Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
1 Cronica 2:18-4:4

Ang Angkan ni Hezron

18 Ang anak ni Hezron na si Caleb ay may mga anak sa asawa niyang si Azuba na tinatawag ding Jeriot. Sila ay sina Jesher, Shobab at Ardon. 19 Pagkamatay ni Azuba, napangasawa ni Caleb si Efrat[a] at ang naging anak nila ay si Hur. 20 Si Hur ang ama ni Uri, at si Uri ang ama ni Bezalel. 21 Noong 60 taong gulang na si Hezron, napangasawa niya ang anak ni Makir, ang kapatid na babae ni Gilead. Si Segub ang naging anak nila. 22 Si Segub ang ama ni Jair, na namahala ng 23 bayan sa Gilead. 23 (Dumating ang panahon na inagaw ni Geshur at ni Aram ang mga bayan ni Jair[b] at ang Kenat, pati ang 60 bayan sa paligid nito.) Silang lahat ang angkan ni Makir na ama ni Gilead.

24 Kamamatay lang ni Hezron sa Caleb Efrata nang manganak ang asawa niyang si Abijah. Ang anak niya ay si Ashur na ama ni Tekoa.

Ang Angkan ni Jerameel na Anak ni Hezron

25 Ito ang mga anak na lalaki ni Jerameel na panganay na anak ni Hezron: Si Ram ang panganay, sumunod sina Buna, Oren, Ozem at Ahia. 26 Si Jerameel ay may isa pang asawa na ang pangalan ay Atara. Siya ang ina ni Onam. 27 Ang mga anak na lalaki ni Ram na panganay ni Jerameel ay sina Maaz, Jamin at Eker.

28 Ang mga anak na lalaki ni Onam ay sina Shamai at Jada. Ang mga anak na lalaki ni Shamai ay sina Nadab at Abishur.

29 Ang pangalan ng asawa ni Abishur ay Abihail. May mga anak silang lalaki, sina Aban at Molid.

30 Ang mga anak na lalaki ni Nadab ay sina Seled at Apaim. Namatay si Seled na walang anak.

31 Ang anak na lalaki ni Apaim ay si Ishi. Si Ishi ang ama ni Sheshan at si Sheshan ang ama ni Alai. 32 Ang mga anak na lalaki ni Jada na kapatid ni Shamai ay sina Jeter at Jonatan. Namatay si Jeter na walang anak. 33 Ang mga anak na lalaki ni Jonatan ay sina Pelet at Zaza. Silang lahat ang angkan ni Jerameel.

34 Walang anak na lalaki si Sheshan, kundi puro babae. May alipin siyang Egipcio na ang pangalan ay Jarha. 35 Ibinigay ni Sheshan ang anak niyang babae kay Jarha bilang asawa. Nagkaanak sila na ang pangalan ay Atai. 36 Si Atai ang ama ni Natan, at si Natan ang ama ni Zabad, 37 si Zabad naman ang ama ni Eflal, si Eflal ang ama ni Obed, 38 si Obed ang ama ni Jehu, at si Jehu ang ama ni Azaria. 39 Si Azaria ang ama ni Helez, si Helez ang ama ni Eleasa, 40 at si Eleasa ang ama ni Sismai. Si Sismai ang ama ni Shalum, 41 si Shalum ang ama ni Jekamia, at si Jekamia ang ama ni Elishama.

Ang Iba pang Angkan ni Caleb

42 Ang panganay na anak na lalaki ni Caleb na kapatid ni Jerameel ay si Mesha na ama ni Zif. Ang ikalawa niyang anak ay si Maresha na ama ni Hebron. 43 Ang mga anak na lalaki ni Hebron ay sina Kora, Tapua, Rekem at Shema. 44 Si Shema ang ama ni Raham, at si Raham ang ama ni Jorkeam. Si Rekem ang ama ni Shamai, 45 si Shamai ang ama ni Maon, at si Maon ang ama ni Bet Zur.

46 Ang isa pang asawa ni Caleb na si Efa ang ina nina Haran, Moza at Gazez. May anak si Haran na Gazez din ang pangalan.

47 Ang mga anak na lalaki ni Jadai ay sina Regem, Jotam, Geshan, Pelet, Efa at Shaaf.

48 Ang isa pang asawa ni Caleb ay si Maaca. May mga anak silang lalaki na sina Sheber, Tirhana, 49 Shaaf na ama ni Madmana at Sheva na ama naman nina Macbena at Gibea. Ang anak na babae ni Caleb ay si Acsa. 50 Sila ang angkan ni Caleb.

Ang Angkan ng Anak ni Caleb na si Hur.

Si Hur ang panganay na anak ni Caleb at ni Efrata. Ang mga anak na lalaki ni Hur ay sina Shobal na ama ni Kiriat Jearim, 51 si Salma na ama ni Betlehem, at si Haref na ama ni Bet Gader. 52 Ang angkan ni Shobal na ama ni Kiriat Jearim ay ang mga Haroe, ang kalahati ng mga naninirahan sa Manahat,[c] 53 at ang angkan ni Kiriat Jearim ay ang mga Itreo, Puteo, Sumateo at Misraita. Sila ang pinagmulan ng mga Zoratita at mga Estaolita.

54 Ang angkan ni Salma ay ang mga taga-Betlehem, mga taga-Netofa, mga taga-Atrot Bet Joab, ang kalahati ng mga Manahateo, at ang mga Zorita. 55 Ang lahi ng mga Tirateo, Shimeateo at Sucateo na magagaling sumulat ng mga dokumento ay nakatira sa bayan ng Jabez. Sila ang mga Keneo na nagmula kay Hamat, na ama ng pamilya ni Bet Recab.[d]

Ang mga Anak na Lalaki ni David

Ito ang mga anak na lalaki ni David na isinilang sa Hebron: Si Amnon ang panganay, na anak niya kay Ahinoam na taga-Jezreel. Si Daniel[e] ang pangalawa, na anak niya kay Abigail na taga-Carmel. Si Absalom ang pangatlo, na anak niya kay Maaca na anak na babae ni Haring Talmai ng Geshur. Si Adonia ang pang-apat, na anak niya kay Hagit. Si Shefatia ang panglima, na anak niya kay Abital. Si Itream ang pang-anim, na anak niya kay Egla. Silang anim ay isinilang sa Hebron, kung saan naghari si David sa loob ng pitong taon at anim na buwan.

Naghari si David sa Jerusalem sa loob ng 33 taon. At ito ang mga anak niyang lalaki na isinilang doon: si Shimea, Shobab, Natan at Solomon. Silang apat ang anak niya sa asawa niyang si Batsheba[f] na anak ni Amiel. May siyam pa siyang anak na sina Ibhar, Elishua[g] Elifelet, Noga, Nefeg, Jafia, Elishama, Eliada at Elifelet. Iyon ang lahat ng mga anak na lalaki ni David, bukod sa iba pa niyang mga anak na lalaki sa iba pa niyang mga asawa. May anak din si David na babae na si Tamar.

Ang mga Hari ng Juda

10 Ito ang angkan ni Solomon na naging hari: Rehoboam, Abijah, Asa, Jehoshafat, 11 Jehoram,[h] Ahazia, Joash, 12 Amazia, Azaria,[i] Jotam, 13 Ahaz, Hezekia, Manase, 14 Ammon at Josia.

15 Ito ang mga anak ni Josia: Ang panganay ay si Johanan, ang ikalawa ay si Jehoyakim, ang ikatlo ay si Zedekia, at ang ikaapat ay si Shalum. 16 Ang pumalit kay Jehoyakim bilang hari ay si Jehoyakin[j] na kanyang anak. At ang pumalit kay Jehoyakin ay si Zedekia na kanyang tiyuhin.[k]

Ang Angkan ni Jehoyakin

17 Ito ang angkan ni Jehoyakin, ang hari na binihag sa Babilonia: si Shealtiel, 18 Malkiram, Pedaya, Shenazar, Jekamia, Hoshama at si Nedabia. 19 Ang mga anak na lalaki ni Pedaya ay sina Zerubabel at Shimei. Ang mga anak na lalaki ni Zerubabel ay sina Meshulam at Hanania. Ang kapatid nilang babae ay si Shelomit. 20 May lima pang anak na lalaki si Zerubabel na sina Hashuba, Ohel, Berekia, Hasadia at Jushab Hesed. 21 Ang mga anak na lalaki ni Hanania ay sina Pelatia at Jeshaya. Si Jeshaya ang ama ni Refaya, si Refaya ang ama ni Arnan, si Arnan ang ama ni Obadias, at si Obadias ang ama ni Shecania. 22 Ang angkan ni Shecania ay si Shemaya. Anim lahat ang anak ni Shemaya: sina Hatush, Igal, Baria, Nearia at Shafat. 23 Tatlo lahat ang anak na lalaki ni Nearia: sina Elyoenai, Hizkia at Azrikam. 24 Pito lahat ang anak na lalaki ni Elyoenai: sina Hodavia, Eliashib, Pelaya, Akub, Johanan, Delaya at Anani.

Ang Ibang Lahi ni Juda

Ito ang iba pang lahi ni Juda: sina Perez, Hezron, Carmi, Hur at Shobal. Ang anak ni Shobal na si Reaya ay ama ni Jahat. Si Jahat ang ama nina Ahumai at Lahad. Sila ang pamilya ng mga Zoratita.

Ito ang mga anak[l] ni Etam: sina Jezreel, Ishma at Idbas. Si Hazelelponi ang kapatid nilang babae.

Si Penuel ang ama ni Gedor, at si Ezer ang ama ni Husha. Sila ang mga angkan ni Hur na panganay na anak ni Efrata. Si Hur ang ninuno ng mga taga-Betlehem.

Gawa 24

Umapela si Pablo kay Felix

24 Makalipas ang limang araw, pumunta sa Cesarea si Ananias na punong pari. Kasama niya ang ilang pinuno ng mga Judio at ang abogadong si Tertulus. Humarap sila kay Gobernador Felix at sinabi nila sa kanya ang kanilang akusasyon laban kay Pablo. Pagkatawag kay Pablo, inumpisahan ni Tertulus ang pag-aakusa sa kanya. Sinabi niya, “Kagalang-galang na Gobernador, dahil sa inyong magandang pamamalakad, naging mapayapa ang aming bansa. At maraming pagbabagong naganap na nakabuti sa aming bansa. Kaya lubos ang pasasalamat namin sa inyo at hindi namin ito makakalimutan. Ngayon, hindi namin gustong maabala kayo, kaya nakikiusap po ako na kung maaariʼy pakinggan ninyo ang maikli naming salaysay. Nakita namin na ang taong itoʼy nakakaperwisyo. Nagdadala siya ng kaguluhan sa mga Judio sa buong mundo, at namumuno siya sa sekta na tinatawag na Nazareno. Kahit ang templo namin ay tinangka niyang dungisan. Kaya hinuli namin siya. [Hahatulan na sana namin siya ayon sa aming Kautusan, pero dumating ang kumander na si Lysias at sapilitan niyang kinuha sa amin si Pablo. At sinabi niya na kung sino ang may akusasyon laban kay Pablo ay kinakailangang pumunta sa inyo.] Kung iimbestigahan nʼyo ang taong ito, malalaman nʼyo ang lahat ng inaakusa namin sa kanya.” At sinang-ayunan din ng mga Judio ang lahat ng sinabi ni Tertulus.

Sinagot ni Pablo ang mga Akusasyon sa Kanya

10 Sinenyasan ng gobernador si Pablo na siya naman ang magsalita. Kaya nagsalita si Pablo, “Alam kong matagal na po kayong naging hukom sa bansang ito. Kaya ikinagagalak kong ipagtanggol ang aking sarili sa inyong harapan. 11 Kung mag-iimbestiga kayo, malalaman ninyo na 12 araw pa lang ang nakalipas nang dumating ako sa Jerusalem para sumamba. 12 Ang mga Judiong itoʼy hindi kailanman nakakita sa akin na nakikipagdiskusyon kahit kanino o kayaʼy nanggulo sa templo o sa sambahan ng mga Judio, o kahit saan sa Jerusalem. 13 Hindi nga po nila mapapatunayan sa inyo na totoo ang kanilang akusasyon sa akin. 14 Pero inaamin kong sinasamba ko ang Dios ng aming mga ninuno sa pamamaraan na ayon sa mga taong ito ay maling sekta. Pero naniniwala rin ako sa lahat ng nasusulat sa Kautusan ni Moises at sa lahat ng isinulat ng mga propeta. 15 Ang pag-asa ko sa Dios ay katulad din ng pag-asa nila, na ang lahat ng tao, mabuti man o masama, ay muli niyang bubuhayin. 16 Kaya pinagsisikapan ko na laging maging malinis ang aking konsensya sa harap ng Dios at sa mga tao.

17 “Pagkalipas ng ilang taon na wala po ako sa Jerusalem, bumalik ako roon para magdala ng tulong para sa aking mahihirap na kababayan, at para maghandog sa templo. 18 At nadatnan nila ako roon sa templo na naghahandog matapos kong gawin ang seremonya ng paglilinis. Kakaunti lang ang mga tao sa templo nang oras na iyon, at walang kaguluhan. 19 Pero may mga Judio roon na galing sa lalawigan ng Asia. Sila sana ang dapat humarap sa inyo kung talagang may akusasyon sila laban sa akin. 20 At dahil wala sila rito, ang mga tao na lang na naririto ang magsalita kung anong kasalanan ang nakita nila sa akin nang imbestigahan ako sa kanilang Korte. 21 Sapagkat wala akong ibang sinabi sa harapan nila kundi ito: ‘Inaakusahan ninyo ako ngayon dahil naniniwala ako na muling bubuhayin ang mga patay.’ ”

22 Dahil sa marami nang nalalaman noon si Felix tungkol sa pamamaraan ni Jesus, pinatigil niya ang paglilitis. Sinabi niya, “Hahatulan ko lang ang kasong ito kung dumating na rito si kumander Lysias.” 23 Pagkatapos, inutusan niya ang kapitan na bantayan si Pablo pero huwag higpitan, at payagan ang kanyang mga kaibigan na tumulong sa mga pangangailangan niya.

Humarap si Pablo kina Felix at Drusila

24 Pagkaraan ng ilang araw, bumalik si Felix at dinala niya ang kanyang asawang si Drusila na isang Judio. Ipinatawag niya si Pablo at nakinig siya sa mga pahayag ni Pablo tungkol sa pananampalataya kay Cristo Jesus. 25 Pero nang magpaliwanag si Pablo tungkol sa matuwid na pamumuhay, sa pagpipigil sa sarili, at tungkol sa darating na Araw ng Paghuhukom, natakot si Felix at sinabi niya kay Pablo, “Tama na muna iyan! Ipapatawag na lang kitang muli kung sakaling may pagkakataon ako.” 26 Palagi niyang ipinapatawag si Pablo at nakikipag-usap dito, dahil hinihintay niyang suhulan siya ni Pablo. 27 Pagkalipas ng dalawang taon, pinalitan si Felix ni Porcius Festus bilang gobernador. At dahil sa nais ni Felix na magustuhan siya ng mga Judio, pinabayaan niya si Pablo sa bilangguan.

Salmo 4

Panalangin sa Gabi

O Dios na aking Tagapagtanggol, sagutin nʼyo po ako kapag akoʼy tumatawag sa inyo.
    Hindi ba noon tinulungan nʼyo ako nang akoʼy nasa kagipitan?
    Kaya ngayon, maawa kayo sa akin at pakinggan ang dalangin ko.

Kayong mga kumakalaban sa akin,
    kailan kayo titigil sa inyong paninirang puri sa akin?
    Hanggang kailan ninyo iibigin ang mga bagay na walang kabuluhan at magpapatuloy sa kasinungalingan?[a]
Dapat ninyong malaman na ibinukod ng Panginoon ang mga banal para sa kanyang sarili.
    Kaya kung tatawag ako sa Panginoon, pakikinggan niya ako.
Kapag kayoʼy nagagalit, huwag kayong magkakasala.
    Habang nakahiga kayo sa inyong higaan, tumahimik kayo at magbulay-bulay.
Magtiwala kayo sa Panginoon at mag-alay sa kanya ng tamang mga handog.

Marami ang nagsasabi,
    “Sino ang magpapala sa amin?”
    Panginoon, kaawaan nʼyo po kami!
Pinaliligaya nʼyo ako,
    higit pa kaysa sa mga taong sagana sa pagkain at inumin.
Kaya nakakatulog ako ng mapayapa,
    dahil binabantayan nʼyo ako, O Panginoon.

Kawikaan 18:16-18

16 Madaling makikipagkita sa iyo ang dakilang tao kapag may dala kang regalo para sa kanya.
17 Ang unang naglahad ng salaysay sa korte ay parang iyon na ang totoo, hanggang hindi pa nasusuri at natatanong ng kabilang panig.
18 Napapatigil ng palabunutan ang mga alitan, at pinagkakasundo ang mahigpit na magkalaban.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®