Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NRSVUE. Switch to the NRSVUE to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Panaghoy 3

Parusa, Pagsisisi at Pag-asa

Ako ang taong nakakita ng pagdadalamhati
dahil sa pamalo ng kanyang poot.
Itinaboy niya ako at dinala sa kadiliman, at hindi sa liwanag;
tunay na laban sa akin
    ay kanyang paulit-ulit na ipinihit ang kanyang kamay sa buong maghapon.

Pinapanghina niya ang aking laman at aking balat,
    at binali niya ang aking mga buto.
Sinakop at kinulong niya ako
    sa kalungkutan at paghihirap.
Pinatira niya ako sa kadiliman,
    gaya ng mga matagal nang patay.
Binakuran niya ako upang ako'y hindi makatakas;
    pinabigat niya ang aking tanikala.
Bagaman ako'y dumaraing at humihingi ng tulong,
    kanyang pinagsasarhan ang aking panalangin;
kanyang hinarangan ang aking mga daan ng tinabas na bato,
    kanyang iniliko ang mga landas ko.

10 Para sa akin ay gaya siya ng oso na nag-aabang,
    parang leon na nasa kubling dako.
11 Iniligaw niya ang aking mga lakad,
    at ako'y pinagputul-putol;
ginawa niya akong wasak.
12 Binanat niya ang kanyang busog
    at ginawa akong tudlaan para sa kanyang pana.

13 Pinatusok niya sa aking puso ang mga palaso
    mula sa kanyang lalagyan.
14 Ako'y naging katatawanan sa lahat ng aking kababayan,
    ang pasanin ng kanilang awit sa buong maghapon.
15 Pinuno niya ako ng kapanglawan,
    kanyang pinapagsawa ako ng katas ng mapait na halaman.

16 Dinurog niya ng mga bato ang ngipin ko,
    at pinamaluktot ako sa mga abo.
17 Ang aking kaluluwa ay inilayo sa kapayapaan;
    nalimutan ko na kung ano ang kaligayahan.
18 Kaya't aking sinabi, “Wala na ang aking kaluwalhatian,
    at ang aking pag-asa sa Panginoon.”

19 Alalahanin mo ang aking paghihirap at ang aking kapaitan,
    ang katas ng mapait na halaman at ng apdo.
20 Patuloy itong naaalala ng aking kaluluwa
    at yumuyuko sa loob ko.
21 Ngunit ito'y naaalala ko,
    kaya't mayroon akong pag-asa:

22 Ang tapat na pag-ibig ng Panginoon ay hindi nagmamaliw,
    ang kanyang mga habag ay hindi natatapos;
23 sariwa ang mga iyon tuwing umaga,
    dakila ang iyong katapatan.
24 “Ang Panginoon ay aking bahagi,” sabi ng aking kaluluwa;
    “kaya't ako'y aasa sa kanya.”

25 Ang Panginoon ay mabuti sa kanila na naghihintay sa kanya,
    sa kaluluwa na humahanap sa kanya.
26 Mabuti nga na ang tao ay tahimik na maghintay
    para sa pagliligtas ng Panginoon.
27 Mabuti nga sa tao na pasanin ang pamatok sa kanyang kabataan.
28 Maupo siyang mag-isa sa katahimikan
    kapag kanyang iniatang sa kanya;
29 ilagay niya ang kanyang bibig sa alabok—
    baka mayroon pang pag-asa;
30 ibigay niya ang kanyang pisngi sa mananampal,
    at mapuno siya ng pagkutya.

31 Sapagkat ang Panginoon ay hindi magtatakuwil nang walang hanggan.
32 Ngunit bagaman siya'y sanhi ng kalungkutan,
    siya'y mahahabag ayon sa kasaganaan ng kanyang tapat na pagmamahal;
33 sapagkat hindi niya kusang pinahihirapan
    o ang mga anak ng mga tao ay sinasaktan man.

34 Upang durugin sa ilalim ng paa ang lahat ng bihag sa lupa,
35 upang sikilin ang karapatan ng tao
    sa harapan ng Kataas-taasan,
36 upang ibagsak ang tao sa kanyang usapin,
    na hindi ito sinasang-ayunan ng Panginoon.

37 Sino ang nagsasalita at ito ay nangyayari,
    malibang ito ay iniutos ng Panginoon?
38 Hindi ba sa bibig ng Kataas-taasan
    nagmumula ang masama at mabuti?
39 Bakit magrereklamo ang taong may buhay,
    ang tao, tungkol sa parusa sa kanyang mga kasalanan?

40 Ating subukin at suriin ang ating mga lakad,
    at manumbalik tayo sa Panginoon!
41 Itaas natin ang ating mga puso at mga kamay
    sa Diyos sa langit:
42 “Kami ay sumuway at naghimagsik,
    at hindi ka nagpatawad.

43 “Binalot mo ng galit ang iyong sarili at hinabol mo kami;
    na pumapatay ka nang walang awa.
44 Binalot mo ng ulap ang iyong sarili
    upang walang panalanging makatagos.
45 Ginawa mo kaming patapon at basura
    sa gitna ng mga bayan.
46 “Ibinuka ng lahat naming mga kaaway
    ang kanilang bibig laban sa amin.
47 Dumating sa amin ang takot at pagkahulog, pagkasira at pagkawasak.
48 Ang mata ko'y dinadaluyan ng maraming luha
    dahil sa pagkawasak ng anak na babae ng aking bayan.

49 “Ang mata ko'y dadaluyan nang walang hinto, walang pahinga,
50 hanggang sa ang Panginoon ay tumungo at tumingin mula sa langit.
51 Pinahihirapan ng aking mga mata ang aking kaluluwa,
    dahil sa lahat na anak na babae ng aking lunsod.

52 “Ako'y tinugis na parang ibon,
    ng aking mga naging kaaway nang walang kadahilanan.
53 Pinatahimik nila ako sa hukay
    at nilagyan ng bato sa ibabaw ko.
54 Ang tubig ay lumampas sa aking ulo;
    aking sinabi, ‘Ako'y wala na.’

55 “Ako'y tumawag sa iyong pangalan, O Panginoon,
    mula sa kalaliman ng hukay;
56 pinakinggan mo ang aking pakiusap! ‘Huwag mong itago ang iyong pandinig sa saklolo,
    mula sa paghingi ko ng tulong!’
57 Ikaw ay lumapit nang ako'y tumawag sa iyo;
    iyong sinabi, ‘Huwag kang matakot.’

58 “Ipinagtanggol mo ang aking usapin, O Panginoon,
    tinubos mo ang aking buhay.
59 Nakita mo ang pagkakamaling ginawa sa akin, O Panginoon
    hatulan mo ang aking usapin.
60 Nakita mo ang lahat nilang paghihiganti,
    at ang lahat nilang pakana laban sa akin.

61 “Narinig mo ang kanilang pagtuya, O Panginoon,
    at lahat nilang pakana laban sa akin.
62 Ang mga labi at pag-iisip ng mga tumutugis sa akin
    ay laban sa akin sa buong maghapon.
63 Masdan mo ang kanilang pag-upo at ang kanilang pagtayo,
    ako ang pinatutungkulan ng kanilang mga awit.

64 “Pagbabayarin mo sila, O Panginoon,
    ayon sa gawa ng kanilang mga kamay.
65 Papagmamatigasin mo ang kanilang puso,
    ang iyong sumpa ay darating sa kanila.
66 Hahabulin mo sila sa galit at iyong lilipulin sila,
    mula sa silong ng mga langit, O Panginoon.”

Mga Hebreo 1

Nagsalita ang Diyos sa Pamamagitan ng Kanyang Anak

Noong unang panahon, ang Diyos ay nagsalita sa ating mga ninuno sa iba't ibang panahon at sa iba't ibang paraan sa pamamagitan ng mga propeta,

subalit sa mga huling araw na ito ay nagsalita siya sa atin sa pamamagitan ng Anak, na kanyang itinalagang tagapagmana ng lahat ng mga bagay, na sa pamamagitan din niya'y ginawa ang mga sanlibutan.

Siya ang kaningningan ng kaluwalhatian ng Diyos[a] at tunay na larawan ng kanyang likas, at kanyang inaalalayan ang lahat ng bagay sa pamamagitan ng kapangyarihan ng kanyang salita. Nang magawa na niya ang paglilinis ng mga kasalanan, siya ay umupo sa kanan ng Kamahalan sa kaitaasan,

palibhasa'y naging higit na mataas kaysa mga anghel, palibhasa'y nagmana ng higit na marilag na pangalan kaysa kanila.

Higit na Dakila ang Anak kaysa mga Anghel

Sapagkat(A) kanino sa mga anghel sinabi ng Diyos[b] kailanman,

“Ikaw ay aking Anak,
    ako ngayon ay naging iyong Ama?”

At muli,

“Ako'y magiging kanyang Ama,
    at siya'y magiging aking Anak?”

At(B) muli, nang kanyang dinadala ang panganay sa daigdig ay sinasabi niya,

“Sambahin siya ng lahat ng mga anghel ng Diyos.”

Tungkol(C) sa mga anghel ay sinasabi niya,

“Ginagawa niyang mga hangin ang mga anghel,
    at ang kanyang mga lingkod ay ningas ng apoy.”

Ngunit,(D) tungkol naman sa Anak ay sinasabi niya,

“Ang iyong trono, O Diyos, ay magpakailanman;
    at ang setro ng katuwiran ang siyang setro ng iyong kaharian.
Inibig mo ang katuwiran, at kinapootan ang kasamaan;
kaya't ang Diyos, ang Diyos mo, ay binuhusan ka
    ng langis ng kagalakang higit pa sa iyong mga kasamahan.”

10 At,(E)

“Ikaw, Panginoon, nang pasimula'y inilagay mo ang saligan ng lupa,
    at ang mga langit ay mga gawa ng iyong mga kamay;
11 sila'y mapaparam, subalit ikaw ay nananatili,
    at silang lahat ay malulumang gaya ng kasuotan;
12 gaya ng isang balabal sila'y iyong ilululon,
    at gaya ng damit, sila ay mapapalitan.
Ngunit ikaw ay ikaw pa rin,
    at ang iyong mga taon ay hindi magwawakas.”

13 Ngunit(F) kanino sa mga anghel sinabi niya kailanman,

“Maupo ka sa aking kanan,
    hanggang sa ang iyong mga kaaway ay gawin kong tuntungan ng iyong mga paa?”

14 Hindi ba silang lahat ay mga espiritung nasa banal na gawain, na sinugo upang maglingkod sa kapakanan ng mga magmamana ng kaligtasan?

Mga Awit 102

Panalangin ng Kabataang may Suliranin.

102 O Panginoon, pakinggan mo ang dalangin ko,
    dumating nawa ang daing ko sa iyo!
Huwag mong ikubli sa akin ang mukha mo
    sa araw ng kahirapan ko!
Ang iyong pandinig sa akin ay ikiling,
    sa araw na ako'y tumatawag, agad mo akong sagutin!
Sapagkat napapawi sa usok ang mga araw ko,
    at ang mga buto ko'y nagliliyab na parang hurno.
Ang puso ko'y nasaktan na parang damo, at natuyo;
    nalimutan kong kainin ang aking tinapay.
Dahil sa lakas ng daing ko,
    dumidikit sa aking laman ang mga buto ko.
Ako'y parang pelikano sa ilang;
    ako'y gaya ng isang kuwago sa kaparangan.
Ako'y gising,
    ako'y gaya ng malungkot na ibon sa bubungan.
Nililibak ako ng aking mga kaaway buong araw;
    silang nang-iinis sa akin ay gumagamit sa pagsumpa ng aking pangalan.
Sapagkat parang tinapay na kinakain ko ang abo,
    at ang luha sa aking inumin ay inihahalo ko,
10 dahil sa galit at poot mo;
    sapagkat itinaas at itinapon mo ako.
11 Gaya ng lilim sa hapon ang mga araw ko;
    ako'y natutuyo na parang damo.

12 Ngunit ikaw, O Panginoon, ay mamamalagi magpakailanman;
    namamalagi sa lahat ng salinlahi ang iyong pangalan.
13 Ikaw ay babangon at sa Zion ay maaawa,
    sapagkat panahon na upang maawa ka sa kanya;
    ang takdang panahon ay dumating na.
14 Sapagkat pinapahalagahan ng iyong mga lingkod ang kanyang mga bato,
    at nahahabag sa kanyang alabok.
15 Katatakutan ng mga bansa ang sa Panginoong pangalan,
    at ng lahat ng hari sa lupa ang iyong kaluwalhatian.
16 Sapagkat itatayo ng Panginoon ang Zion,
    siya'y magpapakita sa kanyang kaluwalhatian;
17 kanyang pahahalagahan ang sa hikahos na dalangin,
    at ang kanilang daing ay hindi hahamakin.

18 Ito'y isusulat tungkol sa lahing susunod,
    upang ang bayang di pa isinisilang ay magpuri sa Panginoon:
19 na siya'y tumungo mula sa kanyang banal na kaitaasan,
    at tumingin ang Panginoon sa lupa mula sa kalangitan,
20 upang ang daing ng mga bilanggo ay pakinggan,
    upang palayain ang mga itinakdang mamatay;
21 upang maipahayag ng mga tao sa Zion ang pangalan ng Panginoon,
    at sa Jerusalem ang kanyang kapurihan,
22 kapag ang mga taong-bayan ay nagtipun-tipon,
    at ang mga kaharian upang sumamba sa Panginoon.

23 Kanyang pinahina ang aking lakas sa daan;
    kanyang pinaikli ang aking mga araw.
24 Aking sinabi, “O Diyos ko, huwag mo akong kunin
    sa kalagitnaan ng aking mga araw,
ikaw na ang mga taon ay nananatili
    sa lahat ng salinlahi!”
25 Nang(A) una ang saligan ng lupa ay iyong inilagay,
    at ang kalangitan ay gawa ng iyong mga kamay.
26 Ikaw ay nananatili, ngunit sila ay mawawala,
    parang kasuotan silang lahat ay mawawala.
Pinapalitan mo sila na gaya ng kasuotan, at sila'y mapapalitan;
27     ngunit ikaw ay nananatili, at ang mga taon mo'y walang katapusan.
28 Ang mga anak ng iyong mga lingkod ay mananatili;
    ang kanilang mga anak ay matatatag sa iyong harapan.

Mga Kawikaan 26:21-22

21 Kung paano ang mga uling sa maiinit na baga, at ang kahoy sa apoy;
    gayon ang taong palaaway na nagpapaningas ng sigalot.
22 Ang mga salita ng sitsit ay parang mga subong malinamnam,
    nagsisibaba ang mga ito sa kaloob-looban ng katawan.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001