The Daily Audio Bible
Today's audio is from the GW. Switch to the GW to read along with the audio.
Ang Pagkatawag kay Jeremias
1 Ang mga salita ni Jeremias na anak ni Hilkias, isa sa mga pari na nasa Anatot sa lupain ng Benjamin,
2 na(A) sa kanya dumating ang salita ng Panginoon nang mga araw ni Josias na anak ni Amon, na hari ng Juda, nang ikalabintatlong taon ng kanyang paghahari.
3 Dumating(B) din ito nang mga araw ni Jehoiakim na anak ni Josias, hari ng Juda, at hanggang sa katapusan nang ikalabing-isang taon ni Zedekias, na anak ni Josias, hari ng Juda, hanggang sa pagkadalang-bihag ng Jerusalem nang ikalimang buwan.
4 Ngayon, ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin na sinasabi,
5 “Bago kita inanyuan sa sinapupunan ay kilala na kita,
at bago ka ipinanganak, ikaw ay aking itinalaga;
hinirang kitang propeta sa mga bansa.”
6 Nang magkagayo'y sinabi ko, “Ah, Panginoong Diyos! Tingnan mo, hindi ako marunong magsalita, sapagkat ako'y kabataan pa.”
7 Ngunit sinabi sa akin ng Panginoon,
“Huwag mong sabihin, ‘Ako'y isang kabataan;’
sapagkat saanman kita suguin ay paroroon ka,
at anumang iutos ko sa iyo ay sasabihin mo.
8 Huwag kang matakot sa kanila,
sapagkat ako'y kasama mo na magliligtas sa iyo, sabi ng Panginoon.”
9 Pagkatapos ay iniunat ng Panginoon ang kanyang kamay at hinipo ang aking bibig; at sinabi sa akin ng Panginoon,
“Narito, inilagay ko ang aking mga salita sa iyong bibig.
10 Tingnan mo, inilagay kita sa araw na ito sa ibabaw ng mga bansa at ng mga kaharian,
upang bumunot at magpabagsak,
upang pumuksa at magwasak,
upang magtayo at magtanim.”
Dalawang Pangitain
11 Dumating sa akin ang salita ng Panginoon, na nagsasabi, “Jeremias, anong nakikita mo?” At aking sinabi, “Ako'y nakakakita ng isang tungkod na almendro.”
12 At sinabi ng Panginoon sa akin, “Nakita mong mabuti, sapagkat pinagmamasdan ko ang aking salita upang isagawa ito.”
13 Ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin sa ikalawang pagkakataon, na nagsasabi, “Ano ang iyong nakikita?” At aking sinabi, “Ako'y nakakakita ng isang palayok na pinagpapakuluan, at nakaharap palayo sa hilaga.”
14 At sinabi ng Panginoon sa akin, “Mula sa hilaga ay lalabas ang kasamaan sa lahat ng naninirahan sa lupain.
15 Sapagkat narito, tinatawag ko ang lahat ng mga angkan ng mga kaharian ng hilaga, sabi ng Panginoon. Sila'y darating at bawat isa ay maglalagay ng kanya-kanyang trono sa pasukan ng mga pintuan ng Jerusalem, laban sa lahat ng pader nito sa palibot, at laban sa lahat ng mga lunsod ng Juda.
16 At aking bibigkasin ang aking mga hatol laban sa kanila, dahil sa lahat nilang kasamaan sa pagtalikod sa akin. Sila'y nagsunog ng insenso sa ibang mga diyos, at nagsisamba sa mga gawa ng kanilang sariling mga kamay.
17 Ngunit ikaw, magbigkis ka ng iyong mga balakang, tumindig ka at sabihin mo sa kanila ang lahat ng iniuutos ko sa iyo. Huwag kang manghina sa harapan nila, baka ikaw ay papanghinain ko sa harapan nila.
18 Ngayon, tingnan mo, ginawa kita sa araw na ito na isang lunsod na may kuta at isang haliging bakal, at gaya ng pader na tanso laban sa buong lupain, laban sa mga hari ng Juda, sa mga prinsipe nito, sa mga pari nito, at laban sa mamamayan ng lupain.
19 Lalaban sila sa iyo, ngunit hindi sila magtatagumpay laban sa iyo, sapagkat ako'y kasama mo upang iligtas ka, sabi ng Panginoon.”
Ang Pag-aaruga ng Diyos sa Israel
2 Ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi,
2 “Humayo ka at ipahayag mo sa pandinig ng Jerusalem na sinasabi, Ganito ang sabi ng Panginoon:
Naaalala ko ang katapatan ng iyong kabataan,
ang iyong pag-ibig bilang babaing ikakasal,
kung paanong sumunod ka sa akin sa ilang,
sa lupaing hindi hinasikan.
3 Ang Israel ay banal sa Panginoon,
ang unang bunga ng kanyang ani.
Lahat ng nagsikain nito ay nagkasala,
ang kasamaan ay dumating sa kanila, sabi ng Panginoon.”
4 Pakinggan mo ang salita ng Panginoon, O sambahayan ni Jacob, at lahat ng mga angkan ng sambahayan ng Israel.
5 Ganito ang sabi ng Panginoon:
“Anong kamalian ang natagpuan sa akin ng inyong mga magulang
upang ako'y kanilang layuan,
at sumunod sa kawalang kabuluhan, at naging walang kabuluhan?
6 Hindi nila sinabi, ‘Nasaan ang Panginoon
na nag-ahon sa atin mula sa lupain ng Ehipto,
na pumatnubay sa atin sa ilang,
sa lupain ng mga disyerto at mga hukay,
sa lupain ng tagtuyot at malalim na kadiliman,
sa lupaing hindi dinaanan ng sinuman
at walang taong nanirahan?’
7 At dinala ko kayo sa masaganang lupain,
upang sa mga bunga ng mabubuting bagay nito kayo ay kumain.
Ngunit nang kayo'y pumasok ang lupain ko'y inyong dinungisan,
at ang aking pamana ay ginawa ninyong karumaldumal.
8 Hindi sinabi ng mga pari, ‘Nasaan ang Panginoon?’
Silang nagsisihawak ng kautusan ay hindi nakakilala sa akin;
ang mga pinuno[a] ay sumuway sa akin,
at ang mga propeta ay nagsalita ng propesiya sa pamamagitan ni Baal,
at nagsisunod sa mga bagay na walang pakinabang.
9 “Kaya't makikipagtalo pa rin ako sa inyo, sabi ng Panginoon,
at sa mga anak ng inyong mga anak ay makikipagtalo ako.
10 Sapagkat tumawid kayo sa mga baybayin ng Kittim,[b] at inyong tingnan,
at magsugo kayo sa Kedar, at magsuring mainam;
at inyong tingnan kung may nangyari nang ganitong bagay.
11 Nagpalit ba ang isang bansa ng mga diyos,
bagaman sila'y hindi mga diyos?
Ngunit ipinagpalit ng bayan ko ang kanilang kaluwalhatian
sa hindi pinakikinabangan.
12 Magtaka kayo, O mga langit, sa bagay na ito,
at magulat kayo, mawasak kayong lubos, sabi ng Panginoon.
13 Sapagkat ang bayan ko ay gumawa ng dalawang kasamaan:
tinalikuran nila ako,
ang bukal ng mga tubig na buháy,
at gumawa para sa kanila ng mga tipunan ng tubig
na mga sirang tipunan
na hindi malagyan ng tubig.
Mga Bunga ng Kataksilan ng Israel
14 “Ang Israel ba'y alipin? Siya ba'y aliping ipinanganak sa bahay?
Bakit nga siya'y naging hayop na nasila?
15 Ang mga batang leon ay nagsiungal laban sa kanya,
at sila'y malakas na nagsiungal.
Winasak nila ang kanyang lupain;
ang kanyang mga lunsod ay guho, walang naninirahan.
16 Bukod dito'y binasag[c] ng mga anak ng Memfis at ng Tafnes
ang bao ng iyong ulo.
17 Hindi ba ikaw na rin ang nagdala nito sa iyong sarili,
dahil sa iyong pagtalikod sa Panginoon mong Diyos,
nang kanyang patnubayan ka sa daan?
18 At ano ngayon ang napala mo sa pagpunta sa Ehipto,
upang uminom ng tubig ng Nilo?
O anong napala mo sa pagpunta sa Asiria,
upang uminom ng tubig ng Eufrates?
19 Parurusahan ka ng iyong sariling kasamaan,
at ang iyong pagtalikod ang sa iyo'y sasaway.
Alamin mo at iyong tingnan na masama at mapait
na iyong talikuran ang Panginoon mong Diyos,
at ang takot sa akin ay wala sa iyo, sabi ng Panginoong Diyos ng mga hukbo.
Tumanggi ang Israel na Sambahin ang Diyos
20 “Sapagkat matagal nang panahong binasag ko ang iyong pamatok
at ang mga gapos mo'y nilagot;
ngunit iyong sinabi, ‘Hindi ako maglilingkod.’
Sapagkat sa bawat mataas na burol
at sa lilim ng bawat luntiang punungkahoy
ay yumuko kang tulad sa mahalay na babae.[d]
21 Gayunma'y itinanim kita na isang piling puno ng ubas,
na pawang dalisay na binhi.
Bakit nga naging bansot ka
at naging ligaw na ubas?
22 Kahit maligo ka ng lihiya,
at gumamit ng maraming sabon,
ang mantsa ng iyong pagkakasala ay nasa harapan ko pa rin, sabi ng Panginoong Diyos.
23 Paano mo nasasabi, ‘Hindi ako nadungisan,
hindi ako sumunod sa mga Baal’?
Tingnan mo ang iyong daan sa libis!
Alamin mo kung ano ang iyong ginawa!
Ikaw ay isang matuling batang kamelyo na pinagsala-salabat ang kanyang mga daan,
24 isang mailap na asno na sanay sa ilang,
na sa kanyang init ay sinisinghot ang hangin!
Sinong makakapigil sa kanyang pagnanasa?
Hindi na mapapagod pa ang mga nagsisihanap sa kanya;
sa kanyang kabuwanan ay kanilang matatagpuan siya.
25 Ingatan mo ang iyong paa sa paglakad na walang panyapak,
at ang iyong lalamunan sa pagkauhaw.
Ngunit iyong sinabi, ‘Walang pag-asa,
sapagkat ako'y umibig sa mga dayuhan,
at ako'y susunod sa kanila!’
26 “Kung paanong ang isang magnanakaw ay napapahiya kapag nahuhuli,
gayon mapapahiya ang sambahayan ni Israel;
sila, ang kanilang mga hari, ang kanilang mga pinuno,
ang kanilang mga pari, at ang kanilang mga propeta,
27 na nagsasabi sa punungkahoy, ‘Ikaw ay aking ama;’
at sa bato, ‘Ipinanganak mo ako.’
Sapagkat sila'y tumalikod sa akin,
at hindi ang kanilang mukha.
Ngunit sa panahon ng kanilang kaguluhan ay sinasabi nila,
‘Bumangon ka at iligtas mo kami!’
28 Ngunit nasaan ang iyong mga diyos
na ginawa mo para sa iyo?
Hayaan mo silang magsibangon, kung maililigtas nila kayo
sa panahon ng iyong kaguluhan,
sapagkat kung gaano karami ang iyong mga bayan
ay gayon ang iyong mga diyos, O Juda.
29 “Bakit kayo nagrereklamo laban sa akin?
Kayong lahat ay naghimagsik laban sa akin, sabi ng Panginoon.
30 Sa walang kabuluhan ang mga anak ninyo'y aking sinaktan;
sila'y hindi tumanggap ng saway.
Nilamon ng inyong sariling tabak ang inyong mga propeta,
na gaya ng leong mapamuksa.
4 Kaya nga, mga kapatid kong minamahal at pinananabikan, aking katuwaan at putong, magpakatibay kayo sa Panginoon, mga minamahal ko.
Mga Pangaral
2 Nakikiusap ako kina Euodias at Sintique, na magkaisa sila ng pag-iisip sa Panginoon.
3 Oo, nakikiusap din naman ako sa iyo, tapat na katuwang sa pasanin na iyong tulungan ang mga babaing ito, sapagkat sila'y nagpagal na kasama ko sa ebanghelyo, at kasama rin naman ni Clemente, at ng ibang aking mga kamanggagawa, na ang kanilang pangalan ay nasa aklat ng buhay.
4 Magalak kayong lagi sa Panginoon; muli kong sasabihin, Magalak kayo.
5 Malaman nawa ng lahat ng mga tao ang inyong kahinahunan. Ang Panginoon ay malapit na.
6 Huwag kayong mabalisa sa anumang bagay; kundi sa lahat ng mga bagay, sa pamamagitan ng panalangin at pagsamo na may pagpapasalamat ay ipaalam ninyo ang inyong mga kahilingan sa Diyos.
7 At ang kapayapaan ng Diyos, na hindi maabot ng pag-iisip, ang mag-iingat ng inyong mga puso at mga pag-iisip kay Cristo Jesus.
8 Kahuli-hulihan, mga kapatid, anumang bagay na totoo, anumang bagay na kagalang-galang, anumang bagay na matuwid, anumang bagay na malinis, anumang bagay na kaibig-ibig, anumang bagay na kapuri-puri, kung mayroong anumang kagalingan, at kung may anumang nararapat papurihan, ay isipin ninyo ang mga bagay na ito.
9 Ang mga bagay na inyong natutunan, tinanggap, narinig at nakita sa akin, ang mga bagay na ito ang gawin ninyo; at ang Diyos ng kapayapaan ay sasainyo.
Pasasalamat sa Kaloob ng mga Taga-Filipos
10 Ako'y totoong nagagalak sa Panginoon, na ngayon sa wakas ay inyong muling binuhay ang inyong pagmamalasakit sa akin; na dito'y katotohanang nagkaroon kayo ng malasakit, ngunit wala kayong pagkakataon.
11 Hindi sa nagsasalita ako dala ng pangangailangan, sapagkat aking natutunan ang masiyahan sa anumang kalagayang aking kinaroroonan.
12 Marunong akong magpakababa, at marunong din akong magpakasagana; sa bawat bagay at sa lahat ng bagay ay natutunan ko ang lihim sa kabusugan, at maging sa kagutuman, at maging sa kasaganaan at maging sa kasalatan.
13 Lahat ng mga bagay ay aking magagawa sa pamamagitan niyang nagpapalakas sa akin.
14 Gayunman ay mabuti ang inyong ginawa na kayo'y nakiramay sa aking kapighatian.
15 At kayong mga taga-Filipos, nalalaman naman ninyo, na nang pasimula ng ebanghelyo, nang ako'y umalis sa Macedonia, wala ni isang iglesya na nakipagkaisa sa akin sa pagbibigay at pagtanggap kundi kayo lamang;
16 sapagkat(A) (B) kahit ako'y nasa Tesalonica ay nagpapadala kayong minsan at muli para sa aking kailangan.
17 Hindi sa ako'y naghahanap ng kaloob; kundi hinahanap ko ang bunga na dumarami para sa inyo.
18 Ngunit(C) mayroon ako ng lahat ng bagay at sumasagana; ako'y busog, palibhasa'y tumanggap kay Epafrodito ng mga bagay na galing sa inyo na mabangong samyo, isang handog na kaaya-aya at kalugud-lugod sa Diyos.
19 At pupunuan ng aking Diyos ang bawat kailangan ninyo ayon sa kanyang mga kayamanan sa kaluwalhatian kay Cristo Jesus.
20 Ngayon, nawa'y sumaating Diyos at Ama ang kaluwalhatian magpakailanman. Amen.
Mga Pagbati at Basbas
21 Batiin ninyo ang bawat banal kay Cristo Jesus. Binabati kayo ng mga kapatid na kasama ko.
22 Binabati kayo ng lahat ng mga banal, lalung-lalo na ng mga kasambahay ni Cesar.
23 Sumainyo nawang espiritu ang biyaya ng Panginoong Jesu-Cristo.[a]
Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Huwag Puksain. Salmo ni Asaf. Isang Awit.
75 Kami ay nagpapasalamat sa iyo, O Diyos;
kami ay nagpapasalamat, malapit ang iyong pangalan.
Ang mga kagila-gilalas mong gawa ay sinasaysay ng mamamayan.
2 At sa aking piniling takdang panahon,
may katarungan akong hahatol.
3 Kapag ang lupa ay nayayanig at ang lahat ng mga naninirahan dito,
ako ang nagpapatatag sa mga haligi nito. (Selah)
4 Aking sinabi sa hambog, “Huwag kang magyabang,”
at sa masama, “Huwag mong itaas ang iyong sungay;
5 huwag mong itaas ang iyong sungay nang mataas,
huwag kang magsalita nang may matigas na ulo.”
6 Sapagkat hindi mula sa silangan, o mula sa kanluran,
ni mula man sa ilang ang pagkataas;
7 kundi ang Diyos ang hukom,
ang isa'y ibinababa at ang iba'y itinataas naman.
8 Sapagkat sa kamay ng Panginoon ay may isang kopa,
may alak na bumubula, hinalong totoo;
at kanyang ibubuhos ang laman nito,
tunay na ang masasama sa lupa
ay ibubuhos at iinumin ang latak nito.
9 Ngunit ako'y magpapahayag magpakailanman,
ako'y aawit ng mga papuri sa Diyos ni Jacob.
10 Lahat ng mga sungay ng masama ay aking puputulin,
ngunit ang mga sungay ng matuwid ay itataas.
17 Kapag nabubuwal ang iyong kaaway ay huwag kang magalak,
at huwag matuwa ang iyong puso kapag siya'y bumabagsak;
18 baka ito'y makita ng Panginoon, at ikagalit niya,
at kanyang alisin ang poot niya sa kanya.
19 Huwag kang mayamot dahil sa mga gumagawa ng kasamaan,
at ang masamang tao ay huwag mong kainggitan.
20 Sapagkat ang masamang tao'y walang bukas na haharapin,
at ang ilawan ng masama ay papatayin.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001