Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Jeremias 22:1-23:20

Ang Mensahe ni Jeremias sa mga Namumuno sa Juda

22 Ganito ang sabi ng Panginoon: “Bumaba ka sa bahay ng hari ng Juda, at sabihin mo doon ang salitang ito,

at iyong sabihin, ‘Pakinggan mo ang salita ng Panginoon, O hari ng Juda, na nakaluklok sa trono ni David, ikaw, at ang iyong mga lingkod, at ang iyong mga mamamayan na pumapasok sa mga pintuang ito.

Ganito ang sabi ng Panginoon: Gumawa kayo nang may katarungan at katuwiran, at iligtas ninyo ang ninakawan mula sa kamay ng mapang-api. At huwag ninyong gawan ng masama o karahasan ang mga dayuhan, ang mga ulila at ang mga balo, o magpadanak man ng walang salang dugo sa dakong ito.

Sapagkat kung tunay na inyong susundin ang salitang ito, kung gayo'y papasok sa mga pintuan ng bahay na ito ang mga hari na nakaupo sa trono ni David, na nakasakay sa mga karwahe at mga kabayo, sila at ang kanyang mga lingkod, at ang kanilang taong-bayan.

Ngunit(A) kung hindi ninyo susundin ang mga salitang ito, ako'y sumusumpa sa aking sarili, sabi ng Panginoon, na ang bahay na ito ay mawawasak.

Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon tungkol sa sambahayan ng hari ng Juda,

“‘Ikaw ay gaya ng Gilead sa akin,
    gaya ng tuktok ng Lebanon;
tiyak na gagawin kitang isang disyerto,
    gaya ng mga lunsod na hindi tinatahanan.
Ako'y maghahanda ng mga mamumuksa laban sa iyo,
    bawat isa'y may kanya-kanyang mga sandata;
at kanilang puputulin ang iyong mga piling sedro,
    at ihahagis sa apoy.

“‘Maraming bansa ang daraan sa lunsod na ito, at sasabihin ng bawat isa sa kanyang kapwa, “Bakit ganito ang ginawa ng Panginoon sa dakilang lunsod na ito?”

At sila'y sasagot, “Sapagkat kanilang pinabayaan ang tipan ng Panginoon nilang Diyos, at sumamba sa ibang mga diyos, at naglingkod sa kanila.”’”

Ang Pahayag tungkol kay Shallum

10 Huwag ninyong iyakan ang patay,
    o tangisan man ninyo siya;
kundi patuloy ninyong iyakan ang umaalis,
    sapagkat hindi na siya babalik,
    ni makikita pa ang kanyang lupang tinubuan.

11 Sapagkat(B) ganito ang sabi ng Panginoon tungkol kay Shallum na anak ni Josias, na hari ng Juda, na nagharing kahalili ni Josias na kanyang ama, na umalis sa lugar na ito: “Hindi na siya babalik rito,

12 kundi sa dakong pinagdalhan sa kanya bilang bihag, doon siya mamamatay, at hindi na niya muling makikita ang lupaing ito.”

Ang Pahayag tungkol kay Jehoiakim

13 “Kahabag-habag siya na nagtatayo ng kanyang bahay sa kawalang-katuwiran,
    at ng kanyang mga silid sa itaas sa pamamagitan ng kawalang-katarungan;
na pinapaglingkod ang kanyang kapwa na walang upa,
    at hindi niya binibigyan ng kanyang sahod;
14 na nagsasabi, ‘Ako'y magtatayo para sa sarili ko ng malaking bahay
    na may maluluwang na silid sa itaas,’
at naglalagay ng mga bintana roon,
    dinidingdingan ng sedro,
    at pinipintahan ng kulay pula.
15 Sa palagay mo ba ikaw ay hari,
    sapagkat nakikipagpaligsahan ka na may sedro?
Di ba't ang iyong ama ay kumain at uminom
    at naggawad ng katarungan at katuwiran?
    Kaya naman iyon ay ikinabuti niya.
16 Kanyang hinatulan ang kapakanan ng dukha at ng nangangailangan;
    at iyon ay mabuti.
Hindi ba ito ang pagkilala sa akin?
    sabi ng Panginoon.
17 Ngunit ang iyong mga mata at puso
    ay para lamang sa iyong madayang pakinabang,
at sa pagpapadanak ng walang salang dugo,
    at sa paggawa ng pang-aapi at karahasan.”

18 Kaya't(C) ganito ang sabi ng Panginoon tungkol kay Jehoiakim na anak ni Josias, hari ng Juda,

“Hindi nila tataghuyan siya na sasabihin,
    ‘Ah, kapatid kong lalaki!’ o kaya'y, ‘Ah, kapatid na babae!’
Hindi nila tataghuyan siya na sasabihin,
    ‘Ah, panginoon!’ o, ‘Ah, kamahalan!’
19 Ililibing siya ng libing ng asno,
    kakaladkarin at itatapon sa labas ng mga pintuan ng Jerusalem.”

20 “Umakyat ka sa Lebanon at sumigaw ka,
    ilakas mo ang iyong tinig sa Basan,
at ikaw ay sumigaw mula sa Abarim;
    sapagkat ang lahat mong mangingibig ay nalipol.
21 Ako'y nagsalita sa iyo sa iyong kasaganaan,
    ngunit iyong sinabi, ‘Hindi ako makikinig.’
Ito na ang iyong pamumuhay mula sa iyong pagkabata,
    na hindi mo pinakinggan ang aking tinig.
22 Papastulin ng hangin ang lahat mong mga pastol,
    at ang iyong mga mangingibig ay pupunta sa pagkabihag;
kung magkagayon ay mapapahiya ka at malilito
    dahil sa lahat mong kasamaan.
23 O naninirahan sa Lebanon,
    na namumugad sa gitna ng mga sedro,
gayon na lamang ang iyong paghihinagpis kapag dumating sa iyo ang pagdaramdam
    na gaya ng hirap ng isang babaing nanganganak!”

Ang Hatol ng Diyos kay Conias

24 “Habang(D) ako'y buháy, sabi ng Panginoon, kahit pa si Conias na anak ni Jehoiakim na hari ng Juda ay maging singsing na pantatak sa aking kanang kamay, gayunma'y bubunutin kita,

25 at ibibigay kita sa kamay ng mga tumutugis sa iyong buhay, oo, sa kamay ng iyong mga kinatatakutan, maging sa kamay ni Nebukadnezar na hari ng Babilonia, at sa kamay ng mga Caldeo.

26 Itatapon kita at ang iyong ina na nagsilang sa iyo sa ibang lupain na hindi ninyo sinilangan, at doon kayo mamamatay.

27 Ngunit sa lupain na kasasabikan nilang balikan, hindi sila makakabalik doon.”

28 Ito bang lalaking si Conias ay isang hamak na basag na palayok?
    O siya ba'y isang sisidlang hindi kanais-nais?
    Bakit siya at ang kanyang mga anak ay itinatapon,
    at inihahagis sa lupaing hindi nila kilala?
29 O lupa, lupa, lupa,
    pakinggan mo ang salita ng Panginoon!
30 Ganito ang sabi ng Panginoon:
“Isulat ninyo ang lalaking ito bilang walang anak,
    isang lalaki na hindi magtatagumpay sa kanyang mga araw;
sapagkat walang sinuman sa kanyang mga supling ang magtatagumpay
    na luluklok sa trono ni David,
    at maghahari pang muli sa Juda.”

Ang Pag-asa sa Hinaharap

23 “Kahabag-habag ang mga pastol na pumapatay at nagpapangalat sa mga tupa ng aking pastulan!” sabi ng Panginoon.

Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng Israel, tungkol sa mga pastol na nangangalaga sa aking bayan: “Inyong pinangalat ang aking kawan, at itinaboy ninyo sila, at hindi ninyo sila dinalaw. Dadalawin ko kayo dahil sa inyong masasamang gawa, sabi ng Panginoon.

Pagkatapos ay titipunin ko mismo ang nalabi sa aking kawan mula sa lahat ng lupain na aking pinagtabuyan sa kanila. Ibabalik ko sila sa kanilang mga kulungan at sila'y magiging mabunga at darami.

Ako'y maglalagay ng mga pastol na mag-aalaga sa kanila at hindi na sila matatakot, o manlulupaypay pa, o mawawala man ang sinuman sa kanila, sabi ng Panginoon.

“Narito(E) ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon, na ako'y magbabangon para kay David ng isang matuwid na Sanga. At siya'y mamumuno bilang hari at gagawang may katalinuhan, at maggagawad ng katarungan at katuwiran sa lupain.

Sa kanyang mga araw ay maliligtas ang Juda at ang Israel ay tiwasay na maninirahan. At ito ang pangalan na itatawag sa kanya: ‘Ang Panginoon ang ating katuwiran.’

“Kaya't narito, ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon, na hindi na sasabihin ng mga tao, ‘Habang buháy ang Panginoon na nag-ahon sa mga anak ni Israel mula sa lupain ng Ehipto;’

kundi, ‘Habang buháy ang Panginoon na nag-ahon at nanguna sa mga anak ng sambahayan ng Israel mula sa hilagang lupain, at mula sa lahat ng lupain na aking pinagtabuyan sa kanila.’ At sila'y maninirahan sa kanilang sariling lupa.”

Ang Mensahe ni Jeremias tungkol sa mga Propeta

Tungkol sa mga propeta:

Ang puso ko ay wasak sa aking kalooban,
    lahat ng aking mga buto ay nanginginig;
ako'y gaya ng taong lasing,
    gaya ng taong dinaig ng alak,
dahil sa Panginoon,
    at dahil sa kanyang mga banal na salita.
10 Sapagkat ang lupain ay punô ng mga mangangalunya;
    dahil sa sumpa ay tumatangis ang lupain;
    at ang mga pastulan sa ilang ay natuyo.
At ang kanilang lakad ay masama,
    at ang kanilang lakas ay hindi tama.
11 “Sapagkat parehong marumi ang propeta at ang pari;
    maging sa aking bahay ay natagpuan ko ang kanilang kasamaan, sabi ng Panginoon.
12 Kaya't ang kanilang daan ay magiging
    parang madudulas na landas sa kanila,
    sila'y itataboy sa kadiliman at mabubuwal doon;
sapagkat ako'y magdadala ng kasamaan sa kanila,
    sa taon ng pagpaparusa sa kanila, sabi ng Panginoon.
13 At sa mga propeta ng Samaria
    ay nakakita ako ng kasuklamsuklam na bagay;
sila'y nagsalita ng propesiya sa pamamagitan ni Baal,
    at iniligaw ang aking bayang Israel.
14 Ngunit(F) sa mga propeta ng Jerusalem naman
    ay nakakita ako ng kakilakilabot na bagay:
sila'y nangangalunya at lumalakad sa mga kasinungalingan;
    pinalalakas nila ang mga kamay ng mga manggagawa ng kasamaan.
    anupa't walang humihiwalay sa kanyang kasamaan:
Silang lahat sa akin ay naging tulad ng Sodoma,
    at ang mga naninirahan doon, sa akin ay tulad ng Gomorra.”

15 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo tungkol sa mga propeta:

“Narito, pakakainin ko sila ng halamang mapait,
    at binibigyan ko sila ng tubig na may lason upang inumin;
sapagkat mula sa mga propeta ng Jerusalem
    ay lumaganap ang karumihan sa buong lupain.”

16 Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: “Huwag ninyong pakinggan ang mga salita ng mga propeta na nagpapahayag sa inyo na kayo'y pinupuno ng mga walang kabuluhang pag-asa. Sila'y nagsasalita ng pangitain mula sa kanilang sariling isipan, at hindi mula sa bibig ng Panginoon.

17 Patuloy nilang sinasabi sa mga humahamak sa akin, sinabi ng Panginoon, ‘Magkakaroon kayo ng kapayapaan’; at sa bawat isa na may katigasang sumusunod sa kanyang sariling puso ay sinasabi nila, ‘Walang kasamaang darating sa inyo.’”

18 Sapagkat sino ang tumayo sa sanggunian ng Panginoon,
    upang malaman at pakinggan ang kanyang salita,
    o sinong pumansin sa kanyang salita at nakinig?
19 Narito, ang bagyo ng Panginoon
    sa poot ay lumabas,
isang paikut-ikot na unos;
    ito'y sasabog sa ulo ng masama.
20 Ang galit ng Panginoon ay hindi babalik,
    hanggang sa kanyang maigawad at maisagawa
    ang mga layunin ng kanyang pag-iisip.
Sa mga huling araw ay mauunawaan ninyo ito nang maliwanag.

2 Tesalonica 1

Pagbati

Si(A) Pablo, si Silvano, at si Timoteo, sa iglesya ng mga taga-Tesalonica na nasa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo:

Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.

Pasasalamat

Dapat kaming laging magpasalamat sa Diyos, mga kapatid, dahil sa inyo, gaya ng nararapat, sapagkat ang inyong pananampalataya ay lumalagong lubha, at ang pag-ibig ng bawat isa sa inyo para sa isa't isa ay nadaragdagan.

Anupa't ipinagmamalaki namin kayo sa mga iglesya ng Diyos dahil sa inyong pagtitiis at pananampalataya sa lahat ng mga pag-uusig sa inyo at sa mga kapighatiang inyong tinitiis.

Ang Paghatol sa Pagbabalik ni Cristo

Ito ay malinaw na katibayan ng matuwid na paghatol ng Diyos, upang kayo'y ariing karapat-dapat sa kaharian ng Diyos, na dahil dito'y nagdurusa kayo.

Sapagkat tunay na matuwid sa Diyos na gantihan ng kapighatian ang mga nagpapahirap sa inyo,

at kayong mga pinahihirapan ay bigyan ng kapahingahang kasama namin, sa pagkapahayag ng Panginoong Jesus mula sa langit na kasama ang kanyang mga makapangyarihang anghel,

na nasa nagliliyab na apoy, na magbibigay ng parusa sa mga hindi kumikilala sa Diyos at sa mga hindi sumusunod sa ebanghelyo ng ating Panginoong Jesus.

Ang(B) mga ito'y tatanggap ng kaparusahang walang hanggang pagkapuksa at palalayasin sa harapan ng Panginoon at mula sa kaluwalhatian ng kanyang kalakasan,

10 kapag dumating siya sa araw na iyon upang luwalhatiin sa kanyang mga banal, at kamanghaan ng lahat ng mga sumasampalataya, sapagkat ang aming patotoo sa inyo ay pinaniwalaan.

11 Dahil din dito ay lagi naming idinadalangin kayo, na kayo'y ariin ng ating Diyos na karapat-dapat sa pagkatawag sa inyo, at tuparin ang bawat hangarin sa kabutihan at gawa ng pananampalataya na may kapangyarihan,

12 upang ang pangalan ng ating Panginoong Jesus ay luwalhatiin sa inyo, at kayo'y sa kanya, ayon sa biyaya ng ating Diyos at ng Panginoong Jesu-Cristo.

Mga Awit 83

Isang Awit. Awit ni Asaf.

83 O Diyos, huwag kang tumahimik;
    huwag kang manahimik o maging walang kibo, O Diyos!
Sapagkat ang mga kaaway mo'y nagkakagulo,
    silang napopoot sa iyo ay nagtaas ng kanilang mga ulo.
Sila'y naghanda ng mga tusong panukala laban sa iyong bayan,
    sila'y nagsanggunian laban sa iyong mga iniingatan.
Kanilang sinasabi, “Pumarito kayo, bilang isang bansa'y pawiin natin sila,
    upang ang pangalan ng Israel ay huwag nang maalala pa!”
Oo, sila'y nagsabwatan na may pagkakaisa,
    laban sa iyo ay nagtipanan sila—
ang mga tolda ng Edom at ng mga Ismaelita;
    ang Moab at ang mga Hagrita,
ang Gebal, ang Ammon, at ang Amalek;
    ang Filisteo at ang mga taga-Tiro;
ang Asiria ay kumampi rin sa kanila;
    sila ay maging bisig sa mga anak ni Lot. (Selah)

Gawin(A) mo sa kanila ng gaya sa Midian;
    gaya ng kay Sisera at kay Jabin sa ilog ng Kison,
10 na namatay sa Endor;
    na naging dumi para sa lupa.
11 Gawin(B) ang kanilang mga maharlika na gaya nina Oreb at Zeeb;
    lahat nilang mga pinuno na gaya nina Zeba at Zalmuna;
12 na nagsabi, “Angkinin natin para sa ating sarili
    ang mga pastulan ng Diyos.”

13 O Diyos ko, gawin mo silang gaya ng alabok na paikut-ikot,
    parang dayami sa harap ng hangin.
14 Gaya ng apoy na sumusunog ng gubat,
    gaya ng liyab na tumutupok ng mga bundok;
15 kaya't habulin mo sila ng iyong bagyo,
    at takutin mo sila ng iyong buhawi!
16 Punuin mo ang kanilang mga mukha ng kahihiyan,
    O Panginoon, upang hanapin nila ang iyong pangalan.
17 Mapahiya at masiraan nawa sila ng loob magpakailanman;
    malipol nawa sila at mapahiya.
18 Malaman nawa nila na ikaw lamang,
    na Panginoon ang pangalan,
    ang sa buong lupa ay Kataas-taasan.

Mga Kawikaan 25:11-14

11 Ang naaangkop na salitang binitawan,
    ay gaya ng mga mansanas na ginto sa pilak na lalagyan.
12 Tulad ng singsing na ginto, at palamuting gintong dalisay,
    sa nakikinig na tainga ang pantas na tagasaway.
13 Tulad ng lamig ng niyebe sa panahon ng anihan,
    ang tapat na sugo sa kanila na nagsugo sa kanya,
    sapagkat kanyang pinagiginhawa ang espiritu ng mga panginoon niya.
14 Tulad ng mga ulap at hangin na walang ulan,
    ang taong naghahambog ng kanyang kaloob na hindi niya ibinibigay.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001