Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NRSVUE. Switch to the NRSVUE to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
1 Cronica 16:37-18:17

37 Ipinagkatiwala ni David kay Asaf at sa kapwa nito Levita ang palaging paglilingkod sa harap ng Kahon ng Kasunduan ng Panginoon, ayon sa kailangang gawin sa bawat araw. 38 Kabilang sa grupong ito ay si Obed Edom na anak ni Jedutun, si Hosa, at ang 68 pang Levita, na mga guwardya ng Tolda.

39 Ipinagkatiwala ni David sa pari na si Zadok at sa kanyang mga kapwa pari ang Tolda ng Panginoon doon sa mataas na lugar sa Gibeon. 40 Sila ang palaging nag-aalay ng mga handog na sinusunog sa altar, araw at gabi, ayon sa lahat ng nakasulat sa Kautusan ng Panginoon na ibinigay niya sa Israel. 41 Kasama rin nila sina Heman, Jedutun, at ang iba pang mga pinili sa pag-awit ng pagpapasalamat sa Panginoon dahil sa pag-ibig niyang walang hanggan. 42 Tungkulin nina Heman at Jedutun ang pagpapatunog ng mga trumpeta, pompyang at ng iba pang mga instrumento na ginagamit sa pag-awit ng mga awitin para sa Panginoon. Ang mga anak ni Jedutun ang pinagkatiwalaan na magbantay sa pintuan.

43 Pagkatapos, umuwi ang lahat sa mga bahay nila, at si David ay umuwi rin para basbasan ang kanyang pamilya.

Ang Pangako ng Dios kay David(A)

17 Nang nakatira na si David sa kanyang palasyo, sinabi niya kay Natan na propeta. “Narito ako, nakatira sa magandang palasyo na gawa sa kahoy na sedro, pero ang Kahon ng Panginoon ay nasa tolda lang.” Sumagot si Natan kay David, “Gawin mo ang gusto mong gawin dahil ang Panginoon ay sumasaiyo.”

Pero nang gabing iyon sinabi ng Dios kay Natan, “Lumakad ka, at sabihin mo sa lingkod kong si David na ito ang sinabi ko: ‘Hindi ikaw ang magpapatayo ng templo na aking titirhan. Hindi pa ako nakakatira sa templo mula noong inilabas ko ang mga Israelita sa Egipto hanggang ngayon. Palipat-lipat ang tinitirhan kong tolda. Sa aking paglipat-lipat kasama ng mga mamamayan kong Israelita, hindi ako nagreklamo sa mga pinunong inutusan kong mag-alaga sa kanila, kung bakit hindi nila ako ipinagpapatayo ng templong gawa sa kahoy na sedro.’

“Sabihin mo pa kay David na ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ay nagsasabi, ‘Tagapagbantay ka noon ng mga tupa, pero pinili kita para mamuno sa mga mamamayan kong Israelita. Sinasamahan kita kahit saan ka magpunta, at nilipol ko ang lahat ng mga kalaban mo. Ngayon, gagawin kitang tanyag katulad ng ibang mga tanyag na tao sa mundo. Binigyan ko ng sariling lupain ang mga mamamayan kong Israelita, para may sarili silang tirahan at wala nang gagambala sa kanila. Hindi na sila aapihin ng masasamang tao gaya nang dati, 10 mula nang maglagay ako ng mga pinuno sa mga mamamayan kong Israelita. Tatalunin ko rin ang lahat ng kalaban mo. Ako, ang Panginoon, ay nagsasabi sa iyo na patuloy na manggagaling sa iyong angkan ang magiging hari ng Israel. 11 Kapag namatay ka na at ilibing kasama ng mga ninuno mo, ipapalit ko sa iyo ang isa sa mga anak mo, at patatagin ko ang kaharian niya. 12 Siya ang magpapatayo ng templo para sa akin, at titiyakin ko na ang kanyang angkan ang maghahari magpakailanman. 13 Kikilalanin niya akong ama at kikilalanin ko siyang anak. Mananatili ang pag-ibig ko sa kanya hindi gaya ng ginawa ko kay Saul na pinalitan mong hari. 14 Pamamahalain ko siya sa aking mga mamamayan at kaharian, at ang kanyang angkan ang maghahari magpakailanman.’ ”

15 Isinalaysay ni Natan kay David ang lahat ng ipinahayag ng Dios sa kanya.

Ang Panalangin ni David(B)

16 Pagkatapos, pumasok si Haring David sa tolda kung saan naroon ang Kahon ng Kasunduan. Umupo siya roon sa presensya ng Panginoon at nanalangin, “Panginoong Dios, sino po ba ako at ang sambahayan ko para pagpalain nʼyo nang ganito? 17 Ngayon, O Dios, may pangako pa kayo tungkol sa kinabukasan ng sambahayan ko. Itinuring nʼyo ako na parang pinakadakilang tao. O Panginoong Dios, 18 ano pa po ba ang masasabi ko sa pagpaparangal ninyo sa akin? Sapagkat nakikilala nʼyo kung sino talaga ako na inyong lingkod. 19 O Panginoon, dahil po sa akin na inyong lingkod at ayon na rin sa inyong kalooban, ginawa nʼyo ang mga dakilang bagay na ito at inihayag ito sa akin. 20 Panginoon, wala po kayong katulad. Walang ibang Dios maliban sa inyo at wala rin kaming ibang alam na dios na gaya ninyo. 21 At wala ring ibang tao na tulad ng inyong mga mamamayang Israelita. Ang bansang ito lamang sa mundo ang inyong pinalaya mula sa pagkaalipin para maging mamamayan ninyo. Naging tanyag ang pangalan nʼyo dahil sa kadakilaan at kamangha-manghang ginawa nʼyo nang itinaboy nʼyo ang mga bansa sa pamamagitan ng inyong mga mamamayan na inilabas nʼyo sa Egipto. 22 Ginawa nʼyong sariling mamamayan ang mga Israelita magpakailanman, at kayo, Panginoon, ang kanilang naging Dios.

23-24 “At ngayon, Panginoon, tuparin po ninyo ang ipinangako nʼyo sa akin na inyong lingkod at sa aking pamilya, para maging tanyag kayo magpakailanman. At sasabihin ng mga tao, ‘Ang Panginoong Makapangyarihan ang Dios ng Israel!’ At ang pamilya koʼy magpapatuloy sa paglilingkod sa inyong presensya magpakailanman. 25 Malakas po ang loob ko na manalangin sa inyo nang ganito aking Dios, dahil ipinahayag ninyo sa akin na inyong lingkod na magpapatuloy ang aking paghahari sa pamamagitan ng aking angkan.

26 Panginoon, tunay ngang kayo ang Dios! Ipinangako nʼyo po sa inyong lingkod ang mga magagandang bagay na ito. 27 At ngayon, nalulugod po kayong pagpalain ang sambahayan ko para magpatuloy ito sa presensya nʼyo magpakailanman. Sapagkat kapag nagpapala kayo Panginoon, ang pagpapala ninyoʼy magpakailanman.”

Ang Mga Pagtatagumpay ni David(C)

18 Kinalaunan, natalo at sinakop ni David ang mga Filisteo. Inagaw niya sa kanila ang Gat at ang mga baryo sa paligid nito. Natalo rin ni David ang mga Moabita, at sinakop niya sila at nagbayad sila ng buwis sa kanya. Nakipaglaban din si David kay Haring Hadadezer ng Zoba, hanggang doon sa Hamat, noong naglakbay si Hadadezer sa pagsakop sa mga lupaing malapit sa Ilog ng Eufrates. Naagaw nina David ang 1,000 niyang karwahe, 7,000 mangangarwahe, at 20,000 sundalo. Pinilayan nina David ang mga kabayo na humihila ng mga karwahe maliban lang sa 100 na itinira nila para gamitin. Nang dumating ang mga Arameo[a] mula sa Damascus para tulungan si Hadadezer, pinatay nila David ang 22,000 sa mga ito. Nagpatayo agad si David ng mga kampo sa Damascus, ang lugar ng mga Arameo. At naging sakop niya ang mga ito, at nagbayad sila ng buwis sa kanya. Pinagtagumpay ng Panginoon si David kahit saang labanan siya magpunta. Kinuha ni David ang mga gintong kalasag ng mga opisyal ni Hadadezer, at dinala ang mga ito sa Jerusalem. Kinuha rin niya ang maraming tanso sa Teba[b] at Cun, mga bayang sakop ni Hadadezer. Kinalaunan, ang mga tansong ito ang ginamit ni Solomon sa pagpapagawa ng malaking sisidlan ng tubig na parang kawa na tinatawag na Dagat, mga haligi, at ng mga kagamitang tanso para gamitin sa templo.

Nang mabalitaan ni Haring Tou,[c] ng Hamat na tinalo ni David ang buong sundalo ni Haring Hadadezer ng Zoba, 10 pinapunta niya ang anak niyang si Hadoram[d] kay Haring David para kamustahin at batiin sa pagkakapanalo niya kay Hadadezer. (Noon pa man ay magkalaban na sina Tou at Hadadezer.) Nagdala si Hadoram ng mga regalong gawa sa ginto, pilak, at tanso. 11 Inihandog ito ni Haring David sa Panginoon, gaya ng ginawa niya sa mga pilak at ginto na naagaw niya mula sa mga sumusunod na bansa – ang Edom, Moab, Ammon, Filistia at Amalek.

12 Si Abishai na anak ni Zeruya ay nakapatay ng 18,000 Edomita sa Lambak ng Asin. 13 Naglagay si David ng mga kampo sa Edom at naging sakop niya ang lahat ng Edomita. Pinagtagumpay ng Panginoon si David saan man siya pumunta para makipaglaban.

Ang mga Opisyal ni David

14 Naghari si David sa buong Israel, na gumagawa ng matuwid at tama para sa lahat ng mamamayan niya. 15 Si Joab na anak ni Zeruya ang namumuno sa mga sundalo niya. Si Jehoshafat na anak ni Ahilud ang namamahala ng mga kasulatan ng kaharian. 16 Sina Zadok na anak ni Ahitub at si Ahimelec[e] na anak ni Abiatar ang mga pari. Ang kalihim ay si Shavsa.[f] 17 Si Benaya na anak ni Jehoyada ang pinuno ng mga Kereteo at Peleteo. At ang mga punong opisyal ni David ay ang kanyang mga anak na lalaki.

Roma 2:1-24

Ang Hatol ng Dios

Ngayon, masasabi mong dapat lang hatulan ang mga taong ito dahil sa kanilang kasamaan. Pero maging ikaw na humahatol ay walang maidadahilan. Sapagkat sa iyong paghatol sa iba ay hinahatulan mo rin ang iyong sarili, dahil ginagawa mo rin ang mga bagay na iyon. Alam nating makatarungan ang hatol ng Dios sa mga taong gumagawa ng kasamaan. 3-4 Pero sino ka para humatol sa iba kung ikaw mismo ay gumagawa rin ng mga iyon? Ang akala mo baʼy makakaligtas ka sa hatol ng Dios dahil alam mong siyaʼy mabuti, matiyaga at mapagtimpi? Dapat mong malaman na ang Dios ay mabuti sa iyo dahil binibigyan ka niya ng pagkakataong magsisi sa mga kasalanan mo. Pero dahil sa matigas ang ulo mo at ayaw mong magsisi, pinabibigat mo ang parusa ng Dios sa iyo sa araw na ihahayag niya ang kanyang poot at makatarungang paghatol. Sapagkat ibibigay ng Dios sa bawat isa ang nararapat ayon sa kanyang mga gawa.[a] Bibigyan niya ng buhay na walang hanggan ang mga taong nagpapatuloy sa paggawa ng mabuti, na ang hangad ay makamtan ang karangalan, papuri mula sa Dios, at buhay na walang kamatayan. Sa iba naman na walang iniisip kundi ang sarili at ayaw sumunod sa katotohanan kundi sa kasamaan, ibubuhos sa kanila ng Dios ang kanyang matinding galit. Lahat ng taong gumagawa ng masama ay parurusahan ng Dios, ang mga Judio muna bago ang mga hindi Judio. 10 Ngunit bibigyan ng Dios ng papuri, karangalan at kapayapaan ang lahat ng gumagawa ng kabutihan, una ang mga Judio bago ang mga hindi Judio. 11 Sapagkat pantay-pantay ang pagtingin ng Dios sa lahat ng tao.

12 Ang mga taong nagkakasala na walang alam sa Kautusan ni Moises ay mapapahamak,[b] at ang kaparusahan nila ay hindi ibabatay sa Kautusan. Ang mga nakakaalam naman ng Kautusan ni Moises, pero patuloy na gumagawa ng kasamaan ay parurusahan na batay sa Kautusan. 13 Sapagkat hindi ang nakikinig sa Kautusan ang itinuturing ng Dios na matuwid kundi ang tumutupad nito. 14 Ang mga hindi Judio ay walang kaalaman tungkol sa Kautusan ni Moises. Pero kung gumagawa sila nang naaayon sa sinasabi ng Kautusan, ipinapakita nila na kahit wala silang alam tungkol dito ay alam nila ang nararapat gawin. 15 Ang mabubuting gawa nila ay nagpapakita na ang iniuutos ng Kautusan ay nakaukit sa kanilang puso. Pinatutunayan ito ng kanilang konsensya, dahil kung minsaʼy inuusig sila nito at kung minsan namaʼy ipinagtatanggol. 16 At ayon sa Magandang Balita na itinuturo ko, ang konsensya ay pagbabatayan din sa araw na hahatulan ng Dios, sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, ang lahat ng lihim ng mga tao.

Ang mga Judio at ang Kautusan

17 Sinasabi ninyo na mga Judio kayo, nagtitiwala kayo sa Kautusan at ipinagmamalaki ang inyong kaugnayan sa Dios. 18 Alam ninyo kung ano ang kalooban ng Dios at alam din ninyo kung ano ang dapat gawin, dahil itinuro ito sa inyo sa Kautusan. 19 Ipinapalagay ninyong tagaakay kayo ng mga bulag sa katotohanan, ilaw sa mga taong nasa kadiliman, 20 at tagapagturo sa mga kulang ng pang-unawa at mga bata pa sa mga bagay tungkol sa Dios. Ganito nga ang palagay ninyo sa inyong sarili, dahil naniniwala kayo na sa pamamagitan ng Kautusan ay nakamit na ninyo ang lahat ng kaalaman at katotohanan. 21 Tinuturuan ninyo ang iba, pero bakit hindi ninyo maturuan ang inyong sarili? Nangangaral kayong huwag magnakaw, pero kayo mismoʼy nagnanakaw. 22 Sinasabi ninyong huwag mangalunya, pero kayo mismo ay nangangalunya. Kinasusuklaman ninyo ang mga dios-diosang sinasamba ng mga hindi Judio, pero ninanakawan naman ninyo ang kanilang mga templo. 23 Nagmamalaki kayo na nasa inyo ang Kautusan ng Dios, pero ginagawa ninyong kahiya-hiya ang Dios dahil sa paglabag ninyo sa Kautusan. 24 Sinasabi sa Kasulatan, “Dahil sa inyo, nilalapastangan ng mga hindi Judio ang pangalan ng Dios.”[c]

Salmo 10:16-18

16 Panginoon, kayo ay Hari magpakailanman!
    At ang masasamang tao ay maglalaho sa mundo.
17 Panginoon, narinig nʼyo ang dalangin ng mga mahihirap.
    Pakinggan nʼyo po sila at palakasin.
18 Bigyan nʼyo ng katarungan ang mga ulila at mga api,
    upang wala ng mga taong mananakot ng kapwa, dahil silaʼy tao rin lang.

Kawikaan 19:8-9

Ang taong nagsisikap na magkaroon ng karunungan ay nagmamahal sa sarili, at ang nagpapahalaga sa pang-unawa ay uunlad.
Ang hindi tapat na saksi ay parurusahan, at ang sinumang nagsisinungaling ay mapapahamak.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®