Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Jeremias 19-21

Ang Basag na Banga

19 Ganito ang sabi ng Panginoon, “Humayo ka, bumili ka ng isang sisidlang-lupa ng magpapalayok, at isama mo ang ilan sa matatanda sa bayan at ang mga matatanda sa mga pari.

Lumabas(A) kayo sa libis ng anak ni Hinom na nasa tabi ng pasukan ng pintuan ng Harsit,[a] at ipahayag mo roon ang mga salita na aking sasabihin sa iyo.

At sabihin mo, ‘Pakinggan ninyo ang salita ng Panginoon, O mga hari ng Juda at mga naninirahan sa Jerusalem. Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Ako'y magpaparating ng kasamaan sa dakong ito anupa't ang mga tainga ng makakarinig nito ay magpapanting.

Sapagkat tinalikuran ako ng bayan, at nilapastangan ang dakong ito sa pamamagitan ng pagsusunog dito ng insenso para sa ibang mga diyos na hindi nila nakilala ni ng kanilang mga ninuno, ni ng mga hari ng Juda. Kanilang pinuno ang dakong ito ng dugo ng mga walang sala.

Nagtayo(B) rin sila ng matataas na dako ni Baal na pinagsusunugan ng kanilang mga anak sa apoy bilang handog na sinusunog kay Baal, na hindi ko iniutos, o itinakda, ni pumasok man lamang sa aking pag-iisip.

Kaya't ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon, na ang lugar na ito ay hindi na tatawaging Tofet, o libis ng anak ni Hinom, kundi ang libis ng Katayan.

At sa lugar na ito ay gagawin kong walang kabuluhan ang mga panukala ng Juda at ng Jerusalem, at ibubuwal ko sila sa pamamagitan ng tabak sa harapan ng kanilang mga kaaway, at sa pamamagitan ng kamay ng mga tumutugis sa kanilang buhay. Ang kanilang mga bangkay ay ibibigay kong pagkain para sa mga ibon sa himpapawid at sa mga hayop sa lupa.

Gagawin kong katatakutan ang lunsod na ito, isang bagay na hahamakin. Bawat isa na magdaraan doon ay maghihilakbot at magsisisutsot dahil sa lahat nitong kapahamakan.

At ipapakain ko sa kanila ang laman ng kanilang mga anak na lalaki at babae, at bawat isa ay kakain ng laman ng kanyang kapwa sa pagkakakubkob at sa kagipitan, sa pamamagitan ng mga ito'y pahihirapan sila ng kanilang mga kaaway at ng mga tumutugis sa kanilang buhay.’

10 “Kung magkagayo'y babasagin mo ang banga sa paningin ng mga lalaking sumama sa iyo,

11 at sasabihin mo sa kanila, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: Ganito ko babasagin ang sambayanang ito at ang lunsod na ito, gaya ng pagbasag sa isang sisidlan ng magpapalayok, anupa't ito'y hindi na muling mabubuo. Ang mga tao'y maglilibing sa Tofet hanggang wala nang ibang lugar na mapaglilibingan.

12 Ganito ang gagawin ko sa dakong ito, sabi ng Panginoon, at sa mga naninirahan dito, upang ang lunsod na ito ay maging gaya ng Tofet.

13 At ang mga bahay ng Jerusalem at ang mga bahay ng mga hari sa Juda ay magiging marumi gaya ng lugar ng Tofet—lahat ng bahay na ang mga bubungan ay pinagsunugan ng insenso para sa lahat ng natatanaw sa langit, at ang mga handog na inumin ay ibinuhos para sa ibang mga diyos.’”

14 Nang dumating si Jeremias mula sa Tofet na pinagsuguan sa kanya ng Panginoon upang doon ay magsalita ng propesiya, tumayo siya sa bulwagan ng bahay ng Panginoon, at sinabi sa buong bayan:

15 “Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel. Dinadalhan ko ang lunsod na ito at ang lahat nitong mga bayan ng lahat ng kasamaan na aking sinalita laban dito, sapagkat pinapagmatigas nila ang kanilang ulo at ayaw nilang makinig sa aking mga salita.”

Ang Pakikipagtalo ni Jeremias kay Pashur

20 Napakinggan ni Pashur na anak ni Imer na pari, na punong-tagapangasiwa sa bahay ng Panginoon, si Jeremias na nagsasalita ng propesiya tungkol sa mga bagay na ito.

Nang magkagayo'y sinaktan ni Pashur si Jeremias na propeta, at ginapos sa tanikala sa mas mataas na pintuan ng Benjamin sa bahay ng Panginoon.

Kinabukasan, nang mapalaya na ni Pashur si Jeremias mula sa mga tanikala, sinabi ni Jeremias sa kanya, “Hindi ka tinatawag ng Panginoon sa pangalang Pashur, kundi Magor-missabib.[b]

Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon: Narito, gagawin kitang kilabot sa iyong sarili at sa iyong mga kaibigan. Sila'y mabubuwal sa pamamagitan ng tabak ng kanilang mga kaaway habang ikaw ay nakatingin. At ibibigay ko ang buong Juda sa kamay ng hari ng Babilonia. Kanyang dadalhin sila bilang mga bihag sa Babilonia, at papatayin sila ng tabak.

Bukod dito ay ibibigay ko ang lahat ng kayamanan ng lunsod na ito, lahat ng kinita nito, lahat ng mahahalagang ari-arian nito, at ang lahat ng kayamanan ng mga hari ng Juda sa kamay ng kanilang mga kaaway na mananamsam sa kanila na huhuli at magdadala sa kanila sa Babilonia.

At ikaw, Pashur, at ang lahat ng nakatira sa iyong bahay ay pupunta sa pagkabihag. Pupunta ka sa Babilonia at doon ka mamamatay, at doon ka ililibing, ikaw at ang lahat mong mga kaibigan na iyong pinagpahayagan ng kasinungalingan.”

O Panginoon, dinaya[c] mo ako,
    at ako'y nadaya;[d]
mas malakas ka kaysa akin,
    at nanaig ka.
Ako'y nagiging katatawanan buong araw,
    tinutuya ako ng bawat isa.
Sapagkat tuwing ako'y magsasalita, sumisigaw ako,
    isinisigaw ko, “Karahasan at pagkawasak!”
Sapagkat ang salita ng Panginoon ay naging pagkutya at kadustaan sa akin sa bawat araw.
At kung aking sasabihin, “Hindi ko na siya babanggitin,
    o magsasalita pa sa kanyang pangalan,”
waring sa aking puso ay may nag-aalab na apoy
    na nakakulong sa aking mga buto,
at ako'y pagod na sa kapipigil dito,
    at hindi ko makaya.
10 Sapagkat narinig ko ang marami na bumubulong.
    Ang kilabot ay nasa lahat ng panig!
“Batikusin natin siya. Batikusin natin siya!”
    Ang wika ng lahat kong mga kaibigan,
    na nagmamatyag sa aking pagbagsak.
“Marahil siya'y madadaya,
    kung magkagayo'y madadaig natin siya,
    at tayo'y makakaganti sa kanya.”
11 Ngunit ang Panginoon ay kasama ko na gaya ng isang kinatatakutang mandirigma;
    kaya't ang mga umuusig sa akin ay matitisod,
    hindi nila ako madadaig.
Sila'y lubhang mapapahiya,
    sapagkat sila'y hindi magtatagumpay.
Ang kanilang walang hanggang kahihiyan
    ay hindi malilimutan.
12 O Panginoon ng mga hukbo, na sumusubok sa matuwid,
    na nakakakita ng puso at pag-iisip,
ipakita mo sa akin ang iyong paghihiganti sa kanila;
    sapagkat sa iyo ay itinalaga ko ang aking ipinaglalaban.

13 Magsiawit kayo sa Panginoon,
    purihin ninyo ang Panginoon!
Sapagkat kanyang iniligtas ang kaluluwa ng nangangailangan
    mula sa kamay ng mga manggagawa ng kasamaan.

14 Sumpain(C) ang araw
    na ako'y ipinanganak!
Ang araw na ako'y isinilang ng aking ina,
    huwag nawa itong basbasan!
15 Sumpain ang tao
    na nagdala ng balita sa aking ama,
“Isang lalaki ang ipinanganak sa iyo,”
    na kanyang ikinagalak.
16 Ang lalaki nawang iyon ay maging gaya ng mga lunsod
    na walang awang giniba ng Panginoon,
at makarinig nawa siya ng daing sa umaga,
    at babala sa katanghaliang-tapat;
17 sapagkat hindi niya ako pinatay sa sinapupunan;
    at sa gayo'y naging libingan ko sana ang aking ina,
    at ang kanyang sinapupunan, ay naging dakila magpakailanman.
18 Bakit ako'y lumabas pa sa sinapupunan
    upang makakita ng hirap at kalungkutan,
    at gugulin ang aking mga araw sa kahihiyan?

Hinulaan ang Pagkawasak ng Jerusalem

21 Ito ang salitang dumating kay Jeremias mula sa Panginoon, nang suguin sa kanya ni Haring Zedekias si Pashur na anak ni Malkias, at si Sefanias na anak ng paring si Maasias, na sinasabi,

“Isangguni(D) mo kami sa Panginoon sapagkat si Nebukadnezar na hari ng Babilonia ay nakikipagdigma laban sa amin. Marahil ang Panginoon ay gagawa sa amin ng ayon sa lahat niyang kahanga-hangang gawa, at kanyang pauurungin siya mula sa amin.”

At sinabi ni Jeremias sa kanila,

“Ganito ang inyong sasabihin kay Zedekias: ‘Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng Israel. Ibabalik ko ang mga sandatang pandigma na nasa inyong mga kamay, na inyong ginagamit sa pakikipaglaban sa hari ng Babilonia, at laban sa mga Caldeo na kumukubkob sa inyo sa labas ng mga pader. Aking titipunin ang mga iyon sa gitna ng lunsod na ito.

Ako mismo ang lalaban sa inyo na may nakaunat na kamay at malakas na bisig, sa galit, sa bagsik, at sa matinding poot.

At pupuksain ko ang mga naninirahan sa lunsod na ito, ang tao at ang hayop: sila'y mamamatay sa matinding salot.

At pagkatapos, sabi ng Panginoon, ibibigay ko si Zedekias na hari ng Juda, at ang kanyang mga lingkod, at ang mga tao sa lunsod na ito na nakaligtas sa salot, sa tabak, at sa taggutom, sa kamay ni Nebukadnezar na hari ng Babilonia at sa kamay ng kanilang mga kaaway, sa kamay ng mga tumutugis sa kanilang buhay. Kanyang papatayin sila ng talim ng tabak; sila'y hindi niya kahahabagan, o patatawarin man, o kaaawaan man.’

“At sa sambayanang ito ay sasabihin mo: ‘Ganito ang sabi ng Panginoon: Inilalagay ko sa harapan ninyo ang daan ng buhay at ang daan ng kamatayan.

Ang mananatili sa lunsod na ito ay mamamatay sa pamamagitan ng tabak, ng gutom, at ng salot; ngunit ang lumabas at sumuko sa mga Caldeo na kumukubkob sa inyo ay mabubuhay, at tataglayin ang kanyang buhay bilang gantimpala sa digmaan.

10 Sapagkat iniharap ko ang aking mukha laban sa lunsod na ito para sa kasamaan at hindi sa kabutihan, sabi ng Panginoon. Ito'y ibibigay sa kamay ng hari ng Babilonia, at kanyang susunugin ito ng apoy.’

Ang Juda ay Binabalaan tungkol sa Paghatol nang Hindi Matuwid

11 “At sabihin mo sa sambahayan ng hari ng Juda, ‘Pakinggan ninyo ang salita ng Panginoon.

12 O sambahayan ni David! Ganito ang sabi ng Panginoon,

“‘Maggawad ka ng katarungan sa bawat umaga,
    at iligtas mo ang nanakawan mula sa kamay ng mapang-api,
upang ang aking poot ay hindi lumabas na parang apoy,
    at susunog na walang makakapatay,
    dahil sa inyong masasamang gawa!’”

13 “Narito, ako'y laban sa iyo, O naninirahan sa libis,
    O bato ng kapatagan, sabi ng Panginoon;
kayong nagsasabi, ‘Sinong bababang laban sa atin?
    o sinong papasok sa ating mga tirahan?’
14 Ngunit parurusahan ko kayo ayon sa bunga ng inyong mga gawa, sabi ng Panginoon;
    ako'y magpapaningas ng apoy sa kanyang gubat,
    at lalamunin nito ang lahat ng nasa kanyang palibot.”

1 Tesalonica 5:4-28

Ngunit kayo, mga kapatid, ay wala sa kadiliman, upang sa araw na iyon ay mabigla kayong gaya sa magnanakaw.

Sapagkat kayong lahat ay pawang mga anak ng liwanag at mga anak ng araw; tayo'y hindi ng gabi ni ng kadiliman man.

Kaya nga, huwag tayong matulog gaya ng mga iba, kundi tayo'y manatiling handa at magpakatino.

Sapagkat ang mga natutulog ay natutulog sa gabi; at ang naglalasing ay naglalasing sa gabi.

Ngunit(A) palibhasa'y mga anak tayo ng araw, magpakatino tayo, at isuot natin ang baluti ng pananampalataya at ng pag-ibig; at ang maging helmet ay ang pag-asa ng kaligtasan.

Sapagkat tayo'y hindi itinalaga ng Diyos sa galit, kundi sa pagtatamo ng kaligtasan sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo,

10 na namatay dahil sa atin, upang tayo, maging gising o tulog man, ay mabuhay tayong kasama niya.

11 Dahil dito, pasiglahin ninyo ang isa't isa at patibayin ang isa't isa, gaya ng inyong ginagawa.

Mga Tagubilin, Pagbati, at Basbas

12 Subalit hinihiling namin sa inyo, mga kapatid, na inyong igalang ang mga nagpapagal sa inyo, at namumuno sa inyo sa Panginoon at nagtuturo sa inyo;

13 at lubos ninyo silang igalang na may pag-ibig dahil sa kanilang gawain. Magkaroon kayo ng kapayapaan sa isa't isa.

14 Mga kapatid, aming isinasamo sa inyo, na inyong pangaralan ang mga tamad, palakasin ang mahihinang-loob, alalayan ang mga mahihina, at maging matiisin kayo sa lahat.

15 Tiyakin ninyo na ang sinuman ay huwag gumanti ng masama sa masama, kundi lagi ninyong naisin ang mabuti para sa isa't isa at sa lahat.

16 Magalak kayong lagi.

17 Manalangin kayong walang patid.

18 Sa lahat ng bagay ay magpasalamat kayo, sapagkat ito ang kalooban ng Diyos kay Cristo Jesus para sa inyo.

19 Huwag ninyong patayin ang ningas ng Espiritu.

20 Huwag ninyong hamakin ang mga pagpapahayag ng propesiya,

21 kundi subukin ninyo ang lahat ng mga bagay; panghawakan ninyo ang mabuti.

22 Layuan ninyo ang bawat anyo ng kasamaan.

23 Pakabanalin nawa kayong lubos mismo ng Diyos ng kapayapaan; at ang inyong espiritu at kaluluwa at katawan ay ingatang buo, na walang kapintasan sa pagdating ng ating Panginoong Jesu-Cristo.

24 Tapat ang sa inyo'y tumatawag, na gagawa rin naman nito.

25 Mga kapatid, idalangin ninyo kami.

26 Batiin ninyo ang lahat ng mga kapatid ng banal na halik.

27 Ipinag-uutos ko sa inyo alang-alang sa Panginoon, na basahin sa lahat ng mga kapatid ang sulat na ito.

28 Ang biyaya ng ating Panginoong Jesu-Cristo ay sumainyo.[a]

Mga Awit 82

Ang Awit ni Asaf.

82 Kinuha ng Diyos ang kanyang lugar sa kapisanan ng Diyos;
    siya'y humahatol sa gitna ng mga diyos.
“Hanggang kailan kayo hahatol ng di-makatarungan,
    at magpapakita ng pagsang-ayon sa masama? (Selah)
Bigyan ninyo ng katarungan ang mahina at ulila;
    panatilihin ang karapatan ng napipighati at dukha.
Sagipin ninyo ang mahina at nangangailangan;
    iligtas ninyo sila sa kamay ng masama.”

Wala silang kaalaman o pang-unawa,
    sila'y lumalakad na paroo't parito sa kadiliman;
    lahat ng saligan ng lupa ay nayayanig.
Aking(A) sinasabi, “Kayo'y mga diyos,
    kayong lahat ay mga anak ng Kataas-taasan.
Gayunma'y mamamatay kayong tulad ng mga tao,
    at mabubuwal na gaya ng sinumang pinuno.”

Bumangon ka, O Diyos, hatulan mo ang lupa;
    sapagkat iyo ang lahat ng mga bansa!

Mga Kawikaan 25:9-10

Ipaglaban mo ang iyong usapin sa harap ng iyong kapwa,
    at huwag mong ihayag ang lihim ng iba;
10 baka ang nakakarinig sa iyo ay dalhan ka ng kahihiyan,
    at hindi magwakas ang iyong kasiraan.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001