The Daily Audio Bible
Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.
Ang Lahi ni Isacar
7 May apat na anak na lalaki si Isacar: sina Tola, Pua, Jashub at Shimron. 2 Ang mga anak na lalaki ni Tola ay sina Uzi, Refaya, Jeriel, Jamai, Ibsam at Shemuel.[a] Sila ang mga pinuno ng kanilang mga pamilya. Nang si David ang hari, 22,600 ang bilang ng mga lalaking handa sa paglilingkod sa militar mula sa mga angkan ni Tola.
3 Ang anak na lalaki ni Uzi ay si Izrahia. Si Izrahia at ang kanyang apat na anak na sina Micael, Obadias, Joel at Ishia, ang mga pinuno ng kanilang mga pamilya. 4 Marami silang asawaʼt anak, kaya ayon sa talaan ng kanilang mga angkan, mayroon silang 36,000 lalaking handa sa paglilingkod sa militar. 5 Ang bilang ng mga lalaking handa sa paglilingkod sa militar mula sa lahat ng pamilya ni Isacar ay 87,000, ayon sa talaan ng kanilang lahi.
Ang Lahi ni Benjamin
6 May tatlong anak na lalaki si Benjamin: sina Bela, Beker at Jediael. 7 Si Bela ay may limang anak na lalaki na sina Ezbon, Uzi, Uziel, Jerimot at Iri. Sila ang mga pinuno ng kanilang mga pamilya. Ang bilang ng kalalakihan nilang handa sa paglilingkod sa militar ay 22,034, ayon sa talaan ng kanilang mga lahi. 8 Ang mga anak na lalaki ni Beker ay sina Zemira, Joash, Eliezer, Elyoenai, Omri, Jeremot, Abijah, Anatot at Alemet. Silang lahat ang anak ni Beker. 9 Ang bilang ng kalalakihan nilang handa sa paglilingkod sa militar ay 20,200. Ito ang mga pinuno ng mga pamilya nila na nakatala sa talaan ng kanilang mga lahi. 10 Ang anak na lalaki ni Jediael ay si Bilhan. Ang mga anak na lalaki ni Bilhan ay sina Jeush, Benjamin, Ehud, Kenaana, Zetan, Tarshish at Ahishahar. 11 Sila ang mga pinuno ng kanilang mga pamilya. May 17,200 silang kalalakihang handa sa paglilingkod sa militar. 12 Ang mga anak na lalaki ni Ir ay sina Shupim at si Hupim,[b] at ang anak ni Aher ay si Hushim.
Ang Lahi ni Naftali
13 Ang mga anak na lalaki ni Naftali kay Bilha ay sina Jahziel,[c] Guni, Jezer at Shilem.[d] 14 May dalawang anak si Manase sa asawa niyang Arameo. Sila ay sina Asriel at Makir. Si Makir ang ama ni Gilead, 15 at siya ang naghanap ng asawa para kina Hupim at Shupim.[e] May kapatid na babae si Makir na ang pangalan ay Maaca. Ang isa pang anak ni Makir ay si Zelofehad na ang mga anak ay puro babae. 16 May mga anak ding lalaki si Makir kay Maaca na ang mga pangalan ay Peresh at Sheresh. Ang mga anak na lalaki ni Peresh ay sina Ulam at Rakem. 17 Ang anak na lalaki ni Ulam ay si Bedan. Sila ang mga angkan ni Gilead na anak ni Makir, at apo ni Manase. 18 Ang kapatid na babae ni Gilead na si Hammoleket ay may mga anak na lalaki na sina Ishod, Abiezer at Mala.
19 Ang mga anak na lalaki ni Shemida ay sina Ahian, Shekem, Likhi at Aniam.
Ang Lahi ni Efraim
20 Ito ang lahi ni Efraim: si Shutela na ama ni Bered, si Bered na ama ni Tahat, si Tahat na ama ni Eleada, si Eleada na ama ni Tahat, 21 si Tahat na ama ni Zabad, si Zabad na ama ni Shutela. Ang mga anak ni Efraim na sina Ezer at Elead ay pinatay ng mga lalaking katutubo ng Gat nang nagnakaw sila ng mga hayop. 22 Matagal ang paghihinagpis ni Efraim sa kanilang pagkamatay, at pumunta ang kanyang mga kamag-anak para aliwin siya. 23 Nang bandang huli, sumiping si Efraim sa kanyang asawa; nabuntis ito at nanganak ng lalaki. Pinangalanan ni Efraim ang bata na Beria,[f] dahil sa kasawiang dumating sa kanilang pamilya. 24 May anak na babae si Efraim na si Sheera. Siya ang nagtatag ng itaas at ibabang bahagi ng Bet Horon at ng Uzen Sheera. 25 At ang anak na lalaki ni Efraim ay si Refa. Si Refa ay ama ni Reshef, si Reshef ay ama ni Tela, si Tela ay ama ni Tahan, 26 si Tahan ay ama ni Ladan, si Ladan ay ama ni Amihud, si Amihud ay ama ni Elishama, 27 si Elishama ay ama ni Nun, si Nun ay ama ni Josue.
28 Ang lupaing natanggap at tinirhan ng lahi ni Efraim ay ang Betel at ang mga baryo sa paligid nito, ang Naaran sa bandang silangan, ang Gezer sa kanluran at ang mga baryo sa paligid nito, ang Shekem at ang mga baryo sa paligid nito papunta sa Aya at sa mga baryo nito. 29 Ang lahi ni Manase ang nagmamay-ari sa mga lungsod ng Bet Shan, Taanac, Megido at Dor, pati sa mga baryo sa paligid nito. Sa mga bayang ito nakatira ang lahi ni Jose na anak ni Israel.[g]
Ang Lahi ni Asher
30 Ang mga anak na lalaki ni Asher ay sina Imna, Ishva, Ishvi at Beria. Ang kapatid nilang babae ay si Sera. 31 Ang mga anak na lalaki ni Beria ay sina Heber at Malkiel. Si Malkiel ang ama ni Birzait. 32 Si Heber ang ama nina Jaflet, Shomer, at Hotam. Ang kapatid nilang babae ay si Shua. 33 Ang mga anak na lalaki ni Jaflet ay sina Pasac, Bimhal at Asvat.
34 Ang mga anak na lalaki ni Shomer ay sina Ahi, Roga,[h] Hubba at Aram. 35 Ang mga anak na lalaki ng kapatid ni Shomer na si Helem[i] ay sina Zofa, Imna, Sheles at Amal. 36 Ang mga anak na lalaki ni Zofa ay sina Shua, Harnefer, Shual, Beri, Imra, 37 Bezer, Hod, Shama, Shilsha, Itran,[j] at Beera. 38 Ang mga anak na lalaki ni Jeter ay sina Jefune, Pispa at Ara. 39 Ang mga anak na lalaki ni Ula ay sina Ara, Haniel at Rizia. 40 Silang lahat ang lahi ni Asher na pinuno ng kanilang mga pamilya. Matatapang silang mandirigma at tanyag na mga pinuno. Ang bilang ng mga lalaki sa lahi ni Asher na handa sa paglilingkod sa militar ay 26,000 ayon sa talaan ng kanilang mga lahi.
Ang Lahi ni Benjamin
8 Ito ang mga anak na lalaki ni Benjamin mula sa panganay hanggang sa pinakabata: Bela, Ashbel, Ahara, 2 Noha at Rafa. 3 Ang mga anak na lalaki ni Bela ay sina Adar, Gera, Abihud,[k] 4 Abishua, Naaman, Ahoa, 5 Gera, Shefufan at Huram. 6 Ang mga angkan ni Ehud na pinuno ng kanilang mga pamilya ay pinaalis sa Geba at lumipat sa Manahat – 7 sila ay sina Naaman, Ahia, at Gera. Si Gera na ama nina Uza at Ahihud ang nanguna sa paglipat nila.
8 Hiniwalayan ni Shaharaim ang mga asawa niyang sina Hushim at Baara. Kinalaunan, tumira siya sa Moab, at nagkaanak siya 9 sa asawa niyang si Hodes. Ang mga anak nilang lalaki ay sina Jobab, Zibia, Mesha, Malcam, 10 Jeuz, Sakia at Mirma. Naging pinuno sila ng kanilang mga pamilya. 11 May anak ding lalaki si Shaharaim sa asawa niyang si Hushim. Silaʼy sina Abitub at Elpaal. 12 Ang mga anak na lalaki ni Elpaal ay sina Eber, Misam, Shemed (na nagtatag ng mga bayan ng Ono at Lod, at ng mga baryo sa paligid nito), 13 at sina Beria at Shema. Sila ang mga pinuno ng kanilang mga pamilya na nakatira sa Ayalon. Sila rin ang nagpaalis sa mga naninirahan sa Gat. 14-16 Ang mga anak na lalaki ni Beria ay sina Ahio, Shashak, Jeremot, Zebadia, Arad, Eder, Micael, Ishpa at Joha.
17-18 Ang mga anak na lalaki ni Elpaal ay sina Zebadia, Meshulam, Hizki, Heber, Ishmerai, Izlia at Jobab.
19-21 Ang mga anak na lalaki ni Shimei ay sina Jakim, Zicri, Zabdi, Elienai, Ziletai, Eliel, Adaya, Beraya at Shimrat.
22-25 Ang mga anak na lalaki ni Shashak ay sina Ispan, Eber, Eliel Abdon, Zicri, Hanan, Hanania, Elam, Antotia, Ifdeya at Penuel. 26-27 Ang mga anak na lalaki ni Jeroham ay sina Shamsherai, Sheharia, Atalia, Jaareshia, Elias at Zicri. 28 Sila ang mga pinuno ng mga pamilya nila ayon sa talaan ng kanilang mga lahi, at tumira sila sa Jerusalem.
29 Si Jeyel[l] na ama ni Gibeon ay tumira sa Gibeon. Ang pangalan ng asawa niya ay Maaca. 30 Ang mga anak niyang lalaki mula sa panganay hanggang sa pinakabata ay sina Abdon, Zur, Kish, Baal, Ner,[m] Nadab, 31 Gedor, Ahio, Zeker,[n] 32 at Miklot na ama ni Shimea.[o] Tumira sila malapit sa kanilang mga kamag-anak sa Jerusalem. 33 Si Ner ang ama ni Kish, si Kish ang ama ni Saul, at si Saul ang ama ni Jonatan, Malki Shua, Abinadab at Eshbaal.[p] 34 Ang anak ni Jonatan ay si Merib Baal[q] na ama ni Micas. 35 Ang mga anak na lalaki ni Micas ay sina Piton, Melec, Tarea at Ahaz. 36 Si Ahaz ang ama ni Jehoada,[r] at si Jehoada ang ama nina Alemet, Azmavet at Zimri. Si Zimri ang ama ni Moza, 37 at si Moza ang ama ni Binea. Ang anak ni Binea ay si Rafa,[s] na ama ni Eleasa, na ama ni Azel. 38 Si Azel ay may anim na anak na lalaki na sina Azrikam, Bokeru, Ishmael, Shearia, Obadias at Hanan. 39 Ang mga anak na lalaki ng kapatid ni Azel na si Eshek ay sina Ulam (ang panganay), Jeush (ang ikalawa), at Elifelet (ang ikatlo). 40 Matatapang ang anak ni Ulam at mahuhusay silang pumana. Marami silang anak at apo – 150 lahat.
Silang lahat ang lahi ni Benjamin.
Ang Biyahe ni Pablo Papuntang Roma
27 Nang mapagpasyahan nilang papuntahin kami sa Italia, ipinagkatiwala nila si Pablo at ang iba pang mga bilanggo kay Julius. Si Julius ay isang kapitan ng mga sundalong Romano na tinatawag na Batalyon ng Emperador. 2 Doon sa Cesarea ay may isang barkong galing sa Adramitium at papaalis na papunta sa mga daungan ng lalawigan ng Asia. Doon kami sumakay. Sumama sa amin si Aristarcus na taga-Tesalonica na sakop ng Macedonia. 3 Kinabukasan, dumaong kami sa Sidon. Mabait si Julius kay Pablo. Pinahintulutan niya si Pablo na dumalaw sa kanyang mga kaibigan doon para matulungan siya sa kanyang mga pangangailangan. 4 Mula sa Sidon, bumiyahe uli kami. At dahil salungat sa amin ang hangin, doon kami dumaan sa kabila ng isla ng Cyprus na kubli sa hangin. 5 Nilakbay namin ang karagatan ng Cilicia at Pamfilia, at dumaong kami sa Myra na sakop ng Lycia. 6 Nakakita roon si Kapitan Julius ng isang barko na galing sa Alexandria at papunta sa Italia, kaya pinalipat niya kami roon.
7 Mabagal ang biyahe namin. Tumagal ito ng maraming araw, at talagang nahirapan kami hanggang sa nakarating kami malapit sa Cnidus. At dahil salungat ang hangin, hindi kami makatuloy sa pupuntahan namin. Kaya bumiyahe kami sa kabila ng isla ng Crete na kubli sa hangin, at doon kami dumaan malapit sa Salmone. 8 Namaybay kami, pero talagang nahirapan kami bago makarating sa lugar na tinatawag na “Magagandang Daungan.” Malapit ito sa bayan ng Lasea.
9 Nagtagal kami roon hanggang inabot kami ng panahong mapanganib ang pagbibiyahe, dahil nakalipas na ang Araw ng Pag-aayuno.[a] Kaya sinabi ni Pablo sa aming mga kasama, 10 “Ang tantiya ko, mapanganib na kung tutuloy tayo, at hindi lang ang mga karga at ang barko ang mawawala baka pati na rin ang ating buhay.” 11 Pero mas naniwala ang kapitan ng mga sundalo sa sinabi ng kapitan ng barko at ng may-ari nito kaysa sa payo ni Pablo. 12 At dahil sa hindi ligtas sa malakas na hangin ang daungan doon, karamihan sa mga kasama namin ay sumang-ayon na magbiyahe. Nagbakasakali silang makakarating kami sa Fenix at doon magpapalipas ng tag-unos. Sapagkat ang Fenix ay isang daungan sa Crete na may magandang kublihan kung tag-unos.
Ang Malakas na Hangin at Alon sa Dagat
13 Nang umihip ang mahinang hangin galing sa timog, ang akala ng mga kasamahan namin ay pwede na kaming bumiyahe. Kaya itinaas nila ang angkla at nagbiyahe kaming namamaybay sa isla ng Crete. 14 Hindi nagtagal, bumugso ang malakas na hilagang-silangang hangin mula sa isla ng Crete. 15 Pagtama ng malakas na hangin sa amin, hindi na kami makaabante,[b] kaya nagpatangay na lang kami kung saan kami dalhin ng hangin. 16 Nang nasa bandang timog na kami ng maliit na isla ng Cauda, nakapagkubli kami nang kaunti. Kahit nahirapan kami, naisampa pa namin ang maliit na bangka na dala ng barko para hindi ito mawasak. 17 Nang mahatak na ang bangka, itinali ito nang mahigpit sa barko. Sapagkat natatakot sila na baka sumayad ang barko malapit sa Libya,[c] ibinaba nila ang layag at nagpatangay sa hangin. 18 Tuloy-tuloy pa rin ang malakas na bagyo, kaya kinabukasan, nagsimula silang magtapon ng mga kargamento sa dagat. 19 Nang sumunod pang araw, ang mga kagamitan na mismo ng barko ang kanilang itinapon. 20 Sa loob ng ilang araw, hindi na namin nakita ang araw at mga bituin, at tuloy-tuloy pa rin ang bagyo, hanggang sa nawalan na kami ng pag-asang makakaligtas pa.
Palaging Tama ang Ginagawa ng Dios
7 Panginoon kong Dios, nanganganlong ako sa inyo.
Iligtas nʼyo ako sa mga umuusig sa akin.
2 Baka patayin nila ako,
katulad ng pagluray ng leon sa kanyang mga biktima,
kung walang magliligtas sa akin.
3 Panginoon kong Dios, kung talagang ginawa ko ang mga kasalanang ito –
4 kung ginantihan ko nga ng masama ang ginawang mabuti ng aking kaibigan,
o kung sinamsam ko ang mga ari-arian ng aking mga kaaway nang walang dahilan,
5 hayaan nʼyong usigin ako ng aking mga kaaway at talunin.
Hayaan nʼyong tapakan nila ako hanggang sa mamatay, at pabayaan sa lupa ang aking bangkay.
6 Sige na po, O Panginoon kong Dios,
ipakita nʼyo ang inyong galit sa aking mga kaaway,
dahil nais nʼyo rin ang katarungan.
7 Tipunin nʼyo ang lahat ng bansa sa palibot nʼyo,
at pamahalaan nʼyo sila mula sa langit.
8 Kayo Panginoon ang humahatol sa lahat ng tao.
Patunayan nʼyo sa kanila na mali ang kanilang mga paratang laban sa akin,
dahil alam nʼyo na akoʼy matuwid,
at namumuhay nang wasto.
9 Pigilan nʼyo ang kasamaang ginagawa ng mga tao,
at pagpalain nʼyo ang mga matuwid,
dahil kayo ay Dios na matuwid,
at sinisiyasat nʼyo ang aming mga pusoʼt isipan.
10 Kayo, O Dios, ang nag-iingat sa akin.
Inililigtas nʼyo ang mga namumuhay nang matuwid.
11 Kayo ang matuwid na hukom, at sa araw-araw ay ipinapakita nʼyo ang inyong galit sa masasama.
12-13 Kung ayaw nilang magsisi sa kanilang mga kasalanan,
ikaw namaʼy nakahandang silaʼy parusahan.
Katulad nʼyo ay isang sundalong nakahanda na ang mga nakamamatay na sandata.
Nahasa na niya ang kanyang espada,
at nakaumang na ang palasong nagbabaga.
14 Mapag-isip sila ng gulo at kasamaan,
kaya nakakapanloko sila ng kapwa.
15-16 Pero sila mismo ang mapapahamak sa kanilang binabalak na panggugulo at karahasan.
Ang katulad nila ay humuhukay ng bitag para mahulog ang iba,
pero sila rin ang mahuhulog sa hinukay nila.
17 Pinasasalamatan ko kayo Panginoon, dahil matuwid kayo.
Aawitan ko kayo ng mga papuri, Kataas-taasang Dios.
22 Kung nakapag-asawa ka, nakatanggap ka ng kabutihan, at ito ang nagpapakita na mabuti ang Panginoon sa iyo.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®