-12 buwan. May 24,000 sundalo sa grupo niya.

Ang mga Pinuno ng mga Angkan ng Israel

16 Ito ang mga opisyal ng lahi ng Israel:

Sa lahi ni Reuben: si Eliezer na anak ni Zicri.

Sa lahi ni Simeon: si Shefatia na anak ni Maaca.

17 Sa lahi ni Levi: si Hashabia na anak ni Kemuel.

Sa angkan ni Aaron: si Zadok.

18 Sa lahi ni Juda: si Elihu na kapatid ni David.

Sa lahi ni Isacar: si Omri na anak ni Micael.

19 Sa lahi ni Zebulun: si Ishmaya na anak ni Obadias.

Sa lahi ni Naftali: si Jeremot na anak ni Azriel.

20 Sa lahi ni Efraim: si Hoshea na anak ni Azazia.

Sa kalahating lahi ni Manase: si Joel na anak ni Pedaya.

21 Sa kalahati pang lahi ni Manase sa Gilead: si Iddo na anak ni Zacarias.

Sa lahi ni Benjamin: si Jaasiel na anak ni Abner.

22 Sa lahi ni Dan: si Azarel na anak ni Jeroham.

Sila ang mga opisyal ng mga lahi ng Israel.

23 Nang sinensus ni David ang mga tao, hindi niya isinama ang mga tao na wala pa sa edad na 20, dahil nangako ang Panginoon na pararamihin niya ang mga Israelita gaya ng mga bituin sa langit. 24 Inumpisahan ni Joab na anak ni Zeruya ang pagsesensus sa mga tao pero hindi niya ito natapos dahil nagalit ang Dios sa pagsesensus na ito. Kaya ang kabuuang bilang ng mga Israelita ay hindi naitala sa listahan ni Haring David.

Ang mga Opisyal sa Kaharian

25 Si Azmavet na anak ni Adiel ang namamahala sa mga bodega sa palasyo ng hari.

Si Jonatan na anak ni Uzia ang namamahala sa mga bodega sa mga distrito, bayan, baryo at sa mga tore.

26 Si Ezri na anak ni Kelub ang namamahala sa mga nagtatrabaho sa bukid ng hari.

27 Si Shimei na taga-Rama ang namamahala sa mga ubasan ng hari.

Si Zabdi na taga-Sefam ang namamahala ng mga produkto nito, ang bunga ng ubas at alak ng hari.

28 Si Baal Hanan na taga-Geder ang namamahala ng mga puno ng olibo at sikomoro sa mga kaburulan sa kanluran.[h]

Si Joash ang namamahala sa mga bodega ng langis ng olibo.

29 Si Sitrai na taga-Sharon ang namamahala ng mga kawan ng hayop na pinapastol sa Sharon.

Si Shafat na anak ni Adlai ang namamahala ng mga kawan ng hayop sa mga lambak.

30 Si Obil na Ishmaelita ang namamahala ng mga kamelyo.

Si Jedaya na taga-Meronot ang namamahala ng mga asno.

31 Si Jaziz na Hagreo ang namamahala ng mga tupa.

Silang lahat ang mga opisyal na namamahala sa mga ari-arian ni Haring David.

32 Si Jonatan na tiyuhin ni Haring David ang tagapayo niya. Isa siyang matalinong tao at manunulat. Si Jehiel na anak ni Hacmoni ang guro ng mga anak ng hari. 33 Si Ahitofel ang isa pang tagapayo ng hari. Ang Arkeo na si Hushai ay malapit na kaibigan ng hari. 34 Nang mamatay si Ahitofel, pinalitan siya ni Jehoyada na anak ni Benaya at ni Abiatar. Si Joab ang kumander ng mga sundalo ng hari.

Roma 4:13-5:5

Natatanggap ang Pangako ng Dios sa Pamamagitan ng Pananampalataya

13 Ipinangako ng Dios kay Abraham at sa kanyang lahi na mamanahin nila ang mundo. Ang pangakong ito ay ibinigay ng Dios kay Abraham hindi dahil sa pagsunod niya sa Kautusan, kundi dahil itinuring siya ng Dios na matuwid sa pamamagitan ng kanyang pananampalataya. 14 Kung ang mga nasasakop lamang ng Kautusan ang magiging tagapagmana, walang kabuluhan ang pananampalataya at ganoon din naman ang pangako ng Dios. 15 Ang Kautusan ang siyang naging dahilan kung bakit may parusa mula sa Dios. Kung walang Kautusan, wala ring paglabag.

16 Kaya nakabatay ang pangako ng Dios sa pananampalataya, para itoʼy maging biyaya ng Dios at tiyak na matatanggap ng lahat ng lahi ni Abraham – hindi lamang ng mga Judio na sakop ng Kautusan, kundi maging ng mga hindi Judio na sumasampalataya ring tulad ni Abraham na ama nating lahat. 17 Gaya nga ng sinasabi sa Kasulatan, “Ginawa kitang ama ng maraming bansa.”[a] Kaya sa paningin ng Dios, si Abraham ang ating ama. At ang Dios na pinaniwalaan ni Abraham, ang siya ring Dios na bumubuhay sa mga patay at lumilikha ng mga bagay na wala pa. 18 Kahit na wala nang pag-asang maging ama si Abraham, nanalig pa rin siyang magiging ama siya ng maraming bansa; gaya nga ng sinabi ng Dios sa kanya, “Magiging kasindami ng bituin ang bilang ng mga anak mo.”[b] 19 Mag-iisang daang taong gulang na siya noon. Alam niyang matanda na siya at mahina na ang katawan. Alam din niyang si Sara ay baog at hindi maaaring magkaanak. Ganoon pa man, hindi nanghina ang kanyang pananampalataya. 20 Hindi siya nag-alinlangan sa pangako ng Dios, kundi lalo pang tumibay ang kanyang pananampalataya. Pinapurihan niya ang Dios 21 dahil lubos siyang umasa na tutuparin ng Dios ang kanyang pangako. 22 Kaya nga, itinuring ng Dios na matuwid si Abraham dahil sa kanyang pananampalataya. 23 Pero ang katagang, “itinuring na matuwid,” ay hindi lamang para kay Abraham, 24 kundi para rin sa atin. Tayo rin ay itinuturing ng Dios na matuwid kung sumasampalataya tayo sa kanya na muling bumuhay sa ating Panginoong Jesus. 25 Pinatay si Jesus dahil sa ating mga kasalanan, at muling binuhay para tayoʼy maituring na matuwid.

Mayroon na Tayong Magandang Relasyon sa Dios

Kaya ngayong itinuturing na tayong matuwid dahil sa pananampalataya natin sa ating Panginoong Jesu-Cristo, mayroon na tayong magandang relasyon sa Dios. Sa pamamagitan ni Jesus at dahil sa ating pananampalataya, tinatamasa natin ngayon ang biyaya ng Dios at nagagalak tayo dahil sa ating pag-asa na makakabahagi tayo sa kadakilaan ng Dios. At nagagalak din tayo kahit na dumaranas tayo ng mga paghihirap, dahil natututo tayong magtiis. Alam natin na ang pagtitiis ay nagpapabuti sa ating pagkatao.[c] At kung mabuti ang ating pagkatao,[d] may pag-asa tayo na makakabahagi tayo sa kadakilaan ng Dios. At hindi tayo mabibigo sa ating pag-asa dahil ipinadama ng Dios sa atin ang kanyang pagmamahal sa pamamagitan ng Banal na Espiritu na ibinigay niya sa atin.

Salmo 14

Ang Kasamaan ng Tao

(Salmo 53)

14 “Walang Dios!”
    Iyan ang sinasabi ng mga hangal sa kanilang sarili.
    Masasama sila at kasuklam-suklam ang kanilang mga gawa.
    Ni isa sa kanila ay walang gumagawa ng mabuti.
Mula sa langit, tinitingnan ng Panginoon ang lahat ng tao,
    kung may nakakaunawa ng katotohanan at naghahanap sa kanya.
Ngunit ang lahat ay naligaw ng landas at pare-parehong nabulok ang pagkatao.
    Wala kahit isa man ang gumagawa ng mabuti.

Kailan kaya matututo ang masasamang tao?
    Sinasamantala nila ang aking mga kababayan para sa kanilang pansariling kapakanan.
    At hindi sila nananalangin sa Panginoon.
Ngunit darating ang araw na manginginig sila sa takot,
    dahil kakampihan ng Dios ang mga matuwid.
Sinisira ng masasamang tao ang mga plano ng mga dukha,
    ngunit ang Panginoon ang magiging kanlungan nila.
Dumating na sana ang Tagapagligtas ng Israel mula sa Zion!
    Magsasaya ang mga Israelita, ang mga mamamayan ng Panginoon,
    kapag naibalik na niya ang kanilang kasaganaan.

Kawikaan 19:17

17 Kapag tumutulong ka sa mahirap, para kang nagpapautang sa Panginoon, dahil ang Panginoon ang magbabayad sa iyo.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®