Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the GNT. Switch to the GNT to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
2 Cronica 6:12-8:10

Ang Panalangin ni Solomon para sa Mamamayang Israel(A)

12 Sa harap ng buong kapulungan ng Israel, lumapit si Solomon sa altar ng Panginoon at itinaas niya ang kanyang mga kamay. 13 Pagkatapos, tumayo siya sa tansong entablado na kanyang ipinagawa. Itoʼy may haba at luwang na pitoʼt kalahating talampakan, at may taas na apat at kalahating talampakan. At lumuhod si Solomon sa harap ng mga mamamayan ng Israel na nakataas ang kanyang mga kamay. 14 Nanalangin siya,

“O Panginoon, Dios ng Israel, wala pong Dios na katulad nʼyo sa langit o sa lupa. Tinutupad nʼyo ang inyong kasunduan, at ipinapakita ang inyong pag-ibig sa inyong mga lingkod na sumusunod sa inyo ng buong puso. 15 Tinupad nʼyo ang inyong ipinangako sa aking amang si David na inyong lingkod. Kayo po ang nangako at kayo rin ang tumupad sa araw na ito. 16 At ngayon, Panginoon, Dios ng Israel, tuparin nʼyo po ang inyong ipinangako sa inyong lingkod na si David na aking ama nang sinabi nʼyo po sa kanya, ‘Laging sa angkan mo magmumula ang maghahari sa Israel kung matapat na susunod sa akin ang mga angkan mo, tulad ng iyong ginawa.’ 17 Kaya ngayon, O Dios ng Israel, tuparin nʼyo po ang ipinangako ninyo sa lingkod ninyong si David na aking ama.

18 “Ngunit makakatira nga po ba kayo, O Dios, sa mundo kasama ng mga tao? Hindi nga kayo magkakasya kahit sa pinakamataas na langit, ano pa kaya kung sa templo na ipinatayo ko? 19 Ngunit pakinggan ninyo ako na inyong lingkod sa aking pananalangin at pagsusumamo, O Panginoon na aking Dios. Pakinggan nʼyo ang panawagan at pananalangin ko sa inyong presensya. 20 Ingatan nʼyo po sana ang templong ito araw at gabi, ang lugar na sinabi nʼyong kayoʼy pararangalan. Pakinggan nʼyo po sana ako na inyong lingkod sa aking pananalangin sa harap ng altar na ito. 21 Pakinggan nʼyo po ang mga kahilingan ko at ng mga mamamayan nʼyo kapag silaʼy nanalangin na nakaharap sa lugar na ito. Pakinggan nʼyo kami riyan sa inyong luklukan sa langit. At kung marinig nʼyo kami, patawarin nʼyo po kami.

22 “Kung ang isang tao ay pinagbintangang nagkasala sa kanyang kapwa, at pinapunta siya sa inyong altar sa templo na ito para sumumpa na inosente siya, 23 dinggin nʼyo po ito riyan sa langit at hatulan ang inyong mga lingkod – ang nagbintang at ang pinagbintangan. Parusahan nʼyo po ang nagkasala ayon sa kanyang ginawa at palayain ang walang sala para mahayag na inosente siya.

24 “Kung ang mga mamamayan nʼyong Israelita ay matalo ng mga kalaban nila dahil nagkasala sila sa inyo at kung manumbalik sila at magpuri sa inyo at manalangin sa templong ito, 25 dinggin nʼyo po sila riyan sa langit. Patawarin nʼyo sila sa kanilang kasalanan at dalhin ninyo sila pabalik sa lupaing ibinigay ninyo sa kanila at sa mga ninuno nila.

26 “Kung hindi nʼyo pauulanin, dahil nagkasala ang inyong mga mamamayan sa inyo, at kung manalangin po silang nakaharap sa templong ito at magpuri sa inyo, at magsisi sa kanilang mga kasalanan dahil pinarusahan nʼyo sila, 27 dinggin nʼyo po sila riyan sa langit. Patawarin nʼyo po sila na inyong mga lingkod, ang inyong mga mamamayang Israelita. Turuan nʼyo po sila ng matuwid na pamumuhay, at padalhan ng ulan ang lupain na inyong ibinigay sa kanila bilang pag-aari.

28 “Kung may dumating pong taggutom sa lupain ng inyong mga mamamayan, o salot, o malanta ang mga tanim, o peste sa mga tanim gaya ng mga balang at mga uod, o palibutan ng mga kalaban ang alinman sa kanilang mga lungsod, o sumapit man sa kanila ang kahit anong karamdaman, 29 at kung mayroon po sa kanila na mananalangin o hihiling sa inyo, dinggin nʼyo po sila. Kung kinikilala po nilang dahil sa kanilang mga kasalanan dumating ang mga pagtitiis at sakuna sa kanila, at manalangin po sila ng nakataas ang kanilang mga kamay, na nakaharap sa templong ito, 30 dinggin nʼyo po sila riyan sa inyong luklukan sa langit. Patawarin nʼyo po sila at gawin sa bawat isa ang nararapat sa kanilang mga ginawa, dahil alam nʼyo po ang bawat puso nila. Tunay na tanging kayo lamang po ang nakakaalam ng puso ng lahat ng tao. 31 Gawin nʼyo po ito para gumalang sila sa inyo at sumunod sa inyong pamamaraan habang nakatira sila sa lupaing ibinigay nʼyo sa aming mga ninuno.

32 “Kung ang mga dayuhan na nakatira sa malayong lugar ay makarinig ng inyong kadakilaan at kapangyarihan, at pumunta sila rito para sumamba sa inyo at manalangin na nakaharap sa templong ito, 33 dinggin nʼyo po sila riyan sa inyong luklukan sa langit. At gawin ang kahit anong hinihiling nila, para ang lahat po ng tao sa mundo ay makakilala sa inyo at gumalang po sa inyo gaya ng inyong mga mamamayang Israelita. At para malaman po nilang pinaparangalan kayo sa templo na aking ipinatayo.

34 “Kung ang inyo pong mamamayan ay makikipaglaban ayon sa inyong utos, at kung mananalangin po sila sa inyo na nakaharap sa lungsod na ito na pinili nʼyo at sa templo na aking ipinatayo para sa karangalan ng inyong pangalan, 35 dinggin nʼyo po ang kanilang mga dalangin at mga kahilingan diyan sa langit, at bigyan sila ng tagumpay.

36 “Kung magkasala sila sa inyo – dahil wala kahit isa man na hindi nagkakasala – at sa inyong galit ay ipinatalo nʼyo sila sa kanilang mga kalaban at binihag at dinala sila sa malayo o sa malapit na lugar, 37 at kung sa huliʼy magbago ang kanilang mga puso roon, at magsisi at magmakaawa po sa inyo na nagsasabi, ‘Nagkasala kami, at napakasama ng aming mga ginawa,’ 38 dinggin nʼyo po ang kanilang dalangin. Kung babalik po sila sa inyo ng buong pusoʼt isipan, doon sa lugar na pinagbihagan sa kanila, at manalangin po sila na nakaharap sa lupaing ito na ibinigay nʼyo sa kanilang mga ninuno, sa lungsod na ito na pinili po ninyo, at sa templong aking ipinatayo para sa karangalan ng inyong pangalan, 39 dinggin nʼyo po ang kanilang mga dalangin at mga kahilingan diyan sa inyong luklukan sa langit, at bigyan sila ng tagumpay. Patawarin nʼyo po sila sa kanilang mga kasalanan laban sa inyo.

40 “O aking Dios, sagutin nʼyo po sana ang mga dalangin na ginawa sa lugar na ito.

41 “Ngayon, Panginoong Dios, pumunta na po kayo sa templo nʼyo kasama ng Kahon ng Kasunduan na simbolo ng inyong kapangyarihan. Sanaʼy lagi pong magtagumpay ang inyong mga pari at magsaya ang mga mamamayan ninyo sa inyong kabutihan. 42 O Panginoong Dios, huwag nʼyo pong itakwil ang pinili nʼyong hari. Alalahanin nʼyo po ang inyong ipinangako kay David na inyong lingkod na iibigin siyang lubos.”

Ang Pagtatalaga ng Templo(B)

Nang matapos ni Solomon ang kanyang panalangin, may apoy na bumaba mula sa langit at tinupok ang handog na sinusunog at ang iba pang mga handog, at nabalot ng makapangyarihang presensya ng Panginoon ang templo. Hindi makapasok ang mga pari sa templo ng Panginoon dahil ang makapangyarihang presensya ng Panginoon ay bumalot sa templo. Nang makita ng lahat ng mga Israelita ang apoy na bumaba at ang makapangyarihang presensya ng Panginoon sa ibabaw ng templo, lumuhod sila at sumamba sa Panginoon na may pasasalamat. Sinabi nila, “Ang Panginoon ay mabuti; ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.”

Pagkatapos, naghandog sa Panginoon si Haring Solomon at ang lahat ng mamamayan. Naghandog sila ng 22,000 baka at 120,000 tupaʼt kambing. Sa ganitong paraan itinalaga ng hari at ng mga mamamayan ang templo ng Panginoon. Pumwesto ang mga pari sa templo, at ganoon din ang mga Levita na umaawit, “Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.” Tinutugtog nila ang awit gamit ang mga instrumento na ipinagawa ni Haring David sa pagpupuri sa Dios. Sa harap ng mga Levita, ang mga pari ay nagpapatunog din ng mga trumpeta nila habang nakatayo ang lahat ng mga Israelita.

Itinalaga ni Solomon ang bakuran sa harap ng templo ng Panginoon para roon mag-alay ng mga handog na sinusunog, mga handog bilang pagpaparangal sa Panginoon, at mga taba bilang handog para sa mabuting relasyon. Dahil ang tansong altar na ipinagawa niya ay hindi kakasya para sa mga handog na ito.

Nagdiwang pa si Solomon at ang lahat ng mga Israelita ng Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol ng pitong araw. Napakarami ng mga mamamayan na nagtipon mula sa Lebo Hamat sa gawing hilaga hanggang sa Lambak ng Egipto sa gawing timog. Nang ikawalong araw, ginanap nila ang huling pagtitipon, dahil ipinagdiwang nila ang pagtatalaga ng altar at ng buong templo nang ikapitong araw at ng Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol nang ikapito ring araw. 10 Kinabukasan, na siyang ika-23 araw ng ikapitong buwan, pinauwi ni Solomon ang mga tao. Umuwi sila na masaya dahil sa lahat ng kabutihang ginawa ng Panginoon kay David at kay Solomon, at sa mga mamamayan niyang Israelita.

Nagpakita ang Dios kay Solomon(C)

11 Nang matapos ni Solomon ang pagpapatayo ng templo ng Panginoon at ng kanyang palasyo. Natapos niya ang lahat ng binalak niya para rito. 12 At isang gabi, nagpakita sa kanya ang Panginoon at sinabi, “Narinig ko ang panalangin mo at pinili ko ang templong ito na lugar para pag-aalayan ng mga handog.

13 “Halimbawang hindi ko paulanin, o kaya namaʼy magpadala ako ng mga balang sa lupa na kakain ng mga tanim, o magpadala ako ng salot sa aking mga mamamayan; 14 at kung ang mga mamamayan ko na aking tinawag ay magpakumbaba, manalangin, dumulog sa akin, at tumalikod sa ginagawa nilang kasamaan, diringgin ko sila mula sa langit at patatawarin ang kanilang kasalanan, at pagpapalain ko ulit pagpapalain ang kanilang lupain. 15 Papansinin ko sila at pakikinggan ang kanilang mga panalangin sa lugar na ito, 16 dahil ang templong ito ay pinili kong isang lugar kung saan pararangalan ako magpakailanman. Iingatan ko ito at laging aalagaan.

17 “At ikaw, kung mamumuhay ka sa aking harapan gaya ng iyong amang si David, at kung gagawin mo ang lahat ng ipinapagawa ko sa iyo at tutuparin ang aking mga tuntunin at mga utos, 18 paghahariin ko ang iyong mga angkan magpakailanman. Ipinangako ko ito sa iyong amang si David nang sabihin ko sa kanya, ‘Hindi ka mawawalan ng angkan na maghahari sa Israel.’ 19 Pero kung tatalikod kayo at hindi tutuparin ang aking mga utos at mga tuntunin na ibinigay ko sa inyo, at kung maglilingkod at sasamba kayo sa ibang mga dios, 20 palalayasin ko kayo sa lupain na ibinigay ko sa inyo, at itatakwil ko ang templong ito na pinili kong lugar para sa karangalan ng aking pangalan. At itoʼy kukutyain at pagtatawanan ng lahat ng tao. 21 At kahit maganda at tanyag ang templong ito, gigibain ko ito. Magugulat at magtataka ang lahat ng daraan dito at magsasabi, ‘Bakit ginawa ito ng Panginoon sa lupain at sa templong ito?’ 22 Sasagot ang iba, ‘Dahil itinakwil nila ang Panginoon, ang Dios ng kanilang mga ninuno, na naglabas sa kanila sa Egipto, at naglingkod sila at sumamba sa ibang mga dios. Iyan ang dahilan kung bakit pinadalhan sila ng Panginoon ng mga kasamaang ito.’ ”

Ang Iba Pang Naipatayo ni Solomon(D)

Pagkatapos ng 20 taong pagpapatayo ni Solomon ng templo ng Panginoon at ng kanyang palasyo, muli niyang ipinatayo ang mga bayan na ibinigay sa kanya ni Hiram[a] at pinatirhan sa mga Israelita. Ito rin ang panahong nilusob ni Solomon at inagaw ang Hamat Zoba. Ipinatayo rin niyang muli ang Tadmor na nasa disyerto at ang mga lungsod sa Hamat na pinaglalagyan ng kanyang mga pangangailangan. Pinatibay niya ang itaas at ilalim na bahagi ng Bet Horon. Pinaligiran niya ito ng mga pader at pinalagyan ng pintuan na may mga kandado. Ganito rin ang ginawa niya sa Baalat at sa iba pang mga lungsod na lagayan ng kanyang mga pangangailangan, mga karwahe at mga kabayo. Ipinatayo niya ang lahat ng gusto niyang ipatayo sa Jerusalem, Lebanon at sa lahat ng lupaing sakop niya.

7-8 May mga tao pang naiwan sa Israel na hindi mga Israelita. Sila ang mga lahi ng mga Heteo, Amoreo, Perezeo, Hiveo at mga Jebuseo, na hindi nalipol ng mga Israelita nang agawin nila ang lupain ng Canaan. Ginawa silang alipin ni Solomon at pinilit na gumawa, at nanatili silang alipin hanggang ngayon. Pero hindi ginawang alipin ni Solomon ang sinumang Israelita. Sa halip, ginawa niya itong kanyang mga sundalo, mga kapitan ng kanyang mga sundalo at mga kumander ng kanyang mga mangangarwahe at mga mangangabayo. 10 Ang 250 sa kanilaʼy ginawa ni Solomon na mga opisyal na namamahala ng mga gumagawa sa kanyang mga proyekto.

Roma 7:14-8:8

Ang Kaguluhan sa Puso ng Tao

14 Alam natin na ang Kautusan ay mula sa Banal na Espiritu. Pero makamundo ako, at alipin ng kasalanan. 15 Hindi ko maintindihan ang aking sarili. Dahil ang mabubuting bagay na gusto kong gawin ay hindi ko magawa, pero ang mga bagay na ayaw kong gawin ang siya kong ginagawa. 16 At kung ayaw ko ang mga ginagawa kong masama, ibig sabihin nitoʼy sumasang-ayon ako na tama nga ang sinasabi ng Kautusan. 17 Kaya hindi talaga ako ang gumagawa ng masama, kundi ang kasalanang likas sa akin. 18 Alam kong walang mabuti sa akin; ang tinutukoy ko ay ang makasalanan kong pagkatao, dahil kahit gusto kong gumawa ng mabuti, hindi ko ito magawa. 19 Dahil dito, ang mabubuting bagay na gusto kong gawin ay hindi ko magawa, pero ang mga bagay na kinasusuklaman kong gawin ang siya kong ginagawa. 20 Kung ginagawa ko man ang ayaw kong gawin, hindi na ako ang talagang gumagawa nito kundi ang kasalanang likas sa akin.

21 Ito ang natuklasan ko tungkol sa aking sarili: Kung ibig kong gumawa ng mabuti, hinahadlangan ako ng kasamaang likas sa akin. 22 Sa kaibuturan ng aking puso, nalulugod ako sa Kautusan ng Dios, 23 pero may napapansin akong ibang kapangyarihan[a] na kumikilos sa aking pagkatao, na sumasalungat sa pagsunod ko sa Kautusan na alam ko. Dahil dito, naging alipin ako ng kapangyarihan ng kasalanang likas sa aking pagkatao. 24 Kawawa naman ako! Sino ang magliligtas sa akin sa makasalanan kong pagkatao na nagdudulot sa akin ng kamatayan? 25 Salamat sa Dios, siya ang magliligtas sa akin sa pamamagitan ni Jesu-Cristo na ating Panginoon!

Ito ang aking kalagayan: Ang kaisipan ko ay nagpapasakop sa Kautusan ng Dios, pero ang aking makasalanang pagkatao ay nagpapasakop sa kapangyarihan[b] ng kasalanan.

Pamumuhay na Ayon sa Banal na Espiritu

Kaya ngayon, hindi na hahatulan ng kaparusahan ang mga nakay Cristo Jesus. Sapagkat sa pakikipag-isa natin kay Cristo Jesus, pinalaya na tayo sa kapangyarihan[c] ng kasalanan at kamatayan sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu na nagbibigay-buhay. Ang Kautusan ay hindi makapag-aalis ng kapangyarihan ng kasalanan sa ating buhay dahil sa kahinaan ng ating makasalanang pagkatao. Ang Dios ang nag-alis nito nang isinugo niya ang sarili niyang Anak sa anyo ng isang taong makasalanan upang handog para sa ating mga kasalanan. At sa kanyang pagiging tao, tinapos na ng Dios ang kapangyarihan ng kasalanan. Ginawa ito ng Dios para ang ipinatutupad ng Kautusan ay matupad nating mga namumuhay sa patnubay ng Banal na Espiritu at hindi ayon sa ating makasalanang pagkatao. Sapagkat ang mga taong namumuhay ayon sa kanilang makasalanang pagkatao ay walang ibang iniisip kundi ang nais ng kanilang pagkatao. Pero ang tao namang namumuhay ayon sa Banal na Espiritu ay walang ibang iniisip kundi ang nais ng Banal na Espiritu. Ang kahihinatnan ng pagsunod sa nais ng makasalanang pagkatao ay kamatayan, pero ang kahihinatnan ng pagsunod sa nais ng Banal na Espiritu ay kapayapaan at buhay na walang hanggan. Kalaban ng Dios ang sinumang sumusunod sa nais ng makasalanan niyang pagkatao, dahil ayaw niyang sumunod sa Kautusan ng Dios, at talagang hindi niya magagawang sumunod. Kaya ang mga taong nabubuhay ayon sa kanilang makasalanang pagkatao ay hindi maaaring kalugdan ng Dios.

Salmo 18:1-15

Awit ng Tagumpay ni David(A)

18 Iniibig ko kayo Panginoon. Kayo ang aking kalakasan.
Panginoon, kayo ang aking matibay na batong kanlungan at pananggalang.
    Kayo ang aking Tagapagligtas na nag-iingat sa akin.
Karapat-dapat kayong purihin, Panginoon,
    dahil kapag tumatawag ako sa inyo, inililigtas nʼyo ako sa mga kalaban ko.

4-5 Ang kamatayaʼy parang lubid na nakapulupot sa akin at parang bitag sa aking dadaanan,
    na para ring malakas na agos na tumatangay sa akin.
Kinakabahan ako! Humingi ako ng tulong sa inyo, Panginoon kong Dios,
    at pinakinggan nʼyo ang panalangin ko sa inyong templo.

Nagalit kayo, at lumindol, maging ang pundasyon ng mga bundok ay nayanig.
Umusok din ang inyong ilong,
    at ang inyong bibig ay bumuga ng apoy at mga nagliliyab na baga.
Binuksan nʼyo ang langit at kayoʼy bumaba,
    at tumuntong sa maitim at makapal na ulap.
10 Kayoʼy sumakay sa isang kerubin,
    at mabilis na lumipad na dala ng hangin.
11 Ginawa nʼyong talukbong ang kadiliman,
    at nagtago kayo sa maitim na ulap.
12 Kumidlat mula sa inyong kinaroroonan,
    at mula rooʼy bumagsak ang mga yelo at nagliliyab na baga.
13 Ang tinig nʼyo, Kataas-taasang Dios na aming Panginoon, ay dumadagundong mula sa langit.
14 Pinana nʼyo ng kidlat ang inyong mga kalaban
    at nataranta silang nagsitakas.
15 Sa inyong tinig at matinding galit, natuyo ang dagat at nakita ang lupa sa ilalim nito,
    pati na rin ang pundasyon ng mundo ay nalantad.

Kawikaan 19:24-25

24 May mga taong sobrang batugan kahit ang kumain ay kinatatamaran.
25 Ang mapanuya ay dapat parusahan para ang mga katulad niya ay matuto na maging marunong. Ang nakakaunawa ay lalong magiging marunong kapag pinagsasabihan.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®