Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Jeremias 33-34

Isa pang Pangako ng Pag-asa

33 Ang salita ng Panginoon ay dumating sa ikalawang pagkakataon kay Jeremias, habang nakakulong pa siya sa bulwagan ng bantay, na sinasabi,

“Ganito ang sabi ng Panginoon na gumawa ng lupa, ang Panginoon na nag-anyo nito upang ito'y itatag—ang Panginoon ang kanyang pangalan:

Tumawag ka sa akin, at ako'y sasagot sa iyo, at magsasabi sa iyo ng mga dakila at makapangyarihang bagay na hindi mo nalalaman.

Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng Israel, tungkol sa mga bahay ng lunsod na ito, at tungkol sa mga bahay ng mga hari ng Juda na ibinagsak upang gawing sanggalang laban sa mga bunton ng pagkubkob at laban sa tabak:

Sila ay dumarating upang labanan ang mga Caldeo at punuin sila ng mga bangkay ng mga tao, na aking papatayin sa aking galit at poot, sapagkat ikinubli ko ang aking mukha sa lunsod na ito dahil sa lahat nilang kasamaan.

Narito, dadalhan ko ito ng kalusugan at kagalingan, at pagagalingin ko sila at magpapahayag ako sa kanila ng kasaganaan ng kapayapaan at katotohanan.

Ibabalik ko ang mga kayamanan ng Juda at ang mga kayamanan ng Israel, at muli ko silang itatayo na gaya nang una.

Lilinisin ko sila sa lahat ng kanilang kasamaan na sa pamamagitan nito'y nagkasala sila laban sa akin; at aking patatawarin ang lahat ng kasamaan na sa pamamagitan nito'y naghimagsik sila laban sa akin.

At ito sa akin ay magiging isang pangalan ng kagalakan, isang papuri at luwalhati sa harapan ng lahat ng mga bansa sa lupa na makakarinig ng lahat ng mabuti na ginagawa ko para sa kanila. Sila'y matatakot at manginginig dahil sa lahat ng kabutihan at kasaganaan na aking ginagawa para dito.

10 “Ganito ang sabi ng Panginoon: Sa dakong ito na inyong sinasabi, ‘Ito'y wasak, walang tao o hayop,’ sa mga bayan ng Juda at mga lansangan ng Jerusalem na sira, na walang naninirahan, tao man o hayop, ay muling maririnig

11 ang(A) tinig ng kagalakan at ang tinig ng kasayahan, ang mga tinig ng lalaking ikakasal at ang tinig ng babaing ikakasal, ang mga tinig ng mga umaawit, habang sila'y nagdadala ng handog na pasasalamat sa bahay ng Panginoon,

‘Kayo'y magpasalamat sa Panginoon ng mga hukbo,
    sapagkat ang Panginoon ay mabuti,
    sapagkat ang kanyang kagandahang-loob ay nananatili magpakailanman!’

Sapagkat aking ibabalik ang mga kayamanan ng lupain gaya nang una, sabi ng Panginoon.

12 “Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: Sa lugar na itong wasak, na walang tao at walang hayop, at sa lahat ng mga bayan nito, ay magkakaroon muli ng tahanan ng mga pastol na nagpapahinga ng kanilang mga kawan.

13 Sa mga bayan ng maburol na lupain, sa mga bayan ng Shefela at Negeb, sa lupain ng Benjamin, at sa mga lugar sa palibot ng Jerusalem at sa mga bayan ng Juda, ang mga kawan ay muling daraan sa ilalim ng mga kamay ng bumibilang sa kanila, sabi ng Panginoon.

14 “Narito,(B) ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon, na aking tutuparin ang mabuting bagay na aking sinabi tungkol sa sambahayan ng Israel at sa sambahayan ng Juda.

15 Sa mga araw at panahong iyon, aking pasisibulin para kay David ang isang matuwid na Sanga at siya'y maggagawad ng katarungan at katuwiran sa lupain.

16 Sa mga araw na iyon ay maliligtas ang Juda at ang Jerusalem ay maninirahang tiwasay. At ito ang pangalan na itatawag sa kanya: ‘Ang Panginoon ay ating katuwiran.’

17 “Sapagkat(C) ganito ang sabi ng Panginoon: Si David ay hindi kailanman kukulangin ng lalaki na uupo sa trono ng sambahayan ng Israel;

18 at(D) ang mga paring Levita ay hindi kailanman kukulangin ng lalaki sa harapan ko na mag-aalay ng mga handog na sinusunog, na magsusunog ng mga butil na handog, at maghahandog ng mga alay magpakailanman.”

19 Ang salita ng Panginoon ay dumating kay Jeremias, na sinasabi,

20 “Ganito ang sabi ng Panginoon: Kung masisira ninyo ang aking tipan sa araw at ang aking tipan sa gabi, anupa't hindi magkakaroon ng araw at ng gabi sa kanilang takdang kapanahunan;

21 kung gayon ang aking tipan kay David na aking lingkod ay masisira din, anupa't siya'y hindi magkakaroon ng anak upang maghari sa kanyang trono, at sa aking tipan sa mga paring Levita na aking mga ministro.

22 Kung paanong ang lahat ng natatanaw sa langit ay hindi mabibilang at ang mga buhangin sa dagat ay di masusukat, gayon ko pararamihin ang binhi ni David na aking lingkod, at ang mga Levita na naglilingkod sa akin.”

23 At ang salita ng Panginoon ay dumating kay Jeremias, na sinasabi,

24 “Hindi mo ba napapansin ang sinalita ng mga taong ito na sinasabi, ‘Itinakuwil ng Panginoon ang dalawang angkan na kanyang pinili?’ Ganito nila hinamak ang aking bayan kaya't hindi na sila isang bansa sa kanilang paningin.

25 Ganito ang sabi ng Panginoon: Kung ang aking tipan sa araw at gabi ay hindi manatili at ang mga panuntunan ng langit at ng lupa ay hindi ko itinatag;

26 ay itatakuwil ko nga ang binhi ni Jacob at ni David na aking lingkod at hindi ako pipili ng isa sa kanyang binhi na mamumuno sa binhi ni Abraham, Isaac, at Jacob. Sapagkat ibabalik ko ang kanilang mga kayamanan at kahahabagan ko sila.”

Mensahe para kay Zedekias

34 Ang(E) salita na dumating kay Jeremias mula sa Panginoon, nang si Nebukadnezar na hari ng Babilonia, ang buo niyang hukbo, ang lahat ng kaharian sa daigdig na nasa ilalim ng kanyang kapangyarihan, at ang lahat ng mga bayan ay nakipaglaban sa Jerusalem, at laban sa lahat ng mga lunsod nito, na sinasabi,

“Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng Israel: Humayo ka at magsalita kay Zedekias na hari ng Juda, at sabihin mo sa kanya, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon: Ibinibigay ko ang lunsod na ito sa kamay ng hari ng Babilonia, at susunugin niya ito ng apoy.

Hindi ka makakatakas sa kanyang kamay, kundi tiyak na mahuhuli ka at mahuhulog sa kanyang kamay. Makikita mo nang mata sa mata ang hari ng Babilonia, at makikipag-usap sa kanya nang mukhaan, at ikaw ay pupunta sa Babilonia.’

Gayunma'y pakinggan mo ang salita ng Panginoon, O Zedekias, hari ng Juda! Ganito ang sabi ng Panginoon tungkol sa iyo: ‘Ikaw ay hindi mamamatay sa pamamagitan ng tabak.

Ikaw ay payapang mamamatay. Kung paanong nagsunog ng insenso para sa iyong mga magulang na mga dating hari na una sa iyo, gayon sila magsusunog para sa iyo at kanilang tataghuyan ka, na magsasabi, “Ah panginoon!”’ Sapagkat aking sinabi ang salita, sabi ng Panginoon.”

Sinabi ni propeta Jeremias ang lahat ng salitang ito kay Zedekias na hari ng Juda, sa Jerusalem,

nang lumalaban ang hukbo ng hari ng Babilonia laban sa Jerusalem, at laban sa lahat ng lunsod ng Juda na nalabi, ang Lakish at Azeka; sapagkat ang mga ito lamang ang mga nalabing mga lunsod na may kuta ng Juda.

Dinaya ang mga Alipin

Ang salita na dumating kay Jeremias mula sa Panginoon, pagkatapos na makipagtipan si Haring Zedekias sa lahat ng taong-bayan na nasa Jerusalem upang magpahayag sa kanila ng kalayaan,

na dapat palayain ng bawat isa ang kanyang aliping Hebreo, babae o lalaki, upang walang sinumang dapat umalipin sa Judio, na kanyang kapatid.

10 At ang lahat ng pinuno at ang lahat ng taong-bayan ay sumunod at nakipagtipan na bawat isa'y palalayain ang kanyang alipin, lalaki man o babae, at hindi na sila muling aalipinin, sila'y tumalima at pinalaya sila.

11 Ngunit pagkatapos ay bumalik sila, at kinuhang muli ang mga aliping lalaki at babae na kanilang pinalaya, at sila'y muling ipinailalim sa pagkaalipin bilang aliping lalaki at babae.

12 Ang salita ng Panginoon ay dumating kay Jeremias mula sa Panginoon, na sinasabi,

13 “Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng Israel: Ako'y nakipagtipan sa inyong mga ninuno nang sila'y aking inilabas mula sa lupain ng Ehipto, mula sa bahay ng pagkaalipin, na sinasabi,

14 ‘Sa(F) katapusan ng pitong taon ay palalayain ng bawat isa sa inyo ang kanyang kapwa Hebreo na ipinagbili sa iyo, at naglingkod sa iyo ng anim na taon; dapat mo siyang palayain sa paglilingkod sa iyo.’ Ngunit ang inyong mga ninuno ay hindi nakinig sa akin, o ikiniling man ang kanilang pandinig sa akin.

15 Kamakailan lamang ay nagsisi kayo at ginawa ang matuwid sa aking mga mata sa paghahayag ng kalayaan, bawat tao sa kanyang kapwa. At kayo'y nakipagtipan sa harapan ko sa bahay na tinatawag sa aking pangalan.

16 Ngunit kayo'y tumalikod at nilapastangan ang aking pangalan nang kuning muli ng bawat isa sa inyo ang kanyang aliping lalaki at babae na inyong pinalaya sa kanilang nais, at sila'y inyong ipinailalim upang inyong maging mga aliping lalaki at aliping babae.

17 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon: Kayo'y hindi sumunod sa akin sa pagpapahayag ng kalayaan, bawat isa sa kanyang kapatid at sa kanyang kapwa. Narito, ako'y nagpapahayag sa inyo ng kalayaan tungo sa tabak, sa salot, at sa taggutom, sabi ng Panginoon. Gagawin ko kayong isang katatakutan sa lahat ng mga kaharian sa daigdig.

18 At ang mga lalaking sumuway sa aking tipan, at hindi tumupad sa mga salita ng tipan na kanilang ginawa sa harapan ko ay gagawin kong gaya ng guya na kanilang hinahati sa dalawa at pinadaraan sa pagitan ng mga bahagi nito—

19 ang mga pinuno ng Juda, ng Jerusalem, mga eunuko, ang mga pari, at ang lahat ng taong-bayan ng lupain na dumaan sa pagitan ng mga bahagi ng guya

20 ay ibibigay ko sa kanilang mga kaaway at sa mga tumutugis sa kanilang buhay. Ang kanilang mga bangkay ay magiging pagkain ng mga ibon sa himpapawid at ng mga hayop sa lupa.

21 Si Zedekias na hari ng Juda at ang kanyang mga pinuno ay ibibigay ko sa kanilang mga kaaway, sa mga tumutugis sa kanilang buhay, at sa hukbo ng hari ng Babilonia na umurong na sa inyo.

22 Ako'y mag-uutos, sabi ng Panginoon, at ibabalik ko sila sa lunsod na ito; at ito'y kanilang lalabanan, sasakupin, at kanilang susunugin ng apoy. Gagawin kong sira at walang naninirahan ang mga bayan ng Juda.”

1 Timoteo 4

Pagtalikod sa Pananampalataya

Ngayon ay maliwanag na sinasabi ng Espiritu na sa mga huling panahon ang iba'y tatalikod sa pananampalataya sa pamamagitan ng pakikinig sa mga mandarayang espiritu at sa mga aral ng mga demonyo,

sa pamamagitan ng pagkukunwari ng mga nagsasalita ng mga kasinungalingan, na ang mga budhi ay tinatakan ng nagbabagang bakal.

Kanilang ipagbabawal ang pag-aasawa at ipag-uutos na lumayo sa mga pagkaing nilalang ng Diyos upang tanggapin na may pagpapasalamat ng mga nananampalataya at nakakaalam ng katotohanan.

Sapagkat ang bawat nilalang ng Diyos ay mabuti at walang anumang dapat tanggihan, kung tinatanggap ito na may pagpapasalamat;

sapagkat ito ay pinababanal sa pamamagitan ng salita ng Diyos at ng panalangin.

Ang Mabuting Lingkod ni Cristo

Kung ituturo mo sa mga kapatid ang mga bagay na ito, ikaw ay magiging isang mabuting lingkod ni Cristo Jesus, na pinalusog sa mga salita ng pananampalataya at ng mabuting aral na iyong sinusunod.

Subalit tanggihan mo ang masasama at mga walang kabuluhang katha. Sanayin mo ang iyong sarili sa kabanalan,

sapagkat ang pagsasanay sa katawan ay may kaunting pakinabang subalit ang kabanalan ay may kapakinabangan sa lahat ng bagay, na may pangako sa buhay na ito at sa darating.

Tapat ang salita at nararapat tanggapin nang lubos.

10 Sapagkat dahil dito ay nagpapagal kami at nagsisikap,[a] sapagkat nakalagak ang aming pag-asa sa Diyos na buháy, na siyang Tagapagligtas ng lahat ng tao, lalo na ng mga nananampalataya.

11 Iutos at ituro mo ang mga bagay na ito.

12 Huwag mong hayaang hamakin ng sinuman ang iyong kabataan; kundi ikaw ay maging halimbawa ng mga mananampalataya sa pananalita, pag-uugali, pag-ibig, pananampalataya, at sa kalinisan.

13 Hanggang sa dumating ako, bigyang-pansin mo ang hayagang pagbabasa ng kasulatan, ang pangangaral, at ang pagtuturo.

14 Huwag mong pabayaan ang kaloob na sa iyo'y ibinigay sa pamamagitan ng propesiya, na may pagpapatong ng mga kamay ng kapulungan ng matatanda.

15 Gawin mo ang mga bagay na ito; italaga mo ang iyong sarili sa mga ito upang ang iyong pag-unlad ay makita ng lahat.

16 Ingatan mo ang iyong sarili at ang iyong pagtuturo. Manatili ka sa mga bagay na ito, sapagkat sa paggawa nito ay maililigtas mo ang iyong sarili at ang mga nakikinig sa iyo.

Mga Awit 89:1-13

Maskil(A) ni Etan na Ezrahita.

89 Aking aawitin ang iyong tapat na pag-ibig magpakailanman, O Panginoon,
    sa pamamagitan ng aking bibig ay ipahahayag ko sa lahat ng salinlahi ang katapatan mo.
Sapagkat aking sinabi, ang tapat na pag-ibig ay matatatag kailanman,
    itatag mo sa mga langit ang iyong katapatan.

“Ako'y nakipagtipan sa aking hinirang,
    ako'y sumumpa kay David na aking lingkod:
‘Ang(B) mga binhi mo'y itatatag ko magpakailanman,
    at aking itatayo ang iyong trono para sa lahat ng salinlahi.’” (Selah)

Purihin nawa ng langit ang iyong mga kahanga-hangang gawa, O Panginoon,
    ang katapatan mo sa kapulungan ng mga banal!
Sapagkat sino sa langit ang maihahambing sa Panginoon?
    Sino sa mga nilalang sa langit ang gaya ng Panginoon,
isang Diyos na kinatakutan sa kapulungan ng mga banal,
    dakila at kakilakilabot kaysa lahat ng nasa palibot niya?
O Panginoong Diyos ng mga hukbo,
    sino ang makapangyarihang gaya mo, O Panginoon?
    Ang iyong katapatan ay nakapaligid sa iyo.
Iyong pinamumunuan ang pagngangalit ng dagat;
    kapag tumataas ang mga alon nito, ang mga iyon ay pinatatahimik mo.
10 Iyong dinurog ang Rahab na tulad sa pinatay,
    pinangalat mo ng iyong makapangyarihang bisig ang iyong mga kaaway.
11 Ang langit ay iyo, maging ang lupa ay iyo,
    ang sanlibutan at ang lahat ng narito ay itinatag mo.
12 Ang hilaga at ang timog ay iyong nilalang,
    ang Tabor at ang Hermon ay magalak na nagpuri sa iyong pangalan.
13 Ikaw ay may makapangyarihang bisig;
    malakas ang iyong kamay, mataas ang iyong kanang kamay.

Mga Kawikaan 25:23-24

23 Ang hanging amihan ay ulan ang hatid;
    at ang mapanirang-dila, mga tingin na may galit.
24 Mas mabuti ang tumira sa isang sulok ng bubungan,
    kaysa sa isang bahay na kasama ng isang babaing palaaway.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001